Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 556

Nobyembre 7, 2020

Tanging sa paghahanap lamang sa katotohanan mababago ng isang tao ang kanyang disposisyon: Ito ay isang bagay na kailangang lubos na maintindihan at maunawaan ng mga tao. Kung hindi sapat ang iyong pagkaunawa sa katotohanan, madali kang magkakamali at maliligaw ng landas. Kung nais mong lumago sa buhay, kailangan mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong alamin kung paano umasal nang tama upang makaayon sa katotohanan, at tuklasin kung anong mga dungis ang umiiral sa iyong kalooban na lumalabag dito; kailangan mong magkaroon ng malinaw na pagkaunawa tungkol sa mga bagay na ito. Anuman ang iyong ginagawa, dapat mong isipin kung ito ay may halaga o wala. Magagawa mo ang mga bagay na may kahulugan, ngunit hindi mo dapat gawin ang mga bagay na walang kahulugan. Patungkol sa mga bagay na maaari mong gawin o hindi gawin, kung maaaring bitawan ang mga ito, bitawan mo ang mga ito. Kung hindi, kung gagawin mo ang mga bagay na ito nang ilang panahon at kalaunan ay matuklasan mo na dapat mong bitawan ang mga ito, mabilis na magpasiya at bitawan kaagad ang mga ito. Ito ang prinsipyong dapat mong sundan sa lahat ng ginagawa mo. Ito ang tanong ng ilang tao: Bakit napakahirap hanapin ng katotohanan at isagawa ito—na para bang namamangka ka nang pasalungat sa agos, at maaanod ka pabalik kung tumigil ka sa pagsagwan nang pasulong? Bakit ba mas madali talagang gumawa ng masama o walang-kabuluhang mga bagay—kasindali ng pamamangka nang paayon sa agos? Bakit ganoon? Ito ay dahil likas sa tao ang magtaksil sa Diyos. Ang likas na pagkatao ni Satanas ay nangibabaw na sa kalooban ng mga tao, at ito ay isang puwersang reaksyonaryo. Ang mga taong likas na nagtataksil sa Diyos, siyempre, ay malamang na gumawa ng mga bagay na nagtataksil sa Kanya, at natural na mahirap para sa kanila ang kumilos nang positibo. Lubos itong pinagpapasiyahan ng likas na pagkatao at pinakadiwa ng sangkatauhan. Sa sandaling talagang maunawaan mo ang katotohanan at simulan mong mahalin ito mula sa iyong kalooban, magkakaroon ka ng lakas na gawin ang mga bagay na naaayon sa katotohanan. Sa gayon ay nagiging normal ito, at wala pang kahirap-hirap at masaya, at pakiramdam mo ay mangangailangan ng malaking pagsisikap ang paggawa ng anumang negatibo. Ito ay dahil nangibabaw na ang katotohanan sa puso mo. Kung talagang nauunawaan mo ang katotohanan tungkol sa buhay ng tao at kung anong klaseng tao ka dapat—paano maging isang taong walang kapintasan at prangka, isang taong matapat, isang taong nagpapatotoo sa Diyos at naglilingkod sa Kanya—hindi ka na muling gagawa ng masasamang gawain na sumusuway sa Kanya, ni hindi mo na muling gagampanan ang papel ng isang huwad na lider, isang huwad na manggagawa, o isang anticristo. Kahit nililinlang ka ni Satanas, o sinusulsulan ka ng isang masamang tao, hindi mo gagawin iyon; sinuman ang sumusubok na pilitin ka, hindi ka pa rin kikilos nang ganoon. Kung matamo ng mga tao ang katotohanan at nagiging buhay nila ang katotohanan, nagagawa nilang kamuhian ang kasamaan at nakadarama sila ng pagkasuklam sa mga negatibong bagay sa kanilang kalooban. Magiging mahirap para sa kanila ang gumawa ng kasamaan, dahil nagbago na ang kanilang disposisyon sa buhay at nagawa na silang perpekto ng Diyos.

