Mga Sagot ng Ang Itaas sa mga Tanong ng Hinirang na mga Tao ng Diyos Mula sa Buong Mundo (10)

Ang Pagbabahagi Mula sa ang Itaas na Brother – Enero 15, 2026 (Ikasiyam na Bahagi)

Natapos na tayong magbahagi tungkol sa labing-apat na tanong tungkol sa mga halalan. Ngayon, magbahagi tayo tungkol sa dalawang tanong tungkol sa pangangaral ng ebanghelyo.

Tanong 15: Kapag nagbabahagi kami tungkol sa paksang nakabalik na ang Panginoong Jesus, paano namin ito dapat gawin nang mas epektibo, para maunawaan ng mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo ang katunayan na nakabalik na ang Diyos? Gayundin, paano kami dapat magbahagi sa wikang simple at madaling maunawaan, para mas madali itong maunawaan ng mga tao?

Sagot: Para magpatotoo na nakabalik na ang Panginoong Jesus, una ay dapat kang malinaw na magbahagi tungkol sa isang katunayan: Ang pagbabalik ng Panginoong Jesus ay tiyak na mangyayari, dahil personal na sinabi ng Panginoong Jesus: “Narito, Ako’y mabilis na pumaparito(Pahayag 22:7). Tapat ang Diyos, at hindi kailanman nagsisinungaling ang Diyos. Sabi ng Diyos: “Ang langit at ang lupa ay lilipas, datapuwat ang Aking mga salita ay hindi lilipas(Mateo 24:35). Ipinapakita nito na ang bawat salita ng Diyos ay matutupad, kaya walang dudang babalik ang Panginoon. Kaya, paano babalik ang Panginoong Jesus? Maraming beses na nagpropesiya ang Panginoong Jesus na babalik Siya bilang Anak ng tao. Bagama’t binabanggit sa Pahayag na babalik ang Panginoon sa pamamagitan ng pagbaba sakay ng isang ulap, ang mas madalas na propesiya ay tahimik na darating ang Anak ng tao na parang magnanakaw sa pinakamadilim na panahon ng mundo, kung kailan pinakahindi ito inaasahan ng mga tao. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus: “At pagkahating gabi ay may sumigaw, ‘Narito, ang kasintahang lalaki! Magsilabas kayo upang salubungin siya’(Mateo 25:6). “Kaya’t kung hindi ka magpupuyat ay paririyan Akong gaya ng magnanakaw(Pahayag 3:3). Samakatwid, ang pagkakatawang-tao ng Diyos bilang Anak ng tao ay tiyak na isang paraan ng pagbabalik ng Panginoon sa mga huling araw. May isa pang paraan, na siyang hayagang pagbaba ng Panginoon sakay ng isang ulap. Sa kabuuan, mayroon lang dalawang paraang ito ng pagbabalik ng Panginoon. Kaya, ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng dalawang paraang ito? Ang mga pagkakaiba ay nasa panahon at konteksto. Hayagang bababa ang Panginoon sakay ng isang ulap pagkatapos ng malalaking kalamidad. Sinabi ng Panginoong Jesus: “Pagkatapos na pagkatapos ng kapighatian sa mga araw na iyon … lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kaya magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at makikita nila ang Anak ng tao na napaparitong nasa mga ulap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian(Mateo 24:29–30). Kaya, kapag natapos na ang malalaking kalamidad, hayagang bababa ang Panginoon sakay ng isang ulap. Ngunit hindi darating ang Anak ng tao na parang magnanakaw pagkatapos ng malalaking kalamidad, kundi bago ang mga ito. Bumababa ang Panginoon nang lihim kung kailan pinakahindi ito inaasahan ng mga tao. Sinabi ng Panginoong Jesus: “At kung paano ang nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang mangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao(Lucas 17:26). Ano ba ang kalagayan noong mga araw ni Noe? Iyon ay noong ang kasamaan at kahalayan ng mundo ay umabot na sa sukdulan. Ang mga tao ay patuloy na nag-aasawa at muling nag-aasawa, namumuhay sa karumihan, katiwalian, at masamang pagnanasa. Dumarating ang Anak ng tao kapag namumuhay ang mga tao sa ganitong kondisyon—ito ay bago ang mga kalamidad. Samakatwid, bumababa ang Anak ng tao bago ang mga kalamidad, at ang pagbaba sakay ng isang ulap ay mangyayari pagkatapos ng mga kalamidad. Kaya, gusto mo bang salubungin ang Panginoong bumababa sakay ng isang ulap pagkatapos ng mga kalamidad, o gusto mong salubungin ang Panginoong dumarating bilang Anak ng tao bago ang mga kalamidad? (Gusto naming salubungin ang Panginoong dumarating bilang Anak ng tao bago ang mga kalamidad.) Kung gayon, sa anong batayan mo sasalubungin ang Panginoong dumarating bilang Anak ng tao? Kapag dumarating ang Diyos sa katawang-tao, mukha Siyang isang ordinaryong tao sa panlabas. Paano mo makikilala na Siya ang Diyos? Katulad lang ito noong pumarito ang Panginoong Jesus para gumawa at nakita Siya ng mga tao bilang anak ng isang karpintero. Sino ang kumilala na Siya ang Panginoon, na Siya ang Diyos? Sa ganitong sitwasyon, paano mo dapat salubungin ang Panginoon? Minsang sinabi ng Panginoong Jesus: “Dinirinig ng Aking mga tupa ang Aking tinig, at sila’y Aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa Akin(Juan 10:27). Masasalubong lang ng mga tupa ng Diyos ang Panginoon sa pamamagitan ng pagdinig sa tinig ng Diyos. Inorden ito ng Diyos. Kaya paano dinirinig ng mga tupa ng Diyos ang tinig ng Diyos at sinasalubong ang Panginoon? Nagbigay ng propesiya ang Panginoong Jesus: “Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:12–13). Kapag narinig mo ang Anak ng tao na nagpapahayag ng katotohanan, nakabalik na ang Panginoon, at dapat kang magmadaling sumalubong sa Kanya. Ito ang pinakatumpak na landas sa pagsalubong sa Panginoon. Kapag dumating na ang Anak ng tao at nagpapahayag ng katotohanan, bumaba na ang Diyos ng katotohanan. Kung masasalubong mo ang Panginoon sa panahong iyon, pagpapalain ka. Kung sasalubungin mo ang Diyos na nagpapahayag ng katotohanan bago ang mga kalamidad, magkakaroon ka ng pagkakataong makamit ang katotohanan at magawang perpekto ng Diyos. Kung maghihintay ka lang na hayagang bumaba ang Panginoon sakay ng isang ulap at palalagpasin mo ang yugto kung saan nagpapahayag ng katotohanan ang Anak ng tao at gumagawa para iligtas at gawing perpekto ang mga tao, hindi ka magagawang perpekto bilang isang mananagumpay. Magiging katulad ka ni Tomas, at kokondenahin ka. Ano ang palagay mo sa pagbabahagi sa mga potensyal na tatanggap ng ebanghelyo sa ganitong paraan? (Mabuti ito.) Pagkatapos mong magbahagi sa ganitong paraan, mauunawaan at kikilalanin ng sinumang makatwiran at matinong tao na ang sinabi mo ay ganap na tama. Ngunit hindi ito mauunawaan ng mga taong baligho. Magbibigay sila ng lahat ng uri ng palusot, sinasabing, “Nasa amin ang presensya ng Diyos, kaya hindi namin kailangang salubungin ang Panginoon.” Hindi lang nila alam na ang pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu at ang pagsalubong sa Panginoon ay dalawang ganap na magkaibang bagay; wala talagang anumang kaugnayan sa pagitan ng mga ito. Bumaba ang Banal na Espiritu noong Pentecostes sa Kapanahunan ng Biyaya. Tila nararamdaman ng lahat ng mananampalatayang nagdarasal sa Diyos ang presensya ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ba ang pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu na hindi babalik ang Panginoon? Nangangahulugan ba itong hindi na kailangang salubungin ng mga tao ang Panginoon? Ang pananaw na ito ay ganap na mali. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Panginoon bilang Anak ng tao para magpahayag ng katotohanan, magpakita, at gumawa. Kung tatanggihan mo ang nagkatawang-taong Anak ng tao dahil iniisip mong nasa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu, makakamit mo ba ang katotohanan? Nagpropesiya ang Panginoong Jesus: “Kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan(Juan 16:13). Ano ang tinutukoy nito? Paano natutupad ang propesiyang ito? Nangangahulugan itong kapag bumalik ang Panginoon, ipapahayag Niya ang lahat ng katotohanan. Kaya, kung nasa iyo lang ang presensya ng Banal na Espiritu ngunit hindi mo sinasalubong ang Panginoon, makakamit mo ba ang mga katotohanang ito? Maaakay ka ba ng Banal na Espiritu para pumasok sa lahat ng katotohanan? Napakaraming taon nang nasa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu; nakapasok ka ba sa anumang katotohanan? Nagbago ba kahit kaunti ang iyong buhay disposisyon? Kung hindi mo sasalubungin ang nagkatawang-taong Anak ng tao, hindi mo makakamit ang mga katotohanang ito, at hindi magbabago ang iyong buhay disposisyon. Gayumpaman, palagi mong sinasabing nasa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu. Mayroon ka bang anumang aktwal na katibayan nito? Gagawa ba ang Banal na Espiritu sa isang taong tulad mo? Kung wala sa iyo ang presensya ng Banal na Espiritu ngunit ipinagpipilitan mong nasa iyo, paano kung presensya ito ng isang masamang espiritu? Hindi ba’t magkakaproblema ka niyan? Samakatwid, kung may nagsasabing nasa kanya ang presensya ng Banal na Espiritu at hindi niya sasalubungin ang Panginoon, hindi ba’t pinapahamak niya ang kanyang sarili? Pagkatapos dumating ng Panginoon, kung mabibigo kang salubungin Siya, hindi mo makakamit ang gawain ng Banal na Espiritu, at dahil doon ay nagiging isa kang hangal na dalaga. Sino ba ang mga taong itatapon sa kadiliman, tumatangis at nagngangalit ng kanilang mga ngipin? Hindi ba’t sila ang mga hangal na dalagang iyon? Ano ang mga pagpapamalas ng mga hangal na dalaga? Ang isa ay ang pag-iisip na ang pagkakaroon ng presensya ng Banal na Espiritu ay kapareho ng pagsalubong sa Panginoon. Ang isa pa ay ang pagpupumilit na makita ang Panginoong bumababa sakay ng isang ulap bago nila Siya salubungin. Ang dalawang pagpapamalas na ito ng hindi pagsalubong sa Panginoon ay baligho at walang-katotohanan; ang mga ito ay parehong mga pagpapamalas ng mga hangal na dalaga. Ang sinumang nagpapamalas ng dalawang bagay na ito ay ititiwalag, at ang kanilang kalalabasan ay pagkawasak. Nauunawaan mo ba ngayon? (Oo.) Ano ang palagay mo sa pagbabahagi sa ganitong paraan? (Mabuti ito; napakahalaga nito.) Ngunit tatanggapin ba ito ng mga taong baligho? (Hindi.) Masyado silang baligho; anuman ang sabihin mo, hindi sila makikinig o tatanggap. Kung ganoon, wala tayong magagawa. Sa huli, kung mabibigo silang salubungin ang Panginoon at mamamatay sila sa mga kalamidad, wala silang ibang masisisi kundi ang kanilang sarili.

Tanong 16: Batay sa kasalukuyang sitwasyon, may agarang pangangailangan na isagawa ang gawain ng ebanghelyo nang personal. Patuloy kaming nagdaraos ng mga pagtitipon para hikayatin ang mga kapatid na personal na mangaral ng ebanghelyo, at nagbabahagi rin kami tungkol sa mga salita ng Diyos para tulungan silang lutasin ang kanilang mga paghihirap. Gayumpaman, karamihan sa mga kapatid ay wala pa ring gaanong pagkaunawa sa kahalagahan at pagkaapurahan ng personal na pangangaral ng ebanghelyo, at medyo mapagwalang-bahala ang kanilang saloobin. Paano kami dapat magbahagi upang gisingin ang puso ng mga kapatid at ipaunawa sa kanila ang pagkaapurahan ng personal na pangangaral ng ebanghelyo?

Sagot: Para malutas ang problemang ito, ang susi ay ipaunawa sa kanila ang kahalagahan ng paggawa ng tungkulin ng isang tao. Ang ilang tao, sa kanilang pananampalataya sa Diyos, ay kinikilala lamang na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, ngunit hindi nila hinahangad ang katotohanan kahit kaunti at hindi rin nila kayang talikuran ang lahat para sumunod sa Diyos at gawin ang kanilang tungkulin. Sabihin ninyo sa akin, maililigtas ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil bagama’t nananampalataya sila sa Diyos, hindi sila tunay na sumusunod sa Kanya, at hindi nila natupad ang tungkulin ng isang nilikha. Kung nananampalataya ang mga tao sa Diyos ngunit hindi nila ginagawa ang kanilang tungkulin, mararanasan ba nila ang gawain ng Diyos? Malulutas ba nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon? Makakapasok ba sila sa katotohanang realidad? (Hindi.) Sa anong batayan tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga taong ilang taon nang nananampalataya sa Diyos ngunit hindi pa nakakapasok sa anumang katotohanang realidad? (Batay sa kung nakagawa sila ng mabubuting gawa.) Tinutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng ganitong uri ng tao batay sa kung nakagawa siya ng mabubuting gawa. Ang pamantayan para sa pagtukoy sa mga kalalabasan ng mga tao ng Diyos ay batay sa kung nakamit nila ang katotohanan. Nananatiling buhay ang mga tao ng Diyos dahil nakamit nila ang katotohanan. Kung hindi nakamit ng isang tao ang katotohanan ngunit gusto pa rin niyang manatiling buhay, dapat ay nakagawa siya ng sapat na mabubuting gawa. Kung hindi niya nakamit ang katotohanan at hindi rin siya nakagawa ng sapat na mabubuting gawa, ang kanyang kalalabasan ay itinatakda na pagkawasak, at nawalan ng saysay ang kanyang pananalig. Ang mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos ngunit hindi hinahangad ang katotohanan kahit kaunti, hindi gumagawa ng anumang tungkulin kahit kaunti, at walang ginawang anumang mabubuting gawa ay parang maligamgam na tubig, hindi malamig at hindi rin mainit. Isusuka sila ng Diyos mula sa Kanyang bibig; hindi Niya gusto ang gayong mga tao. May batayan sa Bibliya para dito. Sinasabi sa Pahayag: “Kaya naman sapagkat ikaw ay maligamgam, at hindi mainit ni malamig, isusuka kita sa Aking bibig(Pahayag 3:16). Samakatwid, ang mga maligamgam sa kanilang pananalig sa Diyos at hindi man lang nakagawa ng anumang mabubuting gawa ay pawang ititiwalag sa huli. Kaya, paano dapat magsagawa ang mga tao kung gusto nilang manatiling buhay? Sinasabi ng ilang tao, “Maikling panahon pa lang akong nananampalataya sa Diyos, wala pa akong gaanong katotohanang realidad at hindi pa nagbabago ang aking disposisyon, ngunit dapat akong maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Dapat akong mangaral ng ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, nagdadala ng mas maraming tao sa harap ng Diyos. Ito ay paghahanda ng mabubuting gawa.” Ito ang tamang paraan ng pag-iisip! Ang pangangaral ng ebanghelyo ang pinakadakilang mabuting gawa; ito ang pinakamainam na mabuting gawa. Kung mas mangangaral ka ng ebanghelyo at magdadala ng mas maraming kaluluwa sa harap ng Diyos para tumanggap ng Kanyang kaligtasan, kapag dumating ang mga sakuna sa hinaharap, maaari kang protektahan ng Diyos mula sa kamatayan dahil sa mabuting gawang ito. Ang mga taong mapoprotektahan at mananatiling buhay sa huli ay dapat na mga tapat na trabahador kahit papaano. Kung kinikilala mo lang ang pangalan ng Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ka gumagawa ng anumang tungkulin, ni hindi ka nangangaral ng ebanghelyo o nagpapatotoo sa Diyos, anong katibayan ang mayroon ka na isa kang tapat na trabahador? Wala kang debosyon; nananampalataya ka lang sa Diyos gamit ang iyong mga labi. Ang manampalataya sa ganitong paraan ay walang silbi sa huli, at talagang hindi ka maililigtas. Sinasabi ko sa iyo, ang sinumang hindi nangangaral ng ebanghelyo o nagpapatotoo sa Diyos, o hindi man lang gumagawa ng anumang tungkulin, ay hindi mananatiling buhay. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa Kapanahunan ng Biyaya, nagkuwento ng isang parabula ang Panginoong Jesus. Isang panginoon ang maglalakbay nang malayo at ipinagkatiwala niya ang kanyang mga talento sa kanyang mga alipin. Tatlong alipin ang tumanggap ng limang talento, dalawang talento, at isang talento ayon sa pagkakasunod-sunod. Ang tumanggap ng limang talento ay humayo para ipangalakal ang mga ito at kumita ng panibagong limang talento. Ang tumanggap ng dalawang talento ay kumita rin ng panibagong dalawa. Tanging ang aliping tumanggap ng isang talento ang hindi man lang gustong magbayad ng anumang halaga, at sa huli ay wala siyang kinita. Tinawag siya ng panginoon na isang buktot at tamad na alipin, at itinapon siya sa kadiliman sa labas, kung saan may pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin. Samakatwid, kung nananampalataya ang mga tao sa Diyos ngunit hindi gumagawa ng anumang tungkulin at hindi nakagawa ng anumang mabubuting gawa, tapos na sila. Tiyak na ititiwalag sila! Dapat ninyong tandaan ito. Ang mga ito ay mga propesiya mula sa Panginoong Jesus sa Kapanahunan ng Biyaya, at ang bawat salita ng mga propesiyang ito ay tiyak na matutupad. Kung nananampalataya ka sa Makapangyarihang Diyos ngunit hindi ka gumagawa ng anumang tungkulin—kung alam na alam mong ang agarang layunin ng Diyos ay ipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian ngunit hindi ka talaga nangangaral ng ebanghelyo, kung gayon ay hindi ka nakagawa ng anumang mabubuting gawa at wala kang makakamit mula sa iyong pananalig sa Diyos sa huli. Lalo itong totoo para sa ilang taong dalawa hanggang tatlong taon nang nananampalataya sa Diyos at nakakaunawa ng ilang katotohanan; kung hindi pa rin nila kayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos at gawin ang kanilang tungkulin, mas nararapat sa kanila ang pagkondena ng Diyos. Sa huli, maaari lang silang mamatay sa mga sakuna tulad ng mga walang pananampalataya.

Dito na natin tapusin ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam! (Paalam, brother!)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.