Ikalimang Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Ikalawang Bahagi) Unang Seksiyon
II. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Karakter at Disposisyong Diwa
Noong nakaraan, ibinuod natin ang karakter ng mga anticristo. Puwede bang ibahagi ninyo kung ano ang mga bumubuo nito? (Ang unang aytem ay ang palagiang pagsisinungaling, ang pangalawa ay ang pagiging mapaminsala at malupit, ang pangatlo ay ang kawalan ng pagpapahalaga sa dangal at kawalan ng kahihiyan, ang pang-apat ay ang pagiging makasarili at ubod ng sama, ang panglima ay ang pagkapit sa makapangyarihan at pang-aapi sa mahihina, at ang pang-anim ay ang pagiging mas mapaghangad sa mga materyal na bagay kaysa sa normal na mga tao.) Sa kabuuan ay may anim na aytem. Kung titingnan ang anim na aytem na ito, walang pagkatao, konsensiya, at katwiran ang karakter ng mga anticristo. Mababa ang integridad nila, at kasuklam-suklam ang karakter nila. Sabihin nating hindi mo alam o hindi mo maarok ang disposisyon ng isang tao, o kung mabuti o masama ba ito, pero sa pamamagitan ng pag-aaral sa karakter niya, natutuklasan mo, halimbawa, na may kasuklam-suklam siyang karakter, tulad ng palagiang pagsisinungaling, kawalan ng pagpapahalaga sa dangal, o pagiging mapaminsala at malupit. Kung gayon ay puwede mo siyang paunang tukuyin bilang isang taong walang konsensiya, mabuting puso, o marangal na karakter, sa halip ay tutukuyin mo siya bilang isang taong may di-mabuti, napakababa, at masamang pagkatao. Kung walang katayuan ang mga gayong tao, puwede silang pansamantalang ikategorya bilang masasamang tao; batay sa karakter nila, puwede ba silang ganap at lubusang tukuyin bilang mga anticristo? Kung isasaalang-alang lang natin ang mga pagpapamalas na ito ng pagkatao nila, puwedeng tukuyin bilang mga anticristo ang mga gayong tao nang may 80% na katiyakan. Hindi lamang nila taglay ang disposisyon ng mga anticristo, at hindi lang ito simpleng kaso na masama, di-mabuti, at mababa ang pagkatao nila, kaya puwede natin silang paunang tukuyin bilang mga anticristo. Dahil walang sinuman na natutukoy bilang isang anticristo ang may mabuting pagkatao, pagkamatapat, kabutihan, kasimplehan, katuwiran, sinseridad sa iba, o pagpapahalaga sa dangal; walang sinumang nagtataglay ng mga aspektong ito ng karakter, ang isang anticristo. Una sa lahat, napakababa ng pagkatao ng mga anticristo. Wala silang konsensiya at katwiran, at tiyak na hindi nila taglay ang karakter na mayroon ang mga taong may pagkatao at marangal na integridad. Samakatwid, batay sa karakter ng mga anticristo, kung wala silang katayuan at isang ordinaryong tagasunod lang sila o karaniwang miyembro ng isang grupo na gumagawa ng kanilang tungkulin, pero kung napakababa ng karakter nila, at taglay nila iyong mga katangian ng karakter ng isang anticristo, puwede nating paunang ikategorya ang mga taong ito bilang mga anticristo. Ano ang dapat gawin sa mga taong hindi makilatis? Hindi dapat itaas ang ranggo nila o hindi sila dapat bigyan ng katayuan. Puwedeng sabihin ng ilan, “Kung bibigyan natin sila ng katayuan, hindi ba’t iyon ang makatutukoy kung mga anticristo ba sila o hindi?” Tama ba ang pahayag na iyon? (Hindi.) Kung bibigyan natin ng katayuan ang mga gayong tao, gagawin nila ang mga bagay na ginagawa ng mga anticristo, at gagawin nila ang anumang kayang gawin ng isang anticristo. Una, magtatatag sila ng mga nagsasariling kaharian, at bukod pa roon, kokontrolin nila ang mga tao. Gagawa ba ang ganitong klase ng tao ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Kapag nagkamit ng katayuan ang mga gayong tao, puwede na silang magtatag ng mga nagsasariling kaharian, kumilos nang walang habas, magdulot ng mga kaguluhan at pagkagambala, bumuo ng mga paksiyon, at isagawa ang lahat ng gawa ng masasamang tao. Katulad ito ng pagpapapasok ng isang zorra sa ubasan, inilalagay ang hinirang na mga tao ng Diyos sa kamay ng masasamang tao, at dinadala sila sa mga diyablo at Satanas. Kapag nagkakaroon ng kapangyarihan ang mga ganitong tao, tiyak na walang pagdududang mga anticristo sila. Kung tutukuyin na anticristo ang isang tao batay lang sa karakter niya, para sa maraming tao na walang kamalayan sa mga katunayan, na hindi nakakaunawa o hindi nakakakilatis sa disposisyong diwa ng mga anticristo, maaaring mukhang medyo kalabisan naman ito. Puwedeng iniisip nila, “Bakit tuluyang isasantabi o kokondenahin ang isang tao batay lamang dito? Parang hindi naman patas na bansagan silang anticristo bago pa man sila gumawa ng kahit ano.” Gayumpaman, batay sa disposisyong diwa ng mga anticristo, tiyak na wala silang mabuting pagkatao. Una, tiyak na hindi sila mga tagapaghangad ng katotohanan; pangalawa, tiyak na hindi nila mahal ang katotohanan; higit pa rito, tiyak na hindi sila ang uri ng mga tao na nagpapasakop sa mga salita ng Diyos, may takot sa Diyos, at umiiwas sa kasamaan. Para sa mga taong walang mga gayong katangian, malinaw na malinaw kung ang karakter nila ay marangal o mababa, mabuti o masama.
Noong huling pagtitipon, pinagbahaginan natin ang iba’t ibang pag-uugali, paraan ng pagsasalita at pangangasiwa sa mga usapin, at iba pa, na naipapamalas sa pamamagitan ng karakter ng mga anticristo. Kung hindi natin lubos na matutukoy kung anticristo ang isang tao batay sa karakter niya, kinakailangan nating magbahaginan pa sa disposisyong diwa ng mga anticristo. Sa pamamagitan ng pagsusuri at pagkilatis sa karakter ng mga anticristo sa isang aspekto, at sa disposisyong diwa nila sa isa pang aspekto, sa pamamagitan ng pagsasama ng dalawang ito ay matutukoy natin kung taglay lang ng isang tao ang disposisyon ng isang anticristo o kung isa nga siyang anticristo. Ngayon, ibuod natin kung anong mga disposisyong diwa mayroon ang mga anticristo. Isa itong mas mahalagang katangian na nagtutulot sa atin na mas mabuting makilala, makilatis, o matukoy kung isang anticristo ang isang tao.
Tungkol sa disposisyon, dati na natin itong ibinuod nang kongkreto—ano ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? (Pagiging mapagmatigas, mayabang, mapanlinlang, tutol sa katotohanan, malupit, at buktot.) Higit-kumulang na anim ang mga ito, at ang iba pang mga pagpapakahulugan ng mga disposisyon tulad ng pagiging makasarili at ubod ng sama ay medyo may kaugnayan o kahawig ng isa sa anim na ito. Sabihin mo sa Akin, may pagkakaiba ba sa pagitan ng karakter ng isang tao at sa disposisyong diwa niya? Ano ang pagkakaiba? Pangunahing sinusukat ang karakter sa pamamagitan ng konsensiya at katwiran. Kasama rito kung may integridad ba ang isang tao, kung marangal ba ang integridad niya, kung may dignidad ba siya, kung may taglay ba siyang moralidad ng tao, ang antas ng moralidad niya, kung may limitasyon ba siya at mga prinsipyo sa asal niya, kung mabuti o masama ba ang pagkatao niya, at kung simple at matapat ba siya—ang mga aspektong ito ay nauukol sa karakter ng tao. Sa diwa, ang karakter ay binubuo ng mga pagpili at pagkiling sa mabuti at masama, sa mga positibo at negatibong bagay, at sa tama at mali na ipinapamalas ng mga tao sa pang-araw-araw nilang buhay—ang mga ito ang sakop nito. Sa pangunahin ay hindi sangkot dito ang katotohanan; sinusukat lamang ito gamit ang pamantayan ng konsensiya kasama ang mabuti at masamang pagkatao, at hindi talaga umaabot sa antas ng katotohanan. Kung sangkot ang disposisyon, dapat itong sukatin batay sa diwa ng isang tao. Kung mas pinipili ba niya ang mabuti o masama, at, pagdating sa katarungan at kabuktutan gayundin sa mga positibo at negatibong bagay, kung ano ang ipinapamalas niya, kung ano talaga ang mga pinipili niya at ang disposisyong ibinubunyag niya, at ano ang puwedeng maging mga reaksiyon niya—kailangang sukatin ang mga bagay na ito gamit ang katotohanan. Kung medyo mabait ang karakter ng isang tao, kung may konsensiya at katwiran siya, masasabi ba na wala siyang tiwaling disposisyon? (Hindi.) Kung napakabait ng isang tao, may taglay ba siyang kayabangan? (Oo, mayroon.) Kung napakamatapat ng isang tao, mayroon ba siyang mapagmatigas na disposisyon? (Oo, mayroon.) Masasabing gaano man kabuti ang karakter ng isang tao, gaano man karangal ang integridad niya, wala sa mga ito ang nangangahulugang wala siyang tiwaling disposisyon. Kung may konsensiya at katwiran ang isang tao, nangangahulugan ba ito na hindi niya nilalabanan ang Diyos kahit kailan o hindi siya naghihimagsik laban sa Kanya kahit kailan? (Hindi.) Kaya, paano nagaganap ang ganitong paghihimagsik? Ito ay dahil may tiwaling disposisyon ang mga tao, at sa disposisyong diwa nila, mayroong pagiging mapagmatigas, mayabang, buktot, at iba pa. Samakatwid, gaano man kabuti ang karakter ng isang tao, hindi ito nangangahulugan na taglay niya ang katotohanan, na wala siyang tiwaling disposisyon, o na maiiwasan niyang labanan, ipagkanulo ang Diyos at maghimagsik laban sa Diyos, at magpasakop sa Diyos nang hindi hinahangad ang katotohanan. Kung mayroon siyang mabuting karakter, kung siya ay medyo simple, matapat, matuwid, mabuti ang puso, at may pagpapahalaga sa dangal, nangangahulugan lang ito na kaya niyang tanggapin ang katotohanan, mahalin ang katotohanan, at magpasakop sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, dahil taglay niya ang karakter na kayang tumanggap sa katotohanan.
Ang mabuti o masamang karakter ay sinusukat gamit ang mga pangunahing pamantayan tulad ng konsensiya, moralidad, at integridad. Gayumpaman, dapat sukatin ang disposisyong diwa ng isang tao gamit ang anim na tiwaling disposisyon na nabanggit kanina. Kung ang isang tao ay may mataas na pamantayan sa moralidad, may integridad, konsensiya, katwiran, at mabuting puso, masasabi lamang na medyo mabuti ang karakter niya. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugan na nauunawaan ng taong ito ang katotohanan, na tinataglay niya ang katotohanan, o na kaya niyang pangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ano ang pinatutunayan nito? Kahit na mayroon siyang mabuting karakter, medyo marangal na integridad, at mas mataas na pamantayan sa moralidad sa pag-asal at pagkilos niya, hindi iyon nangangahulugan na wala siyang tiwaling disposisyon, na taglay niya ang katotohanan, o na ganap na naaayon sa mga hinihingi ng Diyos ang disposisyon niya. Kung hindi nagpapakita ng pagbabago ang tiwaling disposisyon ng isang tao at hindi niya nauunawaan ang katotohanan, gaano man kabuti ang karakter niya, hindi siya tunay na isang mabuting tao. Ipagpalagay nang nakakaranas ng kaunting pagbabago sa disposisyon ang isang tao, ibig sabihin, hinahanap niya ang katotohanan sa mga kilos niya, maagap niyang sinusunod ang mga katotohanang prinsipyo sa kung paano niya pinapangasiwaan ang mga usapin, at nagpapasakop siya sa katotohanan at sa Diyos, at bagaman paminsan-minsan pa ring lumilitaw ang tiwaling disposisyon niya, nagbubunyag siya ng kayabangan at pagkamapanlinlang, at sa malulubhang kaso, ng malupit na disposisyon, pero sa kabuuan, ang pinagmulan, direksiyon, at pakay ng mga kilos niya ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at kapag kumikilos siya, ginagawa niya ito nang may paghahanap at pagpapasakop. Kaya, masasabi bang mas marangal ang karakter niya kumpara sa mga taong hindi nagpapakita ng pagbabago sa disposisyon? (Oo.) Kung likas lang na mabuti ang karakter ng isang tao, at sa mata ng iba ay mabuti ang pagkatao niya, pero hindi talaga niya nauunawaan ang katotohanan, puno siya ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, hindi niya alam kung paano danasin ang mga salita ng Diyos, at wala siyang kamalayan kung paano tanggapin ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, lalo na kung paano magpasakop sa lahat ng ginagawa ng Diyos, isa ba siyang tunay na mabuting tao? Kung tutuusin, hindi siya tunay na mabuting tao, pero tumpak na masasabi na medyo mabuti ang karakter niya. Ano ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng medyo mabuting karakter? Ang ibig sabihin nito ay pagkakaroon ng kaunting integridad, pagiging medyo patas at makatarungan sa mga kilos at pakikitungo niya sa iba, hindi pagsasamantala sa iba, pagiging medyo matapat, hindi pananakit o pamiminsala sa iba, pagkilos nang may konsensiya, at pagkakaroon ng partikular na pamantayan sa moralidad, higit pa sa simpleng pag-iwas na lumabag sa batas at lumabag sa mga etikal na relasyon—medyo mas mataas ito kaysa sa dalawang pamantayang ito. Kapag nakikisalamuha ang mga tao sa gayong tao, nararamdaman nilang medyo matuwid ang taong iyon at hindi nila kailangang maging mapagbantay laban sa mga ito kapag magkasama sila, dahil hindi ipinapahamak o sinasaktan ng taong iyon ang ibang tao, at panatag ang isipan ng mga tao sa tuwing nakikisalamuha sila sa taong iyon—ang pagkakaroon ng mga katangiang ito ay nagpapahiwatig na medyo mabuti ang isang tao. Gayumpaman, kumpara sa mga taong nakakaunawa sa katotohanan at kayang magsagawa at magpasakop sa katotohanan, walang anumang marangal sa gayong pagkatao. Sa madaling salita, gaano man kabuti ang pagkatao ng isang tao, hindi nito mapapalitan ang pagkaunawa sa katotohanan o ang pagsasagawa sa katotohanan, at tiyak na hindi nito mapapalitan ang pagbabago sa disposisyon.
Tumutukoy ang karakter sa konsensiya, moralidad, at integridad ng mga tao. Para masukat ang karakter ng isang tao, kinakailangang suriin ang konsensiya, moralidad, at integridad niya. Pero ano ang tinutukoy ng disposisyon, at paano ito sinusukat? Sinusukat ito gamit ang katotohanan, gamit ang mga salita ng Diyos. Ipagpalagay nang napakabuti ng karakter ng isang tao sa lahat ng aspekto, naniniwala ang lahat na mabuti siyang tao, at masasabi na perpekto at kompleto siya sa mga mata ng tiwaling sangkatauhan, tila walang kapintasan o depekto; pero kapag sinusukat batay sa katotohanan, ang maliit na bahagi ng diumano’y kabutihan niya ay halos hindi na karapat-dapat pang banggitin. Sa pagsusuri ng disposisyon niya, puwedeng makita ang pagiging mayabang, mapagmatigas, mapanlinlang, buktot, maging ang pagiging tutol sa katotohanan, at lalo na ang pagpapamalas ng malupit na disposisyon. Hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Paano sinusukat ang disposisyong diwa ng isang tao? Sinusukat ito gamit ang katotohanan, sa pamamagitan ng pagsusuri sa saloobin ng isang tao ukol sa katotohanan at sa Diyos. Sa ganitong paraan, ganap at lubusang nabubunyag ang tiwaling disposisyon ng isang tao. Bagaman maaaring nakikita ng mga tao na mayroon siyang konsensiya, integridad, at mataas na pamantayan sa moralidad, at itinuturing siyang isang banal o perpektong tao bukod sa iba pang bagay, pero kapag nahaharap sa katotohanan at sa Diyos, nalalantad ang tiwaling disposisyon niya, wala siyang anumang merito, at nakikita na pareho sa buong sangkatauhan ang mga tiwaling disposisyon niya. Kapag ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan, nagpapakita sa mga tao, at gumagawa, ipinapamalas niya ang bawat tiwaling disposisyon ng pagiging mapagmatigas, mayabang, mapanlinlang, tutol sa katotohanan, buktot, at malupit na katulad sa ibang tao. Hindi ba’t perpekto ang mga gayong tao? Hindi ba’t mga banal sila? Hindi ba’t mabubuti silang tao? Mabuti lang sila sa mata ng ibang tao; dahil walang katotohanan ang mga tao at taglay nila ang mga parehong tiwaling disposisyon, ang pamantayang gamit nila sa pagsukat sa isa’t isa ay batay lang sa konsensiya, integridad, at moralidad, hindi batay sa katotohanan. Ano ang hitsura ng karakter ng isang tao kapag hindi ito sinusukat gamit ang katotohanan? Tunay ba siyang mabuting tao? Malinaw na hindi, dahil ang isang taong sinuri at hinusgahan ng ibang tao bilang mabuti ay hindi walang anumang mga tiwaling disposisyon. Kaya, paano nabubuo at nalalantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao? Kapag ang Diyos ay hindi nagpapahayag ng katotohanan o hindi nagpapakita sa sangkatauhan, tila hindi umiiral ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Gayumpaman, kapag ang Diyos ay nagpapahayag ng katotohanan at nagpapakita sa mga tao, ganap na nalalantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga diumano’y banal o perpektong tao sa mga mata ng ibang tao. Sa perspektibang ito, ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay kaakibat ng karakter nila. Hindi ito nangangahulugan na may tiwaling disposisyon lang ang mga tao kapag nagpapakita ang Diyos; sa halip, kapag ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan at nagpapakita at gumagawa Siya sa piling ng sangkatauhan, nalalantad ang tiwaling disposisyon at kapangitan nila. Sa puntong ito, napagtatanto at natutuklasan ng mga tao na sa likod ng isang mabuting karakter ay mayroon ding tiwaling disposisyon. Ang mabubuting tao, mga perpektong tao, o mga banal sa mata ng iba ay nagtataglay ng tiwaling disposisyon tulad ng ibang tao, at hindi mas kaunti ang tiwaling disposisyon nila kaysa sa sinumang ibang tao—ang mga tiwaling disposisyon ng mga taong ito ay mas nakatago pa nga kaysa sa ibang tao at mas may kakayahang manlihis. Kaya, ano nga ba ang isang tiwaling disposisyon, at ano ang disposisyong diwa? Ang tiwaling disposisyon ng isang tao ang diwa ng taong iyon; ang karakter ng isang tao ay kumakatawan lang sa ilang paimbabaw na tuntunin ng pag-asal, at hindi ito sumasalamin sa pagkataong diwa ng isang tao. Kapag pinag-uusapan natin ang pagkataong diwa ng isang tao, tinutukoy natin ang disposisyon niya. Kapag pinag-uusapan natin ang karakter ng isang tao, tinutukoy natin ang mga maliwanag na aspekto tulad ng kung siya ba ay may mabuting layunin, may mabuting puso, kung kumusta ang integridad niya, at kung mayroon siyang mga pamantayan sa moralidad. Nauunawaan na ba ninyo ngayon kung ano ang ibig sabihin ng karakter at kung ano ang ibig sabihin ng disposisyong diwa? Maaarok lang nang lubos ang usaping ito sa puso ng isang tao; hindi ito puwedeng tukuyin gamit ang isang salita o parirala. Isa itong napakakomplikadong usapin. Kung ito ay tinukoy o ipinaliwanag nang masyadong makitid, maaaring magmukha itong nakaayon sa pamantayan pero ang totoo ay hindi ito malinaw. Hindi Ko ito bibigyan ng depinisyon, ipinaliwanag Ko ito sa ganitong paraan, at kung naaarok ninyo ito nang lubos sa puso ninyo, mauunawaan ninyo ito.
