Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Gawain ng Diyos | Sipi 197

Agosto 29, 2020

Nagulantang ng pagkakatawang-tao ng Diyos ang lahat ng mga sekta at mga denominasyon, “ginulo” nito ang kanilang orihinal na kaayusan, at niliglig nito ang mga puso ng lahat niyaong mga nananabik sa pagpapakita ng Diyos. Sino ang hindi sumasamba? Sino ang hindi nananabik na makita ang Diyos? Sa loob ng maraming mga taon personal na nakasama ng Diyos ang tao, nguni’t hindi kailanman ito napagtanto ng tao. Ngayon, nagpakita ang Diyos Mismo, at ipinakita ang Kanyang pagkakakilanlan sa masa—paanong hindi ito magdadala ng kaluguran sa puso ng tao? Minsa’y nakibahagi ang Diyos sa mga kagalakan at kalungkutan ng tao, at ngayon muli Niyang nakasama ang sangkatauhan, at nagbabahagi sa kanya ng mga kuwento ng mga panahong lumipas. Pagkatapos Niyang umalis sa Judea, wala nang mabakas ang mga tao tungkol sa Kanya. Naghahangad sila na minsan pang makita ang Diyos, hindi nila nalalaman na muli nila Siyang nakatagpo ngayon, at muli Siyang nakasama. Paanong hindi nito mapupukaw ang mga saloobin ng kahapon? Dalawang libong taon na ang nakaraan ngayon, nakita ni Simon Bar-Jonah, ang inapo ng mga Judio, si Jesus ang Tagapagligtas, nakisalo siya sa parehong mesa sa Kanya, at pagkatapos ng pagsunod sa Kanya sa loob ng maraming taon nakadama ng isang mas malalim na pagmamahal para sa Kanya: Minahal niya Siya hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso, matindi niyang inibig ang Panginoong Jesus. Walang alam ang mga taong Judio kung paanong itong may-ginintuang-buhok na sanggol, ipinanganak sa isang maginaw na sabsaban, ay ang unang imahe ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Naisip nilang lahat na Siya ay katulad lamang nila, walang sinumang nag-isip na Siya ay iba—paano makikilala ng mga tao itong normal at ordinaryong si Jesus? Naisip ng mga taong Judio na Siya ay isang Judiong anak ng mga kapanahunan. Walang sinuman ang tumingin sa Kanya bilang isang kaibig-ibig na Diyos, at walang ginawa ang mga tao kundi humingi nang humingi sa Kanya, humihiling na bigyan Niya sila ng mayaman at saganang mga biyaya, at kapayapaan, at kagalakan. Ang alam lamang nila ay, tulad ng isang milyonaryo, mayroon Siya ng lahat ng bagay na kailanman ay maaaring naisin ng isa. Nguni’t hindi Siya kailanman itinuring ng mga tao bilang isa na minamahal; hindi Siya minahal ng mga tao nang panahong iyon, at tumutol lamang sa Kanya, at gumawa ng mga hindi-makatwirang paghingi sa Kanya, at hindi Niya kailanman nilabanan, patuloy na nagbibigay ng mga biyaya sa tao, kahit na hindi Siya kilala ng tao. Wala Siyang ginawa kundi tahimik na magpadama sa tao ng init, pag-ibig, at awa, at higit pa, binigyan Niya ang tao ng bagong paraan ng pagsasagawa, inaakay ang tao palabas sa mga gapos ng batas. Hindi Siya mahal ng tao, naiinggit lamang siya sa Kanya at kinikilala ang Kanyang pambihirang mga talento. Paano malalaman ng bulag na sangkatauhan kung gaano katinding kahihiyan ang pinagdusahan ng kaibig-ibig na si Jesus ang Tagapagligtas nang dumating Siya sa gitna ng sangkatauhan? Walang sinuman ang nagsaalang-alang ng Kanyang pagkabalisa, walang nakaalam ng pagmamahal Niya sa Diyos Ama, at walang sinuman ang maaaring makaalam ng Kanyang kalungkutan; kahit na si Maria ang Kanyang nagluwal na ina, paano niyang malalaman ang mga saloobin sa puso ng mahabaging Panginoong Jesus? Sino ang nakaalam ng tungkol sa hindi-mabigkas na paghihirap na tiniis ng Anak ng tao? Pagkatapos na humingi nang humingi sa Kanya, kinalimutan na Siya ng mga tao nang panahong iyon, at pinalayas Siya. Kaya nagpagala-gala Siya sa mga kalye, araw-araw, taun-taon, nagpapadala sa agos sa loob ng maraming taon hanggang Siya ay nabuhay sa loob ng tatlumpu’t tatlong taon ng paghihirap, mga taon na naging kapwa mahaba at maikli. Kapag kailangan Siya ng mga tao, Siya ay iniimbitahan nila sa kanilang mga tahanan nang nakangiti, sinusubukang manghingi sa Kanya—at pagkatapos Niyang makapagbigay sa kanila, kaagad nila Siyang itinutulak palabas ng pinto. Kinain ng tao kung ano ang ipinagkaloob mula sa Kanyang bibig, ininom nila ang Kanyang dugo, nagpakasaya sila sa mga biyaya na ipinagkaloob Niya sa kanila, gayunma’y sinalungat pa rin nila Siya, dahil hindi nila kailanman nalaman kung sino ang nagbigay sa kanila ng kanilang mga buhay. Sa huli, ipinako nila Siya sa krus, gayunma’y wala pa rin Siyang imik. Kahit ngayon, nananatili Siyang tahimik. Kinakain ng mga tao ang Kanyang laman, kinakain nila ang pagkain na inihahanda Niya para sa kanila, nilalakaran nila ang daang nabuksan Niya para sa kanila, at iniinom nila ang Kanyang dugo, nguni’t nais pa rin nilang tanggihan Siya, sa katunayan itinuturing nila ang Diyos na nagbigay sa kanila ng kanilang mga buhay bilang ang kaaway, at sa halip itinuturing yaong mga aliping tulad lamang nila bilang ang Ama sa langit. Sa ganito, hindi ba nila sinasadyang salungatin Siya? Paano dumating si Jesus para mamatay sa krus? Alam ba ninyo? Hindi ba Siya ipinagkanulo ni Judas, na siyang pinakamalapit sa Kanya at kumain sa Kanya, uminom sa Kanya, at kinawilihan Siya? Ang dahilan ba ng pagtataksil ni Judas ay hindi dahil sa si Jesus ay walang iba kundi isang normal na maliit na guro? Kung talagang nakita ng mga tao na si Jesus ay hindi-pangkaraniwan, at Isa na mula sa langit, paano nila Siya naipako nang buhay sa krus sa loob ng dalawampu’t apat na oras, hanggang wala na Siyang hiningang naiwan sa Kanyang katawan? Sino ang makakakilala sa Diyos? Walang anumang ginagawa ang mga tao kundi magpakasaya sa Diyos taglay ang walang-kabusugang kasakiman, nguni’t hindi nila kailanman Siya nakilala. Binigyan sila ng isang pulgada at nakakuha ng isang milya, at ginagawa nilang ganap na masunurin si Jesus sa kanilang mga atas, sa kanilang mga utos. Sino ang kailanman ay nakapagpakita ng anuman ng landas ng awa tungo rito sa Anak ng tao, na wala man lamang mahigaan ng Kanyang ulo? Sino ang kailanman ay nakaisip na makipagsanib-pwersa sa Kanya upang tapusin ang iniatas ng Diyos Ama? Sino ang kailanman ay nag-isip para sa Kanya? Sino ang kailanman ay naging maalalahanin sa Kanyang mga paghihirap? Kung wala kahit bahagyang pag-ibig, hinihila Siya ng tao paroo’t parito; hindi alam ng tao kung saan nanggaling ang kanyang liwanag at buhay, at walang anumang ginagawa kundi planuhin nang palihim kung paano minsan pang ipapako si Jesus ng dalawang libong taong nakalipas, na nakaranas ng sakit sa gitna ng tao. Talaga bang pinupukaw ni Jesus ang gayong poot? Lahat ba ng ginawa Niya ay matagal nang nakalimutan? Ang poot na nagsanib sa loob ng libu-libong taon ay sasabog na sa wakas. Kayong lahi ng mga Hudyo! Kailan ba nagalit sa inyo si Jesus, na dapat ninyo Siyang kapootan nang sobra? Napakarami ng Kanyang nagawa, at napakarami Siyang nasalita—wala ba sa mga ito ang may benepisyo sa inyo? Naibigay Niya ang Kanyang buhay sa inyo nang hindi humihingi ng anumang kapalit, naibigay Niya ang Kanyang kabuuan sa inyo—talaga bang nais pa rin ninyong kainin Siya nang buhay? Naibigay Niya ang Kanyang lahat sa inyo nang walang itinirang anuman, nang hindi kailanman tinatamasa ang makamundong kaluwalhatian, ang pagkagiliw sa gitna ng tao, at ang pag-ibig sa gitna ng tao, o ang lahat ng mga pagpapala sa gitna ng tao. Masyadong malupit ang mga tao sa Kanya, hindi Siya kailanman nagtamasa ng lahat ng mga kayamanan sa lupa, iniuukol Niya ang kabuuan ng Kanyang taos at magiliw na puso sa tao, naiukol Niya ang Kanyang kabuuan sa sangkatauhan—at sino ang kailanman ay nagpadama sa Kanya ng pagkagiliw? Sino ang kailanman ay nakapagdulot sa Kanya ng kaaliwan? Idinagan ng tao ang lahat ng pabigat sa Kanya, ipinasa niya ang lahat ng kasawian sa Kanya, ipinilit niya ang