Ikaapat na Ekskorsus: Pagbubuod sa Karakter ng mga Anticristo at sa Kanilang Disposisyong Diwa (Unang Bahagi) Unang Seksiyon

Natapos natin noong huling pagtitipon ang ating pagbabahaginan sa ikalabinlimang aytem na tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo. Matapos magbahaginan sa labinlimang aytem na ito, nabuod na ba ninyo ang iba’t ibang pagpapamalas at diwa ng mga anticristo? Mayroon na ba kayong pangunahing konsepto at pagkaunawa sa mga ito? Kaya ba ninyong makilatis ang mga indibidwal na taglay ang diwa ng mga anticristo? (Kaya kong kilatisin ang mga medyo halatang kaso, pero nahihirapan pa rin akong makilatis ang mga medyo tuso at lihim na mapanira.) Ngayon, ibuod natin ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo mula sa dalawang aspekto: una, ang karakter ng mga anticristo, at ikalawa, ang kanilang disposisyong diwa. Mas madali bang makilatis ang mga anticristo mula sa dalawang aspektong ito? (Oo.) Kung kaunti lang ang pagbabahaginan natin at hindi magbibigay ng maraming halimbawa, puwedeng hindi ninyo sila makilatis; kung mas marami tayong pagbabahaginan, puwedeng maintindihan ninyo, pero maaaring mahirapan pa rin kayong ikumpara ang mga ito sa mga anticristo kapag nakikita ninyo silang gumagawa ng kasamaan. Ang pagbubuod sa kalikasang diwa ng mga anticristo at pagkilatis sa kanila mula sa dalawang aspektong ito ay makapagbibigay-linaw sa inyo.

I. Ang Karakter ng mga Anticristo

Ang unang aspekto ay ang karakter ng mga anticristo. Sa partikular, may kinalaman ang aspektong ito sa kung anong uri ng pagkatao ang taglay ng mga anticristo. Ano ang saklaw ng pagkatao? Saklaw nito ang konsensiya, katwiran, integridad, dignidad, pati na ang kabutihan at kasamaan ng pagkatao. Ang pagkilatis sa karakter ng mga anticristo ay kinasasangkutan ng iba’t ibang aspekto ng pagkatao nila. Talakayin muna natin ang mga karaniwang pagpapamalas na taglay ng normal na pagkatao, o mga katangiang dapat taglayin ng normal na pagkatao. Sabihin mo sa Akin, anong partikular na nilalaman ang kabilang sa kategoryang ito? (Pagkamatapat at kabaitan.) Ano pa? (Pagpapahalaga sa dangal.) Parehong napakahalaga ang pagkakaroon ng pagiging matuwid at pagpapahalaga sa dangal. (Gayundin ang pagpapakita ng pagmamahal, pagpaparaya, pagsasaalang-alang, at pagpapatawad sa iba.) Iyon din. Ibuod natin ang lahat ng ito. Ang una at pinakamahalaga, nagtataglay ang normal na pagkatao ng katangian ng pagkamatapat—positibo ba ito? (Oo.) Dagdag pa, nagtataglay ito ng kabaitan at sinseridad, at may pagkakaiba sa sinseridad at pagkamatapat pagdating sa antas. Sa palagay ninyo, ang habag ba ay isang bagay na dapat kasama sa karakter ng isang tao? (Oo.) Puwede bang maikategorya ang habag sa ilalim ng kabaitan? (Oo.) Tiyak na may habag ang tao na may mabuting puso. Pagkatapos ay nariyan ang pagiging simple at pagpapahalaga sa dangal. Ang pagpapahalaga sa dangal ay kinabibilangan ng dignidad, kamalayan sa sarili, at katwiran. Susunod ay ang pagiging matuwid. Ano ang mga pagpapamalas ng pagiging matuwid? Kabilang dito ang pagpapahalaga sa katarungan, pagkapoot sa kasamaan, pagkamuhi sa kabuktutan, at pagkahilig sa mga positibong bagay. Kung may pagiging matuwid lang ang isang tao, kulang pa iyon; kung wala siyang pagpaparaya at pasensiya, nagsasalita nang diretsahan nang hindi isinasaalang-alang ang kalagayan o mga sitwasyon ng mga tao, hindi ayos iyon, at may kakulangan ang karakter niya sa ilang bagay. Nariyan din ang pagpaparaya at pasensiya, na parehong partikular na pagpapamalas ng kabaitan at siyempre ay puwedeng ituring bilang isang katangian. Ito ang mga katangiang dapat taglayin ng normal na pagkatao: pagkamatapat, kabaitan, sinseridad, pagiging simple, pagpapahalaga sa dangal, pagiging matuwid, at pagpaparaya at pasensiya—pito ang mga ito sa kabuuan. Ang mga katangiang ito na taglay ng normal na pagkatao ay puwedeng gamitin para sukatin kung may normal na pagkatao ang isang tao. Gayumpaman, ang paksa ng pagbabahaginan natin ngayon ay hindi tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng mga katangian na dapat taglayin ng normal na pagkatao o kung aling mga indibidwal ang may mga katangiang ito. Sa halip, magbabahaginan tayo sa paksang “ano ba talaga ang karakter ng mga anticristo.” Kumpara sa iba’t ibang aspekto ng normal na karakter na kababanggit lang, taglay ba ng mga anticristo ang alinman sa mga katangiang ito, o alin sa mga ito ang taglay nila? (Wala silang taglay ni isa man.) Dahil mayroon kayong gayong impresyon sa mga anticristo, ibuod natin kung anong mga elemento sa karakter ng mga anticristo ang nag-uudyok sa mga tao na ilarawan sila bilang mga anticristo, at ipakitang may masamang pagkatao sila, na wala silang normal na pagkatao, at taglay nila ang pagkatao ng mga anticristo. Kung taglay ng isang tao ang isa o dalawa sa ilang pagpapamalas ng normal na pagkatao na nabanggit kanina, puwedeng mayroon siyang kaunting normal na pagkatao. Kung taglay niya ang lahat ng ito, mayroon siyang pinakanormal na pagkatao. Pero hindi taglay ng mga anticristo ang anuman sa mga katangiang ito, kaya ano nga ba ang nilalaman ng pagkatao nila? Pagbahaginan muna natin ang aspektong ito.

A. Palagiang Pagsisinungaling

Ang unang katangian na taglay ng normal na karakter ay ang pagkamatapat. Kasama ba sa karakter ng mga anticristo ang pagkamatapat? Maliwanag na walang matapat na pagkatao ang mga anticristo; tiyak na salungat sa pagkamatapat ang kanilang pagkatao. Kaya, anong mga elemento ng abnormal na pagkatao, na salungat sa pagkamatapat, ang taglay ng mga anticristo sa kanilang pagkatao? (Madalas silang magsinungaling at manlansi ng mga tao.) Masasabi ba natin na ang madalas na pagsasabi ng kasinungalingan ay pareho sa palagiang pagsisinungaling? Hindi ba’t mas partikular ang pagbubuod na ito? Kung sasabihin natin na laging nagsisinungaling o hindi masyadong matapat ang taong ito, kulang ito sa antas. Kung gagamitin natin ang mga pahayag na tulad ng “puno ng kasinungalingan” upang ilarawan ang kanilang karakter, hindi ito gaanong pormal. Kaya, mas angkop na gamitin ang “palagiang pagsisinungaling” upang ilarawan sila at ipahayag na hindi matapat ang pagkatao ng mga anticristo. Ang “palagiang pagsisinungaling” ang unang katangian—isang bagay na madalas na naipapamalas at naibubunyag mula sa pagkatao ng mga anticristo. Dapat ito ang maging pinakakaraniwan, madaling mapansin, at madaling makilatis na katangian na maaaring makita ng mga tao. Ngayon, sulit ba ang pagbahaginan ang tungkol sa mga partikular na pagpapamalas ng palagiang pagsisinungaling? (Oo.)

Ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi matapat, ibig sabihin ay hindi sila nagpapakatotoo kahit kaunti. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay may karumihan at nagtataglay ng sarili nilang mga intensyon at layon, at nakatago sa lahat ng ito ang kanilang mga hindi masabi at napakasamang panlalansi at pakana. Kaya naman ang mga salita at kilos ng mga anticristo ay lubos na kontaminado at punong-puno ng kawalang-katotohanan. Gaano man sila magsalita, imposibleng malaman kung alin sa kanilang mga sinasabi ang totoo, alin ang hindi totoo, kung alin ang tama, at alin ang mali. Ito ay dahil hindi sila matapat, at ang kanilang isipan ay lubhang komplikado, puno ng mga mapanlinlang na pakana at sagana sa mga panlalansi. Wala silang sinasabi nang prangkahan. Hindi nila sinasabi na ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa, ang oo ay oo, at ang hindi ay hindi. Sa halip, sa lahat ng bagay, paligoy-ligoy sila at pinag-iisipang mabuti nang ilang beses ang mga bagay-bagay sa kanilang isipan, pinag-aaralan ang mga kahihinatnan, tinitimbang ang mga merito at kawalan mula sa bawat anggulo. Pagkatapos, binabago nila ang gusto nilang sabihin gamit ang wika kaya lahat ng sinasabi nila ay medyo magulo sa pandinig. Ang matatapat na tao ay hindi nauunawaan kailanman ang kanilang sinasabi at madali nilang malinlang at maloko ang mga ito, at sinumang nakikipag-usap at nakikipag-ugnayan sa gayong mga tao ay napapagod at nahihirapan. Hindi nila sinasabi kailanman na ang isa ay isa at ang dalawa ay dalawa, hindi nila sinasabi kailanman ang kanilang iniisip, at hindi nila inilalarawan kailanman ang mga bagay-bagay sa kung ano talaga ang mga ito. Lahat ng sinasabi nila ay di-maarok, at ang mga layon at intensyon ng kanilang mga kilos ay napakakomplikado. Kung malantad ang katotohanan—kung mahalata sila ng ibang mga tao, at mabisto sila—agad silang nagtatahi ng isa pang kasinungalingan para makalusot. Ang ganitong uri ng tao ay madalas magsinungaling, at matapos magsinungaling, kailangan nilang magsinungaling ulit para suportahan ang kasinungalingan. Nililinlang nila ang iba para itago ang kanilang mga intensyon, at nag-iimbento sila ng lahat ng uri ng pagdadahilan at pangangatwiran para suportahan ang kanilang mga kasinungalingan, kaya hirap na hirap ang mga tao na masabi kung ano ang totoo at ano ang hindi, at hindi alam ng mga tao kung kailan sila nagsasabi ng totoo, lalo nang hindi alam ng mga ito kung kailan sila nagsisinungaling. Kapag nagsisinungaling sila, hindi sila namumula o nangingimi, na para bang nagsasabi sila ng totoo. Hindi ba’t ibig sabihin nito na palagian silang nagsisinungaling? Halimbawa, minsan tila sa tingin ay mabuti ang mga anticristo sa iba, isinasaalang-alang nila ang iba, at nagsasalita sa kaaya-ayang paraan na parang mabait at nakakaantig. Subalit kahit na ganito sila magsalita, walang sinumang makapagsasabi kung sila ba ay taos, at palaging kailangang maghintay hanggang sa mangyari ang mga bagay-bagay pagkaraan ng ilang araw upang malantad kung taos ba sila. Palaging nagsasalita nang may partikular na mga intensyon at layon ang mga anticristo, at walang sinumang makaisip kung ano ba talaga ang hinahangad nila. Palagiang nagsisinungaling ang mga gayong tao, at hindi nila iniisip ang mga kahihinatnan ng anuman sa kanilang mga kasinungalingan. Basta’t nakikinabang sila sa kanilang kasinungalingan at nagagawa nitong linlangin ang iba, basta’t nakakamtan nito ang kanilang mga layon, wala silang pakialam kung ano ang mga kahihinatnan. Sa sandaling mailantad sila, patuloy silang magtatago, magsisinungaling, manlalansi. Ang prinsipyo at pamamaraan ng mga taong ito sa pag-asal at pakikitungo sa mundo ay nilalansi nila ang mga tao gamit ang mga kasinungalingan. Doble-kara sila at nagsasalita para masiyahan ang kanilang tagapakinig; ginagampanan nila ang anumang papel na hinihingi ng sitwasyon. Madulas sila at madaya, puno ng mga kasinungalingan ang kanilang bibig, at hindi sila mapagkakatiwalaan. Sinuman ang nakikipag-ugnayan sandali sa kanila ay nalilihis o nagugulo at hindi makatanggap ng panustos, tulong, o pagpapatibay. Pangit man o maganda ang mga salitang namumutawi sa bibig ng gayong mga tao, o makatwiran o kakatwa, o naaayon o di-naaayon sa pagkatao, o magaspang o sibilisado, ang mga iyon ay talagang pawang walang-katotohanan, mga salitang may karumihan, at kasinungalingan.

Sa uri ng mga tao na mga anticristo, ang isa sa kanilang mga pangunahing katangian ay palagiang pagsisinungaling. Sa pamamagitan ng kanilang wika, ng paraan ng kanilang pagsasalita, ng paraan ng kanilang pagpapahayag, ng kahulugan ng kanilang mga salita at ang intensyon sa likod ng mga iyon, makikita ng isang tao na walang normal na pagkatao ang mga taong ito, na hindi nila taglay ang mga pamantayan para sa pagkatao ng mga taong matapat. Palagiang nagsisinungaling ang mga anticristo. Higit na mas malala ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang kaysa sa karamihan ng mga tao; hindi ito isang karaniwang tiwaling disposisyon, kundi ito ay naging kawalan na ng konsensiya at katwiran at ganap na pagkawala ng pagkatao. Sa diwa, ang mga taong ito ay mga demonyo; ang mga demonyo ay madalas magsinungaling at manlinlang ng mga tao sa ganitong paraan, walang totoo sa anumang sinasabi nila. Kapag nagsisinungaling ang karamihan sa mga tao, kailangan nilang imbentuhin ang kasinungalingan, kailangan nila iyong pag-isipang mabuti; ngunit ang isang anticristo ay hindi na kailangang mag-imbento ng kahit na ano, o pag-isipan ito: Ibinubuka nila ang kanilang bibig at lumalabas na ito—at bago mo pa mamalayan, nalinlang ka na. Ganoon na lang ang kanilang mga kasinungalingan at panlilinlang na ang mga taong mabagal ang reaksyon ay maaaring abutin ng dalawa o tatlong araw bago mapagtanto ang mga bagay-bagay; saka lang nila napagtatanto kung ano ang ibig sabihin ng taong ito. Ang mga taong hindi nakauunawa sa katotohanan ay walang kakayahang kumilatis. Palagiang nagsisinungaling ang mga anticristo: Ano ang tingin mo sa karakter nilang ito? Malinaw na hindi ito isang bagay na bahagi ng normal na pagkatao. Hindi ba’t may mala-demonyo dito? Upang maging tiyak, ito ay isang malademonyong kalikasan. Ang palagiang pagsisinungaling, pagsasabi ng hindi totoo, at panlilinlang sa mga tao: natututuhan ba sa paaralan ang mga paraang ito ng paggawa sa mga bagay-bagay, o resulta ng impluwensiya ng kanilang pamilya? Parehong hindi. Ang mga bagay na ito ay kanilang likas na kalikasan, ipinanganak silang taglay na ang mga bagay na ito. Kapag tinuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak, walang nagtuturo sa kanilang anak na magsinungaling at manlinlang mula sa pagkabata, ni walang pumipilit sa kanila na magsinungaling o manlinlang, pero mayroon pa ring mga bata na puro mga kasinungalingan ang sinasabi sa kanilang paglaki, na hindi bakas sa kanilang mukha kahit ano pang kasinungalingan ang sabihin nila, at hindi kailanman nakararamdam ng pagsisisi, paghihirap, o bigat ng konsensiya sa mga kasinungalingang nasabi nila; sa halip, ang tingin ng mga batang ito sa kanilang sarili ay napakamautak nila, labis na matalino, pakiramdam nila ay natutuwa sila, mapagmalaki, at lihim na masaya na nagagawa nilang manloko at manlinlang ng iba gamit ang kanilang mga kasinungalingan at iba pang mga taktika. Ito ang likas na kalikasan nila. Likas na ganito ang mga anticristo. Kalikasang diwa nila na palagiang magsinungaling. Bagama’t madalas silang nakikibahagi sa mga pagtitipon, at nakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan, hindi kailanman pinagninilayan o sinusubukang kilalanin ng mga anticristo ang kanilang sarili, at kahit gaano pa karaming kasinungalingan ang sinabi nila upang lansihin ang iba, hindi sila inuusig ng kanilang konsensiya, lalong hindi nila aktibong sinusubukang hanapin ang katotohanan para sa solusyon—na nagpapatunay na sa diwa ay hindi mananampalataya ang mga anticristo. Kahit gaano pa karaming doktrina ang nagagawa nilang ituro sa mga tao, hindi nila kailanman ginagamit ang mga doktrinang ito sa kanilang sarili, hindi nila kailanman hinihimay ang kanilang sarili, at kahit gaano pa karaming kasinungalingan ang sabihin nila o mga tao ang lokohin nila, hindi nila ito kailanman ipagtatapat, sa halip ay magpapanggap, at magkukunwari, at hindi kailanman maglalakas-loob na aminin sa harap ng iba na sila ay mga mapanlinlang na tao. Maliban dito, patuloy silang nagsisinungaling at nanlilinlang ng mga tao kung sa palagay nila ay kailangan. Hindi ba’t ito ang kanilang kalikasan? Ito nga, at walang paraan para baguhin iyon. Ang kalikasang ito ay hindi ang pagpapahayag ng normal na pagkatao; ang totoo, isa itong malademonyong kalikasan, ito ang disposisyon ni Satanas, ang gayong mga tao ay mga diyablo, sila ay mga demonyong nagkatawang-tao.

Ang unang pagpapamalas ng karakter ng mga anticristo ay ang palagiang pagsisinungaling, na ilalarawan natin bilang isang malademonyong kalikasan. Ang pagpapamalas ng malademonyong kalikasang ito ay na kahit saan at kahit kailan, anuman ang okasyon o sinuman ang kinakausap nila, ang mga salitang sinasabi ng mga gayong tao ay katulad ng mga sinasabi ng ahas at ng mga demonyo—hindi karapat-dapat na pagkatiwalaan. Dapat maging lubhang maingat at mapagkilatis sa mga gayong tao, huwag basta-basta maniwala sa mga salita ng mga demonyo. Ang partikular na pagpapamalas ng palagian nilang pagsisinungaling ay na basta na lang lumalabas sa bibig nila ang mga kasinungalingan; hindi papasa sa deliberasyon, pagsusuri, o pagkilatis ang mga salitang sinasabi nila. Kaya nilang magsinungaling anumang oras, at naniniwala sila na sa lahat ng bagay, hindi sila puwedeng magsabi ng anumang totoo, na kailangang kasinungalingan ang lahat ng sinasabi nila. Kahit na tanungin mo ang edad nila, pinag-iisipan nila ito, iniisip nila, “Ano ang ibig nilang sabihin sa pagtatanong sa edad ko? Kung sasabihin kong matanda na ako, hahamakin kaya nila ako at hindi ako lilinangin? Kung sasabihin ko namang bata pa ako, hahamakin kaya nila ako, sasabihing kulang pa ako sa karanasan? Paano kaya ako dapat na sumagot?” Kahit sa gayong kasimpleng bagay, kaya pa rin nilang magsinungaling at tumangging sabihin sa iyo ang katotohanan, at ibabalik pa nga nila sa iyo ang tanong, “Ano sa tingin mo?” Sasabihin mo, “Limampung taong gulang?” “Malapit na.” “Apatnapu’t lima?” “Malapit na.” Binibigyan ka ba nila ng tumpak na sagot? Mula sa mga sagot nila, nalalaman mo ba kung gaano na sila katanda? (Hindi.) Iyon ang palagiang pagsisinungaling.

May isa pang pagpapamalas ng palagiang pagsisinungaling ng mga anticristo, at iyon ay na nagsisinungaling pa sila habang nagpapatotoo. Ang pagbibigay ng huwad na patotoo ay isang kasumpa-sumpang gawain na sumasalungat sa disposisyon ng Diyos. Kahit sa usapin ng pagpapatotoo, naglalakas-loob silang mag-imbento, magsinungaling, at manlansi, na talaga namang nagpapakita ng pagiging walang pakialam sa mga kahihinatnan at ng kanilang hindi nagbabagong kalikasan! Kapag nakikita nilang nagpapatotoo ang iba batay sa karanasan at pagkaunawa samantalang hindi nila kaya, ginagaya nila ang iba, sinasabi kung anuman ang sinasabi ng ibang tao at gumagawa ng parehong mga karanasang pinagdaanan ng iba. Kung hindi nila nauunawaan ang isang bagay tulad ng pagkaunawa ng iba, sinasabi nilang nauunawaan nila ito. Kung wala silang mga gayong pagkaunawa na batay sa karanasan at kaliwanagan, iginigiit nila na mayroon sila ng mga ito. Kahit hindi pa sila dinidisiplina ng Diyos, iginigiit nila na dinisiplina na sila ng Diyos. Kaya nilang magsinungaling at mameke kahit sa usaping ito, hindi sila nagpapakita ng malasakit o interes gaano man kalala ang mga kahihinatnan. Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Bukod dito, lalansihin ng mga ganitong tao ang kahit na sino. May ilang puwedeng magtaka, “Ano’t anuman, mga tao pa rin ang mga anticristo: Hindi ba’t iiwasan nilang lansihin ang mga pinakamalapit sa kanila, ang mga tumulong sa kanila, o ang mga nakasama nila sa kanilang mga paghihirap? Hindi ba’t iiwasan nilang lansihin ang mga kapamilya nila?” Ang pagsasabing palagian silang nagsisinungaling ay nagpapahiwatig na kaya nilang lansihin ang kahit na sino, kahit ang kanilang mga magulang, anak, at, siyempre, ang mga kapatid. Sa malalaki at maliliit na bagay, kaya nilang lansihin ang mga tao, kahit sa mga bagay kung saan dapat silang magsalita nang matapat, kung saan ang pagsasabi nang matapat ay walang magiging masamang kahihinatnan o epekto sa kanila sa kahit anong paraan, at kung saan wala namang pangangailangang gumamit ng karunungan. Nilalansi rin nila ang mga tao at gumagamit sila ng mga kasinungalingan para resolbahin ang maliliit na bagay na sa pananaw ng iba ay hindi naman nangangailangan ng pagsisinungaling, kung saan magiging madali at walang kahirap-hirap para sa kanila na magsalita nang diretsahan. Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Masasabing ang palagiang pagsisinungaling ay isa sa mga pangunahing pagpapamalas ng mga diyablo at ni Satanas. Mula sa perspektibang ito, hindi ba’t masasabi natin na ang pagkatao ng mga anticristo ay hindi lang hindi matapat, kundi namamarkahan din ng palagiang pagsisinungaling, kaya hindi ito mapagkakatiwalaan? (Oo, masasabi natin.) Kung gumagawa ng mali ang mga gayong indibidwal, pagkatapos ay lumuha matapos silang pungusan at punahin ng mga kapatid, sinasabi sa panlabas na may utang na loob sila sa Diyos, at nangangako silang magsisisi sa hinaharap, mangangahas ka bang maniwala sa kanila? (Hindi.) Bakit hindi? Ang pinakamatibay na ebidensiya ay ang palagian nilang pagsisinungaling! Kahit pa magmukha silang nagsisisi, humahagulhol, hinahampas ang dibdib nila, at sumusumpa, huwag silang paniwalaan, dahil luha ng buwaya ang iniluluha nila, mga luha para lansihin ang mga tao. Hindi taos-puso ang malulungkot at nagsisising mga salitang sinasambit nila; mga mapagsamantalang taktika ito para makuha ang tiwala ng mga tao sa pamamagitan ng pandaraya. Sa harap ng mga tao, humahagulhol, umaamin ng kasalanan, sumusumpa, at ipinapaalam nila ang kanilang posisyon. Gayumpaman, ang mga may magandang relasyon sa kanila sa pribado, ang mga medyo pinagkakatiwalaan nila, ay nag-uulat ng ibang kuwento. Habang parang mukhang totoo sa panlabas ang pampubliko nilang pag-amin ng kasalanan at pagsumpa na magbabago, ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig ay nagpapatunay na ang sinabi nila dati ay hindi totoo kundi huwad, na idinisenyo para linlangin ang mas maraming tao. Ano ang sinasabi nila kapag walang ibang nakakarinig? Aaminin ba nila na huwad ang sinabi nila dati? Hindi, hindi nila aaminin. Magpapakalat sila ng pagkanegatibo, maglalahad ng mga argumento, at pangangatwiranan ang sarili nila. Ang pangangatwiran at pakikipag-argumentong ito ay nagpapatunay na ang kanilang mga pag-amin, pagsisisi, at panunumpa ay pawang huwad, ginawa para lansihin ang mga tao. Mapagkakatiwalaan ba ang mga gayong tao? Hindi ba’t palagiang pagsisinungaling ito? Kaya pa nga nilang mag-imbento ng mga pag-amin, huwad na lumuha at mangakong babaguhin ang mga gawi nila, at maging ang panunumpa nila ay isang kasinungalingan. Hindi ba’t isa itong malademonyong kalikasan? Kahit pa sabihin nila, “Ito lang ang nauunawaan ko; hindi ko na alam ang iba, at humihingi ako ng kaliwanagan ng Diyos at umaasa ako sa tulong ng mga kapatid para unti-unti akong magkamit ng pagkaunawa,” ito ay magiging isang matapat na saloobin at pahayag. Gayumpaman, hinding-hindi makakapagsalita ng mga gayong matapat na salita ang mga anticristo. Pakiramdam nila, “Hahamakin ako ng mga tao kung magsasalita ako nang matapat: masisira ang reputasyon ko at mapapahiya ako—hindi ba’t tuluyan nang mawawala ang katanyagan ko? Sino ba ako? Puwede ba akong tumanggap ng pagkatalo? Kahit hindi ko nauunawaan, dapat magpanggap akong nakakaunawa nang husto; dapat ko munang lansihin ang mga tao at patatagin ang posisyon ko sa puso nila.” Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng mga anticristo? Mula sa pinagmulan at paraan ng pananalita ng mga anticristo, pati na rin sa mga salitang binibigkas nila, malinaw na hindi kailanman magiging matapat ang mga gayong tao; hindi nila ito kaya. Dahil likas sa karakter nila ang palagiang pagsisinungaling, nais nilang lansihin ang mga tao at itago ang mga usapin sa lahat ng bagay, ayaw nilang malaman o makita ng sinuman ang mga totoong katunayan o aktuwal na sitwasyon. Labis na madilim ang kaloob-looban nila. Ang aspektong ito ng karakter ng mga anticristo ay puwedeng mailarawan nang may katiyakan bilang walang pagkatao at may taglay na malademonyong kalikasan. Kusang lumalabas ang mga kasinungalingan sa bibig nila, nang hindi na pinag-iisipan pa, hanggang sa puntong kahit sa pagtulog nila, wala silang sinasabing anumang totoo—pawang panlalansi ito, pawang kasinungalingan. Ito ang palagiang pagsisinungaling.

Walang pagkamatapat ang karakter ng mga anticristo. Kahit hindi sila nagsasalita, sa puso nila ay nag-iisip sila kung paano manlansi, mandaya, at manlihis ng mga tao—kung sino ang ililihis nila, ano ang sasabihin kapag gusto nilang ilihis ang mga tao, anong pamamaraan ang gagamitin para simulan ang usapan, at aling mga halimbawa ang gagamitin para mapaniwala ang mga tao. Anuman ang kanilang sabihin o isipin, wala silang kinikimkim na matapat na saloobin, mga matapat na opinyon, o mga matapat na kaisipan sa puso nila. Ang bawat sandali ng kanilang buhay, bawat segundo, ay ginugugol sa isang kalagayan ng pagnanais na lansihin at paglaruan ang mga tao. Sa bawat segundo at sandali ay iniisip nila kung paano manlansi, paano manlihis, at paano mandaya ng iba, at inookupa ng mga kaisipang ito ang isipan at kaibuturan ng kanilang puso. Hindi ba’t ito ang kalikasan nila? Kaya bang maunawaan ng mga ganitong tao ang katotohanan kapag nakikinig sila ng mga sermon o kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos? Kahit pa nauunawaan nila, kaya ba nilang isagawa ito? (Hindi.) Batay sa kaibuturan ng kanilang puso at karakter, tiyak na hindi makakatanggap ng kaligtasan ang mga gayong indibidwal, sapagkat ang lahat ng kanilang minamahal at iniisip sa kanilang isipan at panloob na mundo ay puno ng malademonyong kalikasan, salungat sa katotohanan at mga positibong bagay, na wala ni isang bahaging kapuri-puri. Kaya, tiyak ba ang katangian ng palagiang pagsisinungaling sa pagkatao ng mga anticristo? (Oo.) Hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan ang mga taong