Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (10) Unang Seksiyon
Ikasiyam na Aytem: Tumpak na Ipagbigay-alam, Iatas, at Ipatupad ang Iba’t Ibang mga Pagsasaayos ng Gawain ng Sambahayan ng Diyos Alinsunod sa mga Hinihingi Nito, Magbigay ng Patnubay, Pangangasiwa, at Panghihikayat, at Mag-inspeksiyon at Magsubaybay sa Estado ng Pagpapatupad sa mga Ito (Ikalawang Bahagi)
Magbigay ng Patnubay, Pangangasiwa, at Panghihikayat Para sa Pagpapatupad ng mga Pagsasaayos ng Gawain, at Mag-inspeksiyon at Magsubaybay sa Estado ng Pagpapatupad ng mga Ito
Ngayon, magpapatuloy tayo sa pagbabahaginan tungkol sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa: “Tumpak na ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang iba’t ibang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos alinsunod sa mga hinihingi nito, magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad sa mga ito.” Noong nakaraan, pangunahin nating pinagbahaginan ang iba’t ibang nilalaman at mga partikular na aytem sa mga pagsasaayos ng gawain na kinakailangang maunawaan ng mga tao, pati na ang mga pinakapangunahing responsabilidad ng mga lider at manggagawa—ang ipagbigay-alam, iatas, at ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Ngayon, partikular nating pagbabahaginan kung paano dapat magbigay ng patnubay, pangangasiwa, at panghihikayat ang mga lider at manggagawa, at paano sila dapat mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain pagkatapos iatas ang mga ito. Paano dapat tratuhin ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain, at paano tumpak na ipatupad at isagawa ang mga pagsasaayos ng gawain alinsunod sa mga hinihingi ng ang Itaas at sa mga hakbang, sa sandaling maunawaan nila ang kahalagahan ng mga pagsasaayos ng gawain—ang mga ito ay mga katotohanang prinsipyo na kailangang maunawaan ng mga lider at manggagawa sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at kailangan nilang maarok ang mga prinsipyong ito upang magampanan nang maayos ang iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Dapat malaman ng mga lider at manggagawa na ang pangunahing hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga naglilingkod sa papel na ito ay ang pangunahing gampanan ang kanilang gawaing nakasentro sa iba’t ibang pagsasaayos ng gawain. Hindi ito para asikasuhin nila ang sarili nilang personal na proyekto o gumawa sila ng mga bagay alinsunod sa sarili nilang mga pagnanais, at lalong hindi ito para mangapa sila sa alinmang gawaing ginagawa nila. Siyempre, hindi rin ito para mag-imbento o lumikha sila ng kahit ano. Sa halip, ito ay para gumawa sila nang partikular at nang detalyado batay sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Paano ba dapat partikular na isagawa ang gawain? Ano ang mga kaugnay na detalye? Ang sagot sa mga katanungang ito ay nasa mga hinihingi ng ikasiyam na responsabilidad: Bukod sa pagbibigay-alam, pag-aatas, at pagpapatupad ng iba’t ibang pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, kailangan din ng mga lider at manggagawa na magbigay ng patnubay, pangangasiwa at panghihikayat, at mag-inspeksiyon at magsubaybay sa estado ng pagpapatupad ng mga ito. Ang mga ito ang mga partikular na landas ng pagsasagawa para maipatupad ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain. Susunod, isa-isa nating tatalakayin ang mga ito.
Pagkatapos iatas ang mga pagsasaayos ng gawain, kailangan munang pagnilayan at pagbahaginan ng mga lider at manggagawa ang iba’t ibang hinihingi at prinsipyo na nakalahad dito. Pagkatapos, kailangan nilang maghanap ng mga landas at plano ng pagsasagawa para partikular na ipatupad ang gawain. Una, kailangan nilang malaman kung ano ang hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, kung anong partikular na gawain ang kailangang gawin, at kung ano ang mga kaugnay na prinsipyo, pati na kung sinong mga tao at aling aspekto ng gawain ang tinutukoy ng mga pagsasaayos ng gawain. Ito ang unang dapat gawin ng mga lider at manggagawa pagkatapos matanggap ang mga pagsasaayos ng gawain. Hindi nila dapat kaswal na sulyapan ang mga pagsasaayos ng gawain at pagkatapos ay basahin ang mga ito nang malakas para sa lahat, o ipasa ang mga ito at ipaalam sa lahat ang tungkol sa gawain, at pagkatapos ay iyon na iyon. Ito ay pagbibigay-alam at pag-aatas lang ng mga pagsasaayos ng gawain; hindi ito pagpapatupad sa mga ito. Ang unang partikular na gampanin sa kanilang pagpapatupad ay ang matutuhan ng mga lider at manggagawa ang partikular na nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain, ang mga hinihingi at layon ng Diyos para sa mga gawaing ito ng iglesia, at ang kahalagahan ng pagsasakatuparan ng gawaing ito, at pagkatapos ay ang bumuo ng mga partikular na plano ng pagsasagawa at pagpapatupad. Ito ang unang hakbang. Madali bang makamit ang unang hakbang? (Oo.) Basta’t nakakaunawa ka ng mga nakasulat na salita at wika ng tao, madali mong makakamit ang unang hakbang. Siyempre, ang pagsasakatuparan sa unang hakbang ay nangangailangan din ng seryoso, taimtim, responsable, at metikulosong saloobin ng mga lider at manggagawa sa kanilang gawain, sa halip na maguluhan, maging pabasta-basta, o wala sa loob na gumagawa. Nabanggit man noon ang pagsasaayos ng gawain o hindi, madali man o medyo mahirap para sa mga tao na makamit ito, handa man ang mga tao na gawin ito o hindi, ano’t anuman, hindi dapat magkaroon ng walang-ingat na saloobin ang mga lider at manggagawa tungkol sa gawain ng iglesia, nagsasalita lang ng mga doktrina, sumisigaw ng mga islogan, o gumagawa ng ilang mababaw na pagsisikap para harapin ito sa pabasta-bastang paraan. Ano ang saloobing dapat taglayin ng mga tao? Una, dapat silang magkaroon ng seryoso, taimtim, responsable, at metikulosong saloobin. Ang pagkakaroon ba ng ganitong saloobin ay nangangahulugan na maipapatupad nang maayos ng isang tao ang mga partikular na aytem sa mga pagsasaayos ng gawain? Hindi, ito ay ang saloobin lang na dapat taglayin ng isang tao kapag gumagawa ng anumang gawain; hindi nito mapapalitan ang aktuwal na pagpapatupad ng mga partikular na gampanin. Sa sandaling magtaglay sila ng ganitong saloobin at maunawaan din nila ang partikular na nilalaman, mga hinihingi, at mga prinsipyo ng mga pagsasaayos ng gawain, ang susunod na hakbang para sa mga lider at manggagawa ay kung paano nila ipapatupad ang mga partikular na gampanin sa mga pagsasaayos ng gawain. Ano ang unang dapat gawin? Kailangan nilang gawin nang maayos ang gawain ng paghahanda; napakahalaga nito. Una, kailangan nilang tipunin ang mga lider, manggagawa, at superbisor para pagbahaginan ang mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa para sa mga gampaning ito. Pagkatapos, kailangan nilang bumuo ng mga partikular na pagsasaayos at plano. Kasabay nito, dapat silang maghanap ng mga suhestiyon o ideya ng hinirang na mga tao ng Diyos tungkol sa mga planong ito. Dapat maghanap at magbahaginan ang lahat nang sama-sama hanggang sa maunawaan at maging malinaw ang lahat ng mga hinihingi at prinsipyo na inilalahad sa mga pagsasaayos ng gawain, at hanggang sa malaman na ng lahat kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos na ito ng gawain at kung paano magsagawa—saka maituturing na kompleto na ang paunang hakbang ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain. Kaya, kapag marunong na ang lahat kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, nangangahulugan ba ito na kompleto na ang gampanin ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain? Hindi. Ang ilang detalyadong isyu at espesyal na sitwasyon ay hindi binabanggit sa mga pagsasaayos ng gawain, pero ang mga ito ay mga problema na talagang kailangang solusyunan. Habang nagbabahaginan tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, kailangang tuklasin ng mga lider at manggagawa ang mga espesyal na sitwasyong ito, ang mga isyung ito na dapat lutasin, at hanapin ang katotohanan para lubusang solusyunan ang mga ito, at kasabay nito, dapat din silang bumuo ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga ito. Sa ganitong paraan, kapag ipinapatupad ng mga lider at manggagawa sa iba’t ibang antas ang mga pagsasaayos ng gawain, malalaman nila kung aling mga prinsipyo ang susundin at aling mga problema ang sosolusyunan. Ito ang pinakamababang pang-unawa at saloobin na dapat taglayin ng mga lider at manggagawa tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain. Ang gampaning ito ay maituturing na panimulang hakbang para matutuhan ng mga lider at manggagawa kung paano gumawa ng gawain ng iglesia. Sa pamamagitan ng paghahanap, pagbabahaginan, pagbibigay ng patnubay, at paggawa ng mga pagsasaayos, natututo silang tratuhin at pangasiwaan ang ilang aktuwal na suliranin at espesyal na sitwasyon nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Saka lang nila tunay na maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain.
I. Pagbibigay ng Patnubay
Kapag nagbibigay ng paunang patnubay para sa isang gampanin, bukod sa pag-aalok ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga espesyal na sitwasyon, dapat bigyan ng mas partikular at detalyadong patnubay ang mga lider at manggagawa na may katamtamang kakayahan at medyo mahinang kapabilidad sa gawain. Bagama’t ang mga taong ito ay maaaring nauunawaan ang mga prinsipyo at mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa isang gampanin batay sa doktrina, hindi pa rin nila alam kung paano isagawa ang mga ito pagdating sa aktuwal na pagpapatupad. Paano mo dapat tratuhin ang ilang lider at manggagawa na may mahinang kakayahan at walang kapabilidad sa gawain? Sinasabi ng ilang tao, “Kung ang isang taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang gawin ang gawain, bakit hindi na lang maghanap ng ibang tao na may mas mahusay na kakayahan para palitan siya?” Narito ang suliranin: Hindi makahanap ang ilang iglesia ng sinumang mas mahusay. Sa mga iglesiang iyon, halos pareho lang ang tagal ng pananampalataya ng lahat at tinatayang magkakapareho lang ang tayog nila; sa partikular, katamtaman lang ang kakayahan at kapabilidad sa gawain ng bawat isa. Para makahanap ng isang taong mas mahusay, kakailanganin mong maglipat ng mga tao mula sa ibang iglesia, pero hindi iyon gaanong madaling gawin doon, at walang sinumang tunay na angkop na mga kandidato. Ang magagawa mo lang ay pumili ng mga medyo angkop na kandidato mula sa lokal na iglesia. Kung hindi nakakatugon sa mga hinihinging pamantayan ang kanilang gawain, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Dapat partikular mong sabihin sa kanila kung paano gawin ang gawain, at kung paano ito ipatupad. Dapat mong sabihin sa kanila kung sino ang dapat italaga at gawing responsable sa gampaning ito, at kung sinong mga tao ang dapat piliin para sama-samang makipagtulungan dito. Ipaliwanag ang lahat ng detalyeng ito sa kanila at hayaan silang isagawa ito. Bakit ito dapat gawin sa ganitong paraan? Dahil ang mga miyembro ng lokal na iglesia ay karaniwang may mababaw lang na karanasan at walang kapabilidad sa gawain, kaya’t imposibleng makapili ng mga angkop na lider at manggagawa. Tanging sa paggawa sa ganitong paraan maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung hindi ka gumagawa sa ganitong paraan at ang pagturing mo sa mga taong ito ay pareho ng pagturing mo sa ibang lider at manggagawa, sinasabi lang sa kanila ang mga partikular na prinsipyo at plano, at walang pili-pili, hindi maipapatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Kung hindi mo ito bibigyang-pansin, hindi ba’t pagpapabaya iyon sa responsabilidad? (Oo.) Ito ay isang responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Sinasabi ng ilang lider at manggagawa, “Marunong naman ang iba kung paano ipatupad at isagawa ang mga pagsasaayos ng gawain; bakit hindi marunong ang taong ito? Kung hindi siya marunong, hindi ko na siya iintindihin. Hindi ko responsabilidad ito. Ano’t anuman, nagawa ko na ang aking parte.” Lohikal ba ang ganitong pangangatwiran? (Hindi.) Halimbawa, sabihin nating may tatlong anak ang isang ina, at mahina ang isa sa kanila, palaging nagkakasakit, at ayaw kumain. Kung hahayaan ng ina na hindi kumain ang batang ito, maaaring hindi ito magtagal. Ano ang dapat niyang gawin? Bilang ina, kailangan niyang bigyan ng espesyal na pag-aaruga ang mahina niyang anak. Ipagpalagay na sasabihin ng ina, “Sapat nang tinatrato ko nang pantay-pantay ang mga anak ko. Isinilang ko ang batang ito at naghanda ako ng pagkain para sa kanya. Natupad ko na ang responsabilidad ko. Wala akong pakialam kung kakain siya o hindi. Kung ayaw niyang kumain, hayaan siyang magutom, at kapag talagang gutom na siya, kakain din siya.” Ano ang tingin mo sa ganitong uri ng ina? (Iresponsable siya.) Mayroon bang mga ina na gaya nito? Tanging ang isang babaeng mahina ang isip o isang madrasta ang magiging ganoon. Kung siya ang tunay na ina at hindi mahina ang isip niya, hinding-hindi niya tatratuhin nang ganito ang sarili niyang anak, tama ba? (Tama.) Kung mahina ang isang bata, palaging nagkakasakit, at ayaw kumain, kailangan magbigay ng mas higit na pag-aaruga at pagsisikap ang kanyang ina. Kailangan ng ina na maghanap ng mga paraan para mapakain ang bata, kailangan niyang magluto ng anumang gustong kainin ng bata, maghanda ng mga espesyal na pagkain para dito, at kapag ayaw kumain ng bata, kailangan niyang suyuin ito. Kapag umabot na ang bata sa edad na labingwalo o labinsiyam at malusog ang katawan niya katulad ng isang normal na taong nasa hustong gulang na, makapagpapahinga na ang ina at maaari nang bumitaw, at hindi na niya kailangang bigyan ng espesyal na pag-aaruga ang batang ito. Kung kaya ng isang ina na tratuhin nang ganito ang anak na may mga espesyal na kondisyon at tuparin ang kanyang responsabilidad, paano naman ang isang lider o manggagawa? Kung wala ka man lang pagmamahal ng isang ina para sa mga kapatid, sadyang ikaw ay iresponsable. Kailangan mong tuparin ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin; kailangan mong isaalang-alang ang mga iglesia kung saan ang mga namamahala ay medyo mahina at may medyo mababang kapabilidad sa gawain. Kailangang magbigay ng espesyal na atensiyon at patnubay ang mga lider at manggagawa sa ganitong mga usapin. Ano ang tinutukoy ng espesyal na patnubay? Bukod sa pagbabahaginan sa katotohanan, kailangan mo ring magbigay ng mas partikular at detalyadong direksiyon at tulong, na nangangailangan ng mas higit na pagsisikap pagdating sa komunikasyon. Kung ipapaliwanag mo sa kanila ang gawain at hindi pa rin sila nakauunawa, at hindi nila alam kung paano ito ipatupad, o kahit pa nauunawaan nila ito batay sa doktrina at tila alam nila kung paano ito ipatupad, pero hindi ka pa rin sigurado at medyo nag-aalala ka kung ano ang magiging takbo ng aktuwal na pagpapatupad—ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong personal na makipag-ugnayan sa lokal na iglesia para patnubayan sila at ipatupad ang gampanin kasama nila. Sabihin sa kanila ang mga prinsipyo habang gumagawa ng mga partikular na pagsasaayos tungkol sa mga gampaning kailangang gawin ayon sa mga hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, tulad ng kung ano ang unang gagawin at ano ang susunod na gagawin, at kung paano maayos na magtalaga ng mga tao—maayos na i-organisa ang lahat ng bagay na ito. Ito ay praktikal na pagpatnubay sa kanila sa kanilang gawain, salungat sa basta lang na pagsigaw ng mga islogan o pagbibigay ng kung ano-anong utos, at pangangaral sa kanila ng ilang doktrina, at pagkatapos ay itinuturing mong tapos na ang iyong gawain—hindi iyon pagpapamalas ng paggawa ng partikular na gawain, at ang pagsigaw ng mga islogan at pag-uutos-utos sa mga tao ay hindi mga responsabilidad ng mga lider at manggagawa. Kapag kaya nang pasanin ng mga lider o superbisor ng lokal na iglesia ang gawain, at nakapasok na sa tamang landas ang gawain, at wala nang malalaking isyu, saka pa lang maaaring umalis ang lider o manggagawa. Ito ang unang partikular na gampanin na binanggit sa ikasiyam na responsabilidad ng mga lider at manggagawa sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain—ang pagbibigay ng patnubay. Kaya, paano mismo dapat magbigay ng patnubay? Ang mga lider at manggagawa ay dapat munang magsanay na magnilay-nilay at magbahaginan tungkol sa mga pagsasaayos ng gawain, at matutuhan at maarok ang iba’t ibang partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, at maunawaan at maarok ang mga prinsipyo sa loob ng mga pagsasaayos ng gawain. Pagkatapos, dapat sama-sama silang makipagbahaginan sa mga lider at manggagawa sa lahat ng antas tungkol sa mga partikular na plano ng pagpapatupad sa mga pagsasaayos ng gawain. Dagdag pa rito, dapat silang magbigay ng mga partikular na plano ng pagpapatupad para sa mga espesyal na sitwasyon at, sa huli, dapat silang magbigay ng mas detalyado at partikular na tulong at direksiyon sa mga lider at manggagawa na medyo mahina at medyo may mahinang kakayahan. Kung ganap na hindi maipatupad ng ilang lider at manggagawa ang gampanin, ano ang dapat gawin sa gayong mga sitwasyon? Ang mga nakatataas na lider at manggagawa ay dapat makipag-ugnayan sa iglesia at personal na lumahok sa gampanin, nilulutas ang mga aktuwal na isyu sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa katotohanan, at turuan sila kung paano gawin ang gawain at kung paano ipatupad ang gawain ayon sa mga prinsipyo. Malinaw na ipinahayag sa mga salita ang mga hakbang na ito, pero madali bang ipatupad ang mga ito? Mayroon bang mga kaugnay na suliranin? Maaaring sabihin ng ilan, “Pinalalabas mong simple lang ito, pero hindi ganoon kadali ang pagpapatupad nito. Minsan, napakakomplikado ng mga pagsasaayos ng gawain, at walang nakaaalam kung paano ipatupad ang mga ito!” Kahit ang unang gampanin—ang pakikipagbahaginan sa mga partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain at pagbibigay ng patnubay sa isang praktikal na paraan—ay sobrang nakapapagod para sa ilang lider at manggagawa. Sinasabi nila, “Hindi ko pa kailanman nagawa ang mga partikular na gampaning ito, kaya hindi ko alam kung paano makipagbahaginan at magbigay ng patnubay tungkol sa mga ito. Dapat sundin na lang nila ang mga eksaktong salita ng mga pagsasaayos ng gawain—ano pa ba ang kailangang pagbahaginan? Hindi ba’t pormalidad lang iyon?” Hindi sila marunong makipagbahaginan; marunong lang silang sumigaw ng mga islogan: “Kailangan nating ipatupad nang maayos ang gawaing ito! Ito ang hinihingi ng Diyos sa atin. Talagang kailangan nating manindigan, tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, at huwag biguin ang mga ekspektasyon ng Diyos sa atin. Tungkol naman sa kung paano ito gagawin, dapat alamin ninyo ito nang kayo-kayo lang.” Ano ang problema sa mga taong nagsasabi ng ganitong mga bagay? Kaya ba nilang gawin ang gawain? May kapabilidad ba sila sa gawain? Mahina ba ang kakayahan nila? (Oo, mahina ito.)
Anuman ang mangyari, malaki o maliit man na bagay ito, dapat kayong magdasal at maghanap mula sa Diyos, at maingat at masinsinang mag-isip at magsaalang-alang, bago gumawa ng paghusga. Kung ang isang tao ay walang normal na pag-iisip, mas lalong mahalaga para sa kanya na magdasal sa Diyos, hingin ang tulong ng Diyos, at higit na maghanap sa mga taong nakauunawa sa katotohanan. Dagdag pa rito, para sa malalaking usapin sa gawain ng iglesia at sa malalaking usaping nararanasan habang ginagawa ang mga tungkulin, kailangan ninyong makipagbahaginan at makipagtalakayan sa mga kaugnay na tauhan para magkaroon ng kasunduan at sa huli ay makabuo ng isang partikular at praktikal na plano ng pagsasagawa. Ang planong ito ay dapat isang napagkasunduan na nakamit mula sa maingat na pagsasaalang-alang at pagsangguni, at dapat itong matibay sa harap ng mga lider at manggagawa sa anumang antas. Ang mga taong kayang bumuo ng mga partikular na plano ng pagsasagawa na matibay ay itinuturing na may normal na pag-iisip. Kung walang kongkreto sa iniisip ng isang tao, kapag nahaharap sa mga isyu, maliit man o malaki, at hindi siya makaisip ng mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa, at gumagamit lang siya ng mga simpleng teoretikal na islogan bilang kapalit ng mga prinsipyo sa pagharap ng mga problema, kaya ba niyang gawin nang maayos ang kanyang gawain? Ang gayong tao ba ay may abilidad na mag-isip at abilidad na pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay? (Wala.) Anong uri ng tao ang walang abilidad na mag-isip? (Isang taong may mahinang kakayahan.) Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang taong may mahinang kakayahan. Halimbawa, ipagpalagay na naninirahan ka sa ibang bansa, at isang araw ay bigla kang nakatanggap ng mga patawag ng korte. Hindi ba’t hindi ito inaasahan at biglaan lang? Una sa lahat, wala kang ginawang anumang ilegal. Pangalawa, wala kang isinampang kaso, at wala ka ring narinig na sinumang nang-aakusa sa iyo ng anumang bagay. Natanggap mo ang mga patawag nang hindi nalalaman ang mga sitwasyong nakapalibot dito. Ano ang unang mararamdaman ng isang karaniwang tao kapag nahaharap sa gayong sitwasyon? Ang masangkot sa mga legal na usapin ay magdudulot sa kanya ng kaunting taranta, pag-aalala, at pangamba; mararamdaman niya na parang nabigla siya at wala talaga siyang ganang kumain. Mahalaga man o hindi ang isang tao, matapang o matatakutin, nasa hustong gulang man o menor de edad, walang sinuman ang gustong makaranas ng gayong sitwasyon dahil hindi ito magandang bagay. Kapag nahaharap sa ganitong sitwasyon, may dalawang magkaibang reaksiyon ang mga tao. Iniisip ng unang uri ng tao, “Wala akong ginawang ilegal, hindi rin ako lumabag sa anumang regulasyon ng gobyerno. Ano ang dapat kong ikatakot? Ito ay isang lipunang pinamamahalaan ng batas, kung saan ang lahat ay nakabatay sa ebidensiya. Dahil wala akong anumang ginawang masama, wala silang magiging ebidensiya laban sa akin kung sakaling kasuhan nga nila ako. Wala akong dapat ikatakot. Ano ba ang magagawa ng isang patawag? Ang isang taong matuwid ay hindi kailangang matakot sa mga akusasyon. Kukuha ako ng abogado para ipagtanggol ako; walang magiging problema.” Matapos itong pag-isipang mabuti, wala na siyang nararamdamang bigat sa puso niya, at nananatiling hindi apektado ang kanyang pang-araw-araw na buhay. Ito ang reaksiyon ng isang uri ng tao. Ngayon, tingnan natin ang reaksiyon ng pangalawang uri ng tao. Pagkatapos matanggap ang mga patawag, iniisip ng taong ito, “Wala akong nilabag na batas, at wala rin akong nagawang krimen, kaya, tungkol saan kaya ito? Maaari kayang ito ay dahil nananampalataya ako sa Diyos? Hindi naman ilegal ang manampalataya sa Diyos. Posible kayang may sadyang nagdiin at nagsumbong sa akin? Mas malamang na ganoon nga. Pero maaari kayang ibang bagay ito? Kailangan kong kumonsulta sa isang abogado at papuntahin siya sa korte para alamin kung bakit ako nakatanggap ng mga patawag at kung sino ang nagdemanda laban sa akin. Kailangan kong alamin ang puno’t dulo nito bago ako magpasya ng magiging kontra-hakbang. Kung sasabihin ng abogado na may kinalaman ito sa pananampalataya ko sa Diyos, kailangan kong maghanap agad ng mga tao para bumuo ng kontra-hakbang at magmadali ring itago ang anumang libro o ibang bagay na may kaugnayan sa pananalig ko para hindi makahanap ang kaaway ng bagay na magagamit laban sa akin.” Pagkatapos ng mga inisyal na kaisipang ito, bagama’t wala pa siyang mga tiyak na kongklusyon o mga tumpak na paghusga tungkol sa pagkakatanggap ng mga patawag, mayroon na siyang malinaw na ideya sa partikular na plano ng mga pagsasagawa: ano ang gagawin sa Plano A, ano ang gagawin sa Plano B, at kung hindi maisasagawa ang parehong plano, ano ang susunod niyang gagawin. Masusi at maingat niyang isinasaalang-alang ang bawat hakbang; una niyang pinapakalma ang kanyang isipan at agad siyang nagdarasal sa kanyang puso, at pagkatapos, kapag mahinahon na siya, agad niyang inaasikaso ang bagay na ito. Sa loob ng isang araw, naunawaan na niya ang lahat ng bagay na ito at alam na niya kung paano magpapatuloy. Anuman ang kalalabasan ng bagay na ito sa huli, tingnan muna natin ang dalawang klase ng mga tao. Sino ang may abilidad na pag-isipang mabuti ang mga problema? Sino ang may kakayahan? (Ang pangalawang tao.) Maliwanag na ang pangalawang tao ang may kakayahan. Ang pagkakaroon lang ng tapang at kapasyahan kapag nahaharap sa isang sitwasyon ay hindi katumbas ng pagkakaroon ng kakayahan. Ang isang tao ay kailangang may kakayahang mag-isip, magtaglay ng pagkakilatis, at may abilidad na mangasiwa ng mga problema. Sa proseso ng pag-iisip, kailangang makagawa siya ng mga partikular na paghusga at makabuo ng mga partikular na plano ng operasyon. Ang ganitong uri lang ng tao ang may kakayahan. Sa panlabas, maaaring mukha siyang napakamatatakutin, kumikilos nang mapagbantay at maingat kahit sa maliliit na bagay, at tinatrato niyang mahalaga ang maliliit na bagay. Gayumpaman, ang sistema at paraan ng pangangasiwa niya sa mga problema ay nagpapatunay na ang taong ito ay may abilidad na mag-isip at abilidad na pag-isipang mabuti at pangasiwaan ang mga problema. Sa kabaligtaran, ang unang klase ng tao ay napakatapang at walang kinatatakutan. Kapag nahaharap siya sa isang sitwasyon, iniisip lang niya, “Wala naman akong ginawang masama. Anuman ang maging problema, palaging mayroong mas mahusay na tao na mag-aayos nito. Ano ang dapat kong ikatakot?” Wala siyang inaalala at namumuhay siya nang magaan, pero hindi ba’t medyo hangal ang pagkamatapang niya at mahina ang isip niya? Ang ganitong klase ng tao ay malakas na sumisigaw ng mga islogan, at hindi naman mali ang sinasabi niya, pero ano ang wala sa kanya? (Wala siyang normal na pag-iisip at wala siyang abilidad na pag-isipang mabuti ang mga problema.) Saan naipamamalas ang kanyang kawalan ng normal na pag-iisip? Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, ito man ay isang bagay na biglaang nangyari o isang bagay na alam na niya, hindi niya kayang pag-isipan ito nang mabuti o gumawa ng paghusga, kaya natural, wala siyang plano para pangasiwaan ang problema o abilidad para lutasin ito. Napakalinaw nito. Sa panlabas, mukhang magaling magsalita ang ganitong klase ng tao at kaya niyang magsalita ng mga doktrina, at kaya rin niyang magpalakas ng loob; tila may kakayahan siya na maging lider. Gayumpaman, kapag nahaharap sa mga problema, hindi niya makilatis ang diwa ng mga problema at hindi niya kayang makipagbahaginan sa katotohanan para lutasin ang mga ito. Ang kaya lang niyang gawin ay magsabi ng ilang salita at doktrina at sumigaw ng mga islogan. Sa panlabas, mukha siyang matalas, pero kapag nahaharap sa mga problema, hindi niya kayang suriin o husgahan ang mga sanhi ng mga problema, at hindi rin niya kayang suriin ang malulubhang kahihinatnan na mangyayari kung patuloy na mabubuo ang mga problema. Hindi niya kayang ayusin ang mga bagay na ito sa kanyang isipan, lalo na ang lutasin ang mga problema. Ang gayong tao ay mukhang magaling magsalita, pero ang totoo, mahina ang kakayahan niya at hindi niya kayang gumawa ng tunay na gawain. Gayundin, kung pagkatanggap sa isang pagsasaayos ng gawain ay kaya lang itong basahin at literal na ipaliwanag ng mga lider at manggagawa, at bagama’t maaaring iatas nila ang pagsasaayos ng gawain at pagbahaginan ang mga pangunahing punto nito sa mga pagtitipon, hindi nila alam kung paano gumawa ng mga partikular na pagsasaayos at magbigay ng partikular na patnubay para sa mga partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, mga prinsipyo, mga usaping nangangailangan ng atensiyon, mga espesyal na sitwasyon, at iba pa, at wala silang mga plano, walang mga ideya, at walang abilidad na lumutas ng mga problema, kung gayon, mahina ang kakayahan nila. Kapag nagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain, ang unang gampaning kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa—ang pagbibigay ng patnubay—ay hindi madali o simple. Ang unang gampaning ito ay sumusubok kung ang isang lider o manggagawa ay may kakayahan at kapabilidad sa gawain na dapat nilang taglayin. Kung ang mga lider at manggagawa ay wala nitong kakayahan at kapabilidad sa gawain, hindi sila makapagbibigay ng partikular na patnubay para sa mga pagsasaayos ng gawain o makapagpapatupad sa mga ito.
II. Pagbibigay ng Pangangasiwa at Panghihikayat
Susunod, magbahaginan tayo tungkol sa gampanin ng “pangangasiwa.” Kung pagbabatayan ang literal na kahulugan, ang kahulugan ng pangangasiwa ay pag-iinspeksiyon: sinusuri kung aling mga iglesia ang nagpatupad ng mga pagsasaayos ng gawain at alin ang mga hindi, ang pag-usad ng pagpapatupad, kung sinong mga lider at manggagawa ang gumagawa ng tunay na gawain at kung sino ang mga hindi, at kung may mga lider o manggagawa na basta na lang ipinapasa ang mga pagsasaayos ng gawain nang hindi nakikilahok sa mga partikular na gampanin. Ang pangangasiwa ay isang partikular na gampanin. Bukod sa pangangasiwa sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain—kung naipatupad ba ang mga ito, ang bilis ng pagpapatupad, ang kalidad ng pagpapatupad, at ang mga nakamit na resulta—dapat suriin ng mas nakatataas na mga lider at manggagawa kung mahigpit bang sinusunod ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain. Sa panlabas, sinasabi ng ilang lider at manggagawa na handa silang sundin ang mga pagsasaayos ng gawain, pero pagkatapos maharap sa isang partikular na kapaligiran, natatakot silang maaresto at nakatuon na lang sa pagtatago, matagal na nilang isinantabi sa isip nila ang mga pagsasaayos ng gawain; hindi nalulutas ang mga problema ng mga kapatid, at hindi nila alam kung ano ang tinutukoy ng mga pagsasaayos ng gawain o kung ano ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Ipinapakita nito na talagang hindi naipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Ang ibang lider at manggagawa ay may mga opinyon, mga kuru-kuro, at paglaban sa ilan sa mga hinihingi sa mga pagsasaayos ng gawain. Kapag oras na para ipatupad ang mga ito, lumilihis sila mula sa tunay na kahulugan ng mga pagsasaayos ng gawain, ginagawa nila ang mga bagay ayon sa sarili nilang mga ideya, iniraraos lang ang gawain at padalos-dalos na ginagawa ang mga bagay-bagay para lang matapos na sila sa mga ito, o tinatahak nila ang sarili nilang landas, ginagawa ang mga bagay sa anumang paraang gusto nila. Ang lahat ng gayong sitwasyon ay nangangailangan ng pangangasiwa ng mga mas nakatataas na lider at manggagawa. Ang layunin ng pangangasiwa ay upang mas mahusay na maipatupad ang mga partikular na gampaning hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain nang walang paglihis at nang alinsunod sa mga prinsipyo. Habang isinasagawa ang pangangasiwa, kailangang lubos na bigyang-diin ng mga mas nakatataas na lider at manggagawa ang pagtukoy kung mayroon bang sinuman na hindi gumagawa ng tunay na gawain o iresponsable at mabagal sa pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain; kung may sinumang nagpapakita ng paglaban patungkol sa mga pagsasaayos ng gawain at hindi handang ipatupad ang mga ito o pumipili lamang ng mga ipinapatupad mula sa mga ito, o sadyang hindi sumusunod sa mga pagsasaayos ng gawain kahit kaunti at sa halip ay nagsasagawa lang ng sarili niyang mga proyekto; kung sinasarili ng sinuman ang mga pagsasaayos ng gawain, at ipinapaalam lamang ang mga ito ayon sa sarili niyang mga ideya, hindi hinahayaan ang hinirang na mga tao ng Diyos na malaman ang tunay na kahulugan at mga partikular na hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain—sa pamamagitan lamang ng pangangasiwa at pag-iinspeksiyon sa mga isyung ito maaaring malaman ng mga mas nakatataas na lider kung ano talaga ang nangyayari. Kung hindi nagsasagawa ng pangangasiwa at inspeksiyon ang mga mas nakatataas na lider, matutukoy ba ang mga problemang ito? (Hindi.) Hindi matutukoy ang mga ito. Samakatwid, bukod sa dapat ipagbigay-alam ng mga lider at manggagawa ang mga pagsasaayos ng gawain at magbigay ng patnubay sa bawat antas, dapat din nilang pangasiwaan ang gawain sa bawat antas kapag ipinatutupad ang mga pagsasaayos ng gawain. Dapat pangasiwaan ng mga lider ng rehiyon ang gawain ng mga lider ng distrito, dapat pangasiwaan ng mga lider ng distrito ang gawain ng mga lider ng iglesia, at dapat pangasiwaan ng mga lider ng iglesia ang gawain ng bawat grupo. Ang pangangasiwa ay dapat isagawa sa bawat antas. Ano ang layunin ng pangangasiwa? Ito ay para mapadali ang tumpak na pagpapatupad ng nilalaman ng mga pagsasaayos ng gawain ayon sa mga partikular na hinihingi ng mga ito. Kaya naman, napakahalaga ng gampanin ng pangangasiwa. Kapag nagsasagawa ng pangangasiwa, kung pinahihintulutan ng kapaligiran, dapat makipag-ugnayan ang mga lider at manggagawa sa mga iglesia upang makisalamuha sa mga gumagawa ng aktuwal na gawain. Dapat silang magtanong, mag-obserba, mag-usisa, alamin, at arukin ang sitwasyon ng pagpapatupad sa gawain. Kasabay nito, dapat nilang malaman kung ano ang mga suliranin at saloobin ng mga kapatid kaugnay sa gawaing ito at kung naarok ba ng mga kapatid ang mga prinsipyo ng gawaing ito. Ang mga ito ay pawang mga partikular na gampanin na kailangang gampanan ng mga lider at manggagawa. Lalo na para sa mga medyo may mahinang kakayahan at pagkatao, na medyo iresponsable, hindi tapat, at medyo tamad sa kanilang gawain, kailangang mas higit na pangasiwaan at gabayan ng mga lider at manggagawa ang gawain ng mga ito. Paano dapat gawin ang pangangasiwa at paggabay? Ipagpalagay nang sasabihin mo, “Bilisan ninyo! Naghihintay ang ang Itaas sa ulat ng ating gawain. May takdang oras ang gawaing ito; huwag ninyo itong patagalin!” Gagana ba ang ganitong paraan ng panghihikayat sa kanila? Ang panghihikayat ba ay nangangahulugan ng pagtulak lang sa kanila nang kaunti, at iyon na iyon? Ano ang mas mabuting paraan ng panghihikayat? Kapag gumagawa kayo, isinasama ba ninyo ang panghihikayat bilang parte ng inyong mga gampanin? (Oo. Kung nakikita kong may ilang gampanin na hindi kaagad natatapos, sinusubukan kong unawain kung bakit hindi nila ginagawa ang mga ito at sinusubaybayan ko ang kanilang gawain.) Kung may nakikita kayong isang tao na hindi marunong gawin ang gawain, dapat kayong magbigay ng partikular na patnubay at tulong, at bigyan siya ng gabay. Kung may nakikita kayong isang tao na nagpapakatamad, dapat ninyo siyang pungusan. Kung marunong siyang gumawa ng gawain pero masyado siyang tamad na gawin ito, mabagal at nagpapaliban, at nagpapakasasa sa kaginhawahan ng laman, dapat siyang pungusan kung kinakailangan. Kung hindi nalulutas ng pagpupungos ang isyu at hindi nagbabago ang kanyang saloobin, ano ang dapat gawin? (Huwag siyang hayaan na gawin ang gawaing ito.) Una, bigyan siya ng babala: “Napakahalaga ng gawaing ito. Kung patuloy mo itong tatratuhin nang may gayong saloobin, aalisin sa iyo ang tungkulin mo at ibibigay ito sa iba. Kung ayaw mo itong gawin, may ibang handang gumawa nito. Hindi ka tapat sa tungkulin mo; hindi ka angkop para sa gawaing ito. Kung hindi mo kaya ang gampaning ito at hindi mo kayang magtiis ng paghihirap ng katawan, maaari kang palitan ng sambahayan ng Diyos, at maaari ka ring magbitiw. Kung hindi ka magbibitiw at handa ka pa ring gawin ito, gawin mo ito nang maayos, at gawin mo ito nang ayon sa mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo ito makakamit at paulit-ulit mong inaantala ang pag-usad, na nagdudulot ng mga kawalan sa gawain, kung gayon, haharapin ka ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo kayang tuparin ang tungkuling ito, paumanhin, pero kailangan mong umalis!” Kung pagkatapos ng babala ay handang magsisi ang taong ito, maaari siyang panatilihin. Pero kung pagkatapos ng paulit-ulit na babala ay hindi pa rin nagbabago ang kanyang saloobin at wala siyang ipinapakitang anumang bahid ng pagsisisi, ano ang dapat gawin? Dapat siyang tanggalin kaagad—hindi ba’t malulutas niyon ang problema? Hindi sa hinuhusgahan natin ang mga tao dahil sa maliliit na pagkakamali o maliliit na isyu kapag nakikita natin ang sinumang mayroon ng mga ito; sa halip, binibigyan natin ang mga tao ng mga pagkakataon. Kung handa silang magsisi at nagbago sila, nagiging mas mabuti kaysa dati, panatilihin sila kung maaari. Kung hindi umuubra ang paulit-ulit na pagbibigay sa kanila ng mga pagkakataon, pakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, pagpupungos, at pagbibigay ng babala, at hindi epektibo ang tulong ng sinuman, kung gayon, hindi ito isang ordinaryong isyu: Masyadong mahina ang pagkatao ng taong ito, at hindi niya tinatanggap ang katotohanan kahit kaunti. Sa gayong kaso, hindi siya angkop para sa tungkuling ito at dapat siyang itaboy. Hindi siya angkop na gumawa ng tungkulin. Ganito dapat pangasiwaan ang usapin.
Kapag nangangasiwa sa gawain ng iglesia, hindi lamang dapat mahusay ang mga lider at manggagawa sa pagtukoy ng iba’t ibang problema, kundi dapat din nilang bigyan ng espesyal na atensiyon ang ilang lider ng iglesia na bumabagabag sa kanila o sa tingin nila ay hindi maaasahan. Ang mga taong ito ay kailangang pangasiwaan at subaybayan sa loob ng mahabang panahon; hindi maaaring paminsan-minsan mo lang silang tanungin tungkol sa sitwasyon o isantabi ang isyu gamit ang ilang salita at isipin na tapos na iyon. Minsan, kinakailangang manatili sa mismong lugar para pangasiwaan ang kanilang gawain. Ano ang layunin ng pananatili sa aktuwal na lugar? Ito ay para mas mabilis na matuklasan at malutas ang mga problema at maisagawa nang maayos ang gawain. Minsan, hindi mo agad matutuklasan ang mga problema pagkarating mo sa lugar ng gawain. Sa halip, sa pamamagitan ng detalyadong pag-unawa, pag-iinspeksiyon sa gawain, at maingat na obserbasyon, unti-unting lumilitaw at natutuklasan ang mga problema. Ang pananatili sa aktuwal na lugar para magsagawa ng pangangasiwa ay hindi tungkol sa pagsusubaybay o pagbabantay sa mga tao. Ano ang ibig sabihin ng pangangasiwa? Ang pangangasiwa ay kinapapalooban ng pag-iinspeksiyon at pagbibigay ng gabay. Ang ibig sabihin nito ay partikular na pagtatanong tungkol sa gawain nang detalyado, pagkatuto at pag-arok sa pag-usad ng gawain at mga kahinaan sa gawain, pagkaunawa sa kung sino ang responsable sa kanilang gawain at sino ang hindi, at kung sino ang may kakayahan o walang kakayahan na gampanan ang gawain, bukod pa sa ibang bagay. Minsan, ang pangangasiwa ay nangangailangan ng pagkonsulta, pag-unawa, at pag-usisa tungkol sa sitwasyon. Minsan, kailangan nito ng harap-harapang pagtatanong o direktang pag-iinspeksiyon. Siyempre, mas madalas itong kinapapalooban ng direktang pakikipagbahaginan sa mga taong nangangasiwa, nagtatanong tungkol sa pagpapatupad ng gawain, sa mga suliranin at problemang kinakaharap, at iba pa. Habang nagsasagawa ng pangangasiwa, matutuklasan mo kung sinong mga tao ang nagsusumikap lang sa kanilang gawain sa panlabas at paimbabaw lang na gumagawa ng mga bagay-bagay, kung sinong mga tao ang hindi marunong magpatupad ng mga partikular na gampanin, kung sinong mga tao ang marunong magpatupad ng mga ito pero hindi gumagawa ng tunay na gawain, at iba pang gayong mga isyu. Kung maagap na malulutas ang mga natuklasang problemang ito, iyon ang pinakamainam. Ano ang pakay ng pangangasiwa? Ito ay upang mas maayos na maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, para makita kung angkop ang isinaayos mong gawain, kung mayroong anumang pagkalingat o mga bagay na hindi mo isinaalang-alang, kung may mga bahagi na hindi naaayon sa mga prinsipyo, kung mayroong anumang mga baluktot na aspekto o parte na kung saan may nagawang mga pagkakamali, at iba pa—ang lahat ng isyung ito ay maaaring matuklasan sa proseso ng pagsasagawa ng pangangasiwa. Pero kung mananatili ka lang sa bahay at hindi mo gagampanan ang partikular na gawaing ito, matutuklasan mo ba ang mga problemang ito? (Hindi.) Maraming problema ang kailangang ipagtanong, obserbahan, at maunawaan sa aktuwal na lugar para malaman at maarok. Kapag nagsasagawa ng pangangasiwa, kailangan mong hikayatin iyong mga iresponsable at walang ingat sa kanilang gawain, mga nanlilinlang sa mga nakatataas sa kanila at nagtatago ng mga bagay-bagay sa mga nakabababa sa kanila, at mga pabaya at mabagal. Katatapos lang nating talakayin ang ilang hakbang patungkol sa kung paano sila hikayatin: Maaari kang magbigay ng direksiyon, makipagbahaginan, magpungos, magbigay ng babala, at maaari mo rin silang tanggalin. Madali bang isagawa ang mga hakbang na ito? (Oo.)
III. Pag-iinspeksiyon at Pagsusubaybay
Pagkatapos hikayatin ng mga lider at manggagawa ang pagsulong ng gawain, ang susunod na hakbang ay ang pag-iinspeksiyon sa gawain. Ano ang karaniwang layunin ng pag-iinspeksiyon sa gawain? Ang pag-iinspeksiyon sa gawain ay upang matukoy ang pag-usad ng mga gampaning naisaayos, matukoy ang anumang problema na kailangang agarang malutas, at matiyak na ang gawain ay ganap na nagawa nang maayos sa huli. Pagkatapos maisaayos ang gawain, kinakailangang inspeksiyonin ang ilang aspekto: kung anong yugto na ang narating ng kasunod na gawain, kung natapos na ba ito, kung gaano ito kahusay, kung ano ang mga resulta, kung may anumang natukoy na partikular na problema, kung may anumang suliranin, kung may mga bahagi bang hindi umaayon sa mga prinsipyo, at iba pa. Ang pag-iinspeksiyon sa gawaing isinaayos mo ay isa ring partikular at kinakailangang gampanin. Madalas magkamali ang ilang lider at manggagawa: Akala nila, kapag naisaayos na nila ang gawain, tapos na ang kanilang trabaho. Naniniwala sila, “Tapos na ang gampanin ko, natupad ko na ang aking responsabilidad. Ano’t anuman, sinabi ko na sa inyo kung paano ito gawin. Alam ninyo kung ano ang gagawin, at pumayag kayong gawin ito. Hindi ko na kailangang alalahanin kung paano ang magiging takbo ng mga bagay-bagay; mag-ulat na lang kayo sa akin kapag natapos na kayo.” Pagkatapos magplano at magsaayos ng gawain, naniniwala sila na tapos na ang kanilang gampanin at maayos na ang lahat. Hindi nila sinusubaybayan o iniinspeksiyon ang gawain. Tungkol sa kung angkop ba ang taong isinaayos nila na mangasiwa sa gampanin, kung ano ang kalagayan ng karamihan sa mga tao, kung mayroon bang mga problema o suliranin, kung mayroon ba silang kumpiyansa na gawin nang maayos ang gawain ng iglesia, kung mayroon bang mga baluktot at maling aspekto, o kung mayroon bang anumang paglabag sa mga pagsasaayos ng gawain mula sa ang Itaas, hindi nila inaalam, iniinspeksiyon, o sinusubaybayan ang tungkol dito. Itinuturing lang nilang tapos na ang trabaho nila pagkatapos nilang isaayos ang gawain; hindi ito paggawa ng partikular na gawain. Ano ang dapat inspeksiyonin sa gawain? Ang mga pangunahing bagay na dapat suriin ay kung ang plano ng pagpapatupad ay naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain, kung lumalabag ba ito sa mga prinsipyo at hinihingi ng mga pagsasaayos ng gawain, at kung mayroon bang mga taong nagsasanhi ng mga pagkagambala at kaguluhan, sinumang taong bulag na gumagawa ng problema, o sinumang taong naglilitanya ng tila magagarbong salita sa panahon ng gawain. Siyempre, habang iniinspeksiyon ang gawain, sinusuri din ninyo kung mayroon bang anumang pagkakamali sa sarili ninyong pagpapatupad ng mga pagsasaayos ng gawain. Sa totoo lang, ang pag-iinspeksiyon sa gawain ng iba ay pag-iinspeksiyon din sa sarili ninyong gawain.