Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 17)

Iniisip ng mga tao na ang pagsasagawa ng katotohanan ay mahirap, pero bakit may ilang taong naisasagawa ito? Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung minamahal ba ng taong iyon ang katotohanan. Sinasabi ng ilang tao na iyong mga nagsasagawa ng katotohanan ay mga taong may mabuting pagkatao. Tama ang pahayag na ito. May ilang tao na may mabuting pagkatao at nakapagsasagawa ng ilang katotohanan. Gayunpaman, ang pagkatao ng ilang tao ay kulang, at mahirap para sa kanila na magsagawa ng katotohanan, na nangangahulugang kailangan nilang magdusa kahit papaano upang magawa ito. Sabihin mo sa Akin, ang isang tao bang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay naghahanap ng katotohanan sa mga kilos niya? Hindi niya talaga ito hinahanap. Gumagawa siya ng mga pansariling intensyon at iniisip niyang ang pagsasagawa ng mga ito ay magiging mabuti at para sa sarili niyang interes, kaya’t kumikilos siya ayon sa mga intensyon niyang ito. Ang dahilan kung bakit hindi siya naghahanap ng katotohanan ay dahil mayroong mali sa kanyang puso, ang puso niya ay hindi tama. Hindi siya naghahanap, hindi nagsusuri, ni nagdarasal sa harap ng Diyos; basta matigas ang ulo niya na kumikilos ayon sa kanyang sariling mga inaasam. Ang ganitong uri ng tao ay basta walang pagmamahal sa katotohanan. Wala man siyang pagmamahal sa katotohanan, maaari siyang gumawa ng ilang partikular na bagay na naaayon sa mga prinsipyo at mga bagay na hindi lumalabag sa mga prinsipyo. Gayunpaman, ang gayong kawalan ng paglabag ay hindi nangangahulugang hinanap niya ang kalooban ng Diyos. Masasabing nagkataon lamang ito. Ginagawa ng ilang tao ang ilang bagay sa nakalilito at basta-bastang paraan nang hindi naghahanap, pero pagkatapos ay nasusuri naman nila ang kanilang sarili. Kapag natuklasan nila na ang paggawa ng mga gayong bagay ay hindi tugma sa katotohanan, iiwasan na nilang gawin ang mga ito sa susunod. Maaari itong ituring na pagkakaroon ng kaunting sukatan ng pagmamahal sa katotohanan. Ang ganitong uri ng indibidwal ay may kakayahang sumailalim sa isang antas ng pagbabago. Yaong mga walang pagmamahal para sa katotohanan ay hindi maghahanap dito sa sandaling ito, ni magsusuri ng kanilang mga sarili pagkatapos. Hindi nila kailanman sinusuri kung ang mga bagay-bagay na ginagawa nila ay tama o mali sa huli, kaya palagi nilang nilalabag ang mga prinsipyo at ang katotohanan. Gumawa man sila ng isang bagay na hindi lumalabag sa mga prinsipyo, hindi ito nakaayon sa katotohanan, at ang tinatawag na hindi paglabag na ito sa mga prinsipyo ay usapin lamang ng diskarte. Kung gayon, ano nga ba ang kalagayan ng ganitong klase ng tao kapag kumikilos sila ayon sa mga sarili nilang kagustuhan? Hindi sila kumikilos sa isang tuliro at magulong kalagayan, at hindi rin naman na para bang hindi malinaw sa kanila kung ang ganitong pagkilos ay talagang naaayon sa katotohanan o hindi. Hindi ito ang sitwasyong kinasasangkutan nila; sa halip, sutil silang patuloy na kumikilos ayon sa mga sarili nilang kagustuhan; nakatuon na ang kanilang pag-iisip sa pagkilos sa gayong paraan, na lubhang walang intensyon na hanapin ang katotohanan. Kung talagang hinahanap nila ang kalooban ng Diyos, bago pa man nila lubusang mauunawaan ito, isasaalang-alang na nila ang mga sumusunod na hakbang ng pagkilos: “Gagawin ko muna ito sa ganitong paraan. Kung umaayon ito sa katotohanan, magpapatuloy ako sa ganitong paraan; kung hindi ito umaayon sa katotohanan, agad ko itong aayusin at titigil ako sa pagkilos sa gayong paraan.” Kung mahahanap nila ang katotohanan sa ganitong paraan, magagawa nilang magbago balang-araw. Kung wala ang intensyon na ito, hindi sila magbabago. Ang isang taong may puso ay nakakayanan lamang gumawa ng isang pagkakamali nang isang beses kapag may gawaing isinasakatuparan, pinakamarami na ang dalawa—isa o dalawa, hindi tatlo o apat na beses, ito ay normal na katwiran. Kung nakakayanan nilang makagawa ng parehong pagkakamali nang tatlo o apat na beses, ito ay nagpapatunay na wala silang pagmamahal para sa katotohanan, ni hinahanap nila ang katotohanan. Ang ganitong uri ng tao ay tiyak na hindi isang indibidwal na may pagkatao. Kung pagkatapos nilang magkamali ng isa o dalawang beses ay walang reaksyon sa puso nila, walang pagkabagabag sa kanilang konsiyensiya, magkakamali ulit sila sa parehong paraan nang tatlo o apat na beses, at sadyang hindi na magbabago ang gayong uri ng tao; ganito na talaga sila—ganap na hindi matutubos. Kung pagkatapos nilang magkamali nang isang beses ay maramdaman nila na may mali sa nagawa nila, at lubha nilang kinapopootan ang kanilang sarili dahil dito at makaramdam sila ng pagkakonsiyensiya sa kanilang puso; kung magkaroon sila ng ganitong kalagayan, sila ay kikilos nang mas maayos kapag muling naharap sa mga parehong bagay, at unti-unti na silang hindi gagawa ng parehong uri ng pagkakamali. Kahit na gustuhin nila ito sa kanilang puso, hindi na nila ito gagawin. Ito ay isang aspeto ng pagbabago. Marahil ay sasabihin mo: “Hindi mababago ang aking tiwaling disposisyon.” Totoo bang hindi ito mababago? Ikaw lang naman talaga ang ayaw magbago. Kung handa kang magsagawa ng katotohanan, hindi mo pa rin ba magagawang magbago? Walang tibay ng loob ang mga taong nagsasabi nito. Lahat sila ay kasuklam-suklam na ubod ng sama. Hindi sila handang magtiis ng pagdurusa. Hindi nila gustong isagawa ang katotohanan; sa halip ay sinasabi nila na hindi sila kayang baguhin ng katotohanan. Hindi ba’t lubhang mapanlinlang ang gayong uri ng tao? Hindi niya maisagawa ang katotohanan, may depekto ang pagkatao niya, pero hindi niya kilala ang sarili niyang kalikasan. Madalas niyang pinagdududahan kung kaya nga ba ng gawain ng Diyos na gawing ganap ang tao o hindi. Ang gayong tao ay walang balak na ibigay ang puso niya sa Diyos kailanman, walang planong magtiis ng hirap kailanman. Kaya lamang siya nananatili rito ay dahil nagbabakasakali siyang magkamit ng magandang kapalaran sa hinaharap. Walang pagkatao ang ganitong uri ng tao. Kung isa siyang taong mayroong pagkatao, hindi man lantad na gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanya, at mayroon siyang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, makagagawa ba siya ng mga maling gawa? Ang isang taong may pagkatao, gumagawa man o hindi ang Banal na Espiritu sa kanya, ay hindi makagagawa ng mga maling gawa. Ang ilang tao na walang pagkatao ay makagagawa lamang ng ilang mabubuting gawa sa ilalim ng kondisyon na ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa kanila. Kung wala ang paggawa ng Banal na Espiritu sa kanila, malalantad ang kalikasan nila. Sino nga ba ang palaging maaaring magkaroon ng gawain ng Banal na Espiritu? Ang ilan sa mga hindi mananampalataya ay may mabuting pagkatao, at hindi rin gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, pero hindi sila gumagawa ng anumang partikular na masasamang gawain. Kung nananalig ka sa Diyos, paano ka makagagawa ng masasamang gawain? Ipinapakita nito ang problema ng kalikasan ng tao. Kung hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, nalalantad ang kalikasan ng mga tao. Kapag gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, aantigin sila nito, na bibigyan ang mga tao ng kaliwanagan at pagtanglaw, at bibigyan sila ng isang bugsong lakas upang makapagsagawa sila ng ilang mabuting gawa. Sa sitwasyong ito, hindi ito isang usapin kung mabuti ba ang kanilang kalikasan, kundi usapin ng mga resulta na nakamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Pero kung hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, gusto ng mga tao na sumunod sa mga sarili nilang kagustuhan, na humahantong sa paggawa nila ng ilang masamang bagay nang hindi nila namamalayan. Sa sandaling iyon lang mabubunyag ang tunay nilang kalikasan.

Paano nga ba malulutas ang kalikasan ng mga tao? Nagsisimula ito sa pag-unawa sa diwa ng kalikasan ng tao, na dapat suriin ayon sa mga salita ng Diyos upang makita kung ito ay positibo o negatibo, at kung ito ay lumalaban o nagpapasakop sa Diyos. Dapat itong gawin ng isang tao hanggang sa mapagtanto niya ang kanyang kalikasang diwa, at pagkatapos ay tunay na niyang kapopootan ang kanyang sarili at siya ay makapaghihimagsik laban sa kanyang laman. Kasabay nito, dapat maunawaan ng isang tao ang kalooban at mga hinihingi ng Diyos. Ano ang mithiin mo sa paghahangad sa katotohanan? Dapat kang magkamit ng mga pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay. Kapag nagbago na ang disposisyon mo, makakamit mo ang katotohanan. Sa tayog mo ngayon, paano mo mapipigilan ang sarili mo sa paggawa ng masama, paglaban sa Diyos, o paggawa ng mga bagay na lumalabag sa katotohanan? Kung gusto mong magbago, dapat mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Upang labanan ang problema ng pagkakaroon ng masamang kalikasan, dapat mong unawain kung aling mga tiwaling disposisyon ang mayroon ka at kung ano ang kaya mong gawin. Dapat mong unawain kung anong mga remedyo ang dapat gawin at kung paano isagawa ang mga ito upang makontrol ang iyong masamang kalikasan. Ito ang pangunahing isyu. Kapag may kalituhan sa isip mo o kadiliman sa kaluluwa mo, alam mo dapat kung paano hanapin ang katotohanan upang malutas ito, kung paano gampanan ang iyong mga tungkulin nang maayos, at kung paano tahakin ang tamang landas. Dapat kang magtatag ng isang prinsipyo para sa sarili mo. Nakasalalay ito sa kalooban ng isang indibidwal at kung siya ba ay isang taong nagnanais sa Diyos o hindi. May isang taong madalas uminit ang ulo. Gumawa siya ng plake at isinulat dito ang mga salitang, “Timpiin Mo ang Galit Mo.” Pagkatapos, isinabit niya ito sa dingding ng kanyang opisina bilang paraan para pigilan ang kanyang sarili at bilang babala sa kanyang sarili. Marahil ay nakatulong ito nang kaunti, pero kaya ba nitong ganap na lutasin ang problema? Talagang hindi. Sa kabila nito, dapat pigilan ng mga tao ang kanilang sarili. Nasa unahan ang pangangailangang lutasin ang problema ng kanilang tiwaling disposisyon. Upang malutas ang mga problema sa kanilang kalikasan, dapat muna nilang kilalanin ang kanilang sarili. Tanging sa malinaw na pagtingin sa diwa ng kanilang tiwaling disposisyon nila magagawang kapootan ang kanilang sarili at maghimagsik laban sa laman. Ang paghihimagsik laban sa laman ay nangangailangan din ng pagkakaroon ng mga prinsipyo. Maaari bang maghimagsik ang isang tao laban sa laman kung siya ay naguguluhan? Sa sandaling makaranas siya ng problema, siya ay bibigay sa laman. Maaaring mapahinto ang ilang tao kapag nakakita sila ng magandang babae; sa ganitong sitwasyon, dapat kang magtakda ng tuntunin para sa iyong sarili. Kapag nilapitan ka ng isang magandang babae, dapat ka bang lumayo o anong gagawin mo? Ano ang dapat mong gawin kung hinawakan niya ang kamay mo? Kung wala kang mga prinsipyo, magkakasala ka kapag naharap ka sa ganitong sitwasyon. Ano ang dapat mong gawin kapag natagpuan mo ang sarili mong nabubulag sa kasakiman kapag nakakakita ka ng pera at kayamanan? Dapat mong partikular na pag-isipan ang problemang ito, at pagtuunang sanayin ang iyong sarili upang malutas ito, at pagdating ng panahon, unti-unti ka nang makapaghihimagsik laban sa laman. Sa usapin ng paglutas ng isang tiwaling kalikasan, may isang prinsipyo na medyo mahalaga, at iyon ay, na dapat mong dalhin ang lahat ng iyong mga isyu sa harap ng Diyos at suriing maigi ang iyong sarili. Bilang karagdagan, bawat gabi, dapat mong suriin ang iyong mga kalagayan mula sa araw na iyon at suriing mabuti ang iyong sariling pag-uugali: Alin sa mga gawa mo ang ginawa ayon sa katotohanan at alin ang mga paglabag sa mga prinsipyo? Ito ay isa pang prinsipyo. Ang dalawang puntong ito ang pinakamahalaga. Hinggil sa una, dapat mong pagnilayan ang sarili mo kapag nabunyag ang iyong katiwalian. Hinggil sa pangalawa, dapat mong pagnilayan ang sarili mo at hanapin ang katotohanan pagkatapos. Ang pangatlong punto ay kailangan mong maging malinaw sa kung ano ang ibig sabihin ng pagsasagawa sa katotohanan at pagkilos nang may prinsipyo. Kung kaya mong tunay na maunawaan ang mga bagay na ito, magagawa mo nang tama ang mga bagay. Kung susundin mo ang tatlong prinsipyong ito, mapipigilan mo ang sarili mo, na pipigil sa iyong maglantad o magpamalas ng iyong tiwaling kalikasan. Ito ang mga pangunahing prinsipyo sa paglutas ng kalikasan mo. Gamit ang mga prinsipyong ito, kung magsisikap ka patungo sa katotohanan at mananatili sa normal na kalagayan kahit na hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu o matagal mang walang nagbibigay ng pagbabahagi sa iyo, ikaw ay isang taong nagmamahal sa katotohanan at naghihimagsik laban sa laman. Yaong mga laging umaasa sa iba upang magbahagi ng katotohanan at pungusan ang kanilang sarili ay mga alipin. Ang mga gayong tao ay may kapansanan at hindi kayang mabuhay nang mag-isa. Yaong mga kumikilos nang walang mga prinsipyo ay walang ingat na kikilos at mawawalan ng kontrol sa kanilang sarili kung hindi sila pupungusan o babahaginan sa loob nang ilang panahon. Paano mapapanatag ng gayong tao ang Diyos? Kaya, dapat kang sumunod sa tatlong prinsipyong ito upang malutas ang problema ng kalikasan. Pipigilan ka ng mga ito na gumawa ng malulubhang paglabag at titiyaking hindi mo lalabanan o ipagkakanulo ang Diyos.