Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino (Unang Bahagi)
Kung naniniwala ka sa Diyos, kailangang sundin mo ang Diyos, isagawa ang katotohanan, at tuparin ang lahat ng iyong tungkulin. Bukod diyan, kailangan mong maunawaan ang mga bagay na dapat mong maranasan. Kung ang nararanasan mo lamang ay mapakitunguhan, madisiplina, at mahatulan, kung ang kaya mo lamang ay magpakasaya sa Diyos ngunit hindi mo nararamdaman ang pagdidisiplina o pakikitungo sa iyo ng Diyos—hindi ito katanggap-tanggap. Marahil sa pagkakataong ito ng pagpipino, nagagawa mong manindigan, ngunit hindi pa rin ito sapat; kailangan mo pa ring patuloy na sumulong. Ang aral tungkol sa pagmamahal sa Diyos ay hindi tumitigil kailanman at walang katapusan. Ang tingin ng mga tao sa paniniwala sa Diyos ay isang bagay na napakasimple, ngunit sa sandaling makatamo sila ng ilang praktikal na karanasan, napagtatanto nila na ang paniniwala sa Diyos ay hindi kasingsimple ng iniisip ng mga tao. Kapag ang Diyos ay gumagawa upang pinuhin ang tao, nagdurusa ang tao. Kapag mas matindi ang pagpipino sa tao, mas titindi ang kanilang pagmamahal sa Diyos, at nabubunyag ang higit pang kapangyarihan ng Diyos sa kanilang kalooban. Sa kabaligtaran, kapag mas katiting ang tinatanggap na pagpipino ng tao, mas katiting ang paglago ng kanilang pagmamahal sa Diyos, at mas katiting na kapangyarihan ng Diyos ang mabubunyag sa kanilang kalooban. Kapag mas matindi ang pagpipino at pasakit sa taong iyon at dumaranas siya ng mas malaking pahirap, mas lalago ang kanyang pagmamahal sa Diyos, magiging mas tunay ang kanyang pananampalataya sa Diyos, at mas lalalim ang kanyang kaalaman tungkol sa Diyos. Sa iyong mga karanasan, may makikita kang mga tao na nagdurusa nang malaki kapag sila ay pinipino, na pinakikitunguhan at dinidisiplina nang husto, at makikita mo na ang mga taong iyon ang may matinding pagmamahal sa Diyos at mas malalim at matalas na kaalaman tungkol sa Diyos. Yaong mga hindi pa nakaranas na mapakitunguhan ay mababaw lamang ang kaalaman, at ang masasabi lamang ay: “Napakabuti ng Diyos, ipinagkakaloob Niya ang biyaya sa mga tao upang magpakasaya sila sa Kanya.” Kung naranasan ng mga tao na mapakitunguhan at madisiplina, nagagawa nilang talakayin ang tunay na kaalaman tungkol sa Diyos. Kaya kapag mas kamangha-mangha ang gawain ng Diyos sa tao, mas mahalaga at makabuluhan ito. Kapag mas hindi ito tumatagos sa iyo at mas hindi ito kaayon ng iyong mga pagkaintindi, mas nagagawa kang lupigin, kamtin, at gawing perpekto ng gawain ng Diyos. Napakalaki ng kabuluhan ng gawain ng Diyos! Kung hindi pinino ng Diyos ang tao sa ganitong paraan, kung hindi Siya gumawa ayon sa pamamaraang ito, hindi magiging epektibo at mawawalan ng kabuluhan ang gawain ng Diyos. Sinabi noong araw na pipiliin at kakamtin ng Diyos ang grupong ito, at gagawin silang ganap sa mga huling araw; dito, mayroong pambihirang kabuluhan. Kapag mas matindi ang gawaing isinasagawa Niya sa inyong kalooban, mas malalim at mas dalisay ang inyong pagmamahal sa Diyos. Kapag mas matindi ang gawain ng Diyos, mas nagagawa ng tao na maunawaan nang bahagya ang Kanyang karunungan at mas malalim ang kaalaman ng tao tungkol sa Kanya. Sa mga huling araw, ang anim na libong taong plano ng pamamahala ng Diyos ay magwawakas. Talaga bang madali iyong magwawakas? Kapag nalupig na Niya ang sangkatauhan, tapos na ba ang Kanyang gawain? Ganoon ba iyon kasimple? Iniisip ng mga tao na ganoon nga iyon kasimple, ngunit ang ginagawa ng Diyos ay hindi napakasimple. Anumang bahagi ng gawain ng Diyos ang gusto mong banggitin, lahat ay hindi maarok ng tao. Kung nagawa mong arukin ito, mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ng Diyos. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay di-maarok; lubos itong salungat sa iyong mga pagkaintindi, at kapag mas hindi ito kaayon ng iyong mga pagkaintindi, mas ipinakikita nito na makabuluhan ang gawain ng Diyos; kung kaayon ito ng iyong mga pagkaintindi, mawawalan ito ng kabuluhan. Ngayon, nadarama mo na ang gawain ng Diyos ay lubhang kamangha-mangha, at kapag mas kamangha-mangha ito sa pakiramdam mo, mas nadarama mo na ang Diyos ay di-maarok, at nakikita mo kung gaano kadakila ang mga gawa ng Diyos. Kung ang tanging ginawa Niya ay mababaw at padalus-dalos na gawain upang lupigin ang tao at wala na Siyang ibang ginawa pagkatapos, mawawalan ng kakayahan ang tao na mamasdan ang kabuluhan ng gawain ng Diyos. Bagama’t tumatanggap ka ngayon ng kaunting pagpipino, malaki ang pakinabang nito sa iyong paglago sa buhay; kaya’t napakahalagang dumanas ka ng gayong paghihirap. Ngayon, tumatanggap ka ng kaunting pagpipino, ngunit pagkatapos ay tunay mong mamamalas ang mga gawa ng Diyos, at sasabihin mo sa huli: “Lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos!” Ito ang sasambitin ng puso mo. Dahil naranasan nila sandali ang pagpipino ng Diyos (ang pagsubok sa mga tagasilbi at ang panahon ng pagkastigo), sinabi ng ilang tao sa huli: “Mahirap talagang maniwala sa Diyos!” Ang katotohanan na ginamit nila ang mga salitang, “mahirap talaga,” ay nagpapakita na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang gawain ng Diyos ay may dakilang kabuluhan at halaga, at na ang Kanyang gawain ay lubhang karapat-dapat na pahalagahan ng tao. Kung, pagkatapos Kong gumawa ng napakaraming gawain, wala ka ni katiting na kaalaman, magkakaroon pa ba ng halaga ang Aking gawain? Sasabihin mo dahil dito na: “Mahirap talagang maglingkod sa Diyos, lubhang kamangha-mangha ang mga gawa ng Diyos, at talagang matalino ang Diyos! Ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig!” Kung, matapos sumailalim sa isang panahon ng karanasan, nagagawa mong sabihin ang mga salitang iyon, pinatutunayan nito na natamo mo na ang gawain ng Diyos sa iyong kalooban. Balang araw, habang ipinalalaganap mo ang ebanghelyo sa ibang bansa at may nagtanong sa iyo: “Kumusta ang pananampalataya mo sa Diyos?” masasabi mong: “Ang mga kilos ng Diyos ay lubhang kagila-gilalas!” Madarama niya na ang iyong mga salita ay nagkukuwento ng mga tunay na karanasan. Ito ang tunay na pagpapatotoo. Sasabihin mo na puno ng karunungan ang gawain ng Diyos, at ang Kanyang gawain sa iyo ay totoong nakakumbinsi sa iyo at nakalupig sa puso mo. Palagi mo Siyang mamahalin dahil higit pa Siya sa karapat-dapat sa pagmamahal ng sangkatauhan! Kung masasabi mo ang mga bagay na ito, maaantig mo ang puso ng mga tao. Lahat ng ito ay pagpapatotoo. Kung nagagawa mong magbigay ng matunog na patotoo, na paluhain ang mga tao, ipinakikita nito na talagang isa kang taong nagmamahal sa Diyos, sapagkat nagagawa mong patotohanan na mahal mo ang Diyos, at sa pamamagitan mo, mapapatotohanan ang mga kilos ng Diyos. Sa iyong patotoo, nahihikayat ang iba na hangarin ang gawain ng Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, at sa anumang sitwasyong nararanasan nila, magagawa nilang manindigan. Ito lamang ang tunay na paraan ng pagpapatotoo, at ito mismo ang ipinagagawa sa iyo ngayon. Dapat mong makita na lubhang mahalaga ang gawain ng Diyos at karapat-dapat itong pahalagahan ng mga tao, na ang Diyos ay lubhang katangi-tangi at sagana; hindi lamang Siya nakapagsasalita, kundi nahahatulan din Niya ang mga tao, napipino ang kanilang puso, nadudulutan sila ng kagalakan, nakakamit sila, nalulupig sila, at nagagawa silang perpekto. Mula sa iyong karanasan makikita mo na ang Diyos ay lubhang kaibig-ibig. Kaya gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? Masasabi mo ba talaga ang mga bagay na ito nang taos-puso? Kapag nagagawa mong ipahayag ang mga salitang ito mula sa kaibuturan ng iyong puso, magagawa mong magpatotoo. Kapag nakaabot na sa antas na ito ang iyong karanasan makakaya mong maging isang saksi para sa Diyos, at magiging karapat-dapat ka. Kung hindi ka umaabot sa antas na ito sa iyong karanasan, napakalayo mo pa rin. Normal para sa mga tao na magpakita ng mga kahinaan sa proseso ng pagpipino, ngunit pagkatapos ng pagpipino dapat mong masabi na: “Napakatalino ng Diyos sa Kanyang gawain!” Kung tunay na nagagawa mong magtamo ng praktikal na pagkaunawa sa mga salitang ito, ito ay magiging katangi-tangi sa iyo, at ang iyong karanasan ay magkakaroon ng halaga.
Ano ang dapat mong hangarin ngayon? Kaya mo mang magpatotoo para sa gawain ng Diyos o hindi, nagagawa mo mang maging isang patotoo at isang pagpapakita ng Diyos o hindi, at angkop ka mang kasangkapanin Niya o hindi—ito ang mga bagay na dapat mong hangarin. Gaano karaming gawain ba ang talagang nagawa sa iyo ng Diyos? Gaano karami ba ang iyong nakita, gaano karami ang iyong nahawakan? Gaano karami ang iyong naranasan, at natikman? Nasubok ka man, napakitunguhan, o nadisiplina ng Diyos, naisagawa sa iyo ang Kanyang mga kilos at gawain. Ngunit bilang isang mananampalataya sa Diyos at bilang isang taong handang hangarin na magawa Niyang perpekto, nagagawa mo bang magpatotoo para sa gawain ng Diyos batay sa iyong praktikal na karanasan? Maisasabuhay mo ba ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng iyong praktikal na karanasan? Nagagawa mo bang maglaan para sa iba sa pamamagitan ng iyong sariling praktikal na karanasan, at gugulin ang iyong buong buhay sa pagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Para makapagpatotoo sa gawain ng Diyos, kailangan mong umasa sa iyong karanasan, kaalaman, at sakripisyong nagawa. Saka mo lamang mapapalugod ang Kanyang kalooban. Ikaw ba ay isang taong nagpapatotoo sa gawain ng Diyos? Mayroon ka bang ganitong hangarin? Kung nagagawa mong magpatotoo sa Kanyang pangalan, at higit pa, sa Kanyang gawain, at kung naisasabuhay mo ang larawang kinakailangan Niya sa Kanyang mga tao, isa kang saksi para sa Diyos. Paano ka ba talaga nagpapatotoo sa Diyos? Ginagawa mo ito sa pamamagitan ng paghahangad at pananabik na isabuhay ang salita ng Diyos, at, sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng iyong mga salita, pagtutulot sa mga tao na malaman ang Kanyang gawain at makita ang Kanyang mga kilos. Kung tunay mong hinahangad ang lahat ng ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung ang tanging hangad mo ay magawang perpekto ng Diyos at mapagpala sa pinakahuli, hindi dalisay ang pananaw ng iyong pananampalataya sa Diyos. Dapat mong hangarin kung paano makita ang mga gawa ng Diyos sa tunay na buhay, kung paano Siya mapapalugod kapag ibinubunyag Niya sa iyo ang Kanyang kalooban, at hangarin kung paano ka dapat magpatotoo tungkol sa Kanyang pagiging kamangha-mangha at karunungan, at kung paano magpatotoo kung paano ka Niya dinidisiplina at pinakikitunguhan. Lahat ng ito ay mga bagay na dapat mong pinagninilayan ngayon. Kung ang pagmamahal mo sa Diyos ay para lamang makabahagi ka sa kaluwalhatian ng Diyos matapos ka Niyang gawing perpekto, hindi pa rin ito sapat at hindi makakatugon sa mga kinakailangan ng Diyos. Kailangan mong magawang magpatotoo tungkol sa gawain ng Diyos, mabigyang-kasiyahan ang Kanyang mga hinihiling, at maranasan ang gawaing Kanyang nagawa sa mga tao sa praktikal na paraan. Pasakit man, mga luha, o kalungkutan, kailangan mong maranasan ang lahat ng ito sa iyong pagsasagawa. Layon nitong gawin kang perpekto bilang isang taong nagpapatotoo para sa Diyos. Ano nga ba, talaga, ang pumipilit sa iyo ngayon na magdusa at maghangad na magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang pagdurusa ay alang-alang talaga sa pagmamahal sa Diyos at pagpapatotoo para sa Kanya? O alang-alang sa mga pagpapala ng laman, para sa iyong mga inaasam sa hinaharap at kapalaran? Lahat ng layunin, pangganyak, at mithiing hinahangad mong matamo ay kailangang maituwid at hindi maaaring gabayan ng iyong sariling kalooban. Kung hinahangad ng isang tao na magawang perpekto upang tumanggap ng mga pagpapala at maghari nang may kapangyarihan, samantalang hinahangad ng isa pang tao na magawang perpekto upang mapalugod ang Diyos, upang magbigay ng praktikal na patotoo sa gawain ng Diyos, alin sa dalawang paraang ito ng paghahangad ang pipiliin mo? Kung pipiliin mo ang una, napakalayo mo pa rin sa mga pamantayan ng Diyos. Sinabi Kong minsan na mahahayag sa buong sansinukob ang Aking mga kilos at na Ako ay mamamahala bilang Hari sa sansinukob. Sa kabilang dako, ang naipagkatiwala sa inyo ay ang lumabas upang magpatotoo sa gawain ng Diyos, hindi upang maging mga hari at magpakita sa buong sansinukob. Hayaang punuin ng mga gawa ng Diyos ang buong kosmos at kalangitan. Hayaang makita at kilalanin ng lahat ang mga ito. Binabanggit ang mga salitang ito patungkol sa Diyos Mismo, at ang dapat gawin ng mga tao ay ang magpatotoo para sa Diyos. Gaano karami na ngayon ang alam mo tungkol sa Diyos? Gaano karami na ang mapapatotohanan mo tungkol sa Diyos? Ano ang layunin ng Diyos sa pagpeperpekto sa tao? Kapag naunawaan mo na ang kalooban ng Diyos, paano ka dapat magpakita ng konsiderasyon sa Kanyang kalooban? Kung handa kang magawang perpekto at magpatotoo sa gawain ng Diyos sa pamamagitan ng iyong isinasabuhay, kung ito ang nag-uudyok sa iyo, walang napakahirap gawin. Ang kailangan ng mga tao ngayon ay pananampalataya. Kung ito ang nag-uudyok sa iyo, madaling pakawalan ang anumang pagkanegatibo, pagkabalintiyak, katamaran at mga pagkaintindi ng laman, mga pilosopiya sa buhay, masuwaying disposisyon, mga emosyon, at iba pa.
Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang kalooban ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. Bagama’t mahina si Job at isinumpa ang araw ng kanyang sariling pagsilang, hindi niya itinanggi na lahat ng bagay sa buhay ng tao ay ipinagkaloob ni Jehova, at na si Jehova rin ang Siyang babawi sa lahat ng ito. Paano man siya sinubok, pinanatili niya ang pananampalatayang ito. Sa iyong karanasan, anumang pagpipino ang pinagdaraanan mo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, ang hinihiling ng Diyos sa sangkatauhan, sa madaling salita, ay ang kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Kanya. Ang Kanyang ginagawang perpekto sa pamamagitan ng paggawa sa ganitong paraan ay ang pananampalataya, pagmamahal, at mga hangarin ng mga tao. Ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagpeperpekto sa mga tao, at hindi nila ito nakikita, hindi ito nadarama; sa gayong mga sitwasyon, kinakailangan ang iyong pananampalataya. Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga pagkaintindi. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at tumayong saksi. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pagsampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung wala kang pananampalataya, hindi Niya ito magagawa. Ipagkakaloob sa iyo ng Diyos ang anumang inaasam mong makamtan. Kung wala kang pananampalataya, hindi ka magagawang perpekto at hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos, lalo na ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat. Kapag nananampalataya kang makikita mo ang Kanyang mga kilos sa iyong praktikal na karanasan, magpapakita sa iyo ang Diyos, at liliwanagan at gagabayan ka Niya sa iyong kalooban. Kung wala ang pananampalatayang iyon, hindi iyan magagawa ng Diyos. Kung nawala na ang pag-asa mo sa Diyos, paano mo mararanasan ang Kanyang gawain? Kung gayon, kapag lamang mayroon kang pananampalataya at hindi ka nagkikimkim ng mga pagdududa sa Diyos, kapag lamang mayroon kang tunay na pananampalataya sa Kanya anuman ang gawin Niya, saka ka Niya liliwanagan at tatanglawan sa iyong mga karanasan, at saka mo pa lamang makikita ang Kanyang mga kilos. Nakakamtan ang lahat ng ito sa pamamagitan ng pananampalataya. Nakakamtan lamang ang pananampalataya sa pamamagitan ng pagpipino, at kapag walang pagpipino, hindi magkakaroon ng pananampalataya. Ano ang tinutukoy ng salitang “pananampalataya”? Ang pananampalataya ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga pagkaintindi ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananampalatayang binabanggit Ko. Kailangang manampalataya ang mga tao sa mga panahon ng paghihirap at pagpipino, at ang pananampalataya ay isang bagay na sinusundan ng pagpipino; hindi mapaghihiwalay ang pagpipino at pananampalataya. Paano man gumawa ang Diyos, at anuman ang iyong sitwasyon, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, at hangaring makaalam tungkol sa gawain ng Diyos, at magkaroon ng pag-unawa sa Kanyang mga kilos, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ang paggawa nito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, at ang paggawa nito ay nagpapakita na hindi ka nawalan ng pananampalataya sa Diyos. Magkakaroon ka lamang ng tunay na pananampalataya sa Diyos kung nagagawa mong piliting hangarin ang katotohanan sa pamamagitan ng pagpipino, kung nagagawa mong tunay na mahalin ang Diyos at hindi ka nagkakaroon ng mga pagdududa tungkol sa Kanya, kung isinasagawa mo pa rin ang katotohanan anuman ang gawin Niya upang mapalugod Siya, at kung nagagawa mong hangarin nang taos-puso ang Kanyang kalooban at isaalang-alang ang Kanyang kalooban. Noong araw, nang sinabi ng Diyos na mamumuno ka bilang isang hari, minahal mo Siya, at nang hayagan Siyang magpakita sa iyo, sinundan mo Siya. Ngunit ngayon nakatago ang Diyos, hindi mo Siya nakikita, at nagkaroon ka ng mga problema—nawawalan ka na ba ng pag-asa sa Diyos? Kaya nga, kailangan mong hangarin ang buhay at hangaring mapalugod ang kalooban ng Diyos sa lahat ng oras. Ang tawag dito ay tunay na pananampalataya, at ito ang pinakatunay at pinakamagandang uri ng pagmamahal.
Noong araw, lahat ng tao ay humaharap sa Diyos para gawin ang kanilang mga pagpapasya, at sinasabing: “Kahit wala nang ibang nagmamahal sa Diyos, kailangan ko Siyang mahalin.” Ngunit ngayon, sumasapit sa iyo ang pagpipino, at dahil hindi ito nakaayon sa iyong mga pagkaintindi, nawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos. Tunay na pagmamahal ba ito? Nabasa mo na nang maraming beses ang mga gawa ni Job—nalimutan mo na ba ang mga iyon? Ang tunay na pagmamahal ay nabubuo lamang kapag may pananampalataya. Nagkakaroon ka ng tunay na pagmamahal para sa Diyos sa pamamagitan ng mga pagpipinong pinagdaraanan mo, at sa pamamagitan ng iyong pananampalataya ay nagagawa mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos sa iyong mga praktikal na karanasan, at sa pamamagitan din ng pananampalataya ay tinatalikdan mo ang iyong sariling laman at hinahangad mo ang buhay; ito ang dapat gawin ng mga tao. Kung gagawin mo ito, makikita mo ang mga kilos ng Diyos, ngunit kung wala kang pananampalataya, hindi mo makikita ang mga kilos ng Diyos o mararanasan ang Kanyang gawain. Kung gusto mong kasangkapanin ka at magawang perpekto ng Diyos, kailangan mong taglayin ang lahat: ang kahandaang magdusa, pananampalataya, pagtitiis, pagsunod, at kakayahang maranasan ang gawain ng Diyos, maunawaan ang Kanyang kalooban, maisaalang-alang ang Kanyang pighati, at iba pa. Hindi madaling gawing perpekto ang isang tao, at bawat isang pagpipinong nararanasan mo ay nangangailangan ng iyong pananampalataya at pagmamahal. Kung gusto mong magawang perpekto ng Diyos, hindi sapat ang magmadali lamang sa landas, ni sapat ang gugulin lamang ang iyong sarili para sa Diyos. Kailangan kang magtaglay ng maraming bagay upang maging isang tao na ginagawang perpekto ng Diyos. Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa anumang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang talikdan ang laman. Dapat ay handa kang magtiis ng personal na mga paghihirap at magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang mapalugod ang kalooban ng Diyos. Kailangan mo ring magkaroon ng kakayahang taos na magsisi tungkol sa iyong sarili: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga pangangailangang ito, hindi ka magagawang perpekto.