Mayroong anim na tiwaling disposisyon ng tao sa kabuuan: Pagiging mapagmatigas, mayabang, mapanlinlang, tutol sa katotohanan, malupit, at buktot. Sa anim na ito, alin ang medyo malubha, at alin ang mas ordinaryo o pangkaraniwan, mas banayad sa usapin ng antas, at hindi gaanong matindi sa usapin ng mga sitwasyon? (Mas banayad nang kaunti ang pagiging mapagmatigas, mayabang, at mapanlinlang.) Tama iyan. Mukhang may kaunting kaalaman at pagkaunawa kayo sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon ng tao. Bagaman kabilang din ang tatlong ito sa mga tiwaling disposisyon na taglay ng sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, at sa usapin ng diwa, ang mga ito ay kinasusuklaman din ng Diyos, hindi umaayon sa katotohanan, at mapanlaban sa Diyos, medyo banayad at mababaw ang mga ito sa usapin ng antas, ibig sabihin, medyo mas pangkaraniwan ang mga ito; ang mga ito ay taglay, sa iba’t ibang antas, ng bawat miyembro ng tiwaling sangkatauhan. Bukod sa tatlong ito, ang pagiging tutol sa katotohanan, malupit, at buktot ay lubhang mas malala sa usapin ng antas. Kung sinasabing mga ordinaryong tiwaling disposisyon ang unang tatlo, ang huling tatlo ay mga ekstraordinaryong tiwaling disposisyon, na mas malubha sa usapin ng antas. Ano ang ibig sabihin ng pagiging mas malubha ng mga ito? Ibig sabihin, ang tatlong ito ay mas malubha sa usapin ng mga sitwasyon, diwa, at sa antas ng paglaban, paghihimagsik, at pagsalungat ng mga tao sa Diyos. Ang tatlong ito ay mas malubhang disposisyon na ipinapamalas ng mga tao sa pamamagitan ng direktang pagtatanggi sa katotohanan, pagtatatwa sa Diyos, pagpoprotesta laban sa Diyos, pag-atake sa Diyos, pagsubok sa Diyos, panghuhusga sa Diyos, at iba pa. Paano naiiba ang tatlong tiwaling disposisyong ito ng tao sa naunang tatlo? Mas pangkaraniwan ang unang tatlo, ang mga ito ay mga katangian ng mga tiwaling disposisyon na taglay ng lahat ng tiwaling tao, ibig sabihin, ang bawat indibidwal, anuman ang edad, kasarian, lugar ng kapanganakan, lahi, o etnisidad, ay taglay ang tatlong disposisyong ito. Ang huling tatlo ay naroroon sa iba’t ibang antas at sa mas mataas o mas mababang antas sa bawat tao, depende sa diwa nila, pero sa tiwaling sangkatauhan, ang mga anticristo lang ang nagtataglay ng tatlong disposisyong ito—kabuktutan, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan—sa pinakamalubhang antas. Bukod sa mga anticristo, ibinubunyag lang ng mga ordinaryong tiwaling tao ang mga disposisyon ng kabuktutan, pagtutol sa katotohanan, at kalupitan sa isang partikular na antas, o sa partikular na kapaligiran o mga natatanging konteksto. Kahit na taglay nila ang mga disposisyong ito, hindi sila mga anticristo. Hindi buktot o malupit ang diwa nila, at tiyak na hindi ito tutol sa katotohanan. May kinalaman ito sa karakter nila. Ang mga taong ito ay medyo may mabuting puso, may integridad sila, sila ay matuwid, may pagpapahalaga sa dangal, at iba pa—medyo mabuti ang karakter nila. Samakatwid, ibinubunyag lang nila ang huling tatlong malubhang tiwaling disposisyon paminsan-minsan, o sa partikular na mga kapaligiran at konteksto lang. Gayumpaman, hindi nangingibabaw ang mga disposisyong ito sa diwa nila. Halimbawa, kapag ang mga indibidwal na may mga ordinaryong tiwaling disposisyon ay kumikilos nang pabasta-basta sa paggampan ng mga tungkulin nila at humaharap sa pagdidisiplina ng Diyos, maaaring tumanggi silang sumuko rito, iniisip nila, “Pabasta-basta rin naman ang iba; bakit hindi sila dinidisiplina? Bakit ako ang nakakatanggap ng ganitong uri ng pagdidisiplina at pagtutuwid?” Anong uri ng disposisyon ang pagtangging ito na sumuko? Maliwanag na isa itong malupit na disposisyon. Nagrereklamo sila tungkol sa pagiging hindi patas at may pagkiling na pagtrato ng Diyos, na may bahagyang katangian ng pagsalungat at maingay na pagpoprotesta laban sa Diyos—isa itong malupit na disposisyon. Nabubunyag ang malupit na disposisyon ng mga gayong tao sa mga sitwasyong ito, pero ang pagkakaiba ay may mabuting puso ang mga taong ito, may kamalayan ng konsensiya, integridad, at medyo pagkamatuwid. Kapag nagrereklamo sila laban sa Diyos at nagbubunyag ng malupit na disposisyon, gumagana ang konsensiya nila. Kapag gumana ang konsensiya nila, nakikipagtalo ito sa kanilang malupit na disposisyon, at nagsisimulang mabuo ang ilang ideya sa isipan nila: “Hindi ako dapat mag-isip nang ganito. Pinagpala ako nang labis ng Diyos, at ipinakita Niya sa akin ang biyaya. Hindi ba’t kawalan ng konsensiya ang mag-isip nang ganito? Hindi ba’t paglaban ito sa Diyos at pagdurog sa puso Niya?” Hindi ba’t paggana ito ng konsensiya nila? Sa puntong ito, gumagana ang mabuting karakter nila. Sa sandaling nagsisimula nang gumana ang konsensiya nila, naglalaho ang galit, mga reklamo, at pagtanggi nilang sumuko, at unti-unting naisasantabi at nawawala ang mga ito. Hindi ba’t epekto ito ng konsensiya nila? (Oo.) Kaya, nagbubunyag ba sila ng malupit na disposisyon? (Oo.) Nagbubunyag sila ng malupit na disposisyon, pero dahil may konsensiya at pagkatao ang mga gayong indibidwal, kayang pigilin ng konsensiya nila ang malupit nilang disposisyon, at gawin silang makatwiran. Kapag nagiging makatwiran at kalmado sila, magninilay-nilay sila at mapagtatanto nila na sila rin, ay may kakayahang lumaban sa Diyos. Sa panahong ito, magkakaroon sila ng pakiramdam ng pagkakautang at pagsisisi nang hindi nila namamalayan: “Masyado akong mapusok ngayon-ngayon lang, lumalaban at naghihimagsik laban sa Diyos. Hindi ba’t pagmamahal ng Diyos ang pagdidisiplina Niya sa akin? Hindi ba’t ito ang pabor Niya? Bakit ako kumilos nang napakawalang katwiran? Hindi ba’t ginalit ko ang Diyos? Hindi ko puwedeng ipagpatuloy ito; kailangan kong manalangin sa Diyos, magsisi, bitiwan ang masamang ginagawa ko, at tapusin ang paghihimagsik ko. Dahil inaamin kong kumikilos ako nang pabasta-basta, kailangan kong itigil ang pagiging pabasta-basta, gawin ang mga bagay nang seryoso, at hanapin kung paano ko maihahandog ang pagkamatapat ko sa pamamagitan ng mga kilos ko, pati na rin kung ano ang mga prinsipyo ng paggawa ng tungkulin ko.” Hindi ba’t epekto ito ng mabuting karakter nila? Walang duda, may malupit ding disposisyon ang mga taong ito, pero dahil sa epekto ng konsensiya nila at sa pagtitimbang ng mga bagay gamit ang pagkamakatwiran nila, ang mabuti, mapagmahal-sa-katotohanang karakter nila ang namamayani sa huli. Ang mga indibidwal na ito ay may kalupitan sa mga tiwaling disposisyon nila, kaya masasabi ba kung gayon na may malupit silang diwa? Masasabi ba na malupit ang diwa nila? Hindi. Sa obhetibong pananalita, bagaman ang tiwaling disposisyong ibinubunyag nila ay may kasamang kalupitan, dahil sila ay may konsensiya, pagkamakatwiran at kaunting pagmamahal sa katotohanan, ang kalupitan nila ay isang uri lang ng tiwaling disposisyon, at hindi ang diwa nila. Bakit hindi ito ang diwa nila? Dahil puwedeng magbago ang tiwaling disposisyon nilang ito. Bagaman ibinubunyag nila ang ganitong uri ng tiwaling disposisyon, at kaya nilang lumaban at maghimagsik laban sa Diyos, ito man ay sa loob ng mahaba o maikling panahon, ang epekto ng kanilang konsensiya, integridad, katwiran, at iba pa sa karakter nila ay pumipigil sa malupit nilang disposisyon na mangibabaw sa ugali at saloobin nila ukol sa katotohanan. Ano ang panghuling resulta? Nagagawa nilang ikumpisal ang mga kasalanan nila, magsisi, kumilos nang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, magpasakop sa katotohanan, at tanggapin ang pamamatnugot ng Diyos, nang pawang walang reklamo. Sa kabila ng pagbubunyag ng malupit na disposisyon, ang huling kinalalabasan ay hindi sila naghihimagsik laban sa Diyos o sumasalungat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos—nagpapasakop sila. Isa itong pagpapamalas ng isang ordinaryong tiwaling tao. May mga tiwaling disposisyon lang ang mga gayong tao; wala sila ng disposisyong diwa ng mga anticristo. Tumpak ito.
Halimbawa na lang ang mga buktot na disposisyon: Ano ang pinakabuktot na disposisyon na ibinubunyag ng mga tao sa harap ng Diyos? Ito ay ang pagsubok sa Diyos. Nag-aalala ang ilang tao na baka hindi maganda ang magiging hantungan nila, at baka hindi garantisado ang kalalabasan nila dahil naligaw sila ng landas, gumawa ng kaunting kasamaan, at nakagawa ng maraming pagsalangsang matapos manampalataya sa Diyos. Nag-aalala sila na mapupunta sila sa impiyerno, at palagi silang natatakot sa kalalabasan at hantungan nila. Palagi silang balisa, at palagi nilang iniisip, “Magiging maganda o masama kaya ang kalalabasan at hantungan ko sa hinaharap? Mapupunta ba ako sa impiyerno o sa langit? Isa ba ako sa mga tao ng diyos o isang tagapagserbisyo? Mamamatay ba ako o maliligtas? Kailangan kong matagpuan kung alin sa mga salita ng diyos ang nagtatalakay tungkol dito.” Nakikita nila na pawang katotohanan ang mga salita ng Diyos, at na inilalantad ng lahat ng ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at hindi nila natatagpuan ang mga sagot na hinahanap nila, kaya patuloy silang nag-iisip kung saan pa puwedeng magtanong. Kalaunan, kapag nakakita sila ng pagkakataon para mapataas ang ranggo nila at mailagay sila sa isang mahalagang papel, gusto nilang pakiramdaman ang Itaas, iniisip nila: “Ano kaya ang opinyon ng itaas tungkol sa akin? Kung paborable ang opinyon nila, pinatutunayan nito na hindi na naaalala ng diyos ang mga kasamaang nagawa ko noon at ang mga pagsalangsang na nagawa ko. Pinatutunayan nito na ililigtas pa rin ako ng diyos, na may pag-asa pa rin ako.” Pagkatapos, ayon sa mga ideya nila, direkta nilang sinasabi, “Sa lugar namin, hindi gaanong bihasa ang karamihan ng kapatid sa mga propesyon nila, at saglit na panahon pa lang silang nananampalataya sa diyos. Ako ang pinakamatagal nang nananampalataya sa diyos. Bumagsak at nabigo ako, nagkaroon ako ng ilang karanasan at natuto ako ng ilang aral. Kung mabibigyan ng pagkakataon, handa akong magdala ng mabigat na pasanin at magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng diyos.” Ginagamit nila ang mga salitang ito bilang pagsubok para makita kung may layunin ang Itaas na itaas ang ranggo nila, o kung inabandona na sila ng Itaas. Sa realidad, hindi talaga nila gustong akuin ang responsabilidad o pasaning ito; ang layon nila sa pagsasabi ng mga salitang ito ay para lang subukan ang kapaligiran, at tingnan kung may pag-asa pa silang maligtas. Pagsubok ito. Ano ang disposisyon sa likod ng pamamaraang ito ng pagsubok? Isa itong buktot na disposisyon. Gaano man katagal nabubunyag ang pamamaraang ito, paano man nila ito ginagawa, o kung gaano man ito ipinatutupad, ano’t anuman, tiyak na buktot ang disposisyong ibinubunyag nila, dahil marami silang iniisip, pag-aalinlangan, at pag-aalala sa buong panahon ng paggawa nito. Kapag ibinubunyag nila ang buktot na disposisyong ito, ano ang ginagawa nila na nagpapakita na sila ay mga taong may pagkatao at mga taong kayang isagawa ang katotohanan, at nagpapatunay na mayroon lang silang tiwaling disposisyon at hindi ng isang buktot na diwa? Pagkatapos gawin at sabihin ang mga gayong bagay, nakararamdam ng pagkaasiwa at kirot sa puso nila ang mga may konsensiya, katwiran, integridad, at dignidad. Nahihirapan sila, iniisip nila, “Napakatagal ko nang nananampalataya sa Diyos; paano ko nagagawang subukin ang Diyos? Paanong iniintindi ko pa rin ang sarili kong hantungan, at paanong nagagawa kong gamitin ang gayong pamamaraan para may makuha ako mula sa Diyos at pilitin Siyang magbigay ng malinaw na sagot sa akin? Masyado itong ubod ng sama!” Hindi sila mapalagay sa puso nila, pero ang gawa ay nagawa na, at nasabi na ang mga salita—hindi na mababawi pa ang mga ito. Pagkatapos ay nauunawaan na nila, “Bagaman mayroon akong kaunting mabuting hangarin at pagpapahalaga sa katarungan, kaya ko pa ring gumawa ng gayong mga bagay na ubod ng sama; ito ang mga pakikitungo ng isang taong ubod ng sama! Hindi ba’t isa itong pagtatangka na subukin ang Diyos? Hindi ba’t pamumuwersa ito sa Diyos? Talagang ubod ito ng sama at walang kahihiyan!” Sa gayong sitwasyon, ano ang makatwirang hakbang na dapat gawin? Ang humarap ba sa Diyos sa panalangin, ikumpisal ang sariling mga kasalanan, o ang mapagmatigas na pagkapit sa sariling mga pamamaraan? (Manalangin at magkumpisal.) Kaya, sa buong proseso, mula sa sandaling naisipan nila ang ideya hanggang sa pagkilos nila, at hanggang sa panalangin at pangungumpisal nila, aling yugto ang normal na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon, sa aling yugto umeepekto ang konsensiya nila, at sa aling yugto naisasagawa ang katotohanan? Naiimpluwensiyahan ng isang buktot na disposisyon ang yugto mula sa pagbuo ng ideya hanggang sa pagkilos. Kaya, hindi ba’t naiimpluwensiyahan ng epekto ng konsensiya nila ang yugto ng pagsusuri sa sarili? Nagsisimula silang suriin ang sarili nila, nararamdaman na mali ang ginawa nila—naiimpluwensiyahan ito ng epekto ng konsensiya nila. Sumunod dito ay ang panalangin at pangungumpisal, na naiimpluwensiyahan din ng epekto ng integridad, konsensiya, at karakter nila; nagagawa nilang makaramdam ng pagsisisi, kagustuhang magbago, at nakakaramdam sila ng pagkakautang sa Diyos, at nagagawa rin nilang pagnilayan at unawain ang sarili nilang pagkatao at tiwaling disposisyon, at umaabot sa puntong kaya na nilang isagawa ang katotohanan. Hindi ba’t may tatlong yugto ito? Mula sa pagbubunyag ng tiwaling disposisyon hanggang sa epekto ng konsensiya nila, at pagkatapos ay sa kakayahang bitiwan ang kasamaang ginagawa nila, magbago, bitiwan ang mga pagnanais at kaisipan ng sarili nilang laman, maghimagsik laban sa tiwaling disposisyon nila, at isagawa ang katotohanan—ang tatlong yugtong ito ang dapat na marating ng mga karaniwang tao na may pagkatao at mga tiwaling disposisyon. Dahil sa kamalayan ng konsensiya nila, at sa medyo mabuti nilang pagkatao, kayang isagawa ng mga taong ito ang katotohanan. Ipinahihiwatig ng kakayahang isagawa ang katotohanan na may pag-asang maligtas ang mga ganitong tao. Sa madaling salita, medyo mataas ang posibilidad na maligtas ang mga taong may mabuting pagkatao.
