Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 9 (Ikalawang Bahagi)

Ano ang mga puntong natalakay natin tungkol sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? Ibuod natin. Ang diwa ng kasabihang ito ay tulad ng sa ibang mga kasabihan tungkol sa wastong asal. Ang lahat ng iyon ay naglilingkod sa uring namumuno at sa mga kaugaliang panlipunan—hindi ipinanukala ang mga iyon mula sa perspektibo ng pagkatao. Ang pagsasabing pinaglilingkuran ng mga moral na kasulatang ito ang uring namumuno at ang mga kaugaliang panlipunan ay maaaring lagpas-lagpas na sa saklaw ng dapat mong maunawaan at matamo sa pamamagitan ng iyong pananampalataya sa Diyos, bagaman medyo maaari itong makamit ng mga may nalalaman sa politika, agham panlipunan, at kaisipan ng tao. Mula sa perspektibo ng pagkatao, na ang ibig sabihin, mula sa sarili mong perspektibo, paano mo dapat harapin ang gayong mga bagay? Halimbawa, ipagpalagay nating dati ay naaresto, nakulong, at napahirapan ka dahil sa iyong pananampalataya. Sa loob ng ilang araw at gabi ay hindi ka pinatulog at labis kang pinahirapan ng malaking pulang dragon. Lalaki ka man o babae, nagdanas ang iyong katawan at isipan ng lahat ng uri ng pang-aabuso at pagpapahirap, at nainsulto, naalipusta, at naatake ka rin ng mga diyablong iyon gamit ang lahat ng uri ng masama at lapastangang wika. Matapos danasin ang pagpapahirap na ito, ano ang nararamdaman mo sa bansa at pamahalaang ito? (Pagkapoot.) Nagdudulot ito ng pagkapoot, pagkapoot sa sistemang panlipunang ito, pagkapoot sa namumunong partidong ito, at pagkapoot sa bansang ito. Dati ay nakararamdam ka ng matinding paggalang sa tuwing makakikita ka ng mga pulis ng estado, ngunit matapos sumailalim sa kanilang pag-uusig, pagpapahirap, at paglalapastangan, naglaho na ang dating pakiramdam ng paggalang na iyon, at napuno na ang iyong puso ng isang salita—poot. Poot sa kawalan nila ng pagkatao, poot sa lubos na kawalan nila ng prinsipyo, at poot sa pagkilos nila na tulad ng mga hayop at ng diyablong si Satanas. Kahit na nagdusa ka nang matindi sa pamamagitan ng pagpapahirap, paglalapastangan, at pang-iinsulto sa iyo ng mga pulis ng estado, nakita mo naman ang tunay nilang kulay, at nakita mo nang silang lahat ay mga halimaw na nasa katawan ng tao, at mga diyablong napopoot sa katotohanan at napopoot sa Diyos, kaya puno ka ng pagkapoot sa kanila. Hindi ito personal na pagkapoot o isang personal na hinaing, resulta ito ng malinaw na pagkakita sa kanilang masamang diwa. Hindi ito isang bagay na iyong naguniguni, nahinuha, o natukoy, ito ang lahat ng alaala mo sa kanilang pang-iinsulto, paglalapastangan, at pag-uusig sa iyo—pati na ang kanilang bawat gawi, kilos at salita—na pumupuno sa iyong puso ng pagkapoot. Normal ba ito? (Oo.) Sa sandaling mapuno ka ng pagkapoot, kapag may taong nagsabi sa iyo ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari. Huwag kang mabuhay sa pagkapoot. Ang pagpawi sa pagkapoot ang pinakamabuting paraan ng pagharap dito,” ano ang mararamdaman mo pagkarinig dito? (Masusuklam.) Ano pa bang ibang mararamdaman mo kundi masusuklam? Kaya sabihin mo sa Akin, posible bang mapawi ang pagkapoot na ito? (Hindi.) Hindi ito mapapawi. Paano mapapawi ang hindi malulutas na pagkapoot? Kung gagamitin ng sinuman ang kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” upang hikayatin kang bitiwan ang iyong pagkapoot, mabibitiwan mo ba ito? Ano ang magiging reaksyon mo? Ang unang magiging reaksyon mo ay “Huwad na kalokohan ang lahat ng ‘wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari’ na ito, mga iresponsableng komento ito ng mga walang ginagawang tagamasid! Araw-araw ay nang-uusig ng mga Kristiyano at mabubuting tao ang mga taong nagpapalaganap ng mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura—napipigilan at naaapektuhan ba sila ng mga salitang ito? Hindi sila titigil hangga’t hindi nila naitataboy o nalilipol ang bawat isa sa mga ito! Sila ang nagbabalatkayong diyablong si Satanas. Pinagmamalupitan nila ang mga tao habang nabubuhay pa ang mga ito, tapos kapag patay na ang mga ito ay bumibigkas sila ng ilang salita ng pakikiramay upang linlangin ang iba. Hindi ba’t napakasama niyon?” Hindi ba’t ganito ang magiging reaksyon at pakiramdam mo? (Oo.) Talagang ganito ang mararamdaman mo, kapopootan ang sinumang susubok na humikayat sa iyo, hanggang sa puntong nanaisin mo pa siyang isumpa. Ngunit hindi nakauunawa ang ilang tao. Sinasabi nila, “Bakit mo ba ito ginagawa? Hindi ba’t kamuhi-muhi ito? Hindi ba’t mapaminsala ito?” Mga iresponsableng komento ito mula sa mga walang ginagawang tagamasid. Tutugon ka: “Tao ako, mayroon akong dignidad at integridad, ngunit hindi nila ako tinratong parang tao. Sa halip ay tinrato nila akong parang hayop o halimaw, na lubhang nakakasakit sa integridad at dignidad ko. Hindi ba’t sila ang kamuhi-muhi? Tahimik mong tinatanggap ang pagiging kamuhi-muhi nila, subalit kapag nilalabanan at kinapopootan namin sila, kinokondena mo kami dahil dito. Ano ka kung ganoon? Hindi ba’t ikaw ang masama? Hindi nila tayo tinatratong parang tao, pinahihirapan nila tayo, ngunit sinasabi mo pa rin sa aming itaguyod ang wastong asal ng tao at suklian ang kasamaan ng kabutihan. Hindi ba’t kalokohan ang sinasabi mo? Normal ba ang pagkatao mo? Mapagpanggap at mapagpaimbabaw ka. Maliban sa masyado kang kamuhi-muhi, masama at wala ka ring kahihiyan!” Kaya, kapag mayroong nagpapalubag sa loob mo sa pamamagitan ng pagsasabing “Kalimutan mo na ito, tapos at nagdaan na iyon, huwag ka nang magkimkim ng mga hinaing. Kung ganito ka kababaw parati, ikaw ang masasaktan sa huli. Kailangang matutuhan ng mga taong bitiwan ang pagkapoot, at isagawa ang pagiging mabait hangga’t maaari,” ano ang maiisip mo tungkol doon? Hindi ba’t maiisip mo, “Ang buong tradisyonal na kulturang Tsinong ito ay isa lamang kasangkapang ginagamit ng uring namumuno upang linlangin at kontrolin ang mga tao. Sila mismo ay hindi kailanman napigilan ng mga ideya at pananaw na ito, bagkus ay nanlilinlang at malupit silang nananakit ng mga tao araw-araw. Isa akong taong may dignidad at integridad na walang pakundangang pinaglaruan at inabuso na parang isang hayop o halimaw. Nagdanas ako ng napakaraming insulto at panghahamak sa piling nila, at napahirapan at napagkaitan ng aking dignidad at integridad, hanggang sa magmistulang hindi na ako tao. Subalit nagsasalita ka pa tungkol sa moralidad? Sino ka upang magsabi ng mga bagay na matayog-pakinggan? Hindi pa ba sapat na minsan na akong napahiya, gusto mo pang pahiyain nila akong muli? Imposibleng bitiwan ko ang pagkapoot na ito!” Isa ba itong pagpapamalas ng normal na pagkatao? (Oo.) Isa itong pagpapamalas ng normal na pagkatao. Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ito isang pagpapamalas ng normal na pagkatao, pag-uudyok ito ng pagkapoot.” Kung ganoon, sino ang nagdulot sa pag-uugali ng taong ito at sa pagkapoot na ito? Alam mo ba? Kung hindi siya brutal na inusig ng malaking pulang dragon, aasal ba siya nang ganito? Inusig siya at sinasabi lamang niya ang laman ng isip niya—paano iyon naging pag-uudyok ng pagkapoot? Ganito na nga inuusig ng mga satanikong rehimen ang mga tao, gayunma’y hindi pa nila pinahihintulutan ang mga taong sabihin ang nasa isip nila? Inuusig na nga ni Satanas ang mga tao gayunma’y nais pa nitong itikom nila ang kanilang mga bibig. Hindi sila nito pinahihintulutang mapoot o lumaban. Anong uri ng pangangatwiran iyon? Hindi ba’t dapat lumaban ang mga taong may normal na pagkatao sa paniniil at pananamantala? Dapat ba ay maamo lamang silang magpasakop? Sa loob ng libu-libong taon ay ginawang tiwali at pininsala ni Satanas ang sangkatauhan. Sa sandaling maunawaan ng mga mananampalataya ang katotohanan, dapat na silang gumising, lumaban kay Satanas, ilantad ito, kapootan ito, at talikdan ito. Ito ang normal na pagkatao, at inorden ito ng Langit at kinilala ng lupa. Ito ang mabuti at matuwid na gawang dapat na magawa ng normal na pagkatao, at pinupuri ito ng Diyos.

Saang anggulo mo man tingnan, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na, “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari,” ay lubhang hindi makatao at kasuklam-suklam. Sinasabi nito sa mga tao ng uring pinamumunuan na huwag lumaban sa anumang hindi patas na pagtrato—kahit ano pang mga pag-atake, panghahamak, o mga pinsalang dinaranas ng kanilang integridad, dignidad, at karapatang pantao—kundi sa halip ay maging sunod-sunuran dito. Hindi sila dapat maghiganti, o mag-isip ng tungkol sa mga kamuhi-muhing bagay, lalong hindi ng tungkol sa pagganti, bagkus ay kailangan nilang siguraduhing maging mabait hangga’t maaari. Hindi ba’t hindi ito makatao? Malinaw namang hindi ito makatao. Yamang hinihingi nito sa uring pinamumunuan—mga pangkaraniwang tao—na gawin ang lahat ng ito at umasal nang may ganitong uri ng wastong asal, hindi ba dapat ay mahigitan pa ng wastong asal ng uring namumuno ang kinakailangang ito? Isa ba itong bagay na dapat ay higit pa silang maobligang gawin? Nagawa na ba nila ito? Kaya ba nila itong gawin? Ginamit ba nila ang kasabihang ito upang pigilan at sukatin ang kanilang sarili? Ginamit ba nila ang kasabihang ito sa pagtrato nila sa kanilang mga nasasakupan, sa mga taong pinamumunuan nila? (Hindi.) Kailanman ay hindi pa nila ito nagagawa. Sinasabihan lang nila ang kanilang mga nasasakupan na huwag tingnan nang may animosidad ang lipunang ito, ang bansang ito, o ang uring namumuno, at na anumang hindi patas na pagtrato ang danasin ng mga ito sa lipunan o sa pamayanan ng mga ito, at kahit gaano pa magdusa ang mga ito nang pisikal, mental at espirituwal, kailangang matutuhan ng mga ito na maging mabait hangga’t maaari. Sa kabaligtaran, kung ang mga ordinaryong tao—mga pangkaraniwang mamamayan sa kanilang mga mata—ay “hihindi” sa kanila, o magkakaroon ng anumang taliwas na opinyon at ipahahayag ang tungkol sa katayuan, pamamahala, at awtoridad ng uring namumuno, mahigpit na mapangangasiwaan ang mga ito, at matindi pa ngang maparurusahan. Ito ba ang wastong asal na dapat taglayin ng uring namumuno, na nagpapanukala sa mga tao ng “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari?” Kung sa mga pangkaraniwang mamamayan ng uring pinamumunuan ay magkakaroon ng pinakamaliit na problema o pinakamaliit na pagbabago, o kung magkakaroon ng pinakabahagyang paglaban sa kanila sa isipan ng mga tao, susugpuin ito hangga’t maaga. Kinokontrol nila ang puso at isip ng mga tao, at pinupwersa ang mga taong magpasakop sa kanila nang walang kompromiso. Katulad lamang ito ng mga kasabihang “Kapag iniuutos ng emperador sa mga opisyal niya na sila ay mamatay, wala silang magagawa kundi ang mamatay,” at “Ang lahat ng lupain sa ilalim ng kalangitan ay pagmamay-ari ng hari, ang lahat ng tao sa mundo ay nasasakupan ng hari.” Ang katumbas nito ay na ang anumang ginagawa ng namumuno ay tama, at dapat niyang malinlang, makontrol, mainsulto, mapaglaruan, mayurakan, at sa wakas ay madaig ang mga tao; at na kahit ano pang gawin ng uring pinamumunuan, tama sila, at hangga’t nabubuhay ang mga tao, kailangan ng mga itong maging masusunuring mamamayan, at kailangan ay hindi maging taksil sa hari. Kahit gaano pa kasama ang hari, kahit gaano pa kasama ang kanyang pamumuno, kailangan ay hindi “humindi” sa kanya ang mga pangkaraniwang tao, at hindi magkaroon ng mga kaisipan ng paglaban, at kailangan ay ganap na sumunod. Yamang “ang lahat ng tao sa mundo ay nasasakupan ng hari,” ibig sabihin, ang mga pangkaraniwang taong pinamumunuan ng hari ay kanyang mga nasasakupan, hindi ba dapat ay maging huwaran ang hari ng kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari” sa mga pangkaraniwang tao? Dahil ang mga pangkaraniwang tao ay hangal, mangmang, walang alam, at hindi nakauunawa ng batas, madalas silang gumagawa ng ilang bagay na labag sa batas at masama. Kaya, hindi ba’t ang hari ang dapat na mauna sa lahat na gumamit sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? Ang pagiging mabait sa mga pangkaraniwang tao tulad ng ginagawa niya sa sarili niyang mga anak—hindi ba’t iyon ang dapat na gawin ng isang hari? Hindi ba dapat ay magkaroon din ng gayong kabutihang-loob ang isang hari? (Oo.) Kaya hinihingi ba niya ito sa kanyang sarili? (Hindi.) Nang ipag-utos ng mga hari ang pagsupil sa mga paniniwala ng relihiyon, hiningi ba nila sa kanilang mga sarili na sumunod sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? Nang brutal na usigin at pahirapan ng kanilang kasundaluhan at kapulisan ang mga Kristiyano, hiniling ba nila sa kanilang pamahalaang sumunod sa kasabihang “Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”? Kailanman ay hindi nila hiniling sa kanilang pamahalaan o sa kanilang kapulisan na gawin iyon. Sa halip, inudyukan at pinilit nila ang pamahalaan at ang kapulisan na mahigpit na supilin ang mga paniniwala ng relihiyon, at nagpalabas pa nga ng mga kautusang may pagkakatulad sa “bugbugin ninyo sila hanggang sa sila ay mamatay nang hindi kayo naparurusahan” at “wasakin ninyo sila nang walang kaingay-ingay,” na nagpapakita na ang mga hari ng masamang mundong ito ay mga diyablo, sila ay mga haring diyablo, sila ay si Satanas. Ang mga opisyal lamang ang pinahihintulutan nilang magsindi ng mga apoy, ngunit hindi nila pinahihintulutan ang mga taong magsindi kahit ng mga ilawan. Ginagamit nila ang mga tradisyonal na kasabihang ito tungkol sa wastong asal upang limitahan at pigilan ang mga tao, sa takot na titindig ang mga tao laban sa kanila. Kaya naman, gumagamit ang uring namumuno ng lahat ng uri ng kasabihan tungkol sa wastong asal upang linlangin ang mga tao. Iisa lamang ang kanilang layunin, ang limitahan at igapos ang mga kamay at paa ng mga tao, nang sa gayon ay magpasakop ang mga tao sa kanilang pamamahala, at hindi nila pinalalampas ang anumang paglaban. Ginagamit nila ang mga teoryang ito tungkol sa wastong asal upang matuliro at malinlang ang mga tao, dinadaya ang mga ito upang yumukod ang mga ito at maging masusunuring mamamayan. Kahit gaano pa makaiwas sa kaparusahan at mangyurak ng mga tao ang uring namumuno, kahit gaano pa sila maniil at manamantala ng mga tao, magiging sunod-sunuran lamang dito ang mga tao, at hindi talaga makalalaban ang mga ito. Maging kapag nahaharap sa kamatayan, nagagawa lang piliin ng mga taong tumakas. Hindi sila makalaban, ni mangahas man lamang na magkaroon ng mga saloobin ng paglaban. Ni hindi sila makatingin sa mga asarol at karit o mapanatili ang mga iyon sa kanilang tabi, ni hindi rin sila makapagdala ng mga lanseta at panggupit ng kuko, sa layong ipakita na masusunurin silang mamamayan, at na palagi silang magpapasakop sa pamamahala ng hari at maging tapat sa hari magpakailanman. Hanggang saan dapat umabot ang kanilang katapatan? Walang sinumang nangangahas magsabing, “Bilang mga mamamayan, kailangan nating gamitin ang mga ideya at pananaw ng tradisyonal na kultura upang pangasiwaan at higpitan ang ating hari,” at walang sinumang nangangahas na magpanukala ng kahit bahagyang naiibang opinyon kapag natutuklasan niyang gumagawa ng kasamaan ang hari, kung hindi ay mapapatay siya dahil dito. Napakalinaw na, ang tingin ng namumuno sa kanyang sarili ay hindi lamang hari ng mga tao, kundi kataas-taasang tagapamahala at tagakontrol din ng mga tao. Sa kasaysayang Tsino, tinatawag ng mga emperador na ito ang kanilang sarili bilang “Tianzi.” Ano ang kahulugan ng “Tianzi”? Ang kahulugan nito ay anak ng selestiyal na langit, o “ang Anak ng Langit” sa madaling salita. Bakit hindi nila tinawag na “Anak ng Lupa” ang kanilang sarili? Kung ipinanganak sila sa lupa ay dapat silang maging mga anak ng lupa, at yamang malinaw na ipinanganak sila sa lupa, bakit nila tinatawag ang kanilang sariling “Anak ng Langit?” Ano ang layunin ng pagtawag sa kanilang sariling Anak ng Langit? Ito ba ay dahil gusto nilang hamakin ang lahat ng mga buhay na nilikha at ang mga pangkaraniwang mamamayang ito? Ang paraan ng kanilang pamumuno ay pagkontrol sa mga tao gamit ang kapangyarihan at katayuan higit sa anupaman. Na ang ibig sabihin, nang maupo sila sa kapangyarihan at maging emperador, balewala sa kanila ang pagkilos nang hindi isinasaalang-alang ang mga tao, at isinasapanganib ang mga tao sa pagkakabitay dahil sa pagpapakita ng kaunting-kaunting pag-aatubili. Gayon nabuo ang titulong “Anak ng Langit.” Kung sasabihin ng emperador na siya ay Anak ng Lupa, magmumukhang mababa ang kanyang katayuan, at hindi siya magkakaroon ng pagiging maharlika na sinasabi niyang dapat taglayin ng isang hari, hindi rin niya masisindak ang uring pinamumunuan. Kaya, itinaas niya ito, sinasabing siya ang Anak ng Langit, at ninanais niyang kumatawan sa Langit. Maaari ba siyang kumatawan sa Langit? Taglay ba niya ang diwang iyon? Kung ipipilit ng isang taong kumatawan sa Langit nang hindi nagtataglay ng diwa upang gawin iyon, pagpapanggap iyon. Sa isang banda, tinitingnan ng mga namumunong ito ang Langit at ang Diyos nang may animosidad, ngunit sa kabilang banda, nagkukunwari silang sila ang Anak ng Langit, at na may mandato sila ng Langit, upang mapadali ang kanilang pamamahala. Hindi ba’t kawalang kahihiyan ito? Sa pagtingin sa mga katunayang ito, ang layunin ng iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal na ipinalalaganap sa sangkatauhan ay limitahan ang normal na pag-iisip ng mga tao, igapos ang kanilang mga kamay at paa, limitahan ang kanilang pag-uugali, at limitahan pa nga ang iba’t iba nilang kaisipan, pananaw at pagpapamalas sa saklaw ng normal na pagkatao. Sa pagtingin sa ugat nito, ang layon ng mga ito ay makabuo ng mabubuting kaugaliang panlipunan at panlipunang moralidad. Siyempre, sa pagkakamit ng epektong ito ay napaglilingkuran din ng mga ito ang ambisyon ng uring namumuno na mamuno sa loob ng mahabang panahon. Ngunit kahit papaano pa sila mamahala, sa huli ay ang sangkatauhan ang biktima. Nalilimitahan at naiimpluwensyahan ang sangkatauhan ng iba’t ibang ideya at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura. Maliban sa nawalan na ang mga tao ng pagkakataong marinig ang ebanghelyo at matanggap ang pagliligtas ng Diyos, nawalan din sila ng pagkakataong hanapin ang katotohanan at tahakin ang tamang landas sa buhay. Bukod pa roon, sa ilalim ng kontrol ng mga namumuno, walang magagawa ang mga tao kundi tanggapin ang maraming uri ng lason, maling paniniwala at pag-iisip, at ibang negatibong bagay na mula kay Satanas. Sa huling ilang libong taon ng mahabang kasaysayan ng sangkatauhan, naturuan, nataniman, at nalinlang ni Satanas ang sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kaalaman at paghahasik ng iba’t ibang ideolohikal na teorya, na ang resulta ay lubos na naimpluwensyahan at nalimitahan ang mga henerasyon ng tao ng mga ideya at pananaw na ito. Siyempre, sa ilalim ng mga ideya at pananaw na ito mula kay Satanas, tumitindi at lumalala ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Na ang ibig sabihin, sa batayang ito ay nalinang at “napino” ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at malalim nang nag-ugat sa puso ng mga tao, nagdudulot sa kanilang tanggihan ang Diyos, labanan ang Diyos, at malugmok sa kasalanan kung saan hindi sila makaalis. Tungkol naman sa pagkabuo ng kasabihang ito tungkol sa wastong asal—“Wala nang silbi ang pagpupugot ng mga ulo; maging mabait hangga’t maaari”—pati na ang mga layon sa pagpapanukala sa kinakailangang ito, ang pinsalang nagawa sa mga tao mula nang mabuo ang kasabihang ito tungkol sa wastong asal, at lahat ng iba’t iba pang aspeto, hindi natin pagbabahaginan ang mga bagay na ito ngayon, at maaari kayong gumugol ng oras mamaya upang higit na pag-isipan ang mga ito para sa inyong mga sarili.

Hindi na bago sa mga Tsino ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal sa tradisyonal na kultura, ngunit ang mga ito ay hindi biglaang nakaiimpluwensya sa mga tao. Nabubuhay ka sa ganitong uri ng kapaligirang panlipunan, natanggap mo ang ganitong uri ng ideolohikal na pagtuturo tungkol sa mga aspeto ng tradisyonal na kultura at moralidad, at pamilyar ka na sa mga bagay na ito, ngunit kailanman ay hindi mo naisip na maaaring magkaroon ng lubhang negatibong epekto ang mga bagay na ito. Gaano ka ba katinding mahahadlangan ng mga bagay na ito sa pagsampalataya sa Diyos, sa paghahangad sa katotohanan, at sa pagpasok sa mga realidad ng katotohanan, o gaano ba kalaki ang magiging impluwensiya o hadlang ng mga ito sa landas na tatahakin mo sa hinaharap? May kamalayan ba kayo sa mga problemang ito? Dapat ay higit pa ninyong pag-isipan at kilatisin ang paksang pinagbahaginan natin ngayong araw, upang magtamo kayo ng lubos na pagkaunawa sa papel na ginagampanan ng tradisyonal na kultura sa pagtuturo sa sangkatauhan, kung ano ito mismo, at kung paano ito dapat tratuhin nang tama ng mga tao. Makatutulong at kapaki-pakinabang ang mga bagay na ito na ating pinagbahaginan sa itaas upang maunawaan ninyo ang mga bagay sa tradisyonal na kultura. Siyempre, ang pagkaunawang ito ay hindi lamang pagkaunawa sa tradisyonal na kultura, kundi isa ring pagkaunawa sa paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan, at sa iba’t ibang paraan at diskarte kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at partikular pa ngang sa iba’t ibang pananaw na itinitimo nito sa mga tao, pati na sa iba’t ibang paraan at diskarte, pananaw, perspektibo, paningin at iba pa, kung paano nito tinatrato ang mundo at ang sangkatauhan. Matapos magtamo ng lubos na pagkaunawa sa mga bagay sa tradisyonal na kultura, ang dapat ninyong gawin ay hindi lamang iwasan at tanggihan ang iba’t ibang kasabihan at pananaw ng tradisyonal na kultura. Sa halip, mas partikular na dapat mong maunawaan at masuri kung ano ang pinsala, mga gapos at tanikalang naipataw sa iyo ng mga kasabihan tungkol sa wastong asal na iyong sinusunod at itinataguyod, at kung ano ang mga papel na nagampanan ng mga iyon sa pag-apekto, pag-abala, at paghadlang sa iyong mga kaisipan at pananaw tungkol sa pag-asal mo, pati na sa iyong pagtanggap sa mga salita ng Diyos at sa iyong paghahangad sa katotohanan, at sa gayon ay inaantala ka sa pagtanggap sa katotohanan, pag-unawa rito, pagsasagawa rito, at pagsunod sa Diyos nang lubos at ganap. Ang mga bagay na ito ang mismong dapat pagnilayan at mamalayan ng mga tao. Hindi maaaring basta mo na lamang iwasan o tanggihan ang mga iyon, kailangan ay magawa mong makilatis at lubos na maunawaan ang mga iyon, upang ganap mong mapalaya ang iyong isipan mula sa mga mapanlihis at nakaliligaw na bagay na ito sa tradisyonal na kultura. Kahit na hindi malalim na nag-ugat sa iyo ang ilang kasabihan tungkol sa wastong asal, bagkus ay paminsan-minsang nagpapamalas sa iyong pag-iisip at mga kuru-kuro, maaabala ka pa rin ng mga iyon nang panandalian o sa iisang pangyayari. Kung hindi mo makikilatis nang malinaw ang mga iyon, maaari pa ring maging medyo positibo o malapit sa katotohanan ang tingin mo sa ilang kasabihan at pananaw, at isa itong bagay na lubhang nakababahala. May mga partikular na kasabihan tungkol sa wastong asal na sa loob mo ay medyo gusto mo. Maliban sa sinasang-ayunan mo ang mga iyon sa puso mo, pakiramdam mo rin ay maipahahayag ang mga iyon sa publiko, na magiging interesado ang mga taong marinig ang mga iyon, at na tatanggapin nila ang mga iyon bilang mga positibong bagay. Walang dudang ang mga kasabihang ito ang pinakamahirap para sa iyong bitiwan. Kahit na hindi mo tinanggap ang mga iyon bilang katotohanan, sa loob mo ay kinikilala mong mga positibong bagay ang mga iyon sa iyong puso, at hindi mo namamalayang nag-uugat na ang mga iyon sa iyong puso at nagiging iyong buhay. Sa sandaling sumampalataya ka sa Diyos at tanggapin mo ang katotohanang ipinahayag ng Diyos, likas na lilitaw ang mga bagay na ito upang guluhin at hadlangan ka sa pagtanggap sa katotohanan. Ang lahat ng ito ay mga bagay na humahadlang sa mga tao sa paghahangad