Ano ang Pagsasagawa ng Katotohanan (Ikalawang Bahagi)
Paano nagkakaroon ng tunay na pananalig sa Diyos ang isang tao? Nagmumula ito sa karanasan. Paano ito nagmumula sa karanasan? Kung kaya mong hanapin at pagnilayan ang mga layunin ng Diyos sa bawat tao, pangyayari, at bagay na nakakatagpo mo, at sa pamamagitan nito ay maunawaan Siya, pagkatapos ng maraming karanasan, unti-unti mong mauunawaan nang tunay ang Diyos—hindi isang pagkaunawa sa salita lamang, kundi isang malalim na kabatiran sa kalooban mo. Ang Diyos na sinasampalatayanan ng puso mo at kinikilala mo sa salita ay namumuhay sa puso mo, at walang sinuman ang makakaalis sa Kanya. Tulad lang ni Job, noong sinubok siya, sinabi ng mga kaibigan niya, “Nagkasala ka at nilabag mo ang Diyos. Hingin mo agad sa Diyos na si Jehova na patawarin ka!” Hindi ganoon ang sa tingin ni Job, ngunit bakit? Ito ay dahil matapos ang ilang dekada ng buhay, ang pagkaunawa niya sa Diyos ay hindi batay sa karanasan; hindi niya sinabing: “Pinagpapala ng Diyos ang tao at maawain Siya sa tao, at hindi Niya kailanman pinagkakaitan sila.” Ang naranasan niya ay na nagbibigay ang Diyos sa tao, ngunit nag-aalis din Siya. Kapag nagbibigay Siya sa tao, kung minsan ay nagtutuwid, nagdidisiplina, at nagpaparusa rin Siya. Ang ginagawa ng Diyos sa mga tao ay hindi idinidikta ng isipan, pag-iisip, o imahinasyon ng tao. Kaya, ang deka-dekadang karanasan sa buhay ni Job ang umakay sa kanya na maghinuha na “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Ibig sabihin, lahat ng ginagawa ng Diyos, maituturing man itong mabuti o masama sa mga mata ng tao, ay bahagi ng Kanyang mga pamamatnugot. Kahit pa mangyari ang masasamang bagay, hindi nangangahas si Satanas na kumilos laban sa tao kung walang pahintulot ng Diyos. Ang sangkatauhan ay nasa mga kamay ng Diyos, at sa ilalim ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan ay wala silang dapat ikatakot. Kahit pa mahulog ka sa mga kamay ni Satanas, nasa ilalim pa rin ito ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi mangangahas si Satanas na hawakan ka kung walang pahintulot ng Diyos. May ganitong antas ng pagkaunawa si Job kaya hindi siya nagreklamo, anuman ang ginawa ng Diyos. Malinaw niyang nakita na ang Diyos na si Jehova lamang ang tunay na Diyos na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at na lahat yaong mga anghel, masasamang espiritu, at demonyo ay hindi Diyos. Sino ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat? Sino ang may kataas-taasang kapangyarihan sa sangkatauhan, at sa lahat ng bagay? Ang Diyos. Sa karaniwang pagpapahayag, ang Diyos ang pinakadakila. Ang pamilya ng isang tao, ang antas ng kanilang kayamanan, kung lumilipas ang kanilang mga araw sa ginhawa o pasakit, at ang haba ng kanilang buhay—lahat ito ay nasa mga kamay ng Diyos. May malalim na karanasan si Job sa bagay na ito, at hindi lamang isa o dalawang beses sa buhay niya. Sa tuwing may nangyayari, kung nauunawaan niya na nangyari ito sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, naging malalim itong nakaukit sa alaala niya. Nagbigay ito sa kanya ng malalim na pakiramdam at pagkadama na hindi nangyari ang mga bagay na ito nang nagkataon lang, o sa pamamagitan ng kalooban ng tao o ni Satanas, kundi iyon ay gawain ng Diyos, at hindi siya maaaring magreklamo. Ano ang napagtanto ni Job nang dumanas siya ng gayong malalaking pagsubok? Na ang Diyos ang pinakamataas, ang Diyos ay matalino. Kaya niyang palaging purihin ang Diyos, anuman ang ginawa ng Diyos. Kung mangyayari sa iyo ang mga bagay na tulad nito pero hindi mo ito maunawaan, huwag kang manghusga o maglapat ng sarili mong mga konklusyon. Kung hindi mo alam kung ano ang mabuting kalooban ng Diyos, hanapin mo ito, maghintay ka, at pagkatapos ay magpasakop ka. Ito ang pinakamahusay na paraan ng pagsasagawa, at ang pinakamagandang landas ng pagsasagawa, kung hindi ay hahamakin at ipapahiya ka. Si Job ay may malalim na kaalamang batay sa karanasan tungkol sa mga bagay na ito. Kung palagi mong hindi nauunawaan ang Diyos, hindi mo makakamit ang katotohanan, at mawawalan ka ng pagkakataon sa mga pagpapala ng Diyos. Kahit pa magdusa ka ng maraming paghihirap, wala kang makakamit dahil hindi normal ang ugnayan mo sa Diyos, hindi mo tinatrato ang Diyos bilang Diyos, hindi mo nauunawaan ang gawain Niya, at hindi ka tunay na nagpapasakop sa Kanya. Dahil dito, hindi mo makakamit ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos ay nagsasalita at gumagawa, at gaano man kaingat ang Kanyang mga pagsusumikap para sa iyo, at anuman ang uri ng kapaligirang nililikha Niya para sa iyo, ang lahat ng ito ay upang talagang makilala mo ang Diyos. Sa sandaling makilala mo ang Diyos, magiging mas malapit at mas normal ang ugnayan mo sa Kanya. Hindi kumikilos ang Diyos nang walang dahilan, lalong hindi Niya pinaglalaruan ang isang tao dahil sa pagkabagot, at normal lang kung hindi nauunawaan ng mga tao kung paano Siya gumagawa. Ngunit dapat nilang hanapin ang katotohanan, at kahit papaano man lang ay huwag limitahan ang Diyos—ito ang ibig sabihin ng pagiging makatwirang tao. Gaya ng sinabi ni Pedro, tratuhin man ng Diyos ang mga tao bilang mga laruan, at paano man Niya sila tratuhin, Siya ay palaging tama. “Kung tatratuhin ako ng Diyos na parang laruan, paanong hindi ako magiging handa at papayag?” Ano ang nagtulak kay Pedro na sabihin ang mga salitang ito? (Ang karanasan ni Pedro ang nagtulak sa mga salitang ito. Napagtanto niya na anuman ang gawin ng Diyos, palaging mabuti ang mga layunin ng Diyos.) Minsan, hindi mo malalaman ang layunin ng Diyos, kaya ano ang dapat mong gawin? Kailangan mong maghintay, hanapin ito, at subukang makilala ito. Bagamat nabuhay sina Job at Pedro sa magkaibang panahon, magkaiba ang pinanggalingan nila, dumanas sila ng magkakaibang bagay, at nagsalita ng magkaibang mga salita, iisa lang ang kanilang mga landas at paraan ng pagsasagawa, at pareho ang kanilang saloobin sa Diyos kapag nangyayari ang mga bagay-bagay. Magkaibang wika lang ang ginamit nila para ipahayag ang ideyang ito. Ngunit ano ang naiintindihan ng mga tao mula rito? Na kailangan mong magsagawa ng pagpapasakop, habang hinahanap at hinihintay na makita kung ano ang ninanais ng Diyos. Huwag kang mabalisa. Tama na magkaroon lang muna ng ganitong saloobin. Kung labis kang nababalisa kapag may nangyayari at hindi mo alam kung paano hanapin ang katotohanan, bagkus ay patuloy kang nagrereklamo tungkol sa Diyos, magkakaroon ng problema. Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ko lang maintindihan! Bakit tayo tinatrato ng Diyos nang ganito? Hindi ko kayang magpasakop kung tinatrato tayo na parang mga diyablo at mga Satanas. Ito ay hindi makatwiran at hindi makatarungan!” Karapat-dapat ka pa rin ba sa patnubay ng Diyos kapag ang iyong pantaong isipan, mga kuru-kuro, imahinasyon, paghihimagsik, at pagsuway ay nagwawala? Ang pagpapasakop ay hindi kasingsimple ng pagsasabi lamang na nagpapasakop ka, o pangangaral ng doktrina, o pagpapahayag ng kaunting determinasyon, at pagkakaroon ng kaunting pagpipigil sa sarili. Hindi ito ganoon kasimple. Kung magpapasakop ka sa Diyos, ang iyong gantimpala sa huli ay ang magkaroon ng pagkakilala sa Kanya, ang maunawaan ang mga kapaligirang itinatakda Niya para sa iyo, at ang magkaroon ng tunay na kaalamang batay sa karanasan. Ibig sabihin, mauunawaan mo ang puso ng Diyos at ang taimtim Niyang layunin, at na dismayado Siya na hindi mo naabot ang mga inaasahan Niya. Ayaw ng Diyos na makita kang namumuhay sa mga tiwaling disposisyon, kundi gusto Niyang matakasan mo ang mga ito. Kaya’t kailangan Niyang gumamit ng mga pamamaraan tulad ng paghatol at pagkastigo sa iyo, pagpupungos sa iyo, at pagsuway, at pagdidisiplina sa iyo, kaya’t tila ba walang pagsasaalang-alang ang Diyos sa iyong mga damdamin, na parang kinokondena at pinarurusahan ka Niya, o pinaglalaruan ka. Ano ang gagawin mo kung gayon? Kung kaya mong maarok ang taimtim na layunin ng Diyos, kahit kapag kumikilos Siya nang ganito, sapat na iyon—tunay kang magpapasakop. Habang siya ay sinusubok, sinabi ni Job, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova.” Ano ang pagkaunawa niya sa usapin? “Lahat ng mayroon ako ay ibinigay ng Diyos na si Jehova, at maaari Niyang alisin iyon kung nanaisin Niya, dahil Siya ang Diyos at taglay Niya ang kapangyarihang ito. Wala akong karapatang tumanggi, dahil ang lahat ng mayroon ako ay mula sa Kanya.” Ito ang naunawaan at naranasan ni Job. Ano ang kapasyahan niya noong panahong iyon? “Dapat kong maunawaan ang Diyos, gumawa ng mga makatwirang bagay, at maging isang makatwirang tao. Ang lahat ng ito ay ibinigay sa akin ng Diyos, at maaari Niya itong kunin anumang oras. Hindi ako pwedeng magtangkang mangatwiran sa Diyos tungkol dito; ang gawin iyon ay paghihimagsik laban sa Kanya. Ang pagtanggi sa mga kilos ng Diyos ay makakasakit sa puso Niya, at hindi ako magiging isang tunay na mabuting tao, o isang tunay na nilikha kung gagawin ko iyon.” Ganito siya nagsagawa noong panahong iyon, at ano ang mga resultang idinulot sa kanya ng pagsasagawang ito? Sa katunayan, ang totoong resulta ay hindi na naging mas mayaman siya, o na nagkaroon siya ng mas maraming baka at tupa kaysa dati, o na nagkaroon siya ng mas magagandang anak kaysa dati. Ito ay mga bagay lamang na ibinigay ng biyaya ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, ang tunay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos ay isang mas mabuting pagkaunawa sa Diyos, pagpapasakop, isang mas malapit na ugnayan sa Diyos, at pagiging mas malapit pa sa puso ng Diyos. Naunawaan ni Job ang anumang ginawa ng Diyos, at hindi na siya nagsabi ng mga salitang pawang kalokohan o kahambugan, o ng mga salitang nakakasakit sa puso ng Diyos. Hindi ba’t ito ang ibig sabihin ng mapalaya mo ang iyong sarili mula sa iyong tiwaling disposisyon? Hindi ka na makokontrol ni Satanas; wala ka na sa ilalim ng kontrol nito, kundi sa ilalim ng kontrol ng Diyos. Kaya mong magpasakop anuman ang gawin ng Diyos, at ikaw ay pag-aari Niya. Ito ang kalagayan ni Job noong panahong iyon, at ang saloobing mayroon siya. Bukod dito, dahil kumilos siya sa ganitong paraan at pumasok sa realidad na ito, sa huli ay nagpakita sa kanya ang Diyos. Ang pagpapakita ba ng Diyos, sa anumang anyo nito, ay nagpalalim ng kanyang pagkaunawa sa Diyos? (Oo.) Oo, pinalalim talaga nito ang kanyang pagkaunawa. Mula sa dating pagkarinig tungkol sa Diyos sa mga alamat, hanggang sa pagkumpirma ng Kanyang pag-iral, hanggang sa pagkakita sa Kanya—alin sa mga ito ang masasabi ninyong higit na pagpapala para sa sangkatauhan, kumpara sa biyayang ibinibigay ng Diyos? (Ang pagkakita sa Diyos ang higit na pagpapala.) Tiyak iyan. Kapag ang mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit hindi nauunawaan ang katotohanan, palagi nilang hinihiling na protektahan sila ng Diyos, pagkalooban sila ng biyaya, itaas sila sa iba at pagpalain ang kanilang buong pamilya ng kaligtasan at kaligayahan. Hinihiling nila na sila ay mangaral saanman sila magpunta at upang kainggitan at hangaan sila ng iba. Ito ang gusto ng mga tao, ngunit hindi nila alam ang pinakadakilang pagpapala na gustong ibigay ng Diyos. Hinihiling lamang nila ang panlabas na materyal na biyaya, ngunit ang lahat ng kanilang hinihingi ay inilalayo lamang sila sa puso ng Diyos. Nawawala sa kanila ang pinakamalaking biyaya sa lahat, at nawawala sa kanila ang pagpapala ng Diyos. Kung hindi mo makakamit ang pagkakilala sa Diyos, at hindi mo makakamit ang katotohanan, makapamumuhay ka ba sa Kanyang presensiya? Makapagpapasakop ka ba talaga sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos? Ganap itong imposible.
Ang proseso ng pagsasagawa ng katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad ay talagang isang proseso ng pag-unawa sa iyong sarili, at pagwawaksi sa iyong tiwaling disposisyon. Isa rin itong proseso ng pakikipag-ugnayan sa Diyos nang harapan, at pagkakilala sa Kanya. Sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit bakit hindi mo kilala ang Diyos? Bakit hindi naging mas malapit ang ugnayan mo sa Diyos? Sinasabi mong nananalangin ka at binubuksan mo ang iyong puso sa Diyos araw-araw, kaya, nararamdaman mo bang mas malapit ka sa Kanya sa yugtong ito ng panahon? Nararamdaman mo bang tumibay ang iyong pananalig sa Diyos? Sa panahong ito, pakiramdam mo ba ay nagkamit ka na ng higit na pagkaunawa sa Diyos, na nabawasan na ang reklamo mo tungkol sa Kanya, at na hindi ka na gaanong nagkakamali ng pagkaunawa at naghihimagsik laban sa Kanya? Kung wala kang nakikitang ganito sa sarili mo, at katulad ka lang ng dati, hindi mo naisagawa ang katotohanan at nag-aksaya ka ng oras, gumagamit lang ng lakas. Walang pumipilit sa iyo na magtrabaho o magsikap, at gayon din, walang pumipigil sa iyo na isagawa ang katotohanan. Sarili mong desisyon ito, at tinatahak mo ang landas ng pagtatrabaho. Kung hindi isasagawa ng mga tao ang katotohanan o hahangarin ang katotohanan, hindi nila maiiwasang maging isang trabahador. Napakahirap para sa mga tao na isagawa ang katotohanan. Hindi nila alam kung paano magpasakop sa Diyos, at palagi silang kontento na sa pagpapakapagod at pagtatrabaho lamang. Kapag sa wakas ay nakaunawa sila ng ilang doktrina, hindi nila alam kung paano isagawa ang katotohanan. Sa halip, muli lamang silang nagtatrabaho, ngunit hindi man lang nila ito namamalayan. Samakatwid, kailangan mong maglaan ng ilang oras paminsan-minsan sa pagninilay-nilay, pagsusuri sa iyong sarili, at pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid sa kung ano na ang nakamit mo sa panahong ito. Sasabihin mong, “Marami pa akong kinikimkim na maling pagkaunawa tungkol sa Diyos at hindi ko pa nalulutas ang karamihan sa mga ito.” Sasabihin naman ng isa pa, “Pakiramdam