Ano ang pinagkaiba ng mga anticristo sa mga may disposisyon ng isang anticristo? Sa unang yugto, karaniwang parehong-pareho sa panlabas ang ibinubunyag ng mga anticristo sa mga ibinubunyag ng sinumang tiwaling tao, pero magkaiba ang susunod na dalawang yugto. Halimbawa, kapag nagbubunyag ng malupit na tiwaling disposisyon ang isang tao habang pinupungusan siya, sa susunod na hakbang ay kailangang umepekto ang konsensiya niya. Gayumpaman, walang konsensiya ang mga anticristo, kaya ano ang iisipin nila? Anong mga pagpapamalas ang tataglayin nila? Magrereklamo sila na hindi patas ang Diyos, pinaparatangan nila ang Diyos na naghahanap ng maipipintas sa kanila at na lumilikha Siya ng mga suliranin at problema para sa kanila sa bawat pagkakataon. Pagkatapos nito, matigas silang hindi magsisisi, tumatangging tanggapin kahit ang mga pinakahalata nilang pagkakamali o mga tiwaling disposisyon, hindi nila kailanman kinikilala ang sarili nilang mga pagkakamali, at pinalulubha pa nga nila ang mga bagay at sinusubukan ang lahat ng paraan para ipagpatuloy nang palihim ang mga ikinikilos nila. Batay sa mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo, ano ang karakter nila? Wala silang konsensiya, hindi nila alam kung paano suriin ang sarili nila, at nagbubunyag sila ng kalupitan, pagkamapaminsala, pangbabatikos, at paghihiganti. Nagsisinungaling sila para ikubli ang mga katunayan, inililipat ang responsabilidad sa iba; nag-iimbento sila ng mga pakana para siluin ang iba, itinatago sa mga kapatid ang mga katunayan; at masidhi nilang ipinagtatanggol at pinangangatwiranan ang sarili nila, ipinapakalat ang mga argumento nila kahit saan. Ito ang pagpapatuloy ng malupit nilang disposisyon. Bukod sa wala silang kamalayan ng konsensiya, at nabibigo silang suriin, pagnilayan, at unawain ang sarili nila, pinalulubha rin nila ang mga bagay-bagay at ipinagpapatuloy ang pagbubunyag ng malupit nilang disposisyon, nagrereklamo laban sa sambahayan ng Diyos, nagrereklamo at lumalaban sa mga kapatid, at ang mas masahol pa, sumasalungat sila sa Diyos. Pagkatapos ng ilang panahon kapag humupa na ang sitwasyon, magsisisi at aamin ba sila sa mga kasalanan nila? Bagaman tapos na ang insidente, nabunyag na ang mga katunayan, alam na alam ng karamihan na sa kanila ang pananagutan, at dapat sila ang managot—magagawa ba nilang kilalanin ito? Makakaramdam ba sila ng pagsisisi o pagkakautang? (Hindi.) Ipinipilit ang kanilang pagsalungat, iniisip nila, “Ano’t anuman, hindi ako nagkamali kahit kailan, pero kahit na nagkamali ako, maganda ang mga layunin ko; kahit na nagkamali ako, hindi puwedeng ako lang ang sisihin. Bakit hindi ninyo sisihin ang iba—bakit ako ang pinupuntirya ninyo? Saan ako nagkamali? Hindi ko naman sinadyang magkamali. Nagkamali na rin kayong lahat kaya bakit hindi ninyo pinapanagot ang sarili ninyo? Bukod pa rito, sino ang makakaraos sa buhay nang hindi nagkakamali?” Nagsisisi ba sila? Nakararamdam ba sila ng pagkakautang? Hindi sila nakararamdam ng pagkakautang at hindi sila nagsisisi. Sinasabi pa ng ilan, “Nagbayad ako ng napakalaking halaga—bakit walang sinuman sa inyo ang nakapansin? Bakit walang pumuri sa akin? Bakit hindi ako binigyan ng gantimpala? Kapag may nangyayari, palagi ninyo akong sinisisi at hinahanapan ng mali. Hindi ba’t naghahanap lang kayo ng sandata na magagamit laban sa akin?” Ito ang mentalidad at kalagayan nila. Malinaw na isa itong malupit na disposisyon—matigas silang hindi nagsisisi, tumatanggi silang kilalanin ang mga katunayan kapag inilatag na sa harap nila ang mga ito, at nagpipilit silang sumalungat. Bagaman hindi nila isinusumpa nang malakas ang sinuman, maaaring nagawa na nila ito sa loob-loob nila sa di-mabilang na pagkakataon—isinusumpa ang mga lider dahil sa pagiging bulag ng mga ito, isinusumpa ang mga kapatid dahil sa pagiging hindi mabubuting tao ng mga ito, at dahil sa pagsisipsip sa kanila noong may katayuan sila, pero hindi sila pinapansin, o hindi nakikipagbahaginan sa kanila, o hindi man lang sila nginingitian ngayon na nawala na ang katayuan nila. Isinusumpa pa nila ang Diyos sa puso nila, at hinuhusgahan nila ang Diyos, sinasabing hindi Siya matuwid. Mula simula hanggang wakas, malupit ang disposisyong ibinubunyag nila, walang kahit kaunting epekto ng konsensiya, at walang anumang pahiwatig ng pagsisisi o kagustuhang magbago. Siguradong wala silang layunin na bumalik, hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, humarap sa Diyos para magkumpisal ng mga kasalanan at magsisi, o magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Sa halip, nagpupumilit silang nakikipagtalo, sumasalungat, at nagrereklamo. Nagbubunyag ng parehong mga tiwaling disposisyon kapwa ang mga anticristo at iyong mga may kakayahang magbago, pero hindi ba’t may pagkakaiba sa kalikasan ng mga pagbubunyag na ito? Alin sa mga grupong ito ang nagtataglay ng disposisyon ng isang anticristo, at alin ang nagtataglay ng diwa ng isang anticristo? (Nagtataglay ng diwa ng isang anticristo ang mga hindi nagsisisi.) Sino ang mga may kakayahang magsisi? Sila ay mga tiwaling tao na may disposisyon ng anticristo, pero hindi sila mga anticristo. Iyong mga may diwa ng isang anticristo ang mga anticristo, habang mga ordinaryong tiwaling tao ang mga may disposisyon ng isang anticristo. Sa dalawang iyon, aling grupo ang binubuo ng masasamang tao? (Iyong mga may diwa ng isang anticristo.) Kaya ninyong makilatis ito, tama ba? Depende ito sa kung aling grupo ang walang bakas na inuusig sila ng konsensiya nila, ang nagpipilit na nakikipagtalo nang hindi nagbabago o nagninilay-nilay, at walang habas na nanghuhusga at ipinapakalat ang mga argumento nila kapag nakakagawa sila ng mali at nahaharap sa mga sitwasyon tulad ng pagpupungos, pagpapalit o pagdidisiplina, at iba pa. Kung walang pipigil sa kanila, titigil ba sila sa ginagawa nila? Hindi. Mapupuno ng pagkanegatibo at pagsalungat ang puso nila, at sasabihin nila, “Dahil hindi naman ako tinatrato nang patas ng mga tao, at hindi ako binibigyan ng diyos ng biyaya o hindi siya kumikilos para sa akin, iraraos ko na lang ang paggawa ng tungkulin ko sa hinaharap. Kahit gawin ko nang maayos ang tungkulin ko, hindi ako makakatanggap ng mga gantimpala, walang pupuri sa akin, at pupungusan pa rin ako, kaya gagawin ko na lang ito nang pabasta-basta. Huwag kayong magtangkang hilingin sa akin na pangasiwaan ang mga bagay nang ayon sa mga prinsipyo, o na makipagtalakayan at makipagtulungan sa iba sa gawain ko, o na hanapin ang katotohanan! Mananatili akong walang pakialam, hindi mayabang ni mapagpakumbaba. Kung hihilingin ninyo sa akin na gawin ang isang bagay, gagawin ko ito; kung hindi ninyo hihilingin sa akin na gumawa ng isang bagay, aalis na lang ako. Gawin ninyo ang anumang gusto ninyo; magiging ganito lang ako. Huwag ninyo akong hingan ng labis; kung mataas ang mga hinihingi ninyo, babalewalain ko ang mga ito.” Hindi ba’t pagpapatuloy ito ng isang malupit na disposisyon? Magagawa bang magbago ng mga gayong tao? (Hindi nila kaya.) Isa itong pagpapamalas ng mga taong may diwa ng isang anticristo. Ganito rin kapag nagbubunyag ang isang anticristo ng buktot na disposisyon, hindi rin sila nagninilay-nilay kahit kailan dahil wala silang konsensiya. Anuman ang tiwaling disposisyong ibinubunyag nila o anuman ang mga hangarin, pagnanais, at ambisyon na mayroon sila kapag may nangyayari sa kanila, hindi sila pinipigilan ng konsensiya nila kahit kailan. Kaya, kapag tama ang tiyempo at pabor ito sa kanila, ginagawa nila ang gusto nila. Anuman ang kinalalabasan ng mga kilos nila, hindi sila nagbabago, at patuloy pa rin silang kumakapit sa mga pananaw nila at pinanghahawakan nila ang mga ambisyon, pagnanais, at hangarin nila, pati na rin ang mga diskarte at pamamaraan ng paggawa nila sa mga bagay-bagay, nang walang anumang panunumbat sa sarili. Bakit hindi sila nakararamdam ng panunumbat sa sarili? Dahil ang mga gayong tao ay walang konsensiya, wala silang pagpapahalaga sa dangal, at wala silang kahihiyan; sa kaibuturan ng buong pagkatao nila, walang makapipigil sa mga tiwaling disposisyon nila, at wala silang magagamit para suriin kung tama o mali ba ang mga tiwaling disposisyong ibinubunyag nila. Kaya, kapag nagbubunyag ng buktot na disposisyon ang mga taong ito, anuman ang pananaw rito ng iba o anuman ang proseso at kalalabasan, mula simula hanggang wakas, hindi sila nakararamdam ng panunumbat sa sarili, ng kalungkutan, ng pagsisisi, ng pagkakautang, at sa puso nila, tiyak na hindi sila nagbabago. Mga anticristo ang mga ito. Batay sa dalawang halimbawang ito, ano ang pinakamalinaw na katangian ng mga anticristo? (Ang kawalan nila ng konsensiya at katwiran.) Anong uri ng pagpapamalas ang bunga ng kawalan ng konsensiya at katwirang ito? Ano ang resulta ng mga disposisyong ibinubunyag nila? (Hindi nila kayang magnilay o magbago.) Makapagsasagawa ba ng katotohanan ang mga hindi kayang magnilay o magbago? Hindi kailanman!
Ang isang tao na mayroon lamang disposisyon ng isang anticristo ay hindi makaklasipika bilang, sa diwa, isang anticristo. Yaon lamang mga may kalikasang diwa ng mga anticristo ang tunay na mga anticristo. Para makatiyak, may mga pagkakaiba sa pagkatao ang dalawa, at sa ilalim ng pamamahala ng iba’t ibang uri ng pagkatao, ang mga saloobing kinikimkim ng mga tao patungkol sa katotohanan ay hindi rin magkakapareho—at kapag hindi magkakapareho ang mga saloobing kinikimkim ng mga tao patungkol sa katotohanan, magkaiba ang mga landas na pinipili nilang tahakin; at kapag magkaiba ang mga landas na pinipiling tahakin ng mga tao, ang ibinubungang mga prinsipyo at kahihinatnan ng kanilang mga kilos ay mayroon ding mga pagkakaiba. Dahil ang isang taong may disposisyon lang ng isang anticristo ay may konsensiya sa trabaho, at may katwiran, at may pagpapahalaga sa dangal, at, kahit papaano, ay nagmamahal sa katotohanan, kapag naibubunyag niya ang kanyang tiwaling disposisyon, sinusumbatan niya ang kanyang sarili hinggil dito. Sa gayong mga pagkakataon, maaari niyang pagnilayan ang kanyang sarili at kilalanin ang kanyang sarili, at maaari niyang aminin ang kanyang tiwaling disposisyon at ang pagbubunyag ng kanyang katiwalian, sa gayon ay nagagawa niyang maghimagsik laban sa laman at sa kanyang tiwaling disposisyon, at natututo siyang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Gayunman, sa isang anticristo, hindi ganito ang nangyayari. Dahil wala siyang konsensiya sa trabaho o tapat na kamalayan, at lalong wala siyang pagpapahalaga sa dangal, kapag nagbubunyag siya ng kanyang tiwaling disposisyon, hindi niya sinusukat ayon sa mga salita ng Diyos kung tama ba o mali ang kanyang pagbubunyag, o kung tiwali ba ang kanyang disposisyon o normal ang kanyang pagkatao, o kung naaayon ba ito sa katotohanan. Hindi niya pinagninilayan ang mga bagay na ito kailanman. Kaya, paano siya kumikilos? Palagi niyang iginigiit na ang tiwaling disposisyong naibubunyag niya at ang landas na pinili niya ay ang tama. Iniisip niya na anumang gawin niya ay tama, na anumang sabihin niya ay tama; determinado siyang panghawakan ang sarili niyang mga pananaw. Kaya, gaano man kalaki ang kamaliang ginagawa niya, gaano man kalubha ang tiwaling disposisyon na naibunyag niya, hindi niya kikilalanin ang bigat ng bagay na iyon, at tiyak na hindi niya nauunawaan ang tiwaling disposisyon na naibunyag niya. Siyempre pa, hindi rin niya isasantabi ang kanyang mga hangarin, o hindi siya maghihimagsik laban sa kanyang ambisyon o sa kanyang tiwaling disposisyon para piliin ang landas ng pagpapasakop sa Diyos at sa katotohanan. Makikita mula sa dalawang magkaibang kalalabasang ito na kung ang isang taong may disposisyon ng isang anticristo ay nagmamahal sa katotohanan sa puso niya, may pagkakataon siyang maunawaan ito at isagawa ito, at magtamo ng kaligtasan, samantalang ang taong may diwa ng isang anticristo ay hindi mauunawaan ang katotohanan o maisasagawa ito, ni hindi siya magtatamo ng kaligtasan. Iyan ang pagkakaiba ng dalawa.
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.