Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 155

Hulyo 21, 2020

Ginagamit ni Satanas ang Kaalaman Upang Gawing Tiwali ang Tao, at Ginagamit Nito ang Kasikatan at Pakinabang Upang Kontrolin ang Tao (Mga piling sipi)

Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga kagustuhan o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “katanyagan” at “pakinabang.” Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at sa ganoon nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa “katanyagan” at “pakinabang”. Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: “katanyagan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano naman kaya ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba ito ang mga patakaran ng pamumuhay na ikinintal sa mga tao, mga patakarang itinuturo sa kanila ni Satanas sa kalagitnaan ng kanilang pagkatuto ng kaalaman? Hindi ba ito ang “matatayog na mithiin” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas? Gaya halimbawa, ang mga ideya ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o matatapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga bida at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban—hindi ba ang lahat ng ito ay paraan kung saan ikinikintal ni Satanas ang mga mithiing ito? (Oo, sila nga.) Ang mga ideyang ito ay nakakaimpluwensya sa sali’t salinlahi, at ang mga tao sa bawat salinlahi ay tinuturuang tanggapin ang mga ideyang ito, upang mabuhay para sa mga ideyang ito at hangarin ang mga ito nang walang katapusan. Ito ang daan, ang lagusan, na kung saan ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao. Kaya pagkatapos akayin ni Satanas ang mga tao sa daang ito, posible pa rin kaya sa kanila na sumamba sa Diyos? Ang kaalaman at ang kaisipan na ikinintal sa tao ni Satanas ay nagtataglay ba ng anumang bagay ukol sa pagsamba sa Diyos? Nagtataglay ba ang mga ito ng anumang bagay na nabibilang sa katotohanan? Naglalaman ba ang mga ito ng anumang bagay tungkol sa pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? (Hindi, hindi naglalaman ang mga ito.) Tila kayo ay nag-aalinlangan, nguni’t hindi mahalaga. Hangga’t nakikilala mo na ang “katanyagan” at “pakinabang” ay ang dalawang susing salita na ginagamit ni Satanas upang akitin ang mga tao sa landas ng kasamaan, sapat na kung gayon.

Suriin natin sandali ang mga napag-usapan natin hanggang ngayon: Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Katanyagan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding kahirapan. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga pagkilos ni Satanas, hindi ba kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil hindi pa rin ninyo nakikita ngayon nang malinaw ang masasamang motibo ni Satanas sapagka’t iniisip ninyo na hindi maaaring mabuhay kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kapag iniwan ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa hinaharap, hindi na makikita ang kanilang mga layunin, na ang kanilang hinaharap ay magiging madilim, malamlam at mapanglaw. Subali’t, dahan-dahan, isang araw ay makikilala ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay parang halimaw na mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Hanggang sa sumapit ang araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at lubusang lalabanan ang mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Kapag dumating ang oras na nanaisin mong iwaksi ang lahat ng bagay na ikinintal sa iyo ni Satanas, ikaw sa gayon ay ganap na hihiwalay kay Satanas at tunay mong kamumuhian ang lahat ng idinulot sa iyo ni Satanas. Sa gayon lamang magkakaroon ng isang totoong pag-ibig at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Tingnan ang iba pa

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

I-share

Kanselahin