Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan (Ikalawang Bahagi)

Dahil sa pag-unlad ng mga kapanahunan, sa pag-unlad ng sangkatauhan, sa mga pangangasiwa ng lahat ng bagay, at sa pagsasaayos ng mga kamay ng Diyos at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, patnubay, at pamumuno, sumusulong na nang sumusulong ang sangkatauhan, ang lahat ng bagay, at ang mismong sansinukob. Ang sangkatauhan sa ilalim ng kautusan, matapos mapigilan ng kautusan sa loob ng libo-libong taon, ay hindi na nakapagtaguyod sa kautusan, at sinundan nila ang gawain ng Diyos sa sumunod na kapanahunan, na pinasimulan ng Diyos—ang Kapanahunan ng Biyaya. Sa pagdating ng Kapanahunan ng Biyaya, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain batay sa katunayang nagpadala Siya ng mga propeta upang hulaan ito. Ang yugtong ito ng gawain ay hindi kasinglumanay o kasingkapanapanabik gaya ng iniisip ng mga tao sa kanilang mga kuru-kuro, hindi rin ito kasingsarap sa pakiramdam na gaya ng inakala nila; sa halip, sa panlabas, mukhang lahat ng bagay ay sumasalungat sa propesiya. Mula sa mga kondisyong ito ay lumitaw ang isang katunayan na hindi kailanman aakalain ng mga tao: ang katunayan ng pagkapako sa krus ng katawan kung saan nagkatawang-tao ang Diyos—ang Panginoong Jesus. Ang lahat ng ito ay lampas sa inakala ng tao. Sa panlabas, ang lahat ng ito ay tila malupit at madugong kaganapan, nakahihindik na makita, ngunit ito ang simula ng pagtatapos ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan at pagsisimula ng bagong kapanahunan. Ang bagong kapanahunan na ito ay ang Kapanahunan ng Biyaya na alam na ninyong lahat ngayon. Tila sinasalungat ng Kapanahunan ng Biyaya ang mga propesiya ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan. Tiyak na dumating din ito sa anyo ng pagkapako sa krus ng katawang-tao ng Diyos. Ang lahat ng kaganapang ito ay nangyari nang sobrang biglaan at sobrang natural, sa ilalim ng mga napapanahong kondisyon. Gayon ang mga pamamaraang ginamit ng Diyos upang tapusin ang lumang kapanahunan at simulan ang isang bagong kapanahunan. Bagamat ang lahat ng nangyari sa pinakasimula ng kapanahunang ito ay napakalupit at napakamadugo, at kahindik-hindik, at biglaan, at wala sa mga ito ang kasingganda o kasinglumanay na gaya ng inakala ng tao—bagamat ang panimulang eksena ng Kapanahunan ng Biyaya ay nakaririmarim na makita at nakadudurog ng puso, ano ang nag-iisang bagay rito na nararapat na ipagdiwang? Ang katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan ay nangangahulugan na hindi na kailangan pang pagpasensyahan ng Diyos ang iba’t ibang pag-uugali ng sangkatauhan sa ilalim ng kautusan; nangangahulugan ito na malaki na ang naging pagsulong ng sangkatauhan, na naaayon sa gawain at plano ng Diyos, patungo sa bagong kapanahunan. Siyempre, nangangahulugan din ito na napaiksi ang panahon ng paghihintay ng Diyos. Pumasok na sa bagong kapanahunan ang sangkatauhan, na nangangahulugang malaki na ang naging pag-usad ng gawain ng Diyos, at na sa pagsulong ng Kanyang gawain ay unti-unting matutupad ang Kanyang ninanais. Hindi masyadong kaaya-aya ang simula ng Kapanahunan ng Biyaya, ngunit para sa Diyos, ang sangkatauhan na malapit nang lumitaw, na siyang sangkatauhan na Kanyang ninanais, ay papalapit na nang papalapit sa Kanyang mga hinihingi at minimithi. Nakatutuwa at kapuri-puri ang bagay na ito, isang bagay na nararapat na ipagdiwang. Bagamat ipinako ng sangkatauhan ang Diyos sa krus, na labis na nakalulungkot na makita para sa tao, ang mismong sandali ng pagkapako ni Cristo sa krus ay nangangahulugan na ang susunod na kapanahunan ng Diyos—ang Kapanahunan ng Biyaya—ay dumating na, at na siyempre, ang gawain ng Diyos sa kapanahunang iyon ay malapit nang magsimula. Higit pa roon, nangangahulugan ito na naisakatuparan na ang dakilang gawain ng pagkakatawang-taong iyon ng Diyos. Haharap ang Diyos sa mga tao ng mundo bilang ang nagwagi, nang may bagong pangalan at imahe, at ang mga nilalaman ng Kanyang bagong gawain ay bubuksan at ihahayag sa sangkatauhan. Samantala, sa bahagi naman ng sangkatauhan, hindi na sila patuloy na maliligalig ng madalas na paglabag sa kautusan, hindi na rin sila maparurusahan ng kautusan dahil sa paglabag nila rito. Ang pagdating ng Kapanahunan ng Biyaya ay nagtulot sa sangkatauhan na malampasan ang dating gawain ng Diyos at makapasok sa bagong kapaligiran ng gawain, nang may mga bagong hakbang at may bagong kaparaanan sa gawain. Tinulutan nito ang sangkatauhan na magkaroon ng bagong pagpasok at bagong buhay, at siyempre, tinulutan nitong magkaroon ng mas malapit na ugnayan ang Diyos at ang tao. Dahil sa pagkakatawang-tao ng Diyos, maaari nang personal na makaharap ng tao ang Diyos. Narinig ng tao ang aktwal at tunay na tinig at mga salita ng Diyos; nakita ng tao ang pamamaraan ng Kanyang gawain, gayundin ang Kanyang disposisyon at iba pa. Narinig ng mismong tainga at nakita ng mismong mata ng tao ang lahat ng aspeto nito; malinaw nilang naranasan na ang Diyos ay tunay na ngang pumarito sa piling ng mga tao, na tunay na ngang personal na humaharap ang Diyos sa tao, na tunay ngang pumarito ang Diyos upang mamuhay kasama ng sangkatauhan. Bagamat ang panahon ng gawain ng Diyos sa pagkakatawang-taong iyon ay hindi matagal, binigyan nito ang sangkatauhan noong panahong iyon ng matatag at matibay na karanasan ng kung ano ang tunay na pakiramdam na mamuhay ang tao kasama ng Diyos. At bagamat ang mga nakaranas ng gayong mga bagay ay hindi iyon naranasan sa loob ng mahabang panahon, maraming sinabi ang Diyos noong panahong iyon ng Kanyang pagkakatawang-tao, at napakapartikular ng mga salitang iyon. Marami rin Siyang ginawang gawain, at maraming tao ang sumunod sa Kanya. Tuluyang tinapos ng sangkatauhan ang kanilang buhay sa ilalim ng kautusan ng lumang kapanahunan at pinasok ang ganap na bagong kapanahunan: ang Kapanahunan ng Biyaya.

Nang makapasok na sa bagong kapanahunan, ang sangkatauhan ay hindi na namuhay pa sa ilalim ng mga paghihigpit ng kautusan, at sa halip ay sa ilalim na ng mga bagong hinihingi at mga bagong salita ng Diyos. Dahil sa mga bagong salita at mga bagong hinihingi ng Diyos, nagkaroon ng bagong buhay ang sangkatauhan na naiiba ang anyo, isang buhay kung saan ang pananalig sa Diyos ay may ibang anyo at nilalaman. Kung ikukumpara sa dating buhay sa ilalim ng kautusan, ang buhay na ito ay mas malapit sa mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa tao. Naglatag ang Diyos ng mga bagong utos para sa sangkatuhan, at naglatag Siya ng mga bagong pamantayan para sa asal ng sangkatauhan na mas tumpak at mas naaayon sa sangkatauhan noong panahong iyon, gayundin ng mga bagong batayan at prinsipyo para sa pananaw ng tao sa mga tao at bagay-bagay, at para sa kanilang asal at kilos. Ang mga salitang binigkas Niya noon ay hindi kasing detalyado ng mga salita Niya ngayon, hindi rin ito kasing dami ng mga salita Niya ngayon, subalit para sa tao noon, na kalalabas lamang sa ilalim ng kautusan, sapat na ang mga salita at mga hinihinging iyon. Sa tayog at kakayahan ng mga tao noong panahong iyon, ito lamang ang mga bagay na matutupad at makakamit nila. Halimbawa, sinabihan ng Diyos ang mga tao na maging mapagkumbaba, mapagtimpi, mapagparaya, na magtiis ng paghihirap at iba pa; ang mga ito ay pawang mas partikular na hinihingi ng Diyos sa tao pagkatapos ng kautusan, ang mga ito ay tumutugon sa kung paano dapat isabuhay ang pagkatao. Bukod pa roon, ang tao, na namuhay sa ilalim ng kautusan, ay nagtamasa ng tuloy-tuloy na mga biyaya, pagpapala, at iba pang katulad na bagay mula sa Diyos dahil sa pagdating ng Kapanahunan ng Biyaya. Sa kapanahunang iyon, ang sangkatauhan ay namumuhay nang sobrang maginhawa. Ang lahat ay masaya, at silang lahat ay inalagaan ng Diyos na parang mga musmos na kinupkop Niya sa Kanyang mga bisig. Kailangan nilang sundin ang mga utos, at magkaroon ng ilang mabuting pag-uugali, mga pag-uugali na alinsunod sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, pero para sa sangkatauhan, mas labis na nilang natatamasa ang pagpapala ng Diyos. Halimbawa, nagamot ang mga sakit ng mga tao na sanhi ng pagsapi ng demonyo, at napalayas ang masasamang demonyo at espiritu na nasa loob nila. Kapag may problema o pangangailangan ang mga tao, partikular silang tutulungan ng Diyos at magpapakita Siya ng mga tanda at kamangha-manghang kaganapan, upang magamot ang iba’t iba nilang sakit, at masisiyahan ang kanilang laman, at sila ay mapapakain at mabibihisan. Napakarami ng mga biyaya at pagpapalang tinatamasa ng mga tao noong panahong iyon. Maliban sa simpleng pagsunod sa mga utos, ang sangkatauhan ay, kung sa pinakadapat, maging mapagtimpi, mapagparaya, mapagmahal, at iba pa. Walang kamalayan ang tao sa anumang bagay na lagpas sa katotohanan o hinihingi ng Diyos sa tao. Dahil ang mga tao ay ganap na nakatuon sa pagtatamasa ng biyaya at pagpapala ng Diyos, at dahil sa pangako ng Panginoong Jesus sa tao noong panahong iyon, naging gawi na ng mga tao na tamasahin ang pagpapala ng Diyos, hindi nila naisip na may katapusan iyon. Inisip ng sangkatauhan na kung mananalig sila sa Diyos, dapat nilang matamasa ang pagpapala ng Diyos, na iyon ay nararapat lamang sa kanila. Gayunpaman, hindi nila alam na dapat nilang sambahin ang Panginoon ng paglikha, o na yakapin ang katayuan ng isang nilikha, at gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, at na sila ay dapat maging mabuting nilikha. Hindi rin nila alam kung paano magpasakop sa Diyos, o paano maging tapat sa Kanya, o kung paano tanggapin ang Kanyang mga salita at gamitin ang mga ito bilang batayan ng kanilang pananaw sa mga tao at bagay-bagay, at sa kanilang asal at mga kilos. Labis na ignorante ang tao sa gayong mga bagay. At bukod sa inaasahan na nilang magtatamasa sila ng mga biyaya ng Diyos, nais din nilang makapasok sila sa langit pagkatapos mamatay, gaya ng kanilang inaasahan, at doon ay makapagtamasa ng mabubuting pagpapala kasama ang Panginoon. Bukod pa rito, ang sangkatauhan na nabuhay sa Kapanahunan ng Biyaya, na nabuhay sa gitna ng mga biyaya at pagpapala, ay nagkamali sa kanilang pag-aakala na ang Diyos ay isang maawain, mapagmahal lang na Diyos, na ang Kanyang diwa ay awa at mapagmahal na kabaitan, at wala nang iba pa. Para sa kanila, ang awa at mapagmahal na kabaitan ay sumisimbolo sa pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos; ang kahulugan ng katotohanan, daan, at buhay sa kanila ay ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos, o marahil ay isang paraan ng pagpasan ng krus at pagtahak sa landas ng krus. Ito lamang ang kaalaman at oryentasyon ng mga tao sa Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya, ito rin ang kanilang oryentasyon at kaalaman sa sangkatauhan at sa mismong mga tao. Kaya, upang matukoy ang mga dahilan at ang ugat: Ano ba mismo ang nagsanhi ng mga sitwasyong ito? Walang dapat sisihin. Hindi mo maaaring sisihin ang Diyos sa hindi Niya pagsasalita nang mas kongkreto at mas komprehensibo, at hindi mo rin maaaring ipasa ang responsabilidad sa tao. Bakit? Ang tao ay kabilang sa nilikhang sangkatauhan, isang nilalang. Ang tao ay nagmula sa kautusan at dumating sa Kapanahunan ng Biyaya. Ilang taon ng karanasan man mayroon ang tao sa gawain ng Diyos habang umuusad ito, ang iginawad ng Diyos sa tao, ang Kanyang ginawa, ay ang siyang makakamit at malalaman ng tao. Pero labas doon, walang kakayahan ang sangkatauhan na maunawaan o malaman ang mga hindi ginawa ng Diyos, ang hindi Niya sinabi, at ang hindi Niya inilantad. Gayunpaman, kung titingnan ang obhektibong sitwasyon at ang mas malaking larawan, nang umusad ang sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon, noong Kapanahunan ng Biyaya, ang kanilang pag-unawa ay limitado lang doon, at limitado lang din doon ang gawain ng Diyos. Ito ay dahil ang kailangan ng sangkatauhan, na nanggaling sa Kapanahunan ng Kautusan, ay hindi ang makastigo at mahatulan, ni hindi ang malupig, at lalong hindi ang maperpekto. Isa lamang ang kailangan ng sangkatauhan noong panahong iyon. Ano iyon? Isang handog para sa kasalanan, ang mahalagang dugo ng Diyos. Ang mahalagang dugo ng Diyos—ang handog para sa kasalanan na iyon ay ang tanging kinailangan ng sangkatauhan nang sila ay umalis sa Kapanahunan ng Kautusan. Kaya, sa panahong iyon, dahil sa mga pangangailangan at aktuwal na sitwasyon ng sangkatauhan, ang gawaing kinailangang gawin ng Diyos noon ay ang ialay ang mahalagang dugo ng sarili Niyang katawang-tao bilang handog para sa kasalanan. Iyon lamang ang tanging paraan upang tubusin ang sangkatauhan ng Kapanahunan ng Kautusan. Gamit ang Kanyang mahalagang dugo bilang bayad at bilang handog para sa kasalanan, inalis ng Diyos ang kasalanan ng sangkatauhan. At nang maalis na ang kanilang kasalanan, saka lamang nagkaroon ng katayuan ang tao na humarap sa Diyos nang walang kasalanan, at tanggapin ang Kanyang biyaya at ang Kanyang patuloy na patnubay. Ang mahalagang dugo ng Diyos ay inihandog sa sangkatauhan, at dahil ito ay inihandog para sa sangkatauhan, maaari nang matubos ang sangkatauhan. Yamang katutubos pa lang sa sangkatauhan, ano kaya ang mauunawaan nila noon? Yamang katutubos pa lang sa sangkatauhan, ano kaya ang kanilang kailangan noon? Hindi magkakaroon ng kakayahan ang sangkatauhan na makatanggap kung sila ay agad na nilupig, hinatulan, at kinastigo. Wala silang gayong kakayahan na tumanggap, ni wala rin sila sa kondisyon para maunawaan ang lahat ng ito. Kaya, bukod sa handog para sa kasalanan ng Diyos, gayundin sa Kanyang biyaya, mga pagpapala, pagpaparaya, pagtitimpi, awa, at mapagmahal na kabaitan, sa kalagayan ng sangkatauhan noong panahong iyon, wala silang kakayahang tumanggap ng higit pa sa iilang simpleng hinihingi ng Diyos sa pag-uugali ng tao. Ang mga iyon lamang, wala nang hihigit pa. Para naman sa lahat ng katotohanan na may mas malalim na impluwensya sa kaligtasan ng tao—kung aling mga maling ideya at pananaw mayroon ang sangkatauhan; anong mga tiwaling disposisyon ang mayroon sila; anong mga diwa ng pagrerebelde laban sa Diyos ang mayroon sila; ano ang diwa ng tradisyonal na kultura na itinataguyod ng sangkatauhan, gaya ng pinagbahaginan natin kamakailan; kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; at iba pa—noong panahong iyon, hindi magagawa ng sangkatauhan na maunawaan ang kahit na ano. Sa gayong mga sitwasyon, mapagsasabihan at mahihingan lamang ng Diyos ang sangkatauhan sa mga pinakasimpleng paraan, sa mga pinakadirektang paraan, gamit ang mga pinakapayak na hinihingi para sa pag-asal. Samakatuwid, ang sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay biyaya lamang ang matatamasa, at matatamasa nila nang walang limitasyon ang mahalagang dugo ng Diyos bilang handog para sa kasalanan. Gayunpaman, sa Kapanahunan ng Biyaya, naisakatuparan na ang pinakadakilang bagay. At ano iyon? Ang mga kasalanan ng sangkatauhan, na siyang ililigtas ng Diyos, ay napatawad na ng mahalagang dugo ng Diyos. Ito ay isang bagay na nararapat na ipagdiwang; ito ang pinakadakilang bagay na ginawa ng Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya. Bagama’t napatawad na ang kasalanan ng tao, at hindi na haharap ang tao sa Diyos nang may makasalanang imahe o bilang isang makasalanan, at sa halip ay napatawad na sa kanyang mga kasalanan dahil sa handog para sa kasalanan at ngayon ay kwalipikado nang humarap sa Diyos, ang ugnayan ng tao sa Diyos ay hindi pa rin katulad ng ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha. Hindi pa ito ang ugnayan ng isang nilikhang sangkatauhan at ng