Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagkilala sa Diyos | Sipi 138

Agosto 7, 2020

Ang Utos ng Diyos na si Jehova sa Tao

Genesis 2:15–17 At kinuha ng Diyos na si Jehova ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan. At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.

Ang Pagtukso ng Ahas sa Babae

Genesis 3:1–5 Ang ahas nga ay lalong tuso kay sa alin man sa mga hayop sa parang na nilikha ng Diyos na si Jehova. At sinabi niya sa babae, Tunay bang sinabi ng Diyos, Huwag kayong kakain sa alin mang punong kahoy sa halamanan? At sinabi ng babae sa ahas, Sa bunga ng mga punong kahoy sa halamanan ay makakakain kami: Datapuwa’t sa bunga ng punong kahoy na nasa gitna ng halamanan ay sinabi ng Diyos, Huwag kayong kakain niyaon, ni huwag ninyong hihipuin, baka kayo’y mamatay. At sinabi ng ahas sa babae, Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagka’t talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.

Ang dalawang siping ito ay hango sa aklat ng Genesis sa Biblia. Pamilyar ba kayong lahat sa dalawang siping ito? Nagsasalaysay ang mga ito ng mga pangyayaring naganap sa pasimula nang ang sangkatauhan ay unang nilikha; totoo ang mga pangyayaring ito. Tingnan muna natin kung anong uri ng utos ang ibinigay ng Diyos na si Jehova kina Adan at Eba; napakahalaga ng nilalaman ng utos na ito para sa ating paksa ngayon. “At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Ano ang halaga ng utos ng Diyos sa tao sa siping ito? Una, sinasabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin, gaya ng mga bunga ng maraming uri ng puno. Walang panganib at walang lason; ang lahat ay maaaring kainin at malayang makakain hangga’t nais ng tao, nang walang pag-aalala at pag-aalinlangan. Ito ay isang bahagi ng utos ng Diyos. Ang isa pang bahagi ay isang babala. Sa babalang ito, sinasabi ng Diyos sa tao na hindi niya dapat kainin ang bunga mula sa puno ng pagkakilala ng mabuti at masama. Ano ang mangyayari kapag kumain siya mula sa punong ito? Sinabi ng Diyos sa tao: Kung kumain ka mula rito, tiyak na mamamatay ka. Hindi ba’t tapat ang mga salitang ito? Kung sinabi ito ng Diyos sa iyo subalit hindi mo naunawaan kung bakit, ituturing mo ba ang Kanyang mga salita bilang isang alituntunin o isang utos na dapat sundin? Dapat sundin ang gayong mga salita, hindi ba? Subalit magawa mang sumunod o hindi ng tao, ang mga salita ng Diyos ay walang pag-aalinlangan. Buong-linaw na sinabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin, at kung ano ang mangyayari kung kakainin niya ang hindi niya dapat kainin. May nakikita ka bang anumang disposisyon ng Diyos sa maiikling salitang winika ng Diyos? Totoo ba ang mga salitang ito ng Diyos? Mayroon bang anumang panlilinlang? Mayroon bang anumang kabulaanan? Mayroon bang anumang pananakot? (Wala.) Matapat, makatotohanan at taos-pusong sinabi ng Diyos sa tao kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin. Malinaw at payak na nagsalita ang Diyos. May natatago bang kahulugan sa mga salitang ito? Hindi ba tapat ang mga salitang ito? Kinakailangan bang maghaka-haka? (Hindi.) Hindi na kailangang manghula. Sa isang sulyap ay litaw na litaw ang kahulugan ng mga ito. Sa pagbasa sa mga ito, lubos na malilinawan ang sinuman sa kahulugan ng mga ito. Ibig sabihin, ang nais na sabihin ng Diyos at ang nais Niyang ipahayag ay nagmumula sa Kanyang puso. Ang mga bagay na ipinahahayag ng Diyos ay malinis, tapat at malinaw. Walang mga lingid na layunin o anumang natatagong mga kahulugan. Tuwiran Siyang nagsasalita sa tao, sinasabi sa kanya kung ano ang maaari niyang kainin at kung ano ang hindi niya maaaring kainin. Na ang ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga salitang ito ng Diyos, makikita ng tao na walang itinatago at totoo ang puso ng Diyos. Walang bahid ng kasinungalingan dito; hindi ito isang usapin ng pagsasabi sa iyo ng hindi mo maaaring kainin ang maaaring kainin, o pagsasabi sa iyong “Gawin ito at tingnan kung ano ang mangyayari” sa mga bagay na hindi mo maaaring kainin. Hindi ito ang ibig sabihin ng Diyos. Anuman ang iniisip ng Diyos sa Kanyang puso ay siyang Kanyang sinasabi. Kung sinasabi Ko na banal ang Diyos sapagkat ipinakikita at inihahayag Niya ang Kanyang Sarili sa loob ng mga salitang ito sa ganitong paraan, maaari mong maramdaman na tila pinalalaki Ko ang hindi naman dapat palakihin o pinalalawak Ko nang labis ang Aking ibig sabihin. Kung gayon, huwag mag-aalala; hindi pa tayo tapos.

Pag-usapan natin ngayon ang tungkol sa “Ang Pagtukso ng Ahas sa Babae.” Sino ang ahas? (Si Satanas.) Ginagampanan ni Satanas ang papel ng hambingan sa anim na libong taon na plano ng pamamahala ng Diyos, at ito ay isang papel na dapat banggitin kapag ibinabahagi natin ang tungkol sa kabanalan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi ito? Kung hindi mo alam ang kasamaan at katiwalian ni Satanas o ang kalikasan ni Satanas, wala kang paraan kung gayon na makilala ang kabanalan, ni hindi mo malalaman kung ano ba talaga ang kabanalan. Sa kalituhan, naniniwala ang mga tao na ang ginagawa ni Satanas ay tama, sapagkat namumuhay sila na may ganitong uri ng tiwaling disposisyon. Kung walang hambingan, kung walang mapagkukumparahan, hindi mo malalaman kung ano ang kabanalan. Kaya nga kailangang banggitin si Satanas dito. May kabuluhan ang pagbanggit niyon. Sa pamamagitan ng mga salita at mga gawa ni Satanas, ating makikita kung paano kumikilos si Satanas, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at kung ano ang kalikasan at hitsura ni Satanas. Kaya ano ang sinabi ng babae sa ahas? Isinalaysay ng babae sa ahas kung ano ang sinabi ng Diyos na si Jehova sa kanya. Nang sinabi niya ang mga salitang ito, nakatitiyak ba siya na ang sinabi sa kanya ng Diyos ay totoo? Hindi niya matitiyak ito, hindi ba? Bilang isang taong kalilikha pa lamang, wala siyang kakayahan na makilala ang kaibahan ng masama sa mabuti, ni wala siyang kahit anong pagkakilala sa anumang nasa kanyang paligid. Kung pagbabatayan ang mga salitang binigkas niya sa ahas, hindi siya nakatitiyak sa kanyang puso kung tama ang mga salita ng Diyos; ito ang kanyang saloobin. Kaya nang makita ng ahas na ang babae ay walang tiyak na saloobin ukol sa mga salita ng Diyos, sinabi nito: “Maaaring hindi ka talaga mamamatay: Sapagka’t talastas ng Diyos na sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata, at kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Mayroon bang anumang mali sa mga salitang ito? Pagkabasa ninyo sa pangungusap na ito, nadama ba ninyo ang mga intensyon ng ahas? Ano ang mga intensyong iyon? (Ang tuksuhin ang tao, ang ibuyo siya na magkasala.) Nais nito na tuksuhin ang babaeng ito upang pigilan siyang sundin ang mga salita ng Diyos. Ngunit hindi nito sinabi nang tuwiran ang mga bagay na ito. Kaya masasabi natin na ito ay napakatuso. Ipinapahayag nito ang kanyang kahulugan sa isang palihim at hindi tuwirang paraan upang makamit ang hinahangad nitong layunin na nakatago sa isipan nito at lingid sa tao—ito ang katusuhan ng ahas. Ganito na magsalita at kumilos si Satanas noon pa man. Sinasabi nito na “maaaring hindi talaga,” nang walang anumang pinapatunayan. Subalit sa pagkarinig nito, ang mangmang na puso ng babaeng ito ay naantig. Nalugod ang ahas sapagkat nakamit ng mga salita nito ang hinahangad na epekto—ito ang tusong intensyon ng ahas. Bukod pa rito, sa pamamagitan ng pangangako ng isang kalalabasan na tila kanais-nais sa mga tao, sinulsulan siya nito na sinasabing, “Sa araw na kayo’y kumain niyaon ay madidilat nga ang inyong mga mata.” Kaya inisip niya: “Ang mabuksan ang aking mga mata ay isang mabuting bagay!” At pagkatapos ay nagsabi ito ng isang bagay na mas nakakaakit, mga salitang hindi pa kailanman nakilala ng tao, mga salitang nagtataglay ng malaking kapangyarihan ng tukso sa mga nakakarinig ng mga ito: “Kayo’y magiging parang Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama.” Ang mga salita bang ito ay hindi talagang nakakatukso sa tao? Ito ay parang isang tao na nagsasabi sa iyo: “Ang hugis ng iyong mukha ay kamangha-mangha. May pagkapango nga lang ang iyong