Kung talagang nasasaloob mo ang katotohanan, natural na magiging tama ang landas na iyong tinatahak. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang kayabangan at kahambugan, makikita mo na imposibleng hindi sumuway sa Diyos; mapipilitan kang sumuway sa Kanya. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na kayabangan at kahambugan. Dahil sa iyong kayabangan at kahambugan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, lagi kang magpasikat, at, sa huli, papalit ka sa lugar ng Diyos at magpapatotoo para sa iyong sarili. Sa huli, gagawin mong mga katotohanan ang iyong sariling mga ideya, ang iyong sariling pag-iisip, at ang iyong sariling mga pagkaintindi para sambahin ka. Tingnan mo kung gaano kalaking kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang likas na kayabangan at kahambugan! Upang malutas ang kanilang masasamang gawa, kailangan muna nilang lutasin ang problema ng kanilang likas na pagkatao. Kung walang pagbabago sa disposisyon, hindi posibleng maghatid ng pangunahing resolusyon sa problemang ito. Kapag mayroon kang kaunting pagkaunawa tungkol sa Diyos, kapag nakikita mo ang sarili mong katiwalian at kinikilala ang pagiging kasuklam-suklam at kapangitan ng kayabangan at kapalaluan, mandidiri ka, masusuka, at mababalisa. Sadya mong magagawa ang ilang bagay upang palugurin ang Diyos at, sa paggawa nito, magiginhawahan ka. Sadya mong magagawang magpatotoo sa Diyos at, sa paggawa nito, maliligayahan ka. Sadya mong ipapakita ang iyong tunay na pag-uugali, na inilalantad ang sarili mong kapangitan, at sa paggawa nito, bubuti ang pakiramdam mo sa iyong kalooban at madarama mo sa sarili mo na mas mabuti ang kalagayan ng iyong pag-iisip. Samakatuwid, ang unang hakbang sa paghahanap ng pagbabago sa iyong disposisyon ay ang hangaring maunawaan ang mga salita ng Diyos at makapasok sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pag-unawa sa katotohanan magkakamit ka ng pagkahiwatig; sa pagkakaroon lamang ng pagkahiwatig mo lubusang mauunawaan ang mga bagay-bagay; sa pamamagitan lamang ng lubusang pag-unawa sa mga bagay-bagay matatalikuran mo ang laman at, sa paisa-isang hakbang, makakatahak ka sa tamang landas sa iyong paniniwala sa Diyos. Konektado ito sa kung gaano kadeterminado ang mga tao kapag nagtataguyod ng katotohanan. Kung talagang desidido ang isang tao, pagkaraan ng anim na buwan o isang taon magsisimula silang tumahak sa tamang landas. Sa loob ng tatlo o limang taon, makakakita sila ng mga resulta, at madarama nila na sumusulong sila sa buhay. Kung naniniwala ka sa Diyos ngunit hindi mo itinataguyod ang katotohanan, maaari kang maniwala sa loob ng sampung taon nang hindi dumaranas ng anumang pagbabago. Sa bandang huli, iisipin mo na ito mismo ang kahulugan ng maniwala sa Diyos; iisipin mo na medyo kapareho iyon ng dati mong paraan ng pamumuhay sa mundo, at walang kabuluhan ang mabuhay. Talagang ipinapakita niyon na kung walang katotohanan, hungkag ang buhay. Maaaring nagagawa mong banggitin ang ilang salita ng doktrina, ngunit hindi ka pa rin mapapanatag at mapapakali. Kung may kaunting kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos, kung paano mamuhay nang makabuluhan, at makagawa ng ilang bagay na nakalulugod sa Diyos, kung gayon madarama nila na ganito talaga ang buhay, na sa pamumuhay lamang sa ganitong paraan magkakaroon ng kabuluhan ang kanilang buhay, at na kailangang mamuhay sila sa ganitong paraan upang mapalugod nang kaunti ang Diyos at masiyahan. Kung maaari nilang sadyang palugurin ang Diyos, isagawa ang katotohanan, talikuran ang kanilang sarili, talikuran ang sarili nilang mga ideya, at maging masunurin at makonsidersyon sa kalooban ng Diyos—kung magagawa nilang sadyang gawin ang lahat ng bagay na ito—kung gayon ito ang kahulugan ng tumpak na isagawa ang katotohanan, at tunay na isagawa ang katotohanan, at hindi ito talaga katulad ng dati nilang pag-asa sa kanilang mga imahinasyon at pagkapit sa mga doktrina at panuntunan. Sa totoo lang, nakakapagod gawin ang anuman kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan, nakakapagod manghawak sa mga doktrina at panuntunan, at nakakapagod na hindi magkaroon ng mga mithiin at pikit-matang gawin ang mga bagay-bagay. Sa katotohanan lamang sila maaaring lumaya—hindi ito kasinungalingan—at kapag mayroon nito, madali at masaya nilang magagawa ang mga bagay-bagay. Yaong mga nagtataglay ng ganitong uri ng kalagayan ay mga taong nagtataglay ng katotohanan; sila ang mga taong nagbago na ang mga disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger