Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10) Ikaapat na Seksiyon

Ang Saloobin at mga Pagpapamalas ng mga Huwad na Lider Patungkol sa mga Pagsasaayos ng Gawain

Katatapos lang nating magbahaginan tungkol sa kung ano ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa pagdating sa mga pagsasaayos ng gawain. Susunod, pagbabahaginan natin kung ano ang mga pagpapamalas ng mga huwad na lider. Sa mga huwad na lider na nakasalamuha ninyo, ano ang saloobin nila sa mga pagsasaayos ng gawain? Anong mga kilos at pagpapamalas ang ipinapakita nila? Kadalasang nauunawaan ng mga huwad na lider mula sa mga salita ng mga pagsasaayos ng gawain kung ano ang dapat gawin, ang mga partikular na hinihingi ng ang Itaas, at kung ano ang mga partikular na proyekto ng gawain, subalit nauunawaan lang nila ito sa usapin ng doktrina. Hindi pa rin nila nauunawaan o lubusang naiintindihan ang mga partikular na prinsipyo, pamantayan, at landas ng pagsasagawa para sa pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain. Pagkatapos matanggap ang mga pagsasaayos ng gawain, pabasta-basta lang silang gumagawa, nagbabahaginan kung paano gawin ang gawain at kung paano iatas at ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Gayumpaman, gaano man sila magbahaginan, isa lang itong literal at doktrinal na pagkaunawa sa mga pagsasaayos ng gawain. Tungkol naman sa kung paano partikular na ipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain at kung anong mga resulta ang maaaring makamit, pati na kung gaano kaepektibo ang magiging pagpapatupad kung pipili sila ng ilang tao na gagawa sa gawain o pipili ng isang plano para ipatupad ito, o kung kaya bang matugunan ang mga layon at resulta na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, hindi nila namamalayan at hindi malinaw sa kanila ang mga aspektong ito. Kapag ipinatutupad ng mga huwad na lider ang mga pagsasaayos ng gawain, kadalasan ay nagdaraos lang sila ng isang pagtitipon para mangaral ng ilang salita at doktrina, magtalaga ng gawain, magbanggit ng ilan sa mga hinihingi ng Diyos, at pagkatapos ay manghikayat sa lahat na ipahayag ang kapasyahan ng mga ito. Itinuturing nila ito na paggawa ng kanilang trabaho. Naniniwala sila na hangga’t itinalaga na nila ang gawain, itinakda ang isang tao para mangasiwa, at binanggit ang mga resultang hinihingi ng sambahayan ng Diyos, natupad na nila ang kanilang responsabilidad. Pagkatapos ay ganap silang nakakampante, na para bang tapos na ang gawain. Wala silang ideya kung kailan iinspeksyonin ang gawain, kung anong mga problema at paghihirap ang maaaring lumitaw sa gawain, at kung aling mga problema ang kaya at hindi kayang lutasin ng mga nasa ibaba. Hindi rin nila alam kung aling mahahalagang gampanin ang kailangang subaybayan at bigyan ng patnubay. Halimbawa, ang mahahalagang hakbang tulad ng pangangasiwa, panghihikayat, at pag-iinspeksiyon ay hindi kailanman sumasagi sa isipan ng mga huwad na lider. Ang medyo mas mabubuting huwad na lider, na medyo may kaunting konsensiya at ayaw kumain nang libre, ay naniniwala na dapat silang gumawa ng ilang gawain. Dadalawin nila ang iglesia at tatanungin ang mga kapatid kung mayroong anumang problema ang mga ito. May isang kapatid na magsasabi sa kanila, “Kaming magkakapatid ay madalas na may mga hindi pagkakasundo kapag magkakasama kami. Kapag hindi magkakatugma ang mga opinyon namin, walang tigil kaming nagtatalo at nagbubunyag ng pagkamainitin ng ulo.” Sasabihin ng mga huwad na lider, “Madali lang itong lutasin,” at pagkatapos ay magdaraos sila ng isang pagtitipon, kung saan makikipagbahaginan sila: “Ang mga tao ay dapat matuto ng pagtitimpi at pagpapasensiya; ang mga tao ay dapat matutong magpakumbaba, hindi maging mayabang, at matutong magpasakop. Ito ang layunin ng Diyos. Ang sinumang nagbubunyag ng tiwaling disposisyon ay dapat pagnilayan ang sarili at tumanggap ng pagpupungos, hindi mamuhay ayon sa kanyang tiwaling disposisyon.” Pagkatapos nilang pagbahaginan ang lahat ng doktrinang ito, sasabihin nila, “Kayo-kayo na ang mag-asikaso ng mga natitirang isyu. Hindi ako masyadong mahusay sa mga teknikal na usapin. Kahit papaano, idinaos ko ang pagtitipong ito para sa inyo; gawin na lang ninyo ang gawain ayon sa paraang sa tingin ninyo ay naaangkop. Ang susi at mahalagang bagay ay maging tapat sa paggawa ng inyong mga tungkulin at huwag kumapit sa sarili ninyong mga ideya.” Pagkatapos makinig, magninilay-nilay ang mga tao at sasabihin nila, “Ang problema namin ay hindi lang ang pagbubunyag ng katiwalian, pagkamainitin ng ulo, at mga makasariling pagnanais, kundi pati na rin ang kawalan namin ng katiyakan at kalinawan tungkol sa ilang teknikal na isyu, at hindi rin alam kung paano kumilos ayon sa mga prinsipyo. Hindi pa nalulutas ang problemang ito!” Sasagot ang mga huwad na lider, “Magbasa pa kayo ng mga salita ng Diyos. Kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag ninyo, malulutas na rin ang mga isyung ito.” Ang gawain na pinakamahusay ang mga huwad na lider ay ang paglilitanya ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan. Hindi nila pinaghahandaan ang mga malimit na problemang maaaring lumitaw sa gawain. Kapag may nagbabanggit ng isang isyu, iisa lang din ang solusyon nila, at iyon ay ang magpaliwanag gamit ang ilang salita at doktrina, pagkatapos ay ang magbigay ng kaunting panghihikayat o payo, at ang ituring itong tapos na. Hindi sila makapag-isip ng anumang mga partikular na plano at hindi makapagbigay ng wastong patnubay at tulong. Hindi ba’t simple at madali ang gawain ng mga huwad na lider? Saanman sila magpunta, pangangaral lang ang ginagawa nila, na pangunahing nakatuon sa pagsasalita ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan. Medyo karaniwan ang ganitong sitwasyon sa mga lider at manggagawa, hindi ba? Hindi nila kayang magpatupad ng partikular na gawain at hindi sila marunong magsagawa, magpatupad, o sumubaybay sa mga pagsasaayos ng gawain na iniaatas. Hindi nila alam kung ano ang mga responsabilidad nila sa gawain o kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin. Kapag inatasan silang gumawa ng partikular na gawain, sumisigaw lang sila ng mga islogan. Kapag may nagbabanggit ng isang isyu, itinuturing nila itong pagkakataon para magsimulang mangaral. Kapag may nagbanggit ng isang mahalagang isyu na hindi nila kayang lutasin, nauuwi sila sa pagpupungos at pagsaway sa mga tao. Wala silang ibang mga solusyon at hindi talaga nila kayang lutasin ang mga problema at paglihis na lumilitaw sa gawain. Isa itong pangunahing katangian ng mga huwad na lider. May mga huwad na lider din na inaatasang magpatupad ng isang pagsasaayos ng gawain at mag-inspeksiyon sa kung aling mga suliranin ang lumilitaw habang isinasagawa ang gawain—kung kaya nilang lutasin ang mga suliranin, dapat nila itong gawin kaagad; kung hindi nila kaya, maaari silang mag-ipon ng ilang katanungan at maghanap paitaas, at lulutasin ng ang Itaas ang mga ito. Pero ang nangyayari, kapag pumupunta sila sa aktuwal na lugar para lumahok sa gawaing ito, ipinatatawag nila ang lahat para sa mga pagtitipong nagtatagal nang buong araw, at bukod sa pagtuklas sa kung sino-sino ang may mga alitan, sino ang laging nagtatalo, sino ang may hindi gaanong mabuting pagkatao, sino ang may baluktot na pagkaarok, sino ang mayabang at palaging kumakapit sa sarili nitong mga ideya, sino ang matakaw at tamad, sino ang katulad ng mga hindi mananampalataya, at sino-sino ang masasamang tao, hindi nila matukoy ang anumang problema o suliraning lumilitaw sa pagpapatupad ng gawain, ni hindi rin nila makita ang mga isyung ito. Sa tingin ba ninyo ay kayang isakatuparan ng gayong mga lider at manggagawa ang kanilang gawain? (Hindi.) Saan ba may problema? (Masyadong mahina ang kakayahan nila, wala silang abilidad na kumilatis, at hindi nila matukoy ang mga problema.) Gaano karami ng gayong klase ng lider ang nasa paligid ninyo? Kaya bang tumukoy ng mga problema ang mga lider ninyo? Kung iniatas ang isang pagsasaayos ng gawain at ang mga lider at manggagawa ay sumisigaw lang ng mga islogan at nangangaral ng walang anumang partikular na plano o hakbang para maipatupad ang pagsasaayos ng gawain, nang hindi nalalaman kung paano gawin ang gawain, kung gayon, hindi maipatutupad ang gawain. Ito ay nagiging tunay na walang saysay at walang bisa. Ang susi sa kung gaano kahusay na naipapatupad ang isang pagsasaayos ng gawain sa iglesia at kung gaano ito ka-epektibo ay nakasalalay sa kung kayang gumawa ng mga lider at manggagawa ng tunay na gawain. Kung ang mga lider at manggagawa ay may mahusay na kakayahan, kapabilidad sa gawain, at may katapatan, kung gayon, maipapatupad nang maayos ang pagsasaayos ng gawain. Kung ang mga lider at manggagawa ay may mahinang kakayahan, naguguluhan, at walang kapabilidad sa gawain, kung gayon, kahit pa mayroong sinumang may talento sa larangan ng gawain sa loob ng iglesia o kahit gaano pa kahanda ang mga kapatid na gawin ang parte nila, hindi pa rin maipapatupad ang pagsasaayos ng gawain, at mas lalong hindi ito magkakamit ng anumang resulta.

Ang gawain ng mga huwad na lider ay limitado lang sa nakikita ng mga tao sa panlabas. Kahit na talagang nagpapatupad sila ng mga pagsasaayos ng gawain, bilang pormalidad lang ito, nang walang anumang pagsusubaybay o pag-iinspeksiyon pagkatapos. Ang gawain nila ay nananatili lang sa antas ng paggawa nang pabasta-basta; wala itong anumang tunay na puwersa sa likod nito at bigo itong magkamit ng anumang resulta. Halimbawa, sa gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, pagkatapos matanggap ang pagsasaayos na ito ng gawain, nagpapatawag ang isang huwad na lider ng mga tao para sa mga pagtitipon para magbahaginan at sagutin ang iba’t ibang katanungan ng mga tao tungkol sa pagsasaayos ng gawain na hindi nauunawaan ng mga ito. Pagkatapos niyang mangaral ng mga doktrina, at tila nakauunawa naman ang mga tao, iisipin ng huwad na lider, “Naiatas na ang gawain, kaya ano ang dapat kong gawin? Dahil hinihingi ng sambahayan ng Diyos na magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, kailangan ko ring magsulat. Kung hindi ako magsusulat, hindi ba’t magiging mababa ang tingin ng mga tao sa akin bilang lider?” Nagninilay-nilay siya sa bahay tungkol sa kung ano ang isusulat, at pagkalipas ng isang araw, wala pa rin siyang naisusulat. Iisipin niya, “Napakahirap magsulat ng artikulo. Karaniwan, pakiramdam ko ay mayroon akong mga karanasan, pero bakit naglalaho ang mga ito kapag nagsisimula na akong magsulat? Saan napunta ang mga karanasang iyon? Hindi, may mga karanasan naman ako, kaya lang, napipigilan ako ng paraan ng pagsusulat. Palagi kasi akong lumalabas at nakikisalamuha sa mga tao, na nakaaabala sa isipan ko, kaya nahihirapan akong magpokus. Hindi puwedeng palagi na lang akong nakikipagbahaginan at nakikipagtalakayan tungkol sa gawain kasama ang mga tao; kung hindi, palagi na lang lilipad ang isip ko, at hindi ako makasusulat ng artikulo. Kailangan ko ng oras ng katahimikan para maingat na pag-isipan kung paano ito isusulat nang maayos bago ako makapagsusulat.” Ginagawa nilang pangunahing gampanin ang pagsusulat ng mga artikulo at itinuturing na karagdagang gampanin lang ang gawain na dapat ginagawa ng isang lider o manggagawa. Buong araw silang nagsusulat ng mga artikulo sa bahay, hindi sila nagbibigay-pansin sa pagpapatupad ng gawain at hindi nila inaaral o inaarok kung ilang tao sa iba’t ibang iglesia ang kayang magsulat ng mga artikulo o kung mayroon bang mga angkop na tao na gagabay at susuri sa gawain—wala silang ideya tungkol sa mga bagay na ito. Lumilipas ang isang buwan, at bukod sa hindi sila nakapagsulat ng isang artikulo, hindi rin nila alam kung paano na umuusad ang gawaing ito sa iglesia. Ano ang problema rito? Pagkatapos iatas ang pagsasaayos ng gawain, ang ilang lider ng iglesia na may mahinang kakayahan ay hindi marunong gumawa ng tunay na gawain. Katulad ng indibidwal na ito, nangangaral lang sila ng ilang salita at doktrina at sumisigaw ng mga islogan, at iyon na iyon. Hindi mahalaga sa kanila kung handa man ang mga kapatid na magsulat o hindi; hindi hinihikayat o pinapatnubayan ng mga lider ang mga kapatid, lalong hindi nila iwinawasto ang mga ito. At hindi inaalala ng huwad na lider ang gayong mga lider at manggagawa. Nagsusulat ang ilang kapatid ng isang uri ng artikulo, at ang ilan ay sumusulat naman ng ibang uri, pero walang nagsusuri kung ang sinusulat nila ay praktikal at alinsunod sa mga prinsipyo. Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang mga prinsipyo at hindi nila alam kung kanino magtatanong; nagsusulat lang sila dahil sinabihan silang magsulat, sinusunod nila ang mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. May ilan din na may mga karanasan pero hindi nakapag-aral; walang tumutulong sa mga taong ito na mag-edit ng kanilang mga artikulo, at walang gumagawa ng mga pagsasaayos para sa usaping ito. Lumilitaw ang lahat ng uri ng problema, at nasaan ang mga lider at manggagawa? Ano ang ginagawa nila? Sila ay “nakabukod” na nagsusulat ng mga artikulo! Hindi alam ng mga huwad na lider kung ano ang dapat nilang pagkaabalahan o kung anong mga gampanin ang dapat nilang gawin. Ang mga pagsasaayos ng gawain ay ipinatutupad sa iglesia sa iba’t ibang paraan, nang may iba’t ibang pamamaraang ginagamit, at hindi sila nag-uusisa tungkol sa alinman dito. Kapag nahaharap ang mga kapatid sa iba’t ibang problema habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin at iniuulat ang mga problemang ito sa mga huwad na lider, hindi nilulutas ng mga huwad na lider ang mga ito. Bilang resulta, maraming problema at suliranin ang natatambak, at naiipon din ang kung ano-anong uri ng artikulo ng patotoong batay sa karanasan nang walang sinumang nag-eedit, sumusuri, o nagsisiyasat sa mga ito. Gayumpaman, hindi sinusubaybayan o iniinspeksiyon ng mga huwad na lider ang mga isyung ito, at hindi sila mahanap ng mga kapatid kapag may mga problema ang mga ito. Hindi napagtatanto ng mga huwad na lider na responsabilidad nila ang gawaing ito at na dapat nilang subaybayan ang gawaing ito. Hindi ba’t basura sila? (Oo nga.)

Kung paano ipinatutupad ng isang lider o manggagawa ang gawain, gayundin ang kahusayan at mga resulta ng kanyang gawain, ay sumusubok kung siya ba ay pasok sa pamantayan. Sinusubok din nito ang kanyang pagkatao, ang kanyang kakayahan at kapabilidad sa gawain, at kung mayroon ba siyang pagpapahalaga sa pasanin. Kapag nakatatanggap ang mga huwad na lider ng isang pagsasaayos ng gawain, itinuturing nilang tapos na ito pagkatapos nilang makipagbahaginan tungkol dito. Hindi sila nakikilahok, nangangasiwa, nanghihikayat, o nag-iinspeksiyon sa pagpapatupad, ni hindi nila ito sinusubaybayan. Hindi nila naiintindihan na ang mga gampaning ito ang dapat nilang ginagawa; hindi nila naiintindihan na ang mga gampaning ito ang kanilang mga responsabilidad bilang mga lider at manggagawa. Naniniwala sila na ang pagiging lider o manggagawa ay nangangailangan lang ng kakayahang mangaral. Hindi ba’t sila ay mga taong mapurol ang isip? Maaari bang maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa ang mga taong mapurol ang isip? (Hindi.) Hindi sila maaaring maging pasok sa pamantayan bilang mga lider at manggagawa, pero iniisip nila na talagang mahusay sila at naniniwala sila na kaya nilang gawin ang gawain. Hindi ba’t kulang sila sa talas ng pag-iisip? Ni hindi nila maipatupad ang isang simpleng gampanin tulad ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ito ang isa sa mga pinakamadaling gampanin—pakilusin mo lang ang mga may mahusay na kakayahan at karanasan sa buhay para magsulat ng mga artikulo ng patotoo, at pagkatapos ay magsubaybay ka at magbigay ng gabay. Ang ilang lider at manggagawa ay may katamtamang kakayahan at mababang pinag-aralan, at hindi mahusay sa gawaing nakabatay sa teksto, pero puwede silang magtalaga ng mga angkop na tao na mangangasiwa. Sa ganitong paraan, makagagawa pa rin sila ng ilang tunay na gawain. Kung ni hindi nila alam kung anong uri ng mga tao ang itatalaga nila para mangasiwa at magsagawa ng pagsisiyasat, hindi nila magagawa ang gawain at sila ay mga huwad na lider. Sinasabi ng ilang tao, “Maaaring hindi makagawa ng gawaing nakabatay sa teksto ang isang huwad na lider dahil sa mahinang kakayahan at mababang pinag-aralan, pero dapat niyang magawa ang iba pang gawain.” May katuturan ba ang pahayag na ito? (Wala.) Bakit wala itong katuturan? (Ang gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay simple lang. Kung hindi nila ito maipaliwanag nang malinaw o hindi nila maipatupad ang gawain, tiyak na hindi nila kayang pangasiwaan ang iba pang mga gampanin. Hindi nila alam kung paano gawin o subaybayan ang gawain.) Ipinapakita nito na masyadong mahina ang kakayahan nila. Sila ay mga taong mapurol ang isip. Iniisip nila na ang pagiging isang lider o manggagawa ay katulad ng pagiging isang opisyal ng malaking pulang dragon: Hangga’t marunong silang mambola, magyabang, sumigaw ng mga islogan, at magsagawa ng pandaraya, nililinlang ang mga nakatataas sa kanila at nagtatago ng mga bagay-bagay mula sa mga nasa ibaba nila, maaari na nilang itatag ang kanilang sarili at makakukuha na sila ng suweldo ng gobyerno. Hindi nila nauunawaan na ang pinakamahalagang aspekto ng pagiging lider o manggagawa ay ang pagkatutong gumawa ng tunay na gawain. Iniisip nila na napakasimple ng trabaho ng mga lider at manggagawa. Bilang resulta, hindi sila gumagawa ng tunay na gawain at nagiging huwad na lider sila.

Ano pang ibang partikular na mga pagpapamalas mayroon ang mga huwad na lider? Nakikilatis at naaarok ba ng mga huwad na lider ang mga prinsipyo at pamantayang hinihingi sa mga pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Bakit hindi? Hindi nila makilatis kung ano ang mga prinsipyo ng gawaing ito, at hindi nila ito maberipika. Kapag may mga espesyal na sitwasyon na lumilitaw sa panahon ng partikular na pagpapatupad ng gawain, hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Kapag tinatanong sila ng mga kapatid kung ano ang gagawin sa isa sa mga sitwasyong ito, nalilito sila: “Hindi ito nabanggit sa pagsasaayos ng gawain, paano ko malalaman kung paano ito pangangasiwaan?” Kung hindi mo alam, paano mo ipapatupad ang gawaing ito? Hindi mo nga alam pero hinihiling mo pa sa iba na ipatupad ito—makatotohanan ba iyon? Makatwiran ba iyon? Kapag nagpapatupad ang mga huwad na lider at huwad na manggagawa ng mga pagsasaayos ng gawain, sa isang banda, wala silang ideya tungkol sa mga hakbang at plano para sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Sa kabilang banda, kapag naharap sa mga problema, hindi nila kayang magsagawa ng pagbeberipika ayon sa mga prinsipyong hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain. Samakatwid, kapag lumitaw ang maraming iba’t ibang uri ng isyu sa panahon ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ganap na hindi nila kayang lutasin ang mga ito. Dahil sa mga unang yugto, hindi matukoy o mahulaan ng mga huwad na lider ang mga problema at hindi sila nakikipagbahaginan nang maaga, at sa mga huling yugto, kapag lumilitaw ang mga problema, hindi nila malutas ang mga ito kundi nangangaral lang sila ng mga doktrina nang walang kabuluhan at mahigpit nilang ipinapatupad ang mga regulasyon, patuloy na pabalik-balik at nananatili ang mga problema, naaantala ang pagpapatupad ng ilang gawain, at hindi napapatupad nang sapat ang iba pang gawain. Halimbawa, tungkol sa pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos para sa pagpapaalis at pagpapatalsik sa mga tao, kapag isinasagawa ng mga huwad na lider ang gawaing ito, inaalis lang nila ang mga halatang masamang tao, anticristo, at masamang espiritu na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, pati na rin ang mga hindi mananampalataya na kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga kapatid. Gayumpaman, mayroon pa ring ilan na dapat paalisin, at iyon ang mga nakatago, mapanlinlang, tusong masamang tao at anticristo. Hindi sila nakikilatis ng mga kapatid, maging ng mga huwad na lider. Sa katunayan, ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, umabot na ang mga taong ito sa antas ng pagpapaalis. Gayumpaman, dahil hindi nakikilatis ng mga huwad na lider ang mga ito, itinuturing pa rin ng mga huwad na lider ang mga taong ito bilang mabuti at inaangat, nililinang, at ginagamit pa nga ang mga ito para sa mahalagang gawain, na nagpapahintulot sa mga ito na humawak ng kapangyarihan at sumakop ng mahahalagang posisyon sa gawain sa iglesia. Kung gayon, maipapatupad ba ang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos na paalisin at patalsikin ang mga tao? Lubusan bang malulutas ang iba’t ibang problema? Makapagpapatuloy ba nang normal ang gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo? Malinaw na hindi puwedeng lubusang maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at maraming mahalagang gawain ang hindi magagawa nang maayos. Dahil walang anumang katotohanang realidad ang mga taong ginagamit ng mga huwad na lider at kaya pang gumawa ng masasamang gawa, pinipigilan nito ang iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia na maisagawa nang maayos. Ginagamit ng mga huwad na lider ang masasamang taong ito, hinahayaan ang mga ito na gumawa ng mahahalagang tungkulin at umako ng mahalagang gawain sa iglesia, pinapayagan pa nga ang masasamang taong ito na pamahalaan ang mga handog. Makagagambala at makagugulo ba ito sa gawain ng iglesia? Magdudulot ba ito ng mga kawalan sa mga handog sa Diyos? (Oo.) Isa itong napakalubhang kahihinatnan. Dahil hindi makilatis ng mga huwad na lider ang mga taong ito, dahil hindi nila magawang siyasatin ang mga ito, at hinahayaan nilang umako ng mahahalagang gawain ang masasamang taong ito, ganap na pumapalpak ang gawain. Sa paggawa ng mga tungkulin nila, ang masasamang taong ito ay palaging gumagawa nang pabasta-basta, nililinlang ang mga nasa itaas nila at nagtatago ng mga bagay-bagay mula sa mga nasa ibaba nila, at walang ginagawang tunay na gawain; kumikilos sila nang padalos-dalos, inililigaw ang mga tao, at gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa. Gayumpaman, hindi sila makilatis ng mga huwad na lider, at sa oras na mapansin ng mga huwad na lider ang mga problema, nangyari na ang isang malaking sakuna. Halimbawa, sa pastoral na lugar ng Henan, gumamit ng iba’t ibang kasuklam-suklam na paraan ang ilang masamang tao na naging lider para nakawin ang mga handog sa Diyos; nagnakaw sila ng malalaking halaga, at hindi na nabawi ang mga halagang ito. May kaugnayan ba ito sa pagpili at paggamit ng mga lider at manggagawa sa mga maling tao? (Oo.) Ayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung hindi makilatis ang mga piniling tao, puwede silang italaga muna sa paggawa ng ilang simpleng gawain, at maaaring subaybayan ang gawain nila at obserbahan sila sa loob ng ilang panahon. Hindi dapat italaga sa anumang mahalagang gawain ang mga taong hindi makilatis, lalo na kung may kasama itong panganib. Pagkatapos ng matagalang obserbasyon at pagkilatis sa diwa nila, saka lang dapat gumawa ng mga desisyon kung paano sila tatratuhin at pangangasiwaan. Hindi gumagawa ang mga huwad na lider ayon sa mga pagsasaayos ng gawain at hindi nila kayang arukin ang mga prinsipyo; higit pa rito, hindi nila kayang makilatis ang mga tao at ginagamit nila ang mga maling tao. Humahantong ito sa mga kawalan sa gawain ng iglesia at sa mga handog sa Diyos. Ito ang kalamidad na dulot ng mga huwad na lider. Sinasadyang gamitin ng mga anticristo ang masasamang tao, samantalang ang mga huwad na lider ay magulo ang isip, hindi nila makilatis ang sinuman, at hindi rin nila malinaw na maunawaan ang diwa ng anumang problemang natutukoy nila. Gumagamit at nagtatalaga sila ng mga tao batay lamang sa kanilang mga damdamin. Karamihan sa mga taong isinasaayos ng mga huwad na lider ay hindi angkop; nagsasanhi sila ng mga kawalan sa gawain ng iglesia, nang may mga kahihinatnan na kapareho sa sadyang paggamit ng mga anticristo ng masasamang tao. Ang mga huwad na lider, na may mahinang kakayahan at walang abilidad gumawa ng gawain, ay nagdudulot din ng masyadong mabibigat na resulta, hindi ba? (Oo.) Kaya, huwag isipin na ang mga anticristo lang ang lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain; ang mga huwad na lider ay maaaring lumabag din sa mga pagsasaayos ng gawain. Kahit hindi ito sinasadya, ang kalikasan nito sa huli ay isa pa ring paglabag sa mga pagsasaayos ng gawain. Ang mga huwad na lider, dahil sa kawalan ng pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo at kawalan ng kakayanang makilatis ang mga tao o mga bagay-bagay, ay nauuwi sa paglabag sa mga pagsasaayos ng gawain at sa kawalan ng kakayanang gumampan ng tunay na gawain. Inaantala nito ang gawain ng iglesia at pinipinsala ang mga hinirang ng Diyos. Ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanilang mga kilos ay kapareho ng sa mga anticristong gumagawa sa gawain, na nagdudulot din ng mga kawalan sa gawain ng iglesia at pumipinsala sa buhay pagpasok ng mga kapatid.

Ang mga huwad na lider, kapag gumagawa ng gawain at nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ay pabasta-basta lang na gumagawa at nagiging sanhi ng ganap na kapalpakan ng mga bagay-bagay. Sila ay sobrang mapagmagaling at hindi kailanman naghahanap o nakikipagbahaginan, hangal nilang iniisip na mayroon silang mahusay na kakayahan; nangangahas silang gumawa ng aksiyon, at mahusay silang magsalita. Dahil inihalal sila ng mga kapatid o pansamantala silang inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos, iniisip nila na pasok sila sa pamantayan bilang mga lider at na kaya nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad. Ang hindi nila alam, wala silang kuwenta, at hindi nila kayang tuparin ang alinman sa mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Wala silang panukat sa sarili nilang mga kakulangan; walang kahihiyan silang mapangahas na gumagawa ng mga bagay-bagay. Bilang resulta, pagkatapos iatas ang iba’t ibang pagsasaayos ng gawain, hindi nila kayang ipatupad ang mga ito ayon sa mga hinihingi mula sa ang Itaas. Ang bawat pagsasaayos ng gawain na pinangangasiwaan nila ay nauuwing ganap na palpak at lubusang magulo. Mahina ang pagpapatupad nila ng gawaing administratibo; hindi malinaw sa kanila kung ilang bagong mananampalataya ang nakamit sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo, kung paano magtatag ng mga iglesia, pumili ng mga lider at diyakono, at kung paano magsagawa ng buhay iglesia. Pagdating sa kung sino ang may pinakamaraming resulta sa pangangasiwa ng gawain ng ebanghelyo, kung sino ang pinakaepektibong nagpapatotoo, kung sino ang pinakaangkop na magdilig sa iglesia, kung sinong mga lider ng pangkat ang dapat iayos ang mga tungkulin o tanggalin dahil sa pagiging iresponsable, at kung paano lutasin ang mga problemang lumilitaw sa ilang aspekto ng gawain, hindi malinaw sa mga huwad na lider ang tungkol sa lahat ng partikular na gampaning ito, at ganap silang pumapalpak sa kanilang gawain. Hinggil sa iba’t ibang propesyonal na gampanin sa iglesia na nangangailangan ng mas mataas na antas ng teknikal na kadalubhasaan, ganap din na pumapalpak ang mga huwad na lider sa mga ito. Wala silang ideya kung paano partikular na isagawa ang mga gampaning ito. Kahit na gusto nilang mag-usisa tungkol sa mga ito, hindi nila alam kung paano ito gagawin. Gusto nilang tanungin ang ang Itaas kung paano harapin ang mga gampaning ito, pero ni hindi nila alam kung paano sasabihin ang kanilang mga katanungan. Dahil dito, hindi magagawa ang gawain. Maging ang simpleng gampanin ng pamamahala sa mga pag-aaring kinakailangan ng mga pagsasaayos ng gawain—pagtatalaga ng mga angkop na tao para mangalaga at magtalaga ng mga pag-aari, at pagtatatag ng iba’t ibang sistema—ay isang bagay na hindi kayang pangasiwaan ng mga huwad na lider. Ganap silang pumapalpak dito. Ang mga huwad na lider ay lubos na nalilito sa bawat gampaning pinangangasiwaan nila. Kapag tinanong kung naipatupad ba nila ang mga pagsasaayos ng gawain, may pagmamalaki at kumpiyansa nilang sinasabi, “Oo, naipatupad ko na. May kopya ng mga pagsasaayos ng gawain ang lahat, at alam ng lahat kung anong gawain ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos.” Kung tatanungin mo sila kung paano nila ito ginawa, na ipaliwanag nila ang mga partikular na hakbang ng gawain, kung aling mga gampanin ang hindi gaanong nagawa nang maayos, kung aling mga gampanin ang mas maayos na nagawa, kung nagawa ba nang tama ang bawat gampanin, kung aling mga gampanin ang kailangang patuloy na subaybayan at inspeksiyonin, at kung mayroon bang mga problemang natuklasan pagkatapos ng pag-iinspeksiyon, wala silang kaalam-alam tungkol sa lahat ng ito. Ang ilang huwad na lider, mula nang maging lider sila, ay hindi man lang alam kung ano ang mga gampaning kailangan nilang gawin o kung ano ang saklaw ng kanilang responsabilidad. Hindi ba’t lalo pa itong nakakaabala? Sa kasalukuyan, karamihan ba sa mga lider at manggagawa ay may ganitong problema sa iba’t ibang antas? (Oo.)