Hindi Maliligtas ang Isang Tao sa Pamamagitan ng Paniniwala sa Relihiyon o Pagsali sa Seremonyang Panrelihiyon (Ikalawang Bahagi)
Ano ba mismo ang pananampalataya sa Diyos? Ang paniniwala ba sa relihiyon ay katumbas ng pananampalataya sa Diyos? Ang paniniwala sa relihiyon ay pagsunod kay Satanas; ang pananampalataya sa Diyos ay pagsunod sa Diyos—at ang mga sumusunod lamang kay Cristo ang tunay na nananampalataya sa Diyos. Ang isang taong hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos ni kaunti bilang kanyang buhay ay hindi isang tunay na mananampalataya sa Diyos. Siya ay walang pananampalataya, at ilang taon man siyang manampalataya sa Diyos, wala itong saysay. Kung ang isang mananampalataya sa Diyos ay nakikibahagi lamang sa mga panrelihiyong ritwal, ngunit hindi isinasagawa ang katotohanan, hindi siya isang mananampalataya sa Diyos, at hindi siya kinikilala ng Diyos. Ano ang kailangan mong taglayin upang kilalanin ka ng Diyos bilang Kanyang tagasunod? Alam mo ba ang mga pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao? Sinusuri ng Diyos kung ginagawa mo ba ang lahat ayon sa Kanyang mga hinihingi, at kung nagsasagawa ka ba at nagpapasakop sa katotohanan batay sa Kanyang mga salita. Ito ang pamantayan ng Diyos sa pagsukat sa isang tao. Ang pagsukat ng Diyos ay hindi nakabatay sa kung ilang taon ka nang nananampalataya sa Kanya, gaano kalayo na ang iyong nilakbay, gaano karaming mabubuting ugali ang mayroon ka, o ilang salita at doktrina ang nauunawaan mo. Sinusukat ka Niya batay sa kung hinahangad mo ba ang katotohanan at ano ang landas na pinipili mo. Maraming tao ang nananampalataya sa Diyos sa salita at pinupuri Siya, ngunit sa kanilang puso, hindi nila minamahal ang mga salitang ipinapahayag Niya. Hindi sila interesado sa katotohanan. Palagi silang naniniwala na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas o iba’t ibang makamundong teorya ang siyang ginagawa ng mga normal na tao, na ganito mapapangalagaan ng isang tao ang kanyang sarili, at na ganito mamuhay nang may halaga sa mundo. Sila ba ang mga taong nananampalataya sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Hindi. Ang mga salita ng mga dakila at tanyag na tao ay punong-puno ng karunugan kung pakikinggan at madaling makapanlilinlang ng iba. Maaaring panghawakan mo ang kanilang mga salita bilang mga katotohanan o mga kasabihang dapat sundin. Ngunit kung pagdating sa mga salita ng Diyos, sa ordinaryong hinihingi Niya sa mga tao, katulad ng pagiging isang matapat na tao, o sa masunurin at masikap na pagtupad sa kanilang gawain, pagganap ng kanilang tungkulin bilang nilikha at pagkakaroon ng matatag at matapat na asal, hindi mo isinasagawa ang mga salitang ito at hindi itinuturing ang mga ito bilang mga katotohanan, kung gayon ay hindi ka isang tagasunod ng Diyos. Sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit kung tatanungin ka ng Diyos, “Ang ‘mga katotohanan’ bang isinasagawa mo ay mga salita ng Diyos? Ang mga prinsipyo bang itinataguyod mo ay batay sa mga salita ng Diyos?”