Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 399

Abril 19, 2021

Ang mga salita ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan ay ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu, at ang patuloy na kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa tao sa panahong ito ay ang kalakaran ng gawain ng Banal na Espiritu. At ano ang kalakaran sa gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ito ay ang pangunguna ng mga tao tungo sa gawain ng Diyos ngayon, at tungo sa isang normal na espirituwal na buhay. Mayroong ilang hakbang sa pagpasok sa isang normal na espirituwal na buhay:

1. Una, dapat mong ibuhos ang iyong puso sa mga salita ng Diyos. Hindi mo dapat hangarin ang mga salita ng Diyos sa nakaraan, at hindi dapat pag-aralan ang mga ito ni ihambing ang mga ito sa mga salita sa kasalukuyan. Sa halip, dapat mong ganap na ibuhos ang iyong puso sa kasalukuyang mga salita ng Diyos. Kung mayroong mga tao na nagnanais pa ring basahin ang mga salita ng Diyos, mga espirituwal na aklat, o iba pang mga tala ng pangangaral mula sa nakaraan, at hindi sumusunod sa mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, sila ang pinakahangal sa lahat ng tao; kinamumuhian ng Diyos ang gayong mga tao. Kung nakahanda kang tanggapin ang liwanag ng Banal na Espiritu ngayon, ganap mong ibuhos ang iyong puso sa mga pagpapahayag ng Diyos ngayon. Ito ang unang bagay na dapat mong matamo.

2. Dapat kang manalangin sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, pumasok sa mga salita ng Diyos at makipagniig sa Diyos, at gawin ang iyong mga pasya sa harap ng Diyos, itinatatag kung anong mga pamantayan ang nais mong hangaring matupad.

3. Dapat mong hangarin ang malalim na pagpasok sa katotohanan sa saligan ng gawain ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan. Huwag kang manangan sa lipas nang mga pagpapahayag at mga teorya mula sa nakaraan.

4. Dapat mong hangarin na maantig ng Banal na Espiritu, at pumasok sa mga salita ng Diyos.

5. Dapat mong hangarin ang pagpasok sa landas na nilakaran ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan.

At paano mo hinahangad na maantig ng Banal na Espiritu? Ang napakahalagang bagay ay ang mabuhay sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at manalangin sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos. Sa pananalangin sa ganitong paraan, tiyak na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi ka naghahangad batay sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, ito ay walang ibubunga. Dapat kang manalangin, at sabihin: “O Diyos! Ikaw ay aking kinakalaban, at malaki ang aking pagkakautang sa Iyo; masyado akong masuwayin, at hindi kailanman nagagawang mapalugod Ka. O Diyos, hinihiling ko na iligtas Mo ako, nais kong maglingkod sa Iyo hanggang sa kahuli-hulihan, nais kong mamatay para sa Iyo. Hinahatulan Mo ako at kinakastigo ako, at wala akong mga reklamo; Ikaw ay aking kinakalaban at karapat-dapat akong mamatay, upang lahat ng tao ay maaaring makita ang Iyong matuwid na disposisyon sa aking kamatayan.” Kapag nananalangin ka mula sa kaibuturan ng iyong puso sa ganitong paraan, diringgin ka ng Diyos, at gagabayan ka; kung hindi ka nananalangin sa saligan ng mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, walang posibilidad na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay mananalangin alinsunod sa kalooban ng Diyos, at alinsunod sa kung anong gustong gawin ng Diyos sa kasalukuyan, sasabihin mo: “O Diyos! Nais kong tanggapin ang Iyong mga tagubilin at maging tapat sa Iyong mga tagubilin, at nakahanda akong ilaan ang aking buong buhay sa Iyong kaluwalhatian, upang ang lahat ng aking ginagawa ay makaaabot sa mga pamantayan ng bayan ng Diyos. Nawa’y antigin Mo ang aking puso. Nais ko na liwanagan akong palagi ng Iyong Espiritu, upang ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng kahihiyan kay Satanas, na sa bandang huli ako ay Iyong makamit.” Kung mananalangin ka sa ganitong paraan, sa paraang nakasentro sa kalooban ng Diyos, walang-pagsalang gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mahalaga kung gaano karami ang mga salita sa iyong mga panalangin—ang susi ay kung nauunawaan mo o hindi ang kalooban ng Diyos. Maaaring nagkaroon na kayong lahat ng sumusunod na karanasan: Minsan, habang nananalangin sa isang pagpupulong, ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu ay umaabot sa kanilang kasukdulan, na nagiging sanhi para umusbong ang lakas ng bawa’t isa. Ang ilang tao ay tumatangis at humahagulgol habang nananalangin, napuspos ng pagsisisi sa harap ng Diyos, at ang ilang tao ay ipinakikita ang kanilang kapasyahan, at gumagawa ng mga panata. Ang gayon ay ang epekto na tatamuhin ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa kasalukuyan, napakahalaga na ganap na ibuhos ng lahat ng tao ang kanilang mga puso sa mga salita ng Diyos. Huwag magtuon ng pansin sa mga salita na sinabi noon; kung pinanghahawakan mo pa rin kung ano ang dumating noong una, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kalooban mo. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ito?

