Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi) Ikaapat na Seksiyon

Sumunod at nagpasakop ba ang mga taong kakabanggit Ko lang na sangkot sa mga manok at itlog? (Hindi.) Ano ang naging trato nila sa mga salita ng Diyos? Para silang walang narinig, at sa isipan nila ay mayroon silang partikular na pananaw: “Sabihin mo kung ano ang dapat mong sabihin, at gagawin ko kung ano ang dapat kong gawin. Wala akong pakialam sa mga hinihingi mo! Sapat nang binibigyan kita ng makakaing mga itlog—sinong may pakialam kung anong mga itlog ang kinakain mo. Gusto mong kumain ng mga organikong itlog? Huwag umasa. Mangarap ka na lang! Hiniling mo sa akin na mag-alaga ng mga manok, at ganito ko inaalagaan ang mga ito, pero nagdadagdag ka pa ng mga sarili mong hinihingi—may karapatan ka bang magsalita tungkol dito?” Sumusunod at nagpapasakop ba ang mga taong ito? (Hindi.) Ano ang gusto nilang gawin? Gusto nilang maghimagsik! Lugar ang sambahayan ng Diyos kung saan nagsasalita at gumagawa ang Diyos, at isang lugar kung saan naghahari ang katotohanan—kung, kapag may direktang sinabi ang Diyos sa kanila, hindi sumunod ang mga taong ito, hindi nagpasakop, maisasabuhay ba nila ang salita ng Diyos nang hindi Niya alam? Mas lalong malabo iyon! Mula sa malabo hanggang sa mas lalong malabo: batay sa dalawang bagay na ito, ang Diyos ba ang Diyos nila? (Hindi.) Kaya sino ang diyos nila? (Sarili nila.) Tama—itinuturing nila ang sarili nila bilang diyos, nananampalataya sila sa sarili nila. Kung gayon, ano pa ang ginagawa nila rito? Dahil sila ang sarili nilang diyos, bakit pa nila ipinangangalandakang nananampalataya sila sa Diyos? Hindi ba niloloko nila ang ibang tao? Hindi ba niloloko nila ang sarili nila? Kung ganito ang saloobin ng mga tao sa Diyos, kaya ba nilang sumunod? (Talagang hindi.) Kahit na sa isang napakasimpleng bagay, hindi sila makasunod sa salita ng Diyos o makapagpasakop sa Diyos, walang epekto sa kanila ang mga salita ng Diyos, at hindi nila tinatanggap ang mga ito at hindi sila makapagpasakop sa mga ito. Maliligtas ba ang mga gayong tao? (Hindi.) Gaano sila kalayo sa kaligtasan? Napakalayo, ni hindi man lamang malapit! Sa isip, handa bang iligtas ng Diyos ang mga hindi sumusunod sa Kanyang mga salita, ang mga nakikipagtagisan sa Kanya? Talagang hindi. Kahit ang mga tao, kung susukatin ito batay sa sarili nilang mga kaisipan, ay hindi magiging handang gawin ito. Kung kakalabanin ka ng mga ganitong diyablo at Satanas, para makipagtagisan sa iyo sa lahat ng aspekto, ililigtas mo ba sila? Imposible. Walang sinumang gustong iligtas ang mga gayong tao. Walang sinumang gustong makipagkaibigan sa gayong mga tao. Patungkol sa pag-aalaga ng mga manok—isang napakaliit na bagay—nalantad ang likas na pagkatao ng mga tao; sa isang napakaliit na bagay, walang kakayahang sumunod ang mga tao sa sinabi Ko. Hindi ba’t malubhang problema ito?

Pagkatapos ay pag-usapan natin ang isang bagay na kinasasangkutan ng mga tupa. Siyempre, may kaugnayan pa rin ito sa mga tao. Sumapit na ang tagsibol. Mainit ang panahon at namumukadkad na ang mga bulaklak. Yumayabong na ang mga halaman, luntian ang damo. Lahat ay nagsisimulang magningning sa buhay. Ang mga tupa ay kumakain ng dayami sa buong taglamig, at ayaw na nilang kainin ito, kaya inaasam ng mga ito ang panahon na maging luntian ang damo at makakain na ang mga ito ng sariwang damo. Nagkataon na ito rin ang panahon kung kailan ipinanganak ng mga babaeng tupa ang mga kordero, na nangangahulugan na mas kailangan nilang kumain ng luntiang damo. Kung mas mataas ang kalidad ng damo, at mas marami nito, mas maraming gatas ang magagawa nila, at mas mabilis na lalaki ang mga kordero; masisiyahan din ang mga tao na makita ito, ito ay isang bagay na dapat asamin: isang maganda at matabang tupang makakain pagsapit ng taglagas. At dahil may inaasam na isang bagay ang mga tao, dapat ba silang humanap ng mga paraan para mabigyan ng mas maraming magandang damong makakain ang mga tupa, para mapakain ang mga ito upang maging malalakas at matataba ang mga ito? Hindi ba’t dapat pinagmuni-munihan nila, “Hindi maganda ang damo sa parang sa panahong ito. Babagal ang paglaki ng mga tupa kung kakainin nila ito. Saan kaya may magandang damo?” Hindi ba’t dapat silang gumawa ng kaunting pagsisikap dito? Ngunit sino ang nakakaalam kung ano ang iniisip ng taong nag-aalaga sa mga tupa. Isang araw dinalaw Ko ang mga tupa. Nakita Ko na maayos ang lagay ng mga kordero, at natutuwa ang mga ito kapag nakakakita ng mga tao, ipinapatong ang mga harapang paa ng mga ito sa mga binti ng tao para umabot pataas, nais makipag-usap sa mga tao. May mga sungay na ang ilang kordero, kaya hinawakan Ko ang maliliit na sungay at nakipaglaro sa mga ito. Maayos ang lagay ng mga korderong iyon, pero labis na payat at tuyot ang mga ito. Naisip Ko na malalambot ang mga kordero at hindi makakapal ang balahibo ng mga ito, ngunit maiinit pa rin ang mga ito, at naisip Ko na mas mabuti kung papatabain ang mga ito nang kaunti. Habang iniisip Ko ito, tinanong Ko ang taong nag-aalaga ng mga tupa. “Hindi ba maganda ang kalidad ng damong ito? Wala bang sapat sa parang na makakain ng mga tupa? Dapat bang bungkalin ang lupa at magtanim ng kaunting bagong damo, para may sapat silang makakain?” Sinabi niya, “Walang sapat na luntiang damong makakain. Sa ngayon, kumakain pa rin ng dayami ang mga tupa.” Nang marinig Ko ito, sinabi Ko, “Hindi mo ba alam kung anong panahon ito? Bakit pinakakain mo pa rin sila ng dayami? Nanganak na ang mga babaeng tupa ng mga kordero, dapat ay maganda at sariwang damo ang kinakain nila. Bakit pinakakain mo pa rin sila ng dayami? Nakaisip ka na ba ng solusyon para dito?” Marami siyang sinabing dahilan. Nang sabihin Ko sa kanya na bungkalin ang parang, sinabi niyang hindi niya kaya—kung ginawa niya iyon, wala nang makakain ngayon ang mga tupa. Ano ang palagay ninyo matapos ninyong marinig ang lahat ng ito? May nadarama ba kayong pasanin? (Mag-iisip ako ng mga paraan para makahanap ng magandang parang ng damo, o gumapas ng ilang damo sa ibang lugar.) Isang paraan iyon para malutas ito. Kailangan mong mag-isip ng solusyon. Huwag mong basta busugin ang tiyan mo at kalimutan ang lahat ng iba pa—kailangan ding mabusog ang mga tupa. Kalaunan, sinabi Ko sa ilan pang tao, “Puwede bang bungkalin ang parang na ito? Kahit magtanim ka sa taglagas, makakakain ng luntiang damo ang mga tupa sa susunod na taon. Bukod pa riyan, dalawa ang parang sa iba pang mga lugar, maaari bang tipunin doon ang mga tupa araw-araw para makakain ng sariwang damo? Kung pinagsasalit-salit ang dalawang parang, hindi ba makakakain ng sariwang damo ang mga tupa?” Madali bang gawin ang sinabi Ko? (Oo.) Sabi ng ilang tao, “Mas madaling sabihin iyon kaysa gawin. Palagi Mong sinasabi na madaling gawin ang mga bagay-bagay—paano ito naging madali? Napakaraming tupa, at kapag nagtatakbuhan sila, hindi talaga sila madaling tipunin.” Hirap na hirap na sila sa pagtitipon lamang ng mga tupa, napakarami nilang dahilan at suliranin, ngunit sa huli ay sumang-ayon sila. Pagkaraan ng ilang araw nagpunta Ako para tumingin ulit. Lumago na nang husto ang damo nang halos hanggang baywang. Nagtaka Ako kung paano ito tumaas nang ganoon samantalang kinakain ito ng mga tupa. Pagkatapos magtanong ng ilang bagay, natuklasan Ko: Hindi man lamang nadala roon ang mga tupa para manginain ng damo. May dahilan din ang mga tao: “Walang silungan sa parang, naiinitan nang husto ang mga tupa.” Sabi Ko, “Bakit hindi na lang sila gawan ng silungan? Kaunti lamang ang mga tupa. Ano ba dapat ang ginagawa ninyo rito? Hindi ba’t dapat na pinangangasiwaan ninyo ang mga simpleng usaping ito?” Sagot nila, “Wala kaming mahanap na gagawa nito.” Sabi Ko, “May mga taong gagawa ng iba pang mga bagay, bakit walang gagawa nito? Naghanap ka na ba? Ang pinapahalagahan mo lamang ay ang kainin ang tupa, hindi ang palakihin sila. Bakit napakamakasarili mo? Gusto mong kumain ng tupa ngunit hindi mo sila pinapakain ng luntiang damo—bakit napaka-imoral mo!” Nang mapilitan na sila, ginawa ang silungan at nakakain ng luntiang damo ang mga tupa. Madali ba para sa kanila ang kumain ng kaunting luntiang damo? Napakahirap gawin ang isang napakasimpleng bagay para sa mga taong ito. Sa bawat hakbang, nagdahilan sila. Nang magkaroon sila ng dahilan, nang mayroong sangkot na anumang mga suliranin, sumuko sila at naghintay na dumating Ako at ayusin iyon. Kinailangan Kong subaybayan palagi kung ano ang nangyayari, kinailangan Kong bantayan ito palagi, kinailangan Kong pilitin sila palagi—hindi maaaring hindi Ko sila pilitin. Bakit Ako dapat ang mag-alala tungkol sa isang bagay na walang halaga na katulad ng pagpapakain sa mga tupa? Inihahanda Ko ang lahat para sa inyo, kaya bakit kailangan ng labis na pagsisikap para mapasunod kayo sa kaunting salita Ko? Hinihiling Ko ba sa iyo na umakyat ng bundok ng mga kutsilyo o lumangoy sa dagat-dagatang apoy? O napakahirap bang isagawa nito? Hindi ba’t responsabilidad mo ito? May kapangyarihan kang maisakatuparan ang lahat ng ito. Saklaw ito ng mga kakayahan mo. Hindi ito mahirap gawin. Bakit hindi mo ito nagagawa? Saan nagmumula ang problema? Pinagawa ba kita ng arka? (Hindi.) Gaano kalaki ang pagkakaiba sa pagitan ng ipinagawa sa iyo, at ng paggawa ng arka? Napakalaki. Ang gawaing hiniling sa iyo na isakatuparan ay tatagal lamang nang isa o dalawang araw. Ilang salita lamang ang kakailanganin nito. Kayang gawin ito. Ang paggawa ng arka ay isang napakabigat na gawain, 100 taong gawain. Nangangahas Akong sabihin na kung kayo ay naipanganak sa panahon ni Noe, wala ni isa man sa inyo ang makakayang sumunod sa mga salita ng Diyos. Nang sumunod si Noe sa mga salita ng Diyos, nang gawin niya ang arka, nang paunti-unti, tulad ng utos ng Diyos, kayo ang magiging mga tao na nakatayo sa isang tabi, na pumipigil kay Noe, pinagkakatuwaan siya, kinukutya siya, at pinagtatawanan siya. Ganyang klaseng tao kayo talaga. Walang-wala kayong saloobing sumunod at magpasakop. Taliwas dito, hinihiling ninyo na pakitaan kayo ng Diyos ng partikular na biyaya, at na partikular kayong pagpalain at bigyang liwanag. Paano ka naging napakawalang kahihiyan? Ano ang masasabi ninyo, alin sa mga bagay na katatalakay Ko pa lamang ang Aking responsabilidad? Alin ang dapat Kong gawin? (Wala sa mga iyon.) Lahat ng bagay na ito ay mga usapin ng tao. Hindi Ko iyan tungkulin. Dapat ay magawa Kong iwan kayo nang mag-isa. Kaya bakit Ko kailangang makisali? Ginagawa Ko ito hindi dahil sa obligasyon Ko ito, kundi para sa inyong sariling kapakanan. Walang isa man sa inyo ang nag-aalala tungkol dito, wala ni isa man sa inyo ang nakagawa ng responsabilidad na ito, wala ni isa man sa inyo ang may ganitong mabubuting layunin—kaya kailangan Kong lalong magpakapasakit para dito. Ang kailangan lamang ay sumunod kayo at makipagtulungan, napakasimple niyon—ngunit ni hindi ninyo iyon magawa. Tao pa ba kayo?

May isa pang mas malubhang insidente. Mayroong isang lugar kung saan may itinatayong gusali. Ang gusali ay medyo mataas at medyo malaki ang sakop na lugar. Marami-raming kagamitan ang nasa loob nito; at para mas madaling ilipat ang mga ito, mangangailangan sa pinakamababa, ng isang set ng dalawahang pinto, at kailangan ay walong talampakan man lang ang taas ng mga ito. Maiisip ng mga taong normal ang tungkol sa lahat ng ito. Ngunit mayroong nagpumilit na maglagay ng nag-iisang anim-na-talampakang pinto. Hindi niya pinansin ang mungkahi ng lahat ng iba pa, kaninuman nagmula ang mga iyon. Magulo ba ang isip ng taong ito? Labis siyang mapanlinlang. Kalaunan, nang may magsabi sa Akin tungkol dito, sinabi Ko sa taong iyon, “Kailangan mong magkabit ng dalawahang pinto, at kailangan ay mas mataas ang mga iyon.” Atubili siyang pumayag. Ang totoo, pumayag siya kunwari, ngunit ano ang lihim niyang sinabi? “Bakit ba kailangang maging napakataas ng mga iyon? Ano ang problema kung mas mababa ang mga iyon?” Kalaunan, nagpunta Akong muli para tingnan ito. Naidagdag lang ang isa pang pinto, ngunit pareho pa rin ang taas. At bakit pareho pa rin ang taas? Imposible bang gumawa ng mas mataas na pinto? O sasayad ba sa kisame ang pinto? Ano ang problema? Ang problema ay ayaw niyang sumunod. Ang iniisip niya talaga ay, “Ikaw ba ang nagpapasya? Ako ang amo rito, ako ang nagpapasya. Ginagawa ng ibang mga tao ang sinasabi ko, hindi ang kabaligtaran. Ano ba ang alam mo? Nakakaunawa ka ba ng konstruksiyon?” Ibig sabihin ba ng hindi nakakaunawa ng konstruksiyon ay hindi Ko nakikita ang hitsura ng mga proporsiyon? Sa gayong kababang pinto sa isang napakataas na gusali, kapag pumasok doon ang taong mahigit 6’2 na talampakan ang tangkad, kung hindi sila yuyukod mauuntog sila sa hamba. Anong klaseng pinto ba ito? Hindi Ko na kailangang makaunawa ng konstruksiyon—sabihin mo sa Akin, makatwiran ba ang paliwanag Ko tungkol dito? Praktikal ba iyon? Ngunit hindi nauunawaan ng taong iyon ang gayong praktikalidad. Ang alam lamang niya ay sumunod sa mga regulasyon, sinasabi niya: “Ganito lahat ang hitsura ng mga pinto sa pinanggalingan ko. Bakit ko dapat gawing kasing taas iyon gaya ng sinabi mo? Ipinagawa mo sa akin ito, at ganito ko ginawa ito. Kung wala akong silbi sa iyo, kalimutan mo na ito! Ganito ang paggawa ko sa mga bagay, at hindi kita susundin!” Anong klase ang taong ito? Palagay ba ninyo ay maaari pa rin siyang kasangkapanin ng sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kaya ano ang dapat gawin dahil hindi siya maaaring kasangkapanin? Bagama’t may palatandaan na nagsisikap ang gayong mga tao sa sambahayan ng Diyos, at hindi kaagad pinalalayas, at bagama’t nagagawa ng mga kapatid na magparaya sa kanila, at nagagawa Kong magparaya sa kanila, pagdating sa kanilang pagkatao—kalimutan na natin kung nauunawaan nila ang katotohanan o hindi—nagtatrabaho at naninirahan sa isang kapaligirang tulad ng sambahayan ng Diyos, malamang ba na magtagal sila? (Hindi.) Dapat ba natin silang palayasin? (Hindi.) Malamang bang manatili sila sa iglesia sa loob ng mahabang panahon? (Hindi.) Bakit hindi? Isantabi natin kung nauunawaan nila ang sinabi sa kanila. Dahil ganito ang disposisyon nila, matapos magpakita ng kaunting palatandaan ng pagsisikap, nagiging mayabang sila, at sinusubukan nilang magdikta. Maaari ba itong mangyari sa sambahayan ng Diyos? Wala silang silbi, subalit iniisip nila na mahusay sila, na sila ay isang haligi, at na maaasahan sila sa sambahayan ng Diyos, kung saan walang pakundangan silang gumagawa ng masama, at sinusubukan nila na sila ang magpasya. Malamang na magkaroon sila ng mga problema, at hindi sila magtatagal. Sa mga taong katulad nito, kahit hindi sila patalsikin ng sambahayan ng Diyos, kapag matagal-tagal na silang narito ay mapapansin nila na sa sambahayan ng Diyos, laging pinag-uusapan ng mga tao ang katotohanan, ang prinsipyo; wala silang interes dito, walang silbi ang modus operandi nila rito. Saanman sila magpunta at anuman ang kanilang ginagawa, hindi nila kayang makipagtulungan sa iba, at gusto nila na sila palagi ang magpasya. Ngunit hindi maaari iyan, at natatagpuan nila ang kanilang sarili na limitado sa lahat ng aspekto. Habang lumilipas ang panahon, nauunawaan ng karamihan sa mga kapatid ang katotohanan at ang mga prinsipyo; samantalang sinusubukan ng mga taong ito na gawin ang gusto nila, sinusubukang maging amo at magpasya, at hindi sila kumikilos ayon sa prinsipyo, maraming tao ang tumitingin nang mapanghamak sa kanila—matitiis ba nila ito? Pagdating ng panahon, mararamdaman nila na hindi sila kaayon sa mga taong ito, na likas na hindi sila nabibilang dito, na mali ang kanilang kinaroroonan: “Paano ako aksidenteng napunta sa sambahayan ng diyos? Napakasimple ng pag-iisip ko. Akala ko kung magsisikap ako nang kaunti, maiiwasan ko ang kapahamakan, at mapagpapala ako. Hindi ko naisip kailanman na hindi ganito ang mangyayari!” Likas na hindi sila nabibilang sa sambahayan ng Diyos; matapos manatili sandali, nawawalan sila ng interes, nanlalamig sila, at hindi na sila kailangang patalsikin pa—sila na mismo ang umaalis.

Sinasabi ng ilang tao, “Wala bang bagay na hindi Mo pinapakialaman? Usisero Ka, hindi ba? Gusto mo lang ipakita ang Iyong katanyagan, ipadama ang presensiya Mo, at ipaalam sa mga tao ang pagiging makapangyarihan Mo sa lahat sa pamamagitan ng pakikialam sa mga usapin ng ibang tao, hindi ba?” Sabihin mo sa Akin, ayos lang ba kung hindi Ko aasikasuhin ang mga bagay na ito? Sa realidad, ayaw Kong asikasuhin ang mga ito, ang mga ito ay responsabilidad ng mga lider at manggagawa, pero kung hindi Ko ito gagawin, magkakaroon ng problema, at maaapektuhan ang susunod na gawain. Kailangan Ko bang makialam sa gayong mga usapin kung nalutas na ninyo ang mga iyon, kung ginawa ninyo ang ipinagawa Ko? Kung hindi Ko kayo aalalahanin, hindi ninyo isasabuhay ang anumang wangis ng tao, ni hindi kayo mamumuhay nang maayos. Wala kayong magagawa nang kayo-kayo lang. At kahit magkaganoon, hindi pa rin kayo sumusunod sa Akin. Sasabihin Ko sa inyo ang isang napakasimpleng bagay: ang napakasimpleng usapin ng kalinisan at pangangalaga sa paligid na inyong tinitirhan. Paano kayo kumikilos tungkol sa usaping ito? Kung may pupuntahan Akong lugar at hindi Ko ipinaalam sa inyo nang maaga, magiging napakarumi ng kapaligiran ninyo, at kakailanganin ninyong linisin iyon kaagad-agad, at maiinis kayo at maaasiwa. Kung sinabi Ko sa inyo nang maaga na paparating Ako, hindi gaanong magiging masama ang sitwasyon—ngunit akala ba ninyo ay hindi Ko alam ang nangyayari kapag hindi Ako nakatingin? Maliliit na bagay ang lahat ng ito, ilan sa pinakasimple at pinakapangunahing punto ng normal na pagkatao. Pero ganito kayo katamad. Talaga bang magagawa ninyo nang mabuti ang tungkulin ninyo? Nanatili Ako sa ilang lugar sa mainland China nang sampung taon, tinuruan Ko ang mga tao roon kung paano tiklupin ang mga kumot at ibilad ang mga ito sa araw, kung paano maglinis ng bahay, at kung paano magsindi ng kalan sa mga bahay. Pero pagkatapos ng sampung taon ng pagtuturo, hindi Ko