Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos 3 (Unang Bahagi)

Ang unang pagkakataon na naging tao ang Diyos ay sa pamamagitan ng paglilihi sa Banal na Espiritu, at ito ay may kaugnayan sa gawain na nilayon Niyang gawin. Ang Kapanahunan ng Biyaya ay nagsimula sa pangalan ni Jesus. Nang nagsimula si Jesus na gampanan ang Kanyang ministeryo, ang Banal na Espiritu ay nagsimulang magpatotoo sa pangalan ni Jesus, at ang pangalan ni Jehova ay hindi na binanggit; sa halip, pangunahing ginawa ng Banal na Espiritu ang bagong gawain sa pangalan ni Jesus. Ang patotoo ng mga naniwala sa Kanya ay inilahad para kay Jesucristo, at ang gawain na kanilang ginawa ay para rin kay Jesucristo. Ang konklusyon ng Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan ay nangahulugan na ang gawain na pangunahing isinagawa sa pangalan ni Jehova ay natapos na. Simula nito, ang pangalan ng Diyos ay hindi na Jehova; sa halip Siya ay tinawag na Jesus, at magmula noon ay pangunahing sinimulan ng Banal na Espiritu ang gawain sa pangalan ni Jesus. Kaya, sa mga taong sa kasalukuyan ay kumakain at umiinom pa rin ng mga salita ni Jehova, at ginagawa pa rin ang lahat ayon sa gawain ng Kapanahunan ng Kautusan—hindi mo ba bulag na sinusunod ang mga patakaran? Hindi ka ba nananatili sa nakaraan? Batid na ninyo ngayon na ang mga huling araw ay dumating na. Maaari kaya na sa pagdating ni Jesus, Siya ay tatawagin pa ring Jesus? Sinabi ni Jehova sa mga mamamayan ng Israel na darating ang isang Mesiyas, ngunit nang Siya ay dumating, hindi Siya tinawag na Mesiyas kundi Jesus. Sinabi ni Jesus na Siya ay muling darating, at ang Kanyang pagdating ay tulad ng Kanyang pag-alis. Ito ang mga salita ni Jesus, ngunit nakita mo ba kung paano umalis si Jesus? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap ngunit maaari kayang personal Siyang babalik sa mga tao nang nasa ibabaw ng isang puting ulap? Kung magkagayon, hindi ba Siya tatawagin pa ring Jesus? Sa muling pagdating ni Jesus, nagbago na rin ang kapanahunan, dahil dito, maaari pa rin ba Siyang tawagin na Jesus? Maaari lang bang makilala ang Diyos sa pangalan na Jesus? Hindi ba Siya maaaring tawagin sa bagong pangalan sa isang bagong kapanahunan? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang larawan ng isang tao at ang isang partikular na pangalan? Sa bawat kapanahunan, gumagawa ang Diyos ng bagong gawain at Siya ay tinatawag sa bagong pangalan; paano Niya gagawin ang parehong gawain sa magkaibang kapanahunan? Paano Siya mananatili sa dati? Ang pangalan na Jesus ay ginamit para sa gawain ng pagtubos, kaya tatawagin pa rin ba Siya sa parehong pangalan pagbalik Niya sa mga huling araw? Gagawin pa rin ba Niya ang gawain ng pagtubos? Bakit iisa lamang si Jehova at si Jesus, subalit Sila ay tinatawag sa magkaibang pangalan sa magkaibang kapanahunan? Hindi ba’t ito ay sa kadahilanang magkaiba ang mga kapanahunan ng Kanilang gawain? Maaari bang kumatawan sa Diyos, sa Kanyang kabuuan, ang iisang pangalan lamang? Dahil dito, nararapat na tawagin ang Diyos sa ibang pangalan sa ibang kapanahunan, at nararapat Niyang gamitin ang pangalang ito upang baguhin ang kapanahunan at katawanin ang kapanahunan. Dahil walang anumang pangalan ang maaaring ganap na kumatawan sa Diyos Mismo, at ang bawat pangalan ay maaari lamang kumatawan sa pansamantalang aspeto ng disposisyon ng Diyos sa isang tiyak na kapanahunan; ang kailangan lang nitong gawin ay kumatawan sa Kanyang gawain. Samakatuwid, maaaring mamili ang Diyos ng anumang pangalan na angkop sa Kanyang disposisyon upang kumatawan sa buong kapanahunan. Ito man ay kapanahunan ni Jehova, o kapanahunan ni Jesus, ang bawat kapanahunan ay kinakatawan ng isang pangalan. Sa pagtatapos ng Kapanahunan ng Biyaya, ang huling kapanahunan ay dumating na, at pumarito na si Jesus. Paano pa rin Siya matatawag na Jesus? Paano pa rin Niya maipakikita ang anyo ni Jesus sa gitna ng mga tao? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay isa lamang larawan ng isang Nazareno? Nakalimutan mo na ba na si Jesus ay ang Manunubos lamang ng sangkatauhan? Paano Niya aakuin ang gawain ng panlulupig at gagawing perpekto ang tao sa mga huling araw? Si Jesus ay umalis sakay ng isang puting ulap—ito ay katotohanan—ngunit paano Siya makababalik sakay ng isang puting ulap sa gitna ng tao at tatawagin pa ring Jesus? Kung Siya ay talagang dumating sakay ng isang ulap, paano Siya hindi makikilala ng tao? Hindi ba Siya makikilala ng mga tao sa buong mundo? Kung magkagayon, hindi ba magiging Diyos si Jesus nang mag-isa? Kung magkagayon, ang magiging larawan ng Diyos ay nasa kaanyuan ng isang Judio at bukod pa rito ay mananatiling gayon magpakailanman. Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis, ngunit nalalaman mo ba ang tunay na kahulugan ng Kanyang mga salita? Maaari kayang nasabi Niya sa pangkat ninyong ito? Nalalaman mo lamang na Siya ay darating kung paano Siya umalis, nakasakay sa isang ulap, ngunit nalalaman mo ba kung paano talaga ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain? Kung talaga ngang nakikita mo, paano maipaliliwanag ang mga salitang binigkas ni Jesus? Sinabi Niya: Kung kailanman darating ang Anak ng tao sa mga huling araw, Siya Mismo ay hindi makakaalam, hindi malalaman ng mga anghel, hindi malalaman ng mga sugo sa langit, at hindi malalaman ng buong sangkatauhan. Tanging ang Ama ang makakaalam, ibig sabihin, ang Espiritu lamang ang makakaalam. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi nakaaalam, ngunit ikaw ay nakakikita at nakaaalam? Kung may kakayahan kang makaalam at makakita gamit ang iyong sariling mga mata, hindi ba’t ang pagbigkas ng mga salitang ito ay mawawalan ng kabuluhan? At ano ang sinabi ni Jesus nang panahong iyon? “Ngunit tungkol sa araw at oras na iyon walang taong makaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, kundi ang Aking Ama lamang. At tulad noong panahon ni Noe, magiging ganito rin ang pagparito ng Anak ng tao. … Kaya nga kayo’y magsihanda rin; sapagkat darating ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo naiisip.” Kapag dumating na ang araw na iyon, Mismong ang Anak ng tao ay hindi ito malalaman. Ang Anak ng tao ay tumutukoy sa nagkatawang-taong anyo ng Diyos, na isang normal at karaniwang tao. Maging ang Anak ng tao Mismo ay hindi alam, kaya paano mo malalaman? Sinabi ni Jesus na Siya ay darating kung paano Siya umalis. Kung kailan Siya darating, maging Siya Mismo ay hindi nakaaalam, kaya maaari ba Niyang ipaalam sa iyo nang mas maaga? Nakikita mo ba ang Kanyang pagdating? Hindi ba iyon isang biro? Sa tuwing darating ang Diyos sa lupa, binabago Niya ang Kanyang pangalan, ang Kanyang kasarian, ang Kanyang larawan, at ang Kanyang gawain; hindi Niya inuulit ang Kanyang gawain. Siya ay isang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma. Nang dumating Siya noon, tinawag Siyang Jesus; maaari pa rin ba Siyang tawaging Jesus sa oras na ito ng Kanyang pagbalik? Nang