Ikaanim na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikatlong Bahagi) Ikalawang Seksiyon
f. Paghingi
Ang susunod na aytem ay na may mga hinihingi sa Diyos ang mga anticristo, at may mas partikular na mga pagpapamalas nito. Mailalarawan ang mga anticristo sa pamamagitan ng sinasabi ng mga walang pananampalataya na “huwag kumilos kung walang gantimpala.” Ano pa? (“Hindi nila pinakakawalan ang lawin hangga’t hindi nila nakikita ang kuneho.”) Hindi nila pinakakawalan ang lawin hangga’t hindi nila nakikita ang kuneho—kung may pakinabang, susunggaban nila ito, pero kung walang pakinabang, hindi nila ito susunggaban. Anuman ang sitwasyon, kailangan nila itong timbangin sa isipan nila, iniisip nila, “Gaano kalaki ang benepisyong makakamit ko mula sa paggawa nito? Gaano karaming pakinabang ang makakamtan ko? Sulit ba ang pagbabayad ng napakataas na halaga para dito? Kung magbabayad ako ng malaking halaga pero iba ang makikinabang sa huli, at hindi ako makakapagpakitang-gilas, hinding-hindi ko ito gagawin!” Hindi ba’t ito ang saloobin ng mga anticristo sa atas at mga hinihingi ng Diyos? Kung pagsisikapan nila nang kaunti ang paggampan ng mga tungkulin nila, pero wala silang nakakamit na anumang pakinabang, at nagtitiis sila ng kaunting paghihirap nang walang natatanggap na biyaya, agad silang may reaksiyon sa loob-loob nila, sinasabi nila, “Nagsikap ako nang husto—bakit wala akong nakamit na anumang pakinabang? Kumikita ba ang negosyo ng pamilya ko o hindi?” Kung magkakalkula sila at makikita nila na mas malaki ang kita nila kaysa noong nakaraang buwan, nagpapatuloy sila sa paglabas at sa pangangaral ng ebanghelyo, hindi sila natatakot sa kabila ng mga panganib. Pero kapag may problema sa negosyo ng pamilya, at kapansin-pansing mas mababa ang kita nila kaysa noong nakaraang buwan, agad silang nagrereklamo at nagdududa sa Diyos sa puso nila, iniisip nila, “O diyos, ginawa ko ang tungkulin ko nang hindi nagiging tamad o tuso, ni hindi ko ito ginawa nang pabasta-basta. Nitong buwan, mas marami ang nilakbay ko at mas marami akong ginawang trabaho kaysa noong nakaraang buwan. Bakit hindi mo pinagpapala ang pamilya ko? Bakit hindi maganda ang takbo ng negosyo ng pamilya ko?” Agad na nagbabago ang saloobin nila sa Diyos at sa atas ng Diyos, at iniisip nila, “Kung hindi mo pagpapalain ang pamilya ko, huwag mo akong sisihin na ginagawa ko nang pabasta-basta ang tungkulin ko. Sa susunod na buwan, hindi ako magsisikap nang tulad ng dati. Kung kailangan kong gumising ng alas-singko, babangon ako ng alas-sais. Kung kailangan kong umalis ng alas-otso, aalis ako ng alas-diyes. Dati, kaya kong mapabalik-loob ang limang tatanggap ng ebanghelyo sa loob ng isang buwan; sa pagkakataong ito, magpapabalik-loob lang ako ng dalawa. Sapat na dapat iyon!” Ano ang kinakalkula nila? Ito ay kung ang ipinupuhunan at iniaambag nila ay katumbas ba ng ibinibigay ng Diyos sa kanila. Higit pa rito, itinuturing lang nilang praktikal at sulit ang pagdurusa at pagbabayad ng halaga kung labis-labis pa sa hinihingi at ninanais nila ang ibinibigay ng Diyos sa kanila. Kung hindi, anuman ang gampanin o tungkuling itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos, pareho lang ang pagtrato nila sa lahat ng ito—kumikilos sila nang pabasta-basta, binabara-bara nila ang gawain kapag may pagkakataon, iniraraos lang nila ang gawain kapag may pagkakataon, at hindi sila kailanman nag-aalay ng kahit kaunting sinseridad. Kapwa paghingi at pakikipagkasundo ang pagpapamalas na ito; humihingi lang ang mga tao kapag may gagawing kasunduan, at kung walang kasunduan, wala silang hinihingi.
Hindi kailanman nagkimkim ang mga anticristo ng kahit katiting na sinseridad o katapatan sa puso nila patungkol sa atas ng Diyos, sa gawain ng sambahayan ng Diyos, o sa sarili nilang mga tungkulin. Ginagamit lang nila ang sarili nilang talino, enerhiya, oras, at ang pisikal nilang pagdurusa at ang halagang binabayad nila bilang kapalit ng pagtugon sa mga pagnanais nila sa mga pagpapala, sa mga gantimpalang gusto nilang matanggap, at, siyempre, para sa kapayapaan at kagalakan ng laman, panloob na katatagan, kaligayahan ng pamilya sa buhay na ito, at maging ang kaluwagan sa kapaligiran nila, kasama na ang pagpapahalaga, paghanga, at positibong pagtatasa ng ibang tao. Sa madaling salita, hindi kailanman taos-pusong ginagawa ng mga anticristo ang mga tungkulin nila sa sambahayan ng Diyos, at hinding-hindi sila mag-aalay ng kahit kaunting katapatan. Nagtitiis man sa mga paghihirap at nagbabayad ng halaga o pabasta-basta lang nakakaraos, ang hingin mula sa Diyos ang gusto nila para matugunan ang sarili nilang mga pagnanais ang pinakalayon nila. Kaya, sa tuwing nakakaranas sila ng paghihirap, pagpupungos, o mga tao, pangyayari, at bagay na hindi nila nagugustuhan, agad nilang iniisip, “Nakakaapekto ba sa mga interes ko ang pagdating ng mga bagay na ito? Maaapektuhan ba ng mga ito ang reputasyon ko? Maiimpluwensiyahan ba ng mga ito ang mga kinabukasan at pag-unlad ko sa hinaharap?” Positibo o negatibo man ang mga pagpapamalas nila sa panahon ng paggawa ng mga tungkulin nila, ano’t anuman, hindi sila kailanman kumikilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Puno ng mga transaksiyon ang isipan nila, sinusuri nila ang halaga ng binabayad at hinahandog nila tulad ng isang negosyante, tinatantiya kung gaano kalaki ang kikitain nila mula sa ginagastos nila. Puwedeng sinasabi ng ilan, “Nananampalataya kami sa Diyos para makamit ang katotohanan at buhay, para makamtan ang kaligtasan.” Gayumpaman, iniisip ng mga anticristo, “Magkano ba ang halaga ng kaligtasan? Paano naman ang pagkaunawa sa katotohanan? Walang halaga ang mga bagay na ito. Ang tunay na mahalaga ay ang tumanggap nang isang daang beses sa buhay na ito at ng walang-hanggang buhay sa mundong darating. Sa buhay na ito, ang tingalain at pahalagahan ng iba, ang dakilain sa sambahayan ng diyos, at sa mundong darating, ang pagkakaroon ng awtoridad sa di-mabilang na mga bansa—tunay na malaking pakinabang ito.” Ito ang ambisyon ng mga anticristo, isang kalkulasyong ginagawa nila sa kaibuturan ng puso nila sa likod ng paggampan nila ng tungkulin. Puno ng mga transaksiyon at mga hinihingi ang kalkulasyong ito. Ang kaunti nilang “sinseridad” sa tungkulin nila at sa Diyos ay para lang matiyak na pagkakalooban sila ng Diyos ng buhay na walang hanggan, na poprotektahan sila ng Diyos mula sa sakuna, bibigyan sila ng mga pagpapala at biyaya, at tutugunan ang lahat ng pagnanais nila. Kaya, puno ng iba’t ibang hinihingi sa Diyos ang puso ng mga anticristo, na kolektibong tinatawag na paghingi. Bukod sa pag-ayaw sa katotohanan, ninanais ng mga anticristo ang lahat ng iba pang bagay—kapwa materyal at hindi materyal na mga bagay.
May ilang anticristo na minsang nag-ambag ng maliit sa mga kapatid o sa iglesia. Halimbawa, puwedeng umako sila noon ng ilang mapanganib na gampanin sa iglesia o nagpatuloy sa bahay nila ng mga kapatid na hindi makauwi. Dahil dito, at sa medyo matagal na nilang pananalig sa Diyos, itinuturing sila ng karamihan ng tao bilang mga indibidwal na may merito at kalipikado. Kasabay nito, nakararamdam din sila mismo ng pagiging mas higit at nakalalamang. Umaasa sila sa pagiging matagal na nila at ipinagyayabang nila ito, sinasabi nila, “Napakatagal ko nang nananampalataya sa diyos at may mga naiambag na ako sa sambahayan ng diyos. Hindi ba’t dapat akong bigyan ng espesyal na pagtrato ng diyos? Halimbawa, isang pagpapala ang pagpunta sa ibang bansa na tinatamasa ng mga tao. Kung isasaalang-alang ang senyoridad ng mga tao, hindi ba’t dapat ako ang priyoridad? Dahil nag-ambag ako sa sambahayan ng diyos, dapat akong bigyan ng priyoridad at espesyal na pangangalaga, at hindi ako dapat husgahan batay sa mga prinsipyo.” May ilang tao pa nga na nakulong, at nang makalabas sila at mawalan ng tahanan, nararamdaman nilang dapat silang bigyan ng espesyal na pangangalaga ng sambahayan ng Diyos: Halimbawa, dapat itong maglaan ng kaunting pera para tulungan silang makabili ng bahay, dapat nitong akuin ang responsabilidad para sa kabuhayan nila sa habambuhay nila, o dapat na tugunan ang lahat ng materyal na pangangailangang ilalatag nila. Kung may pangangailangan sila, dapat bigyan sila ng kotse ng sambahayan ng Diyos. Kung may problema sila sa kalusugan, dapat bilhan sila ng mga health supplement ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t umaasa sila batay sa kanilang pagiging matagal na at hindi ba’t ipinagmamalaki nila ang mga kalipikasyon nila? Naniniwala ang mga indibidwal na ito na nakapag-ambag sila, kaya walang kahihiyan at lantaran silang humihingi sa Diyos. Humihingi sila ng mga sasakyan, bahay, at ng isang marangyang pamumuhay. Hinihiling pa nga nila sa mga kapatid na pangasiwaan ang mga bagay at asikasuhin ang mga bagay para sa kanila nang libre, nagiging mga alila o alipin nila ang mga ito. Hindi ba’t naging palamunin na sila ng iglesia? Ang totoo, para sa sarili mong kapakanan ang pananalig mo sa Diyos, at nakulong ka para din sa sarili mong kapakanan. Responsabilidad mo ang anumang tungkuling ginagawa mo. Kapag ginagawa mo ang tungkulin mo at nakakamit mo ang katotohanan, para ito sa sarili mong kapakanan. Boluntaryo ang pananampalataya mo sa Diyos, walang pumipilit sa iyo. Para sa sarili mong kapakanan ang pagkamit ng buhay, hindi ito para sa iba. Kahit na umako ka ng ilang mapanganib na gampanin para sa sambahayan ng Diyos o sa iglesia, maituturing ba iyong merito? Hindi ito merito; ito ang dapat mong gawin. Pagtataas ito sa iyo ng Diyos at pagbibigay Niya sa iyo ng isang pagkakataon; isa itong pagpapala mula sa Diyos. Hindi ito para gamitin mong kapital para maging palamunin ng iglesia. Kaya, mga anticristo ba ang mga taong ito? Sa partikular, hindi kayang makipagbahaginan ng mga taong ito sa anumang katotohanang realidad, at kapag kasama nila ang mga kapatid na mas bago sa pananampalataya at mas bata, nagbabahagi lang sila tungkol sa mga dati nilang karanasan at ipinagmamalaki nila ang mga kalipikasyon nila; wala silang anumang naibabahagi o kaalaman tungkol sa mahahalagang karanasan sa buhay. Hindi sila nakapagpapatibay sa iba, bagkus ay nagmamalaki sila at umaaktong mas mataas sa iba. Hindi nila magawang umako ng anumang makabuluhang gawain sa sambahayan ng Diyos, ni hindi rin nila magawa nang maayos ang anumang mga totoong tungkulin. Gayumpaman, nagiging palamunin pa rin sila ng iglesia at inuunat ang mga kamay nila para humingi sa Diyos. Hindi ba’t wala itong kahihiyan? Kung pag-uusapan natin ang mga kalipikasyon, hindi ba’t mas kalipikado Ako kaysa sa inyo? Niyabangan Ko ba kayo? Humingi ba Ako ng anuman sa inyo? (Hindi.) Kung gayon, bakit nagagawa ng mga anticristo ang mga gayong bagay? Dahil wala silang kahihiyan. Kapag tinatanggap nila ang mga tungkulin nila, puno ng mga transaksiyon ang isipan nila. Kapag ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, wala silang tamang pananaw at hindi nila ito itinuturing bilang tungkulin o obligasyon nila, isang bagay na dapat gawin ng isang nilikha. Bagaman maaaring gumagawa sila ng ilang tungkulin, nagtitiis ng ilang pagdurusa, at nagbabayad ng halaga, ano ang iniisip nila sa puso nila? “Walang ibang makagagawa ng gampaning ito. Kung gagawin ko ito, magiging sikat ako sa sambahayan ng diyos, pahahalagahan ako saan man ako pumunta, at magiging kalipikado akong tamasahin ang mga pinakamagandang bagay sa lahat ng lugar. Magiging bigating tao ako sa sambahayan ng diyos, mapapasaakin ang kahit anong gusto ko, at walang sinuman ang mangangahas na magsabi ng kahit ano dahil may mga kalipikasyon ako!” Batay sa karakter nila, imposibleng tratuhin ng mga anticristo ang Diyos, ang atas Niya, o ang gawain ng sambahayan ng Diyos nang may kahit kaunting sinseridad o kahandaan. Kahit na sa panlabas ay mukha silang handa at kaya nilang magtiis ng pagdurusa at magbayad ng halaga, pagkatapos na pagkatapos nito, handa na silang iunat ang mga kamay nila para humingi at humiling ng mga gantimpala mula sa Diyos, sinusubukan nilang maging palamunin ng iglesia at magsamantala sa lahat ng lugar. Kaya, batay sa mga pamamaraan nila, pinakaangkop na tukuyin bilang buktot ang anticristong disposisyong diwa nila. Ang mga kinikimkim nilang kaisipan at pananaw tungkol sa mga tungkulin nila at sa atas ng Diyos ay buktot, hindi naaayon sa katotohanan, at tiyak na hindi naaayon sa pamantayan ng konsensiya.
Sa anumang tungkuling ginagawa nila, sinusunod ng mga anticristo ang sarili nilang mga kagustuhan, hinahanap nila ang personal na kasikatan at katayuan. Hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan o pinagninilay-nilayan ang sarili nila. Sa harap ng anumang mga paglihis o isyu na lumalabas sa gawain nila, ang saloobin nila ay hindi ang maghanap o tumanggap sa katotohanan. Sa halip, palagi nilang sinisikap na ikubli ang mga katunayan, pinananatili ang reputasyon at labis na kapalaluan nila, at nagpapakitang-gilas sa lahat ng aspekto, para makuha ang paghanga ng mga tao. Sa madaling salita, ang mga puso nila ay puno ng kabuktutan, ng pilosopiya ni Satanas at ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, nang walang anumang naaayon sa katotohanan. Hindi kailanman hinahanap ng mga anticristo ang katotohanan sa anumang tungkuling ginagawa nila, at hindi nila kailanman intensiyon na magpasakop sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Palagi nilang sinusunod ang sarili nilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, at kumikilos sila ayon sa sarili nilang mga kagustuhan. Anuman ang kasalukuyan nilang gampanin, kinakalkula nila sa puso nila kung paano sila makikinabang. Tinitimbang lang nila kung anong mga tungkulin ang gagawin na makapagbibigay sa kanila ng kasikatan, pakinabang at katayuan, pagpapahalaga ng ibang tao, at kaunting karangalan. Kapag ginawa na nila ang mga tungkulin nila, inaasahan nilang maitatala sa aklat-talaan ng Diyos ang mga nakamtan nila, itinatala sa isip nila ang mga ito at tinitiyak na maayos na naitatala ang bawat ambag at na walang nakakaligtaan. Naniniwala sila na kapag mas maraming gawain ang ginagawa nila at kapag mas malaki ang mga ambag nila, mas malaki ang pag-asa nilang makapasok sa kaharian at makatanggap ng mga gantimpala at mga korona. Ganitong-ganito ang mga saloobin at pananaw na kinikimkim ng mga anticristo sa mga tungkulin nila. Puno ng mga transaksiyon at mga hinihingi ang mga isipan nila—hindi ba’t ibinubunyag nito ang kalikasang diwa nila? Bakit puno ng mga transaksiyon at mga hinihingi sa Diyos ang mga isipan nila? Dahil buktot ang disposisyong diwa nila—totoong-totoo ito. Makikita ito sa mga ideya at pananaw na kinikimkim ng mga anticristo sa mga tungkulin nila—ganap nitong pinatutunayan na buktot ang disposisyong diwa nila. Gaano karaming katotohanan man ang napagbabahaginan o gaano man naisisiwalat at nahihimay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, hindi nagpapakita ng anumang kaalaman sa disposisyong diwa nila ang mga anticristo. Hindi lamang sila tumatanggi na tanggapin ang katotohanan, nagkakaroon din sila ng hinanakit sa puso nila. Kapag nararamdaman nilang nawawasak ang mga pag-asa nilang makatanggap ng mga pagpapala at gantimpala, naniniwala silang nandaraya ang Diyos, iniisip nila na ang pagsisiwalat at paghihimay ng Diyos ay sinasadyang pagtatangka na ipagkait ang mga gantimpala, na nagiging sanhi para gugulin ng mga tao ang sarili nila nang walang saysay para sa Diyos nang walang nakakamit sa huli. Bukod sa walang positibong pag-arok sa gawain ng Diyos at sa katotohanan ang puso nila, nakakabuo pa nga sila ng mga kuru-kuro at maling pagkaunawa, na nagpapatindi ng paglaban nila sa Diyos. Samakatwid, kapag mas nahihimay ang satanikong disposisyon at diwa ng tiwaling sangkatauhan, at habang mas nasisiwalat ang mga pakana, motibasyon, at pakay ni Satanas, mas nagiging tutol ang mga anticristo sa katotohanan at mas nagkikimkim sila ng pagkamuhi rito. Bakit ito nangyayari? Naniniwala sila na habang mas napagbabahaginan ang katotohanan, mas lumalabo ang pag-asa nilang makatanggap ng mga pagpapala. Habang mas napagbabahaginan ang katotohanan, mas nararamdaman nilang hindi posible ang landas ng pakikipagpalit ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para sa mga gantimpala at korona, kaya iniisip nilang wala na silang pag-asa na makatanggap ng mga pagpapala. Habang mas napagbabahaginan ang katotohanan sa ganitong paraan at kapag mas nangyayari ang ganitong uri ng pagsisiwalat, mas nawawalan ng interes ang mga anticristo sa pananalig nila sa Diyos. Dahil nakikita nila na walang binanggit ang Diyos tungkol sa kung gaano kalaking pagdurusa at pagbabayad ng halaga ang puwedeng makapagbigay sa kanila ng katumbas na gantimpala, at na wala Siyang sinabi tungkol sa pagpasok sa kaharian ng langit nang batay lang sa pagsisikap, nararamdaman nilang tila natapos na ang landas nila ng pakikipagtransaksiyon sa Diyos. Nararamdaman nila sa kaibuturan nila na sila mismo ang mga taong determinado ang Diyos na parusahan, nakararanas sila ng nakakabagabag na takot at pakiramdam na malapit na ang katapusan nila, na tila parating na sa kanila ang katapusan ng mga araw. Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos makinig sa mga magkakasunod na sermong naglalantad sa mga anticristo? Nakikita Ko na nakayuko kayo; medyo pinanghihinaan ba kayo ng loob? Napagtanto ba ninyo na tinatahak ninyo ang landas ng mga anticristo? Puno rin ba ang isipan ninyo ng mga buktot na ideyang ito ng pakikipagtawaran sa Diyos? May kamalayan na ba kayo ngayon? Kaya ba ninyong ituwid agad ang mga bagay-bagay? (Iniisip ko rin na kailangan kong ituwid agad ang mga bagay-bagay; hindi ako puwedeng patuloy na mamuhay nang may mga anticristong disposisyong ito.) Bagaman lahat kayo ay mayroong mga disposisyon ng mga anticristo at ng layuning makipagtawaran sa Diyos at makatanggap ng mga pagpapala, hindi pa kayo mga anticristo. Kaya, dapat ninyong agad na hanapin ang katotohanan para sa resolusyon, hilahin ang inyong sarili mula sa bingit ng kapahamakan, at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa gayon, hindi ba’t nalutas na ang problema? Isang problemang madaling lutasin ang pagkakaroon ng disposisyon ng mga anticristo at pagtahak sa landas nila. Hangga’t kaya mong tanggapin ang katotohanan, pagnilayan ang sarili mo, kilalanin ang tiwaling disposisyon sa loob mo, unawain ang diwa ng problema ng paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at pagkatapos ay talikuran ang maling paraang ito ng paghahangad, bitiwan ang maling pananaw ng pananalig sa Diyos, iwaksi ang layunin sa pagtanggap ng mga pagpapala, at manampalataya lang sa Diyos alang-alang sa paghahangad sa katotohanan at para sa layunin na maging isang bagong tao, at hangarin lang na maging isang taong nagpapasakop sa Diyos, at sambahin lang ang Diyos, nang hindi iniidolo o sinusunod ang mga tao, pagkatapos ay unti-unting magiging normal ang kalagayan mo. Hahakbang ka sa landas ng paghahangad sa katotohanan—walang duda rito. Ang dapat katakutan ay kung hindi mo tinatanggap ang katotohanan, kung tutol ka sa katotohanan, at kung nananatili pa ring matigas ang ulo mo at hindi ka nagsisisi kahit kailan kahit alam mong mali ang pakikipagtawaran sa Diyos at gayundin ang paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Sa gayong sitwasyon, taglay mo ang kalikasang diwa ng isang anticristo at dapat kang itiwalag. Kung gagawa ka ng maraming kasamaan, mahaharap ka sa kaparusahan.
Ang pagkakaiba ng mga anticristo at ng mga ordinaryong tiwaling tao ay nakasalalay sa katunayang hindi lamang pansamantala o paminsan-minsang pagpapamalas para sa mga anticristo ang paghahangad ng kasikatan, pakinabang, katayuan, at mga pagpapala, at ang mga pakikipagtransaksiyon sa Diyos—namumuhay sila sa mga bagay na ito. Isang landas lang ang pinipili nila, ito ang landas ng mga anticristo, namumuhay ayon sa kalikasan ng mga anticristo at mga satanikong pilosopiya. Ang mga ordinaryong tiwaling tao ay puwedeng makapili ng isa pang landas at tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, pero ayaw ng mga anticristo sa katotohanan at wala silang ganitong pangangailangan. Puno ng mga satanikong pilosopiya ang kalikasan nila, at hindi tama ang pipiliin nila. Hindi kailanman tatanggapin ng mga anticristo ang katotohanan; ipipilit nila ang mga kamalian nila hanggang sa huli, hindi sila kailanman magbabago ng landas o magsisisi. Alam nilang puno sila ng mga pakikipagtransaksiyon sa Diyos, sinusubok at kinakalaban Siya sa bawat pagkakataon. Gayumpaman, may mga dahilan sila, at iniisip nila, “Ano ang mali rito? Hindi kahiya-hiya ang humingi sa diyos ng ilang materyal na pagpapala at magpakasasa sa ilang pakinabang ng katayuan. Hindi ako pumatay o nagsunog, ni hindi ko lantarang nilabanan ang diyos. Oo, nagtatatag ako ng nagsasariling kaharian at kumilos ako nang medyo arbitraryo, pero wala akong pininsala o sinaktan na sinuman, ni hindi ko naapektuhan o hindi ako nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng sambahayan ng diyos.” Hindi ba’t hindi na ito matutubos? Gaano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan o gaano man sila isiwalat o pungusan nito, tumatanggi silang aminin ang mga pagkakamali nila—hindi na ito matutubos. Ito ang diwa ng mga anticristo. Kung sasabihin mong masama o buktot sila, wala silang pakialam, at ipipilit pa rin nila ang kasamaan at kabuktutan nila. Ipinapakita nito na matigas na hindi nagsisisi ang mga anticristo. Makikipagbahaginan ka pa ba ng tungkol sa katotohanan sa mga gayong tao? Ni hindi nila alam kung alin ang mga positibo at alin ang mga negatibong bagay; ano pa ang masasabi mo sa kanila? Wala na. Puno ng buktot na disposisyong diwa ang mga anticristo, at namumuhay sila sa loob ng disposisyong ito. Likas na kalikasan nila ang pagsubok sa Diyos at pakikipagtransaksiyon sa Kanya, at walang makakapagpabago sa kanila—nananatili silang hindi nagbabago sa bawat sitwasyon. Bakit hindi sila nagbabago? Hindi sila nagbabago dahil kahit gaano pa karaming katotohanan ang ibinahagi sa kanila, kahit gaano pa kadaling intindihin at lubos na nakakapaglantad ang mga salita, hindi nila alam ang totoong isyu. Hindi nila kayang maunawaan ang katotohanan at hindi nila alam kung ano ang katotohanan at ano ang mga negatibong bagay; iyon ang dahilan.
Nakikipagtransaksiyon ang mga anticristo sa Diyos at may mga hinihingi sila sa Kanya sa iba’t ibang usapin. Siyempre, may mga hinihingi sila para sa napakaraming bagay—nahahawakan at hindi nahahawakan, materyal at hindi materyal, kasalukuyan at sa hinaharap. Hangga’t kaya nilang isipin ito, hangga’t naniniwala silang karapat-dapat sila rito, at hangga’t isa itong bagay na ninanais nila, hindi sila nahihiyang humingi sa Diyos, umaasang ipagkakaloob Niya ito sa kanila. Halimbawa, kapag gumagampan sila ng isang partikular na tungkulin, para mamukod-tangi at maging napakagaling, para magkaroon ng pagkakataong maging sentro ng atensiyon at makuha ang ninanais nilang katayuan kasama ang pagpapahalaga ng mas maraming tao, umaasa sila na bibigyan sila ng Diyos ng ilang espesyal na abilidad. Nananalangin sila sa Kanya, sinasabi nila, “O diyos, handa akong tapat na gampanan ang tungkulin ko. Pagkatapos kong tanggapin ang tungkuling ito mula sa iyo, araw-araw kong iniisip kung paano ito magagampanan nang maayos. Handa akong ilaan ang habambuhay kong lakas para dito, iaalay ko sa iyo ang kabataan ko at ang lahat ng mayroon ako; handa akong magtiis ng hirap para dito. Pakiusap, pagkalooban mo ako ng mga salitang sasabihin, pagkalooban mo ako ng talino at karunungan, at hayaan mong mapabuti ko ang mga propesyonal kong kasanayan at abilidad habang ginagampanan ko ang tungkuling ito.” Pagkatapos ipahayag ang katapatan nila at ilahad ang pananaw nila, agad na hinihiling ng mga anticristo sa Diyos ang mga bagay na ito. Bagaman hindi nahahawakan ang mga bagay na ito, at naniniwala ang mga tao na makatwiran na hilingin sa Diyos ang mga ito, hindi ba’t isa itong uri ng pakikipagtransaksiyon at paghingi? (Oo.) Ano ang pokus ng transaksiyong ito? Ano ang diwa na hinihimay natin? Walang kahit anong sinseridad ang mga anticristo para sa mga tungkuling ipinagkakatiwala ng Diyos sa kanila, ni wala silang intensiyong maging tapat sa usaping ito. Bago gawin ito, umiikot na sa isipan nila kung paano nila masusunggaban ang pagkakataong ito para ipakita ang mga talento nila at magkamit ng kasikatan sa mga tao, sa halip na gamitin ang pagkakataong ito para magampanan nila nang maayos ang kanilang tungkulin at para mahanap ang mga katotohanang dapat nilang maunawaan at ang mga prinsipyong dapat nilang hanapin sa paggampan nito. Kaya, kapag lumalapit ang mga anticristo sa Diyos para manalangin, una nilang hinihingi at hinihiling ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa reputasyon at katayuan nila, tulad ng katalinuhan, karunungan, mga natatanging pananaw, mga namumukod-tanging kasanayan, pagkabukas ng espirituwal na mata nila, at iba pa. Gusto nila ang mga bagay na ito hindi para maunawaan ang katotohanan o para ialay ang sinseridad nila at gampanan nang maayos ang mga tungkulin nila. Malinaw na puno ng mga pakikipagtransaksiyon at hinihingi ang mga kahilingang ito, pero pakiramdam pa rin nila na may katwiran sila. Pagdating sa ganitong uri ng panalangin at sa mga ganitong uri ng pakikipagtransaksiyon ng mga tao, kahit pa nagdurusa at nagbabayad ng halaga ang mga tao sa paggampan ng tungkulin nila, at kahit pa gumugugol sila ng kaunting oras at lakas, tatanggapin ba ito ng Diyos? Sa perspektiba ng Diyos, hinding-hindi Niya tatanggapin ang gayong paggampan sa tungkulin ng isang tao, dahil walang sinseridad, walang katapatan, at tiyak na walang tunay na pagpapasakop sa kaibuturan ng mga gayong tao. Batay sa aspektong ito, ang katayuan at kasikatan at ang pagpapahalaga at paghanga ng iba ang personal nilang nais na hangarin, pero sa panahon ng paggampan nila ng mga tungkulin nila, walang naging pag-unlad sa buhay pagpasok nila o sa disposisyonal na pagbabago nila.
Kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, agad na nagsisimulang magpakana, magkalkula, at magplano ang mga anticristo sa puso nila. Para silang mga accountant, na nakikipagtransaksiyon sa Diyos sa lahat ng bagay, marami silang gusto at marami silang hinihingi sa Diyos. Sa madaling salita, hindi makatwiran sa mga mata ng Diyos ang lahat ng hinihinging ito; hindi ang mga ito ang nilalayong ibigay ng Diyos sa mga tao, ni hindi ang mga ito ang dapat na matanggap ng mga tao, dahil hindi nagbibigay ang mga bagay na ito ng kahit kaunting pakinabang sa paghahangad ng mga tao sa disposisyonal na pagbabago o sa pagkamit ng kaligtasan. Kahit na, sa panahon ng paggampan ng mga tungkulin mo, binibigyan ka ng kaunting liwanag ng Diyos o ng ilang bagong ideya tungkol sa propesyon mo, hindi ito para tugunan ang mga pagnanais mo na humingi sa Diyos, lalong hindi ito para maging mas popular o maging mas tanyag ka sa mga tao. Matapos matanggap ang gayong pagtanglaw at kaliwanagan mula sa Diyos, ginagamit ang mga ito ng isang normal na tao sa tungkulin niya, ginagampanan ang tungkulin niya nang mas mabuti, at inaarok niya nang mas tumpak ang mga prinsipyo, at unti-unting personal na nararanasan kung paano niya natatanggap ang maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at biyaya mula sa Diyos habang ginagampanan ang mga tungkulin niya—ang Diyos ang may gawa ng lahat ng ito. Habang mas marami siyang nararanasan, mas nararamdaman niyang dakila ang ginagawa ng Diyos, at mas napagtatanto niyang wala siyang dapat ipagmalaki, na biyaya at paggabay ng Diyos ang lahat ng ito. Isa itong bagay na nararamdaman at namamalayan ng isang normal na tao. Gayumpaman, iba ang mga anticristo, at gaano man karami ang kaliwanagan at pagtanglaw na ipinagkakaloob sa kanila ng Diyos, iniisip nila na dahil sa kanila ang lahat ng ito. Isang araw, kapag itinala nila ang mga ambag nila at lumapit sila sa Diyos para humingi ng mga gantimpala, kapag nakipagkuwentahan sila sa Diyos, binabawi ng Diyos ang kaliwanagan at pagtanglaw Niya, at nabubunyag ang mga anticristo. Dati, ang lahat ng kaya nilang gawin ay dahil sa gawain ng Banal na Espiritu at sa paggabay ng Diyos. Wala silang pagkakaiba sa ibang tao: Kung wala ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Diyos, nawawala ang mga kaloob, katalinuhan, karunungan, magandang ideya, at mabuting kaisipan nila—nawawalan sila ng silbi at nagiging hangal sila. Kapag nahaharap ang mga anticristo sa mga gayong bagay at umaabot sila sa ganitong punto, hindi pa rin nila napapansin na mali ang landas nila, at hindi nila namamalayan na nakikipagtransaksiyon sila sa Diyos at hindi makatwiran na humihingi sa Kanya. Iniisip pa rin nila na mahusay sila at may kakayahan sa anumang bagay, nararapat na tingalain, hangaan, respetuhin, suportahan, at purihin ng iba. Kung hindi nila natatanggap ang mga bagay na ito, nakikita nilang walang pag-asa ang sitwasyon at kumikilos sila nang mas walang ingat, napupuno sila ng hinanakit laban sa Diyos at sa mga kapatid. Sinusumpa at inirereklamo nila ang Diyos sa puso nila, sinasabing hindi matuwid ang Diyos, sinusumpa ang mga kapatid dahil sa kawalan ng mga ito ng konsensiya at dahil sa pagtatakwil sa kanila pagkatapos silang gamitin, at inaakusahan pa nga nila ang sambahayan ng Diyos na sinusubukan sila nitong paalisin pagkatapos silang gamitin nito. Ano ito? Isang taong walang kahihiyan! Hindi ba’t ganito ang lahat ng anticristo? Hindi ba’t madalas silang nagsasabi ng mga gayong bagay? Sinasabi nila, “Noong kapaki-pakinabang ako at nasa isang mahalagang posisyon, pinalilibutan ako ng lahat. Ngayong wala na ako sa mahalagang posisyon, wala nang pumapansin sa akin, minamaliit ako ng lahat, at lahat kayo ay pinakikitaan ako ng masamang ugali kapag kinakausap ninyo ako.” Saan nagmumula ang mga salitang ito? Hindi ba’t nakaugat ang mga ito sa buktot na disposisyon ng mga anticristo? Ang buktot nilang disposisyon ay puno ng pakikipagtransaksiyon sa mga tao at sa Diyos, ng paghingi sa Diyos at sa mga tao, para bang sinasabi nila, “Inaasikaso ko ang mga bagay para sa inyo, ginugugol ko ang sarili ko, nagbabayad ako ng halaga, at nag-aalala ako para sa inyo, kaya dapat ninyo akong lapitan nang may pagrespeto at kausapin nang magalang. May katayuan man ako o wala, dapat ninyong alalahanin ang lahat ng nagawa ko, isaisip ninyo ako magpakailanman, at huwag akong kakalimutan kailanman—ang paglimot sa akin ay nangangahulugang wala kayong konsensiya. Sa tuwing kumakain kayo ng masasarap na pagkain o gumagamit ng magagandang bagay, dapat isipin ninyo ako, at ako dapat lagi ang priyoridad.” Hindi ba’t madalas na naglalatag ng mga gayong hinihingi ang mga anticristo? (Oo.) May mga taong nagsasabi, “Sino ang nag-imprenta ng mga aklat ng mga salita ng diyos na binabasa ninyo? Sino ang nag-abot ng mga ito sa mga kamay mo? Kung hindi dahil sa pagsuong ko sa mga panganib na maaresto, makulong o mahatulan ng kamatayan, mababasa ba ninyo ang mga aklat na ito? Kung hindi dahil sa pagtitiis ko ng hirap at pagbabayad ng halaga para diligan kayo, magkakaroon ba kayo ng buhay iglesia? Kung hindi dahil sa pagtitiis ko ng pagdurusa at pagbabayad ng halaga para ipangaral ang ebanghelyo, makakamit ba ng iglesia ang gayon karaming tao? Kung hindi dahil sa buong araw kong pakikipagbahaginan sa inyo sa mga salita ng diyos, magkakaroon ba kayo ng gayon kalaking pananalig? Kung hindi dahil sa pagpapakaabala ko para magbigay ng lohistikal na suporta sa inyo, magagawa ba ninyo nang matiwasay ang mga tungkulin ninyo ngayon? Kung hindi dahil sa pangunguna ko, uunlad kaya ang gawain ng iglesia nang tulad ng sa ngayon?” Nakatagpo na ba kayo ng mga ganitong tao? Sa pakikinig sa mga salita nila, para bang kung wala sila, hindi makakausad ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at titigil sa pag-ikot ang mundo. Hindi ba’t ito ang mentalidad ng mga anticristo? Ano ang layunin nila sa pagsigaw ng mga salitang ito? Sinasabi ba nilang sila ang dapat na purihin para sa mga bagay-bagay o naghihinagpis at nagrereklamo sila? Naniniwala sila na hindi na sila kailangan ng sambahayan ng Diyos ngayon, na pinabayaan na sila ng mga kapatid, na hindi patas ang sambahayan ng Diyos sa mga tao, na hindi sila tinutustusan, nirerespeto, o hinahayaang tumanda roon ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t may elemento rin ng pang-aalipusta sa pagsigaw nila? Inaalipusta nila ang iba, sinasabing walang konsensiya ang mga ito. Anong serbisyo ba talaga ang ibinibigay ng mga anticristo? Nakakagulo at nakakagambala ang lahat ng ginagawa nila, at nakakalihis ang lahat ng sinasabi nila. Wala silang pagkatao; mga diyablo sila. Bakit sila dapat gamitan ng konsensiya ng sinuman? Kapaki-pakinabang ba ang paggawa nito? (Hindi.) Bakit hindi ito kapaki-pakinabang? Mauunawaan ba ng isang tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagsunod sa kanila? (Hindi.) Ano ang nakakamit ng lahat ng sumasamba at sumusunod sa mga anticristo? Kasama ang mga anticristong ito, ipinagkakanulo nilang lahat ang Diyos at inaakay sila ng mga ito papunta sa impiyerno. Ano ang tingin ng mga anticristo sa sarili nila? (Nakikita nila ang sarili nila bilang Diyos.) Walang kahihiyan ang ganitong pag-iisip. Dapat magkaroon ng konsensiya sa Diyos ang mga tao, pero hindi kailanman hinihingi ng Diyos na gawin iyon ng mga tao; hinihingi lang Niya na unawain ng mga tao ang katotohanan, na magawa nilang isagawa ang katotohanan at matamo ang kaligtasan, at maging mga nilikhang pasok sa pamantayan. Kahit kailan ba ay hiniling Ko sa inyo na isipin Ako at maglaan ng kaunti para sa Akin kapag kumakain kayo ng masarap na pagkain, o na isipin ninyo Ako kapag nasa magandang lugar kayo? Kapag kumakain kayo nang maayos, namumuhay nang maayos, at masaya, kahit kailan ba ay nainggit Ako? Kahit kailan ba ay sinabi Ko na wala kayong konsensiya? Pero kayang sabihin ng mga anticristo ang mga gayong bagay at kaya nilang isumpa ang mga tao dahil sa kawalan ng konsensiya ng mga ito—hindi ba’t wala itong kahihiyan? Kapag tinatanggal ng sambahayan ng Diyos ang mga anticristo, kapag hindi na nasasabik ang mga kapatid sa kanila nang tulad ng dati, kaya nilang magsabi ng mga gayong bagay, umiiyak tungkol sa mga hinanakit nila, at sinusumpa ang mga tao at ang Diyos. Lumalabas sa bibig nila ang lahat ng uri ng bagay, at ganap na nalalantad ang malademonyong kalikasan nila. Ang mga ito ang iba’t ibang pagpapamalas na ibinubunyag ng buktot na disposisyon ng mga anticristo. Dahil puno ang puso nila ng mga pakikipagtransaksiyon sa Diyos, humahantong ito sa paghingi at paghiling ng kung anu-ano sa Kanya. Kapag naitataas ang ranggo ng mga anticristo o kapag natatanggal sila, kapag inilalagay sila ng sambahayan ng Diyos sa isang mahalagang posisyon o hindi, tumutukoy sa buktot nilang diwa ang lahat ng iba’t ibang pagpapamalas na lumalabas mula sa kanila—ganap itong totoo.