palagiang nagsisinungaling. Ano ang mga kahihinatnan nito? Ano ang mga tiyak na pagpapamalas ng isang tao na hindi nagsasagawa ng anumang katotohanan? Kaya ba niyang kumilos nang padalos-dalos? Magagawa ba niyang maging arbitraryo at maging sarili niyang batas? Kaya ba niyang magtatag ng mga nagsasariling kaharian? Kaya ba niyang waldasin ang mga handog? Kaya ba niyang ilihis ang mga tao? Kaya ba niyang makuha ang loob ng mga tao? Kaya niyang gawin ang lahat ng ito. Ito ay isang tipikal na anticristo—palagi siyang nagsisinungaling. Kapag nalantad na ang mga katunayan, kahit gaano karaming mata ang nakamasid sa kanya, kahit gaano karaming tao ang sama-samang nagpapatotoo at naglalantad sa kanya, tumatanggi siyang aminin ito. Sa huli, gumagamit siya ng isang taktika para pakitunguhan ka, sinasabing nakalimutan na niya at nagpapanggap siyang walang alam. Sa puntong ito, sa ganitong sitwasyon, hindi siya makapagsalita ng kahit isang matapat na salita, ni hindi rin niya magawang tumango at aminin ito, na sabihing, “Ako iyon, nagkamali ako, magbabago ako sa susunod, at tiyak na hindi ko na uulitin ang gayong pagkakamali.” Isa itong anticristo, na hindi kailanman umaamin ng kasalanan, hindi kailanman nagsasalita ng matapat na salita sa anumang oras. Maliligtas ba siya sa gayong uri ng pagkatao? Makakamtan ba niya ang katotohanan? Talagang hindi. Kahit nauunawaan niya ang katotohanan, hindi niya ito makakamtan dahil tinatanggihan, nilalabanan, at sinasalungat niya ang katotohanan. Sa pinakapangunahing antas ng pagsasalita nang matapat at pag-amin ng sariling mga pagkakamali, hindi man lang niya kayang isagawa ang pinakasimpleng katotohanang ito o gawin ito. Paano siya maaasahang bumitiw sa katayuan niya, bumitiw sa kanyang kinabukasan at kapalaran, at bumitiw sa sarili niyang mga intensyon? Kaya ba niyang bitiwan ang mga ito at maghimagsik laban sa mga ito? Mas hindi niya kayang gawin ito. Kung hindi nga niya kayang magsabi ng isang totoong bagay, kung gayon, ang asahang gagawa siya ng isang bagay na mas mahirap kaysa rito ay lalong hindi makatotohanan.

May mga tao ba sa paligid ninyo na palagiang nagsisinungaling? Puwedeng sabihin ng ilan, “Wala pa akong nakilala na palagiang nagsisinungaling, pero pakiramdam ko na ganoon ako.” Sasabihin Ko sa iyo ang totoo; nasa mapanganib kang sitwasyon. May natitira pa bang bakas ng pagkatao ang mga taong palagiang nagsisinungaling? May pagkakaiba pa ba sila sa mga demonyo? Mayroon ba sa inyo na palagiang nagsisinungaling? Ipagpalagay natin na, sa kahit anong kapaligiran o konteksto, kahit anong mangyari, likas na ang pagsisinungaling sa isang tao, nang hindi man lang namumula ang mukha niya o bumibilis ang tibok ng puso niya, at kaya niyang harapin at resolbahin ang lahat ng ito gamit ang mga kasinungalingan. Sa kanyang pag-asal at pakikitungo sa mundo, at sa bawat aspekto ng buhay, hangga’t may pagkakataong magsalita, lahat ng sinasabi niya ay kasinungalingan, wala ni isang salita ang totoo. Lahat ng ito ay may dala-dalang mga intensyon at pakay at may kasamang mga pakana ni Satanas. Hindi ito isang tao na matapat. Ang kakayahang magsinungaling sa anumang sitwasyon, kahit nasa bingit ng kamatayan—hindi ba’t isa siyang tao na wala nang pag-asa? Batay sa iba’t ibang pagpapamalas ng palagiang pagsisinungaling ng mga anticristo, sadyang napakaraming kasinungalingan nila. Ang layunin ng pagsasalita nila ay lansihin, ilihis, at linlangin ang mga tao. Lahat ng salita nila ay puno ng mga pakana at intensyon ni Satanas, walang anumang pagpapamalas ng pagkamatapat na bahagi ng normal na pagkatao. Masasabi na ang mga anticristo ay ganap na walang katangian ng pagkamatapat na bahagi ng normal na pagkatao. Ang mga tao na walang pagkamatapat at may kakayahang palagiang magsinungaling ay inilalarawan bilang may malademonyong kalikasan—mga demonyo sila. Hindi madaling maligtas ang mga gayong tao, dahil hindi nila tinatanggap ang katotohanan at nahihirapan silang tanggapin ito.