Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao (Ikalawang Bahagi)

Magbahaginan tayo tungkol sa isang bagay na pinakasalungat sa mga kuru-kuro ng tao. Si Moises ay nabuhay sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon. Apatnapung taon ang pinakamahaba sa buhay ng isang tao. Kung ang isang tao ay mabubuhay hanggang walumpung taon, ang apatnapung taon ay kalahati ng kanyang buhay. Anong uri ng kapaligiran ng pamumuhay ang kaparangan? Hindi lamang isang lubos na kaawa-awang kapaligiran ang kaparangan upang gawing tirahan sa dami ng paghihirap na kinailangang harapin ni Moises, ngunit ang mas importanteng problema ay wala siyang ugnayan sa mga Israelita sa loob ng apatnapung taon na iyon, at ni hindi rin nagpakita ang Diyos sa kanya. Isinaayos ng Diyos ang kapaligirang ito para kay Moises upang dalisayin siya. Ito ba ay umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Kung ang mga tao ay walang tunay na pananampalataya, paano ito pangkalahatang magpapakita? Sa unang dalawang taon, mayroon pa rin silang kaunting lakas sa kanilang puso at iisipin nila na, “Sinusubok ako ng Panginoon, ngunit hindi ako natatakot. Kasama ko ang Diyos! Basta’t hindi ako hinahayaan ng Diyos na mamatay, makakaya kong mabuhay hangga’t may natitira akong hininga. Nabubuhay ako dahil sa Diyos. May tiwala ako. Dapat kong palugurin ang Diyos!” Mayroon sila ng ganitong katiting na determinasyon dahil mayroon pa rin silang mga tupa bilang mga kasama. Gayunpaman, matapos lumipas ang ilang taon, umuunti na ang mga tupa at pumapagaspas sa buong araw ang umuugong na hangin. Sa katahimikan ng gabi, mararamdam ng mga tao na sila ay nag-iisa. Wala silang mapagbabahaginan ng kung ano ang nasa puso nila. Kapag tumingala sila sa langit, ang tanging makikita nila ay mga bituin at ang buwan. Mas lalo pa silang nakararamdam ng lungkot sa maulap at maulang mga gabi kung kailan maging ang buwan ay nakatago. Hindi nila namamalayan na ang pagtitiwala nila ay dahan-dahang lumalamig. Kapag ang pagtitiwala nila ay nanlamig, isang pusong puno ng mga reklamo at maling pagkaunawa ang nagpapakita ng sarili nito. Pagkatapos na pagkatapos niyan, ang kanilang panloob na kalagayan ay nagiging lalong malungkot at ang buhay ay dahan-dahang nagiging walang kabuluhan. Tuloy-tuloy nilang nararamdaman na hindi sila pinapansin ng Diyos at inabandona na sila. Kinukwestiyon nila ang pag-iral ng Diyos, at ang pagtitiwala nila ay lumiliit nang lumiliit. Kung wala kang tunay na pananampalataya, hindi mo matatagalan ang pagsubok ng panahon o ang pagsubok ng kapaligiran. Kung hindi mo matatagalan ang pagsubok na ibinibigay ng Diyos sa iyo, hindi mangungusap ang Diyos sa iyo o magpapakita sa iyo. Nais makita ng Diyos kung naniniwala ka sa Kanyang pag-iral, kung kinikilala mo ang pag-iral Niya, at kung mayroon kang tunay na pananampalataya sa puso mo. Ganito sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao. Nasa kamay ba ng Diyos ang mga taong nabubuhay sa pagitan ng langit at lupa? Silang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Ganito talaga iyon. Hindi mahalaga kung ikaw ay nasa kaparangan o nasa buwan, ikaw ay nasa mga kamay ng Diyos. Ganyan iyan. Kung hindi nagpakita ang Diyos sa iyo, paano mo makikita ang pag-iral at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Paano mo magagawang pahintulutan ang katotohanan na “ang Diyos ay umiiral at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay” na mag-ugat sa puso mo at hindi na maglaho pa? Paano mo magagawang ang pahayag na ito ay maging buhay mo, ang puwersang nag-uudyok sa buhay mo, at ang tiwala at lakas na nagpapahintulot sa iyong magpatuloy na mabuhay? (Manalangin.) Iyan ay praktikal. Iyan ang landas ng pagsasagawa. Kapag lugmok na lugmok ka sa iyong pinakamahirap na panahon, kapag hindi mo masyadong nararamdaman ang Diyos, kapag nakararamdam ka ng labis na sakit at pag-iisa, kapag pakiramdam mo ay tila ba malayo ka sa Diyos, ano ang isang bagay na talagang dapat mong gawin nang higit sa lahat? Tumawag ka sa Diyos. Ang pagtawag sa Diyos ay nagbibigay sa iyo ng lakas. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng pag-iral Niya. Ang pagtawag sa Diyos ay nagpaparamdam sa iyo ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag tumatawag ka sa Diyos, nananalangin sa Diyos, at ipinauubaya mo ang iyong buhay sa mga kamay ng Diyos, mararamdaman mo na nasa tabi mo ang Diyos at na hindi ka Niya inabandona. Kapag nararamdaman mong hindi ka Niya inabandona, kapag tunay mong nararamdaman na Siya ay nasa tabi mo, lalago ba ang iyong tiwala? Kung ikaw ay may tunay na pagtitiwala, hihina ba ito at maglalaho sa paglipas ng panahon? Talagang hindi. Nalutas na ba ngayon ang problema ng pagtitiwala? Maaari bang magkaroon ang mga tao ng tunay na pagtitiwala sa pamamagitan lamang ng pagdadala ng Bibliya at istriktong pagsasaulo ng mga talata nang literal? Dapat ka pa ring manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos upang malutas ang problemang ito. Paano nalampasan ni Moises ang apatnapung taon na iyon sa kaparangan? Nang panahong iyon, walang Bibliya, at kakaunting tao lang ang nasa paligid niya. Mayroon lamang siyang tupa na kasama niya. Si Moises ay tiyak na ginabayan ng Diyos. Bagamat hindi itinala sa Bibliya kung paano siya ginabayan ng Diyos, kung ang Diyos ba ay nagpakita sa kanya, kung ang Diyos ba ay nangusap sa kanya, o kung pinahintulutan ba ng Diyos si Moises na maunawaan kung bakit pinatira Niya siya sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon, isang hindi maitatangging katotohanan na nakaligtas si Moises sa kanyang pamumuhay sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon. Hindi maitatanggi nang sinuman ang katotohanang ito. Yamang walang kahit isa sa paligid niya na mapagbabahaginan niya ng kung ano ang nasa puso niya, paano siya nakaligtas nang mag-isa sa kaparangan sa loob ng apatnapung taon? Kung walang tunay na pananampalataya, ito ay imposible para sa sinuman. Ito ay magiging isang himala! Kahit gaano pa pag-isipang mabuti ng mga tao ang bagay na ito, nararamdaman nila na hindi ito maaaring mangyari kahit kailan. Ito ay masyadong salungat sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao! Ngunit hindi ito isang alamat, hindi isang kakatwang kuwento, ito ay isang tunay, di-mapapalitan, at di-maitatangging katotohanan. Ano ang ipinakikita ng pag-iral ng katotohanang ito sa mga tao? Kung ikaw ay may tunay na pananampalataya sa Diyos, hangga’t mayroon kang natitirang hininga, hindi ka tatalikuran ng Diyos. Ito ay isang katotohanan ukol sa pag-iral ng Diyos. Kung mayroon kang ganoong totoong pagtitiwala at ganoong tunay na pagkaunawa sa Diyos, ang pagtitiwala mo kung gayon ay malaki na. Ano pa man ang kapaligiran na mapuntahan mo, at gaano man katagal ang ilagi mo sa kapaligirang ito, ang pagtitiwala mo ay hindi kukupas.

Si Moises ay nasa kaparangan sa loob ng apatnapung taon. Hindi kailanman nagpakita ang Diyos sa kanya, ni pinagkalooban siya ng katotohanan. Walang hawak na mga aklat si Moises na naglalaman ng mga salita ng Diyos, wala ng kahit sinumang mga taong hinirang ng Diyos sa kanyang tabi, at walang kahit sinumang mapagbabahaginan niya ng kung ano ang nasa puso niya. Sa kanyang pamumuhay nang mag-isa sa kaparangan, makapamumuhay lamang siya sa pamamagitan ng pag-asa sa pananalangin sa Diyos. Sa huli, naisakatuparan nito ang tunay na pagtitiwala ni Moises. Kaya bakit ginawa ito ng Diyos? May ipagkakatiwala ang Diyos na atas kay Moises, na gagamitin siya nang husto, at kinailangan ng Diyos na gumawa sa kanya, kaya binago Niya siya. Ano ang binago ng Diyos kay Moises? (Ang pagtitiwala niya.) Nais ng Diyos na gawing perpekto ang pagtitiwala niya, hindi baguhin ang pagtitiwala niya. Ang binabago ng Diyos ay ang mabubuting layunin ng tao, ang mga tinatawag na katigasan ng tao at ang kanyang mga abilidad at kakayahan at ang kanyang pagiging mainitin ang ulo. Bakit umalis si Moises sa Ehipto noong panahong iyon? (Dahil pinatay niya ang isang taga-Ehipto bunsod ng pagiging mainitin ang ulo.) Maaari bang ginamit siya ng Diyos nang panahong iyon? (Hindi.) Ano ang maaaring nangyari kung ginamit siya ng Diyos noon? Kinamuhian niya ang mga taga-Ehipto at palaging nilayon na kumilos nang padalus-dalos. Kung pumatay siya ng iba pang tao, hindi ba iyan lilikha ng mga problema? Kung hiningi ng Diyos sa kanya na humayo at pangunahan ang mga Israelita palabas ng Ehipto, at si Moises ay kumilos nang padalus-dalos nang hindi pumayag ang Faraon, hindi ba’t magdudulot iyan ng gulo? Sasabihin ng Diyos na, “Maaari mo bang katawanin ang Diyos kung ganyan ka kumilos?” Kaya nga, dahil sa kanyang pagiging mainitin ang ulo, hindi siya magamit ng Diyos. Ang pagiging mainitin ang ulo ay isang malaking bawal para sa mga tao. Kung mainitin ang iyong ulo, kung palaging gusto mong gawin ang mga bagay-bagay batay sa iyong pagiging natural at sa bugso ng iyong damdamin, at kung palagi mong gustong lutasin ang mga problema gamit ang mga pamamaraan ng tao; kung wala kang tunay na pananampalataya sa Diyos at hindi ka umaasa sa Diyos at naniniwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan bunga ng ganoong tunay na pananampalataya, hindi magagawa ng Diyos na gamitin ka. Kung susubukin ng Diyos na gamitin ka, hindi lamang na wala kang maisasakatuparang anuman, ngunit magugulo mo pa nga ang mga bagay-bagay. Kaya, pagkatapos na patayin ni Moises ang taga-Ehipto, tumakas siya sa kaparangan. Ginamit ng Diyos ang kapaligiran ng kaparangan upang pahinahunin ang kanyang kalooban, pagiging mainitin ang ulo, ang kanyang mabubuting intensyon, sigasig, at bugso ng damdamin gayundin ang pagpapakabayani na nagtulak sa kanya upang ipagtanggol ang mga kapakanan ng kanyang mga kalahi at labanan ang kawalan ng hustisya. Ito ang lahat ng bagay na nabibilang sa kalooban ng tao, pagiging mainitin ang ulo at natural. Bakit hindi isinaayos ng Diyos para sa ilang Israelita na sumama sa kanya? Kung may isa pang tao na kasama niya, maaaring hindi siya umasa sa Diyos kundi sa ibang tao. Sa gayong kapaligiran, naging anong uri ng tao si Moises? Kaya niyang magpasakop sa Diyos at mayroon siyang tunay na pagtitiwala. Nagpapakita ito na ang kanyang likas na pagiging mainitin ang ulo ay lumipas na. Nang siya ay lumabas mula sa kaparangan, taglay pa rin ba niya ang pagiging mainitin ang ulo at ang pagpapakabayani? (Wala.) Ano ang nagpakita nito? (Sinabi ni Moises na hindi na siya isang magaling na tagapagsalita.) Hindi na siya makapagsalita, kaya nasa kanya pa rin ba ang sarili niyang mga layunin at bugso ng damdamin? (Wala.) Sa ganitong perspektiba, kapag nais ng Diyos na gawing perpekto ang isang tao, gawing perpekto ang pagtitiwala ng isang tao sa Diyos, kahit na gamitin man Niya o hindi ang taong iyon, gagawing perpekto ng Diyos ang pang-unawa ng taong ito sa katotohanan at pang-unawa sa mga layunin ng Diyos at pahihintulutan ang taong ito na magpasakop sa Diyos nang tunay at lubusan nang walang anumang halo, walang tinatawag na pagpapakabayani ng tao, bugso ng damdamin, ambisyon at matatayog na naisin, walang pagiging mainitin ang ulo, at walang mabubuting intensyon at sigasig ng tao—wala ng mga tinatawag na mga paniniwalang ito. Hinahangaan at hinahanap ng lahat ang mga bagay na ito na nagmumula sa kalooban ng tao, ang mga ito ay mga bagay na, sa relatibong paraan ng pagsasalita, tinatawag ng puso ng mga tao na positibo, mabuti, at tama. Ang mga ito ang mga bagay na handang paglaanan ng buhay ng lahat. Ang mga ito ang paniniwala ng mga tao. Kapag wala ng mga bagay na ito ang mga tao, kaya nilang tunay na magpasakop sa Diyos at hindi sila gagawa ng mga bagay at magsasalita batay sa mga imahinasyon ng tao at kabutihan ng tao. Kapag ang mga tao ay muling lumalapit sa harap ng Diyos, magkakaroon sila ng higit pang mga elemento ng tunay na pananampalataya sa Diyos. Ano-ano ang elemento ng tunay na pananampalataya? Papayuhan pa rin ba nila ang Diyos at sasabihing, “Diyos ko, ang mga bagay na ginagawa Mo ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at nahihirapan ang mga tao na tanggapin ang mga gawa Mo. Kailangan Mo talagang gawin ito nang gaya nito,” at “Diyos ko, ang sinabi Mo ay parang hindi tama. Ang tono ay hindi maganda, ang paraan ng pagtugon ay mali, at ang mga salitang ginamit Mo ay hindi tama”? Ang mga bagay na ito ay kinapaguran na nila at hindi na nila papayuhan ang Diyos. Magagawa na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, magtaglay ng katwiran, at magkaroon ng takot sa Diyos. Sa apatnapung taon ng pagbabago sa kaparangan, tunay na naramdaman ni Moises ang pag-iral ng Diyos. Sa isang kapaligiran na kung saan ang simpleng kaligtasan ng buhay ay imposible para sa isang tao, umasa siya sa Diyos upang makaligtas sa araw-araw at humawak sa pag-asa taon-taon, at nabuhay hanggang sa huli. Nakita talaga niya ang Diyos. Hindi ito nagkataon lang at hindi isang alamat. Walang hindi sinasadya o biglaan tungkol dito. Ang lahat ng ito ay totoo. Nakita niya ang tunay na pag-iral ng Diyos at nakita niya na ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay ay totoo. Sa sandaling ang gawain ng Diyos sa mga tao ay magkamit ng gayong epekto, ang puso nila ay daraan sa isang pagbabago. Maglalaho ang mga kuru-kuro at imahinasyon nila at mararamdaman nila na sila mismo ay walang saysay, at wala silang anumang magagawa kung wala ang Diyos. Bilang resulta, hindi nila gugustuhing ipilit na gawin ang mga bagay sa sarili nilang pamamaraan. Sa panahong ito, magsasabi ba ang mga tao ng mga bagay na gaya ng “Panginoon: hindi ito mangyayari sa Iyo”? (Hindi.) Masasabi natin na, sa panahong ito, hindi magsasalita ang mga tao batay sa mga kuru-kuro ng tao upang hadlangan ang Diyos, ni hindi sila gagawa ng mga bagay-bagay mula sa kalooban ng tao o ipilit na gawin ang mga bagay ayon sa maibigan nila. Sa panahong ito, ano ang batayan kung saan nabubuhay ang tao? Ano ang kanilang ipinamumuhay? Sa kanilang pananaw, kaya nilang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Sa obhetibong perspektiba, mapapahintulutan nila ang kalikasan na gawin ang gawain nito, hintayin at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at magpasakop sa Diyos sa lahat ng hinihingi Niyang gawin nila nang hindi gumagawa ng mga pansariling pagpili.

Noong isinugo ng Diyos si Moises para akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto, ano ang naging reaksiyon ni Moises na binigyan siya ng Diyos ng ganitong atas? (Sinabi niyang hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita.) Mayroon siyang kaunting pangamba, na hindi siya mahusay magsalita, kundi ay pautal-utal magsalita. Pero nilabanan ba niya ang atas ng Diyos? Paano niya ito hinarap? Nagpatirapa siya. Ano ang ibig sabihin ng magpatirapa? Ibig sabihin nito ay magpasakop at tumanggap. Nagpatirapa siya nang lubos sa harap ng Diyos, walang pakialam sa kanyang personal na mga kagustuhan, at wala siyang binanggit na anumang mga paghihirap na maaaring naranasan niya. Anuman ang ipagawa ng Diyos sa kanya, gagawin niya ito agad-agad. Paano niya nagawang tanggapin ang atas ng Diyos kahit pa naramdaman niyang wala naman siyang magagawa? Dahil may tunay siyang pagtitiwala sa loob niya. Nagkaroon na siya ng ilang karanasan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at usapin, at sa apatnapung taon na naranasan niya sa kaparangan, nalaman niya na makapangyarihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kaya, tinanggap niya ang atas ng Diyos nang may pananabik, at humayo siya para gawin ang iniatas ng Diyos sa kanya nang walang ibang salita pa tungkol dito. Ano ang ibig sabihing humayo siya? Nangangahulugan ito na nagkaroon siya ng tunay na pagtitiwala sa Diyos, at tunay na pag-asa sa Kanya, at tunay na pagpapasakop sa Kanya. Hindi siya nagpakaduwag, at hindi siya nagpasya nang sarili niya o sinubukang tumanggi. Sa halip, ganap siyang nagtiwala, at humayo siya para gawin ang iniatas ng Diyos sa kanya, na puno ng pagtitiwala. Pinaniwalaan niya ito: “Kung iniatas ito ng Diyos, matutupad ito kung gayon gaya ng sinasabi ng Diyos. Ѕinabi sa akin ng Diyos na ilabas ko ang mga Israelita mula sa Ehipto, kaya hahayo ako. Dahil ito ang iniatas ng Diyos, gagawa Siya, at bibigyan Niya ako ng lakas. Kailangan ko lang makipagtulungan.” Ito ang naging kabatiran ni Moises. Inaakala ng mga taong walang espirituwal na pang-unawa na magagawa nila ang mga bagay na ipinagkatiwala ng Diyos sa kanila nang sila lamang. Mayroon bang ganoong mga abilidad ang mga tao? Tiyak na wala. Kung ang mga tao ay duwag, mawawalan sila maging ng katapangan na harapin ang Faraon ng Ehipto. Sa puso nila, sasabihin nilang, “Ang Faraon ng Ehipto ay isang diyablong hari. Siya ay may hukbo na nasa kanyang pamamahala at kayang patayin ako sa isang salita. Paano ko pangungunahang lumayo ang napakaraming Israelita? Makikinig ba sa akin ang Faraon sa Ehipto?” Ang mga salitang ito ay naglalaman ng pagtanggi, paglaban, at paghihimagsik. Ipinakikita ng mga ito ang hindi pananalig sa Diyos, at hindi ito tunay na pagtitiwala. Hindi mainam ang mga sitwasyon noong panahong iyon para sa mga Israelita o kay Moises. Sa perspektiba ng tao, ang akayin ang mga Israelita palabas ng Ehipto ay talaga namang isang imposibleng gampanin, dahil nasa hangganan ng Ehipto ang Dagat na Pula, at ang tawirin iyon ay magiging isang napakalaking hamon. Talaga nga bang hindi alam ni Moises kung gaano kahirap tuparin ang atas na ito? Sa kanyang puso, alam niya, pero sinabi lang niya na pautal-utal siyang magsalita, na walang makikinig sa kanyang mga salita. Sa puso niya, hindi niya tinanggihan ang atas ng Diyos. Nang sabihin ng Diyos kay Moises na akayin niya ang mga Israelita palabas ng Ehipto, nagpatirapa siya at tinanggap ito. Bakit hindi niya binanggit ang mga paghihirap? Ito ba ay dahil, matapos ang apatnapung taon sa kaparangan, hindi niya alam ang mga panganib sa mundo ng mga tao, o kung anong kalagayan ng mga bagay-bagay sa Ehipto, o ang kasalukuyang kinasasadlakan ng mga Israelita? Hindi ba niya nakikita nang malinaw ang mga bagay na iyon? Ganoon ba ang nangyayari? Talagang hindi. Si Moises ay matalino at maalam. Alam niyang lahat ang mga bagay na iyon, dahil personal niyang napagdaanan at naranasan ang mga ito sa mundo ng mga tao, at hindi niya malilimutan ang mga ito kailanman. Alam na alam na niya ang mga bagay na iyon. Kung gayon, alam ba niya kung gaano kahirap ang atas na ibinigay ng Diyos sa kanya? (Oo.) Kung alam niya, paano niya nagawang tanggapin ang atas na iyon? Nagtiwala siya sa Diyos. Sa tanang buhay niyang puno ng karanasan, nanalig siya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, kaya tinanggap niya ang atas na ito ng Diyos nang may pusong puno ng pagtitiwala at nang walang bahagya mang alinlangan. Anong mga karanasan ang mayroon siya? Sabihin mo sa Akin. (Sa kanyang karanasan, sa tuwing tumatawag siya sa Diyos at sa tuwing lumalapit siya sa Diyos, inakay at ginabayan siya ng Diyos. Nakita ni Moises na hindi tumalikod ang Diyos sa Kanyang salita, at mayroon siyang tunay na pagtitiwala sa Diyos.) Ito ay isang aspekto. Mayroon pa bang iba? (Sa loob ng apatnapung taon niya sa kaparangan, talagang nakita ni Moises ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng pagtawag niya at pananalangin sa Diyos. Nagawa niyang makaligtas at malagpasan ito, at mayroon siyang tunay na pananampalataya sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Mayroon pa ba? (Marami nang ginawa ang Diyos kay Moises. May alam si Moises tungkol sa kung paano nilikha ng Diyos ang langit, ang lupa, at ang lahat ng bagay, paano ginamit ng Diyos ang isang baha upang wasakin ang mundo sa panahon ni Noe, at tungkol kay Abraham at iba pang ganoong mga bagay. Isinulat niya ang mga bagay na ito sa Pentateuko, na nagpapatunay na nagkamit siya ng karunungan sa lahat ng mga gawang ito ng Diyos at alam niya na ang Diyos ay makapangyarihan at may walang hanggang kaalaman. Kaya, nanalig siya na dahil aakayin siya ng Diyos, ang gawain ay tiyak na magiging matagumpay. Ninais niyang pagmasdan ang mga gawa ng Diyos, makita kung ano ang gagawin ng Diyos sa pamamagitan niya, at paano siya tutulungan at gagabayan ng Diyos. Ito ang tiwala na mayroon siya.) Ganoon ang nangyari. Sabihin mo sa Akin, sa kanyang apatnapung taon sa kaparangan, nagawa ba ni Moises na maranasan na, sa Diyos, walang bagay na mahirap, at na nasa kamay ng Diyos ang tao? Naranasan niya iyon nang husto—iyon ang pinakatunay niyang karanasan. Sa apatnapung taon niya sa kaparangan, napakaraming bagay na nagdulot ng matinding panganib sa kanya, at hindi niya alam kung makaliligtas ba siya sa mga iyon. Araw-araw, nanlaban na sana siya para sa kanyang buhay at nanalangin sa Diyos para sa proteksyon. Iyon ang naging tangi niyang hiling. Sa apatnapung taong iyon, ang pinakamalalim niyang naranasan ay ang kataas-taasang kapangyarihan at proteksyon ng Diyos. Kalaunan, nang tinatanggap na niya ang atas ng Diyos, maaaring ang una niyang naramdaman ay: “Walang bagay na mahirap sa Diyos. Kung sinasabi ng Diyos na magagawa ito, tiyak na magagawa ito. Dahil ibinigay sa akin ng Diyos ang ganitong atas, titiyakin Niyang matutupad ito—Siya mismo ang gagawa nito, hindi ang sinumang tao.” Bago kumilos, ang tao ay dapat magplano at maghanda nang mas maaga. Dapat muna niyang asikasuhin ang mga bagay na dapat mauna. Dapat bang gawin ng Diyos ang mga bagay na ito bago Siya kumilos? Hindi Niya kailangang gawin ang mga ito. Ang bawat nilikha, gaano man kamaimpluwensiya, gaano man kahusay o kamakapangyarihan, gaano man kawalang kontrol, ay nasa kamay ng Diyos. Si Moises ay mayroong pagtitiwala, kaalaman, at karanasan ukol dito, kaya wala ni katiting na alinlangan o takot sa kanyang puso. Kaya naman, ang pagtitiwala niya sa Diyos ay talaga namang tunay at dalisay. Masasabi na napuspos siya ng pagtitiwala.

Katatapos ko lang talakayin ang tungkol sa kung ano ang tunay na pananampalataya. Sabihin mo sa Akin, sa huli, gusto ba ng Diyos ang paniniwala ng mga tao o ang tunay na pananampalataya ng mga tao? (Gusto Niya ang tunay na pananampalataya ng mga tao.) Ang gusto ng Diyos ay ang tunay na pananampalataya ng mga tao. Ano ang tunay na pananampalataya? Sa pinakasimple at pinakadirektang mga salita, ito ay tunay na pagtitiwala ng mga tao sa Diyos. Sa gawa, ano ang itsura ng tunay na pagtitiwala? Ano ang kinalaman nito sa lahat ng mga aktibidad sa tunay na buhay ng mga tao? (Naniniwala ang mga tao na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagtatakda ng lahat ng bagay. Naniniwala sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng mga nakakatagpo nila at naniniwala sila na walang anumang bagay ang mahirap para sa Diyos.) (Naniniwala ang mga tao na ang bawat salitang sinasambit ng Diyos ay magaganap.) Pag-isipan mo pa itong mabuti. Paano pa ipakikita ng tunay na pagtitiwala ang sarili nito? (Ang pagtitiwala ni Moises ay iba kaysa sa pagtitiwala ng mga ordinaryong mananampalataya. Nang isulat niya ang Genesis, naniwala siya na nilikha ng Diyos ang langit at lupa at ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, naniwala siya na ang langit at lupa at ang lahat ng bagay ay binigyang-buhay sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, naniwala siya na anuman ang sinabi ng Diyos ay gayon nga at ang itinakda ng Diyos ay mangyayari, at naniwala siya na ang mga salita ng Diyos ay magaganap lahat at maisasakatuparan. Kaugnay nito, siya’y may tunay na pagtitiwala sa Diyos. Hindi lang siya naniwala sa katotohanan na ang Diyos ay tunay na umiiral. Naniwala siya na ang langit, ang lupa, at ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos. Sa puso niya, lubos siyang naniwala na isinakatuparan ng mga salita ng Diyos ang lahat ng bagay, at naniwala siya sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kung wala siyang ganoong pagtitiwala sa Diyos, hindi niya maisusulat ang Genesis. Ang mga salitang ito ay kinasihan din o ibinunyag ng Banal na Espiritu, at nauunawan niya ito nang malinaw.) Sabihin mo sa Akin, ang tunay bang pag-iral ng Diyos ay isang katotohanan dahil naniniwala ang mga tao rito? (Hindi.) Anong uri ng katotohanan ang tunay na pag-iral ng Diyos? (Pinaniniwalaan man ito ng mga tao o hindi, ang Diyos ay umiiral, at ang Diyos ay umiiral sa Kanyang sarili at walang hanggan.) Kahit papaano, ang pagtitiwala sa Diyos ay dapat na nakabatay sa pundasyong ito: Hindi umiiral ang Diyos dahil kinikilala mo Siya sa salita, hindi rin Siya hindi iiral kung hindi mo Siya kinikilala. Sa halip, umiiral ang Diyos naniniwala ka man sa Kanya o kinikilala mo man Siya. Ang Diyos ay ang walang hanggan na Lumikha at Siya ang walang hanggan na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Bakit kailangan ng mga tao na maunawaan ito? Ano ang mababago nito sa mga tao? Sinasabi ng ilang tao na, “Kung nananalig kami sa Iyo, Ikaw ay Diyos, pero kung hindi kami nananalig sa Iyo, hindi Ka Diyos.” Ano ang mga salitang ito? Ang mga ito ay salitang mapaghimagsik at nakapanlilinlang. Sinasabi ng Diyos na, “Kung hindi ka naniniwala sa Akin, Ako pa rin ay Diyos at Ako pa rin ang may kataas-taasang kapangyarihan sa tadhana mo. Hindi mo ito mababago.” Ito ay katotohanang hindi maitatanggi ng sinuman. Kahit gaano pa itanggi o labanan ng isang ateista ang Diyos, ang kapalaran niya ay nasa ilalim pa rin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi niya matatakasan ang kaparusahan ng Diyos. Kung lubusan mong tinatanggap at nagpapasakop ka sa pamamatnugot at mga pagsasaayos ng Diyos at kaya mong tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos, kayang baguhin ng mga salita ng Diyos ang paraan ng pamumuhay mo, baguhin ang mga layon mo sa buhay at ang direksiyon ng iyong paghahangad, baguhin ang landas na pinili mo, at baguhin ang kahulugan ng buhay mo. Sa pamamagitan ng kanilang bibig, sinasabi ng ilang tao na nananalig sila sa pag-iral ng Diyos at na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa lahat ng umiiral, ngunit hindi nila kayang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos at hindi nila nakikita na gumagawa ang Diyos ng iba’t ibang pagsasaayos para sa bawat tao. Palaging gusto ng mga taong ito na hangarin ang mga sarili nilang ambisyon at pagnanais at gusto nila palaging gumawa ng mga dakilang bagay, ngunit nakakatagpo sila ng paulit-ulit na pagkaunsyami at sa huli sila ay napapagod at naiiwang walang-wala at nagdurusa. Saka pa lang sila sumusuko. Kung tunay silang naniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kikilos ba sila sa ganitong paraan? Imposible ito para sa kanila. Paano sila dapat magpatuloy? Una sa lahat, dapat nilang maunawaan ang layunin ng Diyos. Sa gawain ng Diyos para sa kaligtasan ng sangkatauhan, tinutulungan Niya ang mga tao na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at makalaya mula sa impluwensiya ni Satanas, tumahak sa tamang landas ng buhay, at mamuhay nang naaayon sa mga salita ng Diyos. Kung nauunawaan talaga ng mga tao ang layunin ng Diyos, susundin nila ang mga hinihingi ng Diyos sa kanilang paghahangad sa katotohanan at pagpupunyaging maunawaan ang Diyos, makakamit ang pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos. Tanging sa ganitong paraan lang sila makaaayon sa layunin ng Diyos. Maraming tao ang nananalig sa Diyos pero hindi kayang magpasakop sa Diyos. Gusto nila palaging hangarin ang mga sarili nilang kagustuhan, ngunit lahat sila ay nabibigo sa huli. Saka lang nila sinasabi ang nasa puso nila na, “Ito ang tadhana, at walang sinumang makapagpapabago sa itinakda ng Diyos!” Sa ngayon, kapag muli nilang sinabi na, “Nananalig kami sa pag-iral ng Diyos at nananalig kami na hawak ng Diyos ang lahat ng bagay sa Kanyang mga kamay,” ang mga salitang ito ba ay iba kaysa sa mga sinabi nila noon? Ang mga ito ay higit pang praktikal kaysa sa mga doktrinang binigkas nila noon. Dati, sa salita lang nila kinilala at pinaniwalaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, ngunit kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay, hindi nila kayang magpasakop sa Diyos at hindi nila kayang isagawa ang katotohanan batay sa mga salita ng Diyos. Sa kanilang puso, inakala nilang kaya nilang tuparin ang kanilang mga mithiin nang mag-isa. Sa ganitong paraan, ang mga salita ng Diyos na pinaniwalaan nila sa kanilang puso at ang mga doktrinang nasa kanilang mga dila ay hindi maaaring maging mga prinsipyo ng kanilang mga kilos. Ibig sabihin, hindi sila naniniwala na ang mga salita ng Diyos ay ang lahat ng katotohanan at kayang isakatuparan ang lahat ng bagay. Inakala nila na naunawaan nila ang katotohanan, ngunit hindi nila kayang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, kaya ang naunawaan lang nila ay mga doktrina at salita, hindi ang katotohanang realidad. Gamit ang kanilang bibig, sinabi nilang nanalig sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ngunit sa tunay na buhay, hindi nila kayang magpasakop sa Diyos. Palagi nilang tinatahak ang sarili nilang landas, at palaging gustong hangarin ang kanilang sariling kagustuhan, at nilalabag ang mga hinihingi ng Diyos. Ito ba ay tunay na pagpapasakop? Mayroon bang tunay na paniniwala at tunay na pagtitiwala rito? (Wala.) Walang-wala, na talagang kahabag-habag! Ano ang mga pagpapamalas ng tunay na pagtitiwala sa Diyos? Ang mga tao na may tunay na pagtitiwala sa Diyos kahit paano ay naniniwala na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan at na ang mga ito ay magaganap at maisasakatuparan, at naniniwala sila na ang pagsasagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos ay ang tamang landas sa buhay. Sa kanilang buhay, nananalangin sila sa Diyos at umaasa sa Diyos, dinadala ang mga salita ng Diyos sa kanilang tunay na buhay, nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos sa lahat ng bagay, sinisikap na maging matatapat na tao, at isinasabuhay ang mga realidad ng mga salita ng Diyos. Hindi lang sila naniniwala sa pag-iral at sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kundi sinisikap din nilang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos sa kanilang tunay na buhay. Kung sila ay mapaghimagsik, mapagninilayan nila ang kanilang sarili, matatanggap ang katotohanan, matatanggap ang pagdidisiplina ng Diyos, at makakamit ang pagpapasakop sa Diyos. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, ang katotohanang pinaniniwalaan at kinikilala mo ay magiging iyong buhay realidad. Magagabayan ng katotohanang ito ang iyong mga kaisipan, ang iyong buhay, at ang direksiyon na tinatahak mo sa iyong buong buhay. Sa panahong ito, magagawa mong magpakita ng tunay na pagtitiwala sa Diyos. Kapag nagtataglay ka ng tunay na pananalig sa Diyos at tunay na pagpapasakop, nagbubunga ito sa tunay na pagtitiwala. Ang pagtitiwalang ito ay tunay na pananampalataya sa Diyos. Saan nagmumula ang tunay na pananampalatayang ito? Ito ay nakamit sa pamamagitan ng pagsasagawa at pagdaranas ng mga salita ng Diyos at sa ganoong paraan ay nauunawaan nila ang katotohanan. Habang mas nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, mas lumalaki ang pagtitiwala nila sa Diyos, mas nakikilala nila ang Diyos, at mas tunay silang nagpapasakop sa Diyos. Sa ganitong paraan nagkakaroon ng tunay na pananampalataya ang mga tao.