Araw-araw na mga Salita ng Diyos: Pagpasok sa Buhay | Sipi 376
Abril 25, 2021
Gaano man kalaking katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, gaano man karami ang mga tungkuling kanyang nagampanan, gaano man katindi ang dinanas ng isang tao habang ginagampanan ang mga tungkuling iyon, gaano man kataas o kababa ang katayuan ng isang tao, o ano man ang uri ng kaligirang kanyang kinapapalooban, ang isang hindi dapat mawala sa kanya ay ang tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng kanyang gagawin. Ito ang pinakadakilang uri ng karunungan. Bakit Ko sinasabing ito ang pinakadakilang karunungan? Kahit pa naunawaan ng isang tao ang maraming katotohanan, sapat na ba ito kung hindi siya aasa sa Diyos? May mga tao na makaraang maniwala sa Diyos nang may katagalan ay nakauunawa na ng ilang katotohanan at nakaranas na ng ilang pagsubok. Maaaring may natamo na silang kaunting praktikal na karanasan, ngunit hindi nila alam kung paano umasa sa Diyos, o hindi nila nauunawaan kung paano tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya. Nagtataglay ba ng karunungan ang ganoong mga tao? Sila ang pinakahangal sa lahat ng tao, at ang uri na ang palagay sa sarili ay napakatalino nila; hindi sila natatakot sa Diyos at hindi iwinawaksi ang masama. Sinasabi ng ilang tao: “Nauunawaan ko ang maraming katotohanan at nagtataglay ako ng katotohanang realidad. Ayos lamang na gawin ang mga bagay sa isang paraang may prinsipyo. Tapat ako sa Diyos, at alam ko kung paano maging malapit sa Diyos. Hindi pa ba sapat na umaasa ako sa katotohanan?” Kung doktrina ang pag-uusapan, mainam ang “Umasa sa katotohanan”. Gayunman, maraming pagkakataon at sitwasyon kung saan hindi alam ng mga tao kung ano ang katotohanan o kung ano ang mga katotohanang prinsipyo. Alam ito ng lahat ng may praktikal na karanasan. Halimbawa, kapag may makaharap kang ilang usapin, maaaring hindi mo alam kung paano isasagawa o ilalapat ang katotohanang may kabuluhan sa usaping ito. Ano ang dapat mong gawin sa mga pagkakataong tulad nito? Gaano man karami ang taglay mong praktikal na karanasan, hindi mo makakayang taglayin ang katotohanan sa lahat ng mga sitwasyon. Gaano man karaming taon kang naniwala sa Diyos, gaano mang karaming bagay ang naranasan mo, at gaano man karaming pagtatabas, pakikitungo, o pagdisiplina ang naranasan mo, ikaw ba ang pinagmumulan ng katotohanan? Sinasabi ng ilang tao: “Alam na alam ko ang mga kilalang pananalita at talatang iyon sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao; hindi ko na kailangang umasa sa Diyos o tumingala sa Kanya. Pagdating ng panahon, magiging maayos ako sa pamamagitan lamang ng pag-asa sa mga salitang ito ng Diyos.” Hindi nagbabago ang mga salitang isinaulo mo, ngunit ang mga kapaligirang nakatagpo mo gayundin ang iyong mga katayuan ay pabago-bago. Ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga literal na salita at pagsasalita tungkol sa maraming espirituwal na doktrina ay hindi nangangahulugan ng pagkaunawa sa katotohanan, at lalong hindi ito nangangahulugan ng pagkaunawa sa kalooban ng Diyos sa bawat sitwasyon. Kaya’t may napakahalagang aral na matututuhan dito: Iyon ay ang pangangailangan ng mga tao na tumingala sa Diyos sa lahat ng bagay, at sa pagsasagawa nito, makakamtan nila ang pag-asa sa Diyos. Tanging sa pag-asa sa Diyos magkakaroon ang mga tao ng landas na susundan. Kung hindi magkagayon, may kung anong magagawa mong tama at naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit kung hindi ka aasa sa Diyos, kung gayon ang mga pagkilos mo ay mga gawain lamang ng tao at hindi nangangahulugang nabibigyang-lugod mo na ang Diyos. Sapagkat may ganoong kababaw na pagkaunawa sa katotohanan ang mga tao, malamang na sumunod sila sa mga tuntunin at pilit na mangunyapit sa mga titik at doktrina sa pamamagitan ng paggamit ng gayunding katotohanan kapag nahaharap sa iba’t ibang sitwasyon. Posible na makumpleto nila ang maraming bagay bilang pangkalahatang pag-alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, ngunit hindi makikita rito ang patnubay ng Diyos, o ng gawain ng Espiritu Santo. May malubhang problema rito, iyan ay ang mga tao na nagsasagawa ng maraming bagay na umaasa lang sa kanilang karanasan at sa mga tuntunin na naunawaan nila, at sa ilang paglalarawan sa isip ng tao. Halos hindi nila matamo ang pinakamahusay na resulta, na nagmumula sa malinaw na pag-unawa sa kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng pagtingala sa Kanya at pagdarasal sa Kanya, at pagkaraan ay sa pag-asa sa gawain at gabay Niya. Dahil dito, sinasabi Ko na ang pinakadakilang karunungan ay ang tumingala sa Diyos at umasa sa Kanya sa lahat ng bagay.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pananalig sa Diyos ay Dapat Magsimula sa Pagkakilatis sa Masasamang Kalakaran ng Mundo
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.
Iba pang mga Uri ng Video