Nalalaman ba ninyo ang landas na nilakaran ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan? Ang ilang punto sa itaas ang tutuparin ng Banal na Espiritu sa kasalukuyan at sa hinaharap; ang mga ito ang landas na tinahak ng Banal na Espiritu, at ang pagpasok na kailangang hangarin ng tao. Sa iyong pagpasok sa buhay, dapat mong ibuhos man lang ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at magawang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos; ang iyong puso ay dapat manabik sa Diyos, dapat mong hangarin ang malalim na pagpasok sa katotohanan, at ang mga layunin na hinihingi ng Diyos. Kung tinataglay mo ang ganitong lakas, nagpapakita ito na ikaw ay naantig na ng Diyos, at ang iyong puso ay nagsimula nang bumaling sa Diyos.

Ang unang hakbang sa pagpasok sa buhay ay ang ibuhos mo nang ganap ang iyong puso sa mga salita ng Diyos, at ang ikalawang hakbang ay ang tanggapin na maantig ng Banal na Espiritu. Ano ang epekto na matatamo sa pagtanggap na maantig ng Banal na Espiritu? Ito ay ang magawang manabik, hangarin, at saliksikin ang isang mas malalim na katotohanan, at magawang makipagtulungan sa Diyos sa isang positibong paraan. Sa kasalukuyan, nakikipagtulungan ka sa Diyos, na ang ibig sabihin ay mayroong layunin sa iyong paghahangad, sa iyong mga panalangin, at sa iyong pakikipagniig sa mga salita ng Diyos, at iyong ginagampanan ang iyong tungkulin alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos—ito lamang ang pakikipagtulungan sa Diyos. Kung magsasalita ka lamang ukol sa pagtutulot na kumilos ang Diyos, ngunit hindi ka gumagawa ng anumang pagkilos, hindi nananalangin o naghahangad, maaari ba itong tawaging pakikipagtulungan? Kung wala kang taglay na anumang pakikipagtulungan sa iyo, at nawalan ka ng pagsasanay para sa pagpasok na mayroong layunin, hindi ka nakikipagtulungan. Sinasabi ng ilang tao: “Ang lahat ay nakasalalay sa pagtatalaga ng Diyos, lahat ng ito ay ginagawa ng Diyos Mismo; kung hindi ito ginawa ng Diyos, paano pa kaya ng tao?” Ang gawain ng Diyos ay normal, at wala ni katiting na higit sa karaniwan, at sa pamamagitan lamang ng iyong aktibong paghahangad kaya gumagawa ang Banal na Espiritu, sapagkat hindi pinipilit ng Diyos ang tao—dapat mong bigyan ang Diyos ng pagkakataon na gumawa, at kung hindi ka maghahangad o papasok, at kung wala ni katiting na kasabikan sa iyong puso, ang Diyos ay walang pagkakataon na gumawa. Sa anong landas ka makakapaghangad na maantig ng Diyos? Sa pamamagitan ng panalangin at paglapit sa Diyos. Ngunit ang pinakamahalaga, tandaan mo, ito ay dapat sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos. Kapag ikaw ay madalas na antigin ng Diyos, hindi ka alipin ng laman: Asawa, mga anak, at salapi—walang kakayahan ang lahat ng ito na igapos ka, at nais mo lamang hangarin ang katotohanan at mabuhay sa harap ng Diyos. Sa panahong ito, ikaw ay magiging isang tao na nabubuhay sa dako ng kalayaan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Tingnan ang iba pa

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Leave a Reply

I-share

Kanselahin

Kontakin Kami Gamit ang Messnger