sa katotohanan. Kung hindi mo makikilatis nang malinaw ang mga iyon, madaling mapagkakamalang katotohanan ang mga bagay na ito at mabibigyan ng parehong katayuan, na maaaring magkaroon ng ilang negatibong epekto sa mga tao. Maaaring hindi mo itinuturing na katotohanan ang mga kasabihang ito—tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” “Maging masaya sa pagtulong sa iba,” at “Maging mahigpit sa iyong sarili at mapagparaya sa iba,” at na hindi mo itinuturing ang mga iyon bilang pamantayan sa pagsukat sa sarili mong wastong asal, at na hindi mo hinahangad ang mga iyon bilang mga mithiin sa pag-asal, ngunit hindi ito nangangahulugang hindi ka naimpluwensyahan at nagawang tiwali ng tradisyonal na kultura. Maaari ring isa kang taong walang pakialam sa maliliit na detalye, sa puntong wala kang pakialam kung ibubulsa mo ang pera na iyong pinulot o hindi, o kung magiging masaya ka sa pagtulong sa iba o hindi. Ngunit kailangan mong maunawaan at maging malinaw sa iyo ang isang bagay: Nabubuhay ka sa ganitong uri ng kapaligirang panlipunan at sa ilalim ng impluwensya ng isang tradisyonal na kultural at ideolohikal na pagtuturo, kaya hindi mo maiiwasang sundin ang mga kasabihang ito na ipinapanukala ng sangkatauhan, at gagamit ka ng kahit papaano ay ilan sa mga iyon bilang pamantayan mo sa pagsukat sa wastong asal. Ito ang dapat mong taimtim na pagnilayan. Maaari ring hindi mo ginagamit ang mga kasabihang tulad ng “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot” o “Maging masaya sa pagtulong sa iba” bilang pamantayan mo sa pagsukat sa wastong asal, ngunit sa kaibuturan ng iyong puso ay iniisip mong talagang marangal ang ibang kasabihang tulad ng “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” at ang mga iyon ay naging mga saligan na nakaiimpluwensya sa iyong buhay, o naging pinakamataas na pamantayan kung saan tinitingnan mo ang mga tao at bagay, at ikaw ay umaasal at kumikilos. Ano ang ipinakikita nito? Bagaman sa kaibuturan ng iyong puso ay hindi mo sinasadyang igalang o sundin ang tradisyonal na kultura, ang mga saligan mo ng pag-asal, ang mga paraan kung paano ka umaasal, at ang mga mithiin mo sa buhay, pati na ang mga prinsipyo, pamantayan, at saligan mo sa mga mithiin sa buhay na iyong hinahangad ay talagang hindi malaya sa tradisyonal na kultura. Hindi natakasan ng mga iyon ang mga prinsipyo ng kabutihang-loob, pagiging matuwid, kagandahang-asal, karunungan, at pagiging mapagkakatiwalaan na itinataguyod ng sangkatauhan, o kung anong saligan ng wastong asal na ipinapanukala ng sangkatauhan—hindi mo talaga natakasan ang mga limitasyong ito. Sa madaling salita, hangga’t isa kang tiwaling tao, isang buhay na tao, at kinakain mo ang pagkain sa mundo ng tao, ang mga prinsipyo ng pag-asal at buhay na iyong sinusunod ay walang iba kundi ang mga prinsipyo at saligang ito ng wastong asal mula sa tradisyonal na kultura. Dapat ninyong maunawaan ang mga salitang ito na sinasabi Ko at ang mga problemang ito na inilalantad Ko. Gayunpaman, marahil ay iniisip mo na wala sa iyo ang mga problemang ito, kaya wala kang pakialam sa sinasabi Ko. Ang totoo, taglay ng lahat ng tao ang mga problemang ito sa iba’t ibang antas, namamalayan mo man ito o hindi, at isa itong bagay na dapat na taimtim na pagnilayan at maunawaan ng mga sumasampalataya sa Diyos at naghahangad sa katotohanan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.