pa rin sila naturuan. Dahil ba hindi ako marunong magturo? Hindi, masyado lang talagang walang kuwenta ang mga taong ito. Kalaunan, tumigil na Akong magturo. Kapag napupunta Ako sa isang lugar at may nakikita Akong kumot na hindi nakatupi, tatalikod na lang Ako at aalis. Bakit Ko ito ginagawa? Nababahuan kasi Ako at nandidiri. Bakit Ako mananatili sa isang lugar na mas masahol pa kaysa sa kulungan ng baboy? Ayaw Kong gawin iyon. Kahit ang maliliit na problemang ito ay napakahirap baguhin. Kung patitindihin Ko ang sitwasyon sa pagsunod sa daan ng Diyos, at sa kalooban ng Diyos, sa tuwirang pananalita, hinding-hindi ninyo ito maaabot. Ano ang pangunahing puntong sinasabi Ko ngayon? Napakahalagang sumunod sa mga salita ng Diyos, at hindi mo ito dapat balewalain. Ang pagsunod sa mga salita ng Diyos ay hindi nangangahulugan na dapat mong suriin, pag-aralan, talakayin o usisain ang mga salita ng Diyos na dapat mong siyasatin ang mga dahilan sa likod ng mga ito, at subukang makabuo ng dahilan; sa halip, dapat mong isakatuparan ang Kanyang mga salita at isagawa ang mga iyon. Kapag nagsasalita sa iyo ang Diyos, kapag inutusan ka Niyang isagawa ang isang gawain o ipinagkatiwala Niya sa iyo ang isang bagay, ang susunod na gustong makita ng Diyos ay kumikilos ka, at kung paano mo ito isasakatuparan, sa paisa-isang hakbang. Walang pakialam ang Diyos kung nauunawaan mo ang bagay na ito o hindi, ni wala Siyang pakialam kung, sa puso mo, mausisa ka tungkol dito, o kung mayroon kang anumang pagdududa tungkol dito. Ang tinitingnan ng Diyos ay kung gagawin mo ito, kung mayroon kang saloobing sumunod at magpasakop.

Nagkataon na kausap Ko ang ilang tao tungkol sa mga kasuotan para sa mga palabas. Ang pangunahing prinsipyo ay dapat maging disente, may dignidad, marangal, at elegante ang kulay at estilo ng mga kasuotan. Hindi dapat magmukhang kakaibang kasuotan ang mga ito. Bukod pa riyan, hindi na kailangang gumastos nang husto. Hindi kailangang manggaling ang mga ito sa isang partikular na taga-disenyo, lalo nang hindi kailangang magpunta sa mamahalin at may tatak na mga tindahan para bilhin ang mga ito. Ang Aking pananaw ay dapat pagmukhaing elegante, disente at may dignidad ang mga kasuotan ng mga gumaganap, na maayos dapat silang tingnan. Walang mga limitasyon sa kulay, maliban sa pag-iwas sa mga mukhang hindi maganda o madilim kapag nasa entablado. Ayos lang ang karamihan sa iba pang mga kulay: pula, kahel, dilaw, berde, asul, indigo, lila—walang mga regulasyon para dito. Bakit may ganitong prinsipyo? Bawat kulay ay nasa likha ng Diyos. May kulay ang mga bulaklak, gayon din ang mga puno, halaman, at ibon. Kaya hindi tayo dapat magkaroon ng mga kuru-kuro o panuntunan tungkol sa kulay. Pagkatapos sabihin ito, nangamba Ako na baka hindi nila maunawaan. Tinanong Ko silang muli, at napanatag lamang Ako nang sabihin ng lahat ng nakarinig sa Akin na naunawaan nila. Ang natitira ay maaaring isakatuparan ayon sa prinsipyong nabanggit Ko. Simpleng bagay ba ito? Malaking bagay ba ito? Mas malaki ba ito o mas maliit na gawain kaysa sa paggawa ng arka? (Mas maliit.) Kumpara sa pag-aalay ni Abraham kay Isaac, mahirap ba ito? (Hindi.) Wala talaga itong kaakibat na hirap, at simple ito—tungkol lamang ito sa pananamit. Lantad ang mga tao sa pananamit mula sa sandaling ipanganak sila; hindi ito mahirap na bagay. Mas madali pa ngang isagawa ng mga tao ang mga bagay na ito nang ipaliwanag Ko ang isang partikular na prinsipyo. Ang mahalaga ay kung sumunod ba sila, at kung handa ba silang gawin ito. Pagkaraan ng