Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10) Ikalawang Seksiyon
Pagbabahaginan sa Kung Paano Magpatupad ng mga Pagsasaayos ng Gawain Nang may Halimbawa
Tungkol sa kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain mula sa ang Itaas, magbigay tayo ng partikular na halimbawa. Halimbawa, sabihin nating hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain na magsulat ang mga tao ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Isa itong partikular na gampanin na sumasaklaw sa maraming iba’t ibang aspekto at isang pangmatagalan at nagpapatuloy na gampanin, hindi isang pansamantalang pagsasaayos ng gawain. Kaya, pagkatapos iatas ang pagsasaayos na ito ng gawain, ano ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Ayon sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa, kung saan hinihingi sa kanilang magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at inspeksiyonin at subaybayan ang estado ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ang unang kailangang gawin ng mga lider at manggagawa ay ang makipagbahaginan sa mga lider ng pangkat at mga superbisor tungkol sa kung paano partikular na isasakatuparan ang gampaning ito nang naaangkop at sa paraang nagbubunga ng mga resulta, tinitiyak na ang lahat ay may landas at mga prinsipyo na susundin para sa gawaing ito. Sa pamamagitan lamang ng pagbabahaginan sa ganitong antas magagawa nang maayos ang gawain. Una, tiyakin na nauunawaan ng lahat ang mga pamantayang hinihingi ng ang Itaas para sa pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo at kung anong uri ng mga artikulong patotoo ang hinihingi. Una, itatag ang partikular na nilalaman, mga prinsipyo, at saklaw ng mga artikulong ito, at tiyakin na alam ito ng lahat ng lider at manggagawa. Dagdag pa rito, magbigay ng partikular na pagbabahagi at patnubay tungkol sa haba, format, paksa, at estilo ng wika ng mga artikulo—halimbawa, ipaalam sa kanila na ang mga artikulo ay maaaring isulat bilang isang salaysay, talaarawan, personal na kuwento, prosang tula, at iba pa. Hindi ba’t ito ay pagbibigay ng patnubay? (Oo.) Pagkatapos magbigay ng patnubay, malalaman ng lahat ang partikular na konsepto at depinisyon ng mga artikulo ng patotoo na kailangan nilang isulat. Kasunod niyon, tukuyin kung sino ang may kakayahan at karanasan na magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, at kung sino ang walang malalim na karanasan at kaya lamang magsanay sa pagsusulat ng mga karaniwang artikulo ng patotoo. Kailangang maging napakalinaw sa mga lider ng iglesia ang mga sitwasyong ito. Kapag naisulat na ang mga artikulo, irebyu ang mga ito para tingnan kung ang mga ito ay tunay at nakapagpapatibay. Kung pasok sa pamantayan ang mga ito, maaaring gamitin ang mga ito bilang mga halimbawang artikulo para basahin at gawing sanggunian ng mga kapatid na hindi pa nakapagsulat ng mga artikulo o hindi marunong magsulat ng mga ito. Kung may sinumang may mga karanasan at handang magsulat ng mga artikulo ng patotoo, dapat niyang sundin ang mga prinsipyo at hinihingi, ibahagi ang mga nilalaman ng kanyang puso at magsalita ng mga praktikal na salita para mapatibay nila ang mga mambabasa. Kung ang ilang tao ay hindi magaling sa pagsusulat ng mga artikulo at kaya lang magsulat ng simpleng salaysay ng mga pangyayari, ano ang dapat gawin sa kanila? Kahit hindi pasok sa pamantayan ang kanilang mga artikulo, dapat pa rin silang magsanay. Dapat silang magsulat ng mga artikulo tungkol sa kanilang tunay na pagkaunawa at pagpapahalagang nakamit mula sa pagdanas sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos i-edit at irebyu ang mga artikulong ito, kung ang nilalaman ay pasok sa pamantayan ng mga artikulo ng patotoo, kung gayon, balido ang gayong mga artikulo. Anuman ang estilo ng pagkasulat sa artikulo, at anuman ang porma nito—isinulat man ito bilang isang salaysay o talaarawan—basta’t kapaki-pakinabang at nakapagpapatibay ito sa mga mambabasa, maaari itong isulat. Mayroon ding ilang tao na mababa ang antas ng pinag-aralan na mayroong ilang patotoong batay sa karanasan pero hindi marunong magsulat ng mga artikulo ng patotoo. Ano ang dapat gawin sa gayong mga kaso? Maaari nilang isalaysay nang pasalita ang kanilang mga karanasan, at ang isang taong may mas pinag-aralan ay maaaring tumulong sa kanila na magtala ng kanilang mga karanasan at pagkatapos ay ipahayag nang tumpak ang mga ito nang ayon sa tunay na pagpapakahulugan ng taong iyon, ini-edit ito para maging isang artikulo ng patotoong pasok sa pamantayan. Balido rin ang gayong mga artikulo. Upang simulan ang gawaing ito, una ay makipagbahaginan kung ano ang isang artikulo ng patotoo at ang format nito. Pagkatapos, gumawa ng mga partikular na hinihingi at mga pagsasaayos para sa mga taong may iba’t ibang antas ng pinag-aralan, iba’t ibang edad, at iyong may iba’t ibang karanasan at tayog. Pasulatin muna ng ilang artikulo iyong may mga karanasan. Samantala, tukuyin ang mga indibidwal sa iglesia na naaangkop pumatnubay sa mga kapatid sa pagsusulat ng mga artikulo at na mga naaangkop sa pag-e-edit at pagsusuri ng mga artikulo para isagawa ang mga partikular na gampaning ito. Nagbibigay ito ng paunang pagsasaayos para sa gawaing ito. Ang pagsasaayos ba sa ganitong paraan ay nangangahulugan na ganap nang naipatupad ang gawain at maaari na ninyo itong iwanan? Hindi, pagbibigay pa lang ito ng partikular na direksiyon, tulong, at mga plano ng pagpapatupad batay sa mga hinihingi ng pagsasaayos ng gawain. Ano ang sunod na dapat gawin ng mga lider at manggagawa? Dapat ninyong pangasiwaan ang gawain. Dapat ba na may target ang pangangasiwang ito? Ang pangangasiwa ay hindi random na pagsusuri sa isang lugar; kailangan nitong magkaroon ng pangunahing target. Kailangan ninyong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa kung sino ang kailangang pangasiwaan at kung aling mga yugto ng gawain ang nangangailangan ng pangangasiwa. Halimbawa, kung ang isang partikular na sister ay lider ng iglesia na karaniwang hindi masigasig sa kanyang gawain, mahilig siyang magyabang, ambisyosa pero wala namang kakayahan, may tendensiyang manlinlang sa mga nakatataas sa kanya at magtago ng mga bagay-bagay sa mga nakabababa sa kanya, nagsasalita sa paraang talagang magandang pakinggan, at may tendensiyang maging pabaya sa kanyang gawain, kinakailangan niyang mapangasiwaan sa kanyang gawain. Hindi ninyo siya maaaring lubos na pagkatiwalaan. Ang unang hakbang, kung gayon, ay inspeksiyonin ang kanyang gawain at tingnan kung kumusta ang takbo ng pagpapatupad niya sa mga pagsasaayos ng gawain. Ito ba ay pabasta-basta lang na pangangasiwa sa mga tao? (Hindi.) Kinakailangan ito para sa gawain sapagkat napakahalaga ng gawaing ito, at ang mga nagsasagawa ng ganitong uri ng gawain ay dapat na maaasahan. Kung hindi sila gumagawa ng mga partikular na gampanin at hindi sila mapagkakatiwalaan, ang bulag na pagtitiwala sa kanila ay makakaantala sa gawain ng iglesia, at magiging pabaya ka rin sa iyong responsabilidad. Sa gayong mga tao, hindi ka puwedeng magpadala sa kung gaano kaganda pakinggan ang mga salita nila o kung gaano nila kalakas na ipinapahayag ang kanilang dedikasyon; sa totoo lang, magaling lang silang magsalita pero wala silang ginagawang makabuluhan kapag walang nakatingin. Ang gayong mga tao ang tiyak na mga target ng pangangasiwa. Sa pamamagitan ng pangangasiwa, obserbahan kung nagsisi ba sila. Kung hindi pa, tanggalin sila kaagad at huwag nang mag-aksaya ng lakas sa kanila. Sa katunayan, dapat kang magsubaybay, mangasiwa, at magbigay ng gabay sa karamihan ng mga lider at manggagawa. Para sa iyong mga kayang gumawa ng tunay na gawain at may pagpapahalaga sa responsabilidad, kung ito ay gawaing alam nilang gawin, hindi na kailangan ng pangangasiwa. Gayumpaman, para sa isang gawaing bago o mahalaga, kinakailangan pa rin ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pagbibigay ng gabay. Masasabi na ang pangangasiwa at pagsusubaybay sa ganitong gawain ay ang trabaho ng mga lider at manggagawa. Ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pagbibigay ng gabay ay hindi tungkol sa kawalan ng tiwala, bagkus, ito ay pagtitiyak sa maayos na pag-usad ng gawain. Dahil may iba’t ibang pagkukulang ang mga tao, at higit pa roon, mayroon silang iba’t ibang tiwaling disposisyon, kung hindi magsasagawa sa ganitong paraan, imposibleng matiyak na maayos na magagawa ang gawain. Ang mga bago-bagong naiangat para gumawa ng gawain ay nangangailangan ng mas higit na pagsusubaybay, pangangasiwa, at paggabay. Ito ay isang partikular na gampanin na kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa. Kung hindi mo isinasagawa ang pagsusubaybay, pangangasiwa, at pagbibigay ng gabay, maraming gampanin ang hindi magagawa nang maayos, at ang ilang gawain ay maaari pa ngang pumalpak o mahinto. Isa itong napakakaraniwang pangyayari. Sa partikular, ang mga lider at manggagawa na hindi naghahangad sa katotohanan ay mas lalong nangangailangan ng pangangasiwa. Sa iba naman, maaaring maipatupad nang maayos ang gawain, ngunit sa gayong mga tao, hindi tiyak kung maipapatupad ba ang gawain o kung gaano kaayos ito maipapatupad, at lalong mahirap masabi kung maipapatupad ba ito ayon sa pagsasaayos ng gawain. Ang gayong mga tao ay hindi gaanong maaasahan sa kanilang gawain. Kung pagkakatiwalaan mo sila nang hindi pinangangasiwaan ang kanilang gawain, sa esensiya, ito ay pagiging pabaya at iresponsable sa gawain. Sa gayong mga tao, kailangan mong magsubaybay at mangasiwa, at makibahagi sa gawain ng kanilang iglesia. Kung ayaw ka nilang papuntahin o hindi ka nila malugod na tinatanggap, ano ang dapat mong gawin? Maaari mong sabihin, “Lulunukin ko na lang ang pride ko at pupunta pa rin ako.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Hindi nila personal na teritoryo iyon; isa itong iglesia, at saklaw ito ng responsabilidad mo. Hindi mo pinatatagal ang pananatili mo sa kanilang bahay para maging palamunin; pumupunta ka sa isang iglesia para gumawa. Hindi ito tungkol sa paglunok mo sa iyong pride. Bagama’t sila ay lider, hindi kanila ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ito ay dahil iresponsable at hindi sila tapat sa kanilang gawain kaya kailangan mong subaybayan at pangasiwaan ang gawain nila. Kaya, ano ang dapat mong gawin kapag pumunta ka roon? Una, tanungin sila kung sino sa iglesia ang may mga karanasan sa buhay at kayang magsulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan, kung sino ang higit na tumutuon sa paghahangad sa katotohanan, kung sino ang higit na tumutuon sa pagsusulat ng mga talaarawan at mga tala ng espirituwal na debosyon, kung sino ang tumutuon sa pagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa mga pagtitipon, at kung sino ang may pinakamaraming patotoong batay sa karanasan. Hayaan silang ituro muna ang mga taong ito. Kung magbibigay sila ng ilang kapatid, sinasabi na ang mga ito ang higit na tumutuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, may kaliwanagan at pagtanglaw mula sa Banal na Espiritu, madalas na nagsusulat ng mga tala ng espirituwal na debosyon, nakatuon sa pagsasagawa sa katotohanan kapag nahaharap sa mga sitwasyon, at madalas na nagbabahagi ng mga patotoong batay sa karanasan na gustong pakinggan ng iba, kung gayon, dapat kang makipagtagpo at makipagbahaginan sa mga kapatid na ito. Dagdag pa rito, tiyak na may ilang tao sa iglesia na mababa ang pinag-aralan at hindi makapagsulat ng mga artikulo pero may mga praktikal na karanasan. Ang mga taong ito ay nangangailangan ng patnubay at pagsasanay, at maaari mong isaayos ang mga marunong magsulat ng mga artikulo na tulungan sila sa loob ng ilang panahon. Kasabay nito, pumili ng isang tao na magiging responsable sa pagpapatupad ng partikular na gawain ng pagsusulat ng hinirang na mga tao ng Diyos ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan. Ang taong ito ang mangangasiwa sa pagkolekta, pag-e-edit, pagrerebyu, at pagsusumite ng mga natapos na artikulo. At ano ang dapat gawin ng lider ng iglesia? Ipangasiwa at ipasubaybay sa kanila ang mga gampaning ito. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Dahil mayroon nang lider ng iglesia, bakit kailangan pa nating pumili ng ibang tao para mangasiwa? Hindi ba’t kalabisan na iyon?” Kalabisan ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? Ito ay dahil hindi gumagawa ng tunay na gawain ang lider ng iglesiang ito at lubha siyang hindi maaasahan kaya kailangan mong pumili ng ibang tao para partikular na maging responsable para sa gawaing ito. Kung maaasahan ang lider ng iglesia, magagawa niyang matatag na isakatuparan ang gawain pagkatapos matanggap ang pagsasaayos ng gawain, at hindi mo na kakailanganing pangasiwaan siya nang ganito. Ang pagpili sa isang tao na mangasiwa ay hindi para isantabi ang lider ng iglesia, kundi para magkamit ng mas magagandang resulta sa gawain. Kung hindi mo pipiliin ang taong ito, maaaring mabigo ang gawain, at walang katiyakan kung kailan ito matatapos o magbubunga ng mga resulta.
Ang layunin ng mga lider at manggagawa sa pakikilahok sa gawain ng iglesia ay ang akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na praktikal na danasin ang gawain ng Diyos. Bukod sa dapat nilang gawin nang maayos ang tungkulin nila, dapat din nilang tulungan at akayin ang hinirang na mga tao ng Diyos na isakatuparan ang lahat ng gawain ng iglesia ayon sa mga pamantayang hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain. Tanging ang mga lider at manggagawa na gumagawa nito ang umaayon sa mga layunin ng Diyos. Pero kung hindi ka partikular na nakikilahok sa gawain, at hindi ka nagsasagawa ng pangangasiwa sa mga lider at manggagawang hindi gumagawa ng tunay na gawain, maaaring mauwi sa wala ang mga resulta ng mga gampaning ito ng iglesia, dahil nasira ng mga huwad na lider ang mga ito. Kung malinaw mong nauunawaan ang sitwasyon ng isang partikular na iglesia, at alam mo sa puso mo na iresponsable ang mga lider ng iglesiang ito, pero hindi ka maagap na nagsusubaybay at nagbibigay ng gabay, hindi ba’t pagpapabaya ito sa responsabilidad? Para sa ganitong klase ng gawain, kung partikular kang nagsubaybay at nakilahok, at isinaayos mo kapwa ang superbisor at mga tao na gawin ang gawain, kaagad ka na bang makakaalis? (Hindi.) Pinakamainam na magsubaybay sa loob ng ilang panahon. Sa panahon ng pagsusubaybay, sa isang banda, maaari mong hikayatin at patnubayan ang mga lider ng iglesia na aktibong gawin ang gampaning ito. Dagdag pa rito, maaari kang magkaroon ng tumpak na pagkaunawa sa sitwasyon ng gawain ng mga taong isinaayos mo, at kasabay nito, maaari kang magbigay ng agarang mga pagwawasto at tulong para sa anumang problemang kinakaharap nila sa anumang oras. Kung aalis ka nang masyadong maaga, at babalik para pangasiwaan at lutasin ang mga problema kapag lumilitaw ang mga ito, maaantala nito ang gawain. Sa kabuuan, para sa partikular na gawaing ito, bukod sa pakikilahok sa pagsasaayos sa mga tauhan at sa superbisor, pinakamainam na magsubaybay rin sa loob ng ilang panahon para makita kung anong mga problema ang lumilitaw sa panahon ng kanilang gawain. Sa isang banda, pangasiwaan kung tinutupad ba ng mga lider ng iglesia ang kanilang responsabilidad; sa kabilang banda, tingnan kung paano ginagampanan ng mga tauhan ang gawain. Dahil karamihan ng tao ay hindi pa nakagawa ng ganitong gawain dati, at hindi batid ang mga problemang maaaring lumitaw, patuloy mong matutuklasan ang ilang hindi batid na isyu habang lumalahok ka sa gawaing ito. Siyempre, pinakamainam din na makapagbigay ng mga solusyong nasa oras. Ang pananatili sa aktuwal na lugar, pangangasiwa, at pagsusubaybay ay ang mga pinakamainam na pagsasagawa. Huwag maging pabaya na iniraraos lang ang gawain at sabihing tapos na iyon. Ito ay isang gawaing ginawa para sa isang espesyal na sitwasyon, nagbibigay ng kaunting tulong at patnubay. Pagkatapos lutasin ang mga problema, subaybayan ang gawain nila sa loob ng ilang panahon. Nakikita mo na may ilang artikulo na ang naisulat, at mayroong maraming klase ng mga artikulo, na tumatalakay sa iba’t ibang isyu at sumasaklaw sa iba’t ibang paksa—ang ilan ay tungkol sa mga karanasan ng pang-uusig ng CCP, ang ilan ay tungkol sa mga karanasan ng pang-uusig ng pamilya, ang ilan ay kung paano nauunawaan ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila, o kung paano nalulutas ang iba’t ibang tiwaling kalagayang ipinapakita ng mga tao habang ginagawa ang mga tungkulin nila, at iba pa. Kailangang marebyu ang lahat ng artikulong ito ng patotoo para matiyak na ganap na umaayon ang mga ito sa mga katunayan at tunay na nakakapagpatibay sa mga tao bago maaprubahan at gawing mga video ang mga ito. Kapag umabot na sa ganitong antas ang gawain, makikita mo na ang mga resulta. Pinatutunayan nito na, sa mga paunang kondisyon, ang mga tauhan at ang superbisor na isinaayos mo para sa gawaing ito ay medyo naaangkop. Sunod, kung kaya nilang tapusin ang gawaing ito nang sila lang, naaangkop na umatras ka. Nakakatanggap din ba ng pagpapatibay ang mga lider at manggagawa na gumagawa sa ganitong paraan? Mas nakapagbibigay-kasiyahan ba ito kaysa sa pagdadaldal lang ng puro teorya buong araw at pag-aaksaya ng oras? (Oo.) Ang ganitong uri ng gawain ay may malalaking gantimpala. Sa isang banda, natututo kang lutasin ang mga aktuwal na problema. Sa kabilang banda, natutupad mo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Dagdag pa rito, ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay hindi natatapos sa antas ng mga salita at doktrina; sa halip, higit mong nagagamit ang katotohanan sa tunay na buhay. Sa ganitong paraan, nagkakamit ng praktikal na karanasan ang mga tao, at nagiging mas kongkreto at praktikal ang pagkaunawa nila sa katotohanan.
Pagkatapos mapatnubayan sa ganitong antas ang inisyal na proyekto ng gawain ng isang iglesia at magkamit ng mga paunang resulta, anong gawain ang dapat kasunod na gawin ng mga lider at manggagawa? Tapos na ba ang trabaho mo kapag natapos na ang isang inisyal na proyekto? Mayroon pa bang karagdagang gawain na kailangan mong gawin? Napakarami pa ring gawain! Pagkatapos mapatnubayan ang gawain ng iglesiang ito, tingnan kung alin pang gawain ng iglesia ang nangangailangan ng nakatuon na pamamatnubay, at pagkatapos ay pumunta sa iglesiang iyon at patuloy na magbigay ng patnubay. Dahil mayroon ka nang kaunting karanasan sa gawain at naarok mo na ang ilang katotohanang prinsipyo, magiging mas madali na muling magbigay ng patnubay sa gawain. Siyempre, ayon sa mga hakbang ng gawain na tinalakay kanina, dapat mo munang suriin kung pasok sa pamantayan ang mga napiling tauhan, kung angkop ba sila para sa gawaing ito, at kung ang kanilang kakayahan, pagkatao, antas ng edukasyon, antas ng paghahangad sa katotohanan, saloobin sa kanilang tungkulin, at pagkaunawa sa katotohanan, pati na ang iba pang mga aspekto, ay medyo ideyal, at kung sila ba ay mga medyo pinakamahuhusay na indibidwal. Sa pamamagitan ng ilang panahon ng pangangasiwa at pag-iinspeksiyon sa gawain, magkakaroon ka ng pagkakataong matuklasan na ang ilang lider at manggagawa o superbisor ay hindi pasok sa pamantayan. Halimbawa, ang ilang tao ay may mahinang kakayahan at hindi kayang gawin ang gawain. Ang iba naman ay may baluktot na pagkaarok, mga maling pananaw, walang normal na pag-iisip, at walang espirituwal na pang-unawa. Kaya lang nilang sumuri ng teksto ng mga artikulo batay sa kanilang akademikong kaalaman, pero mangmang sila pagdating sa pagiging angkop ng mga partikular na espirituwal na termino at sa kaangkupan ng pagsisipi ng mga salita ng Diyos; hindi nila kayang makilatis ang mga bagay na ito kahit kaunti, na nagpapakita na hindi angkop ang pagpili sa kanila at na dapat silang palitan kaagad. Samantala, napipili pa rin ang iba bilang mga superbisor, at bagama’t kaya nilang gumawa ng ilang gawain, mas magagandang resulta ang natatamo kapag nagsusulat sila ng mga artikulo nang mag-isa. Kapag hiniling sa kanila na maglingkod bilang mga superbisor, wala silang oras na magsulat kapag nagiging abala sila sa kanilang gawain, at hindi nila nagagawa nang talagang maayos ang gawain ng isang superbisor. Hindi sila mahusay sa pagbibigay ng patnubay, pag-iinspeksiyon ng gawain, o pagwawasto ng mga problema, pero mas magaling sila sa paggampan ng iisa at partikular na gampanin. Kaya, ang pagpili sa gayong indibidwal para maging superbisor ay hindi angkop, at dapat pumili ng ibang kandidato. Samakatwid, kapag nag-iinspeksiyon at nagsusubaybay ang mga lider at manggagawa sa isang partikular na gampanin, hindi sapat ang magtanong lang at mag-usisa para alamin kung nauunawaan ba ng superbisor ang mga prinsipyo. Kailangan mo ring obserbahan kung ano ang pagkatao ng naturang tao, at kung angkop ba sa paggawa ng tungkuling ito ang kanyang kakayahan, abilidad na umarok, at tayog. Kung ibinubunyag ng pag-iinspeksiyon ang mga tauhang hindi pasok sa pamantayan, kailangang maagap na gumawa ng mga pagsasaayos. Ito ang kaakibat ng pag-iinspeksiyon sa gawain.
Para maipatupad ang gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, kailangan ding matuto ang mga lider at manggagawa na suriin ang mga artikulo at magbigay ng gabay at pagsisiyasat para sa gawain ng pagsusulat ng mga artikulo, bukod pa sa pag-iinspeksiyon kung angkop ba ang superbisor ng gawaing ito. Ang mga artikulong isinulat nang partikular at praktikal ay maaaring gamitin bilang mga halimbawa. Ang mga artikulong isinulat nang mababaw at hindi praktikal, na walang halaga at hindi nakakapagpatibay sa mga tao, ay dapat direktang alisin. Sa ganitong paraan, malalaman ng mga kapatid kung aling klase ng mga artikulo ang may halaga at aling klase ang walang halaga, at sa hinaharap, hindi na sila magsusulat ng mga artikulong walang halaga, kaya, maiiwasan ang pag-aaksaya ng lakas at oras. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng halaga ang gawain mo. Kapag pumunta ka para inspeksiyonin ang gawain, kailangan mong suriin ang iba’t ibang uri ng artikulo ng patotoong batay sa karanasan na isinulat nila para makita kung nahaluan ba ng anumang karumihan o kasinungalingan at kung nakakapagpatibay ba ang mga artikulo o hindi. Kailangan mo munang siyasatin ang mga bagay na ito. Kapag nagsisiyasat ka, hindi ba’t natututo ka rin? (Oo.) Habang natututo ka, mas magiging mahusay ka sa paggawa ng gawaing ito. Ipagpalagay nang hindi ka nag-iinspeksiyon, hindi mo sineseryoso ang mga bagay-bagay, at iresponsable ka, at iniraraos mo lang ang gawain, pakay mo lang na tapusin ang trabaho at pagkatapos ay mag-ulat sa mga nakatataas sa iyo na tapos na ito, iniisip na, “Ano’t anuman, maraming tao sa iglesia namin ang kayang magsulat ng mga artikulo ng patotoo. Pagkatapos nilang magsulat, isusumite ko ang lahat ng ito. Ano naman kung pasok sa pamantayan ang mga ito o hindi? Basta’t alam lang ng mga nakatataas na lider na marami akong nagawang gawain, na naipatupad ko ang mga pagsasaayos ng gawain, at naging abala ako, sapat na iyon!” Responsableng saloobin ba ito? (Hindi.) Ito ay pagiging iresponsable. Kung inaako mo ang responsabilidad, kailangan munang ikaw mismo ang magsiyasat sa mga bagay-bagay. Ang anumang artikulong isinumite sa pamamagitan mo ay kailangang pasok sa pamantayan; dapat sabihin ng sinumang nagbabasa nito na nakakapagpatibay ito at dapat maging handa siyang basahin ito. Ito lang ang masasabing pagtupad sa responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Ang pag-inspeksiyon sa gawain ay hindi tungkol sa pagraos lang ng gawain, pagsigaw ng mga islogan, pangangaral ng mga doktrina, o di-makatwirang pagsesermon sa mga tao. Ito ay tungkol sa pag-iinspeksiyon sa