dumating Siya noon, Siya ay isang lalaki; maaari ba Siyang maging lalaki muli ngayon? Ang Kanyang gawain nang Siya ay pumarito noong Kapanahunan ng Biyaya ay ang maipako sa krus; pagdating Niyang muli, maaari ba Niyang tubusing muli ang sangkatauhan mula sa kasalanan? Maaari ba Siyang ipakong muli sa krus? Hindi ba’t iyon ay pag-uulit lamang ng Kanyang gawain? Hindi mo ba alam na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Mayroong mga nagsasabi na ang Diyos ay hindi nagbabago. Ito ay tama, ngunit ito ay tumutukoy sa di-nagbabagong diwa at disposisyon ng Diyos. Ang mga pagbabago sa Kanyang pangalan at gawain ay hindi nagpapatunay na ang Kanyang diwa ay nagbago; sa madaling salita, ang Diyos ay palaging magiging Diyos, at hindi ito kailanman magbabago. Kung sinasabi mo na hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, matatapos ba Niya ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala? Ang alam mo lamang ay hindi nagbabago ang Diyos magpakailanman, ngunit alam mo ba na ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma? Kung hindi nagbabago ang gawain ng Diyos, magagawa ba Niyang akayin ang sangkatauhan hanggang sa kasalukuyang panahon? Kung hindi nagbabago ang Diyos, bakit nagawa na Niya ang gawain sa dalawang kapanahunan? Ang Kanyang gawain ay hindi tumitigil sa pagsulong, na ang ibig sabihin ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao ang Kanyang disposisyon, at ang naibubunyag ay ang Kanyang likas na disposisyon. Sa simula, ang disposisyon ng Diyos ay nakatago mula sa mga tao, hindi Niya kailanman tuwirang ibinunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, at sadyang walang kaalaman ang tao tungkol sa Kanya. Dahil dito, ginagamit Niya ang Kanyang gawain upang unti-unting ibunyag ang Kanyang disposisyon sa tao, ngunit ang pagkilos sa ganitong pamamaraan ay hindi nangangahulugan na ang Kanyang disposisyon ay nagbabago sa bawat kapanahunan. Hindi ito ang kaso kung saan ang disposisyon ng Diyos ay patuloy na nagbabago dahil ang Kanyang kalooban ay palaging nagbabago. Sa halip, dahil sa ang mga kapanahunan ng Kanyang gawain ay magkakaiba, ang likas na disposisyon ng Diyos, sa kabuuan nito, ay unti-unti Niyang ibinubunyag sa tao, nang sa gayon ay makilala Siya ng mga tao. Ngunit hindi ito patunay na sa simula ay walang tiyak na disposisyon ang Diyos o kaya ay unti-unting nagbago ang Kanyang disposisyon sa paglipas ng mga kapanahunan—ang ganoong pagkaunawa ay hindi tama. Ibinubunyag ng Diyos sa tao ang Kanyang likas at partikular na disposisyon—kung ano Siya—ayon sa paglipas ng mga kapanahunan; ang gawain sa nag-iisang kapanahunan ay hindi makapagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. At dahil dito, ang mga salitang “Ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma” ay tumutukoy sa Kanyang gawain, at ang mga salitang “Ang Diyos ay hindi nagbabago” ay tungkol sa likas na kung ano ang mayroon ang Diyos at kung ano Siya. Anupaman, hindi mo maaaring ibatay ang anim na libong taong gawain sa iisang punto, o limitahan ito gamit ang mga patay na salita. Ganito ang kahangalan ng tao. Ang Diyos ay hindi kasingpayak ng ipinapalagay ng mga tao, at ang Kanyang gawain ay hindi magtatagal sa isang kapanahunan lamang. Ang pangalang Jehova, halimbawa, ay hindi maaaring laging kumatawan sa pangalan ng Diyos; maaari ding gawin ng Diyos ang Kanyang gawain sa pangalan na Jesus. Isa itong tanda na ang gawain ng Diyos ay laging kumikilos nang pasulong.

Ang Diyos ay palaging Diyos, at hindi Siya kailanman magiging si Satanas; si Satanas ay palaging si Satanas, at hindi ito kailanman magiging Diyos. Ang karunungan ng Diyos, ang Kanyang pagiging kamangha-mangha, ang Kanyang katuwiran, at ang Kanyang pagiging maharlika ay hindi kailanman magbabago. Ang Kanyang diwa at kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya ay hindi kailanman magbabago. Subalit, ang Kanyang gawain ay palaging kumikilos nang pasulong, laging lumalalim, dahil ang Diyos ay palaging bago at hindi kailanman luma. Sa bawat kapanahunan ay nagkakaroon ng bagong pangalan ang Diyos, sa bawat kapanahunan ay gumagawa Siya ng bagong gawain, at sa bawat kapanahunan ay hinahayaan Niyang makita ng Kanyang mga nilalang ang bago Niyang kalooban at bagong disposisyon. Kung hindi makikita ng mga tao ang paghahayag ng bagong disposisyon ng Diyos sa bagong kapanahunan, hindi ba nila Siya ipapako magpakailanman sa krus? At sa paggawa nito, hindi ba nila binibigyang kahulugan ang Diyos? Kung ang Diyos ay nagkatawang-tao lamang bilang isang lalaki, ituturing Siya ng mga tao bilang isang lalaki, bilang Diyos ng mga kalalakihan, at hindi Siya kailanman paniniwalaan bilang Diyos ng mga kababaihan. Paniniwalaan ng mga kalalakihan na ang kasarian ng Diyos ay katulad ng kanilang kasarian, na ang Diyos ay ang pinuno ng mga kalalakihan—subalit paano naman ang mga kababaihan? Ito ay hindi makatarungan; hindi ba ito pagtratong may pagtatangi? Kung magkagayunman, lahat silang ililigtas ng Diyos ay mga lalaki na kagaya Niya, at wala ni isang babae ang maliligtas. Nang nilalang ng Diyos ang sangkatauhan, nilikha Niya si Adan at nilikha Niya si Eba. Hindi lamang Niya nilikha si Adan, kundi kapwa ginawa ang lalaki at babae sa Kanyang wangis. Ang Diyos ay hindi lamang Diyos ng mga kalalakihan—Siya ay Diyos din ng mga kababaihan. Ang Diyos ay pumapasok sa isang bagong yugto ng gawain sa mga huling araw. Ibubunyag Niya ang mas marami pa sa Kanyang disposisyon, at hindi ito ang habag at pag-ibig noong panahon ni Jesus. Dahil mayroon Siyang bagong gawain, ang bagong gawaing ito ay sasabayan ng isang bagong disposisyon. Kaya kung ang gawaing ito ay ginawa ng Espiritu—kung ang Diyos ay hindi nagkatawang-tao, at sa halip ang Espiritu ay nagsalita sa pamamagitan ng kulog upang walang paraan ang tao na makipag-ugnayan sa Kanya, malalaman ba ng tao ang Kanyang disposisyon? Kung ang Espiritu lamang ang gumawa ng gawain, ang tao ay hindi magkakaroon ng paraan na makilala ang Kanyang disposisyon. Maaari lamang makita ng mga tao ang disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga mata kapag Siya ay nagkatawang-tao, kapag ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao, at nagpapahayag ng Kanyang buong disposisyon sa pamamagitan ng katawang-tao. Ang Diyos ay tunay na nabubuhay kasama ng tao. Siya ay nahahawakan; tunay na maaaring makipag-ugnayan ang tao sa Kanyang disposisyon at sa kung anong mayroon at ano Siya; sa ganitong paraan lamang Siya tunay na makikilala ng tao. Kasabay nito, nakumpleto na rin ng Diyos ang gawain kung saan “ang Diyos ay Diyos ng mga kalalakihan at Diyos ng mga kababaihan,” at natamo na ang kabuuan ng Kanyang gawain sa katawang-tao. Hindi Niya inuulit ang gawain sa anumang kapanahunan. Dahil dumating na ang mga huling araw, gagawin Niya ang gawaing ginagawa Niya sa mga huling araw at ibubunyag ang Kanyang buong disposisyon sa mga huling araw. Kapag pinag-uusapan ang mga huling araw, tumutukoy ito sa nakahiwalay na kapanahunan, kung saan sinabi ni Jesus na tiyak kayong makararanas ng sakuna, at makararanas ng mga lindol, taggutom, at mga salot, na magpapakita na ito ay isang bagong kapanahunan at hindi na ang dating Kapanahunan ng Biyaya. Kung, katulad ng sinasabi ng mga tao, ang Diyos ay hindi kailanman nagbabago, ang Kanyang disposisyon ay laging mahabagin at mapagmahal, na mahal Niya ang tao gaya ng pagmamahal Niya sa Kanyang sarili, at naghahandog Siya ng kaligtasan sa bawat tao at hindi kailanman kinasusuklaman ang tao, matatapos ba ang Kanyang gawain? Nang dumating si Jesus at ipinako sa krus, at inialay Niya ang Kanyang sarili para sa lahat ng makasalanan at inihandog ang Kanyang sarili sa altar, naisakatuparan na Niya ang gawain ng pagtubos at naihatid na ang Kapanahunan ng Biyaya sa katapusan nito. Kaya ano ang magiging saysay ng pag-uulit sa gawain ng kapanahunang iyon sa mga huling araw? Hindi ba’t ang paggawa ng parehong bagay ay pagtanggi sa gawain ni Jesus? Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawain ng pagpapapako sa krus noong Siya ay dumating sa yugtong ito, kundi nanatiling mahabagin at mapagmahal, madadala ba Niya ang kapanahunang ito sa katapusan? Mawawakasan ba ng isang mahabagin at mapagmahal na Diyos ang kapanahunang ito? Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay isang pagkastigo at paghatol, kung saan inihahayag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang lahat ng tao, at gawing perpekto ang mga nagmamahal nang tapat sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Lahat ng bagay na nilikha ay pagbubukud-bukurin ayon sa uri nila, at hahatiin sa iba’t ibang kategorya ayon sa kanilang kalikasan. Ito ang sandali na ibubunyag ng Diyos ang kalalabasan at hantungan ng sangkatauhan. Kung hindi sasailalim sa pagkastigo at paghatol ang mga tao, walang paraan para mailantad ang kanilang pagsuway at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mahahayag ang kalalabasan ng lahat ng nilikha. Ipinapakita lamang ng tao ang kanyang tunay na kulay kapag siya ay kinakastigo at hinahatulan. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang buong sangkatauhan ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang kalalabasan ng lahat ng nilikha ay mahahayag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at lahat ng tao ay sasailalim sa pamamahala ng Diyos. Ang buong gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng tao at napakalala na ng kanyang pagsuway, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing pinagsama ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang ganap na babago at bubuo sa tao. Ang disposisyong ito lamang ang makapaglalantad sa kasamaan at sa gayon ay makapagbibigay nang matinding parusa sa lahat ng hindi matuwid. Samakatuwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan, at ang pagpapahayag at pagpapakita ng Kanyang disposisyon ay ipinamamalas para sa kapakanan ng gawain sa bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang gayon-gayon na lamang at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na sa pagbubunyag ng kalalabasan ng tao sa mga huling araw, igagawad pa rin ng Diyos sa tao ang walang-hanggang awa at pagmamahal at patuloy na magiging mapagmahal sa mga tao, hindi isasailalim ang tao sa matuwid na paghatol kundi magpapakita sa kanya ng pagpaparaya, pagtitiis, at pagpapatawad, at papatawarin ang tao gaano man katindi ang mga kasalanan niya, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol; kailan kung gayon magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang mapangunahan ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa nararapat na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal, may maamong mukha at magiliw na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa sinumang tao. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatwirang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makapaghihiwalay sa tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa tao sa isang bagong kaharian. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay dadalhin sa katapusan sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.

Ang gawain ng Diyos sa kabuuan ng Kanyang pamamahala ay lubos na malinaw: Ang Kapanahunan ng Biyaya ay ang Kapanahunan ng Biyaya, at ang mga huling araw ay ang mga huling araw. Mayroong malilinaw na pagkakaiba sa pagitan ng bawat kapanahunan, dahil sa bawat kapanahunan ay nagsasagawa ang Diyos ng gawain na kumakatawan sa kapanahunang iyon. Para magawa ang gawain sa mga huling araw, dapat ay may pagsunog, paghatol, pagkastigo, poot, at pagwasak upang matapos na ang kapanahunan. Ang mga huling araw ay tumutukoy sa pangwakas na kapanahunan. Sa pangwakas na kapanahunan, hindi ba’t tatapusin ng Diyos ang kapanahunan? Upang mawakasan ang kapanahunan, dapat dalhin ng Diyos ang pagkastigo at paghatol kasama Niya. Tanging sa ganitong paraan Niya mawawakasan ang kapanahunan. Ang layon ni Jesus ay upang magpatuloy ang tao sa pag-iral, pamumuhay, at upang umiral siya sa mas maayos na paraan. Iniligtas Niya ang tao mula sa kasalanan nang sa gayon ay tumigil ang tao sa paglusong sa kasamaan at hindi na mamuhay pa sa Hades at impiyerno, at sa pagligtas sa tao mula sa Hades at impiyerno, tinulutan Niyang magpatuloy na mabuhay ang tao. Ngayon, ang mga huling araw ay dumating na. Lilipulin ng Diyos ang tao at wawasakin nang lubusan ang lahi ng tao, na nangangahulugang babaguhin Niya ang paghihimagsik ng sangkatauhan. Dahil dito, magiging imposible, sa mahabagin at mapagmahal na disposisyon sa nakaraan, na wakasan ng Diyos ang kapanahunan o maisakatuparan ang Kanyang anim na libong taong plano ng pamamahala. Ang bawat kapanahunan ay nagtatampok ng natatanging pagkatawan sa disposisyon ng Diyos, at ang bawat kapanahunan ay naglalaman ng gawain na dapat isagawa ng Diyos. Kaya, ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo sa bawat kapanahunan ay naglalaman ng pagpapahayag ng Kanyang tunay na disposisyon, at ang Kanyang pangalan at ang isinasagawa Niyang gawain ay parehong nagbabago kasabay ng kapanahunan—ang lahat ng ito ay bago. Sa Kapanahunan ng Kautusan, ang gawain ng paggabay sa sangkatauhan ay isinagawa sa pangalan ni Jehova, at ang unang yugto ng gawain ay sinimulan sa lupa. Ang gawain sa yugtong ito ay ang magtatag ng templo at dambana, at ang gamitin ang kautusan upang gabayan ang mga tao sa Israel at gumawa sa kalagitnaan nila. Sa pamamagitan ng paggabay sa mga tao sa Israel, Siya ay naglunsad ng himpilan para sa Kanyang gawain sa lupa. Mula sa himpilang ito, pinalawak Niya ang Kanyang gawain hanggang sa labas ng Israel, na ibig sabihin, mula sa Israel, pinalawak Niya ang Kanyang gawain palabas, kaya ang mga sumunod na salinlahi ay unti-unting nalaman na si Jehova ang Diyos, at si Jehova ang lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at na si Jehova ang lumikha ng lahat ng nilalang. Ipinalaganap Niya ang Kanyang gawain sa mga tao sa Israel, palabas sa kanila. Ang lupain ng Israel ang unang banal na lugar ng gawain ni Jehova sa lupa, at sa lupain ng Israel unang gumawa sa lupa ang Diyos. Iyon ang gawain sa Kapanahunan ng Kautusan. Noong Kapanahunan ng Biyaya, si Jesus ang Diyos na nagligtas sa tao. Kung anong mayroon ang Diyos at kung ano Siya ay biyaya, pag-ibig, awa, pagtitiis, tiyaga, kababaang-loob, pag-aalaga, at pagpaparaya, at napakarami sa gawaing Kanyang isinagawa ay para sa kapakanan ng pagtubos sa tao. Ang Kanyang disposisyon ay isa ng awa at pagmamahal, at dahil Siya ay maawain at mapagmahal, kinailangan Niyang maipako sa krus para sa tao, nang sa gayon ay maipakita na minahal ng Diyos ang tao gaya ng Kanyang sarili, hanggang sa puntong inialay Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang kabuuan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus, na nangangahulugan na ang Diyos ay ang Diyos na nagliligtas sa tao, at Siya ay isang maawain at mapagmahal na Diyos. Kasama ng tao ang Diyos. Ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang awa, at ang Kanyang pagliligtas ay kapiling ng bawat tao. Ang tao ay nagawa lang magkamit ng kapayapaan at kagalakan, makatanggap ng Kanyang pagpapala, makatanggap ng Kanyang marami at malawak na biyaya, at makatanggap ng Kanyang pagliligtas sa pamamagitan ng pagtanggap sa pangalan ni Jesus at ng Kanyang presensya. Sa pamamagitan ng pagkakapako ni Jesus sa krus, ang lahat ng sumunod sa Kanya ay nakatanggap ng pagliligtas at pinatawad sa kanilang mga kasalanan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ng Diyos ay Jesus. Sa madaling salita, ang gawain ng Kapanahunan ng Biyaya ay isinagawa pangunahin sa pangalan ni Jesus. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang Diyos ay tinawag na Jesus. Gumawa Siya ng yugto ng bagong gawain na higit pa sa Lumang Tipan, at ang Kanyang gawain ay nagtapos sa pagpapapako sa krus. Ito ang kabuuan ng Kanyang gawain. Samakatuwid, sa Kapanahunan ng Kautusan, Jehova ang pangalan ng Diyos, at sa Kapanahunan ng Biyaya, ang pangalan ni Jesus ang kumatawan sa Diyos. Sa mga huling araw, ang Kanyang pangalan ay Makapangyarihang Diyos—ang Makapangyarihan sa lahat, na gumagamit sa Kanyang kapangyarihan upang gabayan ang tao, lupigin ang tao at makamit ang tao, at sa huli, wakasan ang kapanahunan. Sa bawat kapanahunan, sa bawat yugto ng Kanyang gawain, ang disposisyon ng Diyos ay malinaw na makikita.