ilong, subalit kung mapapaayos mo iyan, ikaw ay magiging isa sa pinakamagaganda sa buong mundo!” Para sa sinuman na hindi nagnais kailanman na magkaroon ng kosmetikong operasyon, mapupukaw kaya ang puso niya kapag narinig ang mga salitang ito? Ang mga salita bang ito ay mapanukso? Ang panunulsol bang ito ay nakakatukso sa iyo? Panunubok ba ito? (Oo.) Ang Diyos ba ay nagsasabi ng mga bagay na ganito? Mayroon bang anumang pahiwatig na tulad nito sa mga salita ng Diyos na kababasa pa lang natin nang mabuti? (Wala.) Ang Diyos ba ay nagsasabi ng kung ano ang iniisip Niya sa Kanyang puso? Makikita ba ng tao ang puso ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita? (Oo.) Subalit nang ang ahas ang nagsabi ng mga salitang iyon sa babae, nakita mo ba ang puso nito? (Hindi.) At dahil sa kamangmangan ng tao, ang tao ay madaling natukso ng mga salita ng ahas at madaling nalinlang. Nakita mo ba ang mga intensyon ni Satanas? Nakita mo ba ang layunin sa likod ng sinabi ni Satanas? Nakita mo ba ang mga balak at panlilinlang ni Satanas? (Hindi.) Anong uri ng disposisyon ang kinakatawan ng paraan ng pananalita ni Satanas? Anong uri ng diwa ang nakita mo kay Satanas sa pamamagitan ng mga salitang ito? Ito ba ay lihim na mapanira? Marahil sa panlabas ito ay nakangiti sa iyo o hindi naghahayag ng kahit ano pa mang pagpapahayag. Subalit sa puso nito, kinakalkula nito kung paano makakamit ang layunin nito, at ang layuning ito ang hindi mo makita. Ang lahat ng pangako na ibinibigay nito sa iyo, ang lahat ng kapakinabangan na inilalarawan nito ay mga balatkayong panunukso. Nakikita mo na mabubuti ang mga bagay na ito, kaya nararamdaman mo na ang sinasabi nito ay mas kapaki-pakinabang at mas matibay kaysa sa sinasabi ng Diyos. Kapag nangyayari ito, ang tao ba kung gayon ay hindi nagiging isang sunud-sunurang bilanggo? Ang paraan bang ito na ginagamit ni Satanas ay hindi ubod nang sama? Hinahayaan mo ang sarili mo na lumubog nang husto. Nang walang anumang ginagawa si Satanas bukod sa pagsasalita lamang ng dalawang pangungusap na ito, masaya kang sumunod kay Satanas at tumalima kay Satanas. Samakatwid, ang layunin ni Satanas ay naabot. Ang intensyon bang ito ay hindi masama? Hindi ba ito ang pinakapangunahing mukha ni Satanas? Mula sa mga salita ni Satanas, makikita ng tao ang masasamang layunin nito, mamamasdan ang nakakasindak na mukha nito at matatanaw ang diwa nito. Hindi ba tama iyon? Sa paghahambing sa mga pangungusap na ito, nang walang pagsusuri ay maaaring mararamdaman mo na bagamat ang mga salita ng Diyos na si Jehova ay nakababagot, karaniwan at palasak, ang mga ito ay hindi nagbibigay-katwiran sa labis na marubdob na pagpuri sa katapatan ng Diyos. Gayunman, kapag tinatanggap natin ang mga salita ni Satanas at ang nakakatakot na mukha ni Satanas bilang isang hambingan, hindi ba’t may kahalagahan ang mga salitang ito ng Diyos sa mga tao sa kasalukuyan? (Oo.) Sa pamamagitan ng paghahambing na ito, madadama ng tao ang dalisay na pagiging walang bahid-dungis ng Diyos. Bawat salita na winiwika ni Satanas at ang mga layunin, intensyon at paraan ng pagsasalita ni Satanas—lahat ng ito ay hindi dalisay. Ano ang pangunahing itinatampok ng paraan ng pagsasalita ni Satanas? Gumagamit si Satanas ng paliguy-ligoy na mga salita upang tuksuhin ka nang hindi mo nakikita ang pag-uulit-ulit nito, ni hindi ka hinahayaan nitong makilala ang layunin nito; Pinakakagat ka ni Satanas sa pain, pero kailangan mo ring purihin at awitin ang mga kabutihan nito. Hindi ba ganito ang paraan ng mga pakanang palagian nang pinipili ni Satanas? (Oo.)

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger