Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa ng Pagpapasakop sa Diyos (Unang Bahagi)
Ang dahilan kung bakit naiinggit ang lahat kay Job ngayon ay dahil mayroon siyang totoong pananalig. Ngunit nakapagbahaginan na ba kayo noon tungkol sa mga detalye ng kanyang mga karanasan at kung bakit nagawa niyang tunay na makapagpatotoo? Ano ang kanyang pang-araw-araw na buhay? Paano siya nakipag-ugnay sa Diyos sa kanyang buhay? Sa kanyang bawat kilos, paano makikita ng isang tao na hinanap niya ang katotohanan, na nagpasakop siya sa Diyos at tinanggap ang mga pagsasaayos at pamamatnugot ng Diyos? Hindi ba’t tinutukoy ng mga bagay na ito ang mga detalye? (Oo.) Tinutukoy ng mga bagay na ito ang mga detalye ng paghahangad sa katotohanan, isang bagay na kulang sa mga tao ngayon. Ang alam lang ng mga tao ay ang sikat na kawikaan ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Mabibigkas nilang lahat ang pariralang ito, ngunit hindi malinaw sa kanila kung bakit talaga ito nasabi ni Job. Hindi naging ganoon kadali kay Job ang kilalang kawikaang ito—nangyari lamang ito pagkaraan ng isang buong buhay na karanasan. Sa kanyang buong buhay na karanasan, nakita niya ang mga pagsasaayos at pamamatnugot ng kamay ng Diyos at ang mga gawa ng Diyos sa maraming bagay, at nakita niya na ang lahat ng kanyang kayamanan ay bigay ng Diyos. Isang araw, naglaho ang lahat ng bagay na iyon, at batid niya na inalis ng Diyos ang mga ito. Napagtanto ni Job na anuman ang ginawa ng Diyos, ang pangalan ng Diyos ay dapat purihin. Kung gayon, paano naabot ang ganitong kongklusyon? Hindi ba’t nangangailangan ng proseso para maabot ang ganitong kongklusyon? Kabilang dito ang landas na tinatahak ng mga tao ngayon habang hinahangad nila ang katotohanan, na siyang paraan upang matamo ang resultang ito, upang makamit ang mga pakinabang na ito. Hindi nakakamit ang mga pakinabang na ito sa loob lamang ng ilang araw, o kahit ilang taon; tinutukoy nito ang bawat aspekto at bawat detalye ng buhay ng mga tao.
Ang pananampalataya ni Job sa Diyos ay hindi sa pangalan lamang; siya ang huwarang kinatawan ng isang sinserong mananampalataya. Nanalangin siya sa Diyos sa lahat ng bagay. Kapag hindi siya mapalagay dahil sa pagkakatuwaan ng kanyang mga anak, nananalangin siya sa Diyos at ipinagkakatiwala niya ang mga ito sa Diyos; talagang madalas niyang ipanalangin kung paano palalakihin ang kanyang mga alagang-hayop. Ipinagkatiwala niya ang lahat sa mga kamay ng Diyos. Kung siya ay naging tulad ng isang walang pananampalataya, na palaging nagpaplano at kinakalkula ang pagpapalaki ng kanyang mga alagang-hayop ayon sa kalooban ng tao, nang umaasa lamang sa kanyang sariling pag-iisip at imahinasyon at nag-iisip nang maigi upang makamit ang mga pinlano niyang layon, kung gayon, kahit pa nakaranas siya ng maraming kabiguan at dagok, magagawa ba niyang makita ang mga kamay ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos? (Hindi.) Kung hindi siya madalas na nanalangin sa Diyos, hindi sana niya naranasan ang mga pagpapala ng Diyos; madalas sana siyang naging negatibo at mahina tulad ng isang ordinaryong mananampalataya, at baka lumitaw sa kanya ang isang mapanlabang kalooban. “Palaging sinasabi ng tao na mayroong Diyos. Naniniwala ako sa Diyos, ngunit hindi ako pinagpapala ng Diyos ayon sa aking mga plano! Sinasamba ko ang Diyos at naghahandog ng mga alay araw-araw. Kung may Diyos, ang Kanyang mga pagpapala ay dapat na mas higit kaysa sa puwede kong hingin o isipin. Bakit hindi ko pa nakakamit ang ganyang layon? Mahirap sabihin kung mayroon nga ba talagang Diyos o wala.” Kinuwestiyon niya sana ang pag-iral ng Diyos, na isang negatibong epekto. Sabihin pa, hindi niya sana nakita ang kamay ng Diyos o ang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Dagdag pa rito, nagreklamo sana siya laban sa Diyos, at nagkaroon sana siya ng mga di-pagkaunawa, pagkasuklam, at paghihimagsik laban sa Diyos. Kung susundin ng mga taong nananampalataya sa Diyos ang kanilang kagustuhan, laging naghahanap ng mga pagpapala, kung gayon, sa huli ay masasabi ba nila ito tulad ni Job: “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova”? Ang ganitong uri ba ng karanasang kaalaman ay lilitaw sa kanila? (Hindi.) Talagang hindi. Bakit hindi? Saan nagmumula ang problemang ito? (Hindi sila naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o naghahangad mula sa Diyos; sa halip, nilulutas nila ang mga bagay gamit ang mga pamamaraan ng tao.) Bakit labis na nag-iisip ang mga tao gamit ang kanilang pamamaraan upang makamit ang kanilang mga mithiin sa halip na umasa sa Diyos? Kapag sila ay nagpaplano, hinahanap ba nila ang mga pagnanais ng Diyos? Mayroon ba silang nagpapasakop na pag-uugali, sinasabing, “Hindi ko alam kung ano ang gagawin ng Diyos. Gagawin ko muna ang planong ito, ang kalkulasyong ito, ngunit hindi ko alam kung makakamit ba ng planong ito o hindi ang aking layon; isa lamang itong plano. Kung makakamit nito ang aking layon, isa itong pagpapalang mula sa Diyos. Kung hindi, ito ay dahil sa aking sariling pagbubulag-bulagan; ang aking plano ay hindi alinsunod sa mga layunin ng Diyos”? Mayroon ba silang ganitong uri ng pag-uugali? (Wala.) Kung gayon, paano lumilitaw ang ganitong mga pagkilos? Ang mga ito ay mga imahinasyon at kuru-kuro ng tao, pagnanais ng tao, di-makatwirang hinihingi ng tao sa Diyos; nagmumula ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon. Ito ay isang aspekto. Dagdag pa rito, ang mga ganitong tao ba ay may pusong nagpapasakop sa Diyos? (Wala.) Paano mo nakikita na wala silang pusong nagpapasakop sa Diyos? (Nakakaramdam sila ng labis na pangangailangang makamit ang mga planong ginawa nila.) Anong disposisyon ito? Ito ay pagmamataas at paghihimagsik. Naniniwala silang pinagpapala sila ng Diyos, ngunit kapag mayroon silang sarili nilang mga pagnanais at kalkulasyon, isinasantabi nila ang Diyos; ito ay isang mapagmataas na disposisyon. Nagpapasakop ba sila kapag isinasantabi nila ang Diyos? Hindi, at wala sa kanilang puso ang Diyos. Hindi talaga nila isinasaalang-alang kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ang Diyos sa mga bagay, lalo na kung paano Niya nais gawin ang mga bagay. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Ano ang makikita mula rito? Hindi sila naghahanap ng kahit ano, ni hindi sila nagpapasakop, at ni walang may-takot-sa-Diyos na puso. Gumagawa muna sila ng mga sariling plano, at pagkatapos ay kumikilos at nagtatrabaho silang mabuti ayon sa kanilang mga plano, umaasa sa mga pamamaraan ng tao, imahinasyon, at kuru-kuro nang hindi man lamang iniisip ang mga layunin ng Diyos. Pagdating sa pagpapalaki ng mga alagang hayop, dapat malaman kahit papaano ng mga tao sa kanilang puso na “kailangang subukan ng mga tao ang kanilang makakaya na gawin, ang nararapat na gawin at magpasakop sa kalooban ng Langit,” na ang ibig sabihin ay: “Tutuparin ko ang aking mga responsabilidad na pakainin ang aking mga alagang-hayop, hindi ko sila hahayaang magkulang sa nutrisyon, o manigas sa lamig, o magutom, o magkasakit. Ang bilang ng kanilang magiging supling sa susunod na taon ay nasa mga kamay na ng Diyos; hindi ko ito alam, hindi ko ito hinihingi, at hindi ako gagawa ng mga plano. Nasa sa Diyos na ang lahat ng bagay na ito.” Kung pinipilit nilang umasa sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao upang kumilos, mayroon ba silang pag-uugaling nagpapasakop sa Diyos? (Wala.) Alin sa dalawang pagkilos na ito ang nagmumula sa kalooban ng tao, at alin ang nagpapasakop sa Diyos? (Ang una ay nagmumula sa kalooban ng tao, at siyang pamamaraan ng mga hindi mananampalataya; ang ikalawang pamamaraan ay nagmumula sa mga taos na nananampalataya sa Diyos at naghahanap sa katotohanan.) Lahat sila ay nananampalataya sa Diyos, at ginagawa nilang lahat ang parehong bagay, ngunit ang motibo, pinagmumulan, at layon ng kanilang mga pagkilos, pati na ang kanilang mga prinsipyo, ay magkakaiba. Kaya naman, ang landas na tinatahak ng mga tao ay makikita. Wala bang pagkakaiba? Ang diwa ng mga hindi mananampalataya ay ang diwa ng mga walang pananampalataya. Ano ang mga pinagmumulan at layon ng kanilang mga pagkilos? Ang lahat ay para lamang sa kanilang sariling interes, na pakinabang ang una nilang iniisip, kaya naman sa kanilang mga kilos, tanging sa sarili nilang kalooban sila umaasa. Bakit Ko sinasabing umaasa sila sa kanilang sariling kalooban? Ganap silang gumagawa ng mga sarili nilang plano pagkatapos na mag-isip nang mabuti. Hindi sila pabigla-bigla o nagbubulag-bulagan; sa halip, mayroon silang mga intensyon at layon. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga layunin ng Diyos, ganap silang kumikilos ayon sa kanilang determinasyon. Walang iba pang gumagawa ng mga plano para sa kanila, ni walang kahit sino na nag-aatas sa kanilang kumilos sa ganitong paraan. Sila mismo ay determinadong kumilos alinsunod sa kanilang mga sariling plano, kaya’t umaasa sila sa kanilang sariling kalooban. Pagkatapos, ayon sa kanilang mga sariling plano, nag-iisip sila nang mabuti at kumikilos, anuman ang kapalit, para lang mapagbigyan ang kanilang mga sariling pagnanais at makamit ang mga layon ng mga planong iyon. Habang kumikilos sila, mayroon din silang malabong ideya na: “Nananampalataya ako sa Diyos, kaya tiyak na pagpapalain Niya ako.” Hindi ba’t nakakahiya ito? Sa anong batayan ka pagpapalain ng Diyos? Paano mo malalaman na pagpapalain ka ng Diyos? Gagawin ba ng Diyos ang mga bagay dahil sa iyong mga determinasyon? Hindi ba’t isa itong hindi makatwirang ideya? Kung naniniwala kang tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, katumbas ba iyon ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos? (Hindi.) Ngunit maraming taong nalilito rito. Sinasabi nila: “Naniniwala ako na pagpapalain ako ng Diyos, naniniwala akong poprotektahan Niya ang lahat ng mayroon ako, naniniwala ako na tutuparin Niya ang aking naisin!” Iniisip nila na ito ay isang nagpapasakop na pag-uugali sa Diyos. Hindi ba’t ito ay isang kamalian? Hindi lamang ito isang kamalian, ito rin ay paghihimagsik at kalapastanganan laban sa Diyos. Ang paniniwalang pagpapalain ka ng Diyos ay hindi nangangahulugang nagpapasakop ka sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos—dalawang magkaibang bagay ang mga ito. Sa pagsasabi nito, ganap kang nakokontrol ng iyong mapagmataas na kalikasan, at ang pagsasabi nito ay hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo.
Ano ang diwa ng pag-uugaling mapanghimagsik sa Diyos na Aking ibinahagi? Suriin ang ugat ng usapin na ito. Mayroon bang anumang pagsasagawa ng katotohanan rito? Anumang pagpapasakop? May lugar ba ang Diyos sa kanilang puso? May puso ba silang may takot sa Diyos? (Wala.) Sinasabi ninyong lahat na wala, kaya para maging tiyak, sa anong mga paraan nagpapakita ang mga bagay na ito? Dapat ninyo itong ihambing sa inyong sarili, at alamin kung paano ito hihimayin. Kung alam mo kung paano ito hihimayin, malalaman mo kung paano huhusgahan ang kalagayan na nasa iyong kalooban, at malalaman mo kung paano husgahan kung naaayon ba o hindi ang iyong pagsasagawa sa mga prinsipyo, at kung nagsasagawa ka ba ng katotohanan o hindi. Unang-una, kung nagpaplano muna ang mga tao nang hindi naghahanap ng katotohanan, mayroon bang pagpapasakop dito? (Wala.) Bilang walang pagpapasakop, paano dapat na magsagawa ang isang tao upang maging masunurin? (Hanapin muna ang mga pagnanais ng Diyos.) Sa maraming bagay, hindi malinaw na ipinakikita sa iyo ng Diyos ang Kanyang mga pagnanais, kaya’t paano mo matitiyak na isinasagawa mo ang katotohanan? (Dapat tayong umasa sa panalangin sa Diyos upang makatiyak.) Kung nagdarasal ka ng ilang beses at hindi mo pa rin nauunawaan ang mga pagnanais ng Diyos, ano ngayon ang iyong gagawin? Huwag kang magbulag-bulagan. Una, tingnan mo kung ang pagkilos sa ganitong paraan ay kinakailangan o hindi, kung ang mga pagkilos ba na ito ay bahagi ng mga pagsasaayos ng Diyos o hindi, kung ang mga kondisyon ba upang kumilos sa ganitong paraan ay natutugunan o hindi, at kung makakamit mo ba o hindi ang iyong plano. Kung hindi mo ito nakakamit, ngunit patuloy ka pa ring sumusunod sa planong ito, hindi ba’t nangangahulugan iyon na ito ay hindi isang makatwirang pamamaraan? Kung makatotohanan man o hindi ang iyong mga plano at ideya ay mahalagang malaman. Sa loob-loob mo, “Gagawin ko muna ang planong ito, at kung pagpapalain ako ng Diyos, marahil ay magkakaroon ako ng higit pa kaysa rito!” Mayroon kang mentalidad na umaasa sa suwerte, at pagkatapos ay umaasa ka naman sa iyong sariling kalooban at sinusubukang kumapit sa iyong paniniwala; matayog ang iyong mga ambisyon at hangarin, at kapwa ka mapagmataas at malupit. Palaging may mga paglihis ang mga plano at determinasyon ng tao, at ito ay mga bagay na hindi nila dapat isinasagawa. Kapag hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan o mga layunin ng Diyos, magiging wasto ba ang kanilang mga plano at determinasyon? Maaari ba silang umayon sa mga layunin ng Diyos? Hindi ito isang tiyak na bagay sapagkat maraming bagay na hindi nauunawaan ng tao, na hindi nila mapagpasyahan; ang mga determinasyon at plano ng mga tao ay pawang imahinasyon, sapantaha at paghusga lamang. Yaong mga hindi nakauunawa sa katotohanan ay hindi nakikita na ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos, at ang mga ito ay pinamamatnugutan at isinasaayos Niya. Dapat mong makita kung ano ang ginagawa ng mga kamay ng Diyos, at kung ano ang Kanyang mga layunin, at anong gawain ang kasalukuyan Niyang isinasagawa sa tao. Kung ang iyong mga plano at pagpapasya ay sumasalungat sa gawain na gustong gawin ng Diyos, o kabaligtaran ito ng mga pagnanais ng Diyos, ano ang magiging resulta? Tiyak na mabibigo ang iyong mga plano. Mula sa usapin na ito, dapat mong malinaw na makita na hindi dapat nagpaplano ang mga tao—ang pagpaplano mismo ay isang kamalian. Kaya paano dapat magsagawa nang tama ang mga tao? Dapat silang matutong tanggapin ang mga bagay-bagay, hindi sila dapat bulag na kumilos o magplano sa mga bagay na hindi nila nauunawaan. Maraming bagay ang hindi mo nauunawaan, at hindi mo alam kung anong mga problema ang maaaring dumating sa kalagitnaan. Ang mga hindi inaasahang sitwasyon na ito ay nasa plano ba ng mga tao? Tiyak na wala, kaya’t ang mga plano ng mga tao ay mga imahinasyon lamang ng tao, mga walang kabuluhang bagay, at mga impraktikalidad. Kaya’t ano ang dapat gawin ng mga tao? Sa isang punto, dapat silang magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Diyos, at hindi sila dapat gumawa ng mga sarili nilang plano; sa kabilang banda, dapat din nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin, nang hindi pabasta-basta. Tungkol naman sa kung matutupad mo ba o hindi ang mga bagay na iyong plinano at tinukoy, iyan ay nasa mga kamay ng Diyos. Maaaring kaunti lamang ang iyong pinaplano, ngunit binibigyan ka ng Diyos ng marami; maaaring marami kang pinaplano, ngunit kaunti lamang ang iyong natatanggap. Pagkatapos mong pagdaanan ang ganoon karaming parehong karanasan, mapagtatanto mo na walang nagbabago batay sa kalooban o mga plano ng tao. Nakadepende ang lahat sa kung paano nagsasaayos at may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa mga bagay; ang lahat ng bagay ay nasa Kanyang mga kamay. Sa patuloy na pagkakaroon ng mga karanasan sa ganitong paraan, mababatid ng mga tao na ang Diyos ang totoong kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Kapag napatunayan mo ang katotohanang ang Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat sa iyong puso, makakamit mo na ang katotohanan, na siyang natatamo sa karanasan. Kung minsan, maaaring mukhang napakainam ng mga plano mo, ngunit may mga di-inaasahang bagay na maaaring mangyari anumang sandali; hindi mo maiisip ang maraming kakaibang bagay na maaaring mangyari, na lagpas sa iyong mga imahinasyon at mga plano sa lahat ng paraan. Maraming bagay ang magpapadama sa iyo na nahuli kang hindi handa, at hindi mo alam kung nasaan ang mga kamalian sa iyong mga plano, kung magtatagumpay o mabibigo ba ang mga ito, at kung ano ang magagawa ng tao at hindi. Hindi mo namamalayan, nararamdaman mong napakaraming bagay na hindi kayang hulaan ng mga tao, na nasa labas ng iyong mga plano at imahinasyon. Sa ganitong pagkakataon, anong kongklusyon ang napagtanto mo? (Na ang Diyos ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat.) Sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat, mayroong isang detalye: Kung walang ibinibigay sa iyo ang Diyos, gaano mo man ito pagkaabalahan, paghirapan, o pagsikapan, wala itong silbi. Kapag pinagpapala ka ng Diyos, maayos ang takbo ng lahat kung gayon, walang sagabal, at walang sinumang makahahadlang sa iyo. Matatanto mo na sa bagay na ito, ang Diyos ang may huling salita, na malinaw na malinaw na nakikita ng Diyos ang lahat ng iyong plano, at ang bagay na ito ay ganap na nasa Kanyang mga kamay. Sa ganitong karanasan, magsisimula nang magkaroon ng tamang kabatiran at kaalaman ang iyong puso tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos nang hindi mo namamalayan. Anong kabatiran at kaalaman? Ang Diyos ang Siyang nagkakaloob nito sa iyo. Kung gusto itong alisin ng Diyos, hindi mahalaga kung gaano ka pa nagpapasakop sa Diyos o kung gaano mo kakilala ang Diyos—kung kailangan Niyang alisin ito, gagawin Niya ito. Ang lahat ay nasa Kanyang mga kamay, ang lahat ay pauna Niyang itinalaga, at ang lahat ay isinaayos Niya. Wala ka dapat sariling pagpili. Sa puntong ito, ang iyo bang mga plano, kalkulasyon, at personal na layon ay patuloy pa ring nangingibabaw sa iyong puso? Hindi na. Ang mga plano at kalkulasyong ito ng tao ay mababawasan nang hindi namamalayan, at susukuan mo ang mga ito. Paano napapalitan ang mga bagay na ito? Ang maranasan mo ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ay katumbas ng pagkakita sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan. Bagama’t hindi sinasabi ng Diyos kung bakit Niya inalis ang mga bagay na ito mula sa iyo, mauunawaan mo pa rin ito nang hindi namamalayan. Kapag pinagpapala ka ng Diyos ng isang bagay, pinagpapala ka ng maraming yaman, hindi Niya sinasabi sa iyo kung bakit Niya ginagawa ito; ngunit sa iyong puso, nararamdaman at alam mo na ito ay isang pagpapala mula sa Diyos, hindi isang bagay na maaaring makuha ng isang tao. Isang araw, may ilang bagay na aalisin, at malinaw mong mababatid sa iyong puso na ito ay nagmula sa Diyos. Kapag malinaw mong nababatid ang lahat ng ito, hindi mo ba mararamdaman na ginagabayan ka ng Diyos sa bawat hakbang na ginagawa mo, sa bawat araw na nabubuhay ka, at sa bawat taon na dumaraan? Habang ginagabayan ka ng Diyos, mararamdaman mo nang hindi namamalayan na nakakaharap mo Siya, na nakakaugnayan mo Siya bawat araw, na araw-araw, may bago kang kaalaman, at bawat taon, may maganda kang ani. Hindi mo namamalayan na ang pagkaunawa mo sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos ay mas lalo pang lalago. Kapag may karanasan ka na sa ganitong antas, hindi ba’t may puwang na sa iyong puso ang Diyos? Kapag may puwang ang Diyos sa iyong puso, mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso, kung gayon, mayroon bang anumang ibang bagay, kaisipan, o teorya na makapanlilihis, makalilito, o makapagtutulak sa iyo na iwan ang Diyos? Imposible ito. Sa pagkakaroon lamang ng totoong kaalaman sa Diyos, kung nag-ugat na ang katotohanan sa iyong puso, saka makapananahan ang Diyos sa iyong puso magpakailanman. Kung hindi nag-ugat ang katotohanan sa iyong puso, makapananatili ba nang matagal ang Diyos sa iyong puso? Tiyak na hindi, dahil magagawang lumayo ng iyong puso sa Diyos at ipagkanulo Siya anumang sandali. Kung palaging ginagamit ng mga tao ang kanilang mga imahinasyon, kuru-kuro, plano, kalkulasyon, at pagnanasa upang pangasiwaan ang kanilang buhay, makakamit ba nila ang kaalamang ito ng Diyos? (Hindi.) Kaya, upang makamit ang pagpapasakop sa Diyos tulad ni Job, ang iyong landas ng karanasan at pagsasagawa ay dapat tama. Kung may mga paglihis sa iyong landas ng pagsasagawa, gaano man kadakila ang iyong pananalig o kalooban, wala itong silbi; gaano man katayog ang iyong mga ambisyon, wala itong silbi. Sa maraming pangyayari sa buhay, ang mga pamamaraan ng pagsasagawa ng mga tao ay may mga paglihis. Mula sa labas, mukhang kayang magdusa nang husto ng mga tao at magbayad nang malaking halaga, na tila ba may mataas silang paninindigan, at tila ba nag-aalab ang kanilang mga puso; ngunit bakit pagkatapos ng ilang naipong karanasan, sa huli ay hindi nila nakakamit ang karanasang kaalaman sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos? Ito ay dahil may mga paglihis ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa, at palaging nangunguna ang kanilang pansariling kamalayan, mga kuru-kuro at imahinasyon, gayundin ang kanilang mga plano. Nangunguna ang mga bagay na ito, kaya’t nagtatago Mismo ang Diyos sa kanila. Sinasabi ng mga salita ng Diyos, “Nagpapakita Ako sa banal na kaharian, at itinatago ang Aking Sarili mula sa lupain ng karumihan.” Ano ang tinutukoy ng “lupain ng karumihan”? Tinutukoy nito ang iba’t ibang pagnanais, plano, at determinasyon—maging ang kanilang mabubuting intensiyon at ang mga balak na iniisip nilang tama. Hinahadlangan ng mga bagay na ito ang Diyos mula sa pagsasagawa sa iyo, at ang mga ito ay tila pader sa iyong harapan, na ganap kang sinasarhan upang hindi mo makita o maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung hindi mo nakikita o nararanasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, malalaman mo ba ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan? (Hindi.) Hindi mo kailanman malalaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.