Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 13 (Ikalawang Bahagi)
Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” at gumugol ng ilang oras sa pagsusuri at paglalantad ng mga hinihingi, ekspresyon, at mga ideya at pananaw na likas sa kasabihang ito, at nagkaroon ng partikular na pagkaunawa ang mga tao sa diwa nito. Siyempre, pagdating sa mga paksang may kinalaman sa aspetong ito, nagbahaginan din tayo sa kung ano talaga ang layunin ng Diyos, kung ano ang Kanyang saloobin, kung ano ang mga katotohanang kasama nito, at kung paano dapat tingnan ng mga tao ang kamatayan. Matapos maunawaan ang katotohanan at ang layunin ng Diyos, sa tuwing mahaharap ang mga tao sa mga gayong bagay, dapat nilang tingnan ang gayong mga isyu ayon sa mga salita ng Diyos at pangasiwaan ang mga ito ayon sa katotohanan, upang matugunan nila ang mga hinihingi ng Diyos. Higit pa rito, ang kasabihan tungkol sa wastong asal na binanggit natin noong huli—“Ang mga silkworm ng tagsibol ay naghahabi hanggang sa mamatay ang mga ito, at ang mga kandila ay nauubos hanggang matuyo ang mga luha ng mga ito”—ay masyadong mababaw, at walang lalim, kaya hindi na ito karapatdapat na suriin pa. Ang susunod na kasabihan tungkol sa wastong asal na ating pagbabahaginan, “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay karapatdapat na suriin. Ang mga bagay na karapatdapat na suriin ay may partikular na puwang sa mga kaisipan at kuru-kuro ng mga tao. Sa isang partikular na panahon, iimpluwensyahan ng mga ito ang pag-iisip ng mga tao, ang kanilang paraan ng pag-iral, ang kanilang landas, at siyempre ang kanilang mga pagpapasya. Ito ang kahihinatnan na natatamo ni Satanas sa pananamantala sa tradisyonal na kultura upang gawing tiwali ang sangkatauhan. Ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may partikular na puwang sa puso at isipan ng mga tao, ibig sabihin, ang uri ng isyu na tinutukoy ng kasabihang ito ay mahusay na kumakatawan sa ideyang ipinahihiwatig nito. Sa mga kritikal na yugto ng kapalaran ng kanilang bansa, ang mga tao ay gagawa ng mga desisyon batay sa kasabihang ito, at igagapos at pipigilan nito ang kanilang pag-iisip at normal na proseso ng pag-iisip. Samakatuwid, ang mga ganitong ideya at pananaw ay karapatdapat na suriin. Kung ikukumpara sa mga kasabihang binanggit natin dati na “Huwag mong ibulsa ang pera na iyong napulot,” “Haharapin ko ang panganib para sa isang kaibigan,” “Ang kabutihang natanggap ay dapat na buong-pasasalamat na suklian,” “Ang isang patak ng kabutihan ay dapat suklian ng umaagos na bukal,” “Sumunod sa ipinapagawa at sikaping gawin ang makakaya mo hanggang sa araw ng iyong kamatayan,” at iba pa, ang pamantayan ng wastong asal na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may mataas na posisyon sa mundo ni Satanas. Ang mga kasabihan tungkol sa wastong asal na sinuri natin dati ay tumutukoy sa isang uri ng tao o isang uri ng maliit na bagay sa buhay, na pawang limitado, samantalang ang kasabihang ito ay mas malawak ang saklaw. Wala itong kinalaman sa mga bagay na nasa saklaw ng “mas mababang pagkatao,” kundi sa halip ay tumutukoy ito sa ilang isyu at bagay na may kinalaman sa “mas nakahihigit na pagkatao.” Samakatuwid, sakop nito ang isang mahalagang posisyon sa puso ng mga tao, at dapat na suriin upang makita kung kailangan itong magkaroon ng partikular na puwang sa puso ng mga tao, at upang matiyak kung paano dapat tingnan ng mga tao ang kasabihang ito sa wastong asal sa paraang naaayon sa katotohanan.
Ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay nag-oobliga sa mga tao na isaisip ang kanilang responsabilidad sa kapalaran ng kanilang bansa, sa pamamagitan ng pagmumungkahi na dapat maging responsable ang lahat para dito. Kung tutuparin mo ang iyong responsabilidad para sa kapalaran ng iyong bansa, gagantimpalaan ka ng gobyerno ng mataas na karangalan at ituturing ka na isang taong marangal; samantala, kung hindi mo alalahanin ang kapalaran ng bansa, at wala kang gagawin habang naghihirap ito, at hindi mo ito ituturing na isang napakalaking isyu, o pagtatawanan mo lang ito, kung gayon, ang tingin dito ay isang ganap na hindi pagtupad sa iyong responsabilidad. Kung hindi mo ginagampanan ang iyong mga tungkulin at responsabilidad kapag kailangan ka ng iyong bansa, kung gayon ay wala kang masyadong kakayahan, at isa ka lang talagang hamak na tao. Ang gayong mga tao ay isinasantabi at kinukutya sa lipunan, at nilalait at minamaliit ng kanilang mga kasamahan. Para sa sinumang mamamayan ng anumang soberanong estado, ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay isang kasabihang sinasang-ayunan ng mga tao, isang kasabihan na matatanggap ng mga tao, at isang kasabihan na iginagalang pa nga ng sangkatauhan. Isa rin itong ideya na itinuturing ng sangkatauhan na marangal. Ang isang taong nag-aalala at nababahala tungkol sa kapalaran ng kanyang katutubong lupain, at lubos na nakararamdam ng pananagutan dito, ay isang taong may higit na katuwiran. Ang mga taong nag-aalala at nababahala para sa sarili nilang pamilya ay may mas mababang katuwiran, samantalang ang mga nagmamalasakit sa kapalaran ng kanilang bansa ay mga taong may espiritu ng higit na katuwiran, at sa lahat ng tao, sila ang dapat purihin ng mga namumuno at ng mga tao. Sa madaling salita, ang mga ideyang tulad nito ay hindi mapagdududahang kinikilala na may positibong kabuluhan para sa mga tao at nagsisilbing positibong gabay sa sangkatauhan, at siyempre, kinikilala rin bilang mga positibong bagay ang mga ito. Ganoon din ba ang iniisip ninyo? (Oo.) Normal lang na ganito ang isipin ninyo. Ibig sabihin nito ay hindi naiiba sa mga normal na tao ang pag-iisip ninyo, at na kayo ay mga ordinaryong tao. Ang mga ordinaryong tao ay maaaring tumanggap ng mga karaniwang ideya, at ng lahat ng iba't ibang diumano’y positibo, maagap, optimistiko, at marangal na ideya at pahayag na nagmumula sa buong sangkatauhan. Ito ay mga normal na tao. Talaga bang positibo ang mga ideya na tinatanggap at iginagalang ng mga ordinaryong tao? (Hindi.) Mula sa teoretikal na pananaw, hindi positibo ang mga ito, dahil ang mga ito ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi nagmumula sa Diyos, at hindi itinuturo o sinasabi ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya ano nga ba ang mga katunayan? Paano dapat ipaliwanag ang bagay na ito? Ipapaliwanag Ko ito ngayon nang detalyado, at kapag natapos na Akong magsalita, malalaman ninyo kung bakit ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay hindi isang positibong bagay. Bago Ko ihayag ang kasagutan, pag-isipan muna ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”: Positibong bagay ba talaga ito? Mali ba na hikayatin ang mga tao na mahalin ang kanilang bansa? Sinasabi ng ilang tao: “Ang kapalaran ng ating katutubong lupain ay may kaugnayan sa ating kaligtasan, sa ating kaligayahan, at sa ating kinabukasan. Hindi ba’t sinasabi ng Diyos sa mga tao na maging masunurin sa kanilang mga magulang, na palakihin nang maayos ang kanilang mga anak, at gampanan ang kanilang mga responsabilidad sa lipunan? Ano ang mali sa pagtupad natin ng ilang responsabilidad sa ating bansa? Hindi ba’t isa itong positibong bagay? Bagamat hindi ito kapantay ng katotohanan, malamang na tamang ideya naman ito, hindi ba?” Kung ang mga tao ang tatanungin, may batayan ang mga dahilang ito, hindi ba? Ginagamit ng mga tao ang mga pahayag na ito, ang mga dahilang ito, at maging ang mga pangangatwirang ito upang ipaglaban ang kawastuhan ng kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Kaya tama ba talaga ang kasabihang ito o hindi? Kung tama ito, ano ang tama tungkol dito? Kung hindi ito tama, ano ang mali rito? Kung masasagot ninyo nang malinaw ang dalawang katanungang ito, talagang mauunawaan ninyo ang aspetong ito ng katotohanan. May iba na nagsasabing: “Ang kasabihang ‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa’ ay hindi totoo. Ang mga bansa ay pinaghaharian ng mga pinuno, at pinamamahalaan ng mga sistemang pampulitika. Sa tuwing may kinalaman sa pulitika, wala tayong pananagutan, dahil hindi nakikisali ang Diyos sa pulitika ng tao. Samakatuwid, hindi rin tayo nakikisali sa pulitika, kaya ang kasabihang ito ay walang kinalaman sa atin; anuman ang may kaugnayan sa pulitika ay walang kinalaman sa atin. Ang sinumang masangkot sa pulitika, at mahilig sa pulitika, ay may pananagutan sa kapalaran ng bansa. Hindi natin tinatanggap ang kasabihang ito, hindi ito isang positibong bagay sa ating pananaw.” Tama ba o mali ang paliwanag na ito? (Mali.) Bakit mali? Alam ninyo ayon sa teorya na walang lohika sa paliwanag na ito, hindi nito tinutugunan ang ugat ng problema, at hindi sapat na naipapaliwanag ang diwa ng problema. Ito ay isang teoretikal na paliwanag lamang, ngunit hindi nililinaw ang diwa ng bagay na ito. Anumang uri ng paliwanag ito, hangga't bigo itong tukuyin ang partikular na diwa ng isyung ito, hindi ito isang tunay na paliwanag, hindi ito tumpak na sagot, at hindi ito ang katotohanan. Kaya, ano ang mali sa kasabihan tungkol sa wastong asal na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”? Anong katotohanan ang nauugnay sa isyung ito? Ang katotohanan sa bagay na ito ay hindi maipapaliwanag nang malinaw sa isa o dalawang pangungusap. Mangangailangan ng maraming pagpapaliwanag para maipaunawa sa inyo ang katotohanang nakapaloob dito. Kaya't magbahaginan tayo tungkol dito gamit ang mga simpleng salita.
Paano dapat tingnan at unawain ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”? Ito ba ay isang positibong bagay? Upang maipaliwanag ang kasabihang ito, tingnan muna natin kung ano ang isang bansa. Ano ang konsepto ng isang bansa sa isipan ng mga tao? Ang konsepto ba ng isang bansa ay na napakalaki nito? Mula sa teoretikal na pananaw, ang isang bansa ay ang kalawakan ng teritoryo na binubuo ng lahat ng tahanan na pinamumunuan ng parehong pinuno at pinamamahalaan ng parehong sistemang panlipunan. Ibig sabihin, maraming tahanan ang bumubuo sa isang bansa. Ganoon ba ang depinisyon dito ng lipunan? (Oo.) Kapag may maliliit na tahanan ay saka lamang magkakaroon ng isang malaking tahanan, at ang isang malaking tahanan ay tumutukoy sa isang bansa—ito ang depinisyon ng isang bansa. Kaya, katanggap-tanggap ba ang depinisyong ito? Sumasang-ayon ba kayo rito? Kaninong mga panlasa at interes ang pinakaangkop sa depinisyong ito? (Sa mga namumuno.) Tama iyan, sa mga namumuno unang-una sa lahat. Sapagkat nasa ilalim ng kanilang kapangyarihan ang lahat ng sambahayan, nasa kanilang mga kamay ang kapangyarihan. Kaya, kung ang mga namumuno ang tatanungin, ang depinisyong ito ay may batayan, at sumasang-ayon sila rito. Anuman ang depinisyon ng mga namumuno sa isang bansa, para sa sinumang karaniwang tao, may distansya sa pagitan ng bansa at sa bawat tao rito. Para sa mga karaniwang tao, ibig sabihin, ang mga indibidwal na tao sa bawat bansa, ang kanilang depinisyon ng isang bansa ay ganap na naiiba sa depinisyon na isinusulong ng mga pinuno o mga naghahari-harian. Ang paraan ng pagtukoy ng mga naghahari-harian sa isang bansa ay nababatay sa kanilang kapangyarihan at kanilang mga interes. Nakatayo sila sa taas at ginagamit ang kanilang matayog na kinatatayuan at malawak na perspektiba na may kasamang ambisyon at pagnanais para tukuyin kung ano ang isang bansa. Halimbawa, itinuturing ng mga pinuno ang bansa bilang kanilang sariling tahanan, kanilang sariling lupain, at iniisip nila na ipinagkakaloob ito para sa sarili nilang kasiyahan, at na ang bawat pulgada ng bansa, at bawat yaman at maging ang bawat tao rito ay dapat pag-aari nila at mapasailalim sa kanilang kontrol, at na dapat nilang tamasahin ang lahat ng ito at dominahin ang mga tao hangga’t gusto nila. Ngunit ang mga karaniwang tao ay walang mga gayong mga hangarin, at wala rin silang gayong mga kondisyon, at lalong tiyak na wala silang ganoon kalawak na perspektiba para tukuyin kung ano ang isang bansa. Kaya, para sa mga karaniwang tao, para sa sinumang nagsasariling tao, ano ang kanilang depinisyon ng isang bansa? Kung sila ay may pinag-aralan at marunong magbasa ng mga mapa, alam lang nila ang laki ng teritoryo ng kanilang bansa, at kung aling mga karatig bansa ang nakapaligid dito, at kung gaano karaming mga ilog at lawa mayroon ito, at kung gaano karaming bundok, gaano karaming kagubatan, gaano kalawak ang lupain, at ilan ang tao sa kanilang bansa… Ang kanilang konsepto ng isang bansa ay batay lamang sa mapa at literal, isang teoretikal na konsepto lamang na nakabatay sa mga teksto, at lubos na hindi naaayon sa bansang umiiral sa realidad. Para sa isang tao na may pinag-aralan naman at may partikular na katayuan sa lipunan, parang ganoon ang kanilang konsepto ng isang bansa. Kaya, paano naman ang mga karaniwang taong nasa pinakababa ng lipunan? Ano ang kanilang depinisyon ng isang bansa? Sa Aking pananaw, ang depinisyon ng mga taong ito sa isang bansa ay hindi hihigit pa sa maliit na lupain ng kanilang pamilya, sa malaking puno ng willow sa dulong silangan ng nayon, sa bundok sa dulong kanluran, sa daan papasok sa nayon at sa mga sasakyan na madalas na dumaraan sa kalsada, pati na rin sa ilang insidente na nagiging usap-usapan sa nayon, at maging sa ilang simpleng tsismis. Para sa mga karaniwang tao, parang ganoon ang konsepto ng isang bansa. Bagamat napakaliit ng mga hangganan ng depinisyong ito at napakakitid ng saklaw nito, kung ang mga karaniwang taong naninirahan sa gayong kontekstong panlipunan ang tatanungin, ito ay napakamakatotohanan at praktikal—para sa kanila, ang isang bansa ay hindi na hihigit pa sa ganito. Anuman ang mangyari sa mundo sa labas, anuman ang mangyari sa bansa, para sa kanila, ito ay isang balitang may katamtamang halaga lamang na maaari nilang pagpasyahan kung pakikinggan nila o hindi. Kaya, ano ang nauugnay sa kanilang mga agarang interes? Iyon ay kung ang mga pananim na cereal na kanilang itinanim ngayong taon ay magbubunga ng napakaraming ani, kung ito ba ay sasapat para mapakain ang kanilang pamilya, kung ano ang itatanim sa susunod na taon, kung babahain ba ang kanilang lupain, kung papasukin at sasakupin ba ito ng mga maton, at iba pang mga usapin at bagay na malapit na nauugnay sa buhay, hanggang sa mga bagay tulad ng isang gusali sa nayon, isang batis, isang daanan, at iba pa. Ang kanilang pinahahalagahan at pinag-uusapan, pati na rin ang nag-iiwan ng malalim na impresyon sa kanilang isipan, ay walang iba kundi ang mga tao, usapin, at bagay sa kanilang paligid na malapit na nauugnay sa kanilang buhay. Wala silang konsepto kung gaano kalaki ang saklaw ng isang bansa, at wala rin silang anumang konsepto sa kasaganaan o kakapusan ng isang bansa. Kapag nagiging mas makabago ang mga bagay-bagay, at nagiging mas mahalaga ang mga usaping pangbansa, mas lalo silang naiiba sa gayong mga tao. Para sa mga karaniwang taong ito, ang konsepto ng isang bansa ay ang mga tao, usapin, at bagay lamang na naiisip nila, at ang mga tao, usapin, at bagay na nakakasalamuha nila sa kanilang buhay. Nakakakuha man sila ng impormasyon tungkol sa kapalaran ng bansa, masyado na itong naiiba sa kanila. Ang pagiging masyadong naiiba sa kanila ay nangangahulugan na wala itong anumang puwang sa kanilang puso, at hindi makakaapekto sa kanilang buhay, kaya’t ang kasaganaan at kakapusan ng bansa ay walang kinalaman sa kanila. Sa kanilang puso, ano ang kapalaran ng kanilang bansa? Ito ay kung ang mga pananim na kanilang itinanim sa taong ito ay pinagpala ng Langit, kung sagana ba ang ani, kung paano nakakaraos ang kanilang pamilya, at iba pang maliliit na detalye ng pang-araw-araw na buhay, samantalang walang kaugnayan sa kanila ang mga pambansang usapin. Ang mahahalagang usapin sa bansa, ang pulitika, ekonomiya, edukasyon, agham at teknolohiya, lumawak man o lumiit ang teritoryo ng bansa, mga lugar na binisita ng mga namumuno, at kung ano ang mga nangyari sa loob ng mga naghahari-harian—ang mga bagay na ito ay sadyang hindi kayang unawain ng mga karaniwang tao. Kahit na maunawaan nila ang mga ito, ano naman ang silbi nito? Kahit na, pagkatapos ng hapunan, pag-uusapan nila kung ano ang nangyayari sa mga naghahari-harian, ano ang magagawa nila tungkol dito? Pagkatapos ibaba ang kanilang mangkok at chopstick, kailangan pa rin nilang mapagkasya ang mga bagay-bagay para mabuhay at kailangan pa ring magtrabaho sa bukid. Tila walang anumang kasingtunay ng mga pananim sa kanilang mga bukid na maaaring magbunga ng magandang ani. Ang pinahahalagahan ng isang tao ay kung ano ang pinanghahawakan niya sa kanyang puso. Ang abot-tanaw ng isang tao ay iyon lamang mga bagay na naisasapuso niya. Ang abot-tanaw ng mga ordinaryong tao ay umaabot lamang hanggang sa mga lugar na nakikita nila sa kanilang paligid at sa mga lugar na kaya nilang puntahan. Tungkol naman sa kapalaran ng kanilang bansa at sa mahahalagang usapin sa bansa, napakalayo nila at hindi maabot. Kaya naman, kapag nakataya ang kapalaran ng bansa, o nahaharap ang bansa sa pananalakay ng isang malakas na kaaway, agad nilang iniisip na, “Maaagaw ba ng mga mananakop ang aking mga pananim? Ngayong taon, umaasa kami na maibebenta namin ang mga cereal na iyon para mabayaran ang pag-aaral sa kolehiyo ng mga anak namin!” Ito ang mga bagay na may pinakapraktikal na kaugnayan sa mga karaniwang tao, ang mga bagay na kaya nilang maunawaan, at ang mga bagay na kayang pasanin ng kanilang isip at espiritu. Para sa mga ordinaryong tao, ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay masyadong mabigat. Hindi nila alam kung paano ito gagawin, at ayaw nilang pasanin ang mabigat na pasanin at mahirap na responsabilidad na ito. Ang konsepto ng mga karaniwang tao sa isang bansa ay parang ganoon. Samakatuwid, ang haba ng kanilang buhay, at ang mga bagay na pinag-iisipan at pinag-aalala nila, ay hindi hihigit pa sa lupa at tubig ng kanilang bayan na nagtutustos sa kanilang makakain nang tatlong beses sa isang araw at nagbibigay sa kanila ng lahat ng kailangan nila upang lumago, gayundin ang hangin at kapaligiran ng kanilang bayan. Ano pa ba ang mayroon bukod sa mga bagay na ito? Kahit na lumabas ang ilang tao sa mga pamilyar na kapaligiran ng bayang kanilang sinilangan at kinalakhan, sa tuwing naghihirap ang bansa at kinakailangan sila nito na gampanan ang kanilang mga responsabilidad sa bayan, walang sinuman ang nakakaisip na protektahan ang buong bansa. Sa halip, ano ang iniisip ng mga tao? Ang tanging iniisip nila ay gampanan ang kanilang mga responsabilidad na protektahan ang kanilang bayan at pangalagaan ang kapirasong lupang hawak-hawak nila sa kanilang puso, at isinasakripisyo pa nga ang kanilang sariling buhay para sa layong ito. Saan man pumunta ang mga tao, para sa kanila, ang salitang “bansa” ay isa lamang na panghalip, isang pananda at simbolo. Ang talagang kumukuha ng malaking puwang sa kanilang puso ay hindi ang teritoryo ng bansa, at lalong hindi ang paghahari ng mga pinuno, kundi ang bundok, ang kapirasong lupa, ang ilog, at ang balon na nagtutustos sa kanila upang makakain sila nang tatlong beses sa isang araw, nagbibigay-buhay sa kanila, at tumutulong na mapanatili ang kanilang buhay; iyon lang. Ito ang konsepto ng isang bansa sa isipan ng mga tao—ito ay totoong-totoo, napakakongkreto, at talagang napakatumpak.
Bakit ba palaging isinusulong sa tradisyonal na kultura ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”, lalo na sa pag-iisip tungkol sa wastong asal? Ito ay parehong may kinalaman sa paghahari ng pinuno, at sa mga layunin at pakay ng mga taong nagtataguyod ng ideyang ito. Kung ang depinisyon ng isang bansa sa isip ng bawat indibidwal ay napakaliit, napakakongkreto, at napakatotoo, sino ang magpoprotekta sa bansa? Sino ang magtataguyod sa paghahari ng pinuno? Hindi ba’t may mga problema rito? Talagang may mga problemang lumilitaw rito. Kung ganito ang konsepto ng lahat sa isang bansa, hindi ba't magiging isang dekorasyon lamang ang pinuno? Kung ang bansa ng isang pinuno ay naharap sa pagsalakay ng isang makapangyarihang kaaway at ang depensa nito ay umaasa lamang sa pinuno, o sa naghaharing pangkat, hindi ba’t magmumukha silang nahihirapan, walang magawa, nag-iisa, at mahina? Tumutugon ang mga intelektuwal sa mga problemang ito gamit ang kanilang utak. Naniniwala sila na upang maprotektahan ang bansa at maitaguyod ang paghahari ng pinuno, hindi posibleng umasa lamang sa kakaunting tao para magbigay ng mga kontribusyon, sa halip, kinakailangang mapukaw ang buong populasyon sa paglilingkod sa pinuno ng bansa. Kung ang mga intelektuwal na ito ay direktang sasabihin sa mga tao na maglingkod sa pinuno at protektahan ang bansa, magiging handa ba ang mga tao na gawin ito? (Hindi.) Tiyak na hindi magiging handa ang mga tao na gawin iyon, dahil ang layon sa likod ng kahilingan ay masyadong lantaran, at hindi sila sasang-ayon dito. Alam ng mga intelektuwal na iyon na dapat nilang ikintal sa mga tao ang isang kaaya-ayang pakinggan, marangal, at engrandeng tingnan na pahayag, at sabihin sa kanila na ang sinumang nag-iisip nang ganito ay may marangal na pag-uugali. Sa gayong paraan, madaling matanggap ng mga tao ang ideyang ito, at gagawa pa nga ng mga sakripisyo at kontribusyon alang-alang sa ideyang ito. Makakamit kung gayon ang kanilang layon, hindi ba? Sa loob ng panlipunang kontekstong ito, at bilang tugon sa mga pangangailangan ng mga pinuno, nagkaroon ng kasabihan at ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Dahil gayon ang likas na katangian ng tao, anuman ang ideyang lumilitaw, palaging may mga tao na ituturing ito na uso at moderno, at tatanggapin nila ito sa ganoong batayan. Hindi ba’t kapaki-pakinabang sa pinuno na tinatanggap ng ilang tao ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa”? Nangangahulugan ito na magkakaroon ng mga taong magsasakripisyo at mag-aambag para sa rehimen ng namumuno. Kaya, ang pinuno ay may pag-asang maghari nang mahabang panahon, hindi ba? At hindi ba’t magiging mas matatag ang kanilang paghahari, kung tutuusin? (Oo.) Kaya naman, kapag ang paghahari ng pinuno ay napapasailalim sa hamon o nahaharap sa pagkawasak, o ang kanilang bansa ay nahaharap sa pananalakay ng isang makapangyarihang kaaway, ang mga tumatanggap sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay matapang at walang takot na hahakbang pasulong para mag-ambag o mag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa pagprotekta sa bansa. Sino ang pangunahing makikinabang nito? (Ang namumuno.) Ang tunay na makikinabang ay ang namumuno. Ano ang mangyayari sa mga taong tumatanggap ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at na handang isuko ang kanilang natatanging buhay para dito? Ginagamit lamang sila ng mga pinuno at basta-basta silang pinapalitan, nagiging biktima sila ng ideyang ito. Ang mga karaniwang taong pinakamababa sa lipunan ay walang tiyak, malinaw na konsepto o malinaw na depinisyon kung ano ang isang bansa. Hindi nila alam kung ano ang isang bansa, o kung gaano kalaki ang isang bansa, at lalong wala silang nalalaman tungkol sa mahahalagang bagay ng kapalaran ng isang bansa. Dahil malabo ang depinisyon at konsepto ng mga tao sa isang bansa, ginagamit ng mga naghahari-harian ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” para linlangin ang mga tao at ikintal sa isipan nila ang ideyang ito, upang manindigan ang lahat para ipagtanggol ang bansa at itaya ang kanilang buhay para sa mga naghahari-harian, at sa gayon ay makakamit ng mga naghahari-harian ang kanilang pakay. Sa katunayan, para sa mga karaniwang tao, kahit sino pa ang mamuno sa bansa, o kung ang mga nanghihimasok ay mas mabuti o mas masahol pa kaysa sa mga kasalukuyang namumuno, sa huli, ang kakarampot na lupain ng kanilang pamilya ay kailangan pa ring mataniman taon-taon, at hindi nagbago ang puno sa dulong silangan ng kanilang nayon, hindi nagbago ang bundok sa dulong kanluran ng nayon, hindi rin nagbago ang balon sa gitna ng nayon, at iyon lang ang mahalaga. Tungkol naman sa kung ano ang nangyayari sa labas ng nayon, kung gaano karaming pinuno ang dumarating at umaalis, o kung paano sila namumuno sa bansa, ang lahat ng ito ay walang anumang kaugnayan sa kanila. Ganoon ang buhay ng mga karaniwang tao. Napakatotoo at napakasimple ng buhay nila, at ang konsepto nila sa bansa ay kasingkongkreto ng kanilang konsepto ng pamilya, mas malaki lang ang saklaw nito kaysa sa pamilya. Samantala, kapag ang bansa ay sinalakay ng isang makapangyarihang kaaway at hindi natitiyak ang pag-iral at kaligtasan nito, at nagulo at nawalan ng katatagan ang paghahari ng pinuno, ang mga taong tinatanggap na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay pinangingibabawan ng ideyang ito, at ang gusto lang nilang gawin ay gamitin ang kanilang mga personal na kalakasan para baguhin ang mga bagay na ito na nakakaapekto sa kapalaran ng bansa at nakakasagabal sa paghahari ng pinuno. At ano ang mangyayari sa huli? Ano ba talaga ang binabago nila? Kahit na magawa nilang mapanatili ang pinuno sa kapangyarihan, nangangahulugan ba iyon na gumawa sila ng isang matuwid na bagay? Nangangahulugan ba iyon na positibo ang kanilang sakripisyo? Karapat-dapat ba iyong gunitain? Ang mga taong iyon sa isang partikular na panahon ng kasaysayan, na naniwalang napakahalaga ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” ay masigasig ding itinaguyod ang diwa ng ideyang ito sa pagtatanggol sa bansa at pagpapanatili ng mga pinuno sa kapangyarihan, ngunit ang paghahari ng mga pinunong pinananatili nila sa kapangyarihan ay paurong, madugo, at walang kabuluhan o halaga sa sangkatauhan. Mula sa pananaw na ito, positibo ba o negatibo ang tinatawag na responsabilidad ng mga taong ito? (Negatibo.) Maaaring sabihin na negatibo ito, hindi karapat-dapat gunitain, at kinasusuklaman ng mga tao. Sa kabaligtaran, hindi lubos na sumasang-ayon ang mga karaniwang tao sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” na isinusulong ng mga mapanlinlang mag-isip, at hindi rin talaga nila ito tinatanggap at ipinatutupad. Samakatuwid, medyo matatag naman ang buhay nila. Bagamat ang kanilang mga panghabambuhay na tagumpay ay hindi kasingkahanga-hanga ng sa mga taong nagbuwis ng kanilang buhay para sa kapalaran ng kanilang bansa, nakagawa sila ng isang makabuluhang bagay. Ano ang makabuluhang bagay na ito? Ito ay na hindi sila huwad na nanghimasok sa kapalaran ng isang bansa, o sa proseso ng pagtukoy kung sino ang mga pinuno ng bansa. Sa halip, ang hinihiling lamang nila ay ang magkaroon ng magandang buhay, magtrabaho sa lupa, ipagtanggol ang kanilang bayan, magkaroon ng makakain sa buong taon, at mamuhay nang masagana, komportable, mapayapa, at malusog na buhay, nang hindi nagdudulot ng anumang problema sa kanilang bansa, nang hindi humihingi ng pagkain o pera sa kanilang bansa, at nagbabayad ng mga normal na buwis kapag nakatakdang bayaran ang mga ito—ito ang pagtupad sa responsabilidad na dapat tuparin ng isang mamamayan. Kung makakalaya ka mula sa anumang panghihimasok ng mga ideya ng mga intelektuwal, at mamumuhay ng sarili mong buhay bilang isang karaniwang tao sa praktikal na paraan ayon sa iyong posisyon, at matutustusan mo ang iyong sarili, kung gayon ay sapat na iyon, at nagampanan mo na ang iyong responsabilidad. Ito ang pinakamahalagang bagay at ang pinakamalaking responsabilidad na dapat tuparin ng isang taong nabubuhay sa mundong ito. Ang pangangalaga sa sariling kaligtasan at mga pangunahing pangangailangan ng sarili ay ang mga isyung dapat lutasin ng isang tao, samantalang para sa mahahalagang bagay na may kinalaman sa kapalaran ng bansa, at sa kung paano pinamamahalaan ng mga pinuno ang bansa, ang mga karaniwang tao ay walang kakayahang makialam o makagawa ng anumang bagay tungkol sa mga ito. Maaari lamang nilang ipaubaya ang lahat ng bagay na ito sa tadhana, at hayaan na lang kung ano ang mangyayari dito. Anuman ang naisin ng Langit, ito ang mangyayari. Napakakaunti lang ng nalalaman ng mga karaniwang tao, at bukod pa rito, hindi ipinagkatiwala ng Langit sa mga tao ang ganitong uri ng responsabilidad sa kanilang bansa. Ang tanging nasa puso ng mga karaniwang tao ay ang kanilang tahanan, at hangga't naaalagaan nila ang kanilang sariling tahanan, sapat na iyon, at natupad na nila ang kanilang responsabilidad.
Tulad ng iba pang kasabihan tungkol sa wastong asal, “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay isang ideya at pananaw na isinulong ng mga intelektuwal upang mapanatili sa kapangyarihan ang mga pinuno, at siyempre, isa rin itong ideya at pananaw na itinataguyod upang mas maraming tao ang sumuporta sa mga namumuno. Sa katunayan, nasaang uring panlipunan man ang mga tao, kung wala silang anumang ambisyon, hangarin, at ayaw pumasok sa pulitika o wala silang kinalaman sa mga naghahari-harian, ang depinisyon ng mga tao sa isang bansa mula sa perspektiba ng pagkatao ay pawang ang mga lugar lamang na naaabot ng kanilang paningin, o ang lupain na nasusukat nila sa paglalakad, o isang kapaligiran kung saan maaari silang mamuhay nang masaya, malaya, at ayon sa batas. Para sa sinumang may gayong konsepto sa isang bansa, ang lupaing tinitirhan niya at ang kapaligiran ng kanyang buhay ay makapagbibigay sa kanya ng isang matatag, masaya, at malayang buhay, na isang pangunahing pangangailangan sa kanyang buhay. Ang pangunahing pangangailangang ito ay isa ring direksyon at layon na pinagsisikapang ipagtanggol ng mga tao. Sa sandaling ang pangunahing pangangailangang ito ay hinamon, ginulo, o nilabag, tiyak na maninindigan ang mga tao at kusang ipagtatanggol ito. May katwiran ang pagtatanggol na ito, at nagmumula ito sa mga pangangailangan ng sangkatauhan, at gayundin sa mga pangangailangan para mabuhay. Walang kailangang magsabi sa mga tao na, “Kapag naharap ang bayan at tirahan mo sa pananalakay ng isang dayuhang kaaway, dapat kang manindigan at ipagtanggol mo ang mga ito, tumayo at labanan mo ang mga mananakop.” Tatayo sila at awtomatikong ipagtatanggol ang mga ito. Ito ay likas na gawi ng tao, ngunit isa ring pangangailangan sa kaligtasan ng tao. Kaya pagdating sa isang normal na tao, hindi mo kailangang gumamit ng mga ideya tulad ng “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” para hikayatin siyang protektahan ang kanyang lupang tinubuan at ang kanyang tirahan. Kung talagang nais ng isang tao na itanim ang gayong mga ideya sa mga tao, kung gayon hindi ganoon kasimple ang pakay niya. Ang kanyang pakay ay hindi para ipagtanggol ng mga tao ang kanilang tirahan, siguruhin ang kanilang mga pangunahing pangangailangan sa pamumuhay, o para magkaroon ng mas magandang buhay ang mga tao. Mayroong ibang pakay ang taong ito, na walang iba kundi ang papanatilihin ang mga namumuno sa kapangyarihan. Ang mga tao ay likas na gagawa ng anumang sakripisyo para maprotektahan ang kanilang sariling tirahan, at sadyang poprotektahan ang kanilang sariling tirahan at kapaligirang pinamumuhayan upang matiyak na ang kanilang mga pangunahing pangangailangan para mabuhay ay natutugunan, nang hindi na nangangailangan pa ng iba na gumamit ng anumang mga sobra-sobrang ekspresyon para sabihin sa kanila kung ano ang gagawin, o kung paano manindigan at protektahan ang kanilang sariling mga tahanan. Ang likas na gawing ito, ang pangunahing kamalayan na ito, ay taglay kahit ng mga hayop, at ganap na taglay ng mga tao, na mga nilikhang mas mataas kaysa sa anumang hayop. Maging ang mga hayop ay poprotektahan ang kanilang tirahan at pastulan, ang kanilang tahanan, at ang kanilang komunidad mula sa pagsalakay ng mga dayuhang kaaway. At kung ang mga hayop ay may ganitong uri ng kamalayan, tiyak na mayroon din nito ang mga tao! Samakatuwid, ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa,” na iminungkahi ng mga intelektuwal na iyon, ay hindi na kailangang ulit-ulitin pa sa lahat ng miyembro ng sangkatauhan. At pagdating sa depinisyon ng isang bansa sa kaibuturan ng puso ng mga tao, ang ideyang ito ay hindi na rin kailangang ulit-ulitin pa. Ngunit bakit iminungkahi pa rin ito ng mga intelektuwal na iyon? Dahil nais nilang makamit ang isa pang layon. Ang kanilang tunay na layon ay hindi upang bigyang-daan ang mga tao na magkaroon ng mas mabuting buhay sa kanilang kasalukuyang tirahan, o bigyan sila ng mas matatag, maligaya, at mas masayang kapaligiran sa pamumuhay. Hindi sila kumilos ayon sa perspektiba na protektahan ang mga tao, o ang mga tirahan ng mga tao, kundi ay ayon sa perspektiba at pananaw ng mga pinuno, upang ikintal sa mga tao ang ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at sulsulan silang taglayin ang ideyang ito. Kung hindi mo taglay ang gayong ideya, ituturing na mas mababa ang iyong paraan ng pag-iisip, at ikaw ay kukutyain ng lahat at mamaliitin ng anumang pangkat etniko; kung hindi mo taglay ang gayong ideya, kung wala ka nitong higit na katuwiran at ng ganitong mentalidad, kung gayon, ituturing ka na isang taong may mababang moral na katangian, isang makasarili at isang hamak na mababang nilalang. Ang mga tinatawag na mababang nilalang na ito ay mga taong kinasusuklaman sa lipunan, at dinidiskrimina at kinamumuhian ng lipunan.
Sa mundong ito, sa lipunan, ang sinumang ipinanganak sa isang mahirap o atrasadong bansa, o nagmula sa isang bayang mababa ang katayuan, saanman siya magpunta, sa sandaling ideklara niya ang kanyang nasyonalidad, agad na tutukuyin ang katayuan niya at ituturing siyang mas mababa sa iba, mamaliitin at didiskriminahin siya. Kung ang nasyonalidad mo ay sa isang makapangyarihang bansa, magkakaroon ka ng napakataas na katayuan sa alinmang pangkat etniko, at ituturing na mas mataas kaysa sa iba. Kaya, ang ideyang ito na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may mahalagang puwang sa puso ng mga tao. Napakalimitado at napakakongkreto ng konsepto ng mga tao sa isang bansa, ngunit dahil malaki ang kinalaman ng kapalaran ng kanilang bansa sa paraan ng pagtrato ng buong sangkatauhan sa anumang pangkat etniko at sa sinumang nagmumula sa ibang bansa, at pati na sa pamamaraan at pamantayan na ginagamit nito sa pagtutukoy ng kanilang katayuan, ang lahat ay naiimpluwensyahan sa magkakaibang antas ng ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Kaya paano dapat iwaksi ng mga tao ang impluwensya ng ideyang ito? Tingnan muna natin kung paano naiimpluwensyahan ng ideyang ito ang mga tao. Bagamat ang depinisyon ng mga tao sa isang bansa ay hindi lalampas sa partikular na kapaligirang tinitirhan nila, at nais lamang ng mga tao na mapanatili ang kanilang batayang karapatan na mabuhay at ang kanilang mga pangangailangan upang makapamuhay sila nang mas maayos, sa kasalukuyan, ang buong sangkatauhan ay patuloy na gumagalaw at lumilibot, at hindi namamalayang tinatanggap ng mga tao ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Ibig sabihin, mula sa perspektiba ng pagkatao, ayaw tanggapin ng mga tao ang mga hungkag at engrandeng depinisyon ng isang bansa, tulad ng “isang dakilang bayan,” “isang maunlad na dinastiya,” “isang superpower,” “isang tech power,” “isang kapangyarihang militar,” at iba pa. Walang gayong mga konsepto sa normal na pagkatao, at ayaw ng mga tao na maging abala sa mga bagay na ito sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ngunit kasabay niyon, kapag nakikihalubilo sa iba pang sangkatauhan, umaasa pa rin ang mga tao na magkaroon ng nasyonalidad ng isang makapangyarihang bansa. Lalo na kapag naglakbay ka sa ibang bansa at kasama ang iba pang lahi, lubos mong mararamdaman na ang kapalaran ng iyong bansa ay may kaugnayan sa iyong mahahalagang interes. Kung makapangyarihan, mayaman, at may mataas na katayuan sa mundo ang iyong bansa, kung gayon, magiging mataas ang iyong katayuan sa mga tao alinsunod sa katayuan ng iyong bansa, at lubos kang igagalang. Kung galing ka sa isang mahirap na bansa, isang maliit na bayan, o sa isang hindi kilalang pangkat etniko, magiging mas mababa ang katayuan mo, alinsunod sa iyong nasyonalidad at etnisidad. Anumang uri ka ng tao, o anuman ang nasyonalidad mo, o kung saang lahi ka nabibilang, kung nakatira ka lamang sa loob ng isang maliit na lugar, ang ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay hindi magkakaroon ng anumang impluwensya sa iyo. Ngunit kapag ang mga tao mula sa iba't ibang bansa sa buong sangkatauhan ay nagsama-sama, ang ideyang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay tatanggapin ng mas maraming tao. Ang pagtanggap na ito ay hindi pasibo, sa halip, ito ay isang mas malalim na pagkatanto mula sa iyong pansariling kalooban na ang kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay tama, dahil ang kapalaran ng iyong bansa ay may hindi maipaghihiwalay na kaugnayan sa iyong katayuan, reputasyon, at halaga sa mga tao. Sa puntong iyon, hindi mo na mararamdaman na ang konsepto at depinisyon ng iyong bansa ay ang maliit na lugar lamang kung saan ka ipinanganak at lumaki. Sa halip, umaasa kang lalago at lalakas ang iyong bansa. Gayunpaman, kapag bumalik ka sa sarili mong bansa, sa isipan mo, muli itong nagiging napakapartikular para sa iyo. Ang partikular na lugar na ito ay hindi isang bansa na walang anyo, sa halip ito ay ang landas, ang batis, at ang balon sa iyong bayan, at ang mga bukid ng iyong tahanan kung saan ka nagpapalago ng mga pananim. Samakatuwid, ang pagbabalik sa sarili mong bansa, kung ikaw ang tatanungin, ay mas partikular na isang pagbabalik sa iyong bayan, pag-uwi sa tahanan. At kapag umuwi ka na, hindi mahalaga kung umiiral ang bansa o hindi, o kung sino ang namumuno, o kung gaano kalaki ang teritoryo ng bansa, o kung ano ang sitwasyon ng ekonomiya ng bansa, o kung mahirap ito o mayaman—wala sa mga iyon ang mahalaga sa iyo. Hangga't naroroon pa ang tahanan mo, kapag binitbit mo ang iyong travel bag dahil balak mo nang bumalik, magkakaroon ka na ng direksyon at layon. Hangga't mayroon ka pang lugar na mauuwian, at naroon pa rin ang lugar kung saan ka ipinanganak at lumaki, mararamdaman mong nabibilang ka at na may patutunguhan ka. Kahit na wala na ang bansang kinalalagyan nito at nagbago na ang pinuno, hangga't nandoon pa rin ang iyong tahanan, mayroon ka pa ring tahanan na mababalikan sa kabila ng lahat. Ito ay isang napakasalungat at malabong konsepto ng bansa sa isipan ng mga tao, ngunit isa rin itong napakakongkretong konsepto ng tahanan. Sa totoo lang, hindi sigurado ang mga tao kung ang ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay tama o hindi. Ngunit dahil ang ideyang ito ay may partikular na epekto sa kanilang partikular na katayuan sa lipunan, hindi namamalayang nagkakaroon ang mga tao ng malakas na pagpapahalaga para sa bansa, nasyonalidad, at lahi. Kapag naninirahan lamang ang mga tao sa maliit na lugar ng kanilang bayan, sa isang antas ay mayroon silang panangga o pagtutol sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Ngunit sa tuwing nililisan nila ang kanilang bayan at ang kanilang lupang tinubuan, at lumalabas sa pinamumunuan ng kanilang bansa, hindi namamalayang nagkakaroon sila ng partikular na kamalayan at pagtanggap sa ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa.” Halimbawa, kapag pumunta ka sa ibang bansa, kung may magtatanong sa iyo kung saang bansa ka galing, mapapaisip ka, “Kung sasabihin kong Singaporean ako, magiging mataas ang tingin sa akin ng mga tao; samantalang kung sasabihin kong Chinese ako, mamaliitin ako ng mga tao.” At kaya hindi ka naglalakas-loob na sabihin sa kanila ang totoo. Pero isang araw ay nalantad ang nasyonalidad mo. Nalaman ng mga tao na Chinese ka, at mula noon, naging iba na ang tingin nila sa iyo. Dumanas ka ng diskriminasyon, pangmamaliit, at itinuring ka pa nga bilang isang mababang uri ng mamamayan. Sa puntong iyon, hindi mo namamalayan na iniisip mong: “Tumpak ang kasabihang ‘Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa’! Iniisip ko noon na hindi ako responsable sa kapalaran ng aking bansa, pero ngayon, tila ang kapalaran ng isang bansa ay nakakaapekto sa lahat. Kapag umuunlad ang bansa, umuunlad ang lahat, ngunit kapag bumagsak ang bansa, lahat ay magdurusa dahil dito. Hindi ba’t mahirap ang bansa natin? Hindi ba’t isa itong diktadurya? At hindi ba’t may masamang reputasyon ang mga pinuno? Kaya naman minamaliit ako ng mga tao. Tingnan kung gaano kayayaman at kasasaya ang mga tao sa mga Kanluraning bansa. May kalayaan silang pumunta kahit saan at manampalataya sa kahit ano. Samantalang sa ilalim ng Komunistang rehimen, inuusig tayo dahil sa pananampalataya sa Diyos at dapat tumakas nang malayo, hindi na tayo makauwi. Napakaganda sana kung isinilang tayo sa isang bansang Kanluranin!” Sa puntong iyon, nararamdaman mo na napakahalaga ng nasyonalidad, at ang kapalaran ng iyong bansa ay nagiging mahalaga sa iyo. Ano’t anuman, kapag namumuhay ang mga tao sa gayong kapaligiran at konteksto, hindi namamalayang naaapektuhan sila ng ideya na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” at naiimpluwensyahan nito sa iba’t ibang antas. Sa puntong ito, ang mga pag-uugali ng mga tao at ang kanilang mga pananaw, perspektiba, at paninindigan sa mga tao, usapin at bagay ay magbabago sa iba't ibang antas, at talagang magdudulot ng iba’t ibang antas ng kahihinatnan at epekto. Samakatuwid, mayroong partikular na dami ng kongkretong ebidensya tungkol sa impluwensya ng kasabihang “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” sa isipan ng mga tao. Bagamat ang konsepto ng mga tao sa isang bansa ay hindi masyadong malinaw kung titingnan mula sa perspektiba ng pagkatao, gayunpaman, sa loob ng ilang partikular na kontekstong panlipunan, ang nasyonalidad na batay sa bansang kinabibilangan nila ay may impluwensya pa rin sa mga tao. Kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at hindi malinaw na naiintindihan ang mga isyung ito, hindi nila mapapalaya ang sarili mula sa mga tanikala at mapanirang epekto ng ideyang ito, na makakaapekto rin sa kanilang lagay ng kalooban at saloobin sa pagharap sa mga bagay-bagay. Kung titingnan man mula sa perspektiba ng pagkatao o sa mga pagbabago at tagumpay sa pag-iisip ng mga tao kapag nagbabago ang pangkalahatang kapaligiran, ang ideyang inihain ni Satanas na “Ang bawat tao ay may responsabilidad sa kapalaran ng kanyang bansa” ay may partikular na impluwensya sa mga tao, at mayroon itong partikular na mapaminsalang epekto sa pag-iisip ng tao. Dahil hindi nauunawaan ng mga tao kung paano ipaliwanag nang tama ang mga usapin tulad ng kapalaran ng isang bansa, at hindi nila nauunawaan ang katotohanang sangkot sa usaping ito, sa loob ng iba't ibang kapaligiran, madalas silang naiimpluwensyahan o nagagawang tiwali ng ideyang ito, o nakakaapekto ito sa lagay ng kanilang kalooban—talagang hindi sulit ito.