Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Paglalantad ng Katiwalian ng Sangkatauhan | Sipi 335

Setyembre 4, 2020

Napakahalaga sa inyo ng inyong hantungan at kapalaran—ang mga ito ay ipinag-aalala ninyo nang lubos. Naniniwala kayong kapag hindi ninyo ginawa ang mga bagay nang maingat, magiging katumbas ito ng hindi pagkakaroon ng hantungan at ng pagkawasak ng inyong kapalaran. Subalit naisip na ba ninyo kailanman na ang mga taong nagsusumikap para lamang sa kanilang hantungan ay nagpapakapagod nang walang saysay? Hindi tunay ang gayong mga pagsisikap—huwad at mapanlinlang ang mga iyon. Kung gayon, ang mga taong nagsisikap para lamang sa kanilang hantungan ay nasa bungad na ng kanilang pangwakas na pagkatalo, dahil ang kabiguan sa paniniwala ng isang tao sa Diyos ay dulot ng panlilinlang. Nasabi Ko na noon na hindi Ko ninanais na Ako ay bolahin o kunwari’y hangaan, o pakitunguhan Ako nang may lubos na kasiglahan. Nais Ko na ang mga matapat na tao ay humarap sa Aking katotohanan at Aking mga inaasahan. Higit pa rito, naiibigan Ko sa tuwing ang mga tao ay nakakayang magpakita ng lubos na pangangalaga at pagsasaalang-alang sa Aking puso, at kapag nagagawa pa nilang isuko ang lahat para sa Aking kapakanan. Sa ganitong paraan lamang maaaring mabigyan ng kaginhawahan ang Aking puso. Sa ngayon, ilang bagay tungkol sa inyo ang hindi Ko nagugustuhan? Ilang bagay tungkol sa inyo ang nagugustuhan Ko? Maaari kayang walang sinuman sa inyo ang nakapagtanto na ng lahat ng iba’t ibang pagpapakita ng kapangitang inyong ginawa alang-alang sa inyong hantungan?

Sa Aking puso, hindi Ko ninanais makasakit sa kanino mang puso na positibo at naghahangad paitaas, at lalong ayaw Kong mabawasan ang sigla ng sinumang tapat na ginagawa ang kanyang tungkulin. Gayunpaman, kailangan Kong paalalahanan ang bawat isa sa inyo tungkol sa inyong mga pagkukulang at ang maruming kaluluwa na nasa kaibuturan ng inyong mga puso. Ginagawa Ko ito sa pag-asang magagawa ninyong ihandog ang inyong tunay na puso sa pagharap sa Aking mga salita, dahil ang pinakakinasusuklaman Ko ay ang panlilinlang ng mga tao sa Akin. Umaasa lamang Ako na sa huling yugto ng Aking gawain, maibibigay ninyo ang inyong pinakamahusay na pagganap, at mailalaan ninyo ang inyong mga sarili nang buong puso, hindi na kalahati lamang. Mangyari pa, umaasa rin Ako na lahat kayo ay magkakaroon ng isang magandang hantungan. Gayunpaman, mayroon pa rin Akong kinakailangan, at ito ay ang magawa ninyo ang pinakamahusay na desisyon na ihandog sa Akin ang inyong natatangi at huling pamimintuho. Kung may isang tao na walang ganitong natatanging pamimintuho, tiyak na siya ay isang iniingatang pag-aari ni Satanas, at hindi Ko na ipagpapatuloy ang paggamit sa kanya kundi pauuwiin Ko siya para alagaan ng kanyang mga magulang. Malaking tulong sa inyo ang Aking gawain; ang inaasahan Kong makuha sa inyo ay pusong tapat at naghahangad paitaas, ngunit hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring laman ang Aking mga kamay. Pakaisipin ninyo ito: Kung pagdating ng araw ay naaagrabyado pa rin Ako, na walang sapat na mga salitang makapaglarawan dito, ano ang Aking magiging saloobin sa inyo noon? Magiging magiliw pa rin kaya Ako sa inyo katulad ngayon? Magiging ganito pa rin kaya kapayapa ang Aking puso? Nauunawaan ba ninyo ang damdamin ng isang taong matapos maingat na magsaka sa bukid ay hindi man lamang umani ng kahit na isang butil? Nauunawaan ba ninyo kung gaano kalaki ang pinsala sa puso ng isang taong nakaranas ng matinding dagok? Nalalasahan ba ninyo ang pait ng taong noon ay puno ng pag-asa, na kailangang lumayo nang may hidwaan? Nakita na ba ninyo ang poot na nagmumula sa taong pinukaw ang damdamin? Kaya ba ninyong malaman ang pananabik sa paghihiganti ng isang taong pinakitunguhan nang may poot at panlilinlang? Kung naiintindihan ninyo ang pag-iisip ng mga taong ito, sa tingin Ko ay hindi magiging mahirap para sa inyo na maisip ang saloobin ng Diyos sa panahon ng Kanyang pagganti! Bilang pangwakas, umaasa Akong lahat kayo ay lubos na nagsisikap para sa inyong sariling hantungan; bagama’t makabubuting hindi kayo gumamit ng mapanlinlang na mga paraan sa inyong mga pagsusumikap, kung hindi ay patuloy Akong madidismaya sa inyo sa Aking puso. At saan humahantong ang gayong pagkadismaya? Hindi ba ninyo nililinlang ang inyong mga sarili? Ang mga taong iniisip ang kanilang hantungan ngunit sinisira ito ay ang mga taong pinakamaliit ang kakayahang mailigtas. Kahit na mayamot at magalit ang gayong tao, sino ang magkakaroon ng simpatya sa ganoong klaseng tao? Sa kabuuan, ninanais Ko pa rin na magkaroon kayo ng hantungang kapwa nararapat at mabuti, at, higit pa rito, umaasa Akong walang sinuman sa inyo ang mahuhulog sa kapahamakan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Hantungan

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger