Sa Totoong Pagpapasakop Lamang Maaaring Magkaroon ng Tunay na Pagtitiwala ang Isang Tao (Unang Bahagi)

Ano ang pananampalataya sa Diyos? Ito ang pinakapraktikal na tanong, gayon din ang pinakapangunahing katotohanan na dapat maunawaan ng isang mananampalataya. Ang pananampalataya ba sa Diyos ay isang uri ng paninindigan, o ito ba ay isang direksiyon at mithiin sa buhay ng isang tao? Sa puso mo, ano ang pinakalayunin ng pananampalataya? Bakit gusto mong magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? Ibig sabihin, ano ang iyong paniniwala? Ano ang batayan at pundasyon ng iyong pananampalataya sa Diyos? Ano ang iyong motibasyon? Sa madaling sabi, anong layunin at hangarin ang mayroon ka sa paniniwala sa Diyos? Para saan ito sa huli? Ang mga ito ang pinakapratikal na tanong. Masasabi mo na ang mga tao ay nananalig at tumatanggap sa Diyos para sa layuning magkamit ng mga pagpapala. Nananalig ang mga tao sa Diyos upang magkaroon sila ng isang bagay na mapagsasandalan ng kanilang mga pag-asa, pananabik, at paghahangad sa dako ng kaisipan at espiritu. Ito ang orihinal na layunin sa pananampalataya ng lahat ng tao sa Diyos. Gayunman, pagkatapos na magkaroon ng pananalig sa Diyos ang mga tao, pagkatapos na mapakinggan nila ang mga salita ng Diyos, ang katotohanan, ang gawain ng Diyos, at ang lahat ng iba’t ibang tao, mga pangyayari at bagay sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga pananaw nila sa pananampalataya ay nagbabago nang hindi nila namamalayan, at nagtatamo sila ng kaunting pagkaunawa sa katotohanan; gayon lang nila napagtatanto na ang pananampalataya sa Diyos ay nagpapahintulot sa kanila na makamtan ang katotohanan, na ang pananampalataya ay ang pinakamahalaga, na kaya talagang baguhin ng pananampalataya ang mga tao sa maraming aspekto at sa huli ay lutasin ang problema ng katiwalian ng tao. Upang magkaroon ka ng pananampalataya sa Diyos, dapat mo munang maunawaan ang mga sumusunod na tanong: Bakit nananalig ang mga tao sa Diyos? Ano ang layunin ng pananalig sa Diyos? Ano ang motibasyon upang manalig sa Diyos? Ano ang unang pagnanais at adhikain sa paniniwala sa Diyos? Gaano ninyo pinag-isipan ang mga tanong na ito? Tama ba ang mga sagot na nasa inyo? (Sa umpisa, nanalig ako sa Diyos bunga ng aking pagnanais na magkamit ng mga pagpapala. Nang maranasan ko ang ilang paghatol at pagkastigo mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na puro mga pagpapala lang ang hinahangad ko, na wala talaga akong konsensiya o katwiran, at napakamakasarili. Naramdaman ko na ginawa akong lubhang tiwali ni Satanas, kaya naman inasam ko na maging isang taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran, isang tao na kayang lumugar nang tama bilang isang nilikha at sumunod sa Diyos. Sa kasalukuyan, itong kaunting kaalaman lang ang tinataglay ko.) Kapag nagsimulang manalig ang mga tao sa Diyos, gusto nila palagi na magkamit ng biyaya, na magkamit ng mga pagpapala at benepisyo, na bigyan ng kasiyahan ang sari-saring kagustuhan at pagnanasa ng espiritu at ng laman. Mula pa noong simula ng kanilang pananampalataya nang hinangad nila ang gayong mga bagay, nagdusa na sila nang labis, at ngayon ay nauunawaan nila na ang kahalagahan ng pananampalataya ay higit pa sa mga bagay na ito. Ang kahalagahan ng pananampalataya ay napakalalim at napakapraktikal, at ang mga benepisyo na kanilang tinatanggap ay napakarami para mailarawan sa kaunting salita. Para magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, kailangan munang lutasin ng isang tao ang mga problema ng tiwaling disposisyon at kasalanan ng tao, pati na ang maisakatuparan ang pagsunod at pagkilala sa Diyos. Tanging sa ganitong paraan lamang maiwawaksi ng isang tao ang kanyang tiwaling disposisyon at makatatakas mula sa impluwensiya ni Satanas upang makapanumbalik nang lubusan sa Diyos. Ang layunin ng paniniwala sa Diyos at pagsunod sa Diyos ay upang makamit mula sa Diyos ang katotohanan at ang buhay, na sa huli ay nagiging isang tao na umaayon sa mga layunin ng Diyos at kayang sumunod at sumamba sa Diyos. Ito ang tunay na kahulugan ng pananampalataya. Sa pagmamasid natin sa pagkaunawa ng mga tao sa pananampalataya, makikita natin na ang kanilang mga pananaw, layunin, at motibasyon ukol sa kanilang pananampalataya ay dumaan sa isang malaking pagbabago. Ano ang naghatid ng pagbabagong ito? (Ito ang resulta ng pagpapahayag ng Diyos ng katotohanan at ng lahat ng gawain na Kanyang ginawa para sa mga tao.) Tama iyan. Ang pagbabagong ito ay hindi resulta ng paglipas lamang ng panahon, ni hindi ito ipinilit sa iyo ng sinuman, ni hindi rin ito resulta ng impluwensiya o pagkahawa ng kahit anong mga katuruang relihiyoso, lalong hindi ang kabutihan ng puso mo ang nagpakilos sa Langit para baguhin ka na maging mas mabuti at makatao. Ang lahat ng ito ay mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Sa katunayan, ang pinakapraktikal na benepisyong nakamit ay, yamang sila ay pinatnubayan ng mga salita ng Diyos, diniligan at ipinastol ng mga salita ng Diyos, nauunawaan ng mga tao ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, nakikita nang malinaw ang kadiliman at kasamaaan sa mga tao, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay lubhang nagbago. Ano ang naghahatid ng mga pagbabagong ito? Ang mga ito ang resulta ng dahan-dahan at utay-utay na pagdanas ng gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos. Kung gayon, ano nga ba ang kabilang sa mga pagbabagong ito? Kabilang sa mga ito ang pinakamalaking usapin ng pananampalataya—ang usapin ng kaligtasan. Ito ang ganap na kahalagahan ng pananampalataya ng isang tao. Sa katunayan, walang hinihinging marami ang mga tao ukol sa pananampalataya. Ang pakay lang nila ay magkamit ng biyaya at maghanap ng kapayapaan. Pagkatapos, ito ay nagbabago sa isang pagnanais na maging mabubuting tao kaysa maging masasamang tao, at sa huli, gusto lang nilang makatanggap ng isang mabuting destinasyon. Gayon pa man, sa loob nito ay ang pinakamalaking tanong: Ano kayang epekto ang gusto talaga ng Diyos na maisakatuparan sa Kanyang gawain ng paghatol at pagdadalisay at sa Kanyang pagliligtas sa tao? Ito ang dapat na maunawaan ng mga tao. Sa gawain ng Diyos upang iligtas ang tao, ano ang ginagamit Niya upang isakatuparan ang kaligtasang ito? Ginagamit Niya ang kanilang pagkaunawa sa katotohanan at ang Kanyang mga salita, at pagkatapos ay ang kanilang karanasan sa paghatol at pagkastigo, mga pagsubok at pagpipino, at pinalalaya sila mula sa kasalanan at sa impluwensiya ni Satanas. Kapag nasabi at nagawa na ang lahat, ano ang ganap na kahalagahan ng pananampalataya ng mga tao? Sa madaling salita, ito ay upang maligtas. At ano ang kahalagahan ng kaligtasan? Gusto Kong pag-isipan ninyo itong lahat at sabihin sa Akin kung ano talaga ang ibig sabihin ng maligtas? (Ibig sabihin nito ay na makalalaya kami mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, makapanunumbalik nang lubusan sa Diyos, at sa huli, ay makaliligtas.) (Ang mga taong namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay nararapat sa kamatayan, ngunit ang mga taong naligtas sa pamamagitan ng pagranas sa gawain ng Diyos ay hindi mamamatay.) Nauunawaan ninyong lahat ito at maipaliliwanag ito sa antas ng doktrina, ngunit hindi lang ninyo alam kung ano talaga ang ibig sabihin ng maligtas. Ang pagiging naligtas ba ay pagwawaksi ng inyong tiwaling disposisyon? Ang pagiging naligtas ba ay nangangahulugang hindi pagsisinungaling, ng pagiging isang tapat na tao at paghinto sa paghihimagsik sa Diyos? Paano ba ang mga tao pagkatapos nilang maligtas? Sa madaling salita, ang pagiging naligtas ay nangangahulugan na magagawa mong magpatuloy na mabuhay, na ikaw ay pinanumbalik sa buhay. Namumuhay ka dati sa kasalanan, at nakatakda para sa kamatayan—gaya ng nakikita ng Diyos, ikaw ay patay. Ano ang batayan sa pagsasabi nito? Sa ilalim ng kaninong kapangyarihan namumuhay ang mga tao bago sila nagtamo ng kaligtasan? (Sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas.) At saan umaasa ang mga tao para mabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas? Umaasa sila sa kanilang satanikong kalikasan at mga tiwaling disposisyon para mabuhay. Kung gayon, ang buong katauhan ba nila—ang kanilang laman, at lahat ng iba pang aspekto katulad ng kanilang mga espiritu at mga kaisipan—ay buhay o patay? Mula sa pananaw ng Diyos, sila ay patay, sila ay mga naglalakad na bangkay. Sa panlabas, mukhang humihinga ka at nag-iisip, ngunit ang lahat ng palagi mong iniisip ay masama, pagsuway sa Diyos at paghihimagsik laban sa Diyos, ang lahat ng iyong iniisip ay mga bagay na kinamumuhian, kinapopootan, at kinokondena ng Diyos. Sa mata ng Diyos, hindi lamang kabilang sa laman ang lahat ng bagay na ito, kundi lubusang pag-aari ni Satanas at ng mga diyablo ang mga ito. Kaya, sa mata ng Diyos, tao pa nga ba ang tiwaling sangkatauhan? Hindi, sila ay mga hayop, diyablo, at Satanas; sila ay mga Satanas na buhay! Ang lahat ng tao ay namumuhay sa kalikasan at disposisyon ni Satanas, at ayon sa nakikita ng Diyos, sila ay mga Satanas na buhay at nakadamit sa laman ng tao, mga diyablo na nasa balat ng tao. Inilalarawan ng Diyos ang gayong mga tao bilang mga naglalakad na bangkay, bilang ang mga patay. Ginagawa na ngayon ng Diyos ang gawain ng kaligtasan, na nangangahulugan na kukunin Niya ang mga naglalakad na bangkay na namumuhay sa tiwaling disposisyon ni Satanas at sa tiwaling diwa nito—ang mga patay—at gagawin Niya silang mga taong buhay. Iyan ang kahalagahan ng pagiging naligtas. Naniniwala sa Diyos ang isang tao upang maligtas—ano ang ibig sabihin ng maligtas? Kapag natamo ng isang tao ang kaligtasan ng Diyos, sila ang mga patay na nagiging buhay. Kung minsan silang napabilang kay Satanas, nakatakdang mamatay, ngayon sila ay nabuhay bilang mga taong nabibilang sa Diyos. Kung kaya ng mga taong sumunod sa Diyos, makilala Siya, at yumukod sa Kanya sa pagsamba kapag nanalig at sumunod sila sa Diyos, kung wala na silang paglaban at paghihimagsik sa Diyos sa kanilang puso, at Siya ay hindi na nila lalabanan o tutuligsain, at kaya na nilang tunay na magpasakop sa Diyos, kung gayon, sa paningin ng Diyos, sila ay tunay na mga taong buhay. Ang isang tao ba na kumikilala lang sa Diyos sa salita ay isang taong buhay? (Hindi.) Anong uri ng tao ang isang taong buhay, kung gayon? Ano-ano ang realidad ng mga taong buhay? Ano ang dapat na taglay ng mga taong buhay? Sabihin ninyo sa Akin ang inyong mga opinyon. (Ang mga taong kayang tumanggap ng katotohanan ay mga taong buhay. Kapag ang mga ideolohikal na pananaw ng mga tao at mga pananaw ukol sa mga bagay-bagay ay nagbago at humanay sa salita ng Diyos, sila ay mga taong buhay.) (Ang mga taong buhay ay ang mga nakauunawa sa katotohanan at kayang isagawa ang katotohanan.) (Ang isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa masama gaya ni Job ay isang taong buhay.) (Ang mga taong nakakikilala sa Diyos, kayang mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos, at kayang ipamuhay ang katotohanang realidad—sila ang mga taong buhay.) Kayong lahat ay nagsabi ng isang uri ng pagpapamalas. Para ganap na maligtas at maging isang taong buhay ang isang tao, dapat na kahit paano ay magagawa niyang pakinggan ang mga salita ng Diyos, at magsabi ng mga salita ng konsensiya at katwiran, at dapat nag-iisip siya at kumikilatis, may kakayahang maunawaan ang katotohanan at isagawa ito, may kakayahang magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Ganyan ang isang tunay na taong buhay. Ano ang madalas na iniisip at ginagawa ng mga taong buhay? Kaya nilang gawin ang ilang bagay na dapat na ginagawa ng mga normal na tao. Pangunahin sa lahat, ginagawa nila nang maayos ang mga tungkulin nila, at may takot sila sa Diyos at lumalayo sa masama sa kanilang iniisip at ibinubunyag, sa kanilang sinasabi at ginagawa sa pang-araw-araw. Iyan ang kalikasan ng madalas nilang iniisip at ginagawa. Para mas maliwanag, ang sinasabi nila at ginagawa sa kabuuan ay naaayon sa katotohanan, kahit paano. Hindi ito kinondena ng Diyos o kinasuklaman at itinaboy Niya, bagkus ay kinilala at sinang-ayunan Niya. Ito ang ginagawa ng mga taong buhay, at ito talaga ang dapat nilang gawin. Kung kinikilala mo lang ang Diyos sa pamamagitan ng iyong bibig at nananalig sa iyong puso, makakamit mo ba ang pagsang-ayon ng Diyos at kaligtasan? (Hindi.) Bakit hindi mo makakamit? Sinasabi ng ilang tao na, “Naniniwala ako na may isang Diyos,” “Nananalig ako sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng sangkatauhan,” “Nananalig ako na ang lahat ng tungkol sa akin ay nasa kamay ng Diyos, na inakay ako ng Diyos sa mas magandang bahagi ng buhay ko, at na aakayin din ako ng Diyos sa aking landas sa hinaharap,” at “Nananalig ako na kayang baguhin ng Diyos ang aking kapalaran.” Ang pagkakaroon ba ng gayong “pananampalataya” ay nangangahulugang siya ay naligtas? (Hindi.) Kaya anong uri ng pananampalataya ang nangangahulugan na ang mga tao ay tunay ngang naligtas? (Ang pananampalataya na hinahayaan silang matakot sa Diyos at umiwas sa masama gaya ni Job.) Paano magkakaroon ang mga tao ng ganoong tunay na pananampalataya? Pagkilala sa pamamagitan ng salita at paniniwala sa kanilang puso: Ang paniniwala bang gaya nito ay makalilikha ng isang pusong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan? Ang paniniwala bang gaya nito ay nangangahulugan na ang mga tao ay mayroong kaalaman tungkol sa Diyos? Hahayaan ba nito ang mga tao na maisakatuparan ang pagsunod sa Diyos? Makakamit ba nito ang kaligtasan? Ano pa ang kulang dito? Ang mga tanong na ito ay dapat na pag-isipan at unawain.

Mayroon bang anumang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala, paninindigan, at tunay na pananampalataya? (Oo.) Tiyak na may mga pagkakaiba, at dapat mong malaman kung ano-ano ang tiyak na pagkakaibang ito. Kung hindi mo kayang makita ang kaibahan ng mga bagay na ito, puwede mong maramdaman na mayroon kang tunay na pananampalataya sa Diyos gayong ang mayroon ka lamang ay isang malabong pananalig o isang paninindigan. Paanong ang malabong paninindigan ay makapapalit sa iyong tunay na pananampalataya sa Diyos? Sa katunayan, sa halip na magkaroon ng tunay na pagtitiwala, inilagay mo ang sarili mong mga paninindigan at paniniwala kapalit nito. Kung ang iyong pananampalataya sa Diyos ay wala nang higit pa kundi isang pananalig o paninindigan, hindi ka na kailanman tunay na makalalapit sa Diyos, at hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang ganoong pananampalataya na tulad ng sa iyo. Ano-ano ang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala, paninindigan, at tunay na pananampalataya? Ang paniniwala at paninindigan ay hindi madaling ipaliwanag nang malinaw, kaya pag-usapan muna natin ang tungkol sa tunay na pananampalataya. Ano ang tunay na pananampalataya sa Diyos? (Ang paniniwalang ang lahat ng pangyayari at lahat ng bagay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.) Ito ba ay tunay na pananampalataya o isang paniniwala? (Isang paniniwala.) (Ang tunay na pananampalataya ay nakatatag sa isang pundasyon ng kaalaman tungkol sa Diyos. Tanging kapag kilala ng mga tao ang Diyos sila magkakaroon ng tunay na pananampalataya.) Ang pagkaunawang ito ay bahagyang totoo lamang. Paano magkakaroon ng tunay na pananampalataya ang mga tao? Ano-ano ang pagpapamalas ng tunay na pananampalataya? Kung may tunay na pananampalataya ang mga tao, magiging mali ba ang pagkaunawa nila sa Diyos o magrereklamo ba sila tungkol sa Diyos? Sila ba ay sasalungat sa anumang paraan sa Diyos? (Hindi.) Kung may tunay na pananampalataya ang mga tao, maghihimagsik ba sila sa Diyos? Mapalulugod ba ng mga tao ang Diyos kapag sinubukan nilang gumawa ng mabuti at maging mabubuting tao batay sa sarili nilang mga kuru-kuro at imahinasyon? (Hindi.) Ilagay natin sa isang panig ang tatlong konseptong ito ng paniniwala, paninindigan, at tunay na pananampalataya at magbahaginan muna tayo sa isang usapin. Anong bantog na ginawa ni Pedro bago siya naligtas at nagawang perpekto? (Ikinaila niya ang Panginoon nang tatlong ulit.) Ano pa ang ginawa ni Pedro bago niya ikinaila ang Panginoon nang tatlong ulit? Nang sabihin ng Panginoong Jesus na Siya ay ipapako sa krus, ano ang sinabi ni Pedro? (“Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo” (Mateo 16:22).) Tunay na pananampalataya ba ang nagbunsod kay Pedro na sabihin ito? (Hindi.) Kung gayon ay ano ito? Ito ay ang mabubuting layunin ng isang tao, at ito ay isang pag-antala sa gawain ng Diyos. Saan nakuha ni Pedro ang ganitong uri ng mabuting layunin? (Mula sa kalooban ng tao.) Bakit niya tinanggap ang gayong kalooban ng tao? Hindi niya naunawaan ang mga layunin ng Diyos, hindi niya naunawaan kung ano ang ministeryo ng Panginoong Jesus, at wala siyang tunay na pagkaunawa ukol sa Panginoong Jesus. Sumunod lamang siya sa Panginoon bunga ng paghanga. Sinamba niya ang Panginoon sa kanyang puso, kaya ninais niyang mahalin at protektahan ang Panginoon. Naisip niyang, “Ang bagay na ito ay hindi dapat mangyari sa Iyo. Hindi Mo maaaring danasin ang pasakit na iyan! Kung ang pagdurusa ay hinihingi, ako ang magdurusa. Ako ang magdurusa kapalit Mo.” Hindi niya alam ang mga layunin ng Diyos, at mayroon siya ng mabubuting layunin na nagmumula sa kalooban ng tao at ninais niyang pigilang mangyari ang bagay na iyon. Kaya ano ang nagbunsod sa kanya na kumilos sa ganitong paraan? Sa isang banda, ito ay dahil sa pagiging mainitin ang ulo, kalooban ng tao, at sa kabiguang makaunawa. Sa kabilang banda, hindi niya naunawaan ang gawain ng Diyos. Ginawa ba niya ito dahil sa tunay na pagtitiwala? (Hindi.) Kung gayon bakit siya nagkaroon ng ganoong mabubuting layunin? Ang ganoong mabubuting layunin ba ay naaayon sa katotohanan? Ang mga ito ba ay maituturing na mabubuting gawa? Bagaman sinikap niyang gumawa ng mabuti at siya ay kumilos bunsod ng mabubuting layunin at pagiging taos-puso, ano ang kalikasan ng kanyang mga pagkilos? Ang mga ito ba ay mga asal at pagkilos na nagmumula sa tunay na pananampalataya? (Hindi.) Ngayon ito ay malinaw na, ang sagot ay talagang hindi. Kung gayon, ito ba ay isang paniniwala? (Oo.) Gamitin natin ito upang pag-usapan kung ano ang paniniwala. Ang paniniwala ay isang uri ng mabuting pag-aasam at mabuting pagnanais na pinakamalapit na naaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ito ay isang bagay na sa pangkalahatan ay itinuturing ng sangkatauhan na mabuti, tama, at positibo. Isang uri ng mabuting kaisipan, isang uri ng mabuting ideya, mabuting pagsasagawa, at mabuting motibasyon na ganap na naaayon sa mga kuru-kuro at sentimiyento ng tao. Ito ay ang inaasam ng mga tao. Ito ang paniniwala. Ang paniniwala ay hindi tunay na pananampalataya. Ito ay lubusang nagmumula sa kalooban ng tao at hindi umaayon sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, kaya ang paniniwala ay hindi tunay na pagtitiwala. Si Pedro ay isa ngang mabuting tao. Mayroon siyang mabuting pagkatao, at siya ay simple, tapat, may marubdob na damdamin, at masigasig sa kanyang paghahangad. Sa kanyang puso, wala siyang kinimkim na mga pagdududa ukol sa pagkakakilanlan ng Panginoong Jesus. Kaya, mula sa kaibuturan ng kanyang puso, nasasambit niya ang mga salitang ito: “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo.” Na kaya niyang magsabi ng ganoong bagay ay nagpapakita ng kanyang pagkatao at integridad. Bagaman ito ay isang uri ng pagnanais, isang uri ng mabuting layunin, at ito ay isang uri lamang ng asal, pagsasagawa, at pagpapalabas na nagmumula sa isang uri ng paniniwala, makikita natin na si Pedro ay may mabuting pagkatao. Pinanghawakan niya ang positibo at mga tamang paniniwala, ngunit sa kasamaang-palad, dahil masyadong mababa ang tayog niya, napakakaunti ng nalalaman tungkol sa Diyos, hindi alam ang tungkol sa plano ng pamamahala ng Diyos, hindi alam ang gawain na binalak ng Diyos na gawin, at hindi naunawaan ang layunin ng Diyos, gumawa siya ng isang kahangalan na ganap na nakabatay sa kalooban ng tao at inantala ang gawain ng Diyos. Ito ay isang gawa ng tao na bunsod ng paniniwala, at maliwanag na hindi tunay na pananampalataya. Kung pinanghahawakan ng isang tao ang ganoong mga paniniwala, na nagbubunga sa mabubuting asal at nagbubunsod sa kanila na magkaroon ng ilang mabuting layunin, maaalala ba ng Diyos ang mga bagay na ginagawa nila? Hindi naaalala ng Diyos ang mga bagay na iyon, kaya ang mga ito ay ginawa nang walang kabuluhan! Sa halip, sinabi ito ng Diyos: “Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas” (Mateo 16:23). Pag-isipan mo itong mabuti. Bakit nagbitiw ang Panginoong Jesus ng mga salitang sa tingin ng mga tao ay walang pagmamalasakit? Bakit hindi nagpakita ng pang-unawa ang Panginoong Jesus nang makita Niya ang mabubuting layunin ni Pedro? Ano ang saloobin ng Diyos ukol sa bagay na ito? Sinang-ayunan ba ng Diyos ang mabuting layunin na ito ni Pedro? (Hindi.) Siniyasat ng Diyos ang puso ni Pedro at nakita na wala siyang masasamang layunin, kaya hindi Niya kailangang ilantad ang diwa ng bagay na ito. Ayos lang ba ito? (Hindi.) Bakit? Ano ang iniisip ng Diyos sa mabubuting layunin, mga paniniwala ng tao, at mga bagay na iniisip ng mga tao na mabuti, ngunit hindi naaayon sa mga layunin ng Diyos? Sinasabi ng Diyos na ang ganoong mga bagay ay mula kay Satanas at ang mga ito ay paglaban sa Diyos. Ito ang pinaniniwalaan ng Diyos. Ang ganoong pag-iisip ba ay salungat sa mga paraan ng pag-iisip ng tao? (Oo.) Sa pagkilos mula sa pagmamahal ng tao, ano ang gagawin ng isang karaniwang tao bilang tugon kay Pedro? Hahayaan niya si Pedro na maiwasan ang kahihiyan at bibigyan niya siya ng kaluwagan, iniisip sa kanyang puso na “Mabuti ang mga layunin ni Pedro at nais niyang protektahan Ka. Ang siraan si Pedro sa ganitong paraan ay tila kawalan ng pagmamalasakit!” Ngunit ang mga gawa ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao. Ano ang kalikasan ng mga salitang sinabi ng Diyos? Sa isang banda, ang mga ito ay paglalantad, sa iba pa, ang mga ito ay pagkondena, at sa ikatlo, ang mga ito ay paghatol. Ano ang naramdaman ni Pedro nang marinig niya ang mga salitang ito? Siya ay kinastigo, at ito ay para bang isang kutsilyo ang itinarak sa puso niya. Nakaramdam siya ng hilakbot, at hindi niya naunawaan, at iniisip niya sa kanyang sarili: “O Diyos, tunay na minamahal Kita! Naniniwala ako sa Iyo nang labis, minamahal Ka nang may buong pagmamahal, at nais kong protektahan Ka nang labis, ngunit bakit Mo ako tinatrato nang ganito? Sinasabi Mo na ako ay si Satanas at inutusan akong lumagay sa likuran Mo. Ako ba si Satanas? Hindi ba’t ako ay isang tao na tapat na sumusunod sa Iyo, kaya paano Mo ako nakikita bilang Satanas? Higit pa riyan, Ikaw ay napakawalang malasakit, sinasabi mo sa akin na lumagay ako sa likuran Mo. Napakasakit nito, napakasakit!” Mula sa pagharap at pagtrato ng Diyos sa ganoong mga bagay sa ganitong paraan, nakikita ba ninyo ang damdamin ng Diyos ukol sa paniniwala ng tao? (Pagkondena, paghatol, at paglalantad.) Iyan ay tama. Hindi lamang inaayawan ng Diyos ang ganoong mga bagay, ngunit kinamumuhian din Niya ang mga ito, at, ang pinakamatindi sa lahat, kinokondena Niya ang ganoong mga bagay. Mula sa mga bagay na ito na inihayag ng Diyos, nakita mo ba ang disposisyon ng Diyos? (Ang disposisyon ng Diyos ay matuwid.) Ito ay tiyak na ganoon nga. At ano pa? Para sa Diyos, bagaman ang pagpapahintulot, habag, pagpapasensiya, at kagandahang-loob ay labis na kapaki-pakinabang sa mga tao, bagaman ang mga ito ay mga bahagi ng kung ano ang mayroon ang Diyos at mas madaling tanggapin ng mga tao, at bagaman ang mga ito ay mga bagay na palaging inihahayag at ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao, sa sandaling magkasala ang tao sa disposisyon ng Diyos at labagin ang Kanyang mga prinsipyo, paano sila iwawasto ng Diyos? Kinokondena sila ng Diyos! Hindi nagpapahayag ang Diyos ng mga salitang hindi malinaw sa mga tao, at sinasabing, “Ginawa ito ng mga tao nang may mabubuting layunin at walang mga nakatagong motibo, kaya patatawarin Ko sila ngayon.” Hindi tulad ng tao, walang ipinahihintulot ang Diyos na gitnang daan at walang pinapayagang paghahalo ng kalooban ng tao. Ang isa ay isa, ang dalawa ay dalawa. Ang tama ay tama, at ang mali ay mali. Para sa Diyos, walang mga alanganin. Sa pamamagitan ng pagsusuri sa sinabi ni Pedro sa Panginoong Jesus, “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo,” makikita ng tao kung ano ang paniniwala. Mapapalugod ba ng mga taong may mga pinanghahawakang paniniwala ang Diyos? Ang mga paniniwala ba ay makapagbubunga ng tunay na pananampalataya? Mapapalitan ba ng mga ito ang tunay na pananampalataya ng mga tao sa Diyos? (Hindi.) Hindi, iyan ay lubos na totoo.

Ano ang mga paniniwala sa huli? Ang mga ito ay isang uri ng imahinasyon at kuru-kuro, mabubuting pagnanais, mabubuting layunin, at matatayog na pamantayan na itinatatag ng mga tao. Pagkatapos maitatag ang mga bagay na ito, tinatahak ng mga tao ang direksiyong ito, hinahangad at inaabot ang mga ito sa pamamagitan ng pag-asa sa mabubuting layunin ng tao, pagsisikap ng tao, kalooban ng tao na magdusa, o mas marami pang mabubuting gawi ng tao. Ano pa ang kulang dito? Bakit hindi mapalulugod ng mga taong may pinanghahawakang mga paniniwala ang Diyos? (Batay sa kanilang mga paniniwala, ginagambala at ginugulo ng mga tao ang gawain ng Diyos.) Ito ay isang malinaw na aspekto. Bilang karagdagan, kapag ginagawa ng mga tao ang mga bagay-bagay batay sa kanilang mga paniniwala, mayroon bang anumang katotohanan sa ginagawa nila? (Wala.) Suriin nating mabuti ang ginawa ni Pedro. Sinabi ni Pedro na “Panginoon, malayo ito sa Iyo: hindi ito mangyayari sa Iyo.” May katotohanan ba sa mga salitang ito? (Wala.) Ano ang ibig niyang sabihin sa “hindi ito mangyayari sa Iyo”? Bakit hindi ito maaari sa Diyos? Maaari kaya na ang lahat ng ito ay wala sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos? Hindi ba’t ang Diyos ang may huling salita sa lahat ng ito? Kung ipinahihintulot itong mangyari ng Diyos, mangyayari ito. Kung hindi ito ipinahihintulot ng Diyos na mangyari, hindi ba’t maiiwasan ito? Maaari kayang baguhin ng mga salita ni Pedro na, “hindi ito mangyayari sa Iyo,” ang lahat ng ito? Sino ang nagtakda sa pangyayari, pagkakasunod-sunod, at kahihinatnan ng buong usaping ito? (Itinakda ito ng Diyos.) Kung gayon, ano ang mga salitang ito na sinabi ni Pedro? Ang mga ito ay mga salitang walang kabuluhan, mga salitang binigkas sa kamangmangan, mga salitang binigkas sa ngalan ni Satanas. Ito ang bungang idinulot ng mga paniniwala ng tao. Ito ba ay isang seryosong problema? (Seryoso ito.) Gaano ito kaseryoso? (Ito ay paglaban sa Diyos at pagkilos bilang isang daluyan ni Satanas.) Tama. Ito ay pagkilos bilang isang daluyan ni Satanas, na nangangahulugang lumalaban sa Diyos at winawasak ang gawain ng Diyos sa ngalan ni Satanas. Kung, sa usaping ito, ay ginawa ng Panginoong Jesus ang sinabi ni Pedro, hindi kaya masisira ang gawain Niya ng pagtubos sa mga tao? Ano ang kalikasan ng mga salitang binigkas ni Pedro? (Ginagambala ng mga ito ang gawain ng Diyos.) Ito ang dahilan kung bakit walang awang sinambit ng Diyos ang mga galit na salitang iyon—“Lumagay ka sa likuran Ko, Satanas!” Ang mga salitang ito ay isang pagkondena at gayundin isang paghatol. Sa mga ito ay matatagpuan ang disposisyon ng Diyos! Kapag pinanghahawakan ng mga tao ang ganoong mga paniniwala, mga paniniwalang hinaluan ng mabubuting layunin, mabubuting pagnanais, magagandang kahilingan, at ang lahat niyong mga bagay na pinanghahawakan ng mga tao bilang positibo, tama, at mabuti, sinasang-ayunan ba ito ng Diyos? (Hindi.) Nakikita ng mga tao ang mga bagay na ito na mabuti, kaya bakit hindi ito sinasang-ayunan ng Diyos? Sa isang banda, ito ay dahil walang tunay na kaalaman ang mga tao tungkol sa Diyos. Ito ang pangkalahatang dahilan. Bilang karagdagan, sa isang praktikal na pananaw, hindi tunay na nagpapasakop ang mga tao sa mga salitang binigkas ng Diyos at sa mga gawaing ginampanan Niya, ni hindi rin nila tunay na nauunawaan ang mga bagay na ito. Batay sa pag-iisip ng tao, palaging gusto nila na huwag gawin ng Diyos ang ganito o huwag gawin ang ganyan. Palagi nilang iniisip na, “Hindi talaga mabuti para sa Diyos na kumilos gaya nito. Ang pagkilos nang gaya nito ay hindi ang inaasahan natin, hindi ito lubos na mapagmalasakit sa mga tao.” Kapag nakatatagpo ang mga tao ng ganoong mga bagay, madalas ay nakabubuo sila ng mga kuru-kuro, puno sila ng mga imahinasyong gawa-gawa ng tao, at sumasandal sa lahat ng uri ng pamamaraan ng tao sa pagsasagawa ng mga bagay-bagay. Dito, walang pagpapasakop, walang tunay na kaalaman, walang tunay na pagkatakot sa Diyos, tanging panggagambala at pagwasak lang sa gawain ng Diyos. Wala itong anumang elemento ng tunay na pananampalataya. Sa gayon, hinatulan si Pedro pagkatapos niyang sambitin ang mga salitang iyon. Mayroon ba siyang natamong anuman pagkatapos niyang tumanggap ng hatol? (Mas naunawaan niya ang tungkol sa kanyang sarili at ang tungkol sa disposisyon ng Diyos.) Ang ganoong hatol ba ay isang mabuti o masamang bagay? Sa pinakamaliit na antas, isang malakas na palo ang nagpahinto at nagpaisip sa kanya, “Panginoon, ako ba si Satanas? Tunay akong naniniwala sa Iyo, ako ang siyang nagmamahal sa Iyo, ako ang Iyong tapat na tagasunod! Paano mangyayaring ako si Satanas?” Sa pagninilay-nilay niya rito nang paulit-ulit, naisip niyang, “Pinagalitan ako ng Panginoong Jesus sa ganoong malilinaw at mga payak na salita. Sinabi Niya sa akin na lumagay ako sa likuran Niya at pinagalitan ako bilang si Satanas. Nangangahulugan ito na, sa bagay na ito, kumilos ako sa ngalan ni Satanas! Anong uri ng tao ang makakikilos sa ngalan ni Satanas? Isang taong hindi kaayon ng Diyos. Kahit kailan at kahit saan, kayang labanan at ipagkanulo ng ganoong tao ang Diyos, wasakin ang gawain ng Diyos, at kayang guluhin at sirain ang gawain ng Diyos, at siya ang nagiging kaaway ng Diyos. Ito ay kakila-kilabot! Sa ganyang kaso, magmamadali akong aatras sa likod ng Diyos at ititikom ang bibig ko.” Hindi ba’t nagpapakita ito na dahan-dahang nanumbalik sa katwiran si Pedro, nagtamo ng pang-unawa, at napagtanto niya ang labis na kaseryosohan ng problema? Napagtanto niya na ang tao ay palaging tao at ang Diyos ay palaging Diyos, at may distansya sa pagitan ng tao at ng Diyos. Kapag ang isang tao ay kumikilos batay sa mabubuting layunin, nakikita ito ng Diyos bilang isang panggagambala at panggugulo. Sa pamamagitan ng dahan-dahang pagpapatuloy sa ganitong paraan, lumalabas ba na isang mabuting bagay ang paghatol ng Diyos sa tao? (Oo.) Kaya masamang bagay ba para sa isang tao ang maglantad ng kaunting kahangalan? Sa ganitong pagtingin, hindi ito isang masamang bagay, kundi isang mabuting bagay. Bakit sinasabi nating lumalabas na ito ay isang mabuting bagay? (Nakikinabang ang mga tao mula rito.) Tama, nagtatamo ang mga tao ng ilang pakinabang. Paano nangyayari ang mga pakinabang na ito? Kapag ikaw ay nasa ilalim ng paghatol ng Diyos at nagpapasakop ka rito, sinusuri ang sarili mo, at tinatanggap ang lahat ng nagmumula sa Diyos—ang lahat ng mga pagpapahayag ng Diyos, mga pagbubunyag ng Diyos, at ang lahat ng hinihingi ng Diyos sa iyo—at ito ay nagiging realidad mo at nagiging buhay mo, kung gayon, ang iyong katiwalian ay papawiin nang hindi mo man lang nalalaman. Kaya ang mahatulan ba ay isang masamang bagay o isang mabuting bagay? (Isang mabuting bagay.) Handa ba kayong tumanggap ng paghatol? (Handa kami.) Kung gayon, ayos lang ba kung araw-araw kayong hinahatulan? Hindi ka pahihintulutan nito na kumain, matulog, o magpahinga gaya ng normal. Kapag may nangyari, sasabihan ka ng Diyos na umatras. Kapag may panahon Siya, hahatulan ka Niya. Ayos lang ba iyon? Matatagalan mo ba ito? Hindi ito matatagalan ng mga tao, at hindi gagawin ng Diyos ang ganoong bagay. Marubdob na ninanais ng Diyos na ikaw ay mabilis na lumago at mahinog. Iyon ang dahilan kung bakit maraming hakbang sa paghatol ng Diyos. Minsan ay maaaring magalit Siya, at pagkatapos ay aalukin ka ng kaunting kaaliwan. Minsan ay maaari Ka niyang saktan, at pagkatapos ay aalukin ka ng awa. Bagaman ang Diyos ay madalas na nagagalit, may mga pagitan sa Kanyang galit na nagbibigay sa mga tao ng pagkakataong habulin ang kanilang hininga. Tanging kapag direktang hinahatulan at kinokondena ng Diyos ang mga tao sa ganitong paraan na ito ay makatutulong sa kanilang paglago sa buhay. Sulit ang bawat butil ng sakripisyo upang makamit ang katotohanan.

Ang mga taong may pinanghahawakan lamang na mga paniniwala ay malayong maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos, at ang mga paniniwala ay malayong maging sapat na kapalit para sa tunay na pananampalataya sa Diyos. Kung sila ay may pananampalataya sa Diyos batay sa isang paniniwala, hindi kailanman tunay na makalalapit sa harap ng Diyos ang mga tao, kahit pa ang magpasakop sa Kanya nang tunay at magkaroon ng isang may-takot-sa-Diyos na puso. Bakit ganito? Ang mga paniniwala ng mga tao ay walang kinalaman sa katotohanan at malayong maabot ang mga hinihingi ng Diyos. Kapag ang mga tao ay may mga paniniwala, hindi ito nangangahulugang nauunawaan nila ang katotohanan. Sa pananampalataya sa Diyos na nakabatay sa paniniwala, hindi kailanman mauunawaan ng mga tao ang gawain ng Diyos, at magagambala at magugulo lang nila ito. Ang pananampalataya na nakabatay sa paniniwala ay hindi nangangahulugan na magpapakita ng pagsasaalang-alang ang mga tao sa mga layunin ng Diyos, lalong hindi na magpasakop sa Diyos. Kaya ngayon, ano ang sumunod na nangyari kay Pedro? Bago ipinako sa krus ang Panginoong Jesus, sinabi Niya ito kay Pedro: “Katotohanang sinasabi Ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo Akong makatlo” (Mateo 26:34). Ano ang sinabi ni Pedro bilang tugon? (“Kahit na ako ay mamamatay na kasama Mo, ay hindi Kita ikakaila” (Mateo 26:35).) Nakapagpabagabag ito kay Pedro, at itinanggi niyang gagawin niya ang sinabi ng Panginoon, ngunit sa huli, pinatotohanan ng mga tunay na nangyari ang mga salita ng Panginoong Jesus. Ang pagtitiwala ba ni Pedro nang oras na iyon ay mas malaki o mas maliit kaysa inyo? (Mas malaki, tinaga niya ang tainga ng alipin ng pinakapunong pari upang protektahan ang Panginoon.) Iyan ay bunsod ng pagiging mainitin ang ulo. Ang kaalaman niya ukol sa Panginoong Jesus at ang pagkilala niya sa Kanyang pagkatao ay kumakatawan sa antas ng pananampalataya ni Pedro sa Panginoong Jesus. Ito ang nagpahintulot sa kanya na lubhang lumaban para sa Panginoong Jesus, na sinasabing, “Sinuman ang kumanti sa aking Panginoon, ibubuwis ko ang aking buhay upang lumaban!” Umabot sa ganitong antas ang kanyang pananampalataya, ngunit ang pagiging mainitin ba ng ulo ng tao ang nais ng Panginoon? Tiyak na hindi. Ang pananampalataya ni Pedro ay umabot sa antas na iaalay niya ang kanyang buhay para sa Panginoon, ngunit gayunman, bakit ikinaila pa rin ni Pedro ang Panginoon nang tatlong beses? Ito ba ay dahil siya ay nakatadhanang gawin ito ayon sa propesiya ng Panginoong Jesus? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dahilan? Bakit napakaduwag niya? Maibubuwis niya ang kanyang buhay sa pakikipaglaban sa iba para sa Panginoong Jesus at tinaga ang tainga ng isang tao. Bunsod ng kanyang pagmamahal para sa Panginoong Jesus, nagawa niyang sabihin ang mga salitang iyon mula sa kaibuturan ng kanyang puso at gawin ang mga iyon, na nagpakita ng kanyang natatanging pagiging taos-puso. Kaya, nang dumating na ang oras, bakit hindi siya nangahas na kilalanin ang Panginoon? (Dahil alam niya ang mga kahihinatnan. Kung nahuli siya ng mga kawal-Romano noon, marahil siya ay ipinapatay. Natakot siyang mahuli at natakot din siya sa kamatayan.) Ang pangunahing dahilan ay ang kanyang kagustuhang iligtas ang kanyang buhay. Totoo na may mga pinanghawakang paniniwala si Pedro, ngunit mayroon ba siya ng mga elemento ng tunay na pananampalataya? Nang panahong iyon, napagtanto na ni Pedro na ang Panginoong Jesus ay ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay, at ang Diyos Mismo. Mayroon siyang ganoong tunay na pananampalataya, kaya bakit napakaduwag pa rin niya? (Wala siya ng ganoong tayog.) Iningatan niya ang kanyang buhay at kinatakutan ang kamatayan, pagdurusa, at pisikal na pagpapahirap. Ano pa man ang dahilan, sa huli, ikinaila pa rin niya ang Panginoon nang makatlo. Ito ay gaya nga ng sinabi ng Panginoong Jesus na, “Sa gabing ito, bago tumilaok ang manok, ay ikakaila mo Akong makatlo.” Natupad nga ang mga salitang ito kay Pedro. Bakit nagawang sabihin ng Panginoong Jesus ang ganoong mga salita at magkaroon ng ganoong mga kongklusyon tungkol kay Pedro? (Sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng puso ng mga tao.) Ano ang nasisiyasat ng Diyos sa puso ni Pedro? (Ang tayog ni Pedro at ang pananampalataya niya sa Diyos.) Nakita ng Panginoong Jesus ang tayog ni Pedro at ang lawak ng kanyang pagtitiwala. Sa ganoong maliit na tayog, nakapagtataka ba na ikinaila niya ang Panginoon nang makatlo? Dahil sa kanyang tayog, hindi maiiwasang kikilos siya gaya ng ginawa niya dala ng sitwasyon. Bakit katiting na pagtitiwala lamang ang mayroon siya nang panahong iyon? (Nang panahong iyon, sinundan ni Pedro ang Panginoong Jesus sa loob ng halos tatlong taon, kaya napakakaunti ng kanyang naranasang gawain ng Diyos.) Pagkatapos ng tatlong taon ng pagsunod sa Panginoong Jesus, ang kanyang pagtitiwala ay maaari lamang na maging napakalaki. Iyon ang kanyang tayog nang panahon na iyon. Ang paglago niya sa tayog ay naabot sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na pagpapalalim ng karanasan.

Ayos lang ba na sumunod sa Diyos nang walang tunay na pagtitiwala? Ano ba talaga ang ibig sabihin para sa mga tao na magkaroon ng tunay na pananampalataya sa Diyos? Sa pinakasimpleng salita: Ito ay ang saklaw ng pagtitiwala mo sa lahat ng salita at gawain ng Diyos at ang sukdulan ng kaya mong tunay na paniwalaan. Sa partikular, ito ay ang sukdulan kung saan, sa puso mo, ay kaya mong paniwalaan at kilalanin ang katuparan at ang pamamaraan ng katuparan ng mga salitang sinambit ng Diyos, ang mga bagay na itinalaga ng Diyos, ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, kung paano isinasaayos ng Diyos ang mga patutunguhan ng mga tao sa hinaharap, at ang lahat ng iba pang mga ganoong bagay at gayon na rin ang sukdulan kung saan ikaw ay may tunay na pagtitiwala sa mga bagay na ito. Nang panahong iyon, ni hindi nangahas si Pedro na kilalanin ang pangalan ng Panginoong Jesus, o ang kilalanin ang kanyang kaugnayan sa Panginoong Jesus. Maliit na pagtitiwala lamang ang mayroon siya, at ang maliit na pagtitiwalang ito ay nagpakita ng kanyang aktuwal na tayog. Ano ang kanyang aktuwal na tayog? (Kinilala lamang niya ang Panginoong Jesus bilang ang Cristo, ngunit kaunti lamang ang kaalaman niya ukol sa Diyos.) Siya ay may ganoong kaliit na tayog at hindi kayang lagpasan pa ito. Kaya kayo, sa anong antas kayo may pananampalataya sa Diyos ngayon? Ang pananampalataya ba ninyo ay mas malakas kaysa kay Pedro? Mas mahina ba ito? Halos pareho ba ito? (Pareho ito sa aspekto ng pagkilala kay Cristo. Mas nauunawaan namin ang katotohanan nang bahagya kaysa kay Pedro, ngunit dapat pa kaming pumasok sa marami sa mga katotohanang iyon.) Kung ang pananampalataya ng mga tao sa Diyos ay humihinto lamang sa pagkilala na Siya ay Diyos, sa pagkilala na ang Diyos ang nangangasiwa at nagsasaayos ng lahat ng bagay, at na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, sa iyong tadhana, at sa iyong buhay—kung kinikilala mo lamang ito, ngunit may kakaunti lamang ng mga elemento ng paniniwala, at mas kaunti pa, halos wala na, ng mga elemento ng pagpapasakop, at wala nang kahit na anong mga elemento ng paghihintay at paghahanap sa Diyos—anong uri ng pananampalataya ito? Palagi mong sinasabi na nananalig ka sa Diyos, nananalig ka na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat at pinangangasiwaan ang lahat ng bagay, na ang buhay ng mga tao ay ibinigay sa kanila ng Diyos, at na gagawin mo ang kung anumang hinihingi ng Diyos sa iyo, iaalay maging ang buhay mo para sa Diyos. Ngunit pagkatapos ay naharap ka sa isang sitwasyong gaya ng naranasan ni Pedro, kung saan ang mga tao ay nagtatanong, “Iyan ba ang Diyos mo?” Magninilay-nilay ka ukol sa bagay na ito, at iniisip na, “May mga walang pananampalataya sa buong paligid, hindi ba ako dadakpin kung kikilalanin ko Siya? Sinabi ng Diyos na puwede tayong gumamit ng karunungan sa mga kritikal na panahon at umiwas sa pagkilala sa Kanya, kaya gagamit ako ng karunungan, at hindi ito ibibilang ng Diyos laban sa akin.” Kung iniingatan mo ang buhay mo at duwag ka, hindi ka mangangahas na kilalanin ang Diyos, at maaari pa ngang ikaila mo ang Diyos. Sa ganoong panahon, nasaan ang pagtitiwala na kung saan pinaniniwalaan mong ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? (Hindi ito umiiral.) Ang pagtitiwala ba na inakala mong mayroon ka noong mga ordinaryong panahon ay tunay o huwad? (Huwad.) Kapag may nangyayari na lalong higit na lumalabag sa mga kuru-kuro o panlasa mo at ang layunin ng Diyos sa bagay na ito ay hindi pa lubusang naihahayag, hinihingi ng Diyos sa iyo na magpasakop sa bagay na ito. Isinaayos Niya ang kapaligirang ito upang matuto ka ng isang leksyon. Kaya ano ang gagawin mo? Halimbawa, sabihin nating mayroon kang bukod-tanging malakas na pananampalataya at ikaw ay bukod-tanging maka-Diyos at taos-puso, ngunit isinasaayos ng Diyos ang isang kapaligiran na hindi umaakma sa mga kuru-kuro mo, na itinatrato ka na para bang ikaw ay isang walang pananampalataya. Dahil pakiramdam mo ay ginawan ka ng mali, mapupuno ng mga luha ang mata mo at magrereklamo ka sa Diyos, na sinasabi sa puso mo na: “O Diyos, naniniwala ako sa Iyo, nabubuhay ako para sa Iyo, ngunit isinaayos Mo pa rin para sa akin ang isang kapaligirang gaya nito, at inilalagay Mo ako sa piling ng mga walang pananampalataya at inihahalo Mo ako sa maruruming espiritu. Hindi ba ako magiging tiwali ng dahil dito? Nabubukod ako bilang isang taong banal, isang taong nabibilang sa Diyos. Hindi Mo dapat isinaayos ang ganito. Alam Mo ba kung gaano Kita pinangungulilaan, kung gaano Kita kamahal? Hindi ako maaaring mahiwalay sa Iyo. Hindi Mo ako maaaring pakitunguhan nang ganito, hindi ito patas para sa akin!” Paano ito? Kapag nakakatagpo ka ng mga bagay na hindi umaayon sa iyong mga kuru-kuro, nasaan ang pagpapasakop mo? (Hindi ito umiiral.) Ano ang ipinapalit mo sa pagpapasakop? (Mga reklamo, mga maling pagkaunawa, at paglaban.) Ito ba ay tunay na pagtitiwala? Ano ang dapat na mayroon sa tunay na pananampalataya? Paano nito ipinapakita ang sarili nito? (Hinahanap ang mga layunin ng Diyos at nagpapasakop sa Diyos.) Inilalantad ng isang insidente kung ang isang tao ay may tunay na pagtitiwala.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.