Sa Madalas na Pamumuhay Lamang sa Harap ng Diyos Magkakaroon ng Normal na Relasyon ang Isang Tao sa Kanya (Ikalawang Bahagi)
Nabasa ba ninyo ang Aklat ni Job? Noong binabasa ninyo ito, naantig ba kayo? Naranasan ba ninyo ang isang uri ng pananabik na nag-udyok sa inyo na naising maging isang taong katulad ni Job? (Oo.) Hanggang kailan magtatagal ang ganitong uri ng kalagayan at mood? Isa o dalawang araw, o isang buwan o dalawa, o marahil isang taon o dalawa? (Dalawa o tatlong araw.) Kaya, mawawala ang ganitong kalagayan at mood pagkalipas ng dalawa o tatlong araw? Dapat kang manalangin kapag naaantig ka, at sabihin sa Diyos na nais mong maging isang taong katulad ni Job, na nais mong maunawaan ang katotohanan, magtamo ng kaalaman sa Diyos, at maging isang taong may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Dapat kang magsumamo sa Diyos na gawin kang ganito, magsumamo sa Kanya na gabayan ka, na bigyan ka ng mga angkop na kapaligiran, bigyan ka ng lakas, at protektahan ka upang makapanindigan ka sa bawat sitwasyon na iyong kinakaharap, hindi labanan ang Diyos, at sa halip ay kumilos nang may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, at isakatuparan ang Kanyang kalooban. Dapat palagi kang magdasal at magsumamo sa Diyos para sa layong ito at para sa mga bagay na inaasam mong makamit, at kapag nakikita ng Diyos ang taos mong puso, kikilos Siya. Huwag matakot kapag kumilos ang Diyos. Hindi posibleng balutin ng Diyos ang katawan mo ng mga pigsa at kunin ang lahat ng mayroon ka, gaya ng ginawa Niya noong sinubukan Niya si Job. Hindi iyon gagawin ng Diyos; unti-unti Siyang magpapatong ng higit pa sa iyo ayon sa tayog mo. Dapat kang taimtim na tumawag sa Diyos—huwag kang tumawag sa Kanya sa loob lamang ng dalawang araw pagkatapos mong mabasa ang Aklat ni Job at naaantig ka pa rin nito, at pagkatapos ay kalimutan na ang tungkol dito sa ikatlong araw kapag hindi mo na ito binabasa, at hindi mo na ito isinasapuso. Kung gagawin mo iyon, magkakaproblema ka! Kung hinahangaan mo ang mga taong tulad ni Job, at gusto mong maging ganoong uri ng tao, dapat magkaroon ka ng landas kung paano magiging ganoong uri ng tao, dapat mong buksan ang puso mo sa harap ng Diyos at ipagdasal ito nang madalas, at pagnilayan ito nang madalas, at pagkatapos ay kainin at inumin ang mga salita na sinabi ng Diyos tungkol kay Job, palagi at paulit-ulit na pagnilayan ang mga ito, at pagkatapos niyon, dapat kang makipagbahaginan sa mga taong may karanasan at kaalaman hinggil dito. Dapat kang magsikap para makamit ang layong ito. Paano ka dapat magsikap? Kung uupo ka lang nang nanonood at naghihintay, hindi iyon pagsusumikap. Dapat mong isagawa ito, dapat kang maglaan ng pagsisikap dito, kasabay nito, dapat ka ring magtaglay ng determinasyon na magtiis ng pagdurusa at magkaroon ng pusong nananabik, at pagkatapos ay ialay ang iyong mga panalangin para dito, nang hinihiling sa Diyos na kumilos. Kung hindi kikilos ang Diyos, gaano man kalakas ang motibasyon ng mga tao, magiging wala itong silbi. Paano kikilos ang Diyos? Magsisimula ang Diyos na mangasiwa at magsaayos ng mga kapaligiran para sa iyo na naaangkop sa tayog mo. Dapat mong sabihin sa Diyos kung ano ang layong nais mong makamit sa iyong pananampalataya, at kung anong uri ng mga kapasyahan ang mayroon ka. Nanalangin at nagsumamo ka na ba sa Diyos para dito? Gaano ka katagal nanalangin at nagsumamo sa Diyos? Kung nagbibigkas ka lang ng ilang panalangin, paminsan-minsan, at kapag nakikita mong hindi kumikilos ang Diyos, iisipin mong, “‘Hindi bale na, hahayaan ko na lang ang mga bagay-bagay. Mangyayari ang anumang dapat na mangyari, susunod na lang ako sa agos. Wala na akong pakialam sa kung ano ang mangyayari sa akin,” hindi iyon maaari, at hindi ka sinsero. Kung ang mayroon ka lang ay dalawang minuto ng kasigasigan, kikilos ba ang Diyos para sa iyo at tutulong na magsaayos ng mga kapaligiran para sa iyo? Hindi iyon gagawin ng Diyos! Nais ng Diyos na makita ang sinseridad mo, at makita kung gaano katagal magtatagal ang iyong sinseridad at pagpupursige, at kung ang puso mo ay tapat o hindi. Maghihintay ang Diyos. Naririnig Niya ang mga panalangin at pagsusumamo mo, naririnig Niya ang mga kapasyahan at hangarin na ipinagtatapat mo sa Kanya, ngunit hangga’t hindi Niya nakikita ang determinasyon mo na magtiis ng pagdurusa, hindi Siya kikilos. Kung pagkatapos mong magdasal sa Diyos ay maglalaho ka na lang nang walang anumang nagawa, kikilos ba ang Diyos sa ilalim ng mga sitwasyong ito? Siguradong-sigurado na hindi. Kailangan mo na higit pang manalangin at magsumamo sa Diyos, pagsikapan at pagnilayan ito, at pagkatapos ay danasin nang detalyado ang mga kapaligirang inihanda ng Diyos para sa iyo; darating ang mga ito sa iyo, paunti-unti, at magsisimulang kumilos ang Diyos. Kung wala kang tapat na puso, hindi ito gagana. Maaaring sabihin mo na, “Labis kong hinahangaan si Job, at labis kong hinahangaan si Pedro!” ngunit ano ang silbi ng paghanga mo? Maaari mo silang hangaan hangga’t gusto mo, ngunit hindi ka si Job o si Pedro, at hindi gagawin ng Diyos ang parehong gawain sa iyo na katulad sa ginawa Niya kina Job at Pedro dahil lang sa paghanga mo, dahil hindi mo sila kauri. Hindi mo taglay ang kanilang determinasyon, o ang kanilang pagkatao, o ang puso nilang nanabik at hinangad ang katotohanan. Kapag nagtaglay ka ng mga bagay na ito, saka ka pagkakalooban ng Diyos ng higit pa.
Mayroon na ba kayong determinasyon ngayon na hangarin ang katotohanan, at kamtin ang katotohanan, at tamuhin ang kaligtasan at magawang perpekto ng Diyos? (Oo.) Gaano katindi ang determinasyon ninyo? Gaano katagal ninyo ito mapapanatili? (Kapag nasa mabuting kalagayan ako, mayroon akong determinasyon, ngunit kapag nahaharap ako sa mga bagay na hindi tumutugma sa aking mga kuru-kuro o sa mga interes ng aking laman, o kapag sumasailalim ako sa kaunting pagpipino o mayroong ilang paghihirap, naiipit ako sa kalagayan ng pagkanegatibo, at unti-unting naglalaho ang pananalig at determinasyong mayroon ako sa simula.) Hindi ito maaari. Masyado kang mahina. Dapat mong maabot ang isang punto kung saan, anumang mga pangyayari ang nakahaharap mo, hindi mababago ng mga ito ang kapasyahan mo. Saka ka lang magiging isang taong tunay na nagmamahal at naghahangad sa katotohanan. Kung ikaw ay umaatras, nagiging negatibo at nalulumbay, at binibitiwan mo ang iyong determinasyon kapag may nangyayari sa iyo at nakatatagpo ka ng kaunting paghihirap, hindi ito maaari. Dapat mong taglayin ang lakas ng isang taong handang itaya ang kanyang buhay, at sabihin na, “Anuman ang mangyari—kahit na mamatay ako, hindi ko pababayaan ang katotohanan o ang aking layon na hangarin ang katotohanan.” Pagkatapos ay wala nang makakapigil sa iyo. Kung talagang makatatagpo ka ng mga paghihirap, at maiipit sa isang mahirap na sitwasyon, kikilos ang Diyos. Bukod dito, kailangang mayroon ka ng pagkaunawang ito: “Anuman ang mararanasan ko, ang lahat ng ito ay mga aral na dapat kong matutunan sa aking paghahangad sa katotohanan—isinaayos ang mga ito ng Diyos. Maaaring mahina ako, pero hindi ako negatibo, at nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong matutunan ang mga aral na ito. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong ito para sa akin. Hindi ko pwedeng bitiwan ang aking determinasyon na sundan ang Diyos at kamtin ang katotohanan. Kung bibitiwan ko ang aking determinasyon, katulad lang iyon ng pagsuko kay Satanas, pagpapahamak sa aking sarili, at pagkakanulo sa Diyos.” Ito ang uri ng kapasyahan na dapat mayroon ka. Anuman ang maliliit na bagay na nararanasan mo, lahat ito ay maliliit na kaganapan sa pag-unlad ng iyong buhay. Hindi mo dapat hayaan ang mga ito na harangan ang direksyon ng iyong pag-usad. Kapag nakatatagpo ka ng mga paghihirap, maaari kang maghanap at maghintay, ngunit hindi dapat magbago ang direksyon ng pag-usad mo, hindi ba’t tama iyon? (Tama.) Anuman ang sabihin ng iba, o paano ka man nila tratuhin, at paano ka man tratuhin ng Diyos, hindi dapat magbago ang kapasyahan mo. Kung sasabihin ng Diyos na, “Hindi mo talaga tinatanggap ang katotohanan, kinasusuklaman kita,” at sasabihin mong, “Nasusuklam ang Diyos sa akin, kaya ano na ang kabuluhan ng buhay ko? Mabuti pang mamatay na lang ako at matapos na ito!” magiging mali ang pagkaunawa mo sa Diyos. Totoong kinasusuklaman ka ng Diyos, ngunit dapat kang magpatuloy, dapat mong tanggapin ang katotohanan, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Kung gayon, hindi ka magiging walang kwenta at hindi ka itataboy ng Diyos. Ngayon, napakaliit pa rin ng tayog ninyo at hindi pa ninyo naaabot ang mga pamantayang kinakailangan para subukin kayo ng Diyos. Ano ang tanging magagawa ninyo? Dapat kayong manalangin: “Diyos ko, gabayan Mo ako at bigyang-liwanag Mo po ako upang maunawaan ko ang kalooban Mo, at magkaroon ng pananalig at tiyaga na tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, at upang matakot ako sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Bagamat mahina ako at kulang sa gulang ang aking tayog, nakikiusap po ako sa Iyo na bigyan Mo ako ng lakas at protektahan ako upang masundan Kita hanggang sa huli.” Dapat kang lumapit sa Diyos nang madalas upang manalangin. Maaaring nananabik ang ibang tao ng mga makamundong bagay, binibigyang-layaw ang kanilang laman, at sumusunod sa mga makamundong kalakaran, ngunit hindi mo sila dapat samahan—tumuon ka lang sa paggampan ng iyong sariling tungkulin. Kapag negatibo ang pakiramdam ng iba at hindi nila ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, hindi ka dapat makaramdam na napipigilan ka, at dapat mong hanapin ang katotohanan upang matulungan sila. Kapag nagpapakasasa ang iba sa kaginhawahan, hindi mo sila dapat kainggitan, ang dapat mo lang alalahanin ay ang pamumuhay sa harap ng Diyos. Kapag hinahangad ng iba ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, dapat mo silang ipagdasal at tulungan sila, patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos at huwag hayaang maimpluwensyahan ka ng mga bagay na ito. Anuman ang mangyari sa paligid mo, dapat kang manalangin sa Diyos tungkol sa lahat ng bagay. Dapat lagi mong hanapin ang katotohanan, pigilan ang iyong sarili, tiyakin na namumuhay ka sa presensiya ng Diyos, at dapat lagi kang mayroong normal na ugnayan sa Diyos. Sinusuri ng Diyos ang mga tao sa lahat ng oras, at gumagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng ganitong mga uri ng tao. Paano sinusuri ng Diyos ang puso ng isang tao? Hindi lamang Siya tumitingin gamit ang Kanyang mga mata, nagsasaayos Siya ng mga kapaligiran para sa iyo at inaantig Niya ang puso mo. Bakit Ko ito sinasabi? Dahil kapag nagsasaayos ang Diyos ng isang kapaligiran para sa iyo, nakikita ng Diyos kung nagagalit at nasusuklam ka rito, o nagugustuhan mo ito at nagpapasakop ka rito, kung pasibo kang naghihintay o aktibong naghahanap sa katotohanan. Binabantayan ng Diyos kung paano nagbabago ang puso at mga kaisipan mo, at kung saang direksyon nauuwi ang mga ito. Ang kalagayan sa puso mo ay minsan positibo, at kung minsan ay negatibo. Kung kaya mong tanggapin ang katotohanan, matatanggap mo mula sa Diyos ang mga tao, pangyayari at bagay, at ang iba’t ibang kapaligiran na isinasaayos Niya para sa iyo, at mahaharap mo ang mga ito nang tama. Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay, lahat ng iyong kaisipan at ideya, lahat ng iyong opinyon, at lahat ng iyong mood ay magbabago batay sa mga salita ng Diyos. Magiging malinaw ito sa iyo, at susuriin din ng Diyos ang lahat ng ito. Kahit na hindi mo ito sasabihin sa sinumang tao, o hindi mo ipagdarasal ang tungkol dito, at iisipin mo lang ito sa puso mo at sa sarili mong mundo, mula sa perspektiba ng Diyos, magiging napakalinaw nito—mahahalata Niya ito. Nakikita ng mga mata ng tao ang panlabas na hitsura mo, ngunit nakikita ng Diyos ang puso mo, ganoon Siya kalapit sa iyo. Kung nararamdaman mo ang pagsisiyasat ng Diyos, namumuhay ka sa Kanyang presensiya. Kung hindi mo talaga maramdaman ang Kanyang pagsisiyasat, namumuhay ka sa sarili mong mundo, at namumuhay ka sa sarili mong mga nararamdaman at tiwaling disposisyon, at kung gayon, magkakaproblema ka. Kung hindi ka namumuhay sa presensiya ng Diyos, kung mayroong malaking distansya sa pagitan mo at ng Diyos, at malayo ka sa Kanya, kung hindi mo man lang isinasaalang-alang ang kalooban ng Diyos, at kung hindi mo tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, malalaman ng Diyos ang lahat ng ito. Magiging napakadali para sa Kanya na makita ito. Kaya, kapag mayroon kang determinasyon at layon, at handa kang magawang perpekto ng Diyos, at maging isang taong sumusunod sa kalooban ng Diyos at may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan, kapag taglay mo ang kapasyahang ito, at nakapagdarasal at nakapagsusumamo ka nang madalas para sa mga bagay na ito, at nakakapamuhay sa presensiya ng Diyos, hindi kailanman inilalayo ang sarili mo sa Diyos o iniiwan Siya, malinaw sa iyo ang mga bagay na ito, at alam din ng Diyos ang mga ito. Sinasabi ng ilang tao, “Malinaw sa akin mismo ang tungkol dito, ngunit alam ba ito ng Diyos o hindi?” Walang kabuluhan ang tanong na ito. Kung sasabihin mo ito, nagpapatunay ito na hindi ka kailanman nakipagbahaginan sa Diyos at na talagang walang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos. Bakit Ko sinasabing walang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos? Hindi ka pa namuhay sa harap ng Diyos at kaya, hindi mo maramdaman kung Siya ay kasama mo o hindi, kung ginagabayan ka Niya, kung pinoprotektahan ka Niya, at kung sinasaway ka Niya kapag may nagagawa kang mali. Kung wala kang pandama sa mga bagay na ito, kung gayon, hindi ka namumuhay sa harap ng Diyos, imahinasyon mo lang ito at binibigyang-layaw mo lang ang iyong sarili—namumuhay ka sa sarili mong mundo, at hindi sa harap ng Diyos, at walang anumang ugnayan sa pagitan mo at ng Diyos.
Paano mapapanatili ng mga tao ang isang normal na ugnayan sa Diyos? Sa ano nakasalalay ang pagpapanatili rito? Nakasalalay ito sa kanilang pagsusumamo, pagdarasal, at pakikipag-ugnayan sa Diyos sa puso nila. Ang ganitong uri ng ugnayan ay nagtutulot sa mga tao na palaging mamuhay sa harap ng Diyos. Samakatuwid, upang makabuo ng normal na ugnayan sa Diyos, dapat munang tumahimik ang mga tao. Ang ilang tao ay palaging gumagawa ng mga bagay-bagay sa panlabas, at nagpapakaabala lamang sa mga panlabas na kaganapan. Kung wala silang anumang espirituwal na buhay nang isa o dalawang araw, hindi nila mamamalayan ito. Hindi pa rin nila ito mamamalayan pagkatapos ng tatlo o apat na araw, o kahit na pagkatapos ng isa o dalawang buwan. Ito ay dahil hindi sila nakapagdasal, o nakapagsumamo, o nakipagbahaginan sa Diyos. Ang pagsusumamo ay kapag may nangyari sa iyo at gusto mong tulungan, gabayan, tustusan, at bigyang-liwanag ka ng Diyos, at ipaunawa Niya sa iyo ang Kanyang kalooban, ipaalam sa iyo kung ano ang katotohanan, ipaunawa kung ano ang mga katotohanang prinsipyo, at ipaalam kung paano isagawa ang katotohanan—ito ang uri ng pagsusumamo na naaayon sa kalooban ng Diyos. Medyo malawak ang saklaw ng panalangin. Minsan, maaari mong sabihin ang tungkol sa mga bagay na nasa puso mo—kapag nahaharap ka sa mga paghihirap o kapag nagiging negatibo at mahina ka, maaari mong kausapin ang Diyos tungkol sa mga bagay na ito mula sa puso; maaari ka ring manalangin sa Diyos sa mga oras na nagiging mapaghimagsik ka, o maaari kang makipag-usap sa Diyos tungkol sa mga bagay na nangyayari sa iyo araw-araw, kapwa yaong mga nauunawaan mo, at ang mga hindi mo nauunawaan—ito ang tinatawag na panalangin. Ang panalangin ay pakikipag-usap sa Diyos tungkol sa kung ano ang nasa puso mo o paghahanap ng katotohanan mula sa Diyos. Minsan ito ay isinasakatuparan sa isang takdang oras, minsan ay hindi sa anumang takdang oras; maaari kang manalangin anumang oras at kahit saan. Walang anumang partikular na anyo ang pagbabahaginan sa espiritu: Maaaring may bumabagabag sa iyo, o maaaring wala; maaring may gusto kang sabihin, o maaaring wala. Kapag may bumabagabag sa iyo, dapat kang makipag-usap sa Diyos tungkol dito, at magdasal. Karaniwan, dapat subukan mong pagnilayan ang mga katanungang tulad ng kung paano minamahal ng Diyos ang tao, paano Siya nag-aalala sa tao, bakit Niya pinupungusan ang tao, ano ba talaga ang ibig sabihin ng pagpapasakop sa Diyos, at iba pa, ang pakikipag-usap sa Diyos sa lahat ng oras at lahat ng lugar, pagdarasal sa Diyos, at paghahanap mula sa Kanya. Ito ay pagbabahaginan sa espiritu, o “pagbabahaginan sa espiritu” sa madaling salita. Minsan, maaaring naiisip mo ang isang bagay na labis mong ikinababahala habang nasa kalsada ka; hindi mo kailangang lumuhod o ipikit ang iyong mga mata. Maaari mo lamang kausapin ang Diyos sa puso mo, “Diyos ko, nangyari sa akin ang bagay na ito at hindi ko alam ang tamang paraan ng pagharap dito, kaya’t hinihingi ko po ang Iyong patnubay sa bagay na ito.” Kapag naramdaman mong naantig ang puso mo, at nagsalita ka ng ilang taos-pusong salita tungkol dito sa Diyos, malalaman na Niya. Minsan, maaaring nangungulila ka sa iyong tahanan at sasabihin mong, “Diyos ko, labis akong nangungulila sa aking tahanan.” Hindi mo partikular na sinasabi kung kanino ka nangungulila, sadyang nalulungkot ka lang at sinasabi mo ito sa Diyos. Malulutas mo lang ang mga problema mo kung mananalangin ka sa Diyos at sasabihin sa Kanya kung ano ang nasa puso mo. Malulutas mo ba ang mga problema mo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ibang tao? Wala naman masyadong masama kung makikipagkita ka sa isang taong nakauunawa sa katotohanan—hindi lamang malulutas ang iyong mga problema, makikinabang ka rin dito. Ngunit kung makikipagkita ka sa isang taong hindi nakauunawa sa katotohanan, hindi mo malulutas ang mga problema mo, at maaari din itong makaapekto sa taong iyon. Kung makikipag-usap ka sa Diyos, bibigyang-ginhawa ka ng Diyos at aantigin ka Niya. Kung mapatatahimik mo ang sarili mo sa harap ng Diyos, at mababasa ang Kanyang mga salita, at pagkatapos ay magninilay-nilay at magdarasal, mauunawaan mo ang katotohanan at malulutas ang iyong mga problema. Matutulungan ka ng mga salita ng Diyos na makahanap ng landas para malampasan ang iyong mga paghihirap, at kapag nalampasan mo ang maliit na balakid na ito, hindi ka madarapa, at hindi ka nito mapipigilan, hindi rin ito makakaapekto sa pagganap mo sa iyong tungkulin. May mga pagkakataon na bigla kang panghihinaan ng loob at medyo malulungkot. Kapag nangyari ito, dapat kang manalangin kaagad sa Diyos, at lumapit sa Kanya, na nangangahulugan na makipag-usap ka sa Kanya tungkol sa kung ano ang nasa puso mo at magtapat ka sa Kanya sa lahat ng oras at kahit nasaan ka man. Sa ganitong paraan, mababago ang kalagayan mo. Dapat kang manalig: “Nasa tabi ko ang Diyos sa bawat sandali, hindi Niya ako kailanman iniwan, nadarama ko ito. Saan man ako naroroon o anuman ang ginagawa ko—ako man ay nasa isang pagtitipon o gumaganap sa tungkulin ko—alam ko sa puso ko na hawak ng Diyos ang aking kamay at inaakay Niya ako, at na hindi Niya ako kailanman iniwan.” Kung minsan, kapag ginugunita mo kung paano mo dinaanan ang bawat araw nang ganito sa loob ng maraming taon, madarama mong lumago na ang tayog mo, na ginagabayan ka ng Diyos, at na sa simula’t sapul ay lagi kang pinoprotektahan ng pagmamahal ng Diyos. Habang iniisip mo ang mga bagay na ito, mananalangin ka sa iyong puso, nag-aalay ng pasasalamat sa Diyos: “O Diyos, pinasasalamatan Kita! Lubha akong mahina, kimi, at lubhang tiwali. Kung hindi Mo ako ginagabayan nang ganito, imposibleng maaabot ko ang kasalukuyan nang mag-isa.” Hindi ba ito ang espirituwal na pakikipagbahaginan? Kung nakikipagbahaginan nang madalas ang mga tao sa Diyos sa ganitong paraan, hindi ba’t marami silang masasabi sa Diyos? Hindi lilipas ang maraming araw na wala silang nasasabing ni isang bagay sa Diyos. Kapag wala kang nasasabi sa Diyos, wala sa puso mo ang Diyos. Kung nasa puso mo ang Diyos, at may pananampalataya ka sa Diyos, magagawa mong sabihin sa Kanya ang lahat ng salita na nasa puso mo, kabilang ang mga bagay na sasabihin mo sa iyong mga kapalagayan ng loob. Ang totoo, ang Diyos ang pinakamalapit na kapalagayang-loob mo. Kung ituturing mo ang Diyos bilang pinakamalapit mong kapalagayang-loob, bilang ang kapamilya na sinasandigan mo nang higit sa lahat, inaasahan mo nang higit sa lahat, pinagkakatiwalaan mo nang higit sa lahat, at pinakamalapit sa iyo, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na walang masabi sa Diyos, hindi ba’t lagi kang mamumuhay sa Kanyang presensiya? Kung palagi kang mamumuhay sa presensiya ng Diyos, mararamdaman mo sa bawat sandali kung paano ka binibigyang liwanag at ginagabayan ng Diyos, kung paano ka Niya inaalagaan at iniingatan, at kung paano ka Niya binibigyan ng kapayapaan at kagalakan, kung paano ka Niya pinagpapala, at kung paano ka Niya sinasaway, dinidisiplina, pinapangaralan, at hinahatulan at kinakastigo. Ang lahat ng ito ay magiging malinaw at maliwanag sa iyo. Kung iraraos mo lang ang araw-araw, nananampalataya sa Diyos sa salita lamang, nang walang Diyos sa puso mo, at kung paimbabaw ka lang na gumaganap sa iyong tungkulin at dumadalo sa mga pagtitipon, at nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagdarasal araw-araw, talagang wala sa loob na ginagawa ang mga gawaing ito, kung gayon ay hindi ito pananampalataya sa Diyos—wala sa mga relihiyosong ritwal na ito na ginagawa mo ang may anumang kaugnayan sa katotohanan. Yaong mga nananalig sa Diyos ay dapat maingat na magbasa ng isang sipi ng mga salita ng Diyos araw-araw, at manalangin at magbahagi sa mga salitang ito. Dapat silang makakuha ng kaunting tanglaw mula sa mga salita ng Diyos araw-araw, at maunawaan ang kaunting katotohanan. Lalo na, dapat nilang magawang hanapin ang katotohanan at mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at dapat silang makapagkamit ng karanasan sa buhay araw-araw, at maranasan nila ang gawain ng Diyos. Iyon ang isang tunay na mananampalataya at isang taong sumusunod sa Diyos.
Aling isyu ang pinakamahalaga at ang pinakanangangailangan ng iyong kapasyahan sa iyong pananampalataya sa Diyos? Ito ay ang isyu ng iyong normal na ugnayan sa Diyos. Kung nananalig ka sa Diyos, ngunit wala Siya sa puso mo, at naputol mo ang ugnayan mo sa Kanya, at hindi mo tinatrato ang Diyos bilang iyong pinakamatalik, pinakapinagkakatiwalaan, at pinakamalapit na kapamilya at katapatang-loob, kung gayon, ang Diyos ay hindi ang iyong Diyos. Magsagawa alinsunod sa Aking mga salita sa loob ng ilang panahon at tingnan kung nagbago ang iyong panloob na kalagayan. Sa pamamagitan ng pagsasagawa ayon sa Aking mga salita, masisiguro mo na namumuhay ka sa presensiya ng Diyos, na mayroon kang isang normal na kondisyon at normal na kalagayan. Kapag normal ang kalagayan ng isang tao, at hindi siya naiimpluwensyahan ng anumang tao, pangyayari, at bagay, o ng iba’t ibang sitwasyon na nangyayari sa kanya sa lahat ng yugto ng kanyang karanasan sa buhay, at nagagawa niyang magpatuloy sa paggampan nang normal sa kanyang tungkulin, mayroon siyang tunay na tayog at siya ay isang taong nakapasok na sa katotohanang realidad.
Hulyo 13, 2017