ko, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa puso ng Diyos nitong mga araw na ito. Isang magandang bagay para sa Diyos na hayaang magdusa ang sangkatauhan. Dati, takot akong magdusa, at gusto kong magtago o tumakas kapag nahaharap sa pagdurusa. Ngayon, pakiramdam ko, mapapatahimik lamang ng mga tao ang kanilang sarili sa harap ng Diyos, at mapipigilang lumihis sa mga panlabas na bagay ang kanilang pagtuon, matapos nilang magdusa nang kaunti. Mabuti ang pagdurusa, kaya palaging gumagawa ang Diyos ng mahihirap na kapaligiran para subukin at dalisayin ang mga tao. Pakiramdam ko ay nauunawaan at nararamdaman ko nang kaunti ang layon at taimtim na layunin ng Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti!” Kailangang ganito kayo magbahaginan. Aani ka ng mga pakinabang sa pamamagitan ng pagbabahaginan. Kung may ilang taong nagtitipon-tipon sa kanilang libreng oras para magtsismisan, manghusga, o magsabi ng iba pang bagay na maaaring magdulot ng pagtatalo, maaaring mukha silang nag-uusap tungkol sa kanilang pananalig sa Diyos o mga karanasan sa buhay, ngunit kung hindi payapa ang kanilang puso, kailangan nilang isagawa kung paano maghanap at magsikap para sa katotohanan, at pagsikapang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos. Kung palagi mong hinahangad ang katotohanan sa ganitong paraan, gagawaan at bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu. Ituring mo ang mga katotohanang wala sa iyo bilang isang pasanin para maghangad, magsagawa ka at dumanas, at magsikap para sa katotohanan. Paano mo ito dapat isagawa? Dapat kang maghanap at humingi ng patnubay mula sa isang taong nakauunawa sa katotohanan tungkol sa mga bagay na hindi mo nauunawaan o hindi mo maarok. Kung palagi kang magsasagawa nang ganito, mas mauunawaan mo ang katotohanan at marami kang makakamit. Kadalasan, hindi ninyo alam kung paano magbahaginan sa katotohanan, tumutuon lamang kayo sa pagtatalakay sa gawain, o palaging pinag-uusapan ang mga pamamaraan at hindi ang mga prinsipyo. Isa itong paglihis, samantalang sa katunayan ay dapat kayong magbahaginan sa mga bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo kapag nag-uusap kayo tungkol sa gawain; makabubuti ito sa inyong sariling buhay pagpasok. Sa sandaling malinaw na kayong nakapagbahaginan sa mga bagay na may kinalaman sa mga katotohanang prinsipyo, magkakaroon kayo ng landas sa buhay pagpasok. Ito ay kapaki-pakinabang para sa paggawa ng gawain at pagganap ng inyong tungkulin, pati na rin para sa sarili ninyong buhay pagpasok. Hindi ba’t kapaki-pakinabang ito para sa dalawang iyon? Kailangan ninyong magbahaginan nang dalisay at bukas tungkol sa inyong karanasan sa pananampalataya sa Diyos upang makakuha ng mga resulta at makamit ang buhay pagpasok. Ang palaging pagtsitsismisan o panghuhusga ay walang anumang pakinabang sa buhay pagpasok, at dahil dito, nawawalan ng pagkakataon ang isang tao na mailigtas sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos. Sa pananampalataya sa Diyos, kailangang palaging nakatuon sa pagsasagawa ng katotohanan. Habang mas isinasagawa ninyo ito, mas lumalaki ang pag-asa ninyong mailigtas. Kung masyadong kaunti ang nauunawaan ninyo sa katotohanan, kailangan ninyong lalo pa itong hanapin. Sa pamamagitan lamang ng pagkamit ng pagkaunawa sa katotohanan, at pagsasagawa nito, kayo makakaranas ng tunay na pagbabago, at magtatamo ng mas higit at mas tiyak na pag-asang mailigtas.
Hulyo 16, 2017