kahusayan at mga resulta ng gawain, pag-iinspeksiyon kung ang gawaing nagawa mo ay pasok sa pamantayan, kung nakakamit ba nito ang mga resulta ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain, kung natutugunan ba nito ang mga hinihingi ng Diyos, kung aling mga aspekto ang pasok sa pamantayan at alin ang hindi—ang mga ito ang mga bagay na dapat inspeksiyonin. Kabilang dito ang paggawa ng partikular na gawain, at nauugnay ito sa kakayahan ng mga tao—kung sila ba ay may espirituwal na pang-unawa, kung gaano karaming katotohanan ang nauunawaan nila, kung gaano karaming katotohanang realidad ang taglay nila—at sa abilidad nilang tingnan ang mga bagay-bagay. Kung marunong kang mag-inspeksiyon ng gawain, at habang iniinspeksiyon mo ang gawain ay nakakatuklas ka ng mga problema, naaarok mo ang pinakabuod ng mga problema, natutukoy ang diwa ng mga problema, at nalulutas ang mga problema, at bago ka magsumite ng mga artikulo ng patotoo ay sinisiyasat mo ang mga ito ayon sa mga prinsipyo, tinitiyak na ang mga artikulong isinusumite mo ay pawang pasok sa pamantayan at nakakapagpatibay sa mga nagbabasa ng mga ito, kung gayon, ikaw ay pasok sa pamantayan bilang lider o manggagawa, at nagawa mo na nang maayos ang gawain mo.
Karamihan ng tao ay kayang gawin ang gawain ng pagbibigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat. Gayumpaman, kapag kinakailangan ng pag-iinspeksiyon at pagsisiyasat, sinusubok nito ang kakayahan ng mga lider at manggagawa at kung taglay ba nila ang katotohanang realidad. Ang ilang tao ay kayang magbigay ng patnubay, mangasiwa sa gawain, at magpungos o magtanggal at humarap sa mga hindi angkop na tauhan, pero hindi nila alam kung paano suriin ang kahusayan at mga resulta ng gawaing isinaayos nila, kung umaayon ba ito sa mga pagsasaayos ng gawain, at kung paano ito lulutasin kung hindi ito umaayon. Karamihan sa mga lider at manggagawa ay hanggang sa pagbibigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat lang ang kayang gawin, pero pagdating sa pag-iinspeksiyon sa gawain, hindi nila alam kung ano ang gagawin, wala silang mga prinsipyo, at naguguluhan sila. Iniisip nila, “Naipatupad na ang mga pagsasaayos ng gawain, kaya ano pa ang dapat inspeksiyonin? Gumagawa ang lahat, walang sinuman ang walang ginagawa, ang mga taong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan ay hinarap na, at ang mga kailangang tanggalin o alisin ay napangasiwaan na rin nang naaayon. Ano pa ba ang dapat inspeksiyonin?” Sadyang wala silang kamalay-malay. Ang pag-iinspeksiyon sa gawain ay nangangailangan ng pagsisiyasat. Ano ang ibig sabihin ng pagsisiyasat? Nangangahulugan ito na kailangan mong gumawa ng kongklusyon. Halimbawa, ang superbisor ng gawain ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoong batay sa karanasan ay naghatid sa iyo ng isang artikulo, nagsasabing maganda ang estilo ng pagsusulat, matatas ang wika, at kapwa maganda ang estilo ng wika at ang paksa ng artikulo. Gayumpaman, pakiramdam niya ay tila kulang ito sa praktikal na nilalaman at hindi ito makakapagpatibay sa mga tao, na kailangan itong dagdagan at pagbutihin, pero hindi niya makilatis ang usaping ito nang siya lang, kaya hinihiling niya sa iyo na tingnan ito. Ano ang ibig sabihin ng paghiling niya na tingnan mo ito? Ibig sabihin, kailangan niya na siyasatin mo ito. Kung paano mo ito sinisiyasat at kung maayos mo ba itong sinisiyasat ay sumusubok sa tunay mong tayog. Ano ang ibig sabihin ng tunay na tayog? Nangangahulugan ito kung nauunawaan mo ba ang mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi nauunawaan ng superbisor ang mga prinsipyo ng pagsusulat ng mga artikulo ng patotoo, hindi masuri kung praktikal at tunay ba ang isang artikulo, at hindi alam kung paano gumawa ng paghusga, at ganoon ka rin, hindi makagawa ng paghusga o desisyon, isang bagay ang pinatutunayan nito: Kapareho lang ng sa kanya ang kakayahan mo, at hindi mo kayang magsiyasat ng