Ang Paglutas Lamang sa Tiwaling Disposisyon ng Isang Tao ang Makapagdudulot ng Tunay na Pagbabago (Unang Bahagi)

Ngayon, lahat kayo ay masiglang-masiglang ginagawa ang inyong tungkulin, at nakakayanan ninyo ang kaunting pagdurusa; kaya, pagdating sa pagpasok sa buhay, mayroon ba kayong landas pasulong? Nagkakaroon ba kayo ng bagong kaliwanagan o nakakakita ba kayo ng bagong liwanag? Ang pagpasok sa buhay ay isang kritikal na bagay para sa mga nananalig sa Diyos, tulad ng paggawa ng isang tungkulin; ngunit upang magawa ninyo nang maayos ang inyong tungkulin, makapasok sa pamantayan, magawa nang tapat ang inyong tungkulin—ano ang paraan para makamit ang mga bagay na ito? (Ang paghahangad sa katotohanan.) Tama iyan, kailangan ninyong hangarin ang katotohanan. Ano ang paraan para hangarin ang katotohanan? Dapat kayong magbasa pa ng maraming salita ng Diyos; tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan. Dapat ninyong isagawa ang mga salita ng Diyos at danasin ang mga ito nang mas madalas para makamit ang katotohanan, at saka lamang ninyo mauunawaan ang katotohanan. Kaya upang maunawaan ang katotohanan, hindi ba’t kailangan ninyong magsikap tungo sa mga salita ng Diyos? Sinasabi ng ilang tao: “Sa mga taon na nananalig ako sa Diyos, nabasa ko ang higit sa iilang salita ng Diyos at tunay kong naunawaan ang ilang katotohanan, pero kapag may nangyayaring kakaiba sa akin, hindi ko mahanap ang landas at hindi ko alam kung paano isagawa ang katotohanan; bakit hindi ko magamit ang mga bagay na nauunawaan at tinatalakay ko? Sa oras na ito, napagtatanto ko na ang tanging alam ko ay ang mga salita at doktrina, at hindi ko alam kung paano isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari sa akin. Napakaaba ko at kahabag-habag.” Ang ilang tao ay kadalasang walang tigil na naglilitanya kapag nakikipagbahaginan, at nagagawa pa nga nilang magbigkas ng ilang salita ng Diyos mula sa memorya, kaya iniisip nila na nauunawaan nila ang katotohanan, na sila ay espirituwal, at na mayroon silang kaunting katotohanang realidad; ngunit kapag isang araw ay may nangyari sa kanila na hindi naaayon sa kanilang kagustuhan, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro sa Diyos. Kung minsan, maaaring sisisihin pa nga nila ang Diyos. Lumalabas ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at paano man sila magdasal, hindi nila malulutas ang kanilang mga problema. Kapag nakikipagbahaginan ang ibang tao sa kanila tungkol sa katotohanan, sinasabi nilang: “Mas nauunawaan ko ang doktrinang ito kaysa sa iyo. Pagdating sa pag-unawa sa katotohanan, mas nakauunawa ako kaysa sa iyo; pagdating sa pangangaral ng doktrina, mas magaling akong magsalita kaysa sa iyo; pagdating sa pakikinig ng mga sermon, mas marami na akong napakinggan kaysa sa iyo; pagdating sa pagsusumikap, mas nagsusumikap ako kaysa sa iyo; pagdating sa pananampalataya sa Diyos, mas matagal na akong nananampalataya kaysa sa iyo. Huwag mong subukang turuan ako; nauunawaan ko ang lahat.” Iniisip nila na nauunawaan nila ang lahat, ngunit kapag ang kanilang mga ambisyon at pagnanais na ang gumagana at nagiging kontrolado sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, hindi na nila alam kung ano ang gagawin. Ang mga espirituwal na doktrina na karaniwan nilang nililitanya ay hindi kayang lumutas sa mga paghihirap nila. Malaki ba talaga ang tayog nila o maliit? Iniisip nila na naiintindihan nila ang katotohanan, kaya bakit hindi nila malutas ang kanilang kasalukuyang mga paghihirap? Ano ang nangyayari dito? Hindi ba’t madalas kayong nakararanas ng ganitong mga problema? Ito ay isang karaniwang suliranin na kinakaharap ng mga mananampalataya pagdating sa pagpasok sa buhay, at ito ang pinakamalaking suliranin ng tao. Bago may mangyari sa iyo, maaaring iniisip mo na ilang panahon ka nang nananalig sa Diyos, na mayroon ka nang partikular na tayog at pundasyon, at kapag nangyayari ang mga bagay-bagay sa ibang tao, medyo naaarok mo ang mga ito. Nagagawa mo pa ngang magdusa nang kaunti habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, nagagawa mong magbayad ng malaking halaga, at nagagawa mong lampasan ang marami sa iyong mga paghihirap, tulad ng pisikal na karamdaman, mga kapintasan, at mga kakulangan; ngunit ang pinakamahirap na lutasin ay ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na madalas lumalabas sa mga tao. Ang “tiwaling disposisyon” ay isang terminong pamilyar sa mga tao, ngunit hindi malinaw sa lahat kung ano mismo ang isang tiwaling disposisyon, kung aling mga pagpapamalas ang bumubuo sa isang tiwaling disposisyon, at kung aling mga kaisipan at kilos ang mga bunga ng isang tiwaling disposisyon. Kung hindi nauunawaan o naaarok ng mga tao kung ano ang tiwaling disposisyon, o kung aling mga kilos ang pagpapamalas ng tiwaling disposisyon, hindi ba’t maaaring isipin ng isang tao na kahit namumuhay siya alinsunod sa tiwaling disposisyon ay isinasagawa niya ang katotohanan hangga’t hindi siya nagkakasala? Mayroon ba kayong ganoong kalagayan? (Mayroon.) Kung hindi mo nauunawaan o naaarok kung ano talaga ang isang tiwaling disposisyon, makikilala mo ba ang iyong sarili? Mauunawaan mo ba ang sarili mong tiwaling kalikasan? Tiyak na hindi. Kung hindi mo alam kung ano ang tiwaling disposisyon, malalaman mo ba kung paano kumilos para maisagawa ang katotohanan, aling mga kilos ang tama, at alin ang mali? Tiyak na hindi. Kaya, ang mga taong hindi kilala ang kanilang sarili ay hindi magkakaroon ng pagpasok sa buhay.

Ang landas ng pagpasok sa buhay ay may kinalaman sa maraming kalagayan. Malamang ay alam ninyong lahat ang salitang ito, “kalagayan,” ngunit ano ang tinutukoy nito? Paano ninyo nauunawaan ito? (Ang kalagayan ay ang mga pananaw at pag-iisip na lumalabas sa isang tao kapag may nangyayari sa kanya; maaari nitong impluwensyahan at kontrolin ang kanyang pananalita, asal, at mga pagpapasya. Ang lahat ng bagay na ito ay isang kalagayan.) Malapit na iyon. Sino pa ang gustong magsalita? (Ang kalagayan ay nangangahulugan na ang isang tao ay namumuhay sa isang negatibo, at medyo hindi normal na kalagayan dahil pinangingibabawan siya ng isang uri ng tiwaling disposisyon, sa isang partikular na panahon, o sa isang partikular na bagay—halimbawa, kapag mahigpit siyang iwinasto at tinabasan, o kapag nahaharap siya sa ilang paghihirap.) (Kamakailan, nang magkaroon ako ng ilang resulta habang ginagawa ko ang aking tungkulin, medyo nasa isang uri ako ng kalagayan na nasisiyahan ako sa sarili ko at kampante ako. Akala ko ay nagbago na ako, na mayroon akong katotohanang realidad, at na tiyak na pupurihin ako ng Diyos; sa katunayan, ayon sa mga hinihingi ng Diyos, malayo pa ako. Ngayon ko lang nauunawaan na isa itong uri ng kalagayan na mayabang at may labis na pagtingin sa sarili.) Ang mga kalagayang natalakay ninyo ay pawang negatibo, kaya, mayroon bang mga tama at positibong kalagayan? (Oo. Halimbawa, kapag gusto kong palugurin ang Diyos sa abot ng aking makakaya, nagagawa kong talikdan ang aking laman at isagawa ang katotohanan: Positibo ang ganoong uri ng kalagayan.) Sa ngayon, nailalarawan pa lang ninyo ang ilang kalagayan nang hindi talaga nabibigyang-kahulugan kung ano ang isang kalagayan. Kaya ngayon, ibuod natin kung ano talaga ang isang kalagayan batay sa lahat ng sinabi ninyo. Ano ba talaga ang tinutukoy ng “kagalayan”? Ito ay isang uri ng pananaw na taglay ng mga tao o isang kondisyon na kinalalagyan ng mga tao kapag may nangyayari sa kanila, gayundin, ito ay ang mga kaisipan, mood, at paninindigan na idinudulot ng kondisyong ito. Halimbawa, kapag iwinawasto at tinatabasan ka habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, hindi ka matutuwa, at magiging negatibo ang kalagayan mo. Sa panahong ito, ang mga pananaw at saloobin na lumalabas sa iyo, gayundin ang mga paninindigan mo—ito ang ilan sa mga nauugnay na detalye ng iyong kalagayan. Hindi ba’t may kinalaman ito sa mga bagay na madalas ninyong nararanasan? (Mayroon nga.) Ito ay may kaugnayan sa buhay ng mga tao; isa itong bagay na nakikilala ng lahat—isang bagay na nararamdaman, nararanasan, at nakakaugnayan nila—sa bawat araw ng kanilang pang-araw-araw na buhay. Kaya ano sa palagay ninyo: Kapag nasa negatibong kalagayan, anong mga bagay ang lumalabas sa isang tao? (Ang maling pagkaunawa, pag-iwas, pagtukoy sa sarili, at lubusang pagsuko pagkatapos ng anumang mga problema; kapag malubha ito, maaaring may isang taong tuluyang iiwas pa nga sa kanyang mga responsabilidad.) Kapag malubha ito at umiwas siya sa kanyang mga responsabilidad, iyon ba ay isang saloobin o isang paninindigan? O may iba pa bang tawag dito? (Ito ay isang uri ng kondisyon at mood.) Mas matatawag itong isang kondisyon at mood. Sa panahong ito, ano ang saloobin ng isang tao habang ginagawa niya ang kanyang tungkulin? (Negatibo siya at nagpapakatamad, wala siyang motibasyon, at iniraraos lang niya ang tungkulin.) May kinalaman ito sa tunay na kalagayan ng mga usapin. Ang pagsasabi na “wala siyang motibasyon” ay isang parirala na walang kabuluhan; dapat kang magsalita tungkol sa totoong kalagayan ng mga usapin. Kapag ginagawa ng mga tao ang kanilang tungkulin nang walang motibasyon, ano ang iniisip nila sa kanilang puso? Ano ang tiwaling disposisyong lumalabas sa panahong ito? (Iniraraos lamang nila ang paggawa ng kanilang tungkulin; kumikilos sila nang pabasta-basta.) Hindi ito isang disposisyon kundi isang depinisyon na inilalapat sa iyo pagkatapos mong kumilos; isa itong paraan ng pagkilos. Ngunit tungkol sa kung ano ang nagsanhi sa iyo na iraos lang ang tungkulin, hindi ba’t kailangan mong mas pag-isipan nang mabuti? Sa pag-iisip nang mas mabuti, matutuklasan mo ang iyong tiwaling disposisyon. Ang pagraraos ng tungkulin ay isang pagpapamalas ng isang tiwaling disposisyon. Ang paraan ng iyong pag-iisip sa puso mo ay maaaring humantong sa pagraraos lamang ng iyong tungkulin, at maaaring magsanhi na mabawasan ang iyong sigla kaysa dati. Ang kaisipan mong iyon ay isang tiwaling disposisyon, at ang bagay na nagsanhi ng kaisipang iyon ay ang kalikasan mo. Ang ilang tao ay nahaharap sa pagtatabas at pagwawasto habang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, at sinasabi nila na: “Dahil limitado lang ang aking mga abilidad, gaano ba talaga karami ang kaya kong gawin? Wala akong gaanong nauunawaan, kaya kung gusto kong gawin nang maayos ang trabahong ito, hindi ba’t kailangan kong matuto habang gumagawa ako? Magiging madali ba iyon para sa akin? Hindi lang talaga naiintindihan ng Diyos ang mga tao; hindi ba’t pamimilit ito sa isang tao na gumawa ng isang bagay na hindi nito kaya? Hayaang gawin ito ng isang taong mas higit na nakakaunawa kaysa sa akin. Ganito lang ang magagawa ko—hindi ko kayang gawin ang higit pa rito.” Karaniwang sinasabi at iniisip ng mga tao ang mga ganoong bagay, tama ba? (Tama.) Magagawang aminin iyon ng lahat. Walang taong perpekto, at walang sinuman ang anghel; ang mga tao ay hindi nabubuhay nang nag-iisa. Ang bawat tao ay may ganitong mga kaisipan at tiwaling pagpapamalas. Ang bawat isa ay may kakayahang maipamalas ang mga bagay na ito at mamuhay nang madalas sa mga kalagayang ito, at hindi nila ito sinasadya; hindi nila maiwasang mag-isip nang ganito. Bago may anumang mangyari sa kanila, ang mga tao ay medyo may normal na kalagayan, ngunit naiiba ang mga bagay kapag may nangyayari sa kanila—napakadaling lumabas sa kanila ng negatibong kalagayan, nang walang hadlang o pagpigil, at nang walang pang-uudyok o panunulsol ng iba; hangga’t ang mga bagay na kanilang kinakaharap ay hindi naaayon sa kanilang sariling kagustuhan, lumalabas ang mga tiwaling disposisyong ito sa lahat ng oras at lugar. Bakit lumalabas ang mga ito sa lahat ng oras at lugar? Nagpapatunay ito na ang mga tao ay may ganitong uri ng tiwaling disposisyon at tiwaling kalikasan sa loob nila. Ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao ay hindi iginigiit sa kanila ng iba, hindi rin ikinikintal sa kanila ng iba ang mga ito, lalong hindi itinuturo, inuudyok, o isinusulsol ng iba ang mga ito; sa halip, ang mga tao mismo ang nagtataglay ng mga ito. Kung hindi lulutasin ng mga tao ang mga tiwaling disposisyong ito, hindi sila mamumuhay sa tama at positibong kalagayan. Bakit madalas lumalabas ang mga tiwaling disposisyong ito? Sa totoo lang, alam na ninyong lahat na ang mga kalagayang ito ay mali at hindi normal, na kailangang baguhin ang mga ito; hanggang ngayon, hindi pa rin ninyo naiwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito o nabitiwan ang mga maling kaisipan at pananaw na ito, at hindi pa nagkaroon ng anumang makabuluhang pagbabago ang kalagayan ninyo. Makalipas ang sampu o dalawampung taon, wala pa rin kayong anumang pagbabago, at nasa parehong kalagayan kayo tulad ng dati nang magbunyag kayo ng katiwalian, na walang kapansin-pansing pagbawas sa inyong katiwalian, kaya ano ang problema? Ano ang pinatutunayan nito? Matapos ang lahat ng taon na ito, karamihan sa inyo ay hindi nagkaroon ng anumang paglago; naiintindihan lamang ninyo ang ilang salita at doktrina, ngunit hindi ninyo maisagawa ang katotohanan, at hindi ninyo kayang magbigay ng patotoo batay sa karanasan; ito ay dahil, sa lahat ng taon na ito, hindi ninyo hinangad ang katotohanan, at walang makabuluhang pagbabago sa inyong tiwaling disposisyon. Pinatutunayan nito na masyadong mababaw ang inyong karanasan sa buhay, at wala itong lalim; masasabi nang may katiyakan na napakababa ng kasalukuyan ninyong tayog, at wala kayong anumang katotohanang realidad. Kaya ba ninyong tanggapin ang sinabi Ko? Ang mga may kaunting praktikal na karanasan ay malamang na nakauunawa sa Aking mga salita, ngunit ang mga hindi nakauunawa sa katotohanan at hindi pa nakakaalam sa kung ano ang pagpasok sa buhay ay maaaring hindi nauunawaan ang kahulugan ng mga salitang ito. Bakit Ko kayo tinanong kung ano ang kalagayan? Kung hindi ninyo nauunawaan kung ano ang isang kalagayan, hindi ninyo mauunawaan man lang ang sinasabi Ko; makikinig lang kayo sa mga salita, ituturing ang mga ito na tila tama ang mga ito. Kung mayroon kayong ganitong pananaw, nagpapatunay ito na wala kayong karanasan, at hindi ninyo nauunawaan ang mga salita ng Diyos. Kung nais ng mga tao na pumasok sa katotohanang realidad, na magkaroon ng tunay na buhay pagpasok, dapat nilang maunawaan ang ilang kalagayan; dapat nilang maunawaan at mapangasiwaan ang sarili nilang mga problema, at malaman kung nasa anong uri ng kalagayan sila sa kanilang totoong buhay, kung ang kalagayang iyon ay tama o mali, kung anong uri ng tiwaling disposisyon ang lumalabas sa mga tao kapag nasa maling kalagayan sila, at kung ano ang diwa ng tiwaling disposisyong ito—dapat nilang maunawaan ang lahat ng bagay na ito. Kung hindi mo nauunawaan o naaarok ang mga bagay na ito, kung gayon, sa isang banda, hindi mo malalaman kung saan magsisimula para makilala ang sarili mong tiwaling disposisyon, para tulutang magbago ang iyong sarili; sa kabilang banda naman, hindi mo malalaman kung saan magsisimula para kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o pumasok sa katotohanan. Madalas ba kayong nahaharap sa sitwasyong ilalarawan Ko? Pagkatapos makinig sa Akin na magsalita tungkol sa isang bagay, alam lamang ninyo ang tungkol sa bagay na iyon, ngunit hindi ang kalagayang tinutukoy nito, at hindi ninyo ito nagagamit sa inyong sarili? (Ganoon nga.) Ipinapakita nito na hindi pa umabot sa puntong iyon ang karanasan ninyo. Kung may kinalaman sa inyo ang sinasabi Ko, at malapit na nauugnay sa buhay ninyo—halimbawa, ang pagtatalakay tungkol sa mga bagay na kinakaharap ng mga tao araw-araw habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, o ang mga tiwaling disposisyon na lumalabas sa mga tao habang ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin, o ang mga bagay na may kaugnayan sa mga intensiyon ng mga tao, sa kanilang mayayabang na disposisyon, sa kanilang pagraos lamang sa tungkulin, o sa kanilang mga saloobin habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin—sa sandaling makinig kayo, baka magamit ninyo ito sa inyong sarili. Kung tatalakayin Ko ito nang mas malalim, may mga bagay na maaaring hindi ninyo magamit sa inyong sarili. Nangyayari ba ito minsan? (Oo.) Tungkol naman sa mga bagay na hindi ninyo magamit sa inyong sarili, pinakikinggan ba ninyo ang mga ito nang tulad ng pakikinig sa doktrina, pumapasok sa isang tainga at lumalabas lang din sa kabila ninyong tainga? Kung gayon, paano ninyo dapat unawain ang mga bagay na maaari ninyong gamitin sa inyong sarili? (Pagnilayan at kilalanin ang aming mga sarili, at hanapin ang katotohanan para lutasin ang aming sariling katiwalian.) Ito ang tamang paraan ng pagdanas.

Ang sabihin na mahalaga ang pagninilay at pagkilala sa sarili mong tiwaling disposisyon ay isang pahayag na masyadong masaklaw. Paano mo tunay na pagninilayan at kikilalanin ang iyong sarili? Mayroong isang landas para dito: Kapag may nangyayari sa iyo, dapat mong tingnan ang iyong pananaw at saloobin, ang mga iniisip mo, at mula sa kung anong uri ng paninindigan mo tinitingnan, hinaharap, at tinatrato ang problemang ito. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, mapagninilayan at makikilala mo ang sarili mong tiwaling disposisyon. Ano ang layon ng ganitong uri ng pagninilay-nilay at pagkakilala sa sarili? Ito ay upang mas maunawaan ang iyong sariling tiwaling kalagayan, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin ang iyong mga problema at kamtin ang pagbabago ng disposisyon. Kaya, nasa anong yugto kayong lahat sa kasalukuyan? Gaano kalalim ang pagkakilala ninyo sa inyong sarili? Gaano ninyo nauunawaan kung ano ang kalagayan ninyo sa iba’t ibang panahon o kapag nangyayari sa inyo ang iba’t ibang bagay? Nagsumikap ba kayo o nagawa ba ninyo ang inyong takdang-aralin sa bagay na ito? Naranasan na ba ninyo ang anumang pagpasok? (Kapag nangyayari sa akin ang mga mas halatang bagay o malalaking kaganapan, maaaring nakikita ko ang ilan sa ipinamamalas ko samantalang madali ko namang nakakaligtaan ang mas maliliit na isyu. Minsan hindi ko namamalayan na namumuhay ako sa maling kalagayan.) Kapag wala kayong kamalayan, nasa anong uri kayo ng kalagayan? Sa anong uri ng sitwasyon kayo walang kamalayan? (Sa paggawa sa aking tungkulin na parang basta-basta lamang ito na paggawa sa mga bagay, nang hindi nagsusumikap tungo sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, kaya, kahit na lumabas ang isang tiwaling disposisyon, hindi ko ito malalaman.) Ang pagtrato sa iyong tungkulin bilang paggawa lamang ng mga bagay-bagay, bilang isang uri ng trabaho, gampanin, o responsabilidad, at paggawa nito nang walang pakialam, nang hindi ito iniuugnay sa pagpasok sa buhay, ay isang napakakaraniwang kalagayan; ito ay pagtrato sa iyong tungkulin bilang isang bagay na kailangan lamang gawin, sa halip na bilang isang landas o paraan sa pagpasok sa buhay. Katulad lang ito ng pagpasok sa trabaho: Ang ilang tao ay itinuturing ang kanilang trabaho bilang isang propesyon, iniuugnay ito sa kanilang buhay, at iniuugnay ito sa kanilang mga interes at libangan, pati na rin sa kanilang mga mithiin at layon sa buhay. Samantala, itinuturing ng iba ang pagpasok sa trabaho bilang isang uri ng responsabilidad—hindi pwedeng hindi sila papasok sa trabaho. Pumapasok sila sa tamang oras araw-araw para magkapera upang maitaguyod ang kanilang mga pamilya ngunit wala silang mga layon o mithiin sa buhay. Ngayon, hindi ba’t ang karamihan sa inyo ay nasa ganitong uri ng kalagayan? Ang inyong tungkulin ay nakahiwalay sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan. Kahit pa kinikilala ninyo ang sarili ninyong mga pagkakamali, hindi kayo nagtatamo ng anumang tunay na pagbabago; bumabalik lamang kayo sa pag-iisip tungkol sa mga usapin ng pagpasok sa buhay kapag medyo nakokonsiyensiya kayo sa puso ninyo. Pero karaniwan ay ginagawa lang ninyo ang kahit anong gusto ninyo. Mas hinuhusayan mo nang kaunti ang paggawa kapag nasisiyahan ka o kapag napakaganda ng iyong mood, ngunit kung may mangyayari isang araw na salungat sa mga ninanais mo, o kung binangungot ka na nagpasama ng iyong mood, maiimpluwensyahan nito ang pag-iisip mo nang ilang araw, pati na ang mga resulta ng iyong tungkulin. Gayunpaman, hindi mo ito namamalayan sa puso mo; naguguluhan ka, at sa loob ng sampung araw na iyon, o dalawang linggo pa nga, inaantala mo ang mga bagay-bagay, iniraraos lamang ang tungkulin. Kapag ang isang tao ay namumuhay sa gayong kalagayan, hindi ba’t natitigil ang pagpasok sa buhay? Kung matitigil ang pagpasok sa buhay, malulugod ba ang Diyos sa mga pagkilos ng mga tao at sa tungkulin na kanilang ginagawa? (Hindi.) Bakit hindi? Ang kanilang mga kilos at tungkulin sa sitwasyong ito ay walang kinalaman sa katotohanan at hindi katumbas ng pagpapatotoo sa Diyos, kaya ang paggawa ng kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay hindi makapagpapalugod sa Diyos. Posibleng hindi ka nagkakamali sa iyong tungkulin nang ilang panahon, kaya iniisip mo na ang paggawa ng iyong tungkulin sa ganitong paraan ay lubos na naaangkop; hangga’t palagi kang abala sa iyong tungkulin, nang hindi iniiwan ang iyong gawain, at hindi nag-iisip ng iba pang mga bagay, pakiramdam mo ay ayos lang ang paggawa ng tungkulin mo sa ganitong paraan. Hindi ba’t ang ganitong uri ng saloobin ay halimbawa ng pagraraos lamang sa tungkulin? Kung nasisiyahan ka na sa mga kilos lamang, nakahiwalay sa mga katotohanang prinsipyo, kung gayon, makapagkakamit ka ba ng mga resulta sa paggawa ng iyong tungkulin? Kapag natapos na ang gawain ng Diyos, paano ka magpapaliwanag sa Diyos? Kung hindi ka umaako ng responsabilidad habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, at hindi mo hinahanap ang katotohanan at pinangangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo, ito ba ay paggawa sa iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan? Makakamit ba nito ang pagsang-ayon ng Diyos? Kung bigla kang nakatagpo ng isang pagsubok o tinabasan at iwinasto ka, at pagkatapos ay napagtanto mo na sumapit ang paghatol at pagkastigo sa kadahilanang nilabag mo ang disposisyon ng Diyos, at bigla kang natauhan, dahilan para sa wakas ay magtino ka nang ilang araw, ito ba ay isang normal na kalagayan para sa pagpasok sa buhay? (Hindi.) Ang malinaw na pagbabago sa iyo pagkatapos kang matabasan at maiwasto ay katulad ng sakit pagkatapos mahampas ng latigo. Mayroon kang kaunting pagkakilala sa iyong sarili. Sa panlabas, maaaring mukhang lumago ka na nang kaunti at nagkamit ng kaunting pagkaunawa sa pagtatabas, pagwawasto, paghatol at pagkastigo sa iyo. Pero kung kayo ang tatanungin, kung hindi man lang nauunawaan o naaarok ng mga tao ang kanilang sariling mga tiwaling disposisyon at ang kanilang iba’t ibang tiwaling kalagayan, at kung hindi nila kailanman maingat na sinuri ang mga bagay na ito, at hindi kailanman nalutas ang mga problemang ito, magkakamit ba sila ng isang normal na kalagayan para sa pagpasok sa buhay? Makakapasok ba sila sa katotohanang realidad? Sa tingin Ko ay hindi madali para sa kanila na magkamit. Sinasabi ng ilang tao: “Nakakaunawa ako ng mga prinsipyo sa mga usapin ng paggawa ng aking tungkulin; hindi ba’t pagkaunawa ito sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad?” Madaling sundin ang mga panuntunan, at madaling panghawakan ang mga panlabas na kilos, ngunit ang mga ito ay hindi katumbas ng pagsasagawa sa katotohanan, at hindi rin katumbas ng pangangasiwa sa mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, sabihin nang dapat kang bumangon ng alas-singko ng umaga araw-araw, at matulog ng alas-diyes ng gabi; magagawa mo bang sundin ang prinsipyong ito sa iyong pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Ang isang iskedyul na mula alas singko hanggang alas diyes ay medyo maganda; naaayon ito sa likas na ritmo ng mga tao, at mabuti ito para sa kanilang katawan, ngunit bakit mahirap para sa kanila na tanggapin ito? May problema rito. Hindi ibig sabihin na hindi alam ng mga tao ang pangangatwiran na ito o hindi alam ang karaniwang kaalamang ito—alam na alam nila ito—kaya bakit hindi nila ito matanggap? Bakit ayaw ng mga tao na sumunod sa iskedyul na ito, ayaw mamuhay ayon sa pamamaraan at kagawiang ito? Kabilang dito ang mga pisikal na interes ng mga tao. Hindi ba’t ang pag-ayaw na gumising nang maaga ay katulad ng pagnanais na mas matulog pa, gaya ng pagnanais na sundin ang iyong mga pisikal na kagustuhan at pisikal na pakiramdam? Ang paggising nang maaga ay sumasalungat sa pisikal na kaginhawahan ng mga tao, kaya ayaw nilang gawin ito, at nalulungkot sila dahil dito. Kaya, matatanggap ba ng mga tao ang katunayan na “ang pagbangon nang maaga ay mabuti para sa inyong katawan”? Hindi. Hindi kayang isuko ng mga tao ang kahit maliit na bahaging ito ng kanilang interes, at gayunpaman, dapat pa rin nilang disiplinahin ang kanilang mga katawan, dapat pa rin silang magdasal, at pagbutihin ang kanilang mga kaisipan. Dapat din silang maimpluwensyahan ng kanilang kapaligiran: Bumabangon lamang sila kapag nakikita nilang bumangon na ang ibang tao at nahihiya sila sa kanilang pagnanais na matulog. Napipilitan silang bumangon araw-araw, at talagang hindi sila nasisiyahan dito. Ano ang nagsasanhi sa mga kaisipan at kalagayang ito? Ang mga tao ay nagnanasa ng pisikal na kaginhawahan, gusto nilang kumilos sa anumang paraang gusto nila, at nagkikimkim sila ng mga kaisipan ng katamaran at pagpapalayaw sa sarili. Sa isang banda, hindi nila isinasaalang-alang ang mga regular na ritmo ng kanilang mga katawan, at sa kabilang banda naman, hindi nila isinasaalang-alang ang tungkulin na kanilang ginagawa; sa halip, tumutuon muna sila sa pagbibigay-kasiyahan sa kanilang mga pisikal na interes. Sa huling pagsusuri, mayroong isang aspeto sa tiwaling disposisyon ng tao, na kung saan nais nilang laging magpakasasa sa laman at hindi magpapigil. Kung iwinawasto sila, sinusubukan nilang mangatwiran, palaging ipinagtatanggol ang kanilang sarili, na medyo hindi makatwiran. Ang paggising nang maaga ay isang maliit na bagay na hindi nakakaapekto sa mga pakinabang o kawalan ng mga tao—hangga’t kaya mong madaig ang iyong pagnanais para sa mas mahabang tulog, magagawa mo ito—ngunit napakahirap para sa mga tao na talikuran ang maliit na pisikal na benepisyo ng medyo mas matagal na pagpapahinga. Kapag ang pagnanais mo para sa mas maraming tulog ay nakakaapekto sa iyong gawain, malalaman mo na hindi ito naaayon sa mga katotohanang prinsipyo; bukod sa hindi ka nagninilay-nilay sa sarili, mayroon ka pang mga reklamo sa puso mo, at hindi ka nasisiyahan, palaging iniisip na: “Bakit hindi ko kailanman mapagbigyan ang aking sarili kahit kaunti, o gawin ang anumang gusto ko kahit sandali lang?” Madalas na may ganitong mga pag-iisip ang mga tao. Kaya, paano dapat lutasin ang kalagayang ito? Dapat kang magdasal, kayanin mong lampasan ang iyong mga pisikal na paghihirap, sikaping lumago, itigil ang pagnanasa ng kaginhawahan, kayaning magdusa, maging tapat sa iyong tungkulin, huwag gawin ang anumang gusto mo, at matutong pigilan ang iyong sarili. Madali bang pigilan ang iyong sarili? (Hindi.) Bakit hindi? (Dahil ang mga tao ay ayaw magpapigil, ayaw nilang pinangangasiwaan sila, at nais nilang bigyang-layaw ang kanilang sarili.) Ang mga taong hindi nakauunawa sa kung ano ang pagpipigil sa sarili, na hindi kayang pigilan ang kanilang sarili, may mahinang pagpipigil sa sarili, at palaging kumikilos nang walang pakundangan at nagpapakasasa sa pantasya ay mga taong mayroong immature na pagkatao, anuman ang kanilang edad. Kapag ang maliit na bagay na ito ay nakakaapekto sa interes ng mga tao, lumalabas ang kanilang tiwaling disposisyon. Kapag nangyari ito, kailangan nilang hanapin ang katotohanan para malutas ito; kailangan nilang makilala ang kanilang sarili at maunawaan ang katotohanan, upang malutas ang problema ng kanilang katiwalian. Kapag nalinis ang mga tao sa kanilang tiwaling disposisyon, hindi namamalayang nakapapasok sila sa katotohanang realidad, lumalago ang kanilang buhay, at nagbabago ang kanilang disposisyon sa buhay.

Nagbigay lang Ako ng isang simpleng halimbawa tungkol sa kung paanong ang isang bagay na kasingliit ng pang-araw-araw na nakagawian ay maaaring magbunyag sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao at kung ano talaga ang tumatakbo sa kanilang isipan; lahat ng ito ay nalantad na ngayon. Sa paglalantad ng mga tiwaling disposisyong ito, natuklasan mo na talaga ngang labis kang nagawang tiwali ni Satanas. Kahit pa maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, at nakauunawa ka ng kaunting doktrina, hindi mo pa naiwawaksi ang iyong tiwaling disposisyon. Anuman ang tungkuling ginagawa mo, hindi mo ito nagagawa nang pasok sa pamantayan; anuman ang mga bagay na pinangangasiwaan mo, hindi mo ito nagagawa nang ayon sa mga prinsipyo; hindi ka pa isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Kaya batay sa kasalukuyang kalagayan ng mga tao, talaga bang nailigtas na sila ng Diyos? Hindi pa, dahil hindi pa nila tuluyang naiwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon, napakalimitado pa rin ng kanilang pagsasagawa sa katotohanan, at malayo pa sila sa tunay na pagpapasakop sa Diyos; ang ilang tao ay may potensyal pa ngang sumunod kay Satanas, o sa tao. Sapat na ang mga katunayang ito para patunayan na hindi pa talaga umabot ang tayog ng mga tao sa puntong kung saan nailigtas na sila. Dapat ikategorya ng bawat isa ang kanilang sarili batay sa kanilang sariling totoong kalagayan at tukuyin kung anong uri sila ng tao. Sa pagninilay-nilay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, nakikilala ng ilang tao ang kanilang sariling iba’t ibang panloob na kalagayan, gayundin ang mga kaisipan, pananaw, at mga saloobin na umuusbong habang nangyayari sa kanila ang iba’t ibang bagay. Nakikita ng ilang tao na sila ay mayabang at may labis na pagtingin sa sarili, na mahilig silang magpakitang-gilas, at na mahilig silang umaktong nakahihigit sila sa iba at isiping mas mataas sila kaysa sa iba. Nakikita ng ilang tao na sila ay baluktot at mapanlinlang, na gumagamit sila ng lahat ng uri ng pandaraya, at na sila ay mapaminsala. Nakikita ng iba na inuuna nila ang pakinabang, na mahilig silang manamantala ng iba, at na sila ay makasarili at kasuklam-suklam na mga tao. Ang ilang tao ay nagninilay-nilay sandali at napagtatanto nila na mapagpaimbabaw sila. Kadalasang iniisip ng iba noon na sila ay may talento, na sila ay may kakayahan, at na mahusay sila sa kanilang propesyon, ngunit pagkatapos magnilay-nilay nang ilang panahon, napagtatanto ng mga ito na sila ay walang kahit isang positibong katangian; sila ay walang talento at, bukod dito, sila ay hangal at walang prinsipyo sa kanilang mga kilos. Ang ilang tao ay nagninilay-nilay nang ilang panahon at napagtatanto na makitid ang utak nila, na nakikipagtalo sila sa maliliit na bagay; hindi katanggap-tanggap na magsabi ang iba ng anumang bagay na nakakaapekto sa kanilang mga interes, at wala silang alam tungkol sa pagpaparaya. Makatutulong ba sa iyong pagpasok sa buhay ang magkamit ng kaalamang tulad nito mula sa pagninilay-nilay sa sarili? (Makatutulong ito.) Paano ito makatutulong? (Matutulungan kami nitong magkaroon ng pusong naghahanap sa katotohanan. Kung hindi namin kikilalanin ang mga problemang ito, hindi namin malalaman na madalas kaming nagbubunyag ng tiwaling disposisyon, lalong hindi namin magagawang hanapin ang katotohanan para malutas ang aming mga problema.) (Kung hindi namin alam ang tungkol sa mga ito, hindi namin malalaman na kami ay nasa isang kahabag-habag na sitwasyon. Matapos makilala ang mga ito, nanaisin naming hanapin ang katotohanan para malutas ang aming mga problema. Magiging handa kaming kumalas sa mga gapos ng aming tiwaling disposisyon, at nanaisin naming hanapin ang katotohanan para iayon ang aming sarili sa mga salita ng Diyos.) Isipin ang isang tao na nag-aakalang siya ay dakila, matuwid, mapagbigay, may talento, mapagparaya, mabait, sinsero, at labis na tapat sa iba, at na ang kanyang sariling tiwaling disposisyon ay may maliliit na kapintasan na gaya sa mga ordinaryong tao, tulad ng kayabangan, pagmamatuwid sa sarili, poot, at inggit, pero iniisip din nila na, maliban sa maliliit na kapintasang ito, sila ay perpekto, at mas kagalang-galang, mas marangal, at mas mapagmahal kaysa iba—kung ang isang tao ay palaging nasa gayong kalagayan, sa tingin mo ba ay makakaharap siya sa Diyos at tunay na makakapagsisi? (Hindi.) Sa anong mga sitwasyon talagang makakaharap ang isang tao sa Diyos upang makilala ang kanyang sarili, tunay na magpatirapa sa harap Niya, at magsabing, “O Diyos, lubos akong ginawang tiwali ni Satanas. Hindi ako handang bitiwan ang anumang bagay na may kaugnayan sa aking sariling mga interes. Isa akong makasarili at kasuklam-suklam na tao, na walang kahit isang positibong katangian. Handa akong tunay na magsisi at isabuhay ang wangis ng isang tunay na tao—nais kong iligtas ako ng Diyos”? Kapag ang isang tao ay may kahandaang tunay na magsisi, mabuti ito; kung gayon, madali para sa kanya na pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at magkamit ng kaligtasan.