Ikatlong Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Ikalawang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon
Sa mga kuwento nina Noe at Abraham, at sa kuwento ni Job, ano ba ang nasa pag-uugali at pananalita nila, sa saloobin at bawat salita at gawa nila nang sumapit sa kanila ang mga salita at kilos ng Diyos, ang labis na nakaantig sa mga susunod na henerasyon? Ang pinaka-nakaantig sa mga tao hinggil sa saloobin ng tatlong indibidwal na ito sa mga salita ng Diyos, at sa pag-uugali, pananalita, at saloobin nila pagkatapos nilang marinig ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos marinig ang iniutos at hiningi ng Diyos, ay kung gaano kadalisay at katatag ang sinseridad nila sa Diyos, ang Lumikha. Sa mga tao ngayon, ang kadalisayan at katatagang ito ay puwedeng tawaging kamangmangan at pagkahumaling; pero para sa Akin, ang kadalisayan at katatagan nila ang pinaka-nakakapukaw at pinaka-nakakaantig na bagay tungkol sa kanila, at higit pa rito, ang mga bagay na tila hindi kayang abutin ng ibang tao. Mula sa mga indibidwal na ito, tunay Kong naunawaan at nasaksihan kung ano ang hitsura ng isang mabuting tao; mula sa pag-uugali at pananalita nila, pati na rin ang saloobin nila nang naharap sa mga salita ng Diyos, at nang napakinggan nila ang mga salita ng Diyos, nakikita Ko kung ano ang mga katangian ng mga taong itinuturing ng Diyos na matuwid at perpekto. At ano ang pinakakapansin-pansing pakiramdam na naranasan Ko matapos basahin at unawain ang mga kuwento ng mga taong ito? Ito ay ang malalim na paggunita, pagkagiliw, at paghanga sa mga indibidwal na ito. Hindi ba’t isa itong pakiramdam ng pagkaantig? Bakit mayroon Akong ganitong uri ng pakiramdam? Sa kabuuan ng mahabang kasaysayan ng sangkatauhan, wala pang aklat ng kasaysayan na nakatuon sa pagtatala, pagpupuri, at pagpapalaganap sa mga kuwento ng tatlong taong ito, ni wala pang sinuman ang gumamit ng mga kuwento nila para turuan ang mga susunod na henerasyon, walang tumatrato sa kanila bilang mga taong dapat tularan ng mga susunod na henerasyon. Pero may isang bagay na hindi alam ng mga tao sa mundo: Sa iba’t ibang panahon, nakarinig ng iba’t ibang bagay mula sa Diyos ang bawat isa sa tatlong taong ito, nakatanggap ng iba’t ibang atas mula sa Diyos ang bawat isa sa kanila, iba’t iba ang mga hiningi ng Diyos sa bawat isa sa kanila, gumawa ng magkakaibang bagay para sa Diyos ang bawat isa, at tinapos nila ang iba’t ibang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos—pero isang bagay ang pareho sa kanilang lahat. Ano ito? Nakatugon silang lahat sa mga inaasahan ng Diyos. Pagkatapos nilang marinig magsalita ang Diyos, nagawa nilang tanggapin ang ipinagkatiwala at hiningi sa kanila ng Diyos, at pagkatapos niyon, nagawa nilang magpasakop sa lahat ng sinabi ng Diyos, nagawa nilang magpasakop sa bawat bagay na narinig nilang hinihingi sa kanila ng Diyos. Ano ang ginawa nila na tumugon sa mga inaasahan ng Diyos? Sa lahat ng sangkatauhan, naging mga huwaran sila sa pakikinig, pagtanggap, at pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, at sa pagbibigay ng matunog na patotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Dahil mga huwaran sila para sa sangkatauhan, at perpekto at matuwid sila sa mata ng Diyos, ano, sa huli, ang pinakamahalagang impormasyong ipinapahiwatig nito sa atin? Na ito ang uri ng tao na gusto ng Diyos, isang tao na may kakayahang maarok ang sinasabi ng Diyos, na ginagamit ang puso niya para makinig, makaarok, makasumpong, makaunawa, at magpasakop at tumupad sa mga salita ng Lumikha; mahal ng Diyos ang ganitong uri ng tao. Kahit gaano pa kahirap ang mga tukso at pagsubok na ibinibigay sa kanya ng Diyos bago pinagtibay ng Diyos ang mga matuwid na gawa niya, kapag nagbigay siya ng matunog na patotoo sa Diyos, siya ang nagiging pinakamahalaga sa mga kamay ng Diyos, at ang mabubuhay magpakailanman sa mata ng Diyos. Ito ang katunayang ipinapakita nito sa atin. Ito ang nais Kong sabihin sa inyo sa pamamagitan ng pagbabahagi tungkol sa mga kuwento nina Noe at Abraham, at ito ang dapat ninyong maunawaan. Ang implikasyon nito ay na iyong mga taong hindi pa rin nauunawaan ang mga salita ng Lumikha, at hindi pa rin alam na responsabilidad, obligasyon, at tungkulin nila ang pakikinig sa mga salita ng Lumikha, at hindi alam na ang pagtanggap at pagpapasakop sa mga salita ng Lumikha ay ang saloobing dapat mayroon ang mga nilikhang tao, gaano man karaming taon na silang sumusunod sa Diyos—ang gayong mga tao ang ititiwalag ng Diyos. Ayaw ng Diyos sa gayong mga tao, kinasusuklaman Niya ang gayong mga tao. Kaya, gaano nga ba karaming tao ang sa huli ay kayang makinig, tumanggap, at ganap na magpasakop sa mga salita ng Lumikha? Kung ilan man ang may kaya. Iyong mga sumusunod sa Diyos sa loob ng maraming taon pero namumuhi pa rin sa katotohanan, walang takot na lumalabag sa mga prinsipyo, at na hindi kayang tumanggap at magpasakop sa mga salita ng Diyos, sinabi man ang mga ito sa laman o sa espirituwal na mundo, ay haharap sa iisang kalalabasan sa huli: pagkatiwalag.
Tatlumpung taon na ngayon mula nang magkatawang-tao ang Diyos at pumarito para gumawa sa lupa. Nagsalita Siya ng maraming salita at nagpahayag ng maraming katotohanan. Paano man Siya magsalita, anumang paraan ang ginagamit Niya sa pagsasalita, at kahit gaano karami ang nilalaman ng mga salita Niya, iisa lang ang hinihingi Niya sa mga tao, na magawa nilang makinig, tumanggap, at magpasakop. Gayumpaman, maraming hindi makaarok o makapagsagawa sa pinakasimpleng hinihinging ito. Malaking problema ito, at ipinapakita nito na ang sangkatauhan ay lubhang naging tiwali, hirap na hirap sa pagtanggap sa katotohanan, at hindi madaling maligtas. Kahit ngayon, sa konteksto ng pagkilala ng mga tao na nilikha ng Diyos ang tao at ang katunayang ang Diyos na nagkatawang-tao ay ang Diyos Mismo, sumasalungat at lumalaban pa rin sa Diyos ang mga tao at tinatanggihan nila ang salita ng Diyos at ang mga hinihingi Niya. Sinusuri, inaanalisa, tinatanggihan, at binabalewala pa nila ang mga salitang sinasabi ng nagkatawang-taong Diyos, nang hindi nauunawaan kung paano dapat tratuhin ng mga nilikha ang salita ng Diyos at kung ano ang dapat nilang saloobin sa salita ng Diyos. Tunay na nakakalungkot ito. Kahit ngayon, hindi alam ng mga tao kung sino sila, kung anong posisyon ang dapat nilang tindigan, o kung ano ang dapat nilang gawin. Palagi pang nagrereklamo ang ilang tao tungkol sa Diyos, sinasabing, “Bakit palaging nagpapahayag ng mga katotohanan ang Diyos sa Kanyang gawain? Bakit palagi Niyang hinihingi na tanggapin namin ang katotohanan? Kapag nagsasalita at gumagawa ang Diyos, dapat kumonsulta muna Siya sa amin, at hindi Niya kami dapat palaging pinahihirapan. Wala kaming dahilan para sumunod sa Kanya nang lubusan, gusto namin ng karapatang pantao at kalayaan, dapat pagbotohan namin sa pamamagitan ng pagtaas ng kamay ang mga hinihingi ng Diyos sa amin, at dapat din kaming mag-usap-usap lahat at magkasundo. Dapat magpatupad ng demokrasya ang sambahayan ng Diyos at dapat magpasya nang sama-sama ang lahat.” Kahit ngayon, maraming tao ang may ganitong pananaw, at bagama’t hindi nila ito sinasabi nang hayagan, pinanghahawakan nila ito sa puso nila. Kung wala Akong karapatang humingi ng anuman sa iyo, kung wala Akong karapatang hingin na sundin mo ang sinasabi Ko, at hingin ang ganap mong pagpapasakop sa sinasabi Ko, kung gayon, sino ang may karapatan? Kung naniniwala ka na may karapatan ang Diyos sa langit na gawin ito, at na may karapatan ang Diyos sa langit na kausapin ka mula sa kalangitan sa pamamagitan ng kulog, aba, mabuti! Ibig sabihin, hindi Ko na kailangang maging matiyaga at taimtim o magsayang ng hininga Ko sa pakikipag-usap sa iyo—ayaw Ko nang magsalita pa sa iyo. Kung naniniwala ka na may karapatan ang Diyos sa langit na kausapin ka mula sa kalangitan, mula sa mga ulap, kung gayon, sige at makinig ka, hanapin mo ang mga salita Niya—hintayin mo ang Diyos sa langit na magsalita sa iyo mula sa kalangitan, sa mga ulap, sa gitna ng apoy. Pero may isang bagay na dapat malinaw sa iyo: Kung dumating nga ang araw na iyon, dumating na rin ang oras ng kamatayan mo. Mas mabuting huwag na lang dumating ang araw na iyon. “Mas mabuting huwag na lang dumating ang araw na iyon”—ano ang ibig sabihin ng mga salitang ito? Naging tao ang Diyos para personal na kausapin ang tao nang harapan sa lupa, para ipahayag ang mga katotohanan na nagsasabi sa mga tao ng lahat ng dapat nilang gawin, pero mapanlait at walang pakialam ang mga tao; sa puso nila, palihim silang lumalaban at nakikipagtunggali sa Diyos. Ayaw nilang makinig, naniniwala silang walang karapatan ang Diyos sa lupa na subukang pamahalaan ang mga tao. Nasisiyahan o naiinis ba ang Diyos sa saloobing ito ng mga tao? (Naiinis Siya.) At ano ang gagawin ng Diyos kapag naiinis Siya? Mahaharap sa poot ng Diyos ang mga tao—naiintindihan ninyo ito, hindi ba? Ang poot ng Diyos, hindi ang pagsubok ng Diyos; magkaibang konsepto ang dalawang ito. Kapag dumating ang poot ng Diyos sa mga tao, nasa panganib sila. Sa palagay ninyo, napopoot ba ang Diyos sa mga minamahal Niya? Napopoot ba Siya sa mga karapat-dapat na mamuhay sa liwanag ng presensiya Niya? (Hindi.) Sa anong klase ng tao napopoot ang Diyos? Sa mga sumunod sa Kanya nang maraming taon pero hindi pa rin nauunawaan ang mga salita Niya, na hindi pa rin alam na dapat silang makinig sa mga salita ng Diyos, na walang kamalayang tumanggap at magpasakop sa mga salita ng Diyos, tutol at nasusuklam ang Diyos sa mga gayong tao, at ayaw Niya silang iligtas. Nauunawaan ninyo ito, hindi ba? Kaya, ano ang dapat na saloobin ng mga tao sa Diyos, sa Diyos na nagkatawang-tao, at sa katotohanan? (Dapat kaming makinig, tumanggap, at magpasakop.) Tama iyan. Dapat kayong makinig, tumanggap, at magpasakop. Wala nang mas sisimple pa kaysa rito. Pagkatapos makinig, dapat tanggapin ninyo ito sa inyong puso. Kung hindi ninyo kayang tanggapin ang isang bagay, dapat patuloy kayong maghanap hanggang kaya na ninyo ang ganap na pagtanggap—pagkatapos, sa sandaling matanggap na ninyo ito, dapat kayong magpasakop. Ano ang ibig sabihin ng magpasakop? Ang ibig sabihin nito ay isagawa at tuparin. Huwag isawalang-bahala ang mga bagay pagkatapos marinig ang mga ito, nangangakong gagawin ang mga ito sa panlabas, isinusulat ang mga ito, itinatala ang mga ito sa papel, pinapakinggan ang mga ito gamit ang mga tainga ninyo, pero hindi isinasapuso ang mga ito, at patuloy lang sa dati ninyong gawi at ginagawa kung ano ang gusto ninyo kapag dumating ang oras na kailangan nang kumilos, isinasantabi ang isinulat ninyo at itinuturing itong hindi mahalaga. Hindi ito pagpapasakop. Ang tunay na pagpapasakop sa mga salita ng Diyos ay nangangahulugan ng pakikinig sa mga ito at pag-arok sa mga ito sa inyong puso, at tunay na pagtanggap sa mga ito—pagtanggap sa mga ito bilang hindi maiiwasang responsabilidad. Hindi lang ito bastang pagsasabi na tinatanggap ng isang tao ang mga salita ng Diyos; sa halip, pagtanggap ito sa mga salita Niya nang mula sa puso, ginagawang mga praktikal na pagkilos ang pagtanggap ninyo sa mga salita Niya at ipinapatupad ang mga salita Niya, nang walang anumang paglihis. Kung ang iniisip mo, nilalayon mo, at ang halagang ibinabayad mo ay lahat para matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, pagpapatupad iyan sa mga salita ng Diyos. Ano ang ibig sabihin ng “pagpapasakop”? Pagsasagawa at pagpapatupad ang ibig sabihin nito, ginagawang realidad ang mga salita ng Diyos. Kung isusulat mo ang mga salitang sinasabi ng Diyos at ang mga hinihingi Niya sa isang kuwaderno at sa papel, pero hindi mo itinatala ang mga ito sa puso mo, at ginagawa mo ang gusto mo kapag dumating na ang oras para kumilos, at sa panlabas, parang ginawa mo lang ang hiningi ng Diyos, pero ginawa mo ito ayon sa sarili mong kalooban, kung gayon, hindi ito pakikinig, pagtanggap, at pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, pagkamuhi ito sa katotohanan, hayagang paglabag sa mga prinsipyo, at pagbabalewala sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Paghihimagsik ito.
Nang minsan, ipinagkatiwala Ko sa isang tao na gawin ang isang bagay. Habang ipinaliliwanag Ko ang gawain sa kanya, maingat niya itong itinatala sa kanyang kuwaderno. Nakita Ko kung gaano siya kaingat sa pagtala nito—tila nakadarama siya ng pasanin para sa gawain, at mayroon siyang maingat at responsableng saloobin. Nang maipaliwanag Ko na ang trabaho sa kanya, naghintay na Ako ng ulat; dalawang linggo ang lumipas subalit hindi pa rin siya nagpadala ng mensahe. Kaya, nagkusa Akong hanapin siya, at kinumusta Ko ang trabahong ibinigay Ko sa kanya. Sabi niya, “Naku—nakalimutan ko! Sabihin Mo nga ulit sa akin.” Ano ang naramdaman ninyo sa sagot niya? Ganyan ang uri ng saloobin niya kapag gumagawa ng trabaho. Naisip Ko, “Talagang hindi mapagkakatiwalaan ang taong ito. Lumayo ka sa Akin, bilis! Ayaw na kitang makitang muli!” Gayon ang naramdaman Ko. Kaya, sasabihin Ko sa inyo ang isang katunayan: Hindi ninyo dapat kailanman iugnay ang mga salita ng Diyos sa mga kasinungalingan ng isang manloloko—ang paggawa niyon ay kasuklam-suklam sa Diyos. May ilang nagsasabi na ginagawa nila ang mga ipinapangako nila, na tinutupad nila ang sinasabi nila. Kung gayon nga, pagdating sa mga salita ng Diyos, magagawa kaya nila ang mga sinasabi ng mga salitang iyon kapag narinig nila ang mga iyon? Maipapatupad ba nila ang mga iyon nang kasing-ingat sa paggawa nila ng mga personal nilang gawain? Bawat pangungusap ng Diyos ay mahalaga. Hindi Siya nagsasalita nang pabiro. Ang sinasabi Niya ay kailangang gawin at ipatupad ng mga tao. Kapag nagsasalita ang Diyos, kinokonsulta ba Niya ang mga tao? Siguradong hindi. Tinatanong ka ba Niya ng mga bagay na may mga pagpipilian? Siguradong hindi. Kung matatanto mo na ang mga salita at atas ng Diyos ay mga utos, na kailangang gawin ng tao ang sinasabi ng mga ito at ipatupad ang mga iyon, obligasyon mong ipatupad at isagawa ang mga iyon. Kung iniisip mo na biro lang ang mga salita ng Diyos, mga kaswal na salita lamang na maaaring gawin—o hindi gawin—anuman ang gusto ng isang tao, at gayon ang trato mo sa mga ito, wala kang katwiran at hindi ka nararapat na tawaging tao. Hindi ka na kakausaping muli ng Diyos kailanman. Kung ang isang tao ay palaging gumagawa ng sarili niyang mga pagpapasya pagdating sa mga hinihingi ng Diyos, sa Kanyang mga utos at sa Kanyang atas, at tinatrato niya ang mga ito nang may pabasta-bastang saloobin, isa siyang uri ng tao na kinamumuhian ng Diyos. Sa mga bagay na direkta Kong inuutos at ipinagkakatiwala sa iyo, kung palagi mong kailangan na pangasiwaan kita at himukin, subaybayan, palagi mo Akong pinag-aalala at pinagtatanong, na kinakailangan Ko pang siyasatin ang lahat para sa iyo sa bawat pagkakataon, kailangan kang itiwalag. Marami ang ganitong uri ng tao sa mga kasalukuyang itiniwalag mula sa sambahayan ng Diyos. Tinuturuan Ko sila ng ilang bagay at tinatanong Ko sila pagkatapos: “Naunawaan mo ba ang lahat ng iyon? Malinaw ba ito? May mga tanong ka ba?” Tumutugon naman sila: “Naunawaan ko ang lahat, walang problema rito, walang dapat alalahanin!” Madali silang sumasang-ayon na gawin ang mga ito, inilalagay pa nila ang kamay nila sa dibdib at ipinapanumpa ito sa Akin. Pero tinutupad ba talaga nila ang mga bagay na ito pagkatapos nilang sumang-ayon? Hindi, basta na lang silang nawawala na parang bula at wala nang balita sa kanila. Ginagawa nila kaagad ang mga bagay na gusto nila, kumikilos nang mabilis at walang alinlangan. Madali nilang sinasang-ayunan ang mga bagay na ipinagkakatiwala Ko sa kanila, pero binabalewala na lang nila ito pagkatapos, at kapag kinukumusta Ko sila tungkol dito kalaunan, nalalaman Ko na wala silang anumang ginawa. Walang anumang konsensiya o katwiran ang ganitong klaseng tao. Wala silang silbi at hindi sila karapat-dapat sa paggawa ng tungkulin. Mas masahol pa sila sa isang baboy o aso. Kapag may alagang bantay na aso ang isang tao, kapag wala sa bahay ang tao, nakakatulong ang aso na bantayan ang bahay at bakuran kapag may dumarating na mga estranghero. Maraming tao ang hindi man lang kasinghusay ng mga aso sa paggawa ng mga bagay. May mga tao na palaging kailangang may nagbabantay sa kanila para lang magawa nila kahit kaunting bahagi ng kanilang tungkulin, at palaging kailangang may nagpupungos sa kanila, at nagmamasid sa kanila bago sila gumawa ng anumang bagay. Paggawa ba ito ng tungkulin? Sinungaling ang mga taong ito! Kung hindi naman pala nila planong gawin ito, bakit sila sumang-ayon dito? Hindi ba’t sadya itong panlilinlang sa mga tao? Kung naisip nilang magiging mahirap ang gawain, bakit hindi nila sinabi agad? Bakit sila nangako na isasagawa nila ito at pagkatapos ay hindi naman nila ginawa? Kung nililinlang nila ang ibang tao, walang magagawa ang mga tao sa kanila, pero kung nililinlang nila ang Diyos, ano ang mga kahihinatnan? Ang ganitong uri ng tao ay dapat pangasiwaan at itiwalag! Sa palagay ninyo, hindi ba’t masasamang tao ang mga namumuhi sa katotohanan at hayagang lumalabag sa mga prinsipyo? Masasamang tao silang lahat, mga demonyo silang lahat, at dapat silang itiwalag! Dahil ang mga taong ito ay kumikilos nang walang pakundangan, lumalabag sa mga prinsipyo, mapaghimagsik at suwail, nagtatatag ng sarili nilang kaharian, at dahil tamad at iresponsable sila, nagdulot sila ng malalaking kawalan sa iglesia! Sino ang makakapagbayad ng mga gayong kawalan? Walang sinuman ang makakayang akuin ang gayong responsabilidad. Ang mga taong ito ay nagrereklamo at nananatiling hindi kumbinsido at hindi nasisiyahan kapag pinupungusan sila. Hindi ba’t mga hindi makatwirang diyablo ang mga taong ito? Talagang wala na silang pag-asa at dapat matagal na silang itiniwalag!
Nauunawaan ba ninyo kung ano ang punto ng mga kuwento nina Noe at Abraham na pinagbahaginan natin ngayon? Mataas ba ang mga hinihingi ng Diyos sa tao? (Hindi.) Ang hinihingi ng Diyos sa tao ang pinakamahalaga sa isang nilikhang tao; hindi naman talaga mataas ang mga hinihingi Niya, at napakapraktikal at napakamakatotohanan ng mga ito. Dapat may tunay na pananalig at ganap na pagpapasakop ang mga tao para sang-ayunan sila ng Diyos; tanging ang mga nagtataglay ng dalawang bagay na ito ang tunay na naliligtas. Pero para sa mga lubhang naging tiwali, iyong mga namumuhi sa katotohanan at tutol sa mga positibong bagay, at para sa mga mapanlaban sa katotohanan, wala nang mas mahirap pa kaysa sa dalawang bagay na ito! Makakamit lang ito ng mga may dalisay at bukas na puso sa Diyos, iyong mga may taglay na pagkatao, katwiran, at konsensiya, at nagmamahal sa mga positibong bagay. Taglay ba ninyo ang mga bagay na ito? At kanino matatagpuan ang pagtitiyaga at kadalisayan na dapat taglayin ng mga tao? Sa usapin ng edad, lahat kayong nakaupo rito ay mas bata kaysa kina Noe at Abraham, pero pagdating sa kadalisayan, hindi kayo maikukumpara sa kanila. Wala sa inyo ang kadalisayan, katalinuhan, at karunungan; pero sa kabilang banda, mayaman kayo sa maliliit na panlalansi. Kaya, paano malulutas ang problemang ito? Mayroon bang anumang paraan para matupad ang mga hinihingi ng Diyos? Mayroon bang landas? Saan magsisimula? (Sa pamamagitan ng pakikinig sa mga salita ng Diyos.) Tama iyan: sa pagkatutong makinig at magpasakop. Sinasabi ng ilang tao, “Minsan, ang sinasabi ng Diyos ay hindi ang katotohanan, at hindi madaling magpasakop sa mga ito. Kung nagsasabi ang Diyos ng ilang salita ng katotohanan, magiging madali ang pagpapasakop.” Tama ba ang mga salitang ito? (Hindi.) Ano ang natuklasan ninyo sa mga kuwento nina Noe at Abraham na tinalakay natin ngayon? Nakatalagang tungkulin ng tao ang pagsunod sa salita ng Diyos at pagpapasakop sa mga hinihingi ng Diyos. At kung may sinasabi ang Diyos na hindi ayon sa mga kuru-kuro ng tao, hindi ito dapat analisahin o siyasatin ng tao. Sinuman ang kinokondena o itinitiwalag ng Diyos, gaano man karaming tao ang magkakaroon ng mga kuru-kuro at paglaban, hindi magbabago magpakailanman ang pagkakakilanlan ng Diyos, ang diwa Niya, ang disposisyon Niya, at ang katayuan Niya. Siya ay Diyos magpakailanman. Dahil wala kang pag-aalinlangan na Siya ang Diyos, ang tangi mong responsabilidad, ang tanging bagay na dapat mong gawin, ay sundin ang sinasabi Niya at magsagawa ayon sa salita Niya; ito ang landas ng pagsasagawa. Hindi dapat magsiyasat, mag-analisa, magtalakay, tumanggi, kumontra, maghimagsik, o magtakwil ang isang nilikha sa mga salita ng Diyos; kinamumuhian ito ng Diyos, at hindi ito ang nais Niyang makita sa tao. Paano nga ba dapat tratuhin ang mga salita ng Diyos? Paano mo ito dapat isagawa? Ang totoo, napakasimple nito: matutong sumunod sa mga ito, pakinggan ang mga ito gamit ang puso mo, tanggapin ang mga ito gamit ang puso mo, unawain at arukin ang mga ito gamit ang puso mo, at pagkatapos ay isagawa at ipatupad ang mga ito gamit ang puso mo. Ang naririnig at naaarok mo sa puso mo ay dapat na malapit na konektado sa pagsasagawa mo. Huwag paghiwalayin ang dalawang ito; lahat ng bagay—ang isinasagawa mo, kung saan ka nagpapasakop, ang ginagawa mo mismo, lahat ng pinagsusumikapan mo—ay dapat na nauugnay sa mga salita ng Diyos, pagkatapos, dapat kang magsagawa ayon sa mga salita Niya at ipatupad ang mga ito sa pamamagitan ng mga kilos mo. Iyon ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa mga salita ng Lumikha. Ito ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos.
Hulyo 18, 2020