mga artikulo. Hindi ba’t ganito ang kaso? Ang katotohanang nauunawaan mo ay halos kapareho ng sa kanya, at hindi mo makilatis ang mga problemang hindi niya makilatis—ipinapahiwatig nito ang isang isyu. Kung kaya mong kilatisin ang mga problemang hindi niya kayang kilatisin, at kaya mong matuklasan ang mga problema sa pamamagitan ng pag-iinspeksiyon na hindi niya kayang matuklasan, pinatutunayan nito na kaya mong magsiyasat ng mga artikulo. Halimbawa, itinuturing niyang pasok sa pamantayan ang karamihan sa mga artikulo at na walang malalaking isyu sa mga ito, pero sa pamamagitan ng iyong pag-iinspeksiyon at pagsisiyasat, may nahanap kang isang maliit na parte na hindi pasok sa pamantayan. Ipinaliliwanag mo ang mga problema sa mga artikulong ito sa pamamagitan ng paghihimay at pagbabahaginan; sang-ayon ang lahat na may katwiran ang mga punto mo, naaayon sa mga prinsipyo, at hindi paghahanap lang ng butas, bagkus ay mga tunay ngang isyu, at na kailangang iwasto ang mga ito. Ang ilang artikulo ay hungkag at walang praktikal na pagkaunawang batay sa karanasan; ang ilang artikulo ay may praktikal na pagkaunawang batay sa karanasan pero hindi sapat na kongkretong ipinahayag; may ilang artikulo rin na hindi angkop na nagsisipi ng mga salita ng Diyos, hindi pumipili ng mga mas nababagay na sipi ng mga salita ng Diyos, na humahantong sa mas malalalang resulta; ang ilang artikulo ay may mga maling pananaw, may baluktot na pagkaarok at walang pagbabahaginan tungkol sa pag-unawa sa katotohanan, kaya hindi napapatibay ang mga mambabasa at madali silang magkaroon ng pagkanegatibo at mga maling pagkaunawa; at iba pa. Matutukoy at makikilatis mo ang mga isyung ito. Sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan mo, natutulungan mo silang maarok ang mga prinsipyo, na nagbibigay-kakayahan sa mga may karanasan na makapagsulat ng mga tunay na patotoong batay sa karanasan. Pinipili mo ang mga artikulong nakakapagpatibay at may halaga para sa mga tao bilang mga patotoong batay sa karanasan na pasok sa pamantayan, nang sa gayon ay kapag binasa ng hinirang na mga tao ng Diyos ang mga ito, napapatibay sila. Samantala, ang mga artikulong walang tunay na pagkaunawang batay sa karanasan o naglalaman ng baluktot na pagkaarok ay inaalis. Kung gagawin mo ito, hindi ba’t nagsisiyasat ka? Kung mayroon kang gayong abilidad na makita ang mga bagay-bagay at gumawa ng gawain, hindi ba’t sapat ang kakayahan mo? Hindi ba’t tinutupad mo ang mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa? (Oo.) Kung iniisip nila na karamihan sa mga artikulo ay katanggap-tanggap at dinadala nila ang mga ito sa iyo para masiyasat, at iniisip mo rin na maayos naman ang karamihan sa mga ito, samantalang sa totoo lang ay may mga isyu sa ilan sa mga artikulong ito at kinakailangan ng karagdagang pagpili, pag-e-edit, at pagwawasto sa mga problema, pero hindi mo makilatis ang mga ito—kapag isinumite mo ang mga ito sa ang Itaas, at may natuklasan na ilang artikulo ang ang Itaas na hindi pasok sa pamantayan at inaalis ang mga ito—hindi ba’t nangangahulugan ito na hindi ka nagsiyasat nang maayos? Sa isang banda, ang pag-iinspeksiyon sa gawain ay sumusubok sa kakayahan ng mga lider at manggagawa, at sa kabilang banda, sinusubok nito ang lawak ng kanilang pagkaunawa sa katotohanan. Hindi makapagsiyasat ang ilang tao dahil mahina ang kakayahan nila, kaya hindi nila magawa ito, hindi nila nauunawaan ang katotohanan sa aspektong ito, at hindi nila makilatis ang mga problema. Ang kanilang mga pag-iinspeksiyon ay paggawa lang nang pabasta-basta, hindi alam kung ano ang iinspeksiyonin. May mga tao na sapat ang kakayahan, pero dahil mababaw ang pagkaunawa nila sa katotohanan, kaya nilang makatuklas ng mga problema pero hindi nila alam kung paano lutasin ang mga ito. Ang ganitong mga tao ay kailangan pa ring umunlad. Gayumpaman, kung hindi man lang kayang tuklasin ng mga tao ang mga problema, imposibleng uusad pa sila.