Lumikha. Ang sangkatauhan sa ilalim ng biyaya ay malayong-malayo pa rin sa papel na hinihingi ng Diyos sa kanila, ang maging pinuno at tagapangasiwa ng lahat ng bagay. Kaya, kinailangang maghintay ng Diyos; kinailangan Niyang maging mapagtimpi. Ano ang kahulugan ng paghihintay ng Diyos? Nangangahulugan ito na magpapatuloy ang sangkatauhan noon na mamuhay sa gitna ng mga biyaya ng Diyos, sa gitna ng iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya. Nais ng Diyos na hindi lamang kakaunti ang mailigtas Niya, o iisang lahi lang; ang Kanyang pagliligtas ay hinding-hindi limitado sa iisang lahi o iisang denominasyon. Kaya, ang Kapanahunan ng Biyaya ay dapat na danasin sa loob ng libu-libong taon, gaya lamang ng Kapanahunan ng Kautusan. Kinailangan na patuloy na mamuhay ang sangkatauhan sa bagong kapanahunan na pinamumunuan ng Diyos, sa kada taon, at sa kada henerasyon. Ilang panahon ang dapat danasin ng tao sa ganitong paraan—ilang pagbabago sa mga bituin, ilang pagkatuyo ng mga dagat at ilang pagguho ng mga bato, ilang mga karagatan ang magiging matabang lupa, at kailangan nilang danasin ang iba’t ibang pagbabago ng sangkatauhan sa magkakaibang panahon, at ang iba’t ibang pagbabagong nangyayari sa gitna ng maraming bagay sa lupa. At habang dinaranas nila ang lahat ng ito, ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, at ang katunayan ng pagtutubos ng Panginoong Jesus sa sangkatauhan sa Kapanahunan ng Biyaya ay lumalaganap hanggang sa kaduluhan ng mundo, sa mga kalsada at eskinita, sa bawat kanto, hanggang sa makilala ang mga ito sa bawat kabahayan. At doon nakatakdang magtapos ang panahong iyon—ang Kapanahunan ng Biyaya, na sumunod sa Kapanahunan ng Kautusan. Ang gawaing ginawa ng Diyos sa panahong ito ay hindi ang maghintay lamang nang tahimik; habang Siya ay naghihintay, gumawa Siya ng gawain sa sangkatauhan ng Kapanahunan ng Biyaya sa iba’t ibang paraan. Ipinagpatuloy Niya ang Kanyang gawain ng pagpapala, nagbibigay ng pagpapala at mga biyaya sa sangkatauhan ng panahong ito, upang ang Kanyang mga kilos, gawain, salita, at ang mga katunayan ng Kanyang paggawa at kalooban sa Kapanahunan ng Biyaya ay mababalitaan ng bawat taong Kanyang ihihirang. Binigyan Niya ng kakayahan ang bawat tao na Kanyang hinirang na magamit ang Kanyang handog para sa kasalanan, upang hindi na sila haharap sa Kanya nang may makasalanang imahe, bilang mga makasalanan. At bagama’t ang ugnayan ng tao sa Diyos ay hindi na ang ugnayan sa isang taong hindi pa Siya nakikita, gaya noong Kapanahunan ng Kautusan, ngunit lumagpas na nang kaunti roon, at isa nang ugnayan sa pagitan ng mga nananalig at ng Panginoon, sa pagitan ng mga Kristiyano at ni Cristo, gayunpaman, hindi pa rin ito ang ugnayan na ninanais ng Diyos na maging ugnayan sa pagitan ng sangkatauhan at ng Diyos sa huli, sa pagitan ng mga nilikha at ng Lumikha. Ang ugnayan nila noon ay malinaw na malayo pa rin sa ugnayan ng mga nilikha at ng Panginoon ng paglikha, ngunit kung ikukumpara sa ugnayan ng sangkatauhan at ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan, malaki na ang naging pagsulong nito. Nagdulot ito ng kagalakan at pagdiriwang. Gayunpaman, kinailangan pa rin ng Diyos na akayin ang sangkatauhan; kinailangan Niyang akayin pasulong ang sangkatauhang puno ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at ng mga imahinasyon, kahilingan, hinihingi, pagrerebelde at paglaban sa kaibuturan ng kanilang puso. Bakit? Dahil maaaring alam nga ng gayong sangkatauhan ang pagtamasa sa biyaya ng Diyos, at maaaring alam nga nila na ang Diyos ay maawain at mapagmahal, pero labas doon, hindi nila alam ang pinakamahalagang aspeto sa tunay na pagkakakilanlan, katayuan, at diwa ng Diyos. Dahil dumaan na sa pagtitiwali ni Satanas ang gayong sangkatauhan, bagama’t tinamasa nila ang biyaya ng Diyos, ang kanilang diwa at iba’t ibang kuru-kuro at kaisipan sa kaibuturan ng kanilang puso ay nananatiling laban sa Diyos at salungat sa Kanya. Hindi alam ng tao kung paano magpasakop sa Diyos o kung paano gampanan ang tungkulin ng isang nilikha, lalong hindi nila alam kung paano maging isang nakalulugod na nilikha. Siyempre, mas lalong walang nakakaalam kung paano sambahin ang Panginoon ng paglikha. Kung ang maraming bagay ng mundo ay naipasa sa tiwaling sangkatauhan, at gayon ang antas ng pagkakatiwali sa kanila, parehas lang ito sa pagpapasa sa kanila kay Satanas. Parehong-pareho lang ang magiging kahihinatnan, nang walang pagkakaiba. Kaya, kinailangan pa rin ng Diyos na ipagpatuloy ang Kanyang gawain, na patuloy na akayin ang sangkatauhan papunta sa susunod na yugto ng Kanyang gawain na gagawin. Ang yugtong iyon ay isang bagay na matagal na hinintay ng Diyos, isang bagay na kinasabikan Niya nang mahabang panahon, at isang bagay na binayaran Niya ng Kanyang pagtitimpi sa loob ng mahabang panahon.

