Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao (Ikatlong Bahagi)

Sa proseso kung saan nagkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos ang mga tao, ano ang ginagawa ng Diyos? (Nagbibigay Siya ng kaliwanagan, gumagabay, nagsasaayos ng mga kapaligiran, at pagkatapos ay kinukuha Niya ang katotohanan at isinasagawa ito sa mga tao.) Nang tanggapin ni Pedro ang pagkastigo sa kanya mula sa Panginoong Jesus, siya’y inilalantad, hinahatulan, at kinokondena ng Diyos. Dapat bang maranasan ng mga tao ang mga bagay na ito bago nila makamit ang tunay na pagtitiwala sa Diyos? (Oo.) Bakit kinakailangang maranasan nila ang mga bagay na ito? Magiging imposible ba ito kung wala ang mga bagay na ito? Posible bang lagpasan ang hatol, pagkalantad, pagsaway, pagdisiplina, pagkastigo, at maging ang panunumpa? (Hindi.) Ipagpalagay nating pinag-usapan ng Panginoong Jesus at ni Pedro ang usapin sa isang magiliw na paraan, sa halip na siya’y kinastigo, sinasabing: “Pedro, alam kong maganda ang intensyon mo sa sinasabi mo, ngunit huwag kang magsasalita nang ganyan sa hinaharap. Huwag mong hadlangan ang Aking plano bunsod ng magagandang intensyon ng tao. Huwag kang magsalita sa ngalan ni Satanas at kumilos bilang daluyan ni Satanas. Sa hinaharap, mas maging maingat ka at huwag kang magsasalita nang walang katuturan. Bago ka magsalita, isipin mong mabuti kung tama ang mga sasabihin mo at kung ang mga ito’y makakapighati o makakagalit sa Diyos.” Uubra ba ang ganitong paraan ng pagsasalita? (Hindi.) Bakit hindi? Ang mga tao ay labis nang ginawang tiwali ni Satanas, at ang mga ugat ng kanilang mga tiwaling disposisyon ay napakalalim na. Namumuhay sila sa kanilang tiwaling disposisyon. Ang lahat ng kaisipan nila, gawa, imahinasyon, kuru-kuro, ang lahat ng mithiin at direksiyon ng buhay nila, at ang mga motibasyon para sa lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay nagmumula sa kanilang tiwaling disposisyon. Ayos lang ba kung hindi sila kakastiguhin ng Diyos? Mapagtatanto ba nila ang kabigatan ng problemang ito? Mapupuksa ba ang ugat ng kanilang kasalanan? (Hindi.) Kung ang ugat ng kanilang kasalanan ay hindi mapupuksa, kaya ba ng mga tao na magpasakop sa Diyos? (Hindi.) Malinaw na ba sa iyo ngayon kung ito ay isang mabuti o masamang bagay kapag kinokondena at isinusumpa ng Diyos ang mga tao? (Ito ay isang mabuting bagay.) Isa bang mabuting bagay para sa Diyos na ilantad ang mga tao? (Oo.) Ano ang inilalantad Niya sa mga tao? (Inilalantad Niya ang kanilang kahinaan, tayog, at pagtitiwala sa Diyos.) Inilalantad Niya nang lubusan ang mga tao. Ang mga pinanghahawakan mong doktrina, ang patok na linya na palagi mong inuulit, ang mga paniniwala mo, ang panlabas mong sigasig at mabubuting intensyon ay hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Hindi ang mga ito ang gusto Niya. Kahit gaano ka pa kasigasig o gaano kalayo ang nilalakbay mo, maipapakita ba nito na tinataglay mo ang katotohanan? Maipakikita ba nito na mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos? (Hindi.) Hindi ito ang mga bagay na pinupuri ng Diyos. Ang kabutihan at mga imahinasyon ng tao ay walang kabuluhan. Upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos at taglayin ang tunay na pananampalataya sa Diyos, dapat mong maranasan ang sari-saring pamamaraan kung paano gumagawa ang Diyos: naglalantad, humahatol, kumokondena, nanunumpa—minsan maging ang pagdidisiplina at pagpaparusa ay kailangan. Dapat bang katakutan ang mga bagay na ito? Hindi dapat katakutan ang mga bagay na ito. Nasa mga ito ang layunin ng Diyos, ang mabubuting layunin ng Diyos, at ang maaalalahaning pagsasaalang-alang ng Diyos. Kapaki-pakinabang na tiisin ang paghihirap na ito! Ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito at ginagamit ang mga pamamaraang ito upang gumawa sa mga tao. Ipinapakita nito na may mga inaasahang bagay ang Diyos mula sa mga taong ito at may nais na makamit mula sa mga ito. Hindi ginagawa ng Diyos ang mga bagay na ito nang walang plano, walang kahulugan, o batay sa mga imahinasyon. Lubusang sinasalamin ng mga ito ang layunin ng Diyos. Ano ang layunin ng Diyos? Nais Niyang dalhin ang mga tao sa tunay na pananampalataya sa Diyos at tanggapin ng mga tao ang katotohanan, itakwil ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at isakatuparan ang kaligtasan.

Sabihin mo sa Akin, pagkatapos ikaila ni Pedro ang Panginoong Jesus nang tatlong beses, pinagnilayan ba niya ang kanyang sariling pananampalataya? (Oo.) Ang mga taong may normal na pagkatao, ang mga naghahangad ng katotohanan ay magninilay-nilay sa kanilang sarili kapag may nakatagpo silang mga kabiguan at balakid. Tiyak na nagnilay-nilay si Pedro sa ganitong paraan. Hindi kailanman magninilay-nilay sa kanilang sarili ang mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan. Kung makatagpo sila ng isang sitwasyong gaya ng kay Pedro, sasabihin nilang, “Bagaman itinatwa ko ang Panginoon nang tatlong beses, hindi karaniwang pangyayari ang mga ito. Sino ang hindi makararamdam ng pag-aalala, takot, at panghihina sa ganoong mga di-karaniwang pangyayari? Hindi ito isang malaking bagay. Malaki pa rin ang pagmamahal ko sa Panginoon, ang puso ko ay nag-aapoy pa rin sa sigasig, matatag ang espiritu ko, at hindi ko kailanman iiwan, hindi ko kailanman tatalikuran ang Panginoon! Ang pagkakaila sa Panginoon nang tatlong beses ay isa lamang maliit na dungis, at malamang na hindi ito maaalala ng Panginoon. Sa huli, ang pagtitiwala ko sa Diyos ay sadyang malaki.” Anong uri ng pagninilay-nilay ito? Ito ba ang pag-uugali ng pagtanggap sa katotohanan? Ito ba ang daan upang magkamit ng tunay na pagtitiwala? (Hindi.) Paano kung naisip ni Pedro na, “Panginoong Jesus, kilalang-kilala mo ang mga tao, ngunit paano mo nagawang tumaya na gagawin ko ang ganoong bagay? Hindi mo dapat inasahan na ikakaila Kita. Sa halip, inasahan Mo dapat na kikilalanin Kita nang tatlong beses. Maganda sana iyon, at pagkatapos ay sumunod sana ako sa Iyo nang taas-noo. Bilang karagdagan, naipakita sana nito ang malaking pagtitiwala ko sa Iyo, at ang Iyong hula ay napatunayan din sana na totoo. Pareho tayong malulugod niyan. Kung gaano ako tunay na nananampalataya sa Iyo. Dapat Mo akong gawing perpekto at ibigay sa akin ang aking dignidad! Hindi Mo ako dapat pagalitan. Hindi Mo ako dapat tratuhin nang ganito. Ako ang may dignidad na si Pedro. Hindi ako dapat kailanman sumambit ng mga salitang nagkaila sa Diyos. Labis itong nakakahiya at kahiya-hiya! Bakit Mo ipinapataw sa akin ang ganoong bagay? Bakit hindi na lang sa iba? Hindi patas ang ginawa Mo! Bagamat inaamin kong ikinaila Kita, kailangan mo ba talagang ibunyag ako nang ganito para makita ng lahat ang aking kahihiyan? Saan ako pupunta mula rito? Magkakaroon pa rin ba ako ng isang magandang patutunguhan sa hinaharap? Hindi ba ito nangangahulugan na sinusukuan Mo na ako? Sa puso ko, ang pakiramdam ko ay hindi ito patas.” Tama ba o mali ang mangatwiran sa Diyos nang ganito? (Mali ito.) Anong uri ng kalagayan ito? Dito si Pedro ay may pagsuway at mga reklamo. Nagrereklamo si Pedro na ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro at panlasa niya. Nagiging dahilan ito upang siya ay mapahiya at mawalan ng katayuan nang sa gayon ay wala na siyang mukhang maiharap sa mga tao. Dito mayroon siyang mga pagpili ng tao, may mga reklamo siya ng tao, pagsuway, paglaban, at paghihimagsik. Ang lahat ng bagay na ito ay mga tiwaling disposisyon. Ang pag-iisip sa ganitong paraan, pagkilos sa ganitong paraan, at pagkakaroon ng ganoong asal at estado ay malinaw na mali. Kung ang mga tao ay nag-iisip at kumikilos gaya nito at hindi sila pinagagalitan ng Diyos, magkakaroon ba sila ng tunay na pananampalataya pagkatapos na sila ay mailantad? Magkakaroon ba sila ng tunay na pagtitiwala sa Diyos? (Hindi.) Anong uri ng resulta ang naghihintay para sa mga taong nagrereklamo, naghihimagsik, lumalaban at tumatanggi sa inilalantad ng Diyos ukol sa kanila at kung paano sila itinatrato ng Diyos gaya nito? Ano ang dinadala nito sa buhay ng ganoong mga tao? Ang unang bagay na dinadala nito ay kawalan. Ano ang implikasyon ng “kawalan”? Ayon sa nakikita ng Diyos, masyado kang mahirap na ituwid. Kahit anong mangyari sa iyo, palagi kang may mga pagpili at palagi kang may mga sariling panlasa, sarili mong kalooban, mga sarili mong opinyon, at ang mga sarili mong imahinasyon, kuru-kuro, at kongklusyon. Kaya ngayon, bakit nananalig ka pa rin sa Diyos? Para sa iyo, ang Diyos ay ang bagay lamang na pinagtutuunan mo ng iyong paninindigan at ng iyong suportang espirituwal. Hindi mo kailangan ang Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan ng Diyos, o ang ipinagkakaloob ng Diyos para sa buhay, at siguradong hindi mo kailangan ang Diyos na gumawa ng anumang uri ng gawain ng paghatol sa iyo na nagdudulot sa iyo ng maraming kirot. Bilang tugon, sinasabi ng Diyos na, “Madali iyan, hindi Ko kailangang gawin iyan sa iyo. May isang bagay lang: Dapat mo Akong iwan. May karapatan ka sa mga pagpili mo, at may karapatan din Akong pumili. Puwede mong piliing huwag tanggapin ang Aking pamamaraan ng pagliligtas sa iyo, sa parehong paraan na puwede Ko ring piliing huwag kang iligtas.” Nangangahulugan ba ito na ikaw at ang Diyos ay walang kinalaman sa isa’t isa? Ito ba ang kalayaan ng Diyos? (Oo.) May karapatan ba ang Diyos na gawin ito? (Oo.) May karapatan ba ang mga tao na piliing huwag tanggapin ang kaligtasan ng Diyos? (Oo.) Karapatan din ito ng mga tao. Puwede kang sumuko o puwede mong tanggihan ang kaligtasan na mayroon ang Diyos para sa iyo, ngunit sa huli, ikaw ang magdaranas ng kawalan. Hindi lamang na ikaw ay hindi magagawang perpekto ng Diyos, kundi itatakwil at ititiwalag ka rin ng Diyos. Sa huli ikaw ay parurusahan nang doble. Ito ang resulta para sa iyo. Iyan ang kaguluhang naghihintay para sa iyo! Kaya, dapat piliin ng mga taong gustong mailigtas na magpasakop sa gawain ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan lang na ang mga tao ay makabubuo ng tunay na pagtitiwala sa Diyos at magkakamit ng tunay na pananampalataya sa Kanya. Ang ganoong pananampalataya ay dahan-dahang nabubuo sa proseso ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos.

Ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay nakatago sa mga layuning nasa likod ng kanilang pananalita at kilos, sa kanilang pagtingin sa mga bagay-bagay, sa kanilang bawat kaisipan at ideya, at sa kanilang mga pananaw, pang-unawa, kuru-kuro, pagtingin, kahilingan, at hinihingi kaugnay ng katotohanan, ng Diyos, at ng gawain ng Diyos. Ito’y nabunyag mula sa mga salita at kilos ng mga tao nang hindi nila nalalaman. Kung gayon, paano tinatrato ng Diyos ang mga bagay na ito sa loob ng mga tao? Nagsasaayos Siya ng iba’t ibang kapaligiran para ilantad ka. Hindi ka lamang Niya ilalantad, kundi hahatulan ka pa Niya. Kapag ibinunyag mo ang iyong tiwaling disposisyon, kapag may mga kaisipan at ideya ka na salungat sa Diyos, kapag may mga kalagayan at pananaw ka na laban sa Diyos, kapag may mga kalagayan kung saan mali ang pagkaunawa mo sa Diyos, o nilalabanan at kinokontra mo Siya, sasawayin ka ng Diyos, hahatulan at kakastiguhin ka Niya, at kung minsa’y didisiplinahin at parurusahan ka pa Niya. Ano ang layunin ng pagdidisiplina at pagsaway sa iyo? (Upang makapagsisi ka at magbago.) Oo, ito ay upang makapagsisi ka. Ang naisasakatuparan ng pagdidisiplina at pagkastigo sa iyo ay hinahayaan ka nitong baguhin ang direksiyon mo. Ito ay para ipaunawa sa iyo na ang mga iniisip mo ay mga kuru-kuro ng tao, at na mali ang mga iyon; ang mga motibasyon mo ay nagmula kay Satanas, mula sa kalooban ng tao, hindi kumakatawan ang mga iyon sa Diyos, at hindi naaayon ang mga ito sa katotohanan, hindi tugma sa Diyos, hindi mapalulugod ng mga iyon ang mga layunin ng Diyos, kasuklam-suklam at kamuhi-muhi sa Diyos ang mga iyon, nag-uudyok ang mga iyon ng Kanyang poot, at pinupukaw pa ang Kanyang pagsumpa. Pagkatapos mapagtanto ito, kailangan mong baguhin ang iyong mga motibasyon at pag-uugali. At paano nababago ang mga iyon? Una sa lahat, kailangan mong magpasakop sa paraan ng pagtrato sa iyo ng Diyos, at magpasakop sa mga kapaligiran at mga tao, mga pangyayari, at bagay na itinatakda Niya para sa iyo. Huwag kang maghanap ng butas, huwag kang magbigay ng mga tahasang dahilan at huwag kang umiwas sa iyong mga responsibilidad. Pangalawa, hanapin mo ang katotohanang dapat isagawa at pasukin ng mga tao kapag ginagawa ng Diyos ang mga ginagawa Niya. Hinihiling ng Diyos na unawain mo ang mga bagay na ito. Nais Niyang kilalanin mo ang iyong mga tiwaling disposisyon at satanikong diwa, para magawa mong magpasakop sa mga kapaligirang isinasaayos Niya para sa iyo at, sa huli, para makapagsagawa ka alinsunod sa Kanyang mga layunin at sa Kanyang mga hinihingi sa iyo. Sa gayo’y nakapasa ka na sa pagsubok. Sa sandaling tumigil ka na sa paglaban at pagtutol sa Diyos, hindi ka na makikipagtalo sa Diyos at magagawa mong magpasakop. Kapag sinasabi ng Diyos na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” tumutugon ka ng, “Kung sinasabi ng Diyos na ako si Satanas, ako si Satanas. Kahit na hindi ko nauunawaan kung ano ang mali kong nagawa, o kung bakit sinasabi ng Diyos na ako si Satanas, iniuutos Niya sa akin na pumunta sa likod Niya, kaya hindi ako dapat mag-atubili. Dapat kong hanapin ang mga pagnanais ng Diyos.” Kapag sinasabi ng Diyos na ang kalikasan ng iyong mga kilos ay sataniko, sinasabi mong, “Kinikilala ko kung anuman ang sinasabi ng Diyos, tinatanggap ko ang lahat ng iyon.” Anong pag-uugali ito? Ito ay pagpapasakop. Pagpapasakop ba kapag alanganin mong tinatanggap ang pagsasabi ng Diyos na ikaw ay isang diyablo at si Satanas, ngunit hindi mo ito matanggap—at hindi mo kayang magpasakop—kapag sinasabi Niya na isa kang halimaw? Ang pagpapasakop ay nangangahulugan ng lubos na pagsunod at pagtanggap, hindi pakikipagtalo o hindi pagtatakda ng mga kondisyon. Nangangahulugan ito ng hindi pagsusuri ng sanhi at epekto, sa kabila ng mga makatwirang dahilan, at ang tanging iniisip mo lamang ay ang pagtanggap. Kapag nakamit na ng mga tao ang pagpapasakop na tulad nito, malapit na sila sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Habang lalong kumikilos ang Diyos, at habang lalo mong nararanasan, lalong nagiging totoo sa iyo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at lalong lalaki ang iyong tiwala sa Diyos, at mas lalo mong mararamdaman na, “Lahat ng ginagawa ng Diyos ay mabuti, walang masama roon. Hindi ako dapat mamili, kundi dapat magpasakop. Ang aking responsabilidad, ang aking obligasyon, ang aking tungkulin—ay para magpasakop. Ito ang dapat kong gawin bilang isang nilikha. Kung hindi ko man lang kayang magpasakop sa Diyos, ano ako? Isa akong halimaw, isa akong demonyo!” Hindi ba’t ipinapakita nito na mayroon ka nang tunay na pananampalataya ngayon? Kapag dumating ka na sa puntong ito, ikaw ay magiging walang bahid, kaya magiging madali para sa Diyos na gamitin ka, at magiging madali rin para sa iyo na magpasakop sa mga pangangasiwa ng Diyos. Kapag mayroon kang pagsang-ayon ng Diyos, magagawa mong makamit ang Kanyang mga pagpapala. Samakatuwid, maraming aral na matututuhan sa pagpapasakop.

Si Pedro ay nagtataglay ng tunay na pagpapasakop sa Diyos. Nang sinabi ng Diyos na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” tumahimik siya at nagnilay-nilay sa kanyang sarili. Hindi ito magagawa ng mga tao ngayon. Kung sasabihin ng Diyos, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas,” sasabihin nilang, “Sino ang tinatawag Mong Satanas? Hindi tama na sabihin Mong ako si Satanas. Sabihin Mong ako ay pinili ng Diyos—iyan ang maganda. Na kaya kong tumanggap at magpasakop. Kung sasabihin Mong ako si Satanas, hindi ako makapagpapasakop.” Kung hindi mo kayang magpasakop, mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos kung gayon? Mayroon ka bang tunay na pagpapasakop? (Wala.) Ano ang kaugnayan ng pagpapasakop at pagtitiwala? Magkakaroon ka lang ng tunay na pagpapasakop sa Diyos kapag mayroon kang tunay na pananampalataya. Tanging kapag kaya mong tunay na magpasakop sa Diyos na ang tunay na pagtitiwala sa Diyos ay dahan-dahang sisibol mula sa kalooban mo. Magtatamo ka ng tunay na pagtitiwala sa proseso ng tunay na pagpapasakop sa Diyos, ngunit kung wala kang tunay na pagtitiwala, magagawa mo bang tunay na magpasakop sa Diyos? (Hindi.) Ang mga bagay na ito ay magkakaugnay, at hindi ito isang usapin ng mga regulasyon o lohika. Ang katotohanan ay hindi pilosopiya, hindi ito lohikal. Ang mga katotohanan ay magkakaugnay at ganap na hindi mapaghihiwalay. Kung sinasabi mo na, “Upang magpasakop sa Diyos, dapat may pagtitiwala ka sa Diyos, at kung may pagtitiwala ka sa Diyos, dapat kang magpasakop sa Diyos,” ito ay isang regulasyon, isang parirala, isang teorya, isang matayog na pananaw! Ang mga bagay ukol sa buhay ay hindi mga regulasyon. Paulit-ulit mong kinikilala sa salita na ang Makapangyarihang Diyos ang tanging Tagapagligtas mo at ang nag-iisang tunay na Diyos, ngunit mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ano ang inaasahan mo upang ikaw ay maging matatag kapag nakatagpo mo ang paghihirap? Maraming tao ang tumatanggap sa Makapangyarihang Diyos dahil nagpahayag Siya ng maraming katotohanan. Tinatanggap nila Siya upang makapasok sila sa kaharian ng langit. Gayunman, kapag naharap sila sa pagdakip at mga paghihirap, maraming tao ang umaatras, maraming tao ang nagtatago sa kanilang mga tahanan at hindi nangangahas na gampanan ang kanilang mga tungkulin. Sa panahong ito, ang mga salitang sinambit mo—“Nananalig ako sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nananalig ako sa pagkontrol ng Diyos sa tadhana ng tao, at ang aking tadhana ay nasa kamay ng Diyos”—ay matagal nang naglaho nang walang iniwang bakas. Ito ay isa lamang bukambibig para sa iyo. Yamang hindi ka nangangahas na isagawa at maranasan ang mga salitang ito, at hindi ka namumuhay sa mga salitang ito, mayroon ka bang tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ang diwa ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos ay hindi lamang ang paniniwala sa pangalan ng Diyos, kundi ang pananalig sa katotohanan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Kailangan mong gawing bahagi ng buhay mo ang katotohanang ito, gawin itong tunay na patotoo ng buhay mo. Kailangan mong mamuhay sa mga salitang ito. Nangangahulugan itong hinahayaan mo ang mga salitang ito na gabayan ang iyong pag-uugali at gabayan ang direksyon at mga mithiin ng mga pagkilos mo kapag naharap ka sa mga sitwasyon. Bakit mo kailangang mamuhay sa mga salitang ito? Halimbawa, sabihin nating magagawa mong pumunta sa isang dayuhang bansa upang maniwala sa Diyos at gampanan ang tungkulin mo, at iniisip mong ito ay mabuti. Ang alituntunin ng malaking pulang dragon ay hindi umiiral sa ibayong dagat, at walang pag-uusig ng mga paniniwala; ang paniniwala sa Diyos ay hindi maglalagay sa buhay mo sa panganib, kaya hindi ka dapat makipagsapalaran. Samantala, ang mga mananampalataya ng Diyos sa kalupaang Tsina ay nasa panganib ng pagdakip anumang oras; nakatira sila sa lungga ng demonyo, at iyan ay napakamapanganib! Pagkatapos isang araw, sinabi ng Diyos na, “Nananalig ka sa Diyos sa ibayong dagat sa loob ng maraming taon, at nagkamit ng ilang karanasan sa buhay. May lugar sa kalupaang Tsina, ang mga kapatid doon ay mga kulang pa sa gulang pagdating sa buhay. Dapat kang bumalik at akayin sila gaya ng isang pastol.” Ano ang gagawin mo kapag naharap ka sa ganitong responsabilidad? (Magpasakop at tanggapin ito.) Maaaring sa panlabas ay matatanggap mo ito, ngunit hindi mapapalagay ang puso mo. Sa iyong higaan sa gabi, iiyak ka at mananalangin sa Diyos na, “Diyos ko, alam Mo ang kahinaan ko. Napakababa ng tayog ko, kahit bumalik ako sa kalupaan, hindi ko magagawang akayin gaya ng isang pastol ang mga hinirang ng Diyos! Hindi ba puwedeng pumili Ka ng ibang pupunta roon? Ang atas na ito ay nakarating sa akin, at gusto kong pumunta, ngunit natatakot ako na, kung pumunta ako, hindi ko ito maisasakatuparan nang maayos, na hindi ko magagawang gampanan ang tungkulin ko nang matiwasay, at na mabibigo akong matugunan ang Iyong mga layunin! Hindi ba puwedeng manatili ako sa ibayong dagat ng dalawang taon pa?” Anong pagpili ang ginagawa mo? Hindi ka lubos na tumatangging pumunta, ngunit hindi ka rin lubos na pumapayag na pumunta. Ito ay palihim na pag-iwas. Ito ba ay pagpapasakop sa Diyos? Ito ay isang napakalinaw na paghihimagsik sa Diyos. Ang pag-ayaw mo na bumalik ay nangangahulugan na nagtataglay ka ng mga damdaming lumalaban. Alam ba ito ng Diyos? (Alam Niya.) Sasabihin ng Diyos, “Huwag kang pumunta. Hindi Ako nagiging malupit sa iyo. Binibigyan lang kita ng isang pagsubok.” Sa ganitong paraan, ibinunyag Ka niya. Minamahal mo ba ang Diyos? Nagpapasakop ka ba sa Diyos? Mayroon ka bang tunay na pagtitiwala? (Wala.) Ito ba’y kahinaan? (Hindi.) Ito ay paghihimagsik, ito ay pagsalungat sa Diyos. Ang pagsubok na ito ay nagbunyag na wala kang tunay na pagtitiwala sa Diyos, wala kang tunay na pagpapasakop, at hindi ka nananalig na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Sinasabi mo na, “Hangga’t natatakot ako, may katwiran ako sa pagpiling huwag pumunta. Hangga’t ang buhay ko ay nasa panganib, puwede akong tumanggi. Hindi ko kailangang tanggapin ang atas na ito at puwede kong piliin ang sarili kong landas. Puwede akong mapuno ng mga reklamo at mga hinaing.” Anong uri ng pagtitiwala ito? Walang tunay na pagtitiwala rito. Kahit gaano pa katayog ang mga sawikaing isinisigaw mo, magkakaroon ba ito ng anumang epekto ngayon? Walang kahit ano. Ang mga pangako mo ba ay magkakaroon ng anumang epekto? May idudulot ba itong kabutihan kung ang ibang tao ay magbabahaginan sa katotohanan at kikilos upang kumbinsihin ka? (Hindi.) Kahit pa pumunta ka sa kalupaan nang hindi bukal sa loob mo pagkatapos nilang kumilos upang kumbinsihin ka, ito ba ay maituturing na tunay na pagpapasakop? Hindi ito ang paraan ng pagpapasakop na nais ng Diyos sa iyo. Kung pupunta ka nang hindi bukal sa loob mo, mawawalan ng kabuluhan ang pagpunta mo. Hindi gagawa ang Diyos sa iyo, at wala kang makakamit na anuman mula rito. Hindi pinipilit ng Diyos ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay. Dapat bukal ito sa loob mo. Kung ayaw mong pumunta, kung gusto mong tumahak ng isang alternatibong daan, at kung palagi kang humahanap ng paraan upang tumakas, tumanggi, at umiwas, kung gayon ay hindi mo kailangang pumunta. Kapag ang iyong tayog ay sapat na ang laki at mayroon kang ganoong tiwala, boluntaryo mong hihilinging pumunta, na sinasabing, “Pupunta ako, kahit na walang sinuman ang may gusto. Ngayon, talagang hindi na ako natatakot, at ibubuwis ko ang buhay ko! Hindi ba’t ang buhay ay bigay ng Diyos? Anong labis na nakatatakot tungkol kay Satanas? Ito ay isang laruan sa kamay ng Diyos, at hindi ko ito kinatatakutan! Kung hindi ako madadakip, ito ay dahil sa biyaya at awa ng Diyos. Kung mangyaring madakip ako, ito’y dahil pinahintulutan ito ng Diyos. Kahit na mamatay ako sa bilangguan, dapat pa rin akong magpatotoo para sa Diyos! Dapat may ganito akong determinasyon—ipagkakatiwala ko ang buhay ko sa Diyos. Gagamitin ko kung ano ang naunawaan, naranasan, at nalaman ko sa buhay ko at makikipagbahaginan ako rito sa mga kapatid na walang pagkaunawa at kaalaman. Sa ganitong paraan, magkakaroon sila ng parehong tiwala at determinasyon gaya ng sa akin, at makalalapit sila sa harap ng Diyos at makapagpapatotoo para sa Kanya. Dapat kong isaalang-alang ang mga layunin ng Diyos at pasanin ang mabigat na pasaning ito. Bagaman ang pagpapasan ng mabigat na pasaning ito ay nangangailangan ng pagbabakasakali at pagsasakripisyo ng aking buhay, hindi ako natatakot. Hindi ko na iniisip ang sarili ko; may Diyos ako, ang buhay ko ay nasa kamay Niya, at bukal-sa-loob akong nagpapasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos Niya.” Pagkatapos mong bumalik, kailangan mong magdusa sa kapaligirang iyon. Maaaring mabilis kang tatanda, puputi ang buhok mo, at kukulubot ang mukha mo. Maaaring magkasakit ka o arestuhin at usigin, o kaya naman ay mapunta ka sa panganib ng kamatayan. Paano mo haharapin ang mga problemang ito? Ito ay muling nangangailangan ng tunay na pagtitiwala. Puwedeng bumalik ang ilang tao bunsod ng determinasyon, ngunit ano ang gagawin nila kapag naharap sila sa mga paghihirap na ito matapos nilang bumalik? Dapat kang magpasya at manalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kahit na ikaw ay magka-edad nang bahagya o magkasakit nang bahagya, ang mga ito ay mga bagay na hindi gaanong mahalaga. Kung magkasala ka sa Diyos at tanggihan ang Kanyang atas, mawawala sa iyo ang pagkakataong magawang perpekto ng Diyos sa buhay na ito. Sa buhay mo, kung magkasala ka sa Diyos at tanggihan ang Kanyang atas, iyan ay magiging isang walang hanggang dungis! Ang mawalan ng oportunidad na ito ay isang bagay na hindi mo mababayaran nang kahit anong bilang ng taon ng kabataan mo. Para saan ang pagkakaroon ng isang malusog at malakas na katawan? Para saan ang pagkakaroon ng magandang mukha at magandang hugis ng katawan? Kahit na mabuhay ka hanggang walumpung taon at ang isip mo ay matalas pa rin, kung hindi mo kayang unawain ang kahulugan ng kahit isang pangungusap na sinambit ng Diyos, hindi ba’t iyan ay labis na kahabag-habag? Lubos itong magiging kahabag-habag. Kaya, ano ang pinakaimportante at pambihirang bagay na dapat makamit ng mga tao kapag lumapit sila sa harap ng Diyos? Ito ay ang tunay na pananampalataya sa Diyos. Kahit ano pa ang mangyari sa iyo, kung ikaw ay nagpapasakop muna, kahit na mayroon kang ilang maliit na maling pagkaunawa tungkol sa Diyos sa oras na iyon, o hindi mo masyadong nauunawaan kung bakit kumikilos ang Diyos sa ganyang paraan, hindi ka magiging negatibo at mahina. Gaya ng sinabi ni Pedro na, “Kung pinaglalaruan man ng Diyos ang mga tao na para bang sila ay mga laruan, ano ang karaingang maaaring magkaroon ang mga tao?” Kung wala ka kahit ng ganitong maliit na pagtitiwala, magagawa mo pa rin bang magpasakop gaya ni Pedro? Madalas, ang ginagawa ng Diyos sa iyo ay akma at makatwiran, nakahanay sa iyong tayog, mga imahinasyon, at kuru-kuro. Gumagawa ang Diyos ayon sa iyong tayog. Kung hindi mo pa rin ito matanggap, maisasakatuparan mo pa rin ba ang pagpapasakop ni Pedro? Iyan ay lalong magiging imposible. Kaya, dapat kang maghangad tungo sa direksyong ito at mithiing ito. Sa ganitong paraan mo lamang maisasakatuparan ang tunay na pananampalataya sa Diyos.

Kung walang tunay na pananampalataya ang mga tao, kaya ba nilang magpasakop sa Diyos? Mahirap sabihin iyan. Tanging sa pagkakaroon lamang ng tunay na pagtitiwala sa Diyos na sila ay tunay na makakapagpasakop sa Kanya. Ganyan talaga iyan. Kung hindi ka tunay na nagpapasakop sa Diyos, hindi ka na magkakaroon ng mga oportunidad na tanggapin ang kaliwanagan ng Diyos, patnubay, o pagiging perpekto. Itinaboy mo ang lahat ng oportunidad na ito upang ikaw ay magawang perpekto ng Diyos. Hindi mo gusto ang mga ito. Tinatanggihan, iniiwasan, at tuloy-tuloy mong iniilagan ang mga ito. Palagi mong pinipili ang isang kapaligiran na may mga kaginhawahan ng laman at malaya sa pagdurusa. Ito ay isang problema! Hindi mo mararanasan ang gawain ng Diyos. Hindi mo mararanasan ang patnubay ng Diyos, ang pamumuno ng Diyos, at ang pangangalaga ng Diyos. Hindi mo nakikita ang mga gawa ng Diyos. Bilang resulta, hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi mo makakamit ang tunay na pagtitiwala—wala kang makakamit na anuman! Kung hindi mo makakamit ang katotohanan at hindi mo makakamit ang salita ng Diyos upang gawin itong buhay mo, makakamit ka ba ng Diyos? Tiyak na hindi. Ano ang pangunahing bagay na binabalak mong makamit sa pamamagitan ng pagiging naliwanagan, napatnubayan, at nagawang perpekto ng Diyos? Nakamit mo ang katotohanan at ang salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang salita ng Diyos ay nagiging realidad mo, ang pinagmumulan ng buhay mo, at ang prinsipyo, batayan, at pamantayan para sa lahat ng kilos mo. Kapag ganito ang sitwasyon, ano ang ipinamumuhay mo? Isang tiwaling disposisyon pa rin? (Hindi.) Sasabihin ba ng Diyos sa iyo na, “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas”? (Hindi niya sasabihin ito.) Ano ang sasabihin ng Diyos? Ano ang depinisyong ibinigay ng Diyos kay Job? (May takot siya sa Diyos at umiiwas sa masama, siya ay isang perpektong tao.) Naaakmang sipiin dito ang mga salitang iyan. Kung nais ninyong matamo ang titulo at depinisyong ibinigay ng Diyos kay Job, madali ba itong gawin? (Hindi.) Hindi ito madali. Dapat mong mapalugod ang puso ng Diyos sa lahat ng bagay, hanapin ang mga layunin ng Diyos kahit saan, kumilos alinsunod sa layunin ng Diyos, at magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Kung sinasabi mo lang na magpapasakop ka sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ngunit pagkatapos ay sinisikap mong analisahin kung bakit ang ilang pangyayari, mga tao, kaganapan at bagay ay nangyayari sa iyo, may mga reklamo ka at maling pagkaunawa, at mali ang interpretasyon ukol sa mga layunin ng Diyos, iyan ang lubhang nakapagpapalungkot sa Diyos! Kung hindi mo gusto ang Diyos, hindi ka gugustuhin ng Diyos. Wala kayong magiging kaugnayan sa isa’t isa. Hindi ba ito magiging problema kung ang mga bagay-bagay ay magpapatuloy nang ganito? Dahil hindi ka isang nilikha ng Diyos, hindi ang Diyos ang iyong Kataas-taasan, ni hindi ang Diyos mo. Paano ka ilalarawan ng Diyos sa huli? “Magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan.” Gusto ba ninyong sa inyo sabihin ang mga salitang ito? (Hindi.) Ano ang ibig sabihin kung sa inyo ito sinabi? (Ibig sabihin na kami ay kinondena, itiniwalag, at pinarusahan ng Diyos.) Hindi iyan mabuti kahit kailan! Sa oras na ikaw ay kinondena at itiniwalag ng Diyos, hindi ito tulad ng pagkondena ng isang lider o isang taong nasa awtoridad—ang Diyos iyon! Binibigyan ka ng Diyos ng buhay at sinusuportahan ang iyong buhay. Ngayong hindi ka gusto ng Diyos, kaya mo pa bang mabuhay? (Hindi.) Ano ang ibig sabihin nito? Ipinahihiwatig nito ang pangwakas na kahihinatnan para sa iyo, na hindi isang magandang bagay. Hindi ito magandang senyales kahit kailan. Kung sasabihin Ko na ang isang tao ay may takot sa Diyos at umiiwas sa masama at siya’y isang perpektong tao, ito ay mabuting senyales, at ang pagpapala ng Diyos ay tiyak na darating sa ganoong tao. Ano ang dapat ninyong maging palagay sa mga salitang ginamit ng Diyos upang suriin si Job? Kung iisipin mo ang tungkol sa kung ano ang kinain ni Job, ano ang isinuot niya, paano siya naglakad, at anong katauhan ang mayroon siya at susubuking gayahin ang mga bagay na ito, ginagawa mo ito nang mali. Kailangan mong mabilis na magmuni-muni at maghanap, na iniisip na, “Paano ito ginawa ni Job? Ano ang ipinamuhay niya upang tanggapin ang pagsang-ayon ng Diyos? Sinabi ng Diyos na si Job ay may takot sa Diyos at iniwasan ang masama, na siya ay isang perpektong tao. Hindi iyan maliit na bagay. Iyan mismo ang sinabi ng Diyos. Dapat kong tularan ang halimbawa ni Job, hanapin ang daan ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa masama, at magsikap na maging isang tao rin na may takot sa Diyos at umiiwas sa masama. Gagawin ko ito nang sa gayon ay sasang-ayunan din ako ng Diyos at tatawagin ako sa pamamagitan ng titulong ito. Nais kong maging isang perpektong tao sa mata ng Diyos.” Ang ganitong pag-iisip ay naaayon sa mga layunin ng Diyos.

Disyembre 30, 2016