pinaka-sawing mga karanasan ng tao sa Kanya, isinisisi niya sa Kanya ang lahat ng kawalang-katarungan, at walang-imik Niyang tinatanggap ito. Sumalungat ba Siya kailanman sa sinuman? Naningil ba Siya kahit kailan ng kahit maliit na kabayaran mula sa sinuman? Sino ang kahit kailan ay nagpadama sa Kanya ng anumang pagdamay? Bilang normal na mga tao, sino sa inyo ang hindi nagkaroon ng isang romantikong pagkabata? Sino ang hindi nagkaroon ng isang makulay na kabataan? Sino ang hindi kinagigiliwan ng mga mahal sa buhay? Sino ang hindi minamahal ng mga kamag-anak at mga kaibigan? Sino ang hindi iginagalang ng iba? Sino ang hindi kinagigiliwan ng pamilya? Sino ang hindi palagay-ang-loob sa kanilang mga pinagkakatiwalaan? At kahit kailan ba ay natamasa Niya ang alinman sa mga ito? Sino ang kahit kailan ay nagiliw sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nagpadama sa Kanya ng kahit kaunting kaaliwan? Sino ang kahit kailan ay nagpakita ng kaunting kabutihang-asal sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nagparaya sa Kanya? Sino ang kahit kailan ay nakasama Niya sa panahon ng kahirapan? Sino ang kahit kailan ay nagpalipas ng hirap ng buhay na kasama Siya? Hindi kailanman nabawasan ng tao ang kanyang mga kinakailangan sa Kanya; humihingi lamang siya sa Kanya nang wala man lamang pangingimi, tulad nang kung, dahil sa siya’y pumarito sa mundo ng tao, kailangan Siyang maging kanyang baka o kabayo, kanyang bilanggo, at kailangang ibigay ang Kanyang lahat-lahat sa tao; kung hindi, hindi Siya kailanman patatawarin ng tao, hindi Siya kailanman tatantanan, hindi kailanman Siya tatawaging Diyos, at hindi Siya kailanman pag-uukulan ng mataas na pagpapahalaga. Masyadong mahigpit ang pagtrato ng tao sa Diyos, na para bang nakatalaga siyang pahirapan ang Diyos hanggang kamatayan, saka lamang niya luluwagan ang kanyang mga kinakailangan sa Diyos; kung hindi, hindi kailanman ibababa ng tao ang pamantayan ng kanyang mga kinakailangan sa Diyos. Paanong hindi kamumuhian ng Diyos ang taong gaya nito? Ang tulad nito ay hindi trahedya ng kasalukuyan? Nawawala ang budhi ng tao. Palagi niyang sinasabi na susuklian niya ang pag-ibig ng Diyos, nguni’t sinusuri niya ang Diyos at pinahihirapan Siya hanggang mamatay. Hindi ba ito ang “lihim na timpla” sa kanyang pananampalataya sa Diyos, na minana mula sa kanyang mga ninuno? Walang lugar na hindi mo makikita ang mga “Judio”, at ngayon ginagawa pa rin nila ang parehong gawain, ginagawa pa rin nila ang parehong gawain ng pagsalungat sa Diyos, at gayunpaman ay naniniwala na itinataas nila ang Diyos. Paano kayang makikilala ng sariling mga mata ng tao ang Diyos? Paano kayang ituturing ng tao, na namumuhay sa laman, bilang Diyos ang nagkatawang-taong Diyos na nagmula sa Espiritu? Sino sa gitna ng tao ang maaaring makakilala sa Kanya? Nasaan ang katotohanan sa gitna ng tao? Nasaan ang tunay na pagkamatuwid? Sino ang may kakayahan na malaman ang disposisyon ng Diyos? Sino ang kayang makipagkumpetensiya sa Diyos sa langit? Hindi kataka-taka na, noong dumating Siya sa gitna ng tao, walang nakakakilala sa Diyos, at Siya ay tinanggihan. Papaanong natitiis ng tao ang pag-iral ng Diyos? Paano niya nahahayaan na itaboy ng liwanag ang kadiliman ng mundo? Hindi ba ang lahat ng ito ay mula sa marangal na pag-uukol ng tao? Hindi ba ito ang walang-bahid-dungis na pagpasok ng tao? At hindi ba ang gawain ng Diyos ay nakasentro sa pagpasok ng tao? Gusto ko na isanib ninyo ang gawain ng Diyos sa pagpasok ng tao, at itatag ang isang magandang ugnayan sa pag-itan ng tao at Diyos, at gampanan ang tungkulin na dapat magampanan ng tao sa abot ng kanyang mga kakayahan. Sa ganitong paraan, darating na sa katapusan ang gawain ng Diyos, nagtatapos sa Kanyang pagkaluwalhati!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 10

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger