Mga Salita sa Paglilingkod sa Diyos (Sipi 71)

Gusto ninyong lahat na magsikap tungo sa katotohanan. Dati, gumugol kayo ng ilang pagsisikap noong piniga ninyo ang iba’t ibang aspekto ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Nagkamit ng kaunti ang ilang tao mula rito, habang ang iba naman ay gusto lamang na sumunod sa mga regulasyon at sila ay nalihis. Bilang resulta, ginawa nilang regulasyong dapat sundin ang bawat aspekto ng katotohanan. Kapag ganito ninyo pinipiga ang katotohanan, hindi ninyo tinutulungan ang iba na magkamit ng buhay o mabago ang kanilang disposisyon mula sa loob ng katotohanan; sa halip ay ginagawa ninyo silang mga dalubhasa ng ilang kaalaman o doktrinang mula sa loob ng katotohanan. Para bang nauunawaan nila ang layunin ng gawain ng Diyos, pero ang totoo, ilang doktrina at salita lamang ang pinagkadalubhasaan nila; hindi nila nauunawaan ang kahulugan na nakapaloob sa katotohanan. Tulad lang ito ng pag-aaral ng teolohiya o ng Bibliya; matapos magbuod ng ilang piraso ng biblikal na kaalaman at ilang teolohikong teorya, ilang biblikal na kaalaman at mga teorya lamang ang nakamit ng mga tao. Pinakadalubhasa sila sa pagsasabi ng mga salita at doktrinang iyon, pero wala silang tunay na karanasan. Wala silang pagkaunawa sa kanilang tiwaling disposisyon at lalong wala silang pagkaunawa sa gawain ng Diyos. Sa huli, ilang doktrina at piraso ng kaalaman lamang ang nakamit ng mga taong ito; pawang regulasyon lamang ito. Wala silang nakamit na anumang praktikal. Kung magsasagawa ng bagong gawain ang Diyos, may kakayahan ba ang mga taong ito na tanggapin ito at magpasakop dito? Kaya mo ba itong itumbas sa mga katotohanang iyong napiga? Kung kaya mo at may ilan kang pagkaunawa, kung gayon, ang mga bagay na napiga mo ay may pagkapraktikal naman. Kung hindi mo kaya, ang mga bagay na iyong napiga ay mga regulasyon lamang at walang halaga. Kung gayon, angkop ba ang pagpipiga ng katotohanan sa ganitong paraan? Matutulungan ba nito ang mga tao na maunawaan ang katotohanan? Kung wala itong epekto, walang saysay na gawin ito kung gayon. Panghihikayat lang ito sa mga tao na pag-aralan ang teolohiya. Hindi nito ipinararanas sa kanila ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit kailangang magkaroon ng mga prinsipyo ang sambahayan ng Diyos kapag nagwawasto ito ng mga libro. Dapat matulungan ng mga ito ang mga tao na madaling maunawaan ang katotohanan, magkaroon ng landas sa pagpasok, at magkaroon ng kaliwanagan sa kanilang puso. Ginagawa nitong madali ang pagpasok sa katotohanang realidad. Hindi ka pwedeng matulad sa mga nasa relihiyon na pinag-aaralan ang biblikal at teolohikong kaalaman sa isang sistematikong paraan. Aakayin lang nito ang mga tao tungo sa biblikal na kaalaman, mga relihiyosong ritwal, at regulasyon, at malilimitahan lamang sila ng mga ito. Wala itong kakayahan na dalhin ang mga tao sa harap ng Diyos para maunawaan ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos. Iniisip mo na sa sunod-sunod na pagtatanong at pagsagot sa kanila, o sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga pangunahing punto at pagkatapos ay pagbubuod at pagpipiga sa katotohanan sa ilang pangungusap, magiging malinaw ang mga isyung ito, at magiging madali na para sa iyong mga kapatid na maunawaan. Iniisip mo na isa itong mahusay na diskarte. Gayunpaman, kapag tapos na itong basahin ng mga tao, hindi nila mauunawaan ang kahulugan na nakapaloob sa katotohanan; hinding-hindi nila ito maitutumbas sa realidad. Naging dalubhasa lamang sila sa ilang salita at doktrina. Iyon ang dahilan kung bakit mas mabuting hindi gawin ang mga bagay na ito kaysa gawin ang mga ito! Ang paggawa ng mga bagay na ito ay isang paraan para akayin ang mga tao na maunawaan ang kaalaman at maging dalubhasa rito. Inaakay mo ang mga tao sa doktrina at relihiyon, at hinihimok silang maniwala at sumunod sa Diyos sa konteksto ng relihiyosong doktrina. Hindi ba’t ito ang landas na ipinatahak ni Pablo sa mga tao sa kanilang paniniwala sa Diyos? Iniisip ninyo na napakahalagang maunawaan ang espirituwal na doktrina, pero hindi mahalaga na malaman ang mga salita ng Diyos. Isa itong malaking pagkakamali. Maraming tao ang nakatuon sa kung gaano karaming salita ng Diyos ang kaya nilang kabisaduhin, gaano karaming doktrina ang kaya nilang talakayin, at gaano karaming espirituwal na pamamaraan ang kaya nilang tuklasin. Ito ang dahilan kung bakit palagi ninyong gustong sistematikong pigain ang bawat aspekto ng katotohanan nang sa gayon ay iisa lang ang sabay-sabay na sinasabi ng lahat, binibigkas ang parehong mga doktrina, tinataglay ang parehong kaalaman, at sumusunod sa parehong mga regulasyon. Ito ang inyong layon. Tila ginagawa ninyo ito para tulungan ang mga taong mas maunawaan ang katotohanan, pero hindi ninyo alam na inaakay ninyo ang mga tao papunta sa mga doktrinal na regulasyon ng mga salita ng Diyos, at na mas lalo lang silang mapapalayo sa katotohanang realidad ng mga salita ng Diyos. Upang tunay na matulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan, dapat ninyong isama sa pagbabasa ng salita ng Diyos ang realidad at ang mga tiwaling kalagayan ng mga tao. Dapat ninyong pagnilayan at unawain ang mga problema sa inyong mga sarili, at pagnilayan ang mga tiwaling disposisyon na inyong ibinubunyag. Pagkatapos ay dapat ninyong ayusin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng paghahanap ng katotohanan sa mga salita ng Diyos. Ito ang tanging paraan upang malutas ang mga tunay na problema ng tao at himukin silang maunawaan ang katotohanan at pumasok sa realidad. Sa pamamagitan lamang ng paggawa ng ganitong resulta kayo tunay na nagdadala ng mga tao sa harap ng Diyos. Kung ang tinatalakay mo lamang ay puro espirituwal na teorya, doktrina, at mga regulasyon; kung ang tanging bagay na iyong pinagtutuunan ng pansin ay ang paniniguro na may mabuting pag-uugali ang mga tao; kung ang tanging nakakamit mo ay pagsalitain ang mga tao nang pare-pareho at pasunurin sila sa mga parehong regulasyon, pero hindi mo sila nagagawang akayin na maunawaan ang katotohanan, lalong hindi mo mas naipapaunawa sa kanila ang kanilang mga sarili nang sa gayon ay makapagsisi sila at magbago, kung gayon, puro mga salita at doktrina lamang ang iyong nauunawaan, at walang-wala kang anumang katotohanang realidad. Sa huli, sa pamamagitan ng paniniwala sa Diyos sa ganitong paraan, bukod sa hindi mo makakamit ang katotohanan, mahahadlangan at maipapatalo mo rin ang iyong sarili—wala kang makakamit na kahit ano.

May napansin ba kayong ilang padron sa pananalita ng Diyos? May ilang tao na ganito ito ipahayag: Ang nilalaman ng bawat diskurso mula sa Diyos ay may iba’t ibang bahagi. Ang kahulugan ng bawat sipi at bawat pangungusap ay magkakaiba. Hindi madali para sa tao na makaalala, lalong hindi madali para sa mga tao na makaunawa. Kung nais ng mga tao na ibuod ang pinakapangunahing ideya ng bawat sipi, hindi nila magagawa ito. Ang mga taong may mahinang kakayahan ay hindi kayang intindihin ang mga salita ng Diyos. Kahit na paano sila pinagbahaginan, wala pa rin silang kakayahang unawain ang katotohanan. Ang mga salita ng Diyos ay hindi mga nobela, prosa, o mga literatura; ang mga ito ang katotohanan, at ang wika na nagbibigay ng buhay sa tao. Ang mga salitang ito ay hindi basta mauunawaan ng tao sa pamamagitan lamang ng pagmumuni-muni sa mga ito, ni hindi rin maibubuod ng tao ang mga padron sa loob ng mga ito sa pamamagitan ng paggugol ng kaunti pang pagsusumikap. Ito ang dahilan kung bakit, anumang aspekto ng katotohanan ang bahagya mong nalalaman, at nagagawa mong talakayin, hindi ka pwedeng magyabang, dahil bahagi lang ng kaalaman ang nauunawaan mo. Nauunawaan mo lang ang panlabas na aspekto nito, pero mas kumplikado ito, at talagang kulang sa pagkaunawa sa mga tunay na intensyon ng Diyos. Sa bawat diskurso mula sa Diyos, may iba’t ibang aspekto ang katotohanan. Halimbawa, tinutukoy ng isang diskurso ang mga misteryo ng pagkakatawang-tao ng Diyos. Kabilang dito ang kahalagahan ng pagkakatawang-tao, ang gawaing nagagawa ng pagkakatawang-tao, at kung paano dapat maniwala ang mga tao sa Diyos. Maaaring saklaw rin nito kung paano dapat kilalanin at mahalin ng mga tao ang Diyos. Sinasaklaw nito ang maraming aspekto ng katotohanan. Kung, gaya ng iniisip mo, ang pagkakatawang-tao ay may kakaunting kahulugan lamang, na maaaring ipaloob sa ilang pangungusap, bakit palaging may mga kuru-kuro at imahinasyon ang tao tungkol sa Diyos? Anong mga epekto ang nais tuparin ng pagkakatawang-tao sa mga tao? Ito ay upang bigyang kakayahan ang mga tao na mapakinggan ang mga salita ng Diyos at makabalik sa Diyos. Ito ay upang makipag-ugnayan sa tao, direktang iligtas ang tao, at bigyang kakayahan ang tao na makilala ang Diyos. Matapos makilala ang Diyos, likas na nagkakaroon ang mga tao ng isang puso na may takot sa Diyos, at nagiging madali para sa kanila na magpasakop sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit ang anumang aspekto ng Kanyang salita o ng katotohanan ay hindi kasing simple ng iniisip mo. Kung ang tingin mo sa mga salita ng Diyos at sa banal na wika ay napakasimple, naniniwalang ang anumang problema ay malulutas gamit ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, hindi mo kayang ganap na unawain ang katotohanan kung gayon. Kahit na ang iyong pagkaunawa ay naaayon sa katotohanan, may kinikilingan pa rin ito. Ang bawat diskurso mula sa Diyos ay nagmumula sa iba’t ibang pananaw. Hindi maaaring ibuod o pigain ng tao ang mga salita ng Diyos. Matapos pigain ang mga ito, iniisip ninyong iisang problema lamang ang tinutugunan ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, pero sa realidad, ang siping iyon ay kayang lumutas ng ilang problema. Hindi mo maaaring ikahon o limitahan ang mga ito dahil ang lahat ng aspekto ng katotohanan ay nagtataglay ng napakaraming realidad. Bakit sinasabi na ang katotohanan ay buhay, na maaari itong tamasahin ng mga tao, at na ito ay isang bagay na hindi lubos na mararanasan ng mga tao kahit pa makalipas ang ilang buhay o ang daan-daang taon? Kung pipigain mo ang isang partikular na aspekto ng katotohanan o ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, kung gayon, ang sipi na iyong piniga ay naging isang pormula, isang regulasyon, isang doktrina—hindi na ito ang katotohanan. Kahit na mga orihinal itong salita ng Diyos, na wala ni isang salita ang binago, kung pinipiga o isinasaayos mo ang mga ito sa ganitong paraan, nagiging teoretikal na mga salita ang mga ito, hindi ang katotohanan. Bakit ganoon? Ito ay dahil ililigaw mo ang mga tao at aakayin sila tungo sa mga doktrina, pinag-iisip sila, pinagmumuni-muni, pinagsasaalang-alang ng mga isyu, at pinagbabasa ng mga salita ng Diyos nang ayon lahat sa iyong doktrina. Matapos itong basahin nang paulit-ulit, isang doktrina at isang regulasyon lamang ang mauunawaan ng mga tao sa siping iyon, at mabibigo silang makita ang aspekto na siyang ang katotohanang realidad. Sa huli, aakayin mo ang mga tao sa isang landas para maunawaan nila ang mga doktrina at sumunod sa mga regulasyon. Hindi nila malalaman kung paano danasin ang mga salita ng Diyos. Mauunawaan at matatalakay lang nila ang mga doktrina, pero hindi nila mauunawaan ang katotohanan o makikilala ang Diyos. Puro kaaya-ayang pakinggan at mga tamang doktrina ang lumalabas sa kanilang bibig, pero wala sila ni katiting na realidad at walang maayos na daang tinatahak para sa kanilang sarili. Ang gayong pamumuno ay tunay na nagdudulot ng malaking pinsala sa tao!

Alam ba ninyo kung ano ang pinaka-ipinagbabawal sa pagseserbisyo ng tao sa Diyos? May ilang lider at manggagawa na gusto palaging naiiba sila, na maging higit na nakatataas sa iba, na magpasikat, at makadiskubre ng ilang bagong pakana, para maipakita sa Diyos kung gaano talaga sila kahusay. Gayunpaman, hindi sila nakatuon sa pag-unawa sa katotohanan at pagpasok sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ito ang pinakahangal na paraan ng pagkilos. Hindi ba’t ito ang tumpak na pagbubunyag ng isang mapagmataas na disposisyon? Sinasabi pa nga ng ilan, “Kapag ginawa ko ito, tiyak akong mapapasaya nito ang Diyos; magugustuhan Niya ito. Sa pagkakataong ito, ipapakita ko ito sa Diyos; bibigyan ko Siya ng isang magandang surpresa.” Hindi mahalaga ang “magandang surpresa.” Ano ang resulta? Nakikita ng mga tao na masyadong katawa-tawa ang mga bagay na ito na ginagawa ng mga tao. Maliban sa walang pakinabang ang mga ito sa gawain ng sambahayan ng Diyos, pag-aaksaya rin ito ng pera—nagdudulot ang mga ito ng kawalan sa mga handog sa Diyos. Ang mga handog para sa Diyos ay hindi dapat gamitin sa kung paano mo lang gusto; isang kasalanan na aksayahin ang mga handog sa Diyos. Sa huli, nalalabag ng mga taong ito ang disposisyon ng Diyos, humihinto sa paggawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at sila ay itinitiwalag. Dahil doon, huwag na huwag kang magpadalos-dalos na gawin ang anumang gusto mo. Paanong hindi mo isinasaalang-alang ang kahihinatnan nito? Kapag nilabag mo ang disposisyon ng Diyos at nilabag mo ang Kanyang mga atas administratibo, at pagkatapos ay itiniwalag ka, wala ka nang masasabi. Anuman ang layon mo, sinasadya mo mang gawin iyon o hindi, kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos o ang Kanyang mga layunin, madali kang magkakasala sa Kanya at madali mong malalabag ang Kanyang mga atas-administratibo; isa itong bagay na dapat pag-ingatan ng lahat. Kapag lubha mo nang nilabag ang mga atas-administratibo ng Diyos o nilabag ang Kanyang disposisyon, kung ito ay talagang malubha, hindi Niya isasaalang-alang kung gayon kung sinadya mong gawin iyon o hindi. Ito ay isang bagay na dapat mong makita nang malinaw. Kung hindi mo maunawaan ang isyung ito, tiyak na maglilitawan ang iyong mga problema. Sa paglilingkod sa Diyos, nais ng mga tao na sumulong nang husto, gumawa ng mga dakilang bagay, magsambit ng mga dakilang salita, magsagawa ng dakilang gawain, magdaos ng malalaking pulong, at maging mahuhusay na lider. Kung palaging matatayog ang ambisyon mo, malalabag mo ang mga atas-administratibo ng Diyos; mabilis mamamatay ang mga taong katulad nito. Kung hindi maganda ang asal mo, hindi ka deboto, at hindi ka maingat sa iyong paglilingkod sa Diyos, sa malao’t madali, malalabag mo ang Kanyang disposisyon. Kung sasaktan mo ang damdamin ng disposisyon ng Diyos, susuwayin ang Kanyang pang-administratibong mga kautusan, at dahil doon magkasala laban sa Diyos, sa gayon hindi Siya titingin sa anumang kadahilanan na nagawa mo ito, ni titingin sa iyong mga intensyon. Kaya sa tingin ba ninyo ay hindi ba makatwiran ang Diyos? Siya ba ay nagiging masungit sa tao? (Hindi.) Bakit hindi? Dahil hindi ka bulag o bingi. Hindi ka rin hangal. Ang mga atas administratibo ng Diyos ay malinaw at maliwanag. Nakikita at naririnig mo ang mga ito. Kung nilalabag mo pa rin ang mga ito, ano kayang katwiran ang mayroon ka? Kahit na wala kang kinikimkim na mga intensyon, basta’t nilabag mo ang Diyos, haharap ka sa pagkawasak at pagpaparusa pagdating ng panahon. Maisasaalang-alang pa ba kung ano ang iyong sitwasyon noon? Ang mga taong may kalikasan ni Satanas ay likas na nagagawang labagin ang disposisyon ng Diyos. Walang sinumang pinilit o tinutukan ng patalim para labagin ang mga atas administratibo ng Diyos o labagin ang disposisyon ng Diyos; hindi talaga ito nangyayari. Sa halip, ito ay isang bagay na natutukoy ng kalikasan ng tao. “Ang disposisyon ng Diyos ay hindi maaaring labagin.” Ang pahayag na ito ay may nakapaloob na kahulugan. Gayunpaman, pinarurusahan ng Diyos ang mga tao ayon sa kanilang kalagayan at karanasan. Ang paglabag sa Diyos nang hindi nalalaman na Siya iyon ay isang uri ng kalagayan, habang ang paglabag sa Diyos kahit na malinaw na nalalamang Siya iyon ay isa pang kalagayan. Nalalabag ng ilang tao ang Diyos kahit na malinaw nilang nalalaman na Siya iyon, at sila ay maparurusahan. Ipinapahayag ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga disposisyon sa bawat hakbang ng Kanyang gawain. Hindi pa ba nauunawaan ng tao ang ilan sa mga ito? Hindi ba’t may kaunting nalalaman ang mga tao sa kung alin sa mga disposisyon ng Diyos ang ibinunyag Niya sa pamamagitan ng maraming katotohanang Kanyang ipinahayag, pati na kung alin sa mga kilos at salita ng mga tao ang madalas na makalabag sa Kanya? At tungkol sa mga usapin na itinakda ng mga atas administratibo ng Diyos—kung ano ang dapat at hindi dapat gawin ng tao—hindi rin ba ito alam ng mga tao? Ang ilang usapin na may kaugnayan sa katotohanan at mga prinsipyo ay hindi ganap na mauunawaan ng mga tao dahil hindi nila naranasan ang mga ito; wala silang kakayahan na maunawaan ang mga ito. Gayunpaman, ang mga usapin tungkol sa mga atas administratibo ay nasa loob ng isang itinakdang saklaw. Mga regulasyon ang mga ito. Ito ay mga bagay na madaling maunawaan at makamit ng tao. Hindi na kailangang pag-aralan o ipaliwanag ang mga ito. Sapat na para sa mga tao na kumilos ayon sa kung paano nila naunawaan ang kahulugan ng mga ito. Kung ikaw ay walang ingat, walang may-takot-sa-Diyos na puso, at alam mo na nalalabag mo ang mga atas administratibo, kung gayon, karapat-dapat kang parusahan!