Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Ang Pagkakatawang-tao | Sipi 100

Setyembre 2, 2021

Ang buhay na ipinamuhay ni Jesus sa lupa ay isang normal na buhay ng katawang-tao. Namuhay Siya sa normal na pagkatao ng Kanyang katawang-tao. Ang Kanyang awtoridad—na gawin ang Kanyang gawain at sambitin ang Kanyang salita, o pagalingin ang maysakit at palayasin ang mga demonyo, gawin ang gayong di-pangkaraniwang mga bagay—ay hindi nakita, kadalasan, hanggang sa simulan Niya ang Kanyang ministeryo. Ang Kanyang buhay bago mag-edad dalawampu’t siyam, bago Niya isinagawa ang Kanyang ministeryo, ay sapat nang patunay na isa lamang Siyang normal na katawang may laman. Dahil dito, at dahil hindi pa Niya nasimulang isagawa ang Kanyang ministeryo, walang nakita ang mga tao na anumang pagka-Diyos sa Kanya, wala silang nakitang higit pa sa isang normal na tao, isang ordinaryong tao—tulad noon, naniwala ang ilang tao na Siya ang anak ni Jose. Ang akala ng mga tao ay anak Siya ng isang ordinaryong tao, wala silang paraan para masabi na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao; habang isinasagawa Niya ang Kanyang ministeryo, kahit noong Siya ay magsagawa ng maraming himala, sinabi pa rin ng karamihan sa mga tao na Siya ang anak ni Jose, sapagkat Siya ang Cristo na may katawan ng normal na pagkatao. Ang Kanyang normal na pagkatao at ang Kanyang gawain ay kapwa umiral upang matupad ang kabuluhan ng unang pagkakatawang-tao, upang patunayan na ang Diyos ay ganap na naging tao, na Siya ay naging lubos na ordinaryong tao. Ang Kanyang normal na pagkatao bago Niya sinimulan ang Kanyang gawain ay patunay na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao; at na Siya ay gumawa pagkatapos nito ay nagpatunay rin na Siya ay isang ordinaryong katawang-tao, sapagkat nagsagawa Siya ng mga tanda at himala, nagpagaling ng maysakit at nagpalayas ng mga demonyo sa katawang may normal na pagkatao. Kaya Siya nakakagawa ng mga himala ay dahil ang Kanyang katawang-tao ay may awtoridad ng Diyos, ang katawang-taong ibinihis ng Espiritu ng Diyos. Taglay Niya ang awtoridad na ito dahil sa Espiritu ng Diyos, at hindi ito nangangahulugan na Siya ay hindi isang tao. Ang pagpapagaling sa maysakit at pagpapalayas ng mga demonyo ang gawaing kinailangan Niyang isagawa sa Kanyang ministeryo, isang pagpapahayag ito ng Kanyang pagka-Diyos na nakatago sa Kanyang pagkatao, at ano mang mga tanda ang Kanyang ipinakita o paano man Niya ipinamalas ang Kanyang awtoridad, namuhay pa rin Siya sa normal na pagkatao at isa pa ring normal na tao. Hanggang sa dumating sa punto na Siya ay nabuhay na mag-uli matapos mamatay sa krus, nanahan Siya sa loob ng normal na katawan. Ang pagkakaloob ng biyaya, pagpapagaling ng maysakit, at pagpapalayas ng mga demonyo ay bahaging lahat ng Kanyang ministeryo, lahat ay gawaing Kanyang isinagawa sa Kanyang normal na katawan. Bago Siya ipinako sa krus, hindi Siya kailanman umalis sa Kanyang normal na katawan ng tao, anuman ang Kanyang ginagawa. Siya ang Diyos Mismo, ginagawa ang sariling gawain ng Diyos, subalit dahil Siya ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, Siya ay kumain ng pagkain at nagsuot ng damit, nagkaroon ng normal na mga pangangailangan ng tao, nagkaroon ng normal na pangangatwiran ng tao, at normal na pag-iisip ng tao. Lahat ng ito ay patunay na Siya ay isang normal na tao, na nagpatunay na ang nagkatawang-taong laman ng Diyos ay isang laman na may normal na pagkatao, hindi higit-sa-karaniwan. Ang Kanyang tungkulin ay kumpletuhin ang gawain ng unang pagkakatawang-tao ng Diyos, tuparin ang ministeryong dapat isagawa sa unang pagkakatawang-tao. Ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ay na isinasagawa ng isang ordinaryo at normal na tao ang gawain ng Diyos Mismo; ibig sabihin, isinasagawa ng Diyos na iyon ang Kanyang banal na gawain sa pagkatao at sa gayon ay nagagapi si Satanas. Ang pagkakatawang-tao ay nangangahulugan na ang Espiritu ng Diyos ay nagiging isang tao, ibig sabihin, ang Diyos ay nagiging tao; ang gawaing ginagawa ng tao ay ang gawain ng Espiritu, na nagiging totoo sa katawang-tao, ipinapahayag ng tao. Walang sinuman maliban sa laman ng Diyos ang makakatupad sa ministeryo ng nagkatawang-taong laman ng Diyos; ibig sabihin, tanging ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, ang normal na pagkataong ito—at wala nang iba—ang maaaring magpahayag ng banal na gawain. Kung, noong una Siyang pumarito, hindi nagtaglay ang Diyos ng normal na pagkatao bago Siya nag-edad dalawampu’t siyam—kung noong Siya ay isilang ay agad Siyang nakagawa ng mga himala, kung noong Siya ay matutong magsalita ay agad Siyang nakapagsalita ng wika ng langit, kung noong una Siyang tumapak sa lupa ay nakaya Niyang hulihin ang lahat ng makamundong bagay, mahiwatigan ang mga iniisip at layunin ng bawat tao—hindi maaaring natawag ang taong iyon na isang normal na tao, at hindi maaaring natawag ang katawang iyon na katawan ng tao. Kung nangyari ito kay Cristo, mawawalan ng kahulugan at diwa ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang pagtataglay Niya ng normal na pagkatao ay nagpapatunay na Siya ang Diyos na nagkatawang-tao sa laman; ang katotohanan na sumailalim Siya sa normal na proseso ng paglaki ng tao ay lalo pang nagpapamalas na Siya ay isang normal na tao; bukod pa riyan, ang Kanyang gawain ay sapat nang patunay na Siya ang Salita ng Diyos, ang Espiritu ng Diyos, na naging tao. Ang Diyos ay naging tao dahil sa mga pangangailangan ng Kanyang gawain; sa madaling salita, ang yugtong ito ng gawain ay kailangang isagawa sa katawang-tao, kailangan itong isagawa sa normal na pagkatao. Ito ang unang kailangan para sa “ang Salita ay naging tao,” para sa “ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at ito ang tunay na kuwento sa likod ng dalawang pagkakatawang-tao ng Diyos. Maaaring maniwala ang mga tao na buong buhay na nagsagawa si Jesus ng mga himala, na wala Siyang ipinakitang tanda ng pagkatao hanggang sa matapos ang Kanyang gawain sa lupa, na wala Siyang normal na mga pangangailangan ng tao o mga kahinaan o emosyon ng tao, hindi nangailangan ng mga pangunahing pangangailangan sa buhay o nagpasok sa Kanyang isipan ng normal na mga kaisipan ng tao. Iniisip nila na mayroon lamang Siyang higit-sa-karaniwang isipan, isang nangingibabaw na pagkatao. Naniniwala sila na dahil Siya ang Diyos, hindi Siya dapat mag-isip at mamuhay na tulad ng ginagawa ng normal na mga tao, na tanging isang normal na tao, isang tunay na tao, ang makakapag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao at makakapamuhay ng isang normal na buhay ng tao. Lahat ng ito ay mga ideya ng tao at mga kuru-kuro ng tao, at ang mga kuru-kuro na ito ay salungat sa orihinal na mga layunin ng gawain ng Diyos. Ang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa normal na pangangatwiran ng tao at normal na pagkatao; ang normal na pagkatao ay sumusuporta sa normal na mga tungkulin ng katawang-tao; at ang normal na mga tungkulin ng katawang-tao ay nagpapagana sa normal na buhay ng katawang-tao sa kabuuan nito. Tanging sa pamamagitan ng paggawa sa gayong katawang-tao maaaring matupad ng Diyos ang layunin ng Kanyang pagkakatawang-tao. Kung ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtaglay lamang ng panlabas na katawan ng laman, ngunit hindi nag-isip ng normal na mga kaisipan ng tao, ang katawang-taong ito ay hindi magtataglay ng pangangatwiran ng tao, lalo pa ng tunay na pagkatao. Paano matutupad ng isang katawang-taong tulad nito, na walang pagkatao, ang ministeryong dapat isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao? Ang