Mga Salita sa Paghahanap at Pagsasagawa ng Katotohanan (Sipi 11)
Para makagawa ng anumang bagay nang maayos, kinakailangang hanapin ang katotohanang prinsipyo. Dapat determinadong mag-isip ang isang tao kung paano gawin nang maayos ang isang bagay habang ginagawa ito, at kinakailangang patahimikin ang sarili upang manalangin at maghanap sa harap ng Diyos. Bago gumawa ng isang bagay, kinakailangang makipagbahaginan sa iba, at kung walang iba na makakabahaginan, dapat magnilay-nilay at magdasal nang mag-isa, at maghanap ng paraan para magawa nang maayos ang bagay na ito. Ganito ang pagpapatahimik ng sarili sa harapan ng Diyos. Hindi mo kailangang mag-isip nang wala para manahimik sa harapan ng Diyos; dapat kumilos ka at magnilay-nilay kasabay nito, hinahanap ang angkop na paraan para harapin ang usaping ito nang may saloobin ng paghahanap at paghihintay sa iyong puso. Kung wala kang katiting na ideya tungkol sa usaping ito, maghanap ka ng mapagtatanungan at mauusisa. Anong saloobin ang dapat taglay mo sa panahong ito ng pag-uusisa? Sa katunayan, dapat ay naghahanap at naghihintay ka, nagmamasid kung paano gumagawa ang Diyos. Ang Banal na Espiritu ay hindi nagbibigay-kaliwanagan at gumagabay sa iyo na para bang binubuksan Niya ang isang ilaw na tumatanglaw sa puso mo nang biglaan. Ang Diyos ay walang pagsalang ginagamit ang isang tao o isang pangyayari para udyukan ka, at magawa kang makaunawa. Maraming paraan ng paghahanap maliban sa matinding pagluhod para manalangin at manatili roon ng ilang oras; ang paggawa nito ay nakakapagpaantala sa lahat ng iba pang bagay. Kung minsan, puwedeng pag-isipan ng isang tao ang isang bagay habang naglalakad; kung minsan, kapag may usaping lumitaw, puwedeng magmadaling makipagbahaginan ang isang tao tungkol dito bilang isang grupo; kung minsan, puwedeng maghanap ang isang tao mula sa Itaas; kung minsan, puwedeng magbasa ang isang tao ng mga salita ng Diyos nang mag-isa; kung ang usapin ay apurahan, puwedeng magmadali ang isang tao na unawain ang realidad ng sitwasyon, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan, pinangangasiwaan ang usapin ayon sa mga prinsipyo, habang nananalangin at naghahanap sa kanyang puso. Ganito ninyo dapat gawin ang mga bagay-bagay—ang paraan ng isang nasa tamang gulang! Kung kayo ay kakabahan, matataranta, at malulula sa tuwing may nangyayari, masyadong mababa ang tayog ninyo, wala pa kayong naranasang anuman noon, at kailangan ninyong danasin ang mga bagay-bagay at sanayin ang inyong sarili para tumaas ang inyong tayog. Dapat kayong matuto ng ilang paraan ng paghahanap: Kapag abala kayo sa tungkulin, maghanap kayo ayon sa kung gaano kayo kaabala; kapag may oras naman kayo, maghanap at maghintay kayo ayon sa mga sitwasyon ng pagkakaroon ng oras. May iba’t ibang paraan. Kung may sapat na oras para maghintay, maghintay kayo ng ilang sandali. Hindi ka puwedeng magmadali sa malalaking usapin; ang mga kahihinatnan ng pagkakamali dahil sa pagmamadali ay napakatindi. Para makamit ang pinakamagagandang resulta, kailangan mong maghintay, panoorin kung ano ang susunod na mangyayari, o tingnan kung hihimukin ka ng isang taong may kaalaman sa sitwasyon. Ang lahat ng ito ay mga paraan para maghanap. Hindi gumagamit ang Diyos ng iisang paraan para bigyang-liwanag ang mga tao; hindi ka Niya binibigyan ng kaliwanagan sa Kanyang mga salita lang, at hindi ka rin Niya laging pinapapatnubayan sa mga taong nasa paligid mo. Paano ka binibigyang-liwanag ng Diyos tungkol sa mga usapin na labas sa iyong kadalubhasaan, sa mga bagay na hindi mo pa kailanman naharap dati? Kung minsan ay binibigyang-liwanag ka Niya sa pamamagitan ng iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, kung saan dapat kang maghanap ng eksperto o isang taong nakakaunawa sa larangan para payuhan ka. Dapat kang magmadaling humanap ng sinumang nakakaunawa sa larangan, kumuha ng ilang payo mula sa kanila, at pagkatapos ay gawin ang bagay ayon sa mga prinsipyo, at gagabayan ka ng Diyos habang ginagawa mo ito. Gayunpaman, dapat ay medyo nauunawaan mo ang mga propesyonal na kasanayan o espesyalidad na iyon, at medyo naiintindihan mo ito; sa pundasyong ito ka bibigyang-liwanag ng Diyos sa kung ano ang dapat mong gawin.
Anuman ang gawin ng isang tao, puwede siyang mag-isip, magdisenyo, magplano, kumonsulta, at magtanong tungkol dito mula sa ilang mapagsasanggunian para matukoy ang isang posibleng landas, pero ang tagumpay ay nakasalalay pa rin sa Diyos. Ang kasabihang, “Ang tao ang nagpaplano, ang Diyos ang nagpapatupad,” ay totoo. Kamangha-mangha na ibinuod ng mga walang pananampalataya ang kasabihang ito sa pamamagitan ng karanasan, at kung hindi ito malinaw na nakikita ng isang mananampalataya ng Diyos, siya ay napakamangmang at hindi niya naunawaan ang alinman sa katotohanan. Kinakailangang matatag na paniwalaan ng mga tao sa kanilang puso na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at na ang nais gawin ng tao ay pagpapalain kung ito ay naaayon sa mga layunin ng Diyos. Dapat mong taglayin ang panuntunang ito sa iyong puso, malaman na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat, at na hindi ang tao ang may pangwakas na pasya. Samakatuwid, anuman ang gawin ng isang tao, kailangan niya munang manalangin sa Diyos para makita kung ang puso niya ay naantig, pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para makita kung ang pagkilos na iyon ay naaayon ba sa katotohanan at kung ito ay posible. Kung hindi ito agad matutukoy, dapat kang maghintay. Huwag magmadaling kumilos. Maghintay hanggang sa maunawaan mo nang lubusan ang usaping iyon, hanggang sa madama mo na oras na, na hindi na kailangang maghintay pa at na dapat mo na itong gawin, at na may sapat na katiyakan sa iyong puso na gawin ito—pagkatapos ay maaari ka nang kumilos. Kung hindi ka nagkaroon ng lubusang pagkaunawa sa usaping ito, kung hindi ka interesado rito pagkatapos mong maghintay ng ilang araw, at kung hindi ka nakatitiyak na ito ay magtatagumpay, pinatutunayan nito na ang usaping ito ay nagmula sa kalooban ng tao, at na hindi ito pinayagan ng Diyos, kaya dapat mo itong isuko agad. Kapag ang isang bagay ay nagmumula sa Diyos, palagi kang makakaramdam ng pananampalataya rito, at ang pananampalatayang iyon ay hindi mababawasan anumang mga sitwasyon ang lumitaw. Sa huli, madaragdagan nang madaragdagan ang kaliwanagan sa puso mo, na para bang nakita mo na nang malinaw ang usaping iyon. Ganito kapag nanggaling sa Diyos ang isang bagay. Pinaghihintay ng Diyos ang mga tao, at nangangahulugan ito ng paghihintay ng paghahayag mula sa Diyos, at pagkatapos nito ay magiging malinaw sa iyo ang usaping iyon, kaya kinakailangan ang paghihintay na ito. Pero, pagdating naman sa mga paraan kung paano ka dapat makipagtulungan, dapat kang kumilos at magtanong, at sa proseso ng pagtatanong, maaaring sabihin sa iyo ng Diyos ang mga katunayan sa pamamagitan ng isang tao o isang pangyayari. Kung hindi ka magtatanong, at ikaw ay nalilito at hindi sigurado sa iyong puso, hindi mo malalaman kung ano ang mga katunayan. Pero kung ikaw ay magtatanong, matutuklasan mo ang mga katunayan, at ang Diyos ang magpapaalam sa iyo ng mga ito. Hindi ba’t praktikal ang mga pagkilos ng Diyos? Ginagabayan at binibigyang-liwanag ka ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao, pangyayari, at bagay-bagay, at pinapatnubayan ka Niya na makaunawa at magkaroon ng kabatiran sa mga usapin sa proseso ng iyong karanasan, itinuturo sa iyo kung paano kumilos. Hindi ka binibigyan ng Diyos ng isang pahayag, isang kaisipan, o isang ideya mula sa wala, hindi iyon ginagawa ng Diyos. Kapag ikaw ay nagtanong at naihayag na ang lahat ng katunayan tungkol sa sitwasyon, malalaman mo kung bakit ka nagkaroon ng gayong mga iniisip at damdamin noon, mauunawaan mo ito sa iyong puso. Hindi ba’t agad na lumilitaw ang kinalabasang ito pagkatapos na pagkatapos mong magtanong? Pagdating naman sa kung paano ka dapat kumilos, hindi makikialam ang Diyos dito; malalaman mo na kung paano kumilos. Ganito gumagawa at gumagabay sa mga tao ang Diyos, sa paraang parehong kahanga-hanga at praktikal, na kahit katiting ay hindi higit sa karaniwan. Gusto ng mga tamad na tao na palaging mangyari ito sa pamamagitan ng higit sa karaniwang paraan, gusto nilang direktang sabihin sa kanila ng Diyos kung ano ang gagawin, gusto nila ng mas mabilis na paraan at na gawin ito ng Diyos para sa kanila, at hindi sila maagap na nagsisiyasat o naghahanap, at hindi man lang sila nakikipagtulungan, kaya ang kanilang mga kagustuhan ay nauuwi sa wala. Ang mga debotong tao, ang mga taong mapagmahal sa katotohanan, ay namumuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng bagay at pinatatahimik nila ang kanilang puso sa harap ng Diyos. Kapag may nangyayari sa kanila, at hindi nila alam kung ano ang gagawin, nagagawa nilang manalangin sa Diyos at maghanap sa Diyos at makita kung ano ang nais ng Diyos. Mayroon silang pusong naghahanap, kaya ginagabayan sila ng Diyos sa usaping ito. At kapag nahayag ang resulta sa huli, makikita na nila ang mga pangangasiwa ng kamay ng Diyos. Hindi isang walang katuturang parirala ang sabihin na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Samakatuwid, sa pagdanas ng higit pang mga ganitong usapin, malalaman mo na ang Diyos ay hindi kathang-isip, na hindi Siya isang mito, at hindi Siya hungkag. Nandiyan ang Diyos sa tabi mo; mararamdaman mo ang Kanyang pag-iral, mararamdaman mo ang Kanyang patnubay, at mararamdaman mo ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Kanyang kamay. Sa ganitong paraan, lalo mo pang mararamdaman ang pagiging totoo at pagiging praktikal ng Diyos. Gayunpaman, kung hindi ka makakaranas sa ganitong paraan, hindi mo kailanman mararamdaman ang mga bagay na ito. Iisipin mo, “May Diyos ba o wala? Nasaan Siya? Maraming taon na akong nananalig sa Diyos at sinasabi ng lahat na Siya ay umiiral, kaya bakit hindi ko pa Siya nakikita? Sinasabi nilang lahat na inililigtas Niya ang tao, kaya bakit hindi ko pa nararamdaman kung paano kumikilos ang Diyos sa mga tao?” Hindi mo kailanman mararamdaman ang mga bagay na ito, kaya’t hindi ka kailanman makararamdam ng ginhawa sa iyong puso. Tanging kapag naramdaman mo lang mismo ang mga ito sa sarili mo na mapapatunayan mong ang sinasabi at nararanasan ng iba ay isinakatuparan ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay kamangha-mangha at mahirap unawain, pero praktikal din ito; dapat mong maarok ang dalawang aspektong ito. Na ito ay kamangha-mangha at mahirap unawain ay nangangahulugang ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay may karunungan, at hindi maaabot ng tao; ito ay itinatakda ng pagkakakilanlan ng Diyos at ng Kanyang diwa. Pero may isa pang aspekto, na ang mga pagkilos ng Diyos ay labis na praktikal. Ano ang ibig sabihin ng “praktikal” na ito? Nangangahulugan ito na kayang maarok ng tao ang mga pagkilos ng Diyos, na ang mentalidad, utak, mga kaisipan, at katalinuhan ng tao, pati na rin ang mga likas na gawi at kakayahang taglay ng tao ay kayang maarok ang mga pagkilos ng Diyos—ang mga pagkilos ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan o hungkag. Kapag may ginawa kang tama, ipapaalam sa iyo ng Diyos na ito ay tama, at makukumpirma mo ito; kapag may ginawa kang mali, unti-unti itong ipapaunawa sa iyo ng Diyos, bibigyan ka Niya ng liwanag, at ipapaalam Niya sa iyo na nagawa mo ang kamaliang ito, at ipapaalam Niya sa iyo na ito ay pagbubunyag ng iyong tiwaling disposisyon, at pagkatapos ay mararamdaman mong may pagkakautang ka sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng “praktikal.”