ilang panahon, nang magawa na ang ilang palabas at pelikula, nakita Ko na lahat ng kasuotan ng mga bida ay asul. Pinag-isipan Ko ito nang kaunti: “May problema ba sa isipan ng mga tao na gumagawa ng mga palabas na ito? Napakalinaw ng sinabi Ko. Hindi Ako gumawa ng isang panuntunan na kailangan ay asul ang mga kasuotan, at na sinumang hindi nakasuot ng asul ay hindi dapat payagan sa entablado. Ano ang problema ng mga taong ito? Ano ang umuudyok at nangingibabaw sa kanila? Nagbago na ba ang mga kalakaran sa mundo sa labas, at asul na lamang ang isinusuot ng mga tao ngayon? Hindi. Walang mga panuntunan ang mundo sa labas tungkol sa mga kulay at estilo, nagsusuot ang mga tao ng lahat ng uri ng kulay. Kaya kakatwa na dapat mangyari ang gayong sitwasyon sa ating iglesia. Sino ang huling tumitingin sa mga kasuotan? Sino ang may kontrol sa usaping ito? Mayroon bang namamahala sa mga bagay-bagay?” Mayroon ngang namamahala sa mga bagay-bagay; dahil dito, anuman ang estilo, lahat ng kasuotan ay wala nang iba kundi asul. Walang nagawang kaibahan ang sinabi Ko. Nakapagpasya na sila na kailangan ay asul ang lahat ng pananamit—wala nang ibang isusuot ang mga tao kundi asul. Ang asul ay sumasagisag sa espirituwalidad, at kabanalan; ito ang kulay na tatak ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi asul ang kanilang mga kasuotan, hindi sila papayag na matuloy ang palabas at hindi sila mangangahas na gawin iyon. Sinabi Ko na katapusan na ng mga taong ito. Napakasimpleng bagay nito, ipinaliwanag Ko ang bawat punto nang napakalinaw, at tiniyak Ko na naunawaan nila iyon pagkatapos Kong magpaliwanag; nang magkasundo lamang kaming lahat ay saka Ko lamang tinapos ang paksa. At ano ang naging resulta sa huli? Dumaan lamang na parang hangin ang sinabi Ko. Walang sinumang nagpahalaga rito. Tinupad at isinagawa pa rin nila ang gusto nila; walang sinumang nagsagawa ng sinabi Ko, walang sinumang tumupad nito. Ano ba talaga ang ibig nilang sabihin nang sabihin nila na naunawaan nila? Binibiro Ako ng mga taong ito. Maghapon silang nagtsitsismisan tulad ng mga babaeng iyon na nasa kalagitnaang edad na nasa kalsada. Ganito rin nila Ako pag-usapan at ganito rin ang kanilang naging saloobin. Kaya nadama Ko sa puso Ko: Ang saloobin ng mga taong ito kay Cristo ay ang saloobin nila sa Diyos, at labis na nakakapag-alala ang saloobing ito, isang mapanganib na palatandaan, isang masamang hudyat. Gusto ba ninyong malaman kung ano ang inihuhudyat nito? Kailangan ninyong malaman. Kailangan Kong sabihin ito sa inyo, at kailangan ninyong makinig nang mabuti: Batay sa namamalas sa inyo, sa inyong saloobin sa mga salita ng Diyos, marami sa inyo ang masasadlak sa sakuna; ang ilan sa inyo ay masasadlak sa sakuna para maparusahan, at ang ilan ay para mapino, at hindi maiiwasan ang sakuna. Ang mga pinaparusahan ay mamamatay agad, masasawi sila. Gayunman, para sa mga pinipino sa sakuna, kung susunod at magpapasakop sila dahil dito, at magagawang manindigan nang matatag, at magtataglay sila ng patotoo, matatapos ang pinakamahirap na pagsubok; kung hindi, wala na silang pag-asa sa hinaharap, manganganib sila, at mawawalan na sila ng iba pang pagkakataon. Naririnig ba ninyo Ako nang malinaw? (Oo.) Mukha bang mabuti ang bagay na ito para sa inyo? Sa madaling salita, para sa Akin, hindi ito maganda. Pakiramdam Ko na masamang palatandaan ito. Naibigay Ko na sa inyo ang mga katunayan; kayo na ang bahalang magpasya. Wala na Akong sasabihin pa tungkol dito, hindi Ko na uulitin ang sinabi Ko, hindi Ko na ito muling babanggitin.

Ang paksang ibinabahagi Ko ngayon ay kung paano tratuhin ang mga salita ng Diyos. Napakahalagang sumunod at magpasakop sa mga salita ng Diyos. Napakahalagang magawang ipatupad, isakatuparan, at isagawa ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Kahit ngayon, hindi pa rin namin alam kung paano itrato si Cristo.” Napakasimple ng paraan ng pagtrato kay Cristo: Ang saloobin mo kay Cristo ay ang saloobin mo sa Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang saloobin mo sa Diyos ay ang saloobin mo kay Cristo. Siyempre, ang saloobin mo kay Cristo ay ang saloobin mo sa Diyos sa langit. Ang saloobin mo kay Cristo ang pinakatotoo sa lahat—nakikita ito, at ang mismong sinisiyasat ng Diyos. Gustong maunawaan ng mga tao kung paano itatrato ang Diyos sa paraang nais ng Diyos, at simple lamang ito. Mayroong tatlong punto: Ang una ay pagiging sinsero; ang pangalawa ay pagrespeto, matutunan kung paano respetuhin si Cristo; at ang pangatlo—at ito ang pinakamahalagang punto—ay pagsunod sa Kanyang mga salita. Ang pagsunod sa Kanyang mga salita: ang ibig sabihin ba niyan ay makinig gamit ang iyong mga tainga, o gamit ang iba pa? (Gamit ang ating puso.) Mayroon ka bang puso? Kung mayroon kang puso, gamitin ito sa pakikinig. Makakaunawa ka lamang kung makikinig ka gamit ang iyong puso, at maisasagawa mo ang naririnig mo. Napakasimple ng bawat isa sa tatlong puntong ito. Ang literal na kahulugan ng mga ito ay dapat maging madaling maunawaan, at sa lohikal na pananalita, dapat ay madaling isagawa ang mga ito—ngunit kung paano mo isinasagawa ang mga ito, at kung naisasagawa mo nga ba ito, nasa inyo na iyon; hindi na Ako magpapaliwanag pa. Sabi ng ilang tao, “Ordinaryong tao ka lamang. Bakit kami dapat maging sinsero sa iyo? Bakit ka namin dapat igalang? Bakit namin dapat sundin ang iyong mga salita?” Mayroon Akong mga dahilan. Tatlo rin ang mga ito. Makinig nang husto at tingnan kung may katuturan ang sinasabi Ko. Kung mayroon, dapat ninyong tanggapin ito; kung sa pakiramdam ninyo ay wala, hindi ninyo ito kailangang tanggapin, at maaari kang maghanap ng ibang landas. Ang unang dahilan ay simula nang tanggapin mo ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, kinakain, iniinom, tinatamasa, at binabasa mo nang padasal ang bawat salitang sinabi Ko. Pangalawa ay kinikilala mo mismo na isa kang tagasunod ng Makapangyarihang Diyos, na isa ka sa Kanyang mananampalataya. Kaya maaari bang sabihin na kinikilala mong isa kang tagasunod ng ordinaryong laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos? Maaari. Sa kabuuan, ang pangalawa ay kinikilala mo na isa kang tagasunod ng Makapangyarihang Diyos. Ang pangatlong dahilan ang pinakamahalaga sa lahat: Sa buong sangkatauhan, Ako lamang ang nagtuturing sa inyo bilang mga tao. Mahalaga ba ang puntong ito? (Oo.) Alin sa tatlong puntong ito ang hindi ninyo matanggap? Ano ang masasabi ninyo, hindi ba totoo ang anuman sa mga puntong ito na nabanggit Ko, mayroong kinikilingan, hindi makatotohanan? (Hindi.) Kaya sa kabuuan ay may anim na punto. Hindi Ko na idedetalye ang bawat isa sa mga ito; pagmuni-munihan ninyo nang mag-isa ang mga ito. Napakahaba na ng nasabi Ko tungkol sa mga paksang ito, kaya dapat ay maunawaan na ninyo ang mga ito.

Hulyo 4, 2020

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.