Ngayong natamasa na ng sangkatauhan ang sapat at maraming biyaya ng Diyos sa wakas, ang mundo at sangkatauhang ito, gaya ng makikita sa anumang anggulo, ay umabot na sa antas kung saan gagawin na ng Diyos ang Kanyang tunay na gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Dumating na sila sa panahon kung kailan lulupigin at kakastiguhin at hahatulan ng Diyos ang sangkatauhan, kung kailan ipapahayag Niya ang maraming katotohanan upang gawing perpekto ang sangkatauhan, at magkamit ng isang grupo mula sa sangkatauhan na magiging tagapangasiwa ng lahat ng bagay sa gitna ng mga iyon. Dahil dumating na ang panahong ito, hindi na kailangan ng Diyos na magtimpi, ni hindi na Niya kailangang patuloy na akayin ang sangkatauhan ng Kapanahunan ng Biyaya na mamuhay sa biyaya. Hindi na Niya kailangang patuloy na tustusan, ipastol, bantayan, o panatilihin ang sangkatauhan ng Kapanahunan ng Biyaya; hindi na Niya kailangang tustusan ng biyaya at mga pagpapala ang sangkatauhan, nang walang kapaguran at walang pag-aalinlangan; hindi na Niya kailangan na walang pag-aalinlangang magtimpi sa sangkatauhan sa biyaya, habang sakim at walang hiya nilang hinihingi ang Kanyang biyaya ng hindi man lang Siya sinasamba. Sa halip, ang gagawin ng Diyos ay ang ipahayag ang Kanyang kalooban, disposisyon, ang tunay na tinig ng Kanyang puso, at ang Kanyang diwa. Sa panahong ito, habang tinutustusan ng Diyos ang sangkatauhan ng maraming katotohanan at salita na kailangan nila, nagpapakita at nagpapahayag din Siya ng Kanyang totoong disposisyon—isang matuwid na disposisyon. At sa pagpapahayag Niya ng Kanyang matuwid na disposisyon, hindi Siya naghahandog ng iilang parirala ng paghatol at pagkondena nang wala sa loob at pagkatapos ay tapos na Siya rito; sa halip, gumagamit Siya ng mga katunayan para ibunyag ang katiwalian, diwa, at satanikong kapangitan ng sangkatauhan. Ibinubunyag Niya ang pagrerebelde, paglaban, at pagtanggi ng sangkatauhan sa Kanya, gayundin ang kanilang iba’t ibang kuru-kuro at pagkakanulo sa Kanya. Sa panahong ito, marami sa Kanyang ipinapahayag ang lampas sa awa at mapagmahal na kabaitan na iginagawad Niya sa sangkatauhan: Pagkamuhi, pagkasuklam, pagkayamot, at pagkondena ang nararamdaman Niya sa sangkatauhan. Hindi handa ang sangkatauhan sa biglaan at ganap na pagbabagong ito sa disposisyon at tindig ng Diyos, at dahil dito ay hindi nila magawang tumanggap. Ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon at ang Kanyang mga salita nang kasinglakas ng isang kidlat. Siyempre, tinutustusan din Niya ang lahat ng pangangailangan ng sangkatauhan nang may labis na pagtitimpi at pagpaparaya. Sa iba’t ibang paraan at mula sa iba’t ibang anggulo, sinasabi at ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon sa sangkatauhan sa pinakaangkop, wasto, kongkreto, at direktang paraan na alinsunod sa Kanyang tindig bilang Lumikha sa kung paano dapat tratuhin ang mga nilikha. Gayon ang mga gawi, pananalita, at gawain na inaasam-asam ng Diyos sa loob ng anim na libong taon. Anim na libong taon ng pananabik; anim na libong taon ng paghihintay—tumutukoy ito sa anim na libong taong pagtitimpi ng Diyos, na naglalaman ng Kanyang anim na libong taon ng pananabik. Ang sangkatauhan ay ang sangkatauhan pa rin na nilikha ng Diyos, ngunit matapos dumaan sa anim na libong taon ng pagbabago na walang humpay, na nakakapagpapalipat-lipat ng mga bituin, at nakapagpapatuyo ng mga dagat, hindi na sila ang sangkatauhan, na may parehong diwa, na katulad ng nilikha ng Diyos sa simula. Kaya naman, sa pagsisimula ng Diyos ng gawain sa araw na ito, nasusuklam ang Diyos sa sangkatauhan na nakikita Niya ngayon bagama’t ito rin naman ang Kanyang inaasahan, at siyempre, masyado itong nakakalungkot na makita para sa Diyos. Tatlong bagay ang tinalakay Ko rito; naaalala ba ninyo ang mga ito? Ang gayong sangkatauhan, bagama't sila ang inaasahan ng Diyos, sila ay kinasusuklaman din Niya. Ano iyong isa pa? (Masyado itong nakakalungkot na makita para sa Diyos.) Masyado rin itong nakakalungkot na makita para sa Diyos. Sabay-sabay na nasa loob ng tao ang tatlong bagay na ito. Ano ba ang inaasahan ng Diyos? Na pagkatapos maranasan ng gayong sangkatauhan ang kautusan at pagtutubos, sa wakas ay darating sila sa kasalukuyan nang may pundasyon ng pagkaunawa sa mga pundamental na kautusan at utos na dapat itaguyod ng tao, at hindi na sila magiging simpleng sangkatauhan na may kahungkagan sa kaibuturan ng kanilang puso, gaya nina Adan at Eba. Sa halip, magkakaroon na sila ng mga bagong kaalaman sa kanilang puso. Iyon ang mga bagay na inaasahan ng Diyos na tataglayin ng sangkatauhan. Subalit, kasabay nito, ang sangkatauhan ay ang sangkatauhan na kinamumuhian din ng Diyos. Kung gayon, ano ba ang kinamumuhian ng Diyos? Lahat ba kayo ay hindi alam ito? (Ang pagrerebelde at paglaban ng tao.) Ang tao ay puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas, namumuhay nang nakaririmarim na buhay, hindi bilang tao at hindi rin bilang demonyo. Hindi na gayon kasimple ang tao gaya ng dati na hindi nito matatanggihan ang pang-aakit ng ahas. Bagama’t ang sangkatauhan ay may sariling kaisipan at pananaw, sariling mga opinyon, at sariling paraan ng pagharap sa iba’t ibang kaganapan at bagay, talagang wala sa pananaw ng sangkatauhan sa mga tao at bagay-bagay, o sa kanilang asal at kilos, ang alinsunod sa ninanais ng Diyos. Nakapag-iisip at may pananaw ang sangkatauhan, at mayroon silang mga batayan, kaparaanan, at saloobin para sa kanilang mga kilos, pero lahat ng tinataglay nilang ito ay nagmula sa pagtitiwali ni Satanas. Lahat ng ito ay nakabatay sa mga pananaw at pilosopiya ni Satanas. Kapag lumalapit ang tao sa Diyos, walang bakas ng pagpapasakop sa Diyos sa kanilang puso, wala ring anumang sinseridad. Ang tao ay nilamon na ng mga lason ni Satanas at napuno ng edukasyon, kaisipan, at tiwaling disposisyon nito. Ano ang ipinahihiwatig nito? Kailangang magsabi ang Diyos ng maraming salita at gumawa ng maraming gawain para mabago ng tao ang pag-iral at saloobin niya sa Diyos—at siyempre, ang mas partikular, upang mabago ang kanyang mga gawi at pamantayan sa kanyang pananaw sa mga tao at bagay, at sa kanyang asal at kilos. Bago umepekto ang lahat ng ito, ang sangkatauhan ang kinamumuhian ng Diyos. Ano ang kailangan ng Diyos kapag inililigtas Niya ang kinamumuhian Niya? Nagagalak ba ang puso Niya? Masaya ba Siya? Panatag ba Siya? (Hindi.) Hinding-hindi Siya panatag, at hindi rin Siya masaya. Ang puso niya ay puno ng pagkamuhi. Ang tanging gagawin ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, maliban sa pagsasalita, pagsasalita nang walang kapaguran, ay ang magtimpi. Ito ang pangalawang elemento sa damdamin ng Diyos sa gayong sangkatauhan, mula sa Kanyang pananaw—ang pagkamuhi. Ang pangatlong elemento ay ang masyadong nakakalungkot na makita ang mga taong ito. Kung isasaalang-alang ang orihinal na intensyon ng Diyos sa paglikha ng sangkatauhan, ang ugnayan ng Diyos sa sangkatauhan ay gaya ng ugnayan ng magulang at anak, gaya ng magkapamilya. Ang dimensyong ito ng ugnayan ay maaaring hindi katulad ng ugnayan ng mga taong magkakadugo, ngunit para sa Diyos, mas higit ito sa ugnayan sa laman ng magkakadugo. Ang sangkatauhan, na inisyal na nilikha ng Diyos, ay ganap na iba sa wangis ng sangkatauhan na nakikita Niya sa mga huling araw. Sa simula, simple at walang muwang ang wangis ng tao, at bagama’t siya ay ignorante, dalisay at malinis ang kanyang puso. Makikita sa kanyang mata ang kalinawan at sinseridad sa kaibuturan ng kanyang puso. Hindi niya taglay ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na taglay ng tao ngayon; wala siyang pagmamatigas, kayabangan, kasamaan, o panlilinlang, at tiyak na wala siyang disposisyon ng pagiging sawa na sa katotohanan. Sa salita at kilos ng tao, sa kanyang mga mata, sa kanyang mukha, makikita na ang yaong sangkatauhan ang siyang nilikha ng Diyos sa simula at ang Kanyang pinaboran. Pero sa huli, nang tingnan muli ng Diyos ang sangkatauhan, hindi na ganoon kalinaw ang kaibuturan ng puso ng tao, at hindi na ganoon kalinaw ang kanyang mga mata. Ang puso ng tao ay puno ng tiwaling disposisyon ni Satanas, at kapag nakakaharap niya ang Diyos, ang kanyang mukha, pananalita, at mga kilos ay kasuklam-suklam sa Diyos. Gayunpaman, may isang katunayan na hindi maitatanggi ninuman, at dahil sa katunayang ito kaya nasasabi ng Diyos na ang gayong sangkatauhan ay masyadong nakakalungkot makita. Ano ang katunayang iyon? Ito iyon, at hindi ito maitatanggi ninuman: Ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhang ito, na muling lumapit sa harapan Niya, gamit ang sarili Niyang kamay, pero hindi na sila ang dating sangkatauhan noong simula. Ang mga mata, iniisip at maging ang kaibuturan ng puso ng tao ay puno ng paglaban at pagkakanulo sa Diyos; ang mga mata, iniisip at maging ang kaibuturan ng puso niya ay nagpapakita ng disposisyon ni Satanas. Hayagan at likas na nalalantad ang mga satanikong disposisyon ng tao na pagmamatigas, kayabangan, panlilinlang, kasamaan, at pagkayamot sa katotohanan, mula sa kung paano siya makatingin at sa ekspresyon ng kanyang mukha. Kahit kapag nahaharap sa mga salita ng Diyos o kapag personal na kaharap ang Diyos, hayagang nalalantad sa ganitong paraan ang tiwali, satanikong disposisyon, at diwa ng tao na siyang ginawang tiwali ni Satanas. Isang parirala lamang ang makapaglalarawan sa kung ano ang ipinararamdam nito sa Diyos, at ang pariralang ito ay “masyadong nakakalungkot na makita.” Ang sangkatauhan na dumating sa kasalukuyan at sa panahong ito ay narating na ang antas ng mga hinihingi ng Diyos para sa ikatlo at panghuling yugto ng Kanyang gawain, ang pagliligtas sa sangkatauhan, kabilang dito ang mas masaklaw na kapaligiran ng tao, gayundin ang mga partikular na aspeto ng sitwasyon at kondisyon ng mga tao—gayunpaman, bagama’t puno ng pananabik ang Diyos sa sangkatauhang ito, puno rin Siya ng pagkamuhi sa mga ito. Siyempre, nararamdaman pa rin ng Diyos na masyado silang nakakalungkot na makita dahil paulit-ulit Niyang nakikita ang katiwalian ng sangkatauhan. Subalit ang nararapat na ipagdiwang ay hindi na kailangan ng Diyos na magtimpi at maghintay nang walang saysay sa tao. Ang kailangan Niyang gawin ay ang gawain na hinintay Niya sa loob ng anim na libong taon, na pinanabikan Niya nang anim na libong taon, at inasam Niya nang anim na libong taon: ang pagpapahayag ng Kanyang mga salita, disposisyon, at bawat katotohanan. Siyempre, nangangahulugan din ito na sa mga hinirang ng Diyos sa sangkatauhan, lilitaw ang isang grupo ng mga tao na matagal hinintay ng Diyos, na magiging mga tagapangasiwa ng lahat ng bagay at magiging pinuno ng lahat ng bagay. Kung titignan ang kabuuan ng sitwasyon, napakalayo ng lahat ng nangyari sa inaasahan; lahat ng nangyari ay masakit at malungkot. Pero ang pinakadahilan ng kasiyahan ng Diyos ay ang pagtatapos ng pagiging tiwali ng sangkatauhan dahil kay Satanas, nagtapos ito dahil sa paglipas ng panahon at pagbabago ng kapanahunan. Napagdaanan na ng sangkatauhan ang baptismo ng kautusan at ang pagtutubos ng Diyos; sa wakas, nakarating na sila sa panghuling hakbang ng gawain na gagawin ng Diyos: ang yugto kung saan ang sangkatauhan ay maililigtas bilang panghuling resulta ng kanilang pagtanggap sa pagkastigo, paghatol, at paglupig ng Diyos. Para sa sangkatauhan, walang duda na napakagandang balita nito, at para sa Diyos, tiyak na ito ay isang bagay na matagal nang inaasam. Paano man ito tingnan, ito ang pagdating ng pinakadakilang panahon ng lahat ng sangkatauhan. Paano man ito tingnan, kung isinasaalang-alang man ang katiwalian ng sangkatauhan, mga nauuso sa mundo, mga panlipunang istraktura, o pulitika ng sangkatauhan, o ang mga pinagkukunan ng buong mundo, o ang mga kasalukuyang sakuna, malapit na ang kahihinatnan ng sangkatauhan—nasa dulo na ang sangkatauhang ito. Subalit ito ang pinakamahalagang panahon sa gawain ng Diyos, ito ang panahon na pinakanararapat na alalahanin at ipagdiwang, at siyempre, ito rin ang pagdating ng pinakamahalaga at pinakakritikal na panahon, ang panahon kung kailan pagpapasyahan na ang kapalaran ng sangkatauhan, sa anim na libong taong gawain ng Diyos sa Kanyang plano ng pamamahala. Samakatuwid, anuman ang nangyari sa sangkatauhan, at gaano man katagal naghintay at nagtimpi ang Diyos, naging sulit ang lahat ng ito.

Balikan natin ang paksa na nilayon nating talakayin, “Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan.” Ang plano ng pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto ng gawain sa sangkatauhan. Natapos na Niya ang naunang dalawang yugto. Kung titignan ang mga nagdaang yugto bago ang kasalukuyan, ito man ang kautusan o ang mga utos, ang layon lamang ng mga ito ay ang tiyakin na itataguyod ng tao ang kautusan, mga utos, ang pangalan ng Diyos, ang pananampalataya sa kanyang puso, ang ilang mabubuting pag-uugali, at ang ilang prinsipyo. Sa esensya, bigo ang tao na maabot ang pamantayan ng hinihingi ng Diyos, ang maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay at maging pinuno ng lahat ng bagay. Hindi ba’t ganoon nga? Sa esensya ay bigo ang tao na maabot iyon. Kung ang tao, na dumaan na sa kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, ay pinagawa ng hinihingi sa kanya ng Diyos, magagawa lang niyang mapangasiwaan ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng kautusan o ng biyaya at mga pagpapala sa kanya noong Kapanahunan ng Biyaya. Malayong-malayo ito sa hinihingi ng Diyos na ang tao ay dapat maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay, at malayong-malayo ang tao sa pagsasakatuparan ng mga bagay na hinihingi sa kanya ng Diyos at sa mga responsabilidad at tungkulin na pinagagawa sa kanya ng Diyos. Sadyang hindi maabot o maisabuhay ng tao ang pamantayan ng hinihingi ng Diyos na dapat ang tao ay maging pinuno ng lahat ng bagay at maging pinuno ng susunod na kapanahunan. Kaya, sa huling yugto ng Kanyang gawain, ipinapahayag at sinasabi ng Diyos sa tao ang lahat ng aspeto ng lahat ng katotohanan at prinsipyo ng pagsasagawa na kailangan ng sangkatauhan, upang malaman ng tao kung ano ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos, kung paano niya dapat pakitunguhan ang lahat ng bagay, paano tingnan ang lahat ng bagay, paano maging tagapangasiwa ng lahat ng bagay, paano siya dapat mamuhay, at paano siya dapat mamuhay sa harap ng Diyos, bilang tunay na nilikha sa ilalim ng awtoridad ng Lumikha. Sa sandaling maunawaan ng tao ang mga bagay na ito, alam na rin niya kung ano ang mga hinihingi ng Diyos sa kanya; sa sandaling maisakatuparan niya ang mga bagay na ito, matutupad na rin niya ang mga pamantayan ng mga hinihingi ng Diyos sa kanya. Yamang ang kautusan, mga utos, at ang mga simpleng pamantayan para sa pag-uugali ay hindi maipapalit sa katotohanan, nagpapahayag ang Diyos ng napakaraming salita at katotohanan sa mga huling araw na may kaugnayan sa pagsasagawa, asal at kilos ng mga tao, at sa kanilang mga pananaw sa mga tao at bagay-bagay. Sinasabi ng Diyos sa tao kung paano tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at kung paano umasal at kumilos. Ano ang ibig sabihin ng pagsasabi nito ng Diyos sa tao? Nangangahulugan ito na hinihingi sa iyo ng Diyos na tingnan ang mga tao at bagay-bagay, at umasal at kumilos nang alinsunod sa lahat ng katotohanang ito, at na mamuhay sa mundo. Anuman ang uri ng tungkulin na ginagampanan mo at anumang uri ng atas ang tinatanggap mo sa Diyos, hindi nagbabago ang Kanyang hinihingi sa iyo. Sa sandaling maunawaan mo ang mga hinihingi ng Diyos, dapat mong isagawa, gampanan ang iyong tungkulin, at isakatuparan ang atas ng Diyos sa iyo alinsunod sa pagkaunawa mo sa Kanyang mga hinihingi, Siya man ay nasa tabi mo at sinusuri ka o hindi. Sa ganitong paraan lamang makatitiyak sa iyo ang Diyos bilang magiging tunay na pinuno ng lahat ng bagay, na kwalipikado, at karapatdapat sa Kanyang atas. Hindi ba’t may kaugnayan ito sa paksa ng kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? (May kaugnayan nga ito.) Nauunawaan na ba ninyo ngayon? Ito ang mga katunayan na isasakatuparan ng Diyos. Kaya, ang paghahangad sa katotohanan ay hindi lamang usapin ng pagwawaksi ng tiwaling disposisyon ng isang tao at ng hindi paglaban sa Diyos. May mas higit na kabuluhan at mas higit na halaga sa paghahangad sa katotohanan na binabanggit natin. Tunay na may kinalaman dito ang hantungan at kapalaran ng tao. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan? Sa mas simpleng usapin, ang tanong na ito ay natutugunan ng mga pinakabatayang doktrina na nauunawaan ng tao. Sa mas malawak na usapin, ang pangunahing dahilan ay, para sa Diyos, saklaw ng paghahangad sa katotohanan ang Kanyang pamamahala, mga inaasahan Niya sa sangkatauhan, at mga inaasam Niya na ipinagkakatiwala Niya sa sangkatauhan. Ito ay isang bahagi ng plano ng pamamahala ng Diyos. Makikita rito na kahit sino ka man at gaano ka man katagal nang nananalig sa Diyos, kung hindi mo hinahangad ang katotohanan o minamahal ito, hindi maiiwasan na ikaw ang mapapalayas sa huli. Napakalinaw nito. Gumagawa ang Diyos ng tatlong yugto ng gawain; mayroon na Siyang plano ng pamamahala simula ng likhain Niya ang sangkatauhan, at isa-isa Niyang isinakatuparan ang bawat yugto sa sangkatauhan, upang unti-unting akayin ang sangkatauhan papunta sa kasalukuyan. Napakadakila ng Kanyang taos-pusong pag-aaruga at napakalaki ng Kanyang ibinayad, at napakatagal ng Kanyang pagtitiis, para sa mithiin na ipaalam sa sangkatauhan ang mga katotohanang Kanyang ipinapahayag at ang bawat aspeto ng pamantayan ng Kanyang mga hinihingi, upang maging bahagi ang mga ito ng buhay at realidad ng tao. Para sa Diyos, napakahalagang usapin nito. Labis na matimbang ito para sa Diyos. Nagpahayag ng napakaraming salita ang Diyos, at bago Niya gawin ito, gumawa muna Siya ng maraming paghahanda. Kung sa huli ay hindi mo hahangarin o papasukin ang mga salitang ito ngayon na naipahayag na Niya ang mga ito, ano ang magiging tingin ng Diyos sa iyo? Anong uri ng gampanin ang ibibigay ng Diyos sa iyo? Napakalinaw nito. Kaya, ano man ang iyong kakayahan, o edad, o ilang taon ka man nang nananalig sa Diyos, ang bawat tao ay dapat na magsumikap tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Hindi mo dapat bigyang-diin ang anumang obhektibong batayan; dapat mong hangarin ang katotohanan nang walang pag-aalinlangan. Huwag sayangin ang iyong mga araw. Kung hahanapin at pagsusumikapan mo ang paghahangad sa katotohanan bilang ang dakilang usapin sa iyong buhay, maaaring ang katotohanang nakamit at naabot mo sa iyong paghahangad ay hindi ang ninanais mo. Pero kung sinasabi ng Diyos na bibigyan ka Niya ng hantungan depende sa saloobin mo sa iyong paghahangad at sa iyong sinseridad, napakaganda niyon! Huwag tumuon sa kung ano ang kahahantungan at kalalabasan mo sa ngayon. Huwag mong isipin at huwag mong itanong kung ano ang mangyayari at ano ang magaganap sa hinaharap, kung makakaiwas ka man sa sakuna at hindi mamamatay. Tumuon ka lang sa paghahangad sa katotohanan sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, sa pagganap nang maayos sa iyong tungkulin, sa pagtupad sa kalooban ng Diyos, sa pagiging karapatdapat sa anim na libong taong paghihintay ng Diyos, sa Kanyang anim na libong taon ng pananabik. Bigyan ng kaunting kapanatagan ang Diyos; hayaan Siyang makita na may pag-asa sa iyo, at hayaang matupad ang Kanyang mga kahilingan sa iyo. Sabihin mo sa Akin, tatratuhin ka ba nang hindi maganda ng Diyos kung gagawin mo ito? Siyempre, hindi! At kahit ang maging mga resulta ay hindi ang ninanais ng isang tao, paano niya dapat harapin ang katunayang iyon, bilang isang nilikha? Dapat siyang magpasakop sa lahat ng bagay sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, nang walang anumang personal na layon. Hindi ba’t ito ang pananaw na dapat taglayin ng mga nilikha? (Ito nga.) Iyan ang tamang pag-iisip. Sa puntong iyon ay tatapusin natin ang pagbabahaginan sa pangunahing dahilan kung bakit dapat hangarin ng tao ang katotohanan.