Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 13 (Ikatlong Bahagi)

Tungkol naman sa kapalaran ng isang bansa, dapat bang maunawaan ng mga tao kung paano ito tinitingnan ng Diyos, at kung paano ito dapat tingnan nang tama ng mga tao? (Oo.) Dapat tumpak na maunawaan ng mga tao kung anong paninindigan ang dapat nilang panghawakan kapag kinokonsidera ang usaping ito, upang makaiwas sila sa mapaminsalang epekto at impluwensya sa kanila ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Tignan muna natin kung maiimpluwensyahan ng sinumang tao, anumang puwersa, o anumang pangkat etniko ang kapalaran ng isang bansa. Sino ang nagpapasya sa kapalaran ng isang bansa? (Ito ay pinagpapasyahan ng Diyos.) Tama, dapat maintindihan ang ugat na dahilang ito. Ang kapalaran ng isang bansa ay mahigpit na nauugnay sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at wala itong kaugnayan sa sinuman. Walang puwersa, ideya, o tao ang makapagpapabago sa tadhana ng isang bansa. Ano ang kasama sa tadhana ng isang bansa? Ang kaunlaran at pagbagsak ng bansa. Maunlad man o atrasado ang bansa, at anuman ang heograpikal na lokasyon nito, gaano man kalaki ang teritoryo na saklaw nito, ang laki nito, at ang lahat ng kayamanan nito—kung gaano karaming kayamanan ang nasa lupa, sa ilalim ng lupa at himpapawid—kung sino ang pinuno ng bansa, anong uri ng mga tao ang bumubuo sa namumunong herarkiya, kung ano ang mga gumagabay na pampulitikang prinsipyo at pamamaraan ng pamamahala ng pinuno, kung kinikilala man ng mga ito ang Diyos, sinusunod Siya, at ano ang saloobin ng mga ito sa Diyos, at iba pa—ang lahat ng bagay na ito ay may epekto sa kapalaran ng bansa. Ang mga bagay na ito ay hindi itinatakda ng sinumang tao, lalo na ng anumang puwersa. Walang sinumang tao o kapangyarihan ang may huling kapasyahan, at hindi rin si Satanas. Kaya sino ang may huling kapasyahan? Tanging ang Diyos ang may huling kapasyahan. Hindi nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito, at gayundin si Satanas, ngunit mapanlaban si Satanas. Palagi nitong gustong pamahalaan ang mga tao at dominahin sila, kaya patuloy itong gumagamit ng ilang nakapupukaw at mapanlinlang na ideya at opinyon upang itaguyod ang mga bagay tulad ng wastong asal at panlipunang pamantayan, at hinihimok ang mga tao na tanggapin ang mga ideyang ito, sa gayon ay sinasamantala ang mga tao para paglingkuran ang mga pinuno, at papanatilihin ang mga pinuno sa kapangyarihan. Ngunit sa katunayan, anuman ang gawin ni Satanas, ang kapalaran ng isang bansa ay walang kaugnayan kay Satanas, o anumang kaugnayan sa kung gaano kalakas, kalalim, at kalawak ang pagpapakalat ng mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura. Ang mga kalagayan ng pamumuhay at uri ng pag-iral ng anumang bansa sa anumang panahon—mayaman man ito o mahirap, atrasado o maunlad, gayundin ang antas nito sa maraming bansa sa mundo—lahat ito ay walang anumang kaugnayan sa lakas ng pamamahala ng mga pinuno, o sa kabuluhan ng mga ideya ng mga intelektwal na ito, o sa sigla nila sa pagpapakalat ng mga ito. Ang kapalaran ng isang bansa ay nauugnay lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa panahon kung kailan pinamamahalaan ng Diyos ang lahat ng sangkatauhan. Sa anumang panahong kailangan ng Diyos na gawin ang anumang gawain, at pamunuan at pangasiwaan ang alinmang mga bagay, at akayin ang buong lipunan sa alinmang direksyon, at isakatuparan ang anumang uri ng lipunan—sa panahong iyon, lilitaw ang ilang espesyal na karakter, at mangyayari ang ilang maganda at espesyal na bagay. Halimbawa, ang digmaan, o ang pagsasanib ng lupain ng ilang bansa sa iba pang mga bansa, o ang paglitaw ng ilang espesyal, umuusbong na teknolohiya, o maging ang paggalaw ng lahat ng karagatan at mga kontinental na plato ng daigdig, at iba pa—ang mga bagay na ito ay napapasailalim lahat sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng kamay ng Diyos. Posible rin na ang pagpapakita ng isang hindi kapansin-pansing tao ang aakay sa buong sangkatauhan na gumawa ng isang malaking hakbang pasulong. Posible rin na ang pagpapakita ng isang lubos na hindi kapansin-pansin, hindi mahalagang pangyayari ay mag-udyok ng malawakang migrasyon ng sangkatauhan, o maaaring sa ilalim ng mga epekto ng isang hindi mahalagang kaganapan, sasailalim ang lahat ng sangkatauhan sa isang malaking pagbabago, o magkakaroon ng iba’t ibang antas ng mga pagbabago sa ekonomiya, mga usaping militar, negosyo, o medikal na panggagamot, at iba pa. Naiimpluwensyahan ng mga pagbabagong ito ang kapalaran ng alinmang bansa sa mundo, at gayundin ang pag-unlad at pagbagsak ng anumang bansa. Kaya, ang tadhana, pagbangon, at pagbagsak ng anumang bansa, makapangyarihan man ito o mahina, ay lahat nauugnay sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan at sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Kung gayon, bakit gusto ng Diyos na gawin ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Ang Kanyang mga layunin ang ugat ng lahat. Sa madaling salita, ang kaligtasan, pagbangon, at pagbagsak ng anumang bansa o bayan ay walang anumang kaugnayan sa anumang lahi, anumang kapangyarihan, anumang naghahari-harian, anumang pamamaraan ng pamamahala, o sa sinumang indibidwal na tao. Nauugnay lamang ang mga ito sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at nauugnay rin ang mga ito sa panahon kung saan pinamamahalaan ng Lumikha ang sangkatauhan, at sa susunod na magiging hakbang ng Lumikha sa pamamahala at pamumuno sa sangkatauhan. Samakatuwid, anumang ginagawa ng Diyos ay nakakaimpluwensya sa tadhana ng alinmang bansa, bayan, lahi, grupo, o indibidwal na tao. Mula sa pananaw na ito, masasabi na ang tadhana ng sinumang indibidwal na tao, lahi, bayan, at bansa ay talagang magkarugtong at mahigpit na magkaugnay sa isa't isa, at hindi mapaghihiwalay ang ugnayan sa pagitan ng mga ito. Gayunpaman, ang ugnayan sa pagitan ng mga bagay na ito ay hindi idinulot ng ideya at pananaw na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” sa halip, nangyari ito dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Dahil nasa ilalim mismo ng kataas-taasang kapangyarihan ng nag-iisang tunay na Diyos, ang Lumikha, ang tadhana ng mga bagay na ito, kaya mayroong hindi mapaghihiwalay na ugnayan sa pagitan ng mga ito. Ito ang ugat at diwa ng kapalaran ng isang bansa.

Kaya, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng karamihan sa populasyon, anong pananaw ang dapat panghawakan ng isang tao hinggil sa kapalaran ng sariling bansa? Una sa lahat, dapat tingnan ng isang tao kung gaano kalaki ang ginagawa ng bansa para pangalagaan ang karamihan sa populasyon at panatilihin silang kontento. Kung karamihan sa populasyon ay namumuhay nang maayos, may kalayaan at karapatang magsalita nang malaya, kung ang lahat ng mga patakarang ipinroklama ng gobyerno ng estado ay napakarasyonal at itinuturing na makatarungan at makatwiran ng mga tao, kung ang mga karapatang pantao ng mga ordinaryong tao ay napangangalagaan, at kung ang mga tao ay hindi pinagkakaitan ng kanilang karapatan sa buhay, kusang aasa ang mga tao sa bansang ito, magagalak na manirahan dito, at mamahalin ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso. Pagkatapos, magiging responsable ang lahat sa kapalaran ng bansang ito, at ang mga tao ay magiging taos-pusong handang gampanan ang kanilang responsabilidad sa bansang ito, at gugustuhin nilang umiral ito magpakailanman dahil kapaki-pakinabang ito sa kanilang buhay at sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa kanila. Kung hindi mapangalagaan ng bansang ito ang buhay ng mga ordinaryong tao, at hindi ibinibigay sa kanila ang karapatang pantao na nararapat sa kanila, at wala man lang silang kalayaan sa pagsasalita, at kung ang mga nagsasabi ng kanilang opinyon ay pinipigilan at sinusupil, at ang mga tao ay pinagbabawalan pa ngang magsalita o magtalakay ng kung ano ang gusto nila, at kung, kapag ang mga tao ay inaapi, pinapahiya, at inuusig, ang bansa ay walang pakialam, at kung walang anumang kalayaan, at ang mga tao ay pinagkakaitan ng kanilang mga batayang karapatang pantao at karapatan sa buhay, at kung ang mga sumasampalataya at sumusunod sa Diyos ay sinusupil at pinag-uusig kaya hindi na sila makauwi, at kung hindi napapanagot ang mga pumapatay sa mga mananampalataya, kung gayon, ang bansang ito ay isang bansa ng mga diyablo, isang bansa ni Satanas, at hindi ito isang tunay na bansa. Kung gayon, dapat bang maging responsable pa rin ang lahat sa kapalaran nito? Kung sa puso nila ay nasusuklam at napopoot na ang mga tao sa bansang ito, kahit na aminin nilang responsable sila rito sa teorya, hindi sila magiging handang gampanan ang responsabilidad na ito. Kung sasakupin ng isang malakas na kaaway ang bansang ito, karamihan sa mga tao ay aasa pa nga sa napipintong pagbagsak ng bansa, upang makapamuhay sila nang masaya. Samakatuwid, kung responsable ang bawat isa sa kapalaran ng isang bansa ay nakasalalay sa kung paano tinatrato ng gobyerno nito ang mga tao. Ang pinakamahalagang punto ay kung sinusuportahan ito ng publiko—pangunahin itong natutukoy batay sa aspetong ito. Ang isa pang aspeto, sa panimula, ay na sa likod ng anumang nangyayari sa alinmang bansa, mayroong ilang dahilan at salik na nagsasanhing mangyari ito, at hindi ito isang bagay na maaaring maimpluwensyahan ng isang ordinaryo o hindi mahalagang tao. Samakatuwid, pagdating sa kapalaran ng isang bansa, walang indibidwal na tao o anumang pangkat etniko ang may huling kapasyahan, o may kapangyarihang makialam. Hindi ba’t isa itong katunayan? (Oo.) Sabihin natin, halimbawa, na ang mga naghahari-harian sa iyong bansa ay gustong palawakin ang teritoryo nito at kamkamin ang mahahalagang lupain, imprastraktura, at yaman ng isang kalapit na bansa. Matapos makapagdesisyon, ang mga naghahari-harian ay nagsisimulang maghanda ng mga puwersang militar, mangalap ng pondo, mag-imbak ng lahat ng uri ng panustos, at magtalakay kung kailan ilulunsad ang pagpapalawak ng lupain. May karapatan ba ang mga karaniwang tao na malaman ang lahat ng ito? Wala ka man lang karapatang makaalam. Ang alam mo lang ay na sa mga nakalipas na taon, tumaas ang pagbubuwis ng estado, tumaas ang mga singil at bayarin na ipinataw dahil sa kung anu-anong inimbentong kadahilanan, at tumaas ang pambansang utang. Ang obligasyon mo lang ay ang magbayad ng mga buwis. Tungkol sa kung ano ang mangyayari sa bansa at kung ano ang gagawin ng mga namumuno, mayroon bang anumang kinalaman iyon sa iyo? Hanggang sa sandaling magpasya ang bansa na makipagdigma, kung aling bansa at aling mga lupain ang sasakupin nito, at kung paano nito sasakupin ang mga iyon, ay mga bagay na tanging ang mga naghahari-harian ang nakakaalam, at maging ang mga sundalong ipapadala sa digmaan ay walang alam. Ni wala silang karapatang makaalam. Kailangan nilang lumaban saan man ituro ng pinuno. Kung bakit sila nakikipaglaban, hanggang kailan sila makikipaglaban, kung mananalo ba sila o hindi, at kung kailan sila makakauwi, sadyang hindi nila alam, wala man lang silang nalalaman. Ang mga anak ng ilang tao ay ipinapadala sa digmaan, pero sila bilang mga magulang ay wala man lang nalalaman tungkol doon. Ang mas masama pa riyan, kapag napatay ang kanilang mga anak, hindi man lang nila malalaman. Kapag naibalik na ang abo, saka nila nalalaman na patay na ang kanilang mga anak. Kaya sabihin mo sa Akin, ang kapalaran ba ng iyong bansa, at ang mga bagay na gagawin ng iyong bansa, at kung anong mga desisyon ang gagawin nito, ay may anumang kaugnayan sa iyo bilang isang ordinaryong tao? Sinasabi ba ng bansa sa iyo, na isang ordinaryong tao, ang tungkol sa mga bagay na ito? May karapatan ka bang sumali sa pagdedesisyon? Wala ka man lang karapatang makaalam, lalong wala kang karapatang sumali sa pagdedesisyon. Anuman para sa iyo ang bansa mo, mayroon bang anumang kaugnayan sa iyo kung paano ito umuunlad, kung anong direksiyon ito patungo, at kung paano ito pinamumunuan? Wala itong kaugnayan sa iyo. Bakit ganoon? Dahil isa kang ordinaryong tao, at ang lahat ng bagay na ito ay nauugnay lamang sa mga namumuno. Ang huling kapasyahan ay nakasalalay sa mga namumuno at mga naghahari-harian, at sa mga may pangsariling interes, ngunit wala itong anumang kaugnayan sa iyo bilang isang ordinaryong tao. Kaya, dapat mayroon kang kaunting kamalayan sa sarili. Huwag gumawa ng mga bagay na hindi makatwiran; hindi na kailangang ialay ang iyong buhay o ilagay ang iyong sarili sa kapahamakan para sa isang pinuno. Ipagpalagay natin na ang mga namumuno sa bansa ay mga diktador, at ang kapangyarihan ay nasa mga kamay ng mga diyablo na hindi tumutupad sa kanilang nararapat na tungkulin, at gumugugol ng buong araw sa paglalasing at kahalayan, namumuhay nang maluho, at walang ginagawa para sa mga tao. Ang bansa ay nasasadlak na sa utang at kaguluhan, at ang mga pinuno ay tiwali at walang kakayahan, na nagreresulta sa pananakop dito ng isang dayuhang kaaway. Saka lamang naiisip ng mga pinuno ang mga karaniwang tao, tinatawag sila at sinasabing: “‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.’ Kung mawawasak ang bansa, isang buhay ng paghihirap ang naghihintay sa inyong lahat. Sa kasalukuyan, may kaguluhan sa bansa, at ang mga mananakop ay nakapasok na sa ating mga teritoryo. Upang maprotektahan ang bansa, magmadaling pumunta sa lugar ng digmaan, dumating na ang oras na kailangan kayo ng bansa!” Pinagninilayan mo ito, iniisip na, “Tama, ‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.’ Sa wakas ay kailangan ako ng bansa, kaya, sapagkat mayroon akong ganitong responsabilidad, dapat kong isuko ang buhay ko para protektahan ang bansa. Hindi maaaring mapasakamay ng iba ang bansa natin, kung mawawala sa kapangyarihan ang pinunong ito, siguradong katapusan na natin!” Kahangalan bang mag-isip nang ganito? Itinatatwa at sinasalungat ng mga pinuno ng mga diktadurang ito ang Diyos. Kumakain, umiinom at nagsasaya sila buong araw, kumikilos nang walang ingat, hinahamak ang mga karaniwang tao, at sinasaktan at pinagmamalupitan ang masa. Kung nagmamadali ka nang buong tapang at walang takot para protektahan ang mga pinunong tulad nito, nagsisilbing pambala sa kanyon para sa mga ito sa lugar ng digmaan at ibinubuhos ang iyong buhay para sa kanila, kung gayon ay talagang hangal ka, at nangangako ng bulag na katapatan! Bakit Ko sinasabi na talagang hangal ka? Sino nga ba ang ipinaglalaban ng mga sundalo sa lugar ng digmaan? Para kanino nila ibinubuhos ang kanilang buhay? Para kanino sila nagsisilbing pambala sa kanyon? At kung sa lahat ng tao ay ikaw na isang mahina at marupok na karaniwang tao, ang pupunta sa digmaan, kung gayon, isa lang itong pagpapakita ng kahangalan at pag-aaksaya ng buhay. Kung dumating ang digmaan, dapat kang manalangin sa Diyos at hilingin sa Kanya na protektahan ka upang makatakas ka papunta sa isang ligtas na lugar, sa halip na magsakripisyo nang walang kabuluhan at lumaban. Ano ang kahulugan ng walang kabuluhang sakripisyo? Kahangalan. Ang bansa ay likas na magkakaroon ng mga taong handang itaguyod ang diwa ng “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” upang protektahan ang mga pinuno at itaya ang kanilang buhay para sa mga ito. Ang kapalaran ng bansa ay may malaking epekto sa mga interes at kaligtasan ng mga naturang tao, kaya hayaan ang mga ito na pangasiwaan ang mga kaganapan ng bansa. Isa kang ordinaryong tao, wala kang kapangyarihang protektahan ang bansa, at walang kaugnayan sa iyo ang mga bagay na ito. Anong uri mismo ng bansa ang karapat-dapat ipagtanggol? Kung ito ay isang bansa na may mga malaya at demokratikong sistema, at ang pinuno ay talagang may ginagawa para sa mga tao at makakapaggarantiya sa kanila ng isang normal na buhay, kung gayon, ang naturang bansa ay karapat-dapat ipagtanggol at protektahan. Nararamdaman ng mga karaniwang tao na ang pagprotekta sa gayong bansa ay katumbas ng pagprotekta sa sarili nilang tahanan, na isang hindi maiiwasang responsabilidad, kaya handa silang magtrabaho para sa bansa at gampanan ang kanilang responsabilidad. Ngunit kung ang mga diyablo o si Satanas ang namumuno sa bansang ito, at ang mga pinuno ay masasama at walang kakayahan hanggang sa puntong ang paghahari ng mga demonyong haring ito ay nawawalan ng lakas at dapat na silang bumaba sa puwesto, magtatatag ang Diyos ng isang makapangyarihang bansa na mananakop. Ito ay isang hudyat mula sa Langit para sa mga tao, na nagsasabi sa kanila na ang mga namumuno ng rehimeng ito ay dapat nang bumaba sa puwesto, at na hindi sila karapat-dapat na magkaroon ng ganoong kapangyarihan, o mangibabaw sa lupaing ito, o mag-obliga sa mga tao ng bansang ito na tustusan sila, dahil wala silang nagawang anuman para pangalagaan ang kapakanan ng populasyon ng bansa, at hindi rin naging kapaki-pakinabang sa mga karaniwang tao ang kanilang pagmumuno o nakapagdulot ng anumang kaligayahan sa buhay ng mga tao. Pinahirapan lamang nila ang mga karaniwang tao, ipinahamak sila, at pinagmalupitan at inabuso sila. Kaya, ang gayong mga pinuno ay dapat bumaba sa puwesto at magbitiw sa kanilang mga posisyon. Kung papalitan ang rehimeng ito ng isang demokratikong sistema na mabubuting tao ang nasa kapangyarihan, matutupad nito ang mga inaasam at inaasahan ng populasyon, at ito ay alinsunod din sa kalooban ng Langit. Ang mga sumusunod sa mga pamamaraan ng Langit ay uunlad, habang ang mga lumalaban sa Langit ay mawawasak. Bilang isang ordinaryong mamamayan, kung palagi kang nalilinlang ng ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at palagi mong iniidolo at sinusunod ang mga naghahari-harian, kung gayon, tiyak na mamamatay ka nang maaga at malamang na magiging isang biktimang pangsakripisyo at alay ng mga naghahari-harian. Kung hahangarin mo ang katotohanan, iiwasang magpalinlang kay Satanas at kung makakatakas ka sa impluwensya nito at mapapanatili ang buhay mo, may pag-asang makita mo ang pag-ahon ng isang positibong bansa, at makita ang pag-upo sa kapangyarihan ng mga pantas na panginoon at matatalinong pinuno, at makita ang pagtatatag ng isang magandang panlipunang sistema, at magkakaroon ka ng magandang kapalaran para mamuhay nang masaya. Hindi ba’t isa itong pasya ng isang matalinong tao? Huwag isipin na ang sinumang mananakop ay mga kaaway o mga demonyo; mali iyan. Kung palagi mong itinuturing ang mga pinuno bilang pinakadakila at nakatataas sa lahat, at tinatrato sila bilang mga walang hanggang amo ng lupaing ito gaano man karaming masasamang bagay ang ginagawa nila, o gaano man nila nilalabanan ang Diyos at pinagmamalupitan ang mga mananampalataya, isa iyang malaking pagkakamali. Isipin mo, nang napuksa ang mga pyudal na naghaharing dinastiya noon, at namuhay ang mga tao sa ilalim ng iba't ibang medyo demokratikong sistemang panlipunan, naging tila mas malaya at mas masaya sila, naging mas maganda ang buhay nila sa materyal na aspeto kaysa dati, at ang lawak ng adhikain, kabatiran, at pananaw ng sangkatauhan sa iba't ibang bagay ay naging mas progresibo kaysa dati. Kung ang lahat ng tao ay lahat paurong mag-isip, at palaging naniniwala na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” at patuloy na nagnanais na buhayin ang mga lumang tradisyon, ibalik ang pamumuno ng mga emperador, at bumalik sa isang pyudal na sistema, ganito kaya kalayo ang maaabot ng pag-unlad ng sangkatauhan? Magiging katulad kaya ng sa kasalukuyan ang kanilang tirahan? Tiyak na hindi. Samakatuwid, kapag nagkakagulo ang bansa, kung nakasaad sa mga batas ng bansa na dapat mong tuparin ang iyong mga tungkuling sibiko at gumanap ng serbisyong militar, dapat kang magsagawa ng serbisyong militar alinsunod sa batas. Kung kinakailangan mong pumunta sa digmaan sa panahon ng iyong serbisyong militar, dapat mo ring tuparin ang iyong responsabilidad, dahil ito ang dapat mong gawin ayon sa batas. Hindi mo maaaring labagin ang batas, at dapat kang sumunod dito. Kung hindi ito hinihingi ng batas, malaya kang pumili. Kung ang bansang tinitirhan mo ay kumikilala sa Diyos, sumusunod sa Kanya, sumasamba sa Kanya, at taglay ang Kanyang mga pagpapala, kung gayon, dapat itong ipagtanggol. Kung ang bansang tinitirhan mo ay nilalabanan at inuusig ang Diyos, at inaaresto at inaapi ang mga Kristiyano, kung gayon, ang naturang bansa ay isang satanikong bansa na pinamumunuan ng mga diyablo. Sa patuloy na paglaban sa Diyos nang may nagpupuyos na galit, nalabag na nito ang disposisyon ng Diyos, at isinumpa na ito ng Diyos. Kapag ang gayong bansa ay nahaharap sa pagsalakay ng isang dayuhang kaaway, at napapaligiran ng mga kaguluhan sa loob at labas ng mga teritoryo nito, ito ay isang panahon kung kailan ang galit, kawalang-kasiyahan, at hinanakit ang nangingibabaw sa Diyos at sa sangkatauhan. Hindi ba’t ito ang panahon kung kailan nais ng Diyos na magtatag ng isang kapaligiran para sirain ang bansang ito? Ito ang panahon na magsisimulang kumilos ang Diyos. Narinig ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao, at dumating na ang oras para ayusin Niya ang mga maling ginawa sa mga hinirang ng Diyos. Isa itong magandang bagay, at magandang balita rin ito. Ang panahon kung kailan wawasakin na ng Diyos ang mga diyablo at si Satanas ay ang panahon din para sa mga hinirang ng Diyos na maging sabik na sabik at mag-ikot para ipalaganap ang balita. Sa panahong ito, hindi mo dapat itaya ang buhay mo para sa mga naghahari-harian. Dapat mong gamitin ang iyong karunungan upang iwaksi ang mga hadlang na ipinataw ng mga naghahari-harian, magmadaling tumakas upang protektahan ang iyong sarili at kagyat na iligtas ang iyong sarili. Sinasabi ng ilang tao: “Kung tatakbo ako, magiging isa ba akong takas? Hindi ba’t makasarili iyon?” Maaaring hindi ka rin maging isang takas, at babantayan mo na lamang ang iyong tahanan at hihintayin ang mga mananakop na bombahin at sakupin ito, at titingnan kung ano ang kahihinatnan. Sa katunayan, kapag nangyayari ang anumang malaking kaganapan na mahalaga sa bansa, ang mga ordinaryong tao ay walang karapatang pumili para sa kanilang sarili. Ang lahat ay maaari lamang pasibong maghintay, manood, at magtiis sa mga hindi maiiwasang resulta ng kaganapang ito. Hindi ba’t katunayan ito? (Oo.) Ito nga ay isang katunayan. Ano’t anuman, ang pagtakas ang pinakamatalinong paraan ng pagkilos. Responsabilidad mo na protektahan ang sarili mong buhay at ang kaligtasan ng iyong pamilya. Kung hihingin sa lahat ng tao na maging responsable para sa kapalaran ng kanilang bansa, at namatay silang lahat dahil doon, at ang natira na lamang sa bansa ay isang malawak na lupain, iiral pa ba ang diwa ng bansa? Ang “Bansa” ay magiging isang hungkag lang na salita, hindi ba? Sa mata ng mga diktador, ang buhay ng mga tao ang bagay na pinakawalang halaga kumpara sa kanilang mga ambisyon at hangarin, sa kanilang mga pagsalakay, at sa anumang desisyon at kilos nila, ngunit sa mga mata ng Diyos, ang buhay ng tao ang pinakamahalagang bagay. Hayaan ang mga taong handang maging pambala sa kanyon para sa mga diktador at ang mga taong handang itaguyod ang diwa ng kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” na mag-ambag at magsakripisyo para sa mga pinuno. Ang mga sumusunod sa Diyos ay walang obligasyon na gumawa ng anumang mga sakripisyo para sa isang bansa ni Satanas. Maaari mo ring isipin ito nang ganito—hayaan ang masunuring supling ni Satanas at iyong mga sumusunod dito na magsakripisyo para sa pamumuno ni Satanas at para sa mga ambisyon at hangarin nito. Tama lang na hayaan silang maging pambala ng kanyon. Walang pumilit sa kanilang magkaroon ng ganoon kalaking mga ambisyon at hangarin. Gusto lang nilang sumunod sa mga namumuno, at nilalayon nilang mangako ng katapatan sa mga diyablo, kahit na ikamatay nila ito. Sa huli, sila ay nagiging mga pangsakripisyo at panghandog ni Satanas, na siyang nararapat sa kanila.

Kapag sinasakop ng anumang bansa ang isa pang bansa, o kapag ang isang hindi patas na pakikipagtransaksyon sa ibang bansa ay humantong sa digmaan, sa huli, ang mga biktima ay ang mga karaniwang tao, ang lahat ng naninirahan sa lupaing ito. Totoo na maiiwasan ang ilang digmaan kung ang isa sa mga partido ay magagawang magkompromiso, bumitiw sa kanilang mga ambisyon, hangarin, at kapangyarihan, at mag-isip tungkol sa kaligtasan ng mga karaniwang tao. Sa totoo lang, maraming digmaan, ang dulot ng pagkapit ng mga pinuno sa sarili nilang paghahari, ayaw bitiwan o mawala sa kanilang mga kamay ang kapangyarihan, at sa halip ay mahigpit na sumusunod sa kanilang mga paniniwala, kumakapit sa kapangyarihan, at pinanghahawakan ang sarili nilang mga interes. Sa sandaling sumiklab ang digmaan, ang mga karaniwang tao at ordinaryong tao ang nagiging biktima. Malayo at malawak silang nakakalat sa panahon ng digmaan, at sila ang pinakawalang-kakayahang tutulan ang lahat ng ito. May konsiderasyon ba ang mga pinunong ito sa mga karaniwang tao? Isipin kung mayroong isang pinuno na nagsabing, “Kung panghahawakan ko ang sarili kong mga paniniwala at teorya, maaaring makapag-udyok ako ng digmaan, at ang mga ordinaryong tao ang magiging biktima. Kahit manalo ako, mawawasak ang lupaing ito ng mga sandata at bala, at ang mga tahanang tinitirhan ng mga tao ay mawawasak, kaya ang mga taong naninirahan sa lupaing ito ay hindi magkakaroon ng masayang buhay sa hinaharap. Upang maprotektahan ang mga karaniwang tao, bababa ako sa puwesto, aalisin ang sandata, susuko, at makikipagkompromiso,” at pagkatapos niyon, maiiwasan ang digmaan. Mayroon bang gayong pinuno? (Wala.) Sa katunayan, ayaw ng mga karaniwang tao na makipaglaban, hindi rin nila gustong lumahok sa tunggalian o mga paligsahan sa pagitan ng mga puwersang pampulitika. Lahat sila ay pasibong ipinapadala ng pinuno sa lugar ng digmaan at sa panganib. Ang lahat ng taong ito na ipinapadala sa lugar ng digmaan, mamatay man sila o mabuhay, sa huli, sila ay maglilingkod para mapanatili ang pinuno sa kapangyarihan. Kaya, ang pinuno ba ang tunay na makikinabang? (Oo.) Ano ang mapapala ng mga karaniwang tao sa digmaan? Maaari lamang silang mawasak dahil dito, at magdusa sa pagkasira ng kanilang mga tahanan at ng tirahan na kanilang sinasandalan. Ang ilan ay nawawalan ng pamilya, at ang mas marami pa ay napipilitang umalis at nawawalan sila ng tirahan, nang wala nang pag-asang makabalik pa. Gayunpaman, maringal na sinasabi ng pinuno na ang digmaan ay inilunsad para protektahan ang mga tahanan ng mga tao at ang kanilang kaligtasan. May katuturan ba ang pahayag na ito? Hindi ba’t ito ay walang sinseridad at mapanlinlang? Sa huli, ang mga karaniwang tao, ang mga tao, ang pumapasan ng lahat ng masasamang kahihinatnan nito, at ang pinakanakikinabang dito ay ang pinuno. Maaari nilang patuloy na pamunuan ang mga tao, pamunuan ang lupain, hawakan ang kapangyarihan, at akuin ang posisyon ng pinuno na nagbibigay ng mga utos, samantalang ang mga ordinaryong tao ay nabubuhay sa matinding paghihirap na walang kinabukasan at walang pag-asa. Iniisip ng ilang tao na ang ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay ganap na tama. Kung titingnan ito ngayon, tama ba ito? (Hindi, hindi ito tama.) Walang kahit katiting na tama sa kasabihang ito. Kung titingnan man ito mula sa perspektiba ng mga motibo ni Satanas sa pagkintal ng ideyang ito sa mga tao, o sa mga pakana, pagnanais, at ambisyon ng mga pinuno sa iba't ibang yugto sa buong kasaysayan ng pag-unlad ng tao, o anumang katunayan tungkol sa kapalaran ng isang bansa, ang paglitaw ng mga pangyayaring ito ay hindi makokontrol ng sinumang ordinaryong tao, indibidwal, o pangkat etniko. Sa huli, ang mga biktima ay ang masang hindi naghihinala at karaniwang mamamayan, samantalang ang pinakahigit na nakikinabang ay ang naghahari-harian sa bansa, ang mga pinuno sa pinakatuktok. Kapag nagkakagulo ang bansa, pinadadala nila sa unang hanay ang mga karaniwang tao para gawing pambala sa kanyon. Kapag walang kaguluhan sa bansa, ang mga karaniwang tao ang kamay na nagpapakain sa kanila. Pinagsasamantalahan nila ang mga karaniwang tao, nililimas ang yaman ng mga ito at umaasa sa panustos ng mga ito, pinipilit ang mga tao na magbigay sa kanila, at sa huli ay ikinikintal pa nga sa mga tao ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” at pinipilit silang tanggapin ito. Ang sinumang hindi tumatanggap nito ay binabansagang hindi makabayan. Ang mensaheng ipinapaabot ng mga pinunong ito ay: “Ang layon ng aking pamumuno ay para mamuhay kayo nang masaya. Kung wala ang aking pamumuno, hindi kayo mabubuhay, kaya dapat ninyong sundin ang mga sinasabi ko, maging mga masunuring mamamayan, at maging laging handa na ialay ang inyong sarili at isakripisyo ang inyong sarili para sa kapalaran ng inyong bansa.” Sino ang bansa? Sino ang kasingkahulugan ng bansa? Ang mga namumuno ay kasingkahulugan ng bansa. Sa isang punto, sa pamamagitan ng pagkintal sa mga tao ng ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay pinipilit nila ang mga tao na gampanan ang mga responsabilidad ng mga ito nang walang pagpipilian, pag-aatubili, o anumang pagtutol. Sa isa pang punto, sinasabi nila sa mga tao na napakahalaga sa populasyon ang kapalaran ng bansa at ang usapin ng kung ang mga pinuno nito ay mananatili sa kapangyarihan o mapapatalsik, kaya dapat lubos na mag-ingat ang mga tao upang maipagtanggol kapwa ang bansa at mga pinuno nito, upang magarantiya ang kanilang normal na pag-iral. Totoo ba talaga ito? (Hindi.) Malinaw na hindi ito totoo. Ang mga pinunong hindi kayang sumunod sa Diyos, gumawa ng Kanyang kalooban, o magtrabaho para sa kapakanan ng mga karaniwang tao ay hindi makukuha ang suporta ng karamihan, at hindi magiging mabubuting pinuno. Kung, sa halip na kumilos para sa kapakanan ng mga karaniwang tao, hinahangad lamang ng mga pinuno ang kanilang sariling mga interes, hinahamak ang mga tao, at parang mga parasito ang mga pinuno na sumisipsip sa dugo’t pawis ng mga tao, kung gayon, ang mga pinunong tulad niyon ay Satanas at mga diyablo, at hindi sila karapat-dapat sa suporta ng mga tao, gaano man sila kalakas. Kung walang gayong mga pinuno ang bansa, iiral ba ito? Iiral ba ang buhay ng mga tao? Iiral ito sa kabila ng lahat, at maaari pa ngang makapamuhay nang mas maganda ang mga tao. Kung malinaw na nakikita ng mga tao ang diwa ng katanungan ng kung ano dapat ang kanilang mga obligasyon at responsabilidad sa kanilang bansa, kung gayon, saang bansa man sila nakatira, dapat silang magkaroon ng mga tamang pananaw sa malalaking isyu sa bansang iyon, at sa mga isyu tungkol sa pulitika at kapalaran ng bansang iyon. Kapag nagkaroon ka ng mga tamang pananaw na ito, magagawa mo ang tamang pasya sa mga bagay na kinasasangkutan ng kapalaran ng bansa. Sa usapin ng kapalaran ng isang bansa, mayroon na ba kayong batayang pagkaunawa sa katotohanan na dapat maunawaan ng mga tao? (Mayroon.)

Marami Akong naibahagi tungkol sa kasabihan sa moral na pag-uugali na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Tungkol sa konsepto ng bansa, ang impluwensya ng terminong “bansa” sa mga tao sa lipunan, kung anong mga responsabilidad ang dapat taglayin ng mga tao sa kanilang bansa at bayan pagdating sa kapalaran ng bansang iyon, anong mga kapasyahan ang dapat nilang gawin, at kung ano ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan sa usaping ito, malinaw ba Akong nakipagbahaginan tungkol sa lahat ng ito? (Oo.) Kung gayon, dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito.

Hunyo 11, 2022

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.