Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig Sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi) Ikatlong Seksiyon

III. Paglalantad sa Kung Paano Tinatrato ng mga Tao Ngayon ang mga Salita ng Diyos

Ano ang paksa ng mga kuwentong kakasabi Ko lang? (Tungkol sa mga saloobin ukol sa Diyos at kung paano kami makakasunod sa salita ng Diyos at makakapagpasakop sa Diyos kapag may mga nangyayari.) Ano ang pangunahing aral na itinuro ng dalawang kuwentong ito sa inyo? (Sumunod at magpasakop, at kumilos ayon sa mga hinihingi ng salita ng Diyos.) Mahalaga na matutong sundin, at isagawa ang pagsunod sa mga salita ng Diyos. Sinasabi mo na ikaw ay tagasunod ng Diyos, na ikaw ay isang nilikha, na ikaw ay isang tao sa mga mata ng Diyos. Gayunman, sa iyong isinasabuhay at sa iyong ipinapamalas, walang tanda ng pagpapasakop o pagsasagawa na ginagawa matapos marinig ang mga salita ng Diyos. Kaya, dapat bang magkaroon ng mga tandang pananong kasunod ng mga katagang “isang nilikha,” “isang taong sumusunod sa Diyos” at “isang tao sa mga mata ng Diyos” kapag ginagamit ang mga ito upang ilarawan ka? At sa mga tandang pananong na ito, gaano ba talaga kalaki ang pag-asa mong maligtas? Walang nakakaalam nito, maliit ang tsansa, at ikaw mismo ay hindi nangangahas na magsabi. Noong nakaraan, isinalaysay Ko ang dalawang klasikong kuwento kung paano sumunod sa mga salita ng Diyos. Sinumang nakabasa na sa Bibliya at sumunod sa Diyos sa loob ng maraming taon ay pamilyar na sa dalawang kuwentong ito. Ngunit sa pagbasa sa mga kuwentong ito, wala pang sinumang nakapulot ng isa sa pinakamahahalagang katotohanan sa lahat: ang pagsunod sa mga salita ng Diyos. Ngayong narinig na natin ang mga kuwento kung paano sumunod sa mga salita ng Diyos, bumaling tayo sa mga kuwento tungkol sa hindi pagsunod sa mga salita ng Diyos. Dahil nabanggit ang hindi pagsunod sa mga salita ng Diyos, tiyak na mga kuwento ito tungkol sa mga tao sa kasalukuyan. Ang ilan sa sinasabi Ko ay maaaring nakakaasiwang pakinggan, at baka makasakit sa inyong karangalan at pagpapahalaga sa sarili, at makikita na wala kayong integridad at dignidad.

May isang piraso ng lupain na pinataniman Ko ng mga gulay sa ilang tao. Ito ay upang ang mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin ay magkaroon ng ilang pagkaing organic, at hindi na kailanganing bumili ng mga gulay na hindi organic na may mga pamatay ng peste. Magandang bagay ito, hindi ba? Sa isang aspekto, lahat ay sama-samang namumuhay, na parang isang malaking pamilya, at lahat ay sama-samang naniniwala sa Diyos, na lumalayo sa mga kalakaran at awayan ng lipunan. Ang paglikha ng gayong kapaligiran ay nagtutulot sa lahat na manatili upang gampanan ang kanilang mga tungkulin. Iyan ay kung titingnan ito sa isang mas makitid na perspektiba. Mula sa mas malawak na perspektiba, ang pagtatanim ng mga gulay na kakainin ng mga gumagampan ng kanilang tungkulin, at ang paggampan ng papel sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos ay angkop din. Kapag sinasabi Kong, “Magtanim ng ilang gulay para makain ng mga taong gumagawa ng kanilang tungkulin sa malapit,” hindi ba madaling maunawaan ang mga salitang ito? Nang hingin Ko sa isang partikular na tao na gawin ito, naunawaan niya, at nagtanim siya ng ilang gulay na karaniwang kinakain. Palagay Ko simple ang isang bagay na tulad ng pagtatanim ng mga gulay. Magagawa ito ng lahat ng ordinaryong tao. Hindi ito kasinghirap ng pagpapalaganap ng ebanghelyo o ng iba’t ibang aytem ng gawain ng iglesia. Kaya hindi Ko ito gaanong pinansin. Pagkaraan ng ilang panahon, nagpunta Ako roon at nakita Ko na kumakain silang lahat ng mga gulay na sila mismo ang nagtanim, at narinig Ko na kung minsan ay may kaunting tira, na ipinakain nila sa mga manok. Sabi Ko, “Itinanim ninyo ang lahat ng gulay na iyon, at nag-ani kayo nang marami. Nagpapadala ba kayo ng anuman sa mga iglesia? Nakakain ba ang mga tao sa ibang mga iglesia ng gulay na itinanim natin?” Sinabi ng ilang tao na hindi nila alam. Sinabi ng ilan na binili ng mga tao sa ibang mga lugar ang kanilang sariling mga gulay, at hindi nila kinain ang mga nanggaling dito. Iba’t iba ang sinabi ng bawat isa. Walang may pakialam dito; basta’t sila mismo ay may nakakaing gulay, pakiramdam nila ay walang problema. Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? Pagkatapos ay sinabi Ko sa taong namamahala, “Ganap na makatwiran na kainin ninyo ang itinanim ninyo, ngunit kailangan din namang kumain ang ibang mga tao. Tama ba na napakarami ninyong itinanim at hindi ninyo makain ang lahat ng iyon, samantalang kailangan pa ring bilhin ng mga tao sa ibang lugar ang kanilang mga gulay? Hindi ba sinabi Ko sa iyo na ang mga gulay na ito ay hindi itinatanim para lamang kainin ninyo—kailangan din ninyong ipadala ang mga ito sa iba pang kalapit na mga iglesia?” Palagay ba ninyo ay kailangan Ko pa silang patuloy na sabihan kung ano ang gagawin at kailangan Ko pang magbigay ng malilinaw na panuntunan pagdating sa maliit na usaping ito? Kailangan Ko pa bang palakihin ito masyado, na tinatawag ang lahat na magtipon at magdaos ng isang sermon? (Hindi.) Palagay Ko rin, hindi na. Posible ba na walang ganito kaliit na konsiderasyon ang mga tao? Kung ganoon nga, hindi sila magiging tao. Kaya sinabi Kong muli sa taong iyon, “Bilisan mo at ipadala mo ang mga iyon sa iba pang mga iglesia. Humayo ka at gawin mo iyon.” “Okey,” sabi niya, “Titingnan ko.” Ito ang kanyang saloobin. Pagkaraan ng kaunting panahon, muli Akong nagpunta roon, at nakita Ko ang napakalawak na taniman ng mga gulay sa bukid, lahat ng uri ng gulay na maiisip mo. Tinanong Ko ang mga taong nagtanim ng mga iyon kung marami ang inani nila. Sinabi nila na napakarami kaya hindi nila kayang kainin ang lahat ng iyon, at nabulok na ang ilan. Muli Kong itinanong kung nagpadala na sila ng anuman sa kalapit na mga iglesia. Sumagot sila na hindi nila alam, o na hindi sila sigurado. Sinabi nila ito sa isang napakalabo at pabasta-bastang paraan. Malinaw na walang sumeryoso sa usaping ito. Hangga’t may pagkain silang kakainin, wala silang pakialam sa iba. Muli, nagpunta Ako para hanapin ang taong namamahala. Tinanong ko siya kung nagpadala siya ng anumang mga gulay sa iba. Sinabi niya na nagpadala raw sila. Kinumusta Ko ang pagpapahatid. Sinabi niya na naihatid na nila. Sa puntong ito, para bang may problema? Hindi tama ang saloobin ng mga taong ito. Wala silang saloobin ng katapatan at responsabilidad nang ginawa nila ang kanilang tungkulin, na kasuklam-suklam—ngunit mas kasuklam-suklam pa ang darating. Kalaunan, tinanong Ko ang mga kapatid sa kalapit na mga iglesia kung natanggap nila ang ipinahatid na mga gulay. “Ipinadala ang mga iyon,” sagot nila, “ngunit mas masahol ang kalagayan ng mga iyon kaysa sa mga gulay na makikita mong itinatapon sa lupa sa palengke. Puro lamang bulok na mga dahon na may halong buhangin at graba. Hindi nakakain ang mga iyon.” Ano ang pakiramdam ninyo nang marinig ninyo ito? May poot ba sa puso ninyo? Galit na galit ba kayo? (Oo.) At kung galit kayong lahat, sa palagay ba ninyo ay nagalit Ako? Labag sa loob na nagpadala sila ng ilang gulay, ngunit hindi maayos ang trabaho nila. At sino ang dahilan ng hindi magandang pagganap na ito? May isang masamang tao sa lugar na iyon, na pumigil na mapadala ang mga gulay sa iba. Ano ang sinabi niya matapos Kong iutos na magpadala ng mga gulay sa iba? “Dahil sinasabihan mo akong gawin ito, magtitipon ako ng ilang bulok na dahon at mga gulay na ayaw naming kainin para ipadala sa kanila. Maituturing namang pagpapadala iyon, hindi ba?” Nang malaman Ko ito, iniutos Ko na palayasin ang demonikong basurang ito. Anong klaseng lugar ito, na nangahas siyang kumilos na parang tirano rito? Ito ang sambahayan ng Diyos. Hindi ito ang lipunan, at hindi ito isang palengke. Kung magwawala ka at kikilos na parang isang tirano rito, hindi ka tanggap dito, at hindi Ko matitiis na narito ka sa harap Ko mismo, lumayas ka dali! Magpakalayu-layo ka sa Akin, bumalik ka sa pinanggalingan mo! Sa palagay ba ninyo ay tamang pangasiwaan Ko ito nang ganito? (Oo.) Bakit? (Ang ganitong uri ng tao ay walang-walang pagkatao.) Bakit may ilang taong kulang sa pagkatao na hindi pa pinapaalis? May ilang taong walang konsensiya o katwiran, at hindi hinahangad ang katotohanan, pero hindi sila gumagawa ng masasamang bagay, hindi nila ginugulo ang gawain ng iglesia, hindi nila iniimpluwensiyahan ang pagganap ng mga tungkulin ng ibang tao, o ang buhay iglesia. Sa ngayon, dapat panatilihin ang ganitong uri ng tao para magserbisyo, pero kapag gumawa sila ng kasamaan at nagdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, hindi pa huli na palayasin sila. Kaya bakit kailangan Kong palayasin ang walang silbing ito? Gusto niyang kumilos bilang isang tirano at magdikta sa sambahayan ng Diyos. Naapektuhan niya ang normal na buhay ng mga kapatid, at naapektuhan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Sinabi ng ilang tao napakamakasarili niya, napakatamad, kaya ginawa niya ang kanyang tungkulin nang pabasta-basta. Gayon ba ang nangyari? Gusto niyang makipagtagisan laban sa lahat ng kapatid, laban sa lahat ng gumagawa ng tungkulin, at laban sa Diyos. Gusto niyang maghari sa sambahayan ng Diyos. Gusto niyang siya ang magpasya sa sambahayan ng Diyos. Kung gusto niyang siya ang magpasya, dapat ay gumawa siya ng mabuti. Ngunit wala siyang ginawang anumang mabuti. Lahat ng kanyang ginawa ay nagpahamak sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at nakasakit sa mga hinirang na tao ng Diyos. Maaari ba kayong magparaya sa taong katulad nito? (Hindi.) At kung hindi ito magawa ng sinuman sa inyo, sa palagay ba ninyo ay kaya Kong gawin iyon? May mga tao ngayon na hindi pa rin masaya tungkol sa katunayan na pinaalis ang masamang tao. Hindi nila siya lubusang kilala, at lumalaban pa rin sila sa Akin sa kanilang isipan. May mga tao ngayon na, kapag nabanggit ang taong iyon, hindi pa rin iniisip na pinamahalaan Ko nang angkop ang bagay na ito, na nag-iisip na ang sambahayan ng Diyos ay hindi matuwid. Anong klase ng grupo ito? Alam ba ninyo kung paano pinitas ng taong ito ang petsay na naitanim nila? Karaniwan, bubunutin ninyo ang buong tangkay para kainin, hindi ba? Basta na lamang ba pinuputol ng sinuman ang mga dahon? (Hindi.) Hindi pinayagan ng kakaibang lalaking ito na bunutin ng iba ang buong halaman mula sa tangkay nito; sinabihan niya sila na basta putulin ang mga dahon. Ito ang unang pagkakataon na nakakita Ako ng ganoon. Sa palagay ninyo, bakit kaya niya ginawa ito? Bakit hindi niya pinayagan ang iba na bunutin ang buong halaman? Dahil kung binunot nila ang buong halaman, mawawalan ng laman ang bukid, at kakailanganing bungkalin at tanimang muli. Para hindi na gawin iyon, pinaputol niya sa iba ang mga dahon. Nang ipagawa niya ito sa mga tao, walang nangahas na kumontra sa kanya. Para silang mga alipin niya—ginawa nila ang lahat ng sinabi niya. Siya ang nagpasya roon. Kaya sa palagay ba ninyo magiging katanggap-tanggap na hindi siya paalisin? (Hindi.) Kapahamakan ang tulutan ang ganitong tao na manatili. Kapag gumagawa siya ng kabutihan paminsan-minsan, iyon ay dahil walang kinalaman iyon sa sarili niyang mga interes. Tingnan ninyong mabuti ang lahat ng ginagawa niya: Wala ni isang bagay siyang ginagawa na hindi nakakagambala at nakakasira sa mga interes ng iba, wala ni isang bagay na hindi nakakasama sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang taong ito ay ipinanganak na demonyo, kinakalaban niya ang Diyos, at siya ay isang anticristo. Mapapayagan bang manatili ang gayong tao sa sambahayan ng Diyos? Nagseserbisyo ba siya para gumawa ng isang tungkulin? (Hindi.) At sinusubukan pa rin ng ilang tao na ipagtanggol ang isang taong katulad nito. Gaano ba kagulo ang isip nila? Hindi ba kasuklam-suklam ito? Sinisikap mo bang ipakita na mayroon kang pagmamahal? Kung mayroon kang pagmamahal, tustusan mo siya; kung mayroon kang pagmamahal, hayaan mong saktan ka niya—ngunit huwag mo siyang hayaang pinsalain ang mga interes ng sambahayan ng Diyos! Kung mayroon kang pagmamahal, kapag siya ay inalis, sumama ka sa kanya—ano ang ginagawa mo at nakatambay ka pa rito? Masunurin at mapagpasakop ba ang mga taong ito? (Hindi.) Ipinanganak silang isang pangkat ng mga demonyo. Sinuway ng taong iyon ang lahat ng sinabi Ko. Kung sinabi Kong kanluran, pupunta siya sa silangan, at kung sinabi Kong silangan, pupunta siya sa kanluran. Nagpilit siyang kalabanin Ako sa lahat ng bagay. Bakit ba napakahirap para sa kanya na sundin Ako nang kahit kaunti? Mapagkakaitan ba siya ng kanyang kabahagi sa paghingi Ko sa kanya na magpadala ng mga gulay sa ibang mga kapatid? Pinagkakaitan Ko ba siya ng karapatang kumain ng mga gulay na ito? (Hindi.) Kung gayon ay bakit hindi niya ipinadala ang mga iyon? Hindi naman kailangang siya mismo ang magbuhat ng mga iyon, hindi naman siya mahihirapan kahit paano. Ngunit hindi lamang niya hindi binigyan ang iba ng magagandang klase, mga bulok pa ang ibinigay niya sa kanila. Gaano siya kasama para magawa niya ito? Maituturing ba siyang isang tao? Sinabi Ko sa kanya na magpadala ng mga gulay, hindi ng basura. Isang bagay na napakasimple, napakadali, igagalaw lamang niya ang kanyang mga braso, subalit ni hindi niya iyon magawa. Tao ba ito? Kung hindi mo magawa kahit ang isang bagay na katulad nito, paano mo pa masasabi na nagpapasakop ka sa Diyos? Nakikipagsuwagan ka, nakikipaglaban, subalit pinipilit mo pa ring magpalibre sa sambahayan ng Diyos. Maaari ba talagang mangyari iyon? Kahit ngayon, mayroong mga tao na hindi pa nakakalimot: “Minsan mo nang sinaktan ang damdamin namin. Minsan mo nang pinalayas ang ilan sa amin, ngunit hindi kami sang-ayon; gusto naming manatili sila, ngunit ayaw mo silang bigyan ng pagkakataon. Ikaw ba ay isang matuwid na diyos?” Sa palagay ba ninyo ay sasabihin ng mga demonyo kahit kailan na matuwid ang Diyos? (Hindi kailanman.) Maaaring sabihin ng kanilang bibig na matuwid ang Diyos, ngunit kapag kumilos ang Diyos, hindi katanggap-tanggap sa kanila iyon; hindi nila magawang purihin ang pagiging matuwid ng Diyos. Ang mga ito ay mga demonyo at mga mapagpaimbabaw.

Ano ang ipinapakita kahit sa isang simpleng bagay ng pagpapadala ng mga gulay? Madali ba para sa mga tao na magpasakop sa Diyos at sundin ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kumakain ang mga tao ng pagkaing inilaan ng Diyos, nakatira sila sa mga bahay na ibinigay ng Diyos, gumagamit sila ng mga gamit na ibinigay ng Diyos, pero kapag hiniling ng Diyos na ibahagi nila ang sobra nilang gulay sa iba, mapagpasakop ba sila? Nagkakatotoo ba ang mga salitang ito sa kanila? Sa mga tao, maaari. Maaaring isagawa ang mga ito. Ngunit sa mga diyablo, mga Satanas at mga anticristo, hindi kailanman magkakatotoo ang mga ito. Naisip ng taong iyon sa kanyang sarili, “Kung ipadala ko ang mga gulay na ito, maaalala ba ng sinuman ang mabuting gawa kong ito? Kung kainin ng iba ang mga gulay na ito at sabihin nila na biyaya ito ng diyos, na ipinagawa sa akin ito ng diyos, kung magpasalamat silang lahat sa diyos, sino ang magpapasalamat sa akin? Ako ang lihim na bayani, ako ang nagpakapagod. Ako ang nagtanim ng mga gulay. Dapat mo akong pasalamatan. At kung hindi, kung hindi mo alam na ako ang gumawa nito, nangangarap ka kung iniisip mo na makakain mo ang mga gulay na itinanim ko!” Hindi ba’t ito ang naisip niya? At hindi ba’t masama ito? Napakasama nito! Paano maisasagawa ng isang masamang tao ang katotohanan at masusunod ang mga salita ng Diyos? Ang taong ito ay ipinanganak na isang diyablo at isang Satanas. Sinasalungat niya ang Diyos, nilalabanan niya ang katotohanan, at kinamumuhian niya ang katotohanan. Hindi niya kayang sumunod sa mga salita ng Diyos, kaya kailangan pa ba niyang sundin ang mga ito? Hindi. Kaya paano nararapat na pangasiwaan ang gayong bagay? Palayasin siya, at humanap ng isang taong kayang sumunod upang pumalit sa kanya. Iyon lamang, ganoon iyon kasimple. Angkop ba o hindi ang pangangasiwa sa mga bagay sa ganitong paraan? (Angkop ito.) Palagay Ko rin. Kung hindi siya aalis, magiging sanhi siya ng gulo, at pipinsalain ang iba pa. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi Ka ba nasisiyahan dahil hindi siya sumunod sa Iyong mga salita? Ang ginawa lamang niya ay sumuway sa Iyo—malubha ba iyon? Pinalayas Mo siya dahil sa isang napakaliit na bagay, ngunit wala talaga siyang ginawang masama. Nagpadala lamang siya ng ilang bulok na gulay, at may ilang pagkakataon na wala siyang ipinadalang anuman at hindi siya sumunod sa Iyo. Maliit na bagay lamang ito, hindi ba?” Gayon ba ang nangyari? (Hindi.) Ano sa palagay ninyo ang tingin Ko rito? Ni hindi siya makasunod kahit sa isang napakasimpleng bagay, pero sinubukan niyang hadlangan ang mga bagay sa isang hindi makatwirang paraan dito. Sambahayan ito ng Diyos, walang anuman dito ang pag-aari niya. Bawat dahon ng damo, bawat puno, bawat burol, bawat anyong tubig dito—wala siyang awtoridad na kontrolin o magdikta sa alinman sa mga ito. Sinubukan niyang magdikta, na hadlangan ang mga bagay sa isang hindi makatwirang paraan. Ano ba siya? Walang kukunin o gagamitin sa alinman sa pag-aari niya, ni wala ring ilalabas sa kahit anong pag-aari niya; ang hinihiling lang sa kanya ay gumawa ng simpleng gawain at tuparin ang mga responsabilidad na dapat niyang gawin, ngunit hindi man lang niya magawa iyon. Dahil hindi niya magawa iyon, hindi Ko siya kinikilala bilang isang mananampalataya, at kinailangan niyang umalis sa sambahayan ng Diyos, kinailangan siyang palayasin! Makatwiran ba ang ginawa Ko? (Oo.) Ito ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos. Kung may makita Akong gayong masamang tao na gumagawa ng masama at hindi Ko siya pinaalis, kung hindi Ako nagpahayag ng anumang saloobin sa kanila, ilang tao sa palagay ninyo ang mapipinsala? Hindi ba ito magdudulot ng kaguluhan sa sambahayan ng Diyos? At hindi ba magiging hungkag na mga salita ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos? Ano ang sinasabi sa mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos patungkol sa mga masuwaying demonyo at anticristong nanggugulo, humahadlang sa mga bagay nang wala sa katwiran, at kumikilos nang walang kahihiyan? Paalisin sila at patalsikin mula sa sambahayan ng Diyos. Alisin sila mula sa mga hanay ng mga kapatid. Hindi sila maituturing na miyembro ng sambahayan ng Diyos. Ano ang palagay ninyo sa pangangasiwa sa kanila nang ganito? Kapag naalis na ang mga ganitong uri ng tao, magpapatuloy na nang maayos ang lahat ng gawain. Ang mga diyablo at mga Satanas ay naghahangad na samantalahin kahit ang isang bagay na kasingliit ng pagkain ng mga gulay. Kahit sa bagay na ito, sinisikap nilang sila ang magpasya, at gawin ang gusto nila. Lahat ng napag-usapan natin ay isang maliliit na bagay, ngunit magkagayon man, tinatalakay nito ang pinakapayak sa lahat ng katotohanan. Ang pinakapayak sa lahat ng katotohanan ay ang sumunod sa mga salita ng Diyos. Ano ang disposisyon ng mga taong ni hindi magawa iyon? Mayroon ba silang konsensiya at katwiran ng mga normal na tao? Wala talaga. Ito ang mga taong kulang sa pagkatao.

Tulad ng mga gulay, kailangan ding kumain ng karne at itlog ang mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Kaya sinabihan Ko sila na mag-alaga ng ilang manok, at pakainin ang mga manok na ito ng butil, gulay at anumang katulad niyon. Dapat ay gumagala lamang ang mga ito. Sa gayong paraan, mas magaganda ang ipangingitlog ng mga ito kaysa sa mga ibinebenta sa mga palengke. Ang karne rin mismo ng manok ay magiging organic; hindi ito magkakaroon ng anumang mga hormone, at hindi makakapinsala sa mga tao kapag kinain nila iyon. Maaaring hindi mangitlog nang marami o masyadong magkalaman ang mga manok, ngunit garantisado ang kalidad ng mga ito. Nauunawaan mo ba ang ibig Kong sabihin dito? (Oo.) Kung gayon ay sabihin mo sa Akin, ilang impormasyon ang nilalaman ng kasasabi Ko lang? Una, ang pag-aalaga ng mga manok sa ganitong paraan ay magbibigay sa atin ng ilang organic na itlog na makakain. Gaano man karami ang karneng maaari nating kainin, kahit paano, hindi natin kailangang kumain ng mga itlog na may mga antibiotic. Iyon ang kinakailangan sa mga itlog. Pangalawa, ang kinakailangan sa karne ay na wala itong mga hormone, para hindi mag-aalinlangan ang mga tao na kainin iyon. Mahirap bang gawin ang dalawang kahilingang ito? (Hindi.) Hindi sobra-sobra ang kahilingang inilatag Ko, kundi praktikal din ang mga ito, hindi ba? (Oo.) Kalaunan, binili at pinakain ang mga sisiw. Gayunman, nang magsimula silang mangitlog, kinain namin ang mga itlog; may kaunting lasa ng mga antibiotic, tulad ng mga itlog na binibili sa supermarket. Pinag-isipan Ko ito nang kaunti: Binibigyan kaya nila ang mga iyon ng pagkaing may mga antibiotic? Kalaunan, tinanong Ko ang mga taong nag-alaga sa mga manok kung anong pagkain ang kinakain ng mga manok, at sabi nila ay pinulbos na buto. “Hindi natin kailangang paitlugin ang mga manok nang maaga. Pakainin ang mga ito gamit ang normal na pamamaraang organic at gumagala ang mga manok. Hayaan silang mangitlog nang normal,” sabi ko. “Hindi natin inaalagaan ang mga ito para makakuha ng maraming itlog, para lamang makakain tayo ng mga itlog na organic. Ito lamang ang kailangan.” Ano ang ibig Kong sabihin nang sabihin Ko ito? Sinasabi Ko sa kanila na huwag pakainin ng anuman ang mga manok na may mga antibiotic, hormone at anumang katulad nito. Kailangang bigyan ang mga manok ng pagkain na iba sa kinakain ng mga manok sa ibang lugar. Sa ibang lugar, ganap nang malaki ang mga manok pagkaraan lamang ng tatlong buwan, araw-araw nangingitlog ang mga ito, at ginagamit ang mga ito bilang mga makinang nangingitlog hanggang sa araw na kakatayin na ang mga ito. Magaganda ba ang mga itlog nito? At malinamnam ba ang karne? (Hindi.) Hiniling ko na pagalain ang mga manok, na hayaang manginain ang mga iyon sa labas, nang kumakain ng mga insekto at damo, at pagkatapos ay pakainin ng ilang cereal, butil at anumang katulad nito. Bagama’t hindi gaanong mangingitlog ang mga manok, magiging mas maganda ang kalidad nito; makakabuti ito para sa mga manok at sa mga tao. Madali bang gawin ang hiniling Ko? (Oo.) At madali ba itong maunawaan? Mayroon bang mahirap sundin sa sinabi Ko? (Madali itong maunawaan. Hindi ito mahirap.) Wala Akong naramdamang anumang hirap. Madali ito. Wala Akong hiniling na anuman tungkol sa dami ng itlog na ilalabas, sa kalidad lamang ng mga ito. Mauunawaan ito ng mga taong may normal na katwiran at normal na pag-iisip sa sandaling marinig nila ito. Madarama nila na ito ay simple, na magagawa ito, at hindi maglalaon ay maisasagawa na nila ang mga ito. Ang tawag dito ay pagiging masunurin. Ito ba ang ginawa ng mga taong nag-aalaga sa mga manok? Nakaya ba nilang gawin ito? Para magawa ito, kailangang magtaglay ng katwiran ng normal na pagkatao. Kapag hindi nila ito nagawa, ibig sabihin ay may problema. Hindi nagtagal matapos Kong sabihin ito, lumamig ang panahon. Batay sa mga normal na batas ng kalikasan, hindi na mangingitlog ang mga manok dahil dito. Ngunit may isang bagay na napakalinaw: Kapag mas lumamig ang panahon, hindi umunti ang iniitlog ng mga manok, mas dumami ang iniitlog ng mga ito. May mga itlog na makakain araw-araw, ngunit hindi kasingdilaw ng dati ang mga pula ng itlog, at tumigas nang tumigas ang puti. Nabawasan nang nabawasan ang linamnam ng mga itlog. Ano ang nangyayari? Sinabi Ko: “Ano ba ang nangyayari? Ang hirap na ngang makaraos ng mga manok na ito sa taglamig, bakit mo pa pinipilit na mangitlog ang mga ito para sa mga tao sa ngayon? Medyo malupit naman yata iyon!” Nang magpunta Ako at magtanong kalaunan, natuklasan Ko na binibigyan pa rin ang mga manok ng patuka na binili sa ibang lugar—ng patukang naggarantiya na patuloy silang mangingitlog kahit pa tagsibol, tag-init, taglagas o taglamig. “Karaniwan ay hindi nangingitlog ang mga manok sa panahong ito. Maaari naman tayong hindi kumain ng mga itlog. Patuloy lamang ninyong alagaan ang mga ito. Pagdating ng tagsibol, magsisimula muling mangitlog ang mga ito, at magiging maganda ang kalidad ng mga itlog na ito,” sabi ko. “Huwag kang maging ganid. Hindi kita inutusan na patuloy na paitlugin ang mga ito, ni hindi kita inutusan na magbigay pa rin ng mga itlog sa taglamig. Yamang hindi kita inutusang gawin ito, bakit mo patuloy na pinapakain ang mga ito ng patukang iyon na binili mo? Bawal mo na silang pakainin niyon.” Malinaw ba ang sinabi Ko? Una, hindi Ko hiningi na talagang kailangang may mga itlog na makakain anuman ang panahon. Pangalawa, sinabi Ko sa kanila na huwag bigyan ang mga manok ng patukang iyon, na huwag pabilisin ang pangingitlog. Mahirap bang gawin ang maliit na kahilingang ito? (Hindi.) Ngunit ang resulta ay, makalipas ang ilang panahon kumain Ako ng ilang itlog na muling initlog ng ating mga manok. Sinabi Ko sa Sarili Ko: Gulong-gulo ang isip ng mga taong ito, bakit hindi sila sumunod sa sinabi Ko? Nangingitlog pa rin ang mga manok, kaya siguradong hindi pa nila binago ang patuka—ito ang nangyayari.

Ano ang makikilatis ninyo sa nangyari sa pag-aalaga ng mga manok? (Na hindi nagpapasakop o sumusunod ang mga tao sa mga salita ng Diyos.) Sinabi ng ilang tao, “Pagsunod sa mga salita ng diyos—ang ibig sabihin niyan ay pagsunod sa kalooban ng diyos. Dapat kaming sumunod pagdating sa mga bagay na dakila at matayog, iyon ang mga bagay na ukol sa kalooban ng diyos, sa pagsasagawa ng gawain ng diyos, at sa kanyang malaking gawain. Lahat ng sinasabi mo ay nauugnay sa maliliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay, na walang kinalaman sa pagsunod sa kalooban ng diyos—kaya hindi namin kailangang gawin ang sinasabi mo. Ang sinasabi mo ay walang kaugnayan sa aming tungkulin, ni sa aming pagpapasakop at pagsunod sa mga salita ng diyos, kaya may katwiran kaming salungatin ka, sa pagpili kung susunod kami o hindi. Bukod pa riyan, ano ang alam mo tungkol sa normal na buhay ng tao, sa mga usapin ng pamilya? Hindi mo nauunawaan, kaya wala kang karapatang magsalita. Huwag mo kaming bugahan ng kalokohan—hindi namin kailangang sumunod sa iyo sa bagay na ito.” Hindi ba’t ito ang iniisip nila? At tama bang mag-isip ng gayon? (Hindi.) Nasaan ang mali? (Ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi namimili kung ang mga bagay ay malaki o maliit. Basta’t ang mga ito ay mga salita ng Diyos, dapat sumunod ang mga tao, at dapat silang magpasakop sa mga iyon at isagawa ang mga iyon.) Sabi ng ilang tao, “Sinusunod ko ang mga salita ng diyos na ang katotohanan. Hindi ko kailangang sundin ang mga salita na hindi ang katotohanan. Nagpapasakop lamang ako sa katotohanan. Ang ibig sabihin ng ‘pagsunod sa daan ng diyos’ ay pagsunod, pagtalima, at pagpapasakop sa bahaging iyon ng mga salitang nagmumula sa bibig ng diyos na katotohanan. Ang mga salitang nauukol sa buhay ng mga tao, at walang kaugnayan sa katotohanan, ay maaaring balewalain.” Tama ba ang gayong pagkaunawa? (Hindi.) Kaya paano ninyo itinuturing ang katotohanan, at ang mga salita ng Diyos? Hindi ba’t pinag-iba nila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan? At hindi ba’t ginawa nitong simbolo lamang ang katotohanan? Hindi ba’t itinuring nila ang katotohanan bilang napakahungkag? Ang paglikha ng Diyos ng lahat ng bagay, ang mga hugis at kulay ng mga dahon sa mga puno, ang mga hugis at kulay ng mga bulaklak, ang pag-iral at pagpapakalat ng lahat ng bagay—may anumang kinalaman ba ang lahat ng ito sa katotohanan? May kinalaman ba ito sa kaligtasan ng tao? Konektado ba ang istruktura ng katawan ng tao sa katotohanan? Wala ni isa rito ang konektado sa katotohanan, ngunit lahat ng ito ay nagmumula sa Diyos. Kung walang isa man dito ang nauukol sa katotohanan, hindi mo ba maaamin na tama ang mga ito? Maaari mo bang itanggi na tama ito? Maaari mo bang sirain ang mga batas ng paglikha ng Diyos ayon sa gusto mo? (Hindi.) Kaya ano ang dapat mong maging saloobin? Kailangan mong sumunod sa mga batas nito. Kapag may mga bagay kang hindi nauunawaan, tamang magtiwala sa sinambit ng bibig ng Diyos. Hindi mo kailangan pag-aralan ang mga ito, o sikaping maunawaang mabuti ang mga ito—kailangan mo lamang na huwag labagin ang kanilang mga batas. Ito ang ibig sabihin ng magtiwala at magpasakop. Pagdating sa mga gawi, sentido komun, at mga panuntunan ng pang-araw-araw na buhay, at iba pa, na hinihingi ng Diyos sa pang-araw-araw na buhay, na walang kaugnayan sa kaligtasan ng tao, bagama’t maaaring hindi kapareho ng mga ito ng antas o grado ang katotohanan, positibong bagay ang lahat ng ito. Lahat ng positibo ay nagmumula sa Diyos, kaya’t dapat tanggapin ng mga tao ang mga ito—tama ang mga salitang ito. Dagdag pa riyan, dahil mga tao sila, anong katwiran at konsensiya ang dapat matagpuan sa kanila? Ang una ay dapat matutunan nila kung paano sumunod. Sumunod sa mga salita nino? Sumunod sa salita ng mga diyablo at ni Satanas? Sumunod sa mga salita ng mga tao? Sumunod sa mga salita ng mga dakilang tao, mga namumukod-tanging tao? Sumunod sa mga salita ng mga anticristo? Wala sa mga ito. Dapat silang sumunod sa mga salita ng Diyos. Ano ang mga prinsipyo at partikular na mga pagsasagawa ng pagsunod sa mga salita ng Diyos? Hindi mo na kailangang suriin kung tama ba ang mga ito o mali, at hindi mo na kailangang itanong kung bakit. Hindi mo kailangang maghintay hanggang sa maunawaan mo ang mga ito bago mo isagawa ang mga ito. Sa halip, dapat ka munang makinig, magsakatuparan, magsagawa, at sumunod, na siyang dapat mo ring maging unang saloobin. Saka ka lamang magiging isang nilikha, at isang akma at angkop na tao. Kung hindi mo kayang gawin kahit ang pinakapayak na pag-asal na ito, at hindi ka kinikilala ng Diyos bilang tao, magagawa mo pa bang lumapit sa Kanya? Karapat-dapat ka bang makarinig sa mga salita ng Diyos? Karapat-dapat ka bang makarinig sa katotohanan? Karapat-dapat ka ba sa kaligtasan? Hindi ka kalipikado sa anumang bagay na ito.