normal na pag-iisip ay sumusuporta sa lahat ng aspeto ng buhay ng tao; kung walang normal na pag-iisip, hindi magiging tao ang isang tao. Sa madaling salita, ang isang taong hindi nag-iisip ng normal na mga kaisipan ay may sakit sa pag-iisip, at ang isang Cristo na walang pagkatao kundi pagka-Diyos lamang ay hindi masasabing nagkatawang-taong laman ng Diyos. Kaya, paano mawawalan ng normal na pagkatao ang nagkatawang-taong laman ng Diyos? Hindi ba kalapastanganang sabihin na si Cristo ay walang pagkatao? Lahat ng aktibidad na sinasalihan ng normal na mga tao ay umaasa sa takbo ng isang normal na pag-iisip ng tao. Kung wala ito, magiging lihis kung kumilos ang mga tao; ni hindi nila masasabi ang pagkakaiba sa pagitan ng itim at puti, mabuti at masama; at hindi sila magkakaroon ng mabubuting asal ng tao at mga prinsipyong moral. Gayundin, kung hindi nag-isip ang Diyos na nagkatawang-tao na gaya ng isang normal na tao, hindi Siya isang tunay na tao, isang normal na tao. Ang gayong tao na hindi nag-iisip ay hindi makakayang gawin ang banal na gawain. Hindi Niya magagawang normal na makisali sa mga aktibidad ng normal na tao, lalo pa ang mamuhay na kasama ng mga tao sa lupa. Kaya nga, ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang pinakadiwa ng pagparito ng Diyos sa katawang-tao, ay mawawala. Umiiral ang pagkatao ng Diyos na nagkatawang-tao para mapanatili ang normal na banal na gawain sa katawang-tao; ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay sumusuporta sa Kanyang normal na pagkatao at sa lahat ng Kanyang normal na pisikal na aktibidad. Masasabi ng isang tao na ang Kanyang normal na pag-iisip ng tao ay umiiral upang suportahan ang lahat ng gawain ng Diyos sa katawang-tao. Kung ang katawang-taong ito ay hindi nagtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, hindi maaaring gumawa ang Diyos sa katawang-tao, at hindi maaaring isakatuparan kailanman ang kailangan Niyang gawin sa katawang-tao. Bagama’t ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagtataglay ng normal na pag-iisip ng tao, ang Kanyang gawain ay hindi nahahaluan ng kaisipan ng tao; ginagawa Niya ang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip, sa ilalim ng kundisyon na magtaglay ng pagkataong may pag-iisip, hindi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng normal na kaisipan ng tao. Gaano man katayog ang mga kaisipan ng Kanyang katawang-tao, ang Kanyang gawain ay hindi nababahiran ng lohika o pag-iisip. Sa madaling salita, ang Kanyang gawain ay hindi binubuo ng pag-iisip ng Kanyang katawang-tao, kundi isang direktang pagpapahayag ng banal na gawain sa Kanyang pagkatao. Ang Kanyang buong gawain ay ang ministeryong kailangan Niyang tuparin, at walang anuman dito ang inisip ng Kanyang utak. Halimbawa, pagpapagaling ng maysakit, pagpapalayas ng mga demonyo, at pagpapako sa krus ay hindi mga produkto ng Kanyang pag-iisip bilang tao, at hindi maaaring makamtan ng sinumang tao na may pag-iisip ng tao. Gayundin, ang gawain ng panlulupig ngayon ay isang ministeryong kailangang isagawa ng Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi ito ang gawain ng kagustuhan ng tao, ito ang gawaing dapat gawin ng Kanyang pagka-Diyos, gawaing hindi kayang gawin ng sinumang taong may laman. Kaya ang Diyos na nagkatawang-tao ay kailangang magtaglay ng isang normal na pag-iisip ng tao, kailangang magtaglay ng normal na pagkatao, dahil kailangan Niyang isagawa ang Kanyang gawain sa pagkataong may normal na pag-iisip. Ito ang diwa ng gawain ng Diyos na nagkatawang-tao, ang pinakadiwa ng Diyos na nagkatawang-tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ng Katawang-taong Tinatahanan ng Diyos

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Leave a Reply

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger