Sa Paghahanap Lamang sa Katotohanan Malulutas ng Tao ang Kanyang mga Kuru-kuro at Maling Pagkaunawa sa Diyos (Ikalawang Bahagi)
Sinusunod ng ilang tao ang sarili nilang kagustuhan kapag kumikilos sila. Nilalabag nila ang mga prinsipyo, at pagkatapos mapungusan, sa mga salita lamang nila inaamin na sila ay mayabang, at na nakagawa sila ng pagkakamali dahil lamang sa wala sa kanila ang katotohanan. Pero sa kanilang puso, nagrereklamo sila na, “Walang ibang nangangahas na magsalita o kumilos, ako lamang—at sa huli, kapag may nangyaring mali, ipinapasa nila sa akin ang lahat ng responsabilidad. Hindi ba’t ang hangal ko naman? Hindi ko na puwedeng ulitin iyon sa susunod, na mangahas na magsalita o kumilos nang ganoon. Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril!” Ano ang tingin mo sa ganitong saloobin? Saloobin ba ito ng pagsisisi? (Hindi.) Anong saloobin ito? Hindi ba’t naging madaya at mapanlinlang na sila? Sa kanilang mga puso, iniisip nila na, “Mapalad ako na sa pagkakataong ito ay hindi ito humantong sa isang sakuna. Isang pagkahulog sa bitag, isang dagdag-katalinuhan, sabi nga. Kailangan kong maging mas maingat sa hinaharap.” Hindi nila hinahanap ang katotohanan, gamit ang kanilang maliliit na panlalansi at tusong mga pakana sa pag-aasikaso at pagharap sa usapin. Kaya ba nilang tamuhin ang katotohanan sa ganitong paraan? Hindi nila kaya, dahil hindi sila nagsisi. Ang unang dapat gawin kapag nagsisisi ay ang kilalanin kung ano ang nagawa mong mali: makita kung saan ka nagkamali, ang diwa ng problema, at ang tiwaling disposisyon na nalantad mo; dapat mong pagnilayan ang mga bagay na ito at tanggapin ang katotohanan, pagkatapos ay magsagawa ayon sa katotohanan. Ito lamang ang saloobin ng pagsisisi. Sa kabilang banda, kung lubos kang nag-iisip ng mga tusong paraan, nagiging mas madaya kaysa dati, nagiging mas mautak at mas tago ang mga diskarte mo, at nagkakaroon ka ng mas maraming pamamaraan sa pagharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, ang problema ay hindi kasingsimple ng pagiging mapanlinlang lang. Gumagamit ka ng pailalim na kaparaanan at mayroon kang mga lihim na hindi mo maisiwalat. Ito ay kabuktutan. Hindi ka lamang hindi nagsisi, kundi naging mas madaya at mapanlinlang ka pa. Nakikita ng Diyos na masyado kang mapagmatigas at buktot, na sa panlabas ay inaamin mong nagkamali ka, at tinatanggap mo ang pagpupungos, ngunit ang totoo, wala kang saloobing nagsisisi kahit katiting. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil habang ang kaganapang ito ay nangyayari o nang matapos na ito, hindi mo man lang hinanap ang katotohanan, hindi ka nagnilay at sumubok na kilalanin ang sarili mo, at hindi ka nagsagawa ayon sa katotohanan. Ang iyong saloobin ay gamitin ang mga pilosopiya, lohika, at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang problema. Sa totoo lang, iniiwasan mo ang problema, at binabalot ito sa isang malinis na pakete para walang makitang bakas nito ang ibang tao, wala kang hinahayaang makalusot. Sa huli, pakiramdam mo ay medyo matalino ka. Ito ang mga bagay na nakikita ng Diyos, sa halip na ang tunay mong pagninilay-nilay, pagtatapat, at pagsisisi sa iyong kasalanan sa harap ng usaping sumapit sa iyo, at pagkatapos ay patuloy na paghahanap sa katotohanan at pagsasagawa ayon sa katotohanan. Ang saloobin mo ay hindi saloobin na hanapin ang katotohanan o isagawa ang katotohanan, ni hindi ang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga plano ng Diyos, kundi ang saloobin na gumagamit ng mga diskarte at pamamaraan ni Satanas upang lutasin ang iyong problema. Binibigyan mo ng maling impresyon ang iba at nilalabanan mo ang pagbubunyag ng Diyos, at ipinagtatanggol mo ang sarili mo at nakikipagtalo hinggil sa mga sitwasyong isinaayos ng Diyos para sa iyo. Ang iyong puso ay mas sarado kaysa dati at nakahiwalay sa Diyos. Kung gayon, maaari bang may anumang magandang resulta na magmula rito? Maaari ka pa rin bang mamuhay sa liwanag, nang tinatamasa ang kapayapaan at kagalakan? Hindi na maaari. Kung lalayuan mo ang katotohanan at ang Diyos, tiyak na mahuhulog ka sa kadiliman, tatangis, at magngangalit ng iyong mga ngipin. Laganap ba ang gayong kalagayan sa mga tao? (Oo.) Madalas na pinapaalalahanan ng ilang tao ang kanilang mga sarili, sinasabing, “Pinungusan ako sa pagkakataong ito. Sa susunod, kailangan kong maging mas mapagkalkula at mas maingat. Kailangan kong maging mapagbantay sa lahat ng bagay para hindi ako madehado; ang mga taong hindi mapagkalkula ay mga hangal.” Kung ganito mo palaging ginagabayan at pinapaalalahanan ang iyong sarili, makapagtatamo ka ba ng magagandang resulta kahit kailan? Magagawa mo kayang matamo ang katotohanan? Kung may isang isyung sumapit sa iyo, dapat mong hanapin at unawain ang isang aspekto ng katotohanan, at tamuhin ang aspektong iyon ng katotohanan. Ano ang maaaring matamo sa pag-unawa sa katotohanan? Kapag nauunawaan mo ang isang aspekto ng katotohanan, nauunawaan mo ang isang aspekto ng mga layunin ng Diyos; nauunawaan mo kung bakit ginawa sa iyo ng Diyos ang bagay na ito, kung bakit gayon ang ipinagagawa Niya sa iyo, kung bakit isasaayos Niya ang mga sitwasyon upang ituwid at disiplinahin ka nang gayon, kung bakit gagamitin Niya ang usaping ito upang pungusan ka, at kung bakit ka bumagsak, nabigo, at ibinunyag sa usaping ito. Kung nauunawaan mo ang mga bagay na ito, magagawa mong hanapin ang katotohanan at makakamit ang pagpasok sa buhay. Kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito at hindi mo tinatanggap ang mga katunayang ito, kundi ipinipilit mong salungatin at labanan ang mga ito, na gamitin ang sarili mong mga diskarte upang magpanggap, at na harapin ang lahat ng iba pa at ang Diyos nang may huwad na pagmumukha, hindi mo magagawang matamo ang katotohanan magpakailanman. Kung mayroon kang tapat na saloobin, isang saloobing tumatanggap at nagpapasakop sa katotohanan, at anuman ang mangyari, gaano mang sakit ang mayroon sa puso mo, o gaano ka man mapahiya ay lagi mong kayang tanggapin ang katotohanan at magpasakop dito, at kaya mo pa ring manalangin sa Diyos, at sabihing, “Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama, at dapat kong tanggapin ito,” ito ay mapagpasakop na saloobin. Gayunman, sa proseso ng pagtanggap, dapat mong patuloy na pagnilayan ang sarili mo, pagnilayan kung nasaan ang mga pagkakamali sa iyong mga aksyon at asal, at kung anong mga aspekto ng katotohanan ang nalabag mo. Dapat mo ring himayin ang mga sarili mong layunin, para makita mo nang malinaw ang tunay mong kalagayan at tayog. Kung pagkatapos noon ay hahanapin mo ang katotohanan, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan nang ayon sa mga prinsipyo. Kung magsasagawa at daranas ka sa ganitong paraan, makakausad ka na bago mo pa malaman. Ang katotohanan ay mag-uugat na sa loob mo; uusbong ito, mamumunga, at magiging buhay mo. Ang lahat ng problema ng iyong mga pagpapakita ng katiwalian ay unti-unting malulutas. Kapag may mga nangyayari, ang saloobin, mga pananaw, at mga kalagayan mo ay mas lalong kikiling sa positibo. Magiging malayo ka pa rin ba sa Diyos kapag nagkagayon? Marahil ay malayo ka pa rin sa Kanya, pero palapit ka na nang palapit, at ang mga pagdududa, haka-haka, maling pagkakaunawa, reklamo, pagrerebelde, at paglaban na kinikimkim mo sa Diyos ay mababawasan din. Kapag nabawasan na ang mga iyon, magiging mas madali na para sa iyo na patahimikin ang sarili mo sa harap ng Diyos kapag may mga nangyayari, at magiging madali nang manalangin sa Kanya, hanapin ang katotohanan, at maghanap ng isang landas ng pagsasagawa. Kapag hindi mo nakikita nang malinaw ang mga bagay na sumasapit sa iyo, kundi sa halip ay lubusan kang nalilito, at hindi mo pa rin hinahanap ang katotohanan, magkakaroon ng problema. Tiyak na lulutasin mo ang mga bagay-bagay gamit ang mga solusyon ng tao, at ang iyong mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, madadayang pamamaraan, at mga tusong paraan ay lalabas lahat. Ganito unang tumutugon ang mga tao sa mga bagay na nasa puso nila. Ang ilang tao ay hindi kailanman isinasapuso ang pagsisikap nila para sa katotohanan kapag may mga nangyayari, at sa halip ay lagi nilang iniisip kung paano haharapin ang mga bagay na iyon sa pamamagitan ng mga pamamaraan ng tao. Bilang resulta, nangangapa sila nang mahabang panahon, pinahihirapan nila ang sarili nila hanggang sa mamutla na ang mukha nila sa pagod, pero hindi pa rin nila isinasagawa ang katotohanan. Ganito kaawa-awa ang mga hindi naghahangad sa katotohanan. Bagama’t maaaring maluwag sa loob mong tinutupad ang iyong tungkulin sa ngayon, at maaaring tinatalikuran mo ang mga bagay-bagay at iginugugol mo ang iyong sarili nang maluwag sa iyong loob, kung mayroon ka pa ring mga maling pagkaunawa, haka-haka, pag-aalinlangan, o reklamo tungkol sa Diyos, o kahit pa nga paghihimagsik at paglaban sa Kanya, o kung gumagamit ka ng iba’t ibang pamamaraan at estratehiya para salungatin Siya at tanggihan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa iyo—kung hindi mo lulutasin ang mga bagay na ito—magiging halos imposible para sa katotohanan na maging panginoon mo, at magiging nakakapagod ang buhay mo. Madalas na nakikibaka at pinapahirapan ang mga tao sa mga negatibong kalagayang ito, na para bang lumubog sila sa isang putikan, at lagi silang abala sa ideya ng tama at mali. Paano nila matutuklasan at mauunawaan ang katotohanan? Upang mahanap ang katotohanan, dapat munang magpasakop ang isang tao. Pagkatapos, pagkaraan ng maikling panahon ng karanasan, magagawa niyang magkaroon ng kaunting kaliwanagan, sa puntong ito madali nang maunawaan ang katotohanan. Kung laging sinusubukan ng isang tao na alamin kung ano ang tama at mali at naiipit siya sa kung ano ang totoo at di-totoo, wala siyang paraan upang matuklasan o maunawaan ang katotohanan. At ano ang kalalabasan nito kung hindi kailanman mauunawaan ng isang tao ang katotohanan? Umuusbong ang mga kuru-kuro at maling pagkaunawa tungkol sa Diyos mula sa hindi pagkaunawa sa katotohanan; kapag may mga maling pagkaunawa sa Diyos ang isang tao, malamang ay magrereklamo siya tungkol sa Diyos. Kapag lumabas ang mga reklamong ito, nagiging pagsalungat ang mga ito; ang pagsalungat sa Diyos ay paglaban sa Kanya, at isa itong mabigat na pagsalangsang. Kung maraming nagawang pagsalangsang ang isang tao, nakagawa siya ng patung-patong na kasamaan, at dapat siyang parusahan. Ito ang uri ng bagay na resulta ng magpakailanmang kawalang-kakayahang maunawaan ang katotohanan. Kaya, ang paghahanap sa katotohanan ay hindi lamang para gawin kang gumaganap ng tungkulin nang mabuti, masunurin, kumikilos nang ayon sa mga alituntunin, mukhang deboto, o mayroong banal na asal at kilos. Hindi lamang ito para makamit ang mga bagay na ito; ito ay pangunahing para lutasin ang iba’t ibang maling pananaw na kinikimkim mo tungo sa Diyos. Ang layunin ng pag-unawa sa katotohanan ay ang lutasin ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao; kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon na iyon, hindi na magkakaroon ng mga maling pagkakaunawa ang mga tao tungkol sa Diyos. Magkaugnay ang dalawang bagay na ito. Kasabay ng paglutas ng mga tao sa kanilang mga tiwaling disposisyon, ang ugnayan sa pagitan nila at ng Diyos ay unti-unting bubuti at lalong magiging normal. Kaya, kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, ang kanilang mga pag-aalinlangan, hinala, pagsubok, maling pagkakaunawa, tanong, at hinaing sa Diyos, at maging ang kanilang paglaban, ay malulutas nang lahat, nang paunti-unti. Anong pagpapamalas ang mangyayari kaagad kapag nalutas na ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao? Magbabago na ang saloobin niya sa Diyos. Kaya na niyang harapin ang lahat ng bagay nang may pusong nagpapasakop sa Diyos, at pagkatapos ay bubuti na ang ugnayan niya sa Diyos. Kapag nauunawaan na niya ang katotohanan, maisasagawa na niya ito. Mayroon na siyang pusong nagpapasakop sa Diyos kaya hindi na siya magiging pabasta-basta sa pagganap ng kanyang tungkulin, lalo nang hindi niya lilinlangin ang Diyos. Sa ganitong paraan, mababawasan nang mababawasan ang kanyang mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa sa Diyos, ang ugnayan niya sa Diyos ay lalong magiging normal, at magagawa na niyang lubusang makapagpasakop sa Diyos kapag ginagampanan niya ang kanyang tungkulin. Kapag hindi niya nilutas ang isyu ng kanyang mga tiwaling disposisyon, hindi siya kailanman magtatamo ng isang normal na relasyon sa Diyos, at hindi siya kailanman magkakaroon ng isang pusong mapagpasakop sa Diyos. Tulad lang ng mga walang pananampalataya, magiging labis siyang mapaghimagsik, laging ikinakaila at nilalabanan ang Diyos sa kanyang puso, at magiging imposibleng magampanan niya nang maayos ang kanyang tungkulin. Ito ang dahilan kung bakit napakahalaga ng paghahangad at pagsasagawa sa katotohanan! Hindi mo hinahangad ang katotohanan, pero gusto mo pa ring malutas ang mga kuru-kuro, maling pagkakaunawa, at mga reklamo mo tungkol sa Diyos—makakamit mo ba ito? Tiyak na hindi. Sinasabi ng ilang tao: “Simpleng tao lang ako, wala akong anumang gaya ng mga kuru-kuro, maling pagkakaunawa o pagrereklamo. Hindi ko iniisip ang mga ito.” Masisiguro mo bang wala kang anumang kuru-kuro kung hindi mo ito iniisip? Maiiwasan mo bang ipakita ang mga tiwali mong disposisyon kung hindi mo ito iisipin? Anumang katiwalian ang ihayag ng isang tao, lagi itong tinutukoy ng kanyang kalikasan. Ang lahat ng tao ay nabubuhay ayon sa kanilang satanikong kalikasan; malalim ang pagkakaugat sa loob nila ng kanilang mga satanikong disposisyon, at naging kalikasang diwa na nila ang mga iyon. Walang paraan ang mga tao para puksain ang kanilang mga satanikong disposisyon, sa paggamit lamang sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos na unti-unti nilang malulutas ang lahat ng isyu ng kanilang mga tiwaling disposisyon.
Saan ba naipapamalas ang pagpapabuti o ang kawalan ng pagpapabuti ng relasyon ng isang tao sa Diyos? Naipapamalas ito sa saloobin at mga pananaw mo kapag nahaharap ka sa mga tao, pangyayari, at bagay. Kung ang saloobin at mga pananaw mo ay nagmumula sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o sa kaalaman at mga teorya, at kung pinanghahawakan mo ang mga bagay na ito bilang pilosopiya at kasabihan mo sa buhay, isa ka bang tao na naghahangad sa katotohanan? Nakamit mo na ba ang katotohanan? (Hindi.) Hindi masasabi nang tiyak na hindi ka isang taong naghahangad sa katotohanan; marahil ay nasa daan ka na patungo sa paghahangad sa katotohanan, pero kahit papaano man lang ay ipinapakita nito na hindi ka pa nakapasok sa mga katotohanang realidad. Kung, kapag nahaharap ka sa isang bagay na hindi naaayon sa iyong mga kuru-kuro, ay nagagalit ka kaagad, hinahampas mo ang mesa at sinisigawan ang mga tao, tumatanggi kang tanggapin ito, at hindi ka nagpapasakop, ano ang problema rito? Isang tao ba ito na nabubuhay sa harap ng Diyos? Bakit hindi mo kayang hanapin ang katotohanan? Ipinakikita nito na hindi pa napapangasiwaan ng katotohanan ang puso mo! Kung ni hindi mo kayang manatiling kalmado sa gayong walang kabuluhang bagay, at inilalantad ng maliit na bagay na ito ang pangit mong kalagayan, pinapatunayan nito na hindi ka mahusay gumamit ng katotohanan para lumutas ng mga problema, at na isinasantabi mo ang paghahanap sa katotohanan kapag nagagalit ka. Kung ganoon ang nangyayari, paano ka magkakaroon ng pagpasok sa buhay? May ilang tao na maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, pero anuman ang mangyari, gumagawi silang gaya ng mga walang pananampalataya, nabubuhay sila nang ayon sa mga satanikong pilosopiya at hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan o binabago ang perspektiba nila sa kung paano sila makitungo sa iba at mangasiwa ng mga bagay-bagay. Bagaman hindi sila nakagawa ng anumang lantad na masasamang kilos o nagkamali nang matindi, at mukha silang mabubuting tao, maraming taon na silang nananampalataya sa Diyos pero wala pa silang pagpasok sa buhay, at hindi pa nila kailanman naisagawa ang katotohanan. Makakamit ba ng mga gayong tao ang pagliligtas ng Diyos? Ikinalulungkot Kong sabihing magiging mahirap para sa kanilang makamit ito. May mga taong maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, at anuman ang mangyari ay lagi nilang sinasabi, “Sa tingin ko ay ganito’t ganoon…,” “Ang plano ko ay ganito’t ganyan…,” at “Sa tingin ko ay ganito’t ganoon…,” o sinasabi nila, “Malinaw ang pagkakasabi roon ng lumang kasabihang ito…,” at “Katulad ito ng sinabi ng sikat na taong iyon….” Ang mga taong laging ganito magsalita ay may problema, dahil pinatutunayan nito na sila ay isang taong nabibilang kay Satanas, isang taong wala ni katiting na katotohanan sa puso nila. Kapag may nangyayari, at lagi mong sinasabi, “Naaalala ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos…,” “Minsan sinabi ng Diyos…,” o “Sa isa sa mga sermon sa sambahayan ng Diyos, ipinangaral na…,” “May isang linya sa isang himno ng mga salita ng Diyos na nagsasabi na…,” kung lagi mong iniisip ang mga problema at ganito ka magsalita, pinapatunayan nito na isa kang taong nagmamahal sa katotohanan at nagtataglay ng kaunting katotohanang realidad. Anuman ang mangyari sa isang taong nananampalataya sa Diyos, dapat muna niyang unawain kung ano ang sinasabi ng mga salita ng Diyos, ihambing ang lahat ng bagay sa mga salita ng Diyos, at gamitin ang mga salita ng Diyos bilang kanyang pundasyon, saligan, at panimulang punto. Hindi ba’t ito ang saloobing dapat mayroon siya kapag hinahangad at isinasagawa niya ang katotohanan? Ito ang pinakamababang hinihingi. Sa kasalukuyan, bagaman nakikinig ang mga tao sa mga sermon at nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos bawat araw, kapag may mga nangyayari, sinasabi pa rin nila, “Sabi ng nanay ko…,” “May lumang kasabihan na…,” “Ganito’t ganyan ang sinabi ng isang kilalang tao…,” “Sinabi ng isang kawikaan na…,” at “Gaya nga ng karaniwang sinasabi….” Saan na napunta ang mga salita ng Diyos na kinain at ininom nila? Mula sa saloobin at mga reaksyon ng mga taong ito, makikita mo na hindi pa rin nila nakakamit ang katotohanan o napapasok ang mga katotohanang realidad, at na wala silang may-takot-sa-Diyos na puso at ang tono ng kanilang pananalita ay laging gaya ng sa mga walang pananampalataya. Ang gayong mga tao ay mukhang manhid at mapurol ang utak. Ano ang dahilan nito? (Dahil ito sa hindi paghahangad sa katotohanan.) Sa panlabas ay maaaring mukhang manhid at mapurol ang utak ng mga tao, pero ano naman kaya sila sa panloob? Sa panloob ay lanta na sila, sa ibang salita, hindi pa sila dinidiligan at pinapakain ng katotohanan. Gutom pa rin sila, at hindi pa nila nakakamit ang katotohanan. Kaya, manhid at pagod ang kanilang pamumuhay, mabagal silang tumugon, at kapag may nangyayari ay talagang wala silang magawa, at paminsan-minsan nilang sinasabi, “O Diyos, hindi ko alam ang gagawin ko!” “Nalilito ako!” o “Wala akong landas!” Ang mga salitang ito ay laging nasa mga labi nila. Mabubuting salita ba ito? (Hindi, hindi mabuti.) Kung gayon bakit laging natututuhan ng ilang tao ang mga ito? Naging sikat pa ngang mga pahayag ito. Bakit nakakailang sa Akin ang mga salitang ito? Hindi mabubuting salita ang mga iyon, at hindi kailangang matutuhan ang mga iyon. Huwag ninyong pagtuunan ng pansin ang mga popular na bagay, sa halip pagtuunan ninyo ng pansin ang katotohanan at ang paglutas sa mga praktikal na problema ninyo mismo. Dapat mong pagnilayan kung ang mga pananaw, saloobin, layunin, at panimulang punto mo ba ay nagpapakita ng isang tiwaling disposisyon kapag may mga nangyayari sa iyo. Dapat mo itong pagnilayan. Anuman ang mangyari, umaasa ka ba sa mga satanikong pilosopiya at gumagamit ng mga pamamaraan ng tao para lutasin ito, o hinahanap mo ba ang katotohanan at nilulutas ito ayon sa mga salita ng Diyos, o nagkokompromiso ka ba at lumalagay sa gitna? Ang pinipili mo ang pinakanagpapakita kung isa ka bang taong nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung lagi mong pinipili na lutasin ang mga problema sa pamamagitan ng pagtitiwala sa mga satanikong pilosopiya at pamamaraan ng tao, ang kahihinatnan nito ay na hindi mo makakamit ang katotohanan, ni ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Bukod pa rito, magkakaroon ka ng mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa sa Diyos, at sa huli ay itataboy at ititiwalag ka Niya. Pero kung kaya mong hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay at lutasin ang mga iyon nang ayon sa mga salita ng Diyos, makakamit mo ang kaliwanagan, pagtanglaw, at paggabay ng Banal na Espiritu. Ang pagkaunawa mo sa katotohanan ay lilinaw nang lilinaw, at makikilala mo nang higit pa ang Diyos; sa ganitong paraan ay tunay ka nang makapagpapasakop at makaiibig sa Diyos. Pagkatapos magsagawa at dumanas nang ganito nang ilang panahon, lilinis nang lilinis ang mga tiwaling disposisyon mo, at mababawasan nang mababawasan ang mga pagkakataong nagrerebelde ka sa Diyos, hanggang sa kalaunan ay makakamit mo ang ganap na pagkakaayon sa Kanya. Kung lagi mong pinipili na magkompromiso at lumagay sa gitna, sa totoo lang ay umaasa ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya para mapangasiwaan ang mga problema. Sa ganitong pamumuhay ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos, ibubunyag ka lang at ititiwalag. Kung pinili mo ang maling paraan ng pananampalataya sa Diyos, ang relihiyosong paraan, kailangan mong agad na umatras, lumayo sa bangin, at tumahak sa tamang daan. Kung magkaganoon ay maaaring may pag-asa pa na makamit mo ang kaligtasan. Kung gusto mong makamit ang tamang paraan ng pananampalataya sa Diyos, kailangan mong maghanap at mangapa para dito nang mag-isa. Pagkatapos ng sandaling pagdanas ay mahahanap ng isang taong mayroong espirituwal na pang-unawa ang tamang landas.
Ano ba ang katatapos lang natin pagbahaginan? (Nagbahaginan tayo tungkol sa pangunahing nilulutas ng paghahangad sa katotohanan, iyon ay, ang iba’t ibang maling pananaw na mayroon ang mga tao tungkol sa Diyos, at ang mga tiwaling disposisyon ng tao. Nagbahaginan din tayo tungkol sa mga pananaw, saloobin, at layunin ng mga tao kapag may mga bagay na nangyayari sa kanila, at tungkol sa kung hinaharap ba ng mga tao ang mga bagay-bagay gamit ang mga satanikong pilosopiya at mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, o kung nilulutas ba nila ang mga bagay-bagay na ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan.) Madaling tandaan ang mga salitang ito, ngunit ang pangunahing bagay ay kung naaabot mo ba ang pamantayan ng mga salita ng Diyos kapag may nangyayari, at kung kaya mo bang masumpungan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa. Kung kaya mong gamitin ang mga prinsipyo, maisasagawa mo ang katotohanan, at kung maisasagawa mo ang katotohanan, matataglay mo ang mga katotohanang realidad. Ang pagkaunawa sa katotohanan ay hindi nangangahulugang nakamit mo na ang katotohanan. Kapag naisasagawa mo ang katotohanan ay saka mo lang talagang mauunawaan ito. Kung madalas mong isinasagawa ang katotohanan at ganap mo itong naisasagawa ayon sa mga prinsipyo, iyon ay pagkamit sa katotohanan. Ang kakayahan lamang na magsalita tungkol sa mga salita at doktrina ay hindi maituturing na mabuting kakayahan. May kakayahan ka lamang na makaunawa kung kaya mo nang hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga problema kapag sumasapit sa iyo ang mga bagay-bagay. Ang pinakamahalagang bagay ay ang kakayahang lutasin ang mga praktikal na problema. Halimbawa, kung may maayos kang kaugnayan sa isang kapatid, at pinakiusapan ka niyang tukuyin mo kung ano ang mali sa kanya, paano mo ito dapat gawin? May kaugnayan ito sa kung anong pamamaraan ang gagamitin mo sa bagay na ito. Ang pamamaraan mo ba ay nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo, o gumagamit ka ba ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo? Kung malinaw mong nakikita na may problema sila, ngunit hindi mo sinasabi nang tahasan upang hindi masira ang inyong relasyon, at nagdadahilan ka pa nga, sinasabing, “Mababa ang tayog ko ngayon at hindi ko lubos na nauunawaan ang mga problema mo. Kapag nauunawaan ko na, sasabihin ko sa iyo,” ano kung gayon ang isyu? May kinalaman ito sa isang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Hindi ba ito pagtatangkang lokohin ang iba? Dapat kang magsalita ayon sa nakikita mo nang malinaw; at kung hindi malinaw sa iyo ang isang bagay, sabihin mo. Ito ay pagsasabi ng nasa puso mo. Kung mayroon kang ilang ideya at ilang bagay na malinaw sa iyo, ngunit natatakot kang mapasama ang loob nila, natatakot na masaktan ang kanilang damdamin, kaya pinipili mong manahimik, ito ay pamumuhay nang ayon sa pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Kung matuklasan mo na may problema o naligaw ng landas ang isang tao, kahit hindi mo siya matulungan nang may pagmamahal, kahit paano ay dapat mong ipaalam ang problema para mapagnilayan niya iyon. Kung hindi mo iyon papansinin, hindi ba ito nakakasama sa kanya? Kapag tinulungan mo sila nang minsan, at natuklasan mong hindi nila tinatanggap ang katotohanan, na sila ay hindi makatwiran, may isang mabagsik na disposisyon, at talagang hindi minamahal ang katotohanan, makabubuti na huwag mo nang ipaalam sa kanila ang kanilang mga problema. Subalit kung hindi mo rin ipapaalam ang mga problema sa isang taong kaya namang tanggapin ang katotohanan, wala kang pagmamahal. Kung ganito mo pakitunguhan ang mga kapatid mo, nakikipaglaro ka lang kung ganoon, nililinlang ang mga tao gamit ang mga tusong salita, at laging gustong pagtawanan ang ibang tao. Ang mga taong ganito kumilos ay hindi mabubuting tao, at mayroong disposisyon na nasa loob nito. Ang gayong mga tao ay ganap na nabubuhay nang ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi sila nagsasalita o kumikilos mula sa saklaw ng katwiran ng normal na pagkatao, ni gumagawi nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ganoon, paano mo ba dapat harapin ang bagay na ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo? Anong pagkilos ang naaayon sa katotohanan? Gaano karaming nauugnay na prinsipyo ang mayroon? Una, kahit paano, huwag kang magsanhi na matisod ang iba. Dapat mo munang isaalang-alang ang mga kahinaan ng isang tao at kung anong paraan ng pakikipag-usap sa kanya ang hindi makatitisod sa kanya. Ito man lamang ang nararapat isaalang-alang. Sunod, kung alam mo na sila ay tunay na nananampalataya sa Diyos at matatanggap nila ang katotohanan, kapag napansin mo na may problema sila, dapat kang magkusang tulungan sila. Kung wala kang gagawin at pinagtawanan mo sila, nakakasakit at nakapipinsala ito sa kanila. Ang taong gumagawa niyon ay walang konsensiya o katwiran, at wala silang pagmamahal para sa iba. Iyong mga may kaunting konsensiya at katwiran ay hindi kayang pagtawanan ang kanilang mga kapatid. Dapat silang mag-isip ng iba’t ibang paraan para tulungan ang mga ito na lutasin ang kanilang problema. Dapat nilang hayaang maunawaan ng tao ang nangyari at kung saan siya nagkamali. Problema na nila kung magagawa nilang magsisi; nagawa na natin ang ating responsabilidad. Kahit hindi sila magsisi ngayon, sa malao’t madali ay darating ang araw na mamumulat sila, at hindi ka nila irereklamo o pararatangan. Kahit paano, ang pagtrato mo sa iyong mga kapatid ay hindi maaaring mas mababa sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran. Huwag kang magkakautang sa iba; tulungan sila hangga’t kaya mo. Ito ang dapat gawin ng mga tao. Ang mga taong kayang tratuhin ang kanilang mga kapatid nang may pagmamahal at nang alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo ang pinakamainam na klase ng mga tao. Sila rin ang pinakamabait. Siyempre pa, ang tunay na mga kapatid ay yaong mga taong kayang tanggapin at isagawa ang katotohanan. Kung naniniwala lamang ang isang tao sa Diyos para mabusog sa mga piraso ng tinapay o tumanggap ng mga pagpapala, ngunit hindi niya tinatanggap ang katotohanan, hindi siya isang kapatid. Kailangan mong pakitunguhan ang tunay na mga kapatid nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Paano man sila nananampalataya sa Diyos o anumang landas ang kanilang tinatahak, dapat mo silang tulungan sa diwa ng pagmamahal. Ano ang pinakamaliit na epektong dapat makamtan ng isang tao? Una, hindi ito nakakatisod sa kanila, at hindi sila ginagawang negatibo; pangalawa, nakatutulong ito sa kanila, at napapabalik sila nito mula sa maling landas; at pangatlo, tinutulungan sila nitong maunawaan ang katotohanan at piliin ang tamang landas. Ang tatlong uri ng epektong ito ay makakamtan lamang sa pagtulong sa kanila sa diwa ng pagmamahal. Kung wala kang tunay na pagmamahal, hindi mo makakamtan ang tatlong uring ito ng epekto, at sa pinakamainam ay isa o dalawa lamang ang makakamtan mo. Ang tatlong uri ding ito ng epekto ang tatlong prinsipyo sa pagtulong sa iba. Alam mo ang tatlong prinsipyong ito at nauunawaan mo ang mga ito, ngunit paano talaga naipatutupad ang mga ito? Talaga bang nauunawaan mo ang paghihirap ng iba? Hindi ba’t isa pa itong problema? Dapat mo ring isipin, “Ano ang pinagmumulan ng kanyang paghihirap? May kakayahan ba akong tulungan siya? Kung masyadong maliit ang tayog ko at hindi ko malutas ang kanyang problema, at nagsalita ako nang walang-ingat, baka sa maling landas ko siya maituro. Bukod pa roon, gaano kahusay ang kakayahan ng taong ito na makaunawa, at ano ang kakayahan niya? Sarado ba siya sa kanyang paniniwala? Mayroon ba siyang espirituwal na pang-unawa? Kaya ba niyang tanggapin ang katotohanan? Hinahanap ba niya ang katotohanan? Kung makikita niyang mas mahusay ako sa kanya, at nakipagbahaginan ako sa kanya, uusbong ba sa kanya ang paninibugho o pagiging negatibo?” Kailangang isaalang-alang ang lahat ng tanong na ito. Matapos mong maisaalang-alang ang mga tanong na ito at malinawan sa mga ito, makipagbahaginan ka sa taong iyon, basahin mo ang ilang sipi ng mga salita ng Diyos na naaangkop sa kanyang problema, at ipaunawa sa kanya ang katotohanan sa mga salita ng Diyos at maghanap ka ng landas na isasagawa. Sa gayon, malulutas ang problema, at makakaalis sila sa kanilang paghihirap. Simpleng bagay ba ito? Hindi ito simpleng bagay. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, gaano man karami ang sabihin mo, mawawalan iyon ng silbi. Kung nauunawaan mo ang katotohanan, mabibigyan mo sila ng liwanag at makikinabang sila sa pamamagitan lamang ng ilang pangungusap. Ang susi para matulungan ang mga tao nang may pagmamahal ay ang magbahagi ka tungkol sa ilang sipi ng mga salita ng Diyos tungkol sa problema, at ang pamamaraang ito ang pinakamabisa. Kung hindi ka magbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos, at susubukan mo lang gamitin ang mga salita ng tao, hindi mo malulutas kailanman ang anumang mga praktikal na problema, kahit na gaano pa karami ang mga salitang sabihin mo. Kahit na ano pang problema ang kaharapin ng ibang mga tao, may ilang taong mahihikayat lamang ang iba at magsasabing, “Magbasa ka pa ng mga salita ng Diyos at hanapin mo ang katotohanan sa mga iyon, pagkatapos ay magiging madali na ang paglutas ng problema,” o “Dapat mong mahalin ang Diyos, at sapat na iyon. Hindi ka na magiging negatibo, sapagkat lulutasin ng pagmamahal sa Diyos ang lahat ng problema.” Hindi iyon ganoon kasimple. Ang pagmamahal ba sa Diyos ay isang bagay na maisasagawa mo na sa sandaling sabihin mo ito? Paano iibigin ng mga tao ang Diyos kung hindi nila nauunawaan ang katotohanan? Paano iibigin ng mga tao ang Diyos kung hindi nila alam ang Kanyang gawain? Kung tunay na iniibig ng mga tao ang Diyos, hindi sila magiging negatibo kailanman, at hindi sila magkakaroon ng anumang paghihirap. Ang pagmamahal sa Diyos ay hindi isang simpleng bagay, at natutupad ba ito sa pamamagitan lamang ng pagsasalita tungkol sa ilang doktrina o pagsigaw ng ilang islogan? Ang pagpapasakop sa Diyos ay lalo nang hindi simple, at hindi lamang sa pagsasabi ng ilang salita mahihikayat mo na ang isang tao na magpasakop sa Diyos. Kahit pa ang pagbabahagi tungkol sa mga salita ng Diyos ay makapagbibigay ng kaunting pakinabang sa mga tao sa oras na iyon, hindi na para bang malulutas mo na ang problema ng kanilang pagrerebelde at mapagpapasakop mo sila sa Diyos sa pamamagitan lamang ng pagbabahagi tungkol sa katotohanan nang minsan, at hindi naman na para bang makapagpapasakop na agad sa Diyos ang mga tao kapag malinaw kang nagbahagi tungkol sa katotohanan. Dapat maranasan ng mga tao ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, para magkamit ng resulta. Ang mga laging nagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina para mahikayat ang iba ang pinakamabababaw na tao. Wala silang mga katotohanang realidad, lagi silang umaasa sa pagsasalita tungkol sa mga salita at doktrina para makatulong sa mga tao, at wala silang nakakamit na resulta. Ang tawag dito ay pagiging pabasta-basta, at hindi ito isang tapat na paraan para tratuhin ang iba; napakapeke nito, hindi ito kabaitan. Sa kabuuan, ang ganitong uri ng tao ay ipokrito. Kung wala kang pusong may simpatya o pagmamahal sa iba, paano mo matutulungan ang mga tao? Hindi madaling tunay na malutas ang isang problema. Dapat mong maunawaan ang katotohanan, makita ang diwa ng problema, at pagkatapos ay dapat kang magbahagi sa iba nang malinaw ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at makapagbahagi tungkol sa landas ng pagsasagawa sa paraang nauunawaan ng iba. Sa ganitong paraan, hindi lamang mauunawaan ng mga tao ang katotohanan, kundi magkakaroon pa sila ng landas para isagawa ito, doon lamang maituturing na nalutas na ang problema. Dapat mong pagdaanan ang mga bagay na ito; ang pagkaunawa ay darating sa pamamagitan ng praktikal at personal na pagdanas. Habang mas lalo kang nagbabahagi tungkol sa katotohanan, mas lalo itong magiging malinaw, mas lalong tiyak na lalago ang puso mo, at mas lalo kang magkakaroon ng landas pasulong. Kapag tunay mong nauunawaan ang katotohanan, malalaman mo kung paano ito isagawa. Ang mga mananampalataya ng Diyos ay dapat na dumanas sa paraang ito, dapat nilang isa-isang lutasin ang kanilang mga problema, at sa tuwing nalulutas nila ang isang problema ay dapat nilang lutasin ang isang uri ng tiwaling disposisyon. Kapag nakalutas na sila ng maraming problema, parang nalutas na rin ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Sa gayong paraan, habang mas maraming problema ang nalulutas nila, mas kaunting tiwaling disposisyon ang mayroon sila, at mas maraming mga realidad ng pagpapasakop sa Diyos ang tataglayin nila. Sa ganitong paraan, makakapasok ang mga tao sa mga katotohanang realidad nang hindi nila nalalaman. Habang mas maraming problema ang nalulutas ng mga tao, at mas maraming katotohanan ang nauunawaan nila, mas maraming landas para magsagawa ang tataglayin nila; habang mas maraming problema ang nalulutas nila, at mas maraming tiwaling disposisyon ang nalilinis nila, mas maraming katotohanang realidad ang napapasok nila. Ito ang proseso ng pananampalataya sa Diyos: Palagi kang tutuklas ng problema at lulutasin ang mga iyon—sa sandaling malutas mo ang isang problema, tutuklas ka ng isa pa at pagkatapos ay lulutasin ito, at sa huli ay marami kang malulutas na problema, mauunawaan mo na ang katotohanan, at kung may lumitaw na namang problema, mabilis mo na itong malulutas nang ikaw lang. Ito ang paraan kung paano ka unti-unting lalago sa tayog. Dahil sa pakaunti nang pakaunti ang problema at paghihirap, tiyak na magpapakita ka ng mas kaunting katiwalian, mas lalo kang magpapasakop sa Diyos, at magkakaroon ka ng mas maraming patotoong batay sa karanasan. Sa ganitong paraan, magbabago ang buhay disposisyon mo nang hindi mo man lang namamalayan, at sa huli ay magiging kaayon ka ng Diyos. Hindi ka na magkakaroon ng pagrerebelde, at maisasagawa mo na ang katotohanan at makapagpapasakop ka na sa Diyos sa anumang bagay. Nangangahulugan itong lumago na ang tayog mo, at lubusan mo nang nakamit ang kaligtasan.
Talagang simple lamang na isagawa ang katotohanan, subalit kung wala kang sapat na kakayahang umunawa, o kung wala ang puso mo rito, at lagi kang pabaya at pabasta-basta, hindi mo makakamit ang katotohanan kailanman. Kung gayon, paano makakamit ng isang tao ang katotohanan? Sa pamamagitan ba ito ng mga kahina-hinalang pandaraya o ng puwersa? Hindi. Unti-unti itong nakakamit, nang dahan-dahan, sa pamamagitan ng akumulasyon, paghahanap, personal na karanasan, at pangangapa, habang dinaranas mo ang tunay na buhay. Sa ganitong paraan ka rin ginagabayan ng Banal na Espiritu, na minsan ay nagbibigay lamang sa iyo ng ilang salita, na hindi mo nauunawaan noong panahong iyon, pero mauunawaan mo pagkatapos ng ilang araw sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at pagkatapos ay liliwanag ang puso mo, at mayroon ka nang landas. Nagkakamit ka, subalit ang iba ay hindi, at lumalago ka sa aspektong ito ng katotohanan. Iyon ay pagiging napapaboran. Ang ilang detalye ng katotohanan ay dapat na maramdaman at maranasan, at habang mas lumalago at nagiging detalyado ang karanasan mo, mas madarama mo nang tumpak ang iyong landas. Nang ni hindi mo namamalayan, susundan mo ang landas na ito sa paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan. Magkakamit ka pa ng higit na kaliwanagan tungkol sa pundasyon ng iyong pagkaunawa sa katotohanan, at mauunawaan mo ang higit pang mga detalye ng katotohanan at ang mas maraming katotohanang realidad. Ito ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung mararanasan at maisasagawa mo ito, madarama mong ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi mahirap, subalit kung hindi ka magsasagawa nang ganito, lagi mong madarama na ito ay abstrakto at mahirap, mas mahirap pa kaysa pumasok sa unibersidad o manaliksik ng anumang modernong teknolohiya. Pero sa katunayan, ito ay isang usapin lamang ng paggamit mo sa iyong puso. Ang pag-aaral ng anumang propesyonal na kaalaman o teorya ay umaasa sa memorya, at sa mental na pagsusuri at pananaliksik, subalit tanging ang pagkakamit sa katotohanan ang humihingi na gamitin mo ang iyong puso. Dapat mong gamitin ang puso mo para maranasan at matikman ito, at pagsikapang isipin kung paano mo ito mararanasan. Unti-unti, masusumpungan at makakamit mo ang tamang landas ng pagsasagawa sa katotohanan. Pagkatapos ay nakamit mo na ang isang kayamanan. Ano ang sekreto para makamit ang katotohanan? Unang-una, huwag kang gumamit ng satanikong pag-iisip, lohika, mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, o mga pamamaraan ng pangangasiwa sa mga bagay na nangyayari sa paligid mo. Wala ka nang malalabasan kapag nagkaganoon, sapagkat kung nabubuhay ka ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi mo makakamit kailanman ang katotohanan. Kung ang unang reaksyon mo, kapag may nangyayari, ay pamahalaan at lutasin ang mga iyon gamit ang mga pamamaraan at estratehiya ng tao, at gusto mo laging protektahan ang iyong mga personal na interes at imahe, dadalhin ka nito sa puntong wala ka nang malalabasan. Kung kaya mong hanapin ang katotohanan kapag nahaharap ka sa problema, kung kaya mong manalangin sa Diyos at hanapin ang Kanyang mga layunin, at malaman kung anong mga aral ang dapat mong matutuhan, at kung anong mga katotohanan ang dapat mong maunawaan mula sa mga pagsasaayos ng Diyos, ito ay wasto. Samakatwid, anuman ang mangyari sa mga hindi naghahangad sa katotohanan, lagi silang manhid, asiwa, atubili, walang magawa, at walang landas. Sa katunayan, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng maraming pagkakataon na makamit ang katotohanan subalit, dahil hindi nila minamahal ang katotohanan, pinipili nila ang maling landas at nabibigo silang makamit ito.
Ang mga taong nabubuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyon ay nabubuhay para sa katayuan, banidad, pakinabang, at pagnanasa. Ganito ang buong tiwaling sangkatauhan, halos magkakapareho na may ilan lamang maliliit na pagkakaiba. Gaano man karaming tiwaling disposisyon mayroon ang isang tao, pagkatapos sumampalataya sa Diyos, ang lahat ng nagmamahal sa katotohanan ay maaaring maunawaan ang sarili nilang mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagkain, pag-inom, at pagdanas ng mga salita ng Diyos, at marami sa kanilang mga tiwaling disposisyon ay unti-unting malulutas, at magpapakita sila ng pakaunti nang pakaunting katiwalian. Lubos silang naiiba sa mga walang pananampalataya, sila ay dalawang magkaibang uri ng mga tao, at hindi ba’t ito ay isang pagbabagong nakakamit sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan? Mula sa pagiging mga diyablong walang pananampalataya, ang mga taong ito ay nagiging mga tunay na tao na nakamit na ang katotohanan at na nagsasabuhay ng wangis ng tao pagkatapos nilang sumampalataya sa Diyos; ito ang pakinabang at ang bunga ng pananampalataya sa Diyos. Subalit ang mga hindi man lang hinahangad ang katotohanan matapos sumampalataya sa Diyos, ay hindi nagbabago kahit na matapos ang maraming taon ng pananampalataya, at katulad pa rin sila ng mga walang pananampalataya—ang ganitong klaseng tao ay ititiwalag. Bakit may ganoon kalaking pagkakaiba sa pagitan ng mga taong pareho namang nananampalataya sa Diyos at gumaganap ng mga tungkulin? Ang pinakamahalagang punto ay na magkaiba ang kanilang mga saloobin sa katotohanan. Ang puso ng mga nagmamahal sa katotohanan ay lalong magliliwanag habang lalo silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at habang lalo silang nakikinig sa mga sermon ay lalo naman silang makakaunawa—lagi silang lumalago. Subalit ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay hindi nasisiyahan sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, ni nagsisikap na isagawa ang katotohanan, kaya ang kanilang disposisyon ay hindi malulutas o maaalis. Hindi nila maaaring itago ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kahit subukan pa nila, at hindi nila maikubli ang mga iyon, kahit na gustuhin pa nila. Ito ay dahil nagawa nang tiwali ni Satanas ang lahat ng tiwaling tao, maging sila man ay mga walang pananampalataya o mga nananampalataya sa Diyos, ang diwa ng kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon ay iisa lang talaga, at lahat sila ay nabubuhay para sa katayuan, imahe, pakinabang, at pagnanasa. Ano ba ang pinagtatalunan ng mga tao? Bakit ba sila naggugulpihan para sa isang bagay? Lahat ay para sa mga bagay na ito, at anuman ang pamamaraan, estratehiya, o anyo, ang layon ay iisa lang talaga. Bakit ibinagsak si Satanas sa himpapawid? (Sapagkat nakipagtunggali ito sa Diyos para sa katayuan.) Ito ang tunay na mukha ni Satanas. Sa kasalukuyan, ang lahi ni Satanas ay namana na ng tiwaling sangkatauhan, na ginagawa silang masama, kaya naging kauri na ni Satanas ang mga tao, nag-anyo na silang Satanas, at ang isinasabuhay nila ay kapareho ng kay Satanas. Kung kaya mong makilala ang mga tiwaling disposisyon sa loob ng kalikasang diwa ni Satanas, at pagkatapos ay lutasin ang mga iyon nang isa-isa, maliligtas ka at makakawala ka mula sa impluwensiya ni Satanas. Mahirap bang lutasin ang problema ng mga tiwaling disposisyon? (Hindi ito mahirap para sa mga naghahangad sa katotohanan, subalit kadalasan ay ayaw nating isagawa ang katotohanan, at kumikilos lamang tayo ayon sa sarili nating kalooban. Kapag pinupungusan tayo, nagiging negatibo tayo at sumasama ang loob natin nang sandali, bago tayo atubiling magsagawa nang ayon sa katotohanan.) Ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay ganitong lahat, at dapat silang himukin, hilahin, at itulak ng iba para magsagawa sila ng kahit kaunting katotohanan. Ano ang pinakamahirap sa pagsasagawa ng katotohanan? Ngayon ay may ilang tao na malinaw na nakikita na ang pinakamahirap ay pangunahing mga hadlang na nagmumula sa mga tiwaling disposisyon. Dahil ito sa pagmamahal ng tao sa kasikatan, pakinabang, katayuan, banidad, at imahe. Ang mga usapan, pagtatalo, at argumento ng mga tao ay mga tunggaliang lahat para makita kung sino ang nakakahigit—ang sinumang makakakumbinsi sa iba ang siyang magmumukhang mahusay. Lahat ng iyon ay tunggalian kung sino ang may kabatiran, ang may kakayahan, o awtoridad, at kung sino ang may huling pasya. Walang katapusan ang tunggalian sa mga bagay na ito, at ang nakakubli sa likod ng lahat ng ito ay ang disposisyon ni Satanas, na nabubuhay para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Tingnan mo itong mabuti, at ang problema ay madaling malulutas. Kahit papaano man lang ay lutasin mo muna ang mga bagay na nasa ibabaw na madaling lutasin, at pagkatapos ay unti-unti mong lutasin ang mga maling pagkakaunawa, haka-haka, alinlangan at reklamo tungkol sa Diyos na nasa kaibuturan ng puso mo, pati na rin ang mga pagsalungat, pagsusuri, at pakikipagkompetensiya na nakakubli roon. Kapag lubusan nang nalutas ang mga ito, magiging gaya ka ni Job, isang perpektong tao sa mga mata ng Diyos. Bakit sinabi ng Diyos na si Job ay isang perpektong tao? Sa pagsubok ng Diyos sa kanya, makikita nating wala siyang pagsalungat o pagsusuri pagdating sa Diyos. Sa panahon ng buhay niya, at sa panahong naranasan niya ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, ang mga bagay gaya ng pagrerebelde at paglaban niya ay napungos at nalutas lahat. Sa sandaling nalutas na ang mga negatibong bagay na ito, ang kanyang asal ay ganap nang naiiba mula sa buong tiwaling sangkatauhan nang harapin niya ang mga pagsubok ng Diyos. Isa bang doktrina ang sinabi niya noong panahon ng kanyang mga pagsubok na, “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova”? Siguradong hindi. May bigat ang mga salitang ito, at hindi pa nasabi ninuman dati; si Job ang unang nagsabi ng mga iyon, at nagmula iyon sa kanyang mga personal na karanasan.
Nababahala ba kayo kapag nakikita ninyo ang sarili ninyong nagpapakita ng napakaraming katiwalian araw-araw, at laging nabubuhay sa gitna ng isang satanikong disposisyon, nang walang masyadong pagbabago? (Oo, nababahala ako, at minsan nagdurusa ako.) Normal naman na mabahala, gayundin ang magdusa. Subalit gaano ka man nababahala o nagdurusa, kailangan mong maging kalmado at hanapin kung paano mo malulutas ang iyong mga tiwaling disposisyon. Ito ang tamang kalagayan ng pag-iisip. Kung ilang taon ka nang nagdurusa pero hindi pa rin nalulutas ang mga tiwaling disposisyon mo, hindi ito pupuwede at walang silbi ang pagkaramdam na ito ng pagdurusa. Dapat mong pagnilayan, “Alin sa mga problema ko ang nalutas na? Alin sa mga tiwaling disposisyon ko ang nalutas na? Sa aling mga bagay ako hindi na nagrereklamo sa Diyos?” Dapat lagi mo itong itanong sa sarili mo. Kung sinasabi mo, “Dati ay lagi akong nagrereklamo at nagmamaktol kapag nahaharap ako sa ganitong klaseng bagay, at nagkikimkim ako ng mga maling pagkaunawa sa Diyos, subalit ngayon ay hindi na ako nagrereklamo kapag nangyayari iyong muli, at hindi na ako nagkikimkim ng mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos,” ipinapakita nito na hindi mo nasayang ang oras mo. Kapag naunawaan at nakamit mo na ang katotohanan, magkakaroon ka ng naiibang saloobin sa Diyos, at natural kang magkakaroon ng may-takot-sa-Diyos na puso at ng mapagpasakop na kalagayan ng isipan. Hindi ito isang ordinaryong paggalang, o pagpapakita ng respeto mula sa malayo, o pananabik, pagmamahal, pagkagiliw, o pagdepende; hindi lang itong mga bagay na ito, ito ay tunay na pagkatakot. Para sa tiwaling sangkatauhan ngayon, masyado pang maaga para pag-usapan ang pagkatakot sa Diyos, napakalayo pa. Kung gayon, ano ang dapat muna ninyong hangarin ngayon? Ang hindi maging mapaghinala sa Diyos kahit ano pang mangyari. Paano ninyo maiiwasang maghinala? Una, dapat ninyong malaman kung ano ang mga layunin ng Diyos, at kung ano ang katotohanan. Ikalawa, kapag nangyayari ang mga bagay-bagay na hindi umaayon sa inyong mga kuru-kuro, huwag kayong magreklamo tungkol sa Diyos, o magkaroon ng anumang maling pagkakaunawa tungkol sa Kanya. Paano ninyo maiiwasang magkaroon ng anumang maling pagkakaunawa? Kailangan ninyong maunawaan ang katotohanan, at pagkatapos ay unti-unting makalabas at isa-isang malutas ang inyong mga kuru-kuro at maling pagkakaunawa tungkol sa Diyos. Darating ang araw kung kailan, gaano man kalaki ang pagsubok o kapighatian na kaharapin mo ay hindi ka lalaban, sa halip ay magkakaroon ka ng isang may-takot-sa-Diyos na puso, at makapagpapasakop ka gaano ka man Niya subukin. Pagkatapos noon ay nagtagumpay ka na. Nasa anong yugto na kayo ngayon? Kapag may mga nangyayari, pinagninilayan ninyo, “Ang Diyos ba ang may gawa nito? Tama bang gawin Niya ito?” o minsan ay iniisip pa nga ninyo na, “Nasaan ang Diyos? May Diyos nga ba? Bakit hindi ko Siya nararamdaman?” Maraming gayong kaisipan at kalagayan, at hindi ito tama, sapagkat malayo ka pa sa pagsisimula sa landas ng pagpeperpekto. Dapat kang magsikap mabuti sa iyong paghahangad, sapagkat sa kasalukuyan ay napakababa pa ng tayog mo, hindi nakakaabot sa pamantayan para magtaglay ng mga katotohanang realidad. Huwag mong isiping maayos ka at nagtataglay ka ng ilang realidad, kaya makakapunta ka sa langit at magiging isang anghel. Ang iilan mong realidad ay kulang na kulang pa rin; kahit lagyan ka pa ng pakpak ay hindi ka pa rin magiging anghel. Huwag mong isipin na masyado kang mabuti o mataas, dapat ay magkaroon ka ng kaunting kamalayan sa sarili mo. Makapagpapatotoo ka ba tungkol sa Diyos? Angkop ka bang gamitin ng Diyos? Kung susukatin ka gamit ang pamantayang ito, malayo ka pa rin sa mga hinihingi ng Diyos, at nangangailangan ka ng ilang taon pang karanasan.
Marso 11, 2018