Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 16 (Unang Bahagi)

Pangunahin nating pinagbabahaginan at sinusuri ang diwa ng iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal, at sinusuri ang epekto ng iba’t ibang kasabihan sa mga tao. Ang iba’t ibang kasabihang ito tungkol sa wastong asal ay pangunahing kumakatawan sa magkakaibang antas ng epekto ng tradisyonal na kulturang Tsino sa mga tao, mga epektong patuloy na umiiral hanggang sa araw na ito. Aling kasabihan tungkol sa wastong asal ang pinagbahaginan at inilantad natin sa ating huling pagtitipon? (Noong nakaraan, ibinahagi at inilantad ng Diyos ang kasabihang “Ang salita ng isang ginoo ay ang kanyang garantiya.”) Kapag pinagbabahaginan natin ang mga kasabihang patungkol sa wastong asal, tinatalakay natin ang usapin ng pangkalahatang kapaligiran: Kahit na paano pa magbago ang panahon, o paano magbago ang kapaligiran ng ating lipunan, o paano magbago ang politikal na sitwasyon sa anumang bansa, lalong nagiging malinaw ang katiwaliang idinudulot ni Satanas sa sangkatauhan, sa mga kaisipan at wastong asal ng mga tao, at sa kaibuturan ng kanilang mga puso sa pamamagitan ng iba’t ibang salungat na pananampalataya at maling paniniwala ukol sa wastong asal na matatagpuan sa tradisyonal na kultura. Hindi nabawasan ang epekto ng pagiging mapaminsala ng tradisyonal na kultura sa sangkatauhan dahil sa nagbabagong panahon at sa mga pagbabago sa kapaligiran ng pamumuhay, at marami pa ring tao ang nagsisipi at nagsusulong ng iba’t ibang kasabihang hango sa tradisyonal na kultura, tinitingala ito bilang tradisyonal na pag-aaral na Tsino at bilang kasulatan. Malinaw na itinanim ni Satanas ang iba’t ibang kasabihan tungkol sa wastong asal sa kaibuturan ng puso ng mga tao at sukdulang ginawang tiwali ang mga tao. Bakit ba ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao? Ano ba ang pinakamithiin nito sa paggawang tiwali sa mga tao? Ang sangkatauhan ba ang puntirya nito o ang Diyos? (Ang Diyos.) Isa itong bagay na dapat ninyong maunawaan upang malaman ang diwa ni Satanas, at upang malaman ang pinakaugat at proseso ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan. Paano ba ginagawang tiwali ni Satanas ang kaisipan ng mga tao? Bakit ba pinanghahawakan ng mga tao ang ganitong mga bagay na mapanlaban sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Bakit ba pinanghahawakan ng mga tao ang mga bagay na ito na taliwas sa katotohanan? Paano ba naging ganito ang mga tao? Ang Diyos ang lumikha sa sangkatauhan, kaya bakit ba lumalaban at nagrerebelde ang mga tao sa Diyos sa bawat pagkakataon tulad ng ginagawa ni Satanas? Ano ba ang pinakaugat nito? Masasagot ba ang mga katanungang ito sa pamamagitan ng mga tinalakay natin noong huli? (Oo.) Alalahanin at isipin ninyo kung ano ang pinagbahaginan natin noong nakaraan. (Nagbahagi muna ang Diyos tungkol sa mga kasalukuyang kondisyon namin. Kahit na kumakain at umiinom kami ng mga salita ng Diyos, sa madaling salita ay wala kaming pagkilatis pagdating sa mga salungat na pananampalataya at maling paniniwala at sa mga kaisipan at pananaw na itinatanim sa amin ni Satanas, at maaari kaming maging mga tagapagsalita at alagad ni Satanas anumang oras at saanmang lugar. Nagbahagi rin ang Diyos kung bakit ginagamit ni Satanas ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwalang ito upang ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Bagama’t ginagawang tiwali at pinipinsala nito ang mga tao, ang tunay na layunin ni Satanas ay nakaukol sa Diyos. Gusto nitong buwagin at sirain ang plano ng pamamahala ng Diyos. Dahil ang pangunahing layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos ay ang iligtas at gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao upang maging kaisa sila ng puso at isipan ng Diyos, sinusubukang gambalain at hadlangan ni Satanas ang mga taong ito na makasunod sa Diyos, na magawang ganap ng Diyos, at na makamit ng Diyos. Hindi nalilinlang ang Diyos ng mga tusong pakana ni Satanas ngunit hindi Niya pinipigilan si Satanas. Sa halip, ginagamit ng Diyos si Satanas bilang isang gamit-panserbisyo at isang mapaghahambingan, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay nakabatay sa mga tusong pakana ni Satanas, at ginagawa Niya ang gawain ng paglilinis at pagliligtas sa mga taong ito na nagawang tiwali ni Satanas. Inihahayag at sinusuri ng Diyos ang iba’t ibang kasabihan ng tradisyonal na kultura upang bigyang-daan tayong makita nang malinaw na ginagamit ni Satanas ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwalang ito upang ilihis at gawing tiwali ang mga tao. Ginagawa ito ng Diyos nang sa gayon ay matuto tayong kumilatis at upang hindi lang maunawaan natin batay sa doktrina na negatibo ang mga salungat na pananampalataya at maling paniniwalang ito, kundi sa halip ay malinaw nating maunawaan kung ano-ano ang mga tusong pakana ni Satanas na nakapaloob sa mga kasabihang ito. Sa sandaling malinaw na nating maunawaan ang mga iyon, maihahambing na natin ang ating sarili sa mga iyon, mapagninilayan ang ating sarili batay sa mga salita ng Diyos, masusuri kung ano-anong mga satanikong kaisipan at ideya ang mayroon tayo, kung ano-ano ang mga tusong pakana ni Satanas na nasa layunin ng ating mga kilos, at kung aling mga satanikong disposisyon ang ating ipinapakita. Ganito ang tunay na pagkakilala sa ating sarili, at hindi lamang pananatili sa antas ng pagkaunawa batay sa doktrina at simpleng pagkilatis.) Isa sa mga paraan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao ay ang paggawang tiwali ng kanilang mga isip at puso; itinatanim nito ang lahat ng uri ng satanikong kaisipan, ideya, salungat na pananampalataya at maling paniniwala sa puso at isip ng mga tao. Kabilang sa mga iyon ay ang iba’t ibang kasabihan patungkol sa wastong asal na kumakatawan sa pinakadakila sa tradisyonal na kulturang Tsino—ang mga iyon ang mga klasikong representasyon ng tradisyonal na kulturang Tsino. Ang mga kaisipan at pananaw na ito ng tradisyonal na kultura ay pangunahing kumakatawan sa mga kaisipan ni Satanas, sa diwa ni Satanas, at kumakatawan ang mga ito sa mga bagay sa kalikasan ni Satanas na laban sa Diyos. Ano ang huling kahihinatnan ng paggamit ni Satanas sa mga bagay na ito upang gawing tiwali ang mga tao? (Ginagawa nitong laban sa Diyos ang mga tao.) Ang kahihinatnan ay magiging laban sa Diyos ang mga tao. At magiging ano ba ang mga tao? (Magiging mga tagapagsalita at alagad sila ni Satanas. Magiging mga buhay na Satanas sila.) Ang mga tao ay magiging mga tagapagsalita ni Satanas, ang pagkakatawan ni Satanas, at ang nagawang tiwaling sangkatauhan ay kakatawan na kay Satanas. Ang mga hangarin, layunin, kaisipan, at ideyang nakapaloob sa mga salitang binibigkas ng nagawang tiwaling sangkatauhan at ang mga tiwaling disposisyong kanilang ipinapakita ay ang mga bagay na ipinahayag at ipinakita ni Satanas. Ganap nitong pinatutunayang ang mga panuntunan sa pamumuhay ng sangkatauhan at ang iba’t iba nilang kaisipan at pananaw kung paano sila aasal at makikisalamuha sa iba ay mula lahat kay Satanas at kumakatawang lahat sa kalikasang diwa ni Satanas; ganap nitong pinatutunayang ang buhay na nagawang tiwaling sangkatauhan ay ang pagkakatawan ni Satanas, ang supling ni Satanas, at kauri ni Satanas; ganap nitong pinatutunayang ang buhay na nagawang tiwaling sangkatauhan ay isang buhay na Satanas, isang buhay na diyablo, at na ang sangkatauhan, na naging pagkakatawan ni Satanas, ay ang kinatawan ni Satanas. Supling man o pagkakatawan ni Satanas ang sangkatauhan, ano’t ano man ay kauri ito ni Satanas, at para sa Diyos, ang isang sangkatauhang tulad nito ay isang sangkatauhang tumatanggi at nagtataksil sa Diyos, ito ang kaaway ng Diyos, at ang kasalungat na puwersa ng Diyos. Ang sangkatauhang tulad nito ay hindi na ang nilikhang sangkatauhang wala pang muwang at ignorante na tulad noong pasimula. Nabubuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas at puno ito ng mga sataniko at tiwaling disposisyon, at ano ba ang kailangan ng sangkatauhan na namumuhay sa ganitong uri ng kalagayan at kondisyon? Kailangan nito ang pagliligtas ng Diyos. Ngayon na ang panahon kung kailan gumagamit ang Diyos ng mga salita upang magligtas ng mga tao. Ano ba ang konteksto kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao? Ito ay dahil umabot na ang paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan sa pinakamatindi at pinakamalubhang antas; ganap na nitong ginawang pagkakatawan at mga tagapagsalita ni Satanas ang mga tao, at naging mga kaaway na ng Diyos at naging laban na sa Diyos ang mga ito. Sa kontekstong ito, sinimulan na ng Diyos ang Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang tunay na sitwasyon hinggil sa paggawang tiwali ni Satanas sa mga tao, at ito ang aktuwal na konteksto sa pagpapahayag ng Diyos sa katotohanan at pagganap sa gawain ng paghatol upang iligtas ang tao sa mga huling araw. Ano-ano ba ang mga pakinabang ng pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa mga katunayang ito? Binibigyang-daan nito ang mga taong malaman ang sarili nilang diwa, malaman ang diwa ni Satanas, malaman ang mga pamamaraan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at malaman ang kasamaan ni Satanas; binibigyang-daan din nitong malaman ng mga tao ang layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos, at malaman din ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, ang awtoridad, ang karunungan, at ang kapangyarihan ng Diyos na inihahayag Niya sa Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan. Bukod sa kailangang kilalanin kung ano ang paglalarawan sa diwa at kasamaan ni Satanas at sa kalikasang diwa ng nagawang tiwaling sangkatauhan, ang mahalaga ay kailangang malaman ng mga tao ang gawain ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at diwa ng Diyos. Ang pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa diwa ng Diyos ay pangunahing nangangailangan ng pagkakaroon ng kaalaman sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat, awtoridad, karunungan, at kapangyarihan ng Diyos—pangunahin itong nangangailangan ng pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa mga aspektong ito ng Kanyang diwa.

Mula sa perspektiba ng konteksto ng paggawa ng Diyos upang iligtas ang sangkatauhan, ang sangkatauhang ito na ninanais ng Diyos na iligtas ay hindi isang sangkatauhang katatapos lang Niyang likhain, kundi sa halip ay isa itong sangkatauhang ilang libong taon nang ginagawang tiwali ni Satanas. Wala na sa orihinal na kalagayan ang kaibuturan ng puso ng mga tao, ni ang mga kaisipan o disposisyon ng tao, kundi sa halip ay matagal na ang mga iyong lubhang nagawang tiwali ni Satanas. Ang mga taong inililigtas ng Diyos ay ang mga nilikhang lubhang nagawang tiwali, naakit, nakontrol, namanipula, at nayurakan ni Satanas. Kung ang mga tao ang pag-uusapan, napakahirap o imposible pa ngang alisin o baguhin ang mga bagay na mula kay Satanas at ang mga satanikong disposisyon sa nilikhang sangkatauhang ito. Ibig sabihin, kung ang mga tao ang pag-uusapan, ang pagbabago sa kanilang mga kaisipan at pananaw, ang pag-aalis sa mga bagay na mula kay Satanas sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at ang pagbabago sa kanilang mga tiwaling disposisyon ay pawang mga imposibleng gawain; tulad lang ito ng kasabihang, “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito.” Subalit sa mismong kontekstong ito at sa nilikhang sangkatauhang ito ninanais gampanan ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Sa Kanyang gawain, hindi nagpapakita ang Diyos ng anumang palatandaan at kababalaghan, ni lantarang ipinapakita ang Kanyang tunay na pagkatao, lalong hindi Siya gumaganap ng anumang gawain na maaaring magmukhang maawtoridad at makapangyarihan sa mga tao. Ibig sabihin, sa mga huling araw, sa panahon kung kailan ililigtas ng Diyos na nagkatawang-tao ang tao, hindi magpapakita ang Diyos ng anumang palatandaan at kababalaghan, hindi Siya gagawa ng anumang gawain na lumalagpas sa mga hangganan ng pagiging praktikal o ng realidad, at hindi Siya gumaganap ng anumang gawa na nakahihigit sa makalamang pagkatao. Hindi ginagawa ng Diyos ang ganitong mga mahimalang gawain, kundi sa halip ay gumagamit Siya ng mga salita upang tustusan ang buhay ng mga tao at upang ilantad ang mga tao at alisin sa kanila ang kanilang katiwalian. Dahil gumagamit lang Siya ng mga salita upang gampanan ang gawaing ito, para sa tao ay lalo pa itong nagmumukhang isang imposibleng gawain, at sa mga mata ng karamihan ng mga tao, mukha pa nga itong laro-laro lamang. Naniniwala ang mga taong sa pamamagitan ng paggamit ng mga pagbigkas, mga pagbigkas na ipinahahayag sa iba’t ibang paraan, mula sa iba’t ibang perspektiba, at tungkol sa iba’t ibang bagay, upang tustusan at bigyang-daan silang magtamo ng kaligtasan, nagsasagawa ang Diyos ng isang imposibleng gawain. Partikular na, si Satanas ay lalo namang hindi kumbinsidong ganap na makakaya ng Diyos ang bagay na ito, na taglay ng Diyos ang kapangyarihan, ang awtoridad, at ang karunungan upang matupad ang gawaing ito. Malinaw naman na, sa mga mata ng mga nilikhang tao, ang pagpapahayag ng Diyos sa Kanyang mga pagbigkas at pagganap sa Kanyang gawain upang iligtas ang sangkatauhan ay isang imposibleng gawain. Gayunpaman, paano man mangyayari ang mga bagay-bagay sa hinaharap, sa ngayon, ang sinasabi sa mga salita ng Diyos na, “Ang Diyos ay totoo sa Kanyang salita, at ang Kanyang salita ay matutupad, at ang Kanyang ginagawa ay mananatili magpakailanman,” ay natupad na sa mga taong sumusunod sa Kanya, ibig sabihin, natikman na ito ng karamihan ng mga tao. Batay sa paraan ng pagkilos ng Diyos, mula sa pagganap ng Diyos sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan sa pamamagitan lamang ng pagbibigay ng mga salita, pagpapalakas ng mga salita, paghahayag ng mga salita, pagkastigo at paghatol ng mga salita, pagtutuwid ng mga salita, pagbababala at pag-uudyok ng mga salita, at iba pang paraan, malinaw na ang mga salita ng Diyos ay hindi lang nagtataglay ng simpleng kahulugan ng mga salitang mauunawaan sa pamamagitan ng mga kuru-kuro ng tao. Maliban sa saligang kasabihang ang mga salita ng Diyos ay ang katotohanan, ang lalo pang nakikita ng mga tao, at ang malinaw na batay sa katunayan, ay na nagtataglay ng buhay ang mga salita ng Diyos at ang mga salita ng Diyos ay buhay, na kayang tustusan ng mga ito ang pamumuhay ng nagawang tiwaling sangkatauhan at ibigay ang lahat ng pangangailangan ng nagawang tiwaling sangkatauhan para sa buhay-pananampalataya. Pagdating sa kapangyarihan at awtoridad, kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang mga kondisyon ng pamumuhay ng sangkatauhan, baguhin ang mga kaisipan at pananaw ng sangkatauhan, baguhin ang puso ng tao na lubhang nagawang tiwali ni Satanas at, higit pa rito, kaya ng mga iyong baguhin ang landas at direksyon sa buhay na pinili ng sangkatauhan, at baguhin pa nga ang pananaw sa buhay at mga prinsipyo ng sangkatauhan. Basta’t tatanggapin mo at magpapasakop ka sa mga salita ng Diyos at, masasabi pa nga nating basta’t minamahal at hinahangad mo ang mga salita ng Diyos, kahit ano pa ang kakayahan mo, o ano pa ang mithiin ng iyong paghahangad, o gaano pa katindi ang determinasyon mong maghangad, o gaano pa kalaki ang iyong pananampalataya, talagang mababago ka ng mga salita ng Diyos, mabibigyang-daan na magbago ang iyong pananaw sa buhay at mga prinsipyo, mabibigyang-daan na magbago ang iyong mga kaisipan at iyong mga pananaw sa mga tao at bagay, at sa huli ay mabibigyang-daan na magbago ang iyong buhay disposisyon. Kahit na karamihan ng mga tao ay mahina ang kakayahan at walang determinasyong hangarin ang katotohanan, at ayaw pa nga nilang hangarin ang katotohanan, anuman ang kanilang mga kalagayan, basta’t napakinggan na nila ang mga salita ng Diyos, sa mas malaki o mas maliit na paraan ay nagkaroon na sa kanilang isipan ng ilang tamang pananaw at pagkaunawa mula sa mga pagtuturo ng Diyos tungkol kay Satanas, sa mundo, at sa sangkatauhan. Nagkakaroon na sa kanilang isipan ng iba’t ibang antas ng pananabik at pagnanais sa mga positibong bagay, sa mga katotohanang prinsipyo at sa tamang direksyon at mga mithiin sa buhay na hinihingi ng Diyos na magkaroon ang mga tao. Ang mga pangyayaring ito na nagaganap sa mga tao at sa pagitan nila—ito man ang gusto ng mga tao o hindi, naaayon man ang mga ito sa mga kuru-kuro ng mga tao o hindi, natutupad man ng mga ito ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos o hindi, at iba pa—ipinakikita ng lahat ng epekto sa mga tao at lahat ng pangyayaring ito na bukod sa kayang tustusan ng mga salita ng Diyos ang buhay ng mga tao at tustusan sila ng kailangan nila, ang mas mahalaga bagkus ay hindi mababago ng anumang puwersa ang mga salita ng Diyos. Bakit Ko ba ito sinasabi? Dahil ang mga salita ng Diyos ay may taglay na awtoridad, at ang awtoridad ng mga salita ng Diyos ay hindi mahihigitan ng anumang teorya, pilosopiya, o kaalaman sa mundo, o ng anumang argumento, kaisipan, o pananaw—ito ang praktikal na kahulugan ng pagtataglay ng awtoridad ng mga salita ng Diyos, at malinaw itong nakikita sa lahat ng taong sumusunod sa Diyos. Ang mga salita ng Diyos ay may taglay na awtoridad at kaya ng mga itong baguhin ang mga puso at kaisipan ng sangkatauhan. Ang mas mahalaga pa rito, kaya ng mga itong alisin at pawiin ang mga tiwaling disposisyong malalim na itinanim ni Satanas sa kaibuturan ng puso ng mga tao—ito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos. Siyempre, may iba pa, iyon ay nararapat na malaman ng mga tao ang karunungan ng Diyos. Bumubuhos ang karunungan ng Diyos sa lahat ng Kanyang gawain. Hindi lamang sa nilalaman at ipinahihiwatig ng mga salitang binibigkas ng Diyos, kundi sa paraan din ng pagsasalita ng Diyos, sa mga bagay na Kanyang sinasabi, sa mga perspektibang Kanyang ginagamit sa Kanyang mga pagbigkas, at maging sa tono ng Kanyang pananalita, makikita ang karunungan ng Diyos sa lahat. Sa ano-anong mga aspekto ba napamamalas ang karunungan ng Diyos? Ang isang aspekto ay makikita ang karunungan ng Diyos sa bawat salitang Kanyang binibigkas, at sa sari-saring paraan ng Kanyang pananalita ay naipakikita ang Kanyang karunungan; ang isa pang aspekto ay makikita ang karunungan ng Diyos sa lahat ng iba’t ibang paraang Siya ay kumikilos sa mga tao, at makikita rin ito sa mga taong sumusunod sa Diyos na Kanyang pinangungunahan. Kaya siyempre, masasabi nating bumubuhos ang karunungan ng Diyos sa Kanyang mga salita, at na bumubuhos din ito sa Kanyang gawain. Bukod sa nakikita ng mga tao ang karunungan ng Diyos sa Kanyang mga salita, maaari ding magkaroon ang mga tao ng malalim na pagpapahalaga rito sa iba’t ibang kapaligiran at sitwasyon ng sari-saring suliraning kanilang hinaharap. Binibigyang-daan ng mga salita ng Diyos ang mga taong matanggap ang kaukulang panustos anumang oras at saanmang lugar. Matutulungan ka ng Diyos anumang oras at saanmang lugar, masusuportahan at matutustusan ka anumang oras at saanmang lugar, mabibigyang-daan kang iwanan ang negatibo mong kalagayan anumang oras at saanmang lugar, at maidudulot sa iyong maging malakas at hindi na maging mahina. Sa anumang oras at saanmang lugar, mababago ng Diyos ang iyong mga ideya at ang paraan ng iyong pag-iisip, mabibigyang-daan kang bitiwan ang mga bagay na pinaniniwalaan mong tama at ang mga bagay na mula kay Satanas, maiwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon, magsisi at humingi ng tawad sa Diyos, kumilos at magsagawa alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga salita ng Diyos. Isang aspekto ito. Bukod pa rito, kumikilos ang Diyos sa marami at iba’t ibang paraan sa lahat ng taong sumusunod sa Kanya, nagmamahal sa mga salita ng Diyos at nagmamahal sa katotohanan. Minsan ay nagkakaloob Siya ng biyaya, at minsan ay nagkakaloob Siya ng liwanag at paghahayag. Siyempre, kung minsan ay itutuwid at didisiplinahin ng Diyos ang mga tao upang hikayatin silang baguhin ang kanilang mga gawi, upang akuin nila ang kanilang kamalian sa kaibuturan ng kanilang mga puso, upang madama nilang tunay silang may pagkakautang sa Diyos, upang makadama sila ng pagkakonsensiya, upang magsisi, at sa gayon ay maisuko ang kasamaang kanilang ginagawa at hindi na sila magrebelde sa Diyos, hindi na kumilos paano man nila naisin o sumunod kay Satanas, kundi sa halip ay magsagawa alinsunod sa landas na ipinakita sa kanila ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay natutupad sa tao. Upang maging mas eksakto, ang gawain ng Banal na Espiritu ay natutupad sa tao, at kumikilos ang Banal na Espiritu sa karamihan ng mga tao sa iba’t ibang paraan. Siyempre, anuman ang paraan kung paano kumikilos ang Banal na Espiritu, sa mas malaki o mas maliit na paraan ay maaaring maranasan ng lahat ng tao ang iba’t ibang paraan ng pagkilos ng Banal na Espiritu. Mula rito ay makikita natin na ang gawain ng Banal na Espiritu at ang gawain ng Diyos, ginagampanan man ang mga iyon sa maraming paraan o sa isa, ay parehong makapagbibigay-daan sa mga taong mapagtanto na ang gawain ng Diyos ay isang tulong sa tao at ang kailangan ng tao sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng dako. Maaaring kumilos at magtustos ang Banal na Espiritu sa mga tao sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng dako. Hindi Siya nalilimitahan ng espasyo, heograpikong lokasyon, o oras, at hindi rin Niya inilalagay sa kaguluhan ang mga nakagawiang normal na buhay ng mga tao ni ginugulo ang mga kaisipan ng mga tao, lalong hindi Niya sinisira ang anumang panuntunang itinakda ng Diyos para sa sangkatauhan. Tahimik lang na kumikilos ang Banal na Espiritu sa bawat tao, gumagamit ng mga salita upang malinaw na magbigay-alam, magturo, magbigay-liwanag, at magpatnubay sa kanila, habang gumagamit din ng iba’t ibang pamamaraan upang kumilos sa kanila, binibigyang-daan silang natural at walang kamalay-malay na mamuhay sa ilalim ng panustos ng mga salita ng Diyos. Siyempre, bunga ng gawain ng Diyos at ng gawain ng Banal na Espiritu, nabago ang mga disposisyon ng mga tao at ang kanilang mga kaisipan ay nabago nang hindi nila namamalayan, at unti-unting nadaragdagan ang kanilang pananampalataya sa Diyos. Sa lahat ng epektong ito na natupad sa mga tao, masasabing nagawa ang mga ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng mga salita ng Diyos at ng karunungan ng gawain ng Diyos. Kung ang mga taong sumusunod na ngayon sa Diyos ang pag-uusapan, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang kumilos at manguna at magtustos sa kanila, at ang lahat ng tao ay may karapatan at pagkakataong matamasa ang mga bagay na ito. Kung dadami ang mga taong sumusunod sa Diyos nang sampung beses, dalawampung beses, o isandaang beses pa nga kaysa sa bilang ng sumusunod sa Kanya ngayon, mapangangalagaan pa rin sila ng Diyos sa parehong paraan, at matatapos pa rin Niya ang gawaing ito. Ang mga epektong natupad ay hinding-hindi mababago, at ito ang karunungan ng Diyos.

Ipinapahayag ng mga salita ng Diyos ang lahat ng aspekto ng katotohanan at ibinibigay ng mga ito ang kinakailangan ng buong sangkatauhan. Ginagamitan ng Diyos ang mga tao ng lahat ng uri ng iba’t ibang pamamaraan ng pagkilos mula sa iba’t ibang perspektiba sa iba’t ibang pagkakataon at kapaligiran, upang patnubayan sila nang hindi nila namamalayan at upang makakuha ng iba’t ibang resulta sa bawat tao. Kahit na iniisip mo ngayon na, “Kaunti lang ang nauunawaan ko tungkol sa gawain ng Diyos at napakahina ko pa rin ngayon. Napakaliit pa rin ng pananampalataya ko sa Diyos at hindi rin nadagdagan ang kaalaman ko sa Diyos. Ang kasalukuyang saloobin ko sa pagganap sa aking tungkulin ay tila matamlay gaya ng dati, at pakiramdam ko ay hindi ako masyadong nakausad,” isang bagay ang tiyak: Kahit na gaano ka pa kahina, o sa palagay mo ay gaano ka kalayo sa pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos, nagkaroon na ng impluwensiya sa puso mo ang mga salita at ang gawain ng Diyos. Kahit na hindi ka masyadong interesado sa paghahangad sa katotohanan, kahit na hindi mo pa rin itinuturing na napakaimportante ng kahalagahan ng pagtamo ng kaligtasan, binibigyan ka ng pag-asa ng katotohanan ng mga salita ng Diyos at ng nilalaman ng mga salitang binibigkas ng Diyos, at sa kaibuturan ng iyong puso, nagkakaroon ka ng mga ekspektasyon hinggil sa gawain ng Diyos at sa mga katunayang nais tuparin ng Diyos. Gaano man kalaki ang iyong pananampalataya ngayon, o kumusta man ang iyong tayog, tiyak na may pag-asa ka. Ano ang ipinakikita nito? Ang mga salita ng Diyos ang kailangan ng sangkatauhan, ibinibigay ng mga iyon ang kailangan ng sangkatauhan, nagkaroon na ng impluwensiya ang mga iyon sa iyong puso, at hindi mo namalayang nagkaroon ka na ng partikular na pagtanggap sa mga salita ng Diyos sa kaibuturan ng iyong puso. Siyempre, nakaukol ang mga katunayang ito sa mga taong hindi masyadong interesado sa katotohanan, at medyo malabo at magulo ang pagkaunawa sa gawain at pagliligtas ng Diyos. Para sa mga taong tunay na sumasampalataya sa Diyos at kayang maghangad ng katotohanan, hindi ito ang tanging resultang makakamit, kundi sa halip ay maaari din nilang makilala ang Diyos at patotohanan ang Diyos. Mula sa mga katunayan at palatandaang ito, makikita nating ang mga pagbigkas at ang gawain ng Diyos ay puno ng kapangyarihan, awtoridad, at karunungan ng Diyos. Pinatutunayan din nito ang isa pang bagay: Ang sangkatauhan ay nilikha ng Diyos, at bagama’t makakaya nila nang walang sinag ng araw, walang tubig, at walang hangin, hindi nila makakaya nang wala ang Diyos, hindi nila makakaya nang wala ang mga salita ng Diyos, at hindi nila makakaya nang wala ang pagtustos ng Diyos. Tanging ang patnubay, pagtustos, at pagpapastol ng Diyos at ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos ang makapagbibigay ng pag-asa at liwanag sa sangkatauhan, pati na rin ng mga mithiin at direksyon para sa pag-iral nito—ang mga ito ay mga bagay na nakita na ng mga tao. Sa pamamagitan ng paglalantad at pagsusuri sa tunay na sitwasyon ng paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan pagdating sa wastong asal, dapat ay makita na ng mga tao kung sa anong uri ng konteksto kumikilos ang Diyos upang iligtas ang mga tao. Bukod sa pagtukoy sa lagay ng tunay na sitwasyon ng konteksto kung saan kumikilos ang Diyos, dapat ay lalo pang maunawaan ng mga tao kung gaano kahirap ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa sangkatauhan, at sa pamamagitan ng pag-unawa kung gaano ito kahirap, dapat nilang malaman ang kapangyarihan, ang awtoridad, at ang karunungan ng Diyos. Sa Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, hindi nagmadali ang Diyos na iligtas ang sangkatauhan noong simulan pa lang itong gawing tiwali ni Satanas. Hindi Siya nagmadaling iligtas ang sangkatauhan apat na libong taon na ang nakalilipas, o anim na libong taon ang nakalilipas. Sa halip, ginawa Niya ang mga bagay-bagay kung paano nilayong magawa ang mga iyon: Sa pamamagitan ng pag-akit ng ahas sa sangkatauhan at ng paggawang tiwali rito ni Satanas, naging makasalanan ito, at nilipol ang mundo sa pamamagitan ng baha. Pagkatapos ay ginamit ng Diyos ang kautusan upang unti-unting pangunahan ang sangkatauhan at, habang unti-unting lumulubha ang paggawang tiwali ni Satanas sa tao, ginampanan ng Diyos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagsasakatawan Niya Mismo sa wangis ng makasalanang laman at pagpapapako sa krus. Ngayon, sa mga huling araw, kung kailan sa labis na paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan ay lubha na nitong napinsala ang mga tao at naging ganap na silang representasyon ni Satanas, pormal at hayagang ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang mga salita sa sangkatauhan, at ipinapahayag Niya kung ano ang nasa puso Niya, ang Kanyang mga pananaw at saloobin patungkol sa lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at lahat ng katotohanang kailangan ng sangkatauhan. Sa ganitong uri ng kapaligiran, sinisimulan ng Diyos na pormal na ibigay ang kailangan ng sangkatauhan—hindi Niya ibinibigay sa sangkatauhan ang lahat ng katotohanan sa isang sitwasyon kung saan lubos na ignorante ang sangkatauhan. Kapag mismong lubha nang nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan at kapag naniniwala ang mga taong imposible na silang maligtas ay saka dumarating ang Diyos, binibigkas ang Kanyang mga salita, ginagampanan ang Kanyang gawain, lumalakad kasama ng tao at ipinapahayag ang mga salitang nais Niyang ipahayag, habang ginagamit lamang ang pagbibigay ng Diyos ng mga salita upang tuparin ang mga katunayang nais Niyang tuparin. Walang medyo may kakayahang tao sa nilikhang sangkatauhan ang nangangahas na tumanggap sa hamon ng paggawa sa gawaing ito, dahil pinaniniwalaan ng mga taong isa itong napakahirap na gawain, isang gawaing imposibleng tuparin. Subalit sa kontekstong ito mismo inilunsad ng Diyos ang gawaing ito ng Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala, isang gawaing gumagamit ng mga salita upang tuparin ang lahat ng bagay. Isa itong malaking gawain, isang gawaing hindi pa kailanman nagagawa, higit pa rito, isa itong makasaysayang gawain, at isang matagalang gawain. Kahit na gaano pa karami ang sinasabi ng isang tao o ano pa ang kanyang sinasabi o ano pa ang diwa ng kanyang mga salita, walang sinumang may kakayahang tumupad sa mga gawa na nilalayong tuparin ng kanyang mga salita. Tanging ang mga salita ng Diyos ang maaaring matupad, at tanging ang mga salita ng Diyos ang maisasakatuparan alinsunod sa hinihingi ng Diyos at sa mga plano ng Kanyang kaisipan—ito rin ang awtoridad ng Diyos. Hindi ba’t dapat na maunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito? (Oo, dapat nila itong maunawaan.) Kung gayon, ano ba ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga bagay na ito? Sino ang magsasalita? (Isang aspekto ay maaaring magkaroon ang mga tao ng pagkaunawa sa karunungan ng gawain ng Diyos at maunawaan nilang ang gawain ng Diyos ay hindi ginagawa sa mga ignoranteng taong hindi nagawang tiwali ni Satanas. Sa halip, ginagamit ng Diyos si Satanas upang magserbisyo sa Kanya at ginagampanan Niya ang gawain ng pagliligtas sa mga taong lubhang nagawang tiwali ni Satanas. Naniniwala ang mga tao na napakahirap ng gawaing ito, subalit talagang may epekto ang mga salita ng Diyos sa mga tao. Isa pa, karaniwan na sa ating mga karanasan, madalas tayong napipigilan ng ating mga tiwaling disposisyon at hindi natin maiwasang makapagpakita ng katiwalian, hindi natin maisagawa ang katotohanan, at kung minsan, sa sobrang pagiging negatibo natin ay nawawalan na tayo ng pananampalataya. Gayunpaman, pagkatapos nating marinig ang pagbabahagi ng Diyos, nagkakaroon tayo ng pananampalataya sa mga salita ng Diyos at nauunawaan nating maaaring magbago ang ating mga tiwaling disposisyon basta’t mamahalin at tatanggapin natin ang katotohanan at na hindi permanente ang ating mga tiwaling disposisyon. Kung hindi mamahalin o tatanggapin ng isang tao ang katotohanan sa kanyang diwa, hindi niya mababago ang kanyang mga tiwaling disposisyon.) Ganap na angkop at tama ang sinasabi mo.

Kayang isakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay at baguhin ang lahat ng bagay. Kasabay nito, dapat makita ng mga tao na may isa pang epekto sa kanila ang mga salita ng Diyos—ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Ano ang nakikita natin mula rito? (Nakikita natin ang awtoridad ng Diyos.) Nakikita natin ang awtoridad ng Diyos, ang karunungan ng Diyos, at nakikita natin ang kapangyarihang naipamamalas sa Kanyang mga salita. Dahil ang mga salita ng Diyos ay kumakatawan sa Kanyang buhay, diwa, at disposisyon, mananatiling buhay ang mga iyon magpakailanman gaya mismo ng Diyos. Ano ang sinasabi nito sa iyo? Sinasabi nito sa iyo na napakahalaga ng mga salita ng Diyos sa sangkatauhan. Kahit na ano pa ang makamit mo, hindi ito tunay na kayamanan. Makatanggap ka man ng isang bloke ng ginto o ng isang pambihira at mamahaling hiyas ng mundo, hindi tunay na mga kayamanan ang mga iyon. Kahit pa makuha mo ang panlunas sa lahat, wala itong anumang halaga. Kahit pa magtagumpay ka sa pagsasagawa ng paglilinang sa sarili at makalipad ka patungo sa langit, hindi ka naman talaga mabubuhay magpakailanman, at iyon ay dahil isa kang nilikha, ang lahat ng bagay ay itinadhana ng Diyos, at walang sinumang makatatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Ano ba ang saysay ng pagkakaroon ng kaalaman patungkol sa mga salitang ito? Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan at wala kang pagmamahal para sa katotohanan o para sa pagiging patas at matuwid ng Diyos, maaaring hindi ka interesado sa mga salitang ito o sa katunayang ito. Gayunpaman, kung minamahal mo ang pagiging patas at matuwid ng Diyos, minamahal mo ang katotohanan, at minamahal mo ang mga positibong bagay, magkakaroon ka ng matinding interes sa mga salitang ito at sa gayon ay maitatatak mo ang katunayan at ang mga salitang ito sa kaibuturan ng iyong puso. Ano ba ang mga salitang ito? Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman. Dapat ninyong isapuso ang mga salitang ito at pag-isipan ang mga ito sa libreng oras ninyo. Talagang napakahalaga ng mga salitang ito. Sabihin ninyo sa Akin, ano ba ang matatamo ninyo mula sa mga ito? (O Diyos, may nauunawaan ako. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas.” Kung minsan ay nagbabago ang mga bagay-bagay sa panlabas na mundo, at kapag nahaharap tayo sa ganoong mga pangyayari, nagbabago ang ating kalagayan at nagbabago rin ang determinasyon nating sumunod sa Diyos. Nagiging mahirap para sa atin na iwasang maging negatibo at mahina, ngunit kapag iniisip natin ang mga salitang ito ng Diyos at ang mga ipinangako sa atin ng Diyos noong simula, at na sinabi ng Diyos na nais Niyang makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa ng puso at isipan Niya, napupuno ng lakas at pananampalataya ang ating mga puso. Hindi na tayo naaapektuhan ng mga pangyayari sa panlabas na mundo, at may pananampalataya na tayo para sumunod sa Diyos at gampanan ang ating mga tungkulin.) Binibigyan kayo ng mga salitang ito ng landas sa pagsasagawa—anong uri ng landas sa pagsasagawa? Hindi ito upang hangarin o pahalagahan ang anumang bagay sa materyal na mundo; walang kabuluhan ang mga bagay na ito. Ang lahat ng bagay na tulad ng katanyagan, pakinabang, posisyon, mga materyal na kasiyahan na nasa harapan ninyo, ang kagandahan ng mga babae, at ang pagkakakilanlan at katayuan ng mga lalaki ay panandalian lamang, nawawala sa isang kisapmata, at walang saysay na pahalagahan ang mga bagay na ito. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa pagsasabing wala itong saysay? Ibig Kong sabihin, mabibigyang-kasiyahan lang ng mga bagay na ito ang mga panandaliang pangangailangan, kagustuhan at pagnanais ng iyong laman, o ang mga pakiramdam at pagmamahal mo, at iba pa, subalit hindi mabibigyang-kasiyahan ng mga ito ang iyong mga espirituwal na pangangailangan. Kapag ang iyong espiritu ay nakadarama ng gutom, uhaw, at kawalan ng kabuluhan, walang anumang bagay sa materyal na mundo ang makatutugon sa iyong mga espirituwal na pangangailangan o makapupuno sa kawalan ng kabuluhan sa kaibuturan ng iyong puso, at iyon ang dahilan kung bakit walang saysay ang paghahangad sa mga bagay na ito. Kaya, ano ang makapagbibigay-kasiyahan sa iyo at makapupuno sa kawalan ng kabuluhan sa kaibuturan ng iyong puso? Kapag binasa mo ang mga salita ng Diyos at naunawaan mo ang katotohanan, lumalakas at nagtatamasa ng kapayapaan at kagalakan ang kaibuturan ng iyong puso, at nasisiyahan at napapalagay ang iyong puso. Kung ipagpapatuloy mo ang paghahangad sa ganitong paraan, kapag naging buhay mo na ang mga salita ng Diyos, wala nang makaaagaw sa iyo ng buhay mo at wala nang makasisira nito. Kapag walang makaaagaw sa iyo ng buhay mo o makasisira nito, ano na ang mararamdaman mo? Hindi ka na makadarama ng kawalan ng kabuluhan, hindi ka na magugulumihanan, matatakot, o mababalisa sa pamumuhay sa mundong ito, sapagkat nasa loob mo na ang mga salita ng Diyos, pinapatnubayan ka, tinutustusan ka, nagbibigay-daan sa iyong mamuhay nang may layunin at direksyon. Mamumuhay ka sa araw-araw nang may pakiramdam ng kabuluhan at halaga. Ito ang tunay na nararamdaman ng mga tao. Kaya paano ba nakakamit ang positibong resultang ito na tunay na nararamdaman ng mga tao? (Nakakamit ito ng mga salita ng Diyos sa mga tao kapag isinasagawa nila ang Kanyang mga salita.) Tama iyon, sa sandaling tanggapin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, nakakamit sa kanila ang resultang ito; nababago ang kanilang buhay, nababago ang paraan ng kanilang pamumuhay, naiiba na ang kanilang mga pananaw sa mga tao at bagay, naiiba na ang paraan ng pagtingin nila sa mga tao at bagay, kung kaya’t naiiba na ang kanilang paghahangad. Hindi na nila hinahangad ang mga kasiyahan ng laman, mga materyal na gantimpala, o katanyagan, pakinabang, at posisyon. Ang paghahangad sa mga bagay na mula sa mga kagustuhan ng laman ng isang tao ay lalo lang makapagpaparamdam sa isang tao ng pagkabato, kawalan ng kabuluhan, kabalisahan at kirot. Gayunpaman, sa sandaling manahan na ang mga salita ng Diyos sa puso ng isang tao, nagiging buhay na nila ang katotohanan sa kaibuturan nila, nababago na ang kanilang panloob na diwa at buhay, kung kaya’t iba na ang pakiramdam nila. Ang mga damdamin at kagustuhan nila, ang iba’t ibang emosyon nila, ang mga mithiin nila sa buhay, ang direksyon ng kanilang paghahangad, at ang kanilang mga panuntunan sa pamumuhay ay pawang ibang-iba na. Nababago na ang kanilang paghahangad, kaya na nilang hangarin ang katotohanan at hangaring makilala ang Diyos, at nagagawa na nilang mamuhay alinsunod sa paraang hinihingi sa kanila ng Diyos na mamuhay. Ang mga taong nakapagsasakatuparan nito ay hindi nahaharap sa panghihina, kamatayan, at pagkawasak, kundi sa halip ay nagkakaroon sila ng tunay na buhay, isang buhay na hindi dumaranas ng panghihina. Ano ba ang ibig Kong sabihin sa pagsasabing hindi ito dumaranas ng panghihina? Ibig Kong sabihin, ang buhay na nasa loob ng mga taong ito ay hindi maglalaho, hindi ito lilipas, hindi ito kukupas, at hindi ito manghihina, at hindi sila mahaharap sa pagkawasak gaya ng dati. Sa ganitong paraan, hindi ba’t nagbabago na ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang pag-iral at ang mga pag-asa para sa kanilang kaligtasan? Malinaw na sumasailalim sa pagbabago ang kanilang mga pag-asa para sa kaligtasan. Ano ba ang dahilan kung bakit kumukupas, nanghihina, nasisira, may katapusan, at nawawasak ang buhay ng tao? Nangyayari ito dahil hindi ginagawa ng mga tao na buhay nila ang mga salita ng Diyos, at mabuhay man ang isang tao nang isang daang taon, o dalawang daang taon, o tatlong daang taon, o isang libong taon, ang kanilang mga panuntunan sa pamumuhay, ang kanilang pananaw sa buhay, at ang kabuluhan ng kanilang buhay ay hindi magbabago. Kaya, para saan ba talaga nabubuhay ang mga taong namumuhay nang ganito? Namumuhay sila para lamang sa layuning bigyang-kasiyahan ang kanilang laman. Ano ba ang hinahangad ng laman ng tao? Ang mga bagay na tulad ng kayamanan, katanyagan, kapakinabangan, at mga materyal na kasiyahan, at ang mga bagay na ito mismo ang, sa mga mata ng Diyos, taliwas sa katotohanan, at kinasusuklaman ng Diyos. Samakatuwid, ang oras ng pagpapahintulot ng Diyos na hangarin at tamasahin ng mga tao ang mga bagay na ito ay may hangganan. Ang isang buhay ng tao ay maaaring tumagal nang animnapu o pitumpu, walumpu o siyamnapung taon at pagkatapos ay nagwawakas na ito, at sa bawat katapusan ay may bagong siklo ng muling pagsilang, at sa ganitong paraan tumatakbo ang buong buhay ng tao. Kung hindi itinakda ng Diyos ang hangganan ng oras na ito, hindi ba’t magsasawa ang mga taong mabuhay pagkatapos ng mahabang panahon? Kapag nasa edad dalawampu ang mga tao, araw-araw pakiramdam nila ay bago, maganda, at masaya ang mga bagay-bagay; pagdating nila sa edad na apatnapu, pakiramdam nila ang pagkain nang tatlong beses sa isang araw at pagtulog sa gabi ay isang nakababatong paraan ng pamumuhay; pagdating nila sa edad na animnapu, pakiramdam nila ay naiintindihan na nila ang lahat ng bagay, at nakatamasa na sila ng ilang pagpapala, dumanas ng ilang paghihirap, at pakiramdam nila ay wala nang interesanteng bagay. Araw-araw ay sinisimulan nila ang kanilang gawain sa pagsikat ng araw at nagpapahinga sila sa paglubog ng araw, at sa isang kisapmata ay natatapos na ang araw. Nagsisimula nang humina ang bawat proseso ng kanilang katawan, ibang-iba noong nasa edad dalawampu sila—ito ang panahong malapit na ang kamatayan nila. Kapag malapit na ang kamatayan ng isang tao, hindi iyon nangangahulugang mamamatay ang kanilang kaluluwa. Ibig sabihin nito, malapit nang mamatay ang kanilang laman. Karaniwan, namamatay ang mga tao pagdating nila sa edad na animnapu, pitumpu o walumpu, at ang mga taong mahaba ang buhay ay maaaring mabuhay hanggang sa mahigit isandaang taon, sa pinakamahaba. May isang kasabihang nagsasaad na “Ang isang taong masyado nang matagal nabubuhay ay napapagod nang mabuhay—nagsawa na siya sa buhay.” Kapag masyadong mahaba ang buhay ng isang tao, nagsasawa na siya sa buhay, ayaw na niyang mabuhay, at nawawalan na ng kabuluhan ang buhay para sa kanya. Bakit pakiramdam niya ay walang kabuluhan ang buhay? May isang tunay na sitwasyon dito, at iyon ay na nabubuhay ang mga tao sa kanilang laman na kumakain nang tatlong beses sa isang araw at gumagawa ng mga pang-araw-araw nilang gawain, ang bawat araw ay katulad na katulad ng naunang araw, pareho ang mga ginagawa, pareho ang buhay, at kapag umabot na sila sa isang partikular na punto, kabisadong-kabisado na ng mga tao ang mga bagay na ito. Pakiramdam nila ay nakita na nila ang lahat ng dapat nilang makita, natikman na ang lahat ng dapat nilang matikman, at naranasan na ang lahat ng dapat nilang maranasan. Pakiramdam nila ay ganito lang talaga ang buhay, at wala na silang aasahan, wala na silang pananabikan, at na wala nang kabuluhan ang buhay nila at malapit na silang mamatay. Hindi ba’t totoo ito? (Totoo.) Ganito nga ang mga bagay-bagay.

Katatapos lang nating talakayin ang mga salitang “Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Sinasabi ng mga salitang ito sa mga tao ang katunayan na talagang napakahalaga ng mga salita ng Diyos sa sangkatauhan, at sinasabi rin ng mga ito sa mga tao ang kanilang mga mithiin at direksyon ng pagsasagawa, at na walang paghahangad sa anumang bagay ang makapapalit sa pagtatamo ng tao ng kahit isang linya ng mga salita ng Diyos. Ito ay dahil ang lahat ng bagay ay lilipas, at ang lahat ng bagay ay kukupas, huhupa, at manghihina sa paglipas ng panahon, at tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas. Samakatuwid, kung matatamo mo ang mga salita ng Diyos at makapapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos, ibig sabihin ay nauunawaan mo ang katotohanan at pumapasok ka sa katotohanang realidad, nagkakaroon ka ng halaga dahil sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan, at ang diwa mo ay nagiging iba na sa dati mong diwa. Sinasabi ng ilang tao, “Ano naman kung iba ang diwa ko?” Hindi ang karaniwang kahulugan ng iba ang ibig Kong sabihin, kundi sa halip ay malaki ang ipinagbabago nito, sapagkat natatamo mo ang mga salita ng Diyos bilang iyong buhay, at tulad ng mga salita ng Diyos ay hindi ka lilipas, tulad ng Diyos ay magkakaroon ka ng buhay na walang hanggan, at magkakaroon ka ng walang hanggang pagkatapos, kinabukasan, at destinasyon. Kaya ngayon, sa pagtingin sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap, hindi ba’t mahalaga ang mga salita ng Diyos sa tao? (Oo, ganoon nga.) Napakahalaga ng mga iyon! Paano ka dapat maghangad sa sandaling maunawaan mo na na mahalaga ang mga salita ng Diyos? Ano ang dapat mong hangarin na may halaga at kabuluhan? Dapat mo bang hangaring mas magsumikap, mas magdusa, magbayad ng mas malaking halaga, at maging mas abala sa pagganap sa iyong tungkulin? O dapat ka bang mas mag-aral ng mga propesyonal na kasanayan, sangkapan mo ang iyong sarili ng mas maraming doktrina at mas mangaral ka? (Wala sa mga bagay na iyon.) Kung gayon ay ano ang pinakakapaki-pakinabang na hangarin mo? Alam ninyong lahat ang sagot, mas maliwanag pa ito sa sikat ng araw para sa inyo: Ang pagkakamit ng mga salita ng Diyos ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang paghahangad. “Ang lahat ng bagay ay lilipas, tanging ang mga salita ng Diyos ang hindi kailanman lilipas, at tulad ng Diyos Mismo, ang mga salita ng Diyos ay mananatili magpakailanman.” Isapuso ninyo ang mga salitang ito at hindi ninyo dapat kalimutan o balewalain ang mga ito sa anumang oras. Kapag nagiging negatibo at nanghihina ka, kapag nawawalan ka ng pag-asa, kapag dumarating sa iyo ang mga kapighatian, kapag napalitan ka sa iyong tungkulin, kapag napungusan ka, kapag dumanas ka ng mga balakid at kabiguan, at kapag napagsabihan at nakondena ka; o ‘di kaya ay kapag nasa tugatog ka ng iyong tagumpay, kapag mataas ang tingin sa iyo ng mga tao at pinupuri ka saan ka man magpunta, at iba pa; sa anumang oras at sa anumang sitwasyon, dapat ay palagi mong isipin ang mga salitang ito at hayaan mong dalhin ka ng mga ito sa harapan ng Diyos at hanapin mo ang panustos ng mga salita ng Diyos para sa iyo sa mismong sandaling ito, hayaan mo ang mga salita ng Diyos na tulungan kang makalaya mula sa iyong mga kapighatian, malutas ang iyong mga paghihirap, malutas ang kalituhan sa kaibuturan ng iyong puso, italikod ka sa maling landas na iyong sinusundan, at malutas ang iyong mga paglabag, ang iyong pagiging mapagmatigas, ang iyong pagrerebelde, at iba pa, at hayaan mong lutasin ng mga salita ng Diyos ang bawat problemang iyong kinakaharap. Talagang kapaki-pakinabang sa inyo ang mga salitang ito! Kapag nakakalimutan mo ang sarili mong mga responsabilidad at tungkulin, kapag nakakalimutan mo kung ano ang mga prinsipyong dapat mong sundin, kapag nakakalimutan mo kung ano ang pananaw at perspektibang dapat mong sundin at ang sarili mong pagkakakilanlan at katayuan, isipin mo ang mga salitang ito. Dadalhin ka ng mga salitang ito sa harapan ng Diyos, papapasukin ka ng mga ito sa mga salita ng Diyos, ipauunawa sa iyo ng mga ito kung ano ang layunin ng Diyos sa mismong sandaling ito, at idudulot sa iyo ng mga ito na gamitin ang tamang punto de bista, pananaw, at perspektiba upang tingnan ang iyong sarili, tingnan ang iba, at tingnan ang mga pangyayari at kapaligirang iyong hinaharap. Sa ganitong paraan, sa ilalim ng patnubay ng Diyos at sa ilalim ng pagtustos, kaliwanagan, at tulong ng mga salita ng Diyos, walang problemang makalilito sa iyo, at walang problemang makahahadlang sa iyo sa paghahangad ng katotohanan at makapipigil sa mga hakbang mo pasulong. Hindi ba’t ito ang landas ng pagsasagawa? (Ito nga.) Ang aral na dapat ninyong matutuhan ngayon ay hindi ang magmaktol, magreklamo, at sumunod sa mga panuntunan, o hanapin ang mga pamamaraan ng tao kapag nahaharap ka sa mga suliranin, kundi sa halip ay ang humarap sa Diyos at hanapin ang katotohanan, hanapin ang tulong ng Diyos, hayaan ang mga salita ng Diyos na tustusan ka at lutasin ang bawat paghihirap mo—ito ang aral na dapat mong matutuhan. Tatapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa paksa ng pag-unawa sa paglulunsad ng Diyos sa pinakamahalagang gawain ng Kanyang plano ng pamamahala sa kapaligiran ng matinding paggawang tiwali ni Satanas sa sangkatauhan; sa huli, nakasalalay ang lahat sa mga salita ng Diyos. Paano man tayo magbahaginan, sana sa huli ay makapasok ang mga tao sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos at hindi basta makontento sa pagkakaroon ng kaalaman kung paano mangaral ng mga salita at doktrina, o mag-aral ng mga teolohikal na teorya o magsagawa ng mga seremonyang panrelihiyon araw-araw. Ang pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos ay ang pinakamahalagang aral ng pagpasok sa buhay na dapat matutuhan ng mga tao.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.