Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos (Unang Bahagi)
Una, makikinig tayo sa isang himno ng mga salita ng Diyos: “Sundin ang mga Salita ng Diyos at Hindi Ka Maliligaw.”
1 Umaasa ang Diyos na makakaya ninyong kumain at uminom nang mag-isa, at lagi kayong mabubuhay sa liwanag ng presensya ng Diyos, at hindi kailanman lumayo sa mga salita ng Diyos sa inyong buhay; saka lamang kayo mapupuspos ng mga salita ng Diyos. Sa bawat salita at gawa mo, ang mga salita ng Diyos ang tiyak na gagabay sa iyo pasulong. Kung tapat kang lalapit sa Diyos sa ganitong antas, at palaging makikipagbahaginan sa Diyos, kung gayon ay wala kang gagawin na mauuwi sa kalituhan o mag-iiwan sa iyo nang hindi alam ang gagawin. Siguradong makakatabi mo ang Diyos, lagi kang makakakilos alinsunod sa salita ng Diyos.
2 Sa bawat tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap mo, ang salita ng Diyos ay magpapakita sa iyo anumang oras, ginagabayan ka na kumilos alinsunod sa Kanyang mga layunin at sumunod sa Kanyang salita sa lahat ng ginagawa mo. Aakayin ka ng salita ng Diyos nang pasulong sa bawat kilos mo; hindi ka kailanman maliligaw, at magagawa mong mamuhay sa bagong liwanag, na may higit at mas bagong mga kaliwanagan. Hindi mo maaaring gamitin ang mga kuru-kuro ng tao para pag-isipang mabuti ang dapat mong gawin; dapat kang magpasakop sa paggabay ng salita ng Diyos, magkaroon ng malinis na puso, maging tahimik sa harapan ng Diyos, at lalo pang magnilay-nilay. Huwag kang mabalisang maghanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.
3 Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos, sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at pakana ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.
—Pagbabahagi ng Diyos
Katatapos ninyo lang patugtugin ang himnong “Sundin ang mga Salita ng Diyos at Hindi Ka Maliligaw.” Matapos mapakinggan ang himnong ito, nagkamit ba kayo ng anumang liwanag o landas ng pagsasagawa? Sa aling mga salita kayo nakatanggap ng inspirasyon at liwanag? “Sundin ang mga Salita ng Diyos at Hindi Ka Maliligaw”—tama ba ang mga salitang ito? Katotohanan ba ang mga ito? (Oo.) Aling mga linya mula sa himnong ito ang partikular na makakatulong sa iyong karanasan sa totoong buhay? Simulan ang pagbabasa sa linyang: “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.” (“Huwag kang mabalisang maghanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos, sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at pakana ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Aling mga linya sa siniping bahaging ito ang nagbibigay ng landas ng pagsasagawa? Alin sa mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagharap sa mga sitwasyon sa totoong buhay na ipinabatid ng Diyos sa tao? Kaya ba ninyong hanapin ang mga ito? Ang mga pahayagan, lathalain, at iba’t ibang aklat na binabasa ng mga tao, lahat ng ito ay may mga bahagi na itinuturing nilang mahalaga. Aling mga bahagi ito? Ang mga bahaging pinapahalagahan ng mga tao, ang mga bahaging iniisip ng mga tao na pinakamahalaga, at ang mga bahaging nagbibigay ng mahahalagang impormasyon na kailangang malaman ng mga tao sa pang-araw-araw nilang mga buhay. Kaya aling mga bahagi sa sipi na ito ng mga salita ng Diyos ang maituturing na mahalaga? Aling mga bahagi ang nagsasaad ng mga hinihingi ng Diyos para sa mga tao? Alin ang naglalaman ng mga prinsipyong tinukoy ng Diyos para isagawa at sundin ng mga tao kapag humaharap sila sa mga sitwasyon sa pang-araw-araw nilang mga buhay? Nakikita ba ninyo kung alin ang mga ito? (Hindi masyado.) Basahin ninyo itong muli. (“Huwag kang mabalisang maghanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos, sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at pakana ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Nauunawaan ba ninyo ang kahulugan ng bawat linya sa siping ito? (Oo.) Isinulat sa mga simpleng salita na madaling maunawaan ang siping ito. Hindi ito abstrakto. Madaling unawain ang literal na kahulugan ng mga salitang ito, kaya ano ang prinsipyong nakapaloob sa mga ito? Mahahanap ba ninyo ito kapag binabasa ninyo ang mga salitang ito? Ano ba ang isang prinsipyo? Sa mas masaklaw na pananalita, ang mga salita ng Diyos at katotohanan ay mga prinsipyo. Subalit, medyo hungkag pakinggan kapag ganito ang pagkakasabi at medyo abstrakto pa nga. Para maging mas partikular, ang isang prinsipyo ay ang landas at batayan ng pagsasagawa na dapat mayroon ang isang tao kapag ginagawa niya ang mga bagay-bagay. Ito ang tinatawag nating isang prinsipyo. Ngayon naman, ano ang prinsipyo sa siping ito? Para maging tumpak, naglalaman ang siping ito ng landas ng pagsasagawa. Sinabi na ng Diyos sa mga tao kung papaano magsasagawa at kung papaano kikilos kapag nangyayari sa kanila ang mga bagay-bagay. Basahing muli ang pahayag na ito at pakinggang mabuti ang mga salita. (“Huwag kang mabalisang maghanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso. Maniwala na ang Diyos ang iyong Makapangyarihan sa lahat. Dapat kang magkaroon ng masidhing paghahangad para sa Diyos, sabik na naghahanap habang tumatanggi sa mga pagdadahilan, intensyon, at pakana ni Satanas. Huwag mawalan ng pag-asa. Huwag manghina. Maghanap nang buong puso; maghintay nang buong puso. Aktibong makipagtulungan sa Diyos, at alisin sa iyong sarili ang lahat ng humahadlang sa kalooban mo.”) Nabasa na ninyong lahat nang tatlong beses ang siping ito. Nagkaroon ba ito ng epekto sa inyo? Pagkatapos itong mabasa nang tatlong beses, may naramdaman ba kayong kakaiba kaysa noong pinapakinggan ninyo ang awiting ito nang hindi ito pinagtutuunang mabuti ng pansin gaya ng normal ninyong ginagawa? (Mayroon.) Sa siping ito, anong mga prinsipyo ng pagsasagawa ang nahahanap at naiintindihan ninyo? Anong aspekto ng katotohanan ang inilalahad dito ng Diyos? May kaugnayan ang aspektong ito ng katotohanan sa isang prinsipyo ng pagsasagawa, pero ano nga ba mismo ang prinsipyo rito? Anong uri ng mga totoong isyu ang tinatalakay nito? Tumatalakay sa totoong isyu ang unang linya—tinatalakay rito ang mga bagay na hindi ninyo nauunawaan. Kabilang sa mga bagay na ito na hindi ninyo nauunawaan ang mga isyung may kaugnayan sa katotohanan, sa inyong pagsasagawa, sa pagbabago ng disposisyon, sa mga problemang may kaugnayan sa larangan ng inyong trabaho at sa mga personal na kalagayang nararanasan ninyo habang ginagawa ninyo ang inyong tungkulin, pati na ang isyu ng kung paano kikilatisin ang diwa ng mga tao, at iba pa. Talaga namang nangyayari ang gayong mga bagay sa paligid mo, at nakita at narinig mo na ang mga ito. Subalit hindi mo nauunawaan ang diwa ng mga isyung ito o ng mga katotohanang binabanggit ng mga ito, at lalong hindi mo nalalaman ang landas ng pagsasagawa at ang mga prinsipyong may kaugnayan dito. Natural lang na hindi mo rin alam ang mga layunin ng Diyos sa usaping iyon, at sa iba pang gayong mga bagay. Kapag hindi naiintindihan, nalalaman, o lubos na nauunawaan ng isang tao ang mga bagay na ito, ang mga ito ang nagiging pinakamalaki niyang suliranin, at dapat malutas ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos—“Huwag kang mabalisang maghanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas.” Maraming bagay ang hindi mo nauunawaan, ang mga bagay sa mundong nasa labas at ang mga bagay sa loob ng sambahayan ng Diyos. Dahil hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, ano ang dapat mong gawin? Una, dapat mong hanapin ang katotohanan at tingnan kung ano ang nakasaad sa salita ng Diyos at kung anong mga katotohanang prinsipyo ang masusumpungan doon. Dapat maingat mo itong pag-isipan, at basahin ang mga salita ng Diyos nang maraming beses. Una, hanapin mo ang realidad ng katotohanan, at pagkatapos ay unawain kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, sunod, alamin mo ang mga prinsipyo para sa pagsasagawa ng katotohanan—sa ganoong paraan, magiging madali para sa iyo na maunawaan ang katotohanan. Ito ang proseso ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos para hanapin ang katotohanan. Kaya mo bang unawain ang mga sinabi Ko? (Oo.) Isinaayos ng Diyos ang iyong kapaligiran, at ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo. Kaya, ano ang saloobin ng Diyos patungkol dito? Makikita mo ito sa salita ng Diyos. Sinasabi sa iyo ng Diyos na huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon, huwag magmadaling bigyan ng pakahulugan ang mga bagay-bagay, magbigay ng pasya, o gumawa ng anumang paghatol. Bakit ganito? Dahil hindi mo pa nauunawaan ang pangyayaring ito na isinaayos ng Diyos para sa iyo. Kapag sinasabi sa iyo ng Diyos na huwag kang magmadali, ano ang ibig nitong sabihin? Ibig sabihin nito ay nangyari na ang kaganapang ito, na inilatag ito ng Diyos sa harapan mo at inilagay ka sa kapaligirang ito, at napakalinaw ng saloobin ng Diyos. Sinasabi sa iyo ng Diyos na, “Hindi Ako nagmamadaling maunawaan mo nang lubos kung ano ang nangyayari sa sitwasyong ito. Hindi Ako nagmamadali na magbigay ka kaagad ng pasya, magbigay ng iyong kongklusyon, o maghain ng anumang uri ng solusyon para dito.” Hindi pamilyar sa iyo ang bagay na ito at hindi mo ito nauunawaan, isa itong bagay na hindi mo pa kailanman nakaharap, at isa itong aral na hindi mo pa natututunan, higit pa rito, wala kang kaalaman na bunga ng karanasan o tagubilin ukol dito, at hinding-hindi mo pa ito naranasan noon, kaya hindi ka pinagmamadali ng Diyos na makaisip ng sagot para dito. Itinatanong ng ilang tao: “Dahil isinaayos na ng Diyos ang kapaligirang ito, bakit hindi Siya nagmamadaling makita ang mga resulta nito?” Nakikita rin dito ang mga layunin ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapaligiran ay hindi para makabuo ka kaagad ng teoretikal na paghatol o kongklusyon tungkol dito. Gusto ng Diyos na maranasan mo ang gayong kapaligiran at pangyayari, at gusto Niyang maunawaan mo ang mga tao, pangyayari, at bagay na nilalaman nito, nang sa gayon ay matutunan mo ang aral ng pagpapasakop sa Diyos. Sa sandaling matamo mo na ang gayong pagkaunawa at personal na karanasan, magiging makabuluhan sa iyo ang pangyayaring ito, at magkakaroon ito ng malaking saysay at halaga para sa iyo. Sa bandang huli, pagkatapos mong maranasan ang bagay na ito, ang matatamo mo ay hindi isang teorya, kuru-kuro, imahinasyon, o paghatol, ni hindi nga isang kaalamang buhat sa karanasan o isang aral na ibinuod ng tao, kundi isang personal, at direktang karanasan, at tunay na kaalaman ukol dito. Magiging malapit ang kaalamang ito sa katotohanan o magiging alinsunod ito sa katotohanan. Sa pamamagitan ng pagdanas sa gayong mga bagay, makikita mo na ang saloobin ng Diyos ukol sa tao ay napakalinaw at ipinahayag sa paraang madaling maintindihan. Para sa Diyos, hindi Siya nagmamadali na ibigay mo kaagad ang iyong sagot o ipasa ang iyong tugon. Gusto ng Diyos na maranasan mo ang kapaligirang ito. Ito ang saloobin Niya. At dahil ito ang saloobin ng Diyos, mayroon Siyang hinihingi at pamantayan para sa tao. Ang pamantayang ito ay isang prinsipyong dapat isagawa ng mga tao. Ano ba ang isang prinsipyo ng pagsasagawa? Ito ang hakbangin, metodo, at mga kaparaanan na ginagamit mo kapag nahaharap ka sa isang partikular na pangyayari. Kapag nauunawaan mo ang layunin at saloobin ng Diyos ukol sa isang pangyayari, dapat mong isagawa ang mga hinihingi ng Diyos. At ano ang mga hinihingi sa iyo ng Diyos? Sinabi ng Diyos na, “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.” May ibig sabihin sa likod ng “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon”. Kaya bakit nagtatakda ang Diyos ng gayong hinihingi at pamantayan sa tao? Malinaw ba sa inyo ang puntong ito? Ito ay dahil isa kang ordinaryong tao. Hindi ka isang superman, ang pag-iisip mo ay katulad ng sa isang normal na tao. Isa kang pangkaraniwang tao. Kahit mabuhay ka pa nang hanggang apatnapu, limampu, o kahit walumpung taon, patuloy ka pa ring lalago. Hindi ka habambuhay na mananatili sa kalagayang gaya noong ipinanganak ka. Ang kasalukuyan mong mga karanasan, mga karanasang batay sa kaalaman, pagkaunawa, ang mga bagay na nakikita at naririnig mo, ang mga karanasan mo sa buhay, at iba pa—lahat ng ito—pati na ang lahat ng bagay na nalalaman at nauunawaan mo sa iyong puso at isip, ito ang lahat ng naipong mga resultang bunga ng ilang taon na pag-unlad. Ang tawag dito ay normal na pagkatao. Ito ang proseso ng normal na paglago ng tao na itinakda ng Diyos para sa tao at ito ay isang pagpapahayag ng normal na pagkatao. Kaya, kapag may nakaharap kang isang bagay na hindi mo nauunawaan, isang bagay na hindi pamilyar sa iyo, hindi hinihingi ng Diyos na magbigay ka kaagad ng sagot dito, at tumugon nang napakabilis sa bagay na ito na para bang isa kang robot. Dahil sabay-sabay na ipinapasok ng isang robot ang lahat ng impormasyon sa memorya nito, kapag hiningan mo ito ng sagot, tumutugon ito pagkatapos ng isang paghahanap—basta’t matatagpuan ang sagot sa memorya nito. Hindi ito katulad ng sa mga normal na tao. Kahit kapag naranasan na nila ang isang bagay noon, hindi ibig sabihin na nasa memorya na nila ito kaagad. Pagdating sa mga tao, tanging ang mga bagay na may kaugnayan sa normal na pagkatao gaya ng kaalamang batay sa karanasan, mga eksperyensya, karanasan sa buhay, at tunay na direktang kaalaman ang kaibahan nila sa mga superman, robot, at taong may espesyal na kapangyarihan.
Nagtakda ang Diyos ng mga hinihingi at pamantayan para sa mga tao batay sa kung ano ang kailangan at nararapat taglayin ng mga may normal na pagkatao, at itinuro Niya ang isang landas ng pagsasagawa. Ano ang landas na ito ng pagsasagawa? Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan. Sinasabi nito sa iyo na walang silbing magmadali kang makahanap ng mga solusyon. Bakit? Isa ka lamang ordinaryong tao. Bagamat maaaring may kaunti kang kaalamang batay sa karanasan at pagkaunawa mula sa mga dati mong karanasan, kung mangyayari ulit ang ganoong bagay sa hinaharap, baka hindi mo magawang lubos na maintindihan ang mga layunin ng Diyos, magsagawa nang ganap na alinsunod sa katotohanan, o makakuha ng matataas na marka. Mas malamang na hindi mo magawa ang mga ito pagdating sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, kaya sa mga pagkakataong iyon, lalong hindi ka dapat magmadali na makahanap ng solusyon. Ano ang ipinapaunawa sa mga tao ng tagubiling huwag mabalisa na makahanap ng mga solusyon? Ang punto rito ay ang maipaunawa sa mga tao kung ano ang normal na pagkatao. Hindi katangi-tangi, di-pangkaraniwan, o espesyal ang normal na pagkatao. Ang pagkaunawa, kaalamang batay sa karanasan, pagkilala, at pagkakaintindi ng mga tao ukol sa iba’t ibang bagay, pati na ang kanilang mga pananaw ukol sa diwa ng iba’t ibang uri ng mga tao, ay nakakamit lahat sa pamamagitan ng kanilang pagdanas sa iba’t ibang kapaligiran, tao, pangyayari, at bagay. Ito ang normal na pagkatao. Walang espesyal tungkol sa bagay na ito, at isa itong pagsubok na hindi maiiwasan ninuman. Kung nais mong higitan ang mga kautusang ito na ginawa ng Diyos para sa tao, hindi magiging normal iyon. Sa isang banda, ipapakita lamang nito na hindi mo alam kung ano ang normal na pagkatao. At sa kabilang banda, ibubunyag nito ang labis mong kayabangan at kawalan ng praktikalidad. Sinabihan na ng Diyos ang mga tao na huwag mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. At dahil isa kang normal na tao, kailangan mo ang Diyos para magsaayos pa ng mas maraming kapaligiran para sa iyo, nang sa gayon ay maranasan, maunawaan, at makilala mo ang katiwaliang ipinapakita ng tao roon, at para maunawaan mo rin ang mga kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito. Ito ang dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao. Kaya ngayon, anong landas ng pagsasagawa ang makikita sa “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan”? (Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.) Kapag nahaharap sa isang sitwasyon ang isang tao at hindi niya lubos na maintindihan o maunawaan ang kalikasan nito, kapag hindi pa niya ito kailanman nakaharap o napag-isipan, at kapag imposible para sa kanya na pag-isipan man lang kung paano lutasin ang bagay na ito sa pamamagitan ng pagsalalay sa kuru-kuro ng tao, ano ang dapat niyang gawin? Ano ang prinsipyong hinihingi ng Diyos? (Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.) Hinihingi ito ng Diyos sa iyo, kaya paano ka ba dapat magsagawa? Anong saloobin ang dapat mayroon ka sa pagharap sa gayong mga bagay? Kapag nakakaharap ng mga taong may taglay na normal na pagkatao ang mga bagay na hindi nila lubusang maunawaan, hindi maintindihan, at wala silang anumang karanasan ukol dito, o kahit ang mga sitwasyon na wala silang anumang magawa, dapat muna silang magkaroon ng wastong saloobin at sabihing, “Hindi ko naiintindihan, hindi ko lubusang maunawaan, at wala akong anumang karanasan ukol sa ganitong uri ng bagay, hindi ko rin alam kung ano ang aking gagawin. Isa lamang akong ordinaryong tao, kaya may mga limitasyon sa kung ano ang kaya kong makamit. Hindi nakakahiya kung hindi ko man lubos na maunawaan o maintindihan ang ilang bagay, at lalong hindi nakakahiya kung wala man akong karanasan sa mga ito.” Kapag napagtanto mo na hindi ito nakakahiya, iyon na ba ang katapusan ng problema? Malulutas na ba ang problema? Ang hindi pag-aalala na mabigyan ng kahihiyan ang iyong sarili ay isa lamang pagkaunawa at saloobin na maaaring iukol ng mga tao sa gayong mga bagay. Hindi ito katulad ng pagsasagawa ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Kaya paano makapagsasagawa ang isang tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos? Sabihin nang iniisip mo na, “Hindi ko pa kailanman naranasan ang ganitong uri ng bagay, at hindi ko ito lubusang maunawaan. Hindi ko alam kung ano ang kahulugan ng pagsasaayos ng Diyos ng gayong kapaligiran, o kung ano ang kalalabasang dapat nitong makamit. Hindi ko rin alam ang saloobin ng Diyos. Samakatwid, wala akong makitang dahilan para intindihin ko pa ito. Hahayaan ko na lang ito, at hindi papansinin”—ano ang masasabi mo sa gayong saloobin? Saloobin ba ito ng paghahanap ng katotohanan? Saloobin ba ito ng pagsasagawa ayon sa mga layunin ng Diyos? Saloobin ba ito ng pagsunod sa salita ng Diyos? (Hindi.) Kapag nahaharap ang ibang tao sa gayong sitwasyon, iniisip nila na, “Hindi ko lubusang maunawaan o maintindihan ang bagay na ito, at hindi ko pa ito kailanman naranasan. Hindi ito kailanman naituro sa mga klase ko sa unibersidad. May master’s degree ako, isang Ph.D., at nagtrabaho pa nga ako bilang propesor—kung hindi ko ito maunawaan, sino pa kaya ang makakaunawa rito? Hindi ba’t masyadong nakakahiya na malaman ng lahat ng tao na hindi ko ito lubos na maunawaan at na wala akong karanasan ukol dito? Hindi ba’t hahamakin nila akong lahat? Hindi, hindi ko maaaring sabihin na isa itong bagay na hindi ko lubusang maunawaan. Dapat kong sabihin na, ‘Hinggil sa ganitong mga bagay, bumaling ka sa salita ng Diyos, maghanap, at makikita mo ang kasagutan.’ Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa amining hindi ko lubusang maunawaan o maintindihan ang mga ito.” Ano ang masasabi ninyo sa ganitong saloobin? (Hindi ito maganda.) Ano ba ang tingin ng taong ito sa sarili niya? Ang tingin niya sa sarili niya ay isang santo, isang perpektong tao. Iniisip niya, “May mga bagay nga kayang hindi lubusang nauunawaan o naiintindihan ng isang kagaya kong kagalang-galang na estudyante sa unibersidad, isang kilalang iskolar, may master's degree at Ph.D., at isang dakila at sikat na tao? Imposible! At kung mayroon man, isa itong bagay na walang sinuman sa inyo ang makakaunawa, kaya hindi iyon problema. Kahit hindi ko pa ito lubos na maunawaan, siguradong hindi ako papayag na malaman ninyo iyon. ‘Hindi ko ito lubusang maunawaan,’ ‘hindi ko maintindihan,’ ‘hindi ko kaya,’ ang gayong mga salita ay hinding-hindi dapat lumabas sa aking bibig!” Anong uri ng tao ito? (Isang mapagmataas na tao.) Isa itong taong mapagmataas at palalo na wala sa katwiran. Kung babasahin ng ganitong uri ng tao ang mga salitang “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan,” magtatamo ba siya ng landas ng pagsasagawa? Makakatanggap kaya siya ng kislap ng inspirasyon? Kung hindi, mawawalang saysay ang pagbabasa niya ng mga salitang ito. Payak ang pagkakasulat sa mga salitang ito at madaling unawain, kaya bakit hindi nila maunawaan ang mga ito? Walang silbi ang mahabang panahong iyon na ginugol mo sa pag-aaral at pagkatuto ng mga salita. Kung hindi mo man lang maunawaan ang simple at tuwirang mga salitang ito, tunay na wala kang silbi!
Ngayon, tingnan ulit natin kung anong landas ng pagsasagawa ang nakapaloob sa linyang “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.” Una sa lahat, dapat kang magkaroon ng saloobing hindi nababalisa sa paghahanap ng mga solusyon, sa halip, kilalanin mo muna kung ano ang maaaring makamit ng likas mong mga kakayahan, kilalanin kung ano ang normal na pagkatao, at unawain kung ano ang ibig ipakahulugan ng Diyos kapag nagsasalita Siya tungkol sa normal na pagkatao. Dapat mong maunawaan kung ano talaga ang ibig ipakahulugan ng Diyos kapag sinasabi Niya na ayaw Niyang maging mga superman o espesyal, at di-pangkaraniwang indibidwal ang mga tao, at na gusto lang Niyang maging mga regular na tao ang mga ito. Dapat mo munang maunawaan ang mga bagay na ito. Walang saysay na magkunwaring nalalaman mo ang mga bagay na hindi mo naman talaga nauunawaan. Kahit gaano ka pa magkunwari, hindi mo pa rin malalaman ang mga ito. Kahit maloko mo pa ang iba, hindi mo malilinlang ang Diyos. Kapag nangyayari sa iyo ang gayong mga bagay, kung hindi mo nauunawaan ang mga iyon, sabihin mo na lang na hindi mo nauunawaan ang mga iyon. Dapat magkaroon ka ng tapat na saloobin at madasaling puso, at hayaan ang mga taong nasa paligid mo na makita na may mga bagay na hindi mo alam at hindi mo lubusang nauunawaan, mga bagay na hindi mo pa naranasan, at na ikaw ay isa lamang ordinaryong tao, walang ipinagkaiba sa iba pang tao. Walang nakakahiya roon. Pagpapamalas ito ng normal na pagkatao, at dapat mong tanggapin ang katunayang ito. Pagkatapos mong tanggapin ang katunayang ito, ano na ang kasunod? Sabihin mo ito sa lahat, sabihin mong, “Hindi ko pa naranasan ang bagay na ito kailanman, hindi ko ito lubusang maunawaan, at hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Katulad lang ninyo ako, bagamat posibleng nahihigitan ko kayo sa isang aspekto: Nakita ko na ang liwanag at nahanap ko na ang landas ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos, may pag-asa ako, at alam ko kung paano magsasagawa.” Saan nakasalig ang pag-asang ito? Nakasalig ito sa mga salita ng Diyos na: “Huwag kang mabalisang maghanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Ibig sabihin nito ay isapuso ang usapin, at dalhin ito sa harapan ng Diyos paminsan-minsan para siyasatin. Dapat mong isapuso ang usapin, gawin mo itong isang uri ng obligasyon para maunawaan mo ang katotohanan at ang layunin ng Diyos na nakapaloob dito, at gawin mo itong responsabilidad mo at ang direksyon at layon ng iyong paghahanap. Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, lalapit ka sa Diyos, magagawa mong lutasin ang problema mo, at makakapasok ka sa realidad ng mga salitang ito. Paano mo ba ito dapat partikular na isagawa? Dapat kang lumapit sa Diyos para manalangin at maghanap, at dapat ka ring maghanap ng mga oportunidad para ibahagi ang bagay na ito habang nagbabahagi ka sa mga pagtitipon, at para makipagniig tungkol dito kasama ng lahat at pagbulay-bulayan ito nang magkakasama. “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Dapat maging tapat at totoo ang iyong puso. Hindi mo dapat iraos lang ito at hindi ka dapat kumilos nang pabasta-basta, at dapat totoo sa puso mo ang mga bagay na sinasabi mo. Dapat tumanggap ka ng pasanin ukol sa bagay na ito, at magkaroon ng pusong nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, na gustong maunawaan ang layunin ng Diyos sa bagay na ito at makita kung ano talaga ang diwa ng bagay na ito, habang ninanais na lutasin ang mga problema at kalituhan na kinakaharap ng mga tao kapag nakahaharap nila ang bagay na ito, pati na ang mga problemang tulad ng sarili mong tiwaling disposisyon o ang iba’t ibang abnormal na kalagayan. “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso.” Isa itong kumpletong landas ng pagsasagawa na sinabi ng Diyos sa tao. Ano ang nakikita mo sa linyang ito? Na sa isang banda, ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng mga kapaligiran para sa tao ay para hayaan ang mga tao na maranasan ang iba’t ibang bagay sa napakaraming paraan, para matuto ng mga aral mula sa mga ito, para makapasok sa iba’t ibang katotohanang realidad na nakapaloob sa salita ng Diyos, para pagyamanin ang mga karanasan ng mga tao, at para tulungan silang makapagtamo ng isang mas komprehensibo at iba’t ibang aspekto ng pagkaunawa sa Diyos, sa kanilang sarili, sa kanilang kapaligiran, at sa sangkatauhan. Sa kabilang banda naman, gusto ng Diyos na panatilihin ng mga tao ang isang normal na kaugnayan sa Kanya sa pamamagitan ng pamamatnugot ng ilang natatanging kapaligiran at pagsasaayos ng ilang espesyal na aral para sa kanila. Sa ganitong paraan, mas mapapadalas ang paglapit ng mga tao sa Kanya, sa halip na namumuhay sila sa isang kalagayan na wala silang kinikilalang Diyos, sinasabi nilang naniniwala sila sa Diyos, pero kumikilos naman sa paraan na walang kaugnayan sa Diyos o sa katotohanan, na hahantong sa gulo. Samakatwid, sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, may pag-aatubili at pasibong dinadala ng Diyos Mismo ang mga tao sa Kanyang harapan. Ipinapakita nito ang maingat na pagsasaalang-alang ng Diyos. Kapag mas kulang ang iyong pag-unawa sa isang partikular na bagay, mas dapat kang magkaroon ng may-takot-sa-Diyos at makadiyos na puso, at madalas kang lumapit sa Diyos para hanapin ang Kanyang mga layunin at ang katotohanan. Kapag hindi mo nauunawaan ang mga bagay-bagay, kailangan mo ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Kapag nahaharap ka sa mga bagay na hindi mo nauunawaan, kailangan mong hilingin sa Diyos na higit na gumawa sa iyo. Ito ang maingat na pagsasaalang-alang ng Diyos. Kapag mas lumalapit ka sa Diyos, mas lalong mapapalapit ang puso mo sa Diyos. At hindi ba totoo na kapag mas malapit ang puso mo sa Diyos, mas lalong mananahan dito ang Diyos? Kapag mas nasa puso ng isang tao ang Diyos, mas nagiging mabuti ang kanyang paghahangad, ang landas na kanyang tinatahak, at ang kalagayan ng kanyang puso. Kapag mas malapit ang kaugnayan mo sa Diyos, mas magiging madali para sa iyo na lumapit nang madalas sa Diyos para ialay ang tapat mong puso, at mas magiging tunay ang iyong pananalig sa Diyos. Kasabay niyon, magkakaroon ng disiplina ang iyong buhay, mga kilos, at asal. Paano lumilitaw ang gayong disiplina? Lumilitaw ito kapag madalas na nananalangin ang mga tao sa Diyos, hinahanap ang katotohanan, at tinatanggap ang masusing pagsisiyasat ng Diyos. Ito ang pinakamahalagang bagay. Kaya, sa anong konteksto at sa anong mga kondisyon maaaring tanggapin ng isang tao ang pagsisiyasat ng Diyos? (Kapag mayroon siyang normal na kaugnayan sa Diyos.) Tama iyan, kapag mayroon siyang normal na kaugnayan sa Diyos. Kung may normal kang kaugnayan sa Diyos, hindi ba’t mangangahulugan ito na nasa puso mo ang Diyos at malapit na malapit ka sa Kanya? Mangangahulugan ito na laging may puwang ang Diyos sa puso mo, at na inookupa ng Diyos ang isang napakaprominenteng posisyon sa puso mo. Bunga nito, lagi mong iisipin ang Diyos, iisipin ang salita ng Diyos, iisipin ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, iisipin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at iisipin ang lahat ng bagay na sa Diyos. Sa madaling salita, ang Diyos ang mag-uumapaw sa puso mo, at magkakaroon ang Diyos ng napakataas na posisyon sa puso mo. Kung ang Diyos ang pumupuno sa puso mo, magkakaroon ka ng normal na kaugnayan sa Diyos, magagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, at kasabay nito, magkakaroon ka rin ng may-takot-sa-Diyos na puso. Saka mo lamang magagawang kumilos nang may disiplina. Isang simpleng pangungusap ang “Dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas,” pero naglalaman ito ng patung-patong na kahulugan. Naglalaman ito ng mga layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at ang saloobin na hinihingi ng Diyos sa mga tao sa kanilang pagkilos, habang ipinababatid din ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Kaya naman, ano ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan? Na huwag kang sumuko, tumakas, o magkaroon ng saloobing walang pakialam sa mga bagay na nangyayari sa iyo. Ano ang dapat mong gawin kung nahaharap ka sa isang bagay na hindi mo naiintindihan at hindi lubos na nauunawaan, o hindi mo mapagtagumpayan, o nakapagpapahina pa nga sa iyo? Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon. Hindi pinupuwersa ng Diyos ang mga tao nang higit sa kanilang mga abilidad. Hindi kailanman hinihingi ng Diyos sa mga tao na gawin ang mga bagay na higit sa kakayahan ng tao. Ang mga ipagagawa ng Diyos sa iyo at ang mga bagay na hinihingi Niya sa iyo ay pawang mga bagay na maaaring makamit, matamo, at maisakatuparan ng mga taong may normal na pagkatao. Samakatwid, hinding-hindi hungkag o malabo ang mga hinihingi at pamantayan ng Diyos para sa tao. Ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay isa lamang pamantayan na sumasaklaw sa kung ano ang maaaring makamit ng mga taong may normal na pagkatao. Kung lagi mong susundin ang iyong mga imahinasyon, at gusto mong maging mas mahusay, magaling, at may kakayahan kaysa sa iba, kung gusto mong laging higitan ang iba, kung gayon ay nagkamali ka ng pagkaunawa sa ibig ipakahulugan ng Diyos. Madalas na ganito ang mga mapagmataas at mapagmagaling na tao. Sinasabi ng Diyos na huwag mabalisa na makahanap ng mga solusyon, sinasabi Niyang hanapin ang katotohanan at kumilos nang may mga prinsipyo, pero hindi isinasaalang-alang nang mabuti ng mga mapagmataas at mapagmagaling na tao ang mga hinihinging ito ng Diyos. Sa halip, ipinagpipilitan nilang subukang isakatuparan ang mga bagay sa isang bugso ng lakas at enerhiya, na gawin ang mga bagay sa maayos at magandang paraan, at higitan ang iba sa isang kisap-mata. Gusto nilang maging superman at ayaw nilang maging ordinaryong tao. Hindi ba’t sumasalungat ito sa mga batas ng kalikasan na inilatag ng Diyos para sa tao? (Oo.) Halata namang hindi sila mga normal na tao. Wala silang normal na pagkatao, at masyado silang mapagmataas. Binabalewala nila ang mga hinihingi na nasa saklaw ng normal na pagkatao na inilatag ng Diyos para sa sangkatauhan. Binabalewala nila ang mga pamantayan na maaaring maabot ng mga taong may normal na pagkatao na itinakda ng Diyos para sa sangkatauhan. Samakatwid, hinahamak nila ang mga hinihingi ng Diyos at iniisip na, “masyado namang mababa ang mga hinihingi ng Diyos. Paanong magiging normal na tao ang mga mananampalataya sa Diyos? Dapat mga katangi-tangi silang mga tao, mga indibidwal na nangingibabaw at nakahihigit sa mga regular na tao. Dapat mga dakila at bantog silang tao.” Binabalewala nila ang mga salita ng Diyos, iniisip na bagamat tama at katotohanan ang mga salita ng Diyos, masyadong karaniwan at ordinaryo lang ang mga ito, kaya hindi nila pinapansin ang Kanyang mga salita at hinahamak nila ang mga ito. Pero sa mga normal at ordinaryong salitang ito mismo na lubhang hinahamak ng mga diumano’y superman at dakilang tao, itinuturo ng Diyos ang mga prinsipyo at landas na dapat sundin at isagawa ng mga tao. Lubhang tapat, obhetibo, at praktikal ang mga salita ng Diyos. Hindi talaga mataas ang hinihingi ng mga ito sa mga tao. Lahat ng ito ay mga bagay na kaya at dapat makamit ng mga tao. Hangga’t may kaunting normal na katwiran ang mga tao, hindi sila dapat mag-alangan, sa halip ay dapat nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan nang matatag, gampanang mabuti ang kanilang mga tungkulin, mamuhay sa harapan ng Diyos, at ituring ang katotohanan bilang prinsipyo ng kanilang pag-uugali at mga kilos. Hindi sila dapat maging sobrang ambisyoso. Sa linyang “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas,” dapat mas maunawaan ng mga tao na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan, at na ang mga katotohanan ang mga prinsipyong dapat isagawa ng mga tao. Sino ang tinutukoy dito na “mga tao”? Tumutukoy ito sa mga normal na tao na may normal na katwiran at normal na panghusga, na nagmamahal sa mga positibong bagay, at nakauunawa kung ano ang obhetibo, ang praktikal, ang pangkaraniwan, at ang ordinaryo. Namnamin mo munang mabuti ang mga salitang “dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas.” Bagamat payak at ordinaryo ang mga salitang ito, inilalarawan ng mga ito ang isang bagay na dapat magawa ng mga taong taglay ang katwiran ng normal na pagkatao at ang mga ito rin ang katotohanang prinsipyo na pinakanararapat isagawa ng isang taong may normal na pagkatao kapag nahaharap siya sa mga paghihirap sa totoo niyang buhay. Mga katotohanan ito na pinakakinakailangan ng mga taong nagtataglay ng katwiran ng normal na pagkatao. Hinding-hindi hungkag ang mga salitang ito. Maraming beses na ninyong inawit at pinakinggan ang mga ordinaryong salitang ito, pero wala ni isa sa inyo ang tumuring sa mga salitang ito bilang mga katotohanan na dapat pagbulay-bulayang mabuti at matiyagang pagbahaginan. Sa ganitong gawi, sinayang ninyo ang mahahalagang salitang ito. Sa katunayan, naglalaman ang mga salitang ito ng mga layunin ng Diyos, ng mga paalala at payo ng Diyos sa mga tao, at ng mga hinihingi ng Diyos sa mga tao. Napakaraming nilalaman ng mga ito. Ang mga tao ay walang puso at hindi makatwiran, at itinuturing nilang mga ordinaryong salita ang mga salitang ito; hindi nila pinapahalagahan, pinagbubulay-bulayan o isinasagawa ang mga ito, at sino ang mga magdurusa at mawawalan sa huli dahil dito? Ang mga tao mismo. Hindi ba’t isa itong aral?
Napakadali para sa mga normal na tao na isagawa ang mga hinihingi na itinakda ng Diyos sa siping ito. Walang mahirap o nakakapagod tungkol sa pagsasagawang ito, at epektibo ito. Sa huli, mabibigyang-kakayahan ka nitong unti-unting lumago at umusad. Siyempre, pagkatapos mong maisagawa ang prinsipyong “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso,” uusad ka pagdating sa katotohanan, sa pagbabago sa disposisyon, sa pagkaunawang nakakamit mo mula sa pagdanas ng iba’t ibang kapaligiran, at iba pa. Napakaganda ng mga salitang ito! Kung may katwiran ang mga tao at kung isinasagawa nila ang mga salitang ito, sa ilalim ng patnubay at direksyon ng mga salita ng Diyos, malalaman nila kung ano ang mga layunin ng Diyos kapag isinasaayos Niya ang iba’t ibang kapaligiran. Pagkaraan ng ilang panahon, magagawa na nilang anihin ang mga gantimpala, magtamo ng karanasan, at maunawaan ang katotohanan sa mga kapaligirang iyon. Kapag umaani ka ng gayong mga gantimpala, malalaman mo kung bakit isinaayos ng Diyos ang mga kapaligirang ito, kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang ninanais ng Diyos na matamo ng mga tao mula sa mga ito. Dagdag pa rito, unti-unting malalantad at mabubunyag ang lahat ng maling daan na tinatahak ng mga tao, ang mga hadlang na nararanasan nila, ang mga baluktot na pagkaunawang kinikimkim nila, ang mga di-makatotohanang ideya na taglay nila, ang mga kuru-kuro at paglaban sa Diyos na lumitaw sa kalooban nila, at iba pa, habang nararanasan nila ang mga kapaligirang ito. Positibo o negatibo man ang mga bagay na ito, mangangailangan ng ilang panahon ng karanasan para malinaw na makita at maunawaan ang mga bagay na nalantad at nabunyag sa pamamagitan ng mga kapaligirang ito. Sa ganitong paraan, natutupad ang tunay na kahulugan ng mga salita ng Diyos na “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon sa mga bagay na hindi mo nauunawaan.” Ibig sabihin, kapag isinasaayos ng Diyos ang isang bagay na hindi mo makilatis o maunawaan nang lubusan, at hindi mo pa naranasan noon, hindi makakamit sa loob lang ng ilang araw ang mga bagay na gusto ng Diyos na maunawaan, matamo, at personal mong maranasan mula sa sitwasyong iyon. Sa pagdaan lamang ng ilang panahon at sa pamamagitan ng direksyon, kaliwanagan, at patnubay ng Diyos sa bawat hakbang na unti-unti kang magtatamo ng pagkaunawa at magkakamit ng mga resulta. Hindi ito katulad ng inaakala ng mga tao, hindi mo biglang mauunawaan ang lahat ng bagay sa isang bugso ng kaliwanagan o malalaman kung ano ang ibig sabihin ng Diyos sa isang iglap lamang ng pahiwatig. Hindi ginagawa ng Diyos ang gayong mga bagay sa pamamagitan ng mga mahiwagang paraan, hindi kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Ganito gumagawa ang Diyos. Itinutulot ng Diyos na maranasan mo ang mga sanhi at bunga ng isang sitwasyon, at unti-unti mong matatanto: “Ganito pala ang diwa ng ganitong uri ng tao, at ganito pala ang realidad at diwa ng ganoong bagay, at natutupad nito ang mga partikular na linya ng salita ng Diyos. Nauunawaan ko na sa wakas kung ano ang ibig ipakahulugan ng Diyos nang sabihin Niya iyon. Nauunawaan ko na sa wakas kung bakit sinabi ng Diyos ang gayong mga bagay tungkol sa ganitong mga isyu at ganoong mga tao.” Itinutulot ng Diyos na matanto mo ang mga iyon sa pamamagitan ng iyong mga karanasan. Hindi ba’t inaabot ng ilang panahon bago mapagtanto ang mga bagay na ito? (Oo.) Ang kaalamang natatamo mo at ang mga katotohanang naunawaan mo sa paglipas ng ilang panahon ng karanasan ay hindi mga doktrina o teoretikal na bagay, kundi mga personal mong karanasan at tunay na kaalaman. Ito ang katotohanang realidad na papasukin mo. Narito ang sanhi at ang pinagmulan ng mga salita ng Diyos na “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon.” Kapag itinutulot ng Diyos na umani ka ng mga gantimpala mula sa mga pangyayaring nararanasan mo, ayaw Niyang sumailalim ka lang sa isang proseso o matuto ng isang teorya, bagkus ay nais Niya na ikaw ay magtamo ng pagkaunawa, ng ilang kaalaman, ng positibong pananaw, at ng tamang pamamaraan sa pagsasagawa. Bagamat iilang linya lang ang nilalaman ng pahayag na ito at kaunti lang ang nilalaman nito, napakahalaga ng mga hinihingi na inilalatag ng Diyos sa pahayag na ito at ang mga prinsipyo ng pagsasagawa na ibinibigay Niya sa mga tao sa pamamagitan nito. Hindi dapat tratuhin ng mga tao ang mga salita ng Diyos gamit ang parehong saloobin na mayroon sila sa kaalaman ng tao at mga doktrina. Upang maisagawa ang mga salita ng Diyos, dapat mayroon kang mga prinsipyo. Ibig sabihin nito ay dapat magkaroon ka ng isang prinsipyo, isang pamamaraan, na isasagawa kapag nahaharap ka sa isang partikular na sitwasyon. Ito ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan. Ito ang tinatawag nating isang prinsipyo. Samakatwid, hindi ito mga simpleng salita lang. Bagamat ang pagkakapahayag at pagkakapresenta sa mga ito ay payak at mauunawaan ng lahat, at madaling maintindihan ang mga salita, at wala itong magagara at mabubulaklak na wika, o mga eleganteng termino, o sopistikadong mga pahayag, at tiyak na hindi sinasalita ang mga ito nang may tonong nanghahamak, sa halip, ang mga ito ay mga sinserong payo at mga hinihingi na sinalita nang harap-harapan at taos-puso, sinasabi talaga ng mga ito sa mga tao ang mga pinakamahalagang prinsipyo at landas ng pagsasagawa.
Hinding-hindi sineseryoso ng maraming tao ang mga pinakaordinaryong salita na sinabi ng Diyos. Ang malalalim at mahihiwagang salita lamang na sinasabi ng Diyos ang itinuturing nila na Kanyang mga salita. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng baluktot na pagkaunawa? Ang bawat pangungusap sa mga salita ng Diyos ay ang katotohanan. Mga ordinaryong salita man ang mga ito o malalalim na salita, lahat ng salita ng Diyos ay naglalaman ng mga katotohanan at hiwaga, at nangangailangan ng ilang taon ng karanasan at isang partikular na tayog para maunawaan at malaman ang mga ito. Tulad na lamang ng mabubuti at mahahalagang salita ng Diyos na nakapaloob sa himnong kaaawit lang ninyo—walang sumeseryoso sa mga salitang iyon. Bagamat isinamusika ang mga ito at ilang taon na itong inaawit ng lahat, walang nakatuklas sa pinakamahalagang prinsipyong ito ng pagsasagawa na nakapaloob sa mga ito. Kahit may nararamdaman pa ang ilang tao sa kanilang kamalayan na tila sinasabihan sila ng mga salita ng Diyos na, “Huwag kang mabalisa na makahanap ng mga solusyon; dalhin ang gayong mga bagay sa harapan ng Diyos nang mas madalas, at mag-alay sa Kanya ng tapat na puso,” at nararamdaman nilang ito ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao, sino nga ba ang tunay na nagsagawa, nagsakatuparan, at pumasok sa realidad ng mga salitang ito ng Diyos sa totoo nilang buhay? May nakagawa ba nito? (Wala.) Walang nakagawa nito. Ang mga salitang ito ng Diyos ay napakasimple, pero walang makasunod sa mga ito. Hindi ba’t may mahalagang problema na nakapaloob dito? (Mayroon, ipinapakita nito na tutol ang mga tao sa katotohanan.) May iba pa ba? (Napakapraktikal ng mga salitang ito na sinalita ng Diyos sa atin. Pawang mga salita ito ng prinsipyo. Pero hindi namin sineryoso ang mga salita ng Diyos, hindi namin binigyang-atensyon ang mga ito, at hindi namin isinagawa ang mga ito.) Paano ba ninyo karaniwang binabasa ang mga salita ng Diyos? (Kapag binabasa namin ang mga salita ng Diyos, karaniwan ay pinapahapyawan lang namin ng basa ang mga ito. Pagkatapos naming maunawaan ang literal na kahulugan ng mga salita, iyong kasunod na ang babasahin namin. Hindi namin nauunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos sa mga salitang iyon o kung anong mga katotohanang prinsipyo ang dapat naming isagawa. Hindi namin pinagbulay-bulayan nang mabuti ang mga ito nang ganyan.) Tumugon kayo gamit ang ilang teoretikal na ideya at mukhang tama naman ang mga sinasabi ninyo, pero hindi ninyo makilatis kung ano talaga ang ugat nito, na ito ay dahil hindi pinapahalagahan ng mga tao ang salita ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, matutuklasan mo ang mga kayamanan, ginto, at diyamante na nakapaloob sa mga ito at tatamasahin mo ang mga bagay na ito habambuhay. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi mo makukuha ang mga kayamanang ito. Ano ba ang ibig sabihin ng hindi pahalagahan ang mga salita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay hindi mo pinakaiingatan ang mga salita ng Diyos. Pakiramdam mo ay napakarami ng mga salita ng Diyos, at na ang lahat ng iyon ay katotohanan, at hindi mo alam kung alin ang mga dapat mong pahalagahan. Pakiramdam mo ay ordinaryo itong lahat, at problema ito kung gayon. Ano ba ang ibig sabihin na pahalagahan ang mga salita ng Diyos? Ibig sabihin nito ay alam mong katotohanan lahat ang mga salita ng Diyos, at na ang mga katotohanang ito ang pinakakapaki-pakinabang at pinakamahalagang kayamanan para sa buhay at pamumuhay ng mga tao. Ibig sabihin nito ay tinatrato mo ang mga salita ng Diyos bilang mga kayamanan na masyado mong minamahal at hindi mo maiiwan. Ang ganitong saloobin patungkol sa mga salita ng Diyos ay tinatawag na pagpapahalaga. Ang pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos ay nangangahulugang natuklasan mo na pinakamahalagang kayamanan ang lahat ng salita ng Diyos, na ang mga ito ay isandaan, isanlibong beses na mas mahalaga kaysa sa mga kasabihan sa buhay ng sinumang sikat o dakilang tao. Ibig sabihin nito ay natamo mo na ang katotohanan ng mga salita ng Diyos at nadiskubre mo na ang mga pinakadakila at pinakamahalagang kayamanan sa buhay. Makakatulong sa iyo ang pagtatamo ng mga kayamanang ito para mapataas ang iyong halaga at matamo mo ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa kadahilanang ito, lalo mong pahahalagahan ang mga katotohanang ito. Magbibigay Ako ng halimbawa nito sa totoong buhay. Sabihin nang bumili ang isang babae ng magandang damit, at pagkauwi niya ng bahay, isinuot niya ito sa harap ng salamin. Habang tinitingnan ang kanyang sarili sa kaliwa at sa kanan, iniisip niya: “Napakaganda ng damit na ito, maganda ang tela nito, mahusay ang pagkakayari nito, at komportable ito at malambot suotin. Napakapalad ko naman para makabili ng ganito kagagandang mga damit. Ito ang paborito kong damit pero hindi ko ito masusuot sa lahat ng pagkakataon. Susuotin ko ito kapag dadalo ako sa magagarbong pagdiriwang at kapag makakasalamuha ko ang mga pinakatanyag na tao.” Kapag may libre siyang oras, madalas niyang inilalabas ang damit para hangaan ang ganda nito at isukat ito. Pagkaraan ng anim na buwan, ganoon pa rin siya kasabik sa naturang damit at hindi niya ito maiwan-iwanan. Ito ang ibig sabihin ng pahalagahan ang isang bagay. Nakaabot na ba sa ganitong antas ang saloobin ninyo sa mga salita ng Diyos? (Hindi.) Kaawa-awa naman na hindi pa ninyo pinapahalagahan ang mga salita ng Diyos gaya ng pagpapahalaga ng isang babae sa kanyang paboritong damit! Hindi na nakapagtataka na napakarami na ninyong nabasang mga salita ng Diyos pero bigo kayong matuklasan ang napakaraming katotohanan, at hindi ninyo kailanman nagawang makapasok sa realidad. Lagi ninyong sinasabi na katotohanan ang lahat ng salita ng Diyos, pero hanggang teorya at salita lamang ang mga pahayag na ito. Kung pag-uusapan ang isa sa mga pinakasimple at unang ipinahayag na sipi ng mga salita ng Diyos, at tinanong kayo kung anong mga katotohanan ang nasa mga salitang iyon, kung ano ang mga layunin ng Diyos, o kung anong mga hinihingi at pamantayan ng Diyos sa tao, hindi kayo makapagsasalita at hindi kayo makakasambit ng kahit isang salita bilang tugon. Napakaraming beses ninyo nang binasa at pinakinggan ang mga salita ng Diyos, kaya bakit wala kayong tunay na pagkaunawa sa mga ito? Nasaan ang ugat ng problema? Ang totoo, hindi sapat ang pagpapahalaga ng mga tao sa mga salita ng Diyos. Sa kasalukuyang antas ng pagpapahalaga ninyo sa mga salita ng Diyos, malayo pang matuklasan ninyo ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at malayo pang matuklasan ninyo ang mga hinihingi, prinsipyo, at landas ng pagsasagawa na ipinagkaloob ng Diyos sa tao sa pamamagitan ng mga ito. Kaya kayo laging naguguluhan kapag may mga bagay na nangyayari sa inyo at hindi ninyo kailanman mahanap ang mga prinsipyo. Ito ang dahilan kung bakit marami kayong mga bagay na nararanasan, pero hindi ninyo kailanman nalalaman ang mga layunin ng Diyos, o hindi kayo masyadong lumalago o nagbabago, o umaani nang marami-raming gantimpala. Hindi ba’t lubhang nakakaawa ang ganitong mga tao?