Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula: Kabanata 103
Isang makulog na tinig ang lumalabas, niyayanig ang buong sansinukob, binibingi ang mga tao, ginagawa silang huli na para umalis sa daan, at ang ilan ay napapatay, ang ilan ay winawasak, at ang ilan ay hinahatulan. Ito ay talagang isang tanawin na hindi pa nakita ng sinuman noong una. Makinig na mabuti, ang mga pagputok ng kulog ay may kasamang mga tunog ng pagtangis, at ang tunog na ito ay nagmumula sa Hades, ang tunog na ito ay nagmumula sa impiyerno. Ito ang mapait na daing ng mga anak ng paghihimagsik na nahatulan Ko na. Yaong mga hindi nakikinig ng Aking sinasabi at hindi isinasagawa ang Aking mga salita ay mahigpit na hinahatulan at tumatanggap ng sumpa ng Aking poot. Ang Aking tinig ay paghatol at poot, at hindi Ko niluluwagan at pinapakitaan ng habag ang sinuman, sapagka’t Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at Ako ay napopoot; Ako ay nagsusunog, Ako ay naglilinis, at Ako ay nagwawasak. Sa Akin ay walang natatago, walang emosyonal, bagkus lahat ay bukas, matuwid, at walang kinikilingan. Dahil ang Aking mga panganay na anak ay kasama Ko na sa trono, namumuno sa lahat ng bansa at lahat ng bayan, yaong di-makatarungan at di-matuwid na mga bagay at mga tao ay nagsisimulang mahatulan. Sisiyasatin Ko sila nang isa-isa, walang nalilisan, ibinubunyag sila nang ganap. Sapagka’t ang Aking paghatol ay lubusan nang nabunyag at lubusan nang bukas, at walang anumang natitira na kahit kailan; itatapon Ko sa labas ang anupamang hindi nakaayon sa Aking kalooban at hahayaan itong mapahamak nang walang-hanggan sa walang-hanggang kalaliman; hahayaan Ko itong masunog nang walang-hanggan sa walang-hanggang kalaliman. Ito ang Aking pagkamakatuwiran; ito ang Aking pagiging matuwid. Walang sinumang makapagbabago nito, at ito ay dapat na nasa Aking pag-uutos.
Binabalewala ng karamihan sa mga tao ang Aking mga salita at iniisip na ang mga salita ay salita lamang at ang mga katunayan ay mga katunayan. Sila ay bulag! Hindi ba nila alam na Ako ang tapat na Diyos Mismo? Ang Aking mga salita at mga katunayan ay nagaganap nang sabay—hindi ba ito talagang totoo? Hindi talaga nauunawaan ng mga tao ang Aking mga salita, at yaon lamang mga nililiwanagan ang tunay na makakaunawa—ito ay isang katunayan. Sa sandaling nakikita ng mga tao ang Aking mga salita takot na takot sila, nagtatago kung saan-saan, bukod pa ang kung kailan babagsak ang Aking paghatol. Nang Aking nilikha ang lahat ng bagay, kapag Aking winasak ang mundo, at kapag ginawa Kong ganap ang mga panganay na anak, lahat ng bagay na ito ay natutupad sa pamamagitan ng isang salita mula sa Aking bibig, sapagka’t ang Aking salita mismo ay ang awtoridad, ang paghatol. Maaaring masabi na Ako Mismo ang paghatol, ang kamahalan, at walang sinumang makakapagbago nito. Ito ay isang panig ng Aking mga atas administratibo; isang paraan para Aking hatulan ang mga tao. Sa Aking mga mata, lahat ng tao, lahat ng pangyayari, at lahat ng bagay—walang-pasubaling lahat—ay nasa Aking mga kamay at nasa ilalim ng Aking paghatol, walang sinuman at walang anuman ang nangangahas na mag-asal nang magaspang at walang pagpapasakop, at lahat ay dapat na matupad nang naaayon sa mga salita ng Aking bibig. Sa pantaong pagkaintindi bawat isa ay naniniwala sa Aking mga salita. Kapag ang Aking Espiritu ay nagsasatinig, ang mga tao ay nagdududa. Hindi nila nalalaman kahit kailan ang Aking pagka-makapangyarihan sa lahat, at gumagawa sila ng mga pagbibintang laban sa Akin. Sinasabi Ko sa iyo! Sinupaman ang nag-aalinlangan sa Aking mga salita, sinupamang humahamak sa Aking mga salita, ang mga ito ang siyang wawasakin, sila ang mga walang-hanggang anak ng kapahamakan. Mula rito ay makikita na napakakaunti lamang yaong mga panganay na anak, dahil ito ang Aking paraan ng paggawa. Gaya ng sinabi Ko, hindi Ko iginagalaw ang isa mang daliri, bagkus ginagamit Ko lamang ang Aking mga salita upang tuparin ang lahat ng bagay. Dito, kung gayon, naroroon ang Aking pagka-makapangyarihan sa lahat. Sa Aking mga salita walang sinuman ang makakakita sa pinagmumulan at sa layunin ng Aking pananalita. Hindi ito makakamit ng mga tao, at maaari lamang silang kumilos ayon sa Aking pangunguna, at maaari lamang gawin ang lahat ng bagay nang tugma sa Aking kalooban ayon sa Aking pagkamakatuwiran, upang ang Aking pamilya ay magkaroon ng pagkamakatuwiran at kapayapaan, nabubuhay magpakailanman, magpakailanmang matibay at di-natitinag.
Ang paghatol Ko’y dumarating sa bawat isa, ang Aking mga atas administratibo ay humihipo sa bawat isa, at ang Aking mga salita at Aking persona ay ibinubunyag sa bawat isa. Ito ang panahon para sa dakilang gawain ng Aking Espiritu (sa panahong ito yaong mga pagpapalain at yaong magdurusa ng kasawiampalad ay pinag-iiba). Sa sandaling ang Aking mga salita ay lumabas, napag-iba Ko na yaong mga pagpapalain at yaong mga magdurusa ng kasawiampalad. Itong lahat ay maliwanag na parang kristal at makikita Ko ito sa isang sulyap. (Sinasalita ito kaugnay sa Aking pagkatao, kaya hindi nito sinasalungat ang Aking paunang-pagtatalaga at pagpili.) Gumagala Ako sa mga kabundukan at mga ilog at sa lahat ng bagay, sa kalawakan ng sansinukob, pinagmamasdan ang bawat lugar at nililinis ang bawat lugar, nang sa gayon yaong mga maruruming lugar at yaong mga malalaswang lupain ay hindi na iiral na lahat at masusunog tungo sa kawalan dahil sa Aking mga salita. Para sa Akin, lahat ng bagay ay madali. Kung ngayon ang sandali na Aking paunang itinalaga na mawasak ang mundo, maaari Ko itong lulunin sa isang salita, nguni’t ngayon ay hindi ang sandali. Lahat ay dapat maging handa bago Ko gagawin ang gawaing ito, upang sa gayon ay hindi magambala ang Aking plano at gambalain ang Aking pamamahala. Alam Ko kung paano gawin ito nang makatwiran: mayroon Ako ng Aking karunungan at mayroon Ako ng sarili Kong pagsasaayos. Hindi dapat gumalaw ang mga tao kahit isang daliri—maging maingat na hindi mapatay sa Aking kamay; hinihipo na nito ang Aking mga atas administratibo. Mula rito ay makikita ang kabagsikan ng Aking mga atas administratibo, at makikita ang mga prinsipyo ng Aking mga atas administratibo, na kinapapalooban ng dalawang aspeto: Sa isang banda pinapatay Ko ang lahat ng hindi nakaayon sa Aking kalooban at nagkakasala sa Aking mga atas administratibo; sa kabilang banda, sa Aking poot isinusumpa Ko ang lahat ng nagkakasala sa Aking mga atas administratibo. Ang dalawang aspetong ito ay kailangang-kailangan at ito ang mga prinsipyo sa pamamalakad ng Aking mga atas administratibo. Bawat isa ay hinahawakan ayon sa dalawang prinsipyong ito, nang walang emosyon, kahit na gaano pa katapat ang mga tao. Ito ay sapat upang ipakita ang Aking pagkamakatuwiran at sapat upang ipakita ang Aking kamahalan at ang Aking poot, na susunog ng lahat ng makalupang bagay, lahat ng makamundong bagay, at lahat ng bagay na hindi nakaayon sa Aking kalooban. Sa Aking mga salita mayroong natatagong mga hiwaga, at sa Aking mga salita mayroon ding nabubunyag na mga hiwaga, kaya sa pantaong pagkaintindi, sa pantaong isipan, ang Aking mga salita ay magpakailanmang di-maunawaan at ang Aking puso ay magpakailanmang di-maarok. Sa madaling salita, dapat Kong alisin sa mga tao ang kanilang pagkaintindi at iniisip. Ito ang pinakamahalagang paksa ng Aking planong pamamahala. Kailangang gawin Ko ito sa ganitong paraan upang matamo ang Aking mga panganay na anak at upang matupad ang mga bagay na gusto Kong gawin.
Ang mga sakuna sa mundo ay tumitindi sa bawat araw, at sa Aking tahanan, ang mga malalang sakuna ay patindi nang patindi. Ang mga tao ay tunay na walang mapagtataguan, wala nang lugar na maikukubli nila ang kanilang mga sarili. Dahil ang pagpapalit ay nagaganap na ngayon, hindi alam ng mga tao kung saan sila susunod na hahakbang. Magiging hayag lamang ito pagkatapos ng Aking paghatol. Tandaan! Ito ang mga hakbang sa Aking gawain, at ito ang paraan ng Aking paggawa. Para sa lahat ng Aking mga panganay na anak , aaliwin Ko silang isa-isa, itataas Ko sila nang paisa-isang hakbang; para naman sa mga tagapagsilbi, aalisin at tatalikuran Ko silang isa-isa. Ito ay isang bahagi ng Aking plano ng pamamahala. Pagkatapos na ang lahat ng tagapagsilbi ay naibunyag na, ang Aking mga panganay na anak ay ibubunyag din. (Para sa Akin, ito ay napakadali. Pagkatapos nilang marinig ang Aking mga salita, ang lahat ng tagapagsilbi ay unti-unting uurong sa harap ng paghatol at banta ng Aking mga salita, at tanging ang Aking mga panganay na anak ang matitira. Ito ay hindi isang bagay na kusang-loob at hindi rin ito mababago ng kalooban ng tao; bagkus, ito ay ang Aking Espiritu na personal na gumagawa.) Ito ay hindi isang malayong pangyayari, at kahit papaano ay dapat ninyong mahiwatigan ito mula sa loob ng yugtong ito ng Aking gawain at ng Aking mga salita. Kung bakit Ako magsasalita nang ganoon karami at ang pagiging di-mahuhulaan ng Aking mga pagpapahayag ay hindi mawari ng mga tao. Nagsasalita Ako sa Aking mga panganay na anak sa tono ng pang-aaliw, pagkahabag, at pag-ibig (dahil palagi Kong nililiwanagan ang mga taong ito at hindi Ko sila iiwan, dahil itinalaga Ko sila), habang isinasailalim Ko ang mga tao bukod sa Aking mga panganay na anak sa matinding paghatol, sa mga banta, at sa pananakot, na ginagawa silang laging takot hanggang sa puntong lagi silang kinakabahan. Kapag umabot na ang sitwasyon sa isang punto, tatakas sila mula sa kalagayang ito (kapag Aking winasak ang mundo, ang mga taong ito ay mapupunta sa walang-hanggang kalaliman), ngunit hindi nila kailanman matatakasan ang Aking kamay ng paghatol, at hindi sila kailanman makalalaya sa sitwasyong ito. Ito, kung gayon, ang paghatol sa kanila; ito ang pagkastigo sa kanila. Sa araw na dumating ang mga banyaga, ibubunyag Ko ang mga taong ito nang isa-isa. Ito ang mga hakbang sa Aking gawain. Ngayon, nauunawaan na ba ninyo ang layunin sa likod ng nakaraang mga pagbigkas Ko ng mga salitang iyon? Sa Aking palagay, ang isang bagay na hindi natupad ay isa ring bagay na natupad na, ngunit ang isang bagay na natupad na ay hindi nangangahulugang isang bagay na nakamit na. Ito’y dahil mayroon Ako ng Aking karunungan, at mayroon Ako ng Aking paraan ng paggawa, na talagang di-malilirip ng mga tao. Kapag nagkamit na Ako ng mga resulta sa hakbang na ito (kapag Akin nang naibunyag silang lahat na masasamang lumalaban sa Akin), sisimulan Ko naman ang susunod na hakbang, dahil ang Aking kalooban ay hindi napipigilan at walang sinumang nangangahas na hadlangan ang Aking plano ng pamamahala at walang bagay na nangangahas na maglagay ng mga balakid—dapat silang umalis sa daan! Mga anak ng malaking pulang dragon, pakinggan ninyo Ako! Nagmula Ako sa Sion at nagkatawang-tao sa mundo upang makamit ang Aking mga panganay na anak, para hiyain ang inyong ama (ang mga salitang ito ay nakatuon sa mga inapo ng malaking pulang dragon), para tulungan ang Aking mga panganay na anak, at itama ang mga maling nagawa sa Aking mga panganay na anak. Kaya huwag na kayong maging mabagsik na muli; hahayaan Ko ang Aking mga panganay na anak na iayos kayo. Sa nakalipas, ang Aking mga anak ay tinakot at inapi, at yamang ang Ama ay humahawak ng kapangyarihan para sa mga anak, ang Aking mga anak ay magbabalik sa Aking mapagmahal na yakap, para hindi na muling matakot at maapi. Hindi Ako di-matuwid; ipinakikita nito ang Aking katuwiran, at ito ay tunay na “pagmamahal sa Aking minamahal at pagkamuhi sa Aking kinamumuhian.” Kung sinasabi ninyo na Ako ay di-matuwid, dapat kayong magmadaling umalis. Huwag kayong maging walang-kahihiyan at manghuthot sa Aking tahanan. Dapat kang magmadaling umuwi sa iyong tahanan para hindi Ko na kailangang makita ka. Ang walang-hanggang kalaliman ang inyong hantungan at doon kayo mananatili. Kung kayo ay nasa Aking tahanan, walang magiging lugar para sa inyo, dahil kayo ay mga hayop na pantrabaho; kayo ang mga kasangkapang Aking ginagamit. Kapag hindi Ko na kayo magagamit, itatapon Ko kayo sa apoy upang sunugin kayo. Ito ang Aking mga atas administratibo; kailangang gawin Ko ito sa paraang ito, at ito lamang ang nagpapakita kung paano Ako gumagawa at naghahayag ng Aking katuwiran at Aking kamahalan. Higit na mahalaga, ito lamang ang paraan na magpapahintulot sa Aking mga panganay na anak na magharing kasama Ko sa kapangyarihan.