—paano mo ipapaliwanag ang iyong sarili? Kung ang batayan mo ay hindi ang mga salita ng Diyos, kung gayon ay mga salita ito ni Satanas. Ipinamumuhay mo ang mga salita ni Satanas ngunit sinasabi mong isinasagawa mo ang katotohanan at binibigyang kasiyahan ang Diyos. Hindi ba’t paglalapastangan iyon sa Diyos? Halimbawa, tinuturuan ng Diyos ang mga tao na maging matapat, ngunit ang ilan ay hindi pinag-iisipan kung ano talaga ang ibig sabihin ng pagiging isang matapat na tao, paano isinasagawa ang pagiging isang matapat na tao, kung anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang hindi matapat, at anong mga bagay na ipinamumuhay at inihahayag nila ang matapat. Sa halip na pag-isipan ang diwa ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, bumabaling sila sa mga aklat ng mga hindi mananampalataya. Iniisip nila, “Ang mga kasabihan ng mga hindi mananampalataya ay magaganda rin—tinuturuan din ng mga ito ang mga taong maging mabuti! Halimbawa, ‘Payapa ang buhay ng mabubuti,’ ‘Ang mga tapat na tao ay laging mamamayani,’ ‘Ang pagpapatawad sa iba ay hindi kahangalan, nagbibigay ito ng mga kapakinabangan pagkatapos.’ Ang mga pahayag na ito ay tama rin, at naaayon sa katotohanan!” Kaya, sumusunod sila sa mga salitang ito. Magiging anong klaseng tao sila sa pagsunod sa mga kasabihang ito ng mga hindi mananampalataya? Maisasabuhay ba nila ang katotohanang realidad? (Hindi.) Hindi ba’t maraming tao ang ganito? Nakapagtamo na sila ng ilang kaalaman; nakapagbasa na sila ng kaunting aklat at kaunting tanyag na mga obra; nakapagkamit na sila ng ilang perspektiba, at nakarinig na ng kaunting tanyag na kasabihan at lokal na mga salawikain, pagkatapos ay tinatanggap ang mga ito bilang ang katotohanan, kumikilos at tumutupad ng kanilang tungkulin ayon sa mga salitang ito, ginagamit ang mga ito sa kanilang buhay bilang mga mananampalataya sa Diyos at iniisip na isinasakatuparan nila ang kalooban ng Diyos. Hindi ba’t ito ay pagpapalit ng kasinungalingan sa katotohanan? Hindi ba ito paggamit ng panlilinlang? Sa Diyos, ito ay kalapastanganan! Ang mga bagay na ito ay namamalas sa maraming tao. Para sa isang tao na itinuturing ang mga kasiya-siyang salita at tamang doktrina mula sa mga tao bilang mga katotohanang dapat na itaguyod, habang isinasantabi ang mga salita ng Diyos at pinagsasawalang-bahala ang mga ito, nabibigong isaisip ang mga ito kahit na ilang beses na itong nabasa, o ang isaalang-alang ang mga salita ng Diyos bilang ang katotohanan, sila ba ay mga mananampalataya sa Diyos? Tagasunod ba sila ng Diyos? (Hindi.) Ang mga ganoong tao ay nananampalataya sa relihiyon; sinusunod pa rin nila si Satanas! Naniniwala sila na ang mga salitang sinasabi ni Satanas ay pilosopiko, na ang mga ito ay lubhang malalim at klasiko. Itinuturing nila ang mga ito bilang mga sikat na kasabihan na may pinakamataas na antas ng katotohanan. Kahit ano pang ibang bagay ang isuko nila, hindi nila kayang bitiwan ang mga salitang iyon. Ang pagtalikod sa mga salitang iyon ay parang ang pagkawala ng pundasyon ng kanilang buhay, tila pag-uka sa kanilang puso. Anong klase ng tao ang mga ito? Tagasunod sila ni Satanas, at kaya nga tinatanggap nila ang mga sikat na kasabihan ni Satanas bilang ang katotohanan. Masusuri at makikilala ba ninyo ang iba’t ibang kalagayan na nararanasan ninyo sa iba’t ibang konteksto? Bilang halimbawa, ang ilang tao ay nananampalataya sa Diyos at madalas na binabasa ang Kanyang mga salita, ngunit kapag may mga nangyayari sa kanila, palagi nilang sinasabi, “Sabi ng nanay ko,” “Sabi ng lolo ko,” “Minsang sinabi ni ganitong sikat na tao,” o “Sabi sa ganitong aklat.” Hindi nila kailanman sinasabi, “Sinasabi ito ng salita ng Diyos,” “Ganoon ang mga hinihingi sa atin ng mga salita ng Diyos,” “Sinasabi ito ng Diyos.” Hindi nila kailanman sinasabi ang mga salitang ito. Sinusunod ba nila ang Diyos? (Hindi.) Madali ba para sa mga tao na matuklasan ang mga kalagayang ito? Hindi, ngunit ang pag-iral ng mga ito sa mga tao ay malaking kapinsalaan sa kanila. Maaaring naniniwala ka na sa Diyos sa loob ng tatlo, lima, walo, o sampung taon, subalit hindi mo pa rin alam kung paano sundin ang Diyos o isagawa ang mga salita ng Diyos. Anuman ang mangyari sa iyo, ginagawa mo pa ring batayan ang mga satanikong salita, naghahanap ka pa rin ng batayan sa tradisyonal na kultura. Iyan ba ay pananampalataya sa Diyos? Hindi mo ba sinusunod si Satanas? Namumuhay ka ayon sa mga satanikong salita at namumuhay ayon sa mga satanikong disposisyon, kaya hindi mo ba nilalabanan ang Diyos? Dahil hindi ka nagsasagawa o namumuhay ayon sa salita ng Diyos, hindi sumusunod sa mga yapak ng Diyos, hindi nakikinig sa anumang sinasabi ng Diyos, at hindi nakakasunod sa anumang pangangasiwa o hinihingi ng Diyos, hindi mo sinusunod ang Diyos. Sumusunod ka pa rin kay Satanas. Nasaan si Satanas? Si Satanas ay nasa puso ng mga tao. Ang mga pilosopiya, lohika at patakaran, at iba’t ibang mala-diyablong salita ni Satanas ay matagal nang nag-ugat sa puso ng mga tao. Ito ang pinakaseryosong problema. Kung hindi mo malulutas ang problemang ito sa pananampalataya mo sa Diyos, hindi ka maliligtas ng Diyos. Samakatuwid, dapat palagi ninyong ihambing sa mga salita ng Diyos ang lahat ng ginagawa ninyo, ang inyong mga iniisip at pananaw, at ang inyong batayan sa paggawa ng mga bagay-bagay, at pag-aralan ang mga bagay-bagay sa inyong isipan. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga bagay na nasa inyong kalooban ang mga pilosopiya sa pamumuhay, sikat na kasabihan, tradisyonal na kultura, pati na rin kung alin ang nagmula sa kaalamang intelektuwal. Kailangan ninyong malaman kung alin sa mga ito ang lagi ninyong pinaniniwalaang tama at alinsunod sa katotohanan, alin ang sinusunod niyo na para bang iyon ang katotohanan, at alin ang pinapayagan niyong pumalit sa katotohanan. Kailangan ninyong suriin ang mga bagay na ito. Sa partikular, kung tinatrato mo ang mga bagay na sa tingin mo ay tama at mahalaga bilang ang katotohanan, hindi madaling maunawaan nang lubusan ang mga ito. Ngunit kung lubos mo mang mauunawaan ang mga ito, nalagpasan mo na ang isang malaking balakid. Ang mga bagay na ito ay mga balakid sa mga tao na maunawaan ang mga salita ng Diyos, isagawa ang katotohanan, at sundin ang Diyos. Kung gugugulin mo ang maghapon nang naguguluhan at hindi alam ang gagawin, at hindi isinasaalang-alang ang mga bagay na ito o tumutuon sa paglutas sa mga problemang ito, kung gayon ay ang mga ito ang ugat ng iyong karamdaman, ang lason sa iyong puso. Kung hindi maaalis ang mga ito, mawawalan ka ng kakayahang tunay na sundin ang Diyos, at hindi mo maisasagawa ang katotohanan o masusunod ang Diyos, at wala kang magagawa upang matamo ang kaligtasan.
Ngayong nakapagbahaginan na tayo tungkol sa mga bagay na ito, naisip na ba ninyo ang mga kalagayan, ideya, o may kinikilingang mga pananaw na nasa inyong kalooban na sumasalungat sa mga layunin ng Diyos, mga hinihingi ng Diyos, at sa katotohanan, subalit itinuring ninyo bilang ang katotohanan at isinagawa at itinaguyod bilang gayon nga? (Nagkaroon ako ng pananaw na bilang isang tao, dapat magsikap ang isang tao na maging mabuti, isang taong gusto at nais na makaugnayan ng lahat. Noong hindi ko naintindihan ang katotohanan, inakala ko na ang hangaring ito ay makatwiran at tama. Ngunit ngayon, kung susukatin ito sa katotohanan, napagtanto ko na ang ganoong tao ay mapagpalugod ng mga tao. Lalo na pagkatapos kong mabasa ang mga paghahayag ng Diyos tungkol sa mga mapanlinlang na tao, naunawaan ko na mayroon akong mga mapanlinlang na intensyon sa paggawa nito, lahat ay sinusubukan ko upang mapanatili ang aking sariling reputasyon at katayuan sa pamamagitan ng pagsisilbi sa iba, binibigyan sila ng mga maling impresyon at nililinlang sila. Kung minsan, isinasakripisyo ko pa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang mapalugod ang ibang tao. Hindi talaga ako isang mabuting tao, ni hindi ko taglay ang wangis ng isang taos na tao. Nang matuklasan ko ang mga bagay na ito, ninais kong hanapin ang katotohanan, na maging isang matapat na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos, sa halip na maging mapagpalugod ng mga tao. Ninais kong maging isang taong nagsasalita nang totoo at tapat, na tapat sa lahat ng bagay, dahil ito ay alinsunod sa kalooban ng Diyos.) (Napansin ko sa panahong ito na tumutok ako sa mga pagbabago sa panlabas na pag-uugali. Halimbawa, noong sinabihan ako ng ilang kapatid na ako ay mayabang at hindi madaling pakisamahan, sinubukan kong tanggapin iyon at talakayin ang mga bagay kasama nila sa banayad at magiliw na paraan. Ginawa ko ang anumang sabihin nila sa akin, at kung makita ko ang sinuman na magkamali habang isinasakatuparan ang kanilang tungkulin, hindi ko iyon tutukuyin, sa halip, pinapanatili ko ang kapayapaan at pagkakaisa. Habang nakikinig sa pakikipagbahaginan ng Diyos ngayon lang, nakita ko na hindi ako kumikilos ayon sa mga salita ng Diyos. Kumikilos ako sa pamamagitan ng mga pilosopiya sa pamumuhay ni Satanas. Ginagamit ko ang aking mabubuting panlabas na pag-uugali upang linlangin ang iba, samantalang ang totoo, ang aking tiwaling disposisyon ay hindi pa natatanggal. Hindi ako isang tao na naghahangad ng katotohanan, at sinayang ko ang maraming panahon.) May pagkaunawa at kamalayan na kayo ngayon sa ilang maling pananaw at pagsasagawa noon, ngunit nakakapagod para sa inyo kapag isinasagawa ninyo ang katotohanan. Dahil nakikilala at nauunawaan na ninyo ang mga kalagayang ito, ano ang inyong mga kaisipan at damdamin tungkol sa suliranin ng tiwaling sangkatauhan? Naramdaman ba ninyo na ang tiwaling sangkatauhang ito ay matatag at mahigpit na kontrolado ni Satanas? Nalalaman na ba ninyo ito? (Oo.) Kailan ninyo nalaman ito? (Noong gusto kong isagawa ang katotohanan, kinontrol at ikinulong ako sa loob ng kalikasan ni Satanas. Nagtalo ang kalooban ko ngunit hindi ko naisagawa ang katotohanan, na para bang ako ay nakakadena. Napakahirap niyon.) Naramdaman mo ba noong oras na iyon na masyadong kamuhi-muhi si Satanas? O namanhid ka na ba sa katagalan at hindi mo na magawang mapoot? (Naramdaman ko na si Satanas ay kamuhi-muhi.) Napagtanto mo na ba ang matinding pangangailangan sa gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan? Nauunawaan mo ba na ang mga salita at katotohanang ipinapahayag ng Diyos, kasama ang mga naglalantad sa sangkatauhan, ay realidad lahat, wala kahit isang parirala ang hindi tunay, at na lahat ay ganap na tumutugma sa mga katunayan at ang mga salitang lubos na kinakailangan ng sangkatauhan upang matanggap ang katotohanan at maligtas? Kailangang-kailangan ng sangkatauhan ang pagliligtas ng Diyos! Kung hindi pumarito ang Diyos sa katawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, kung hindi nagpahayag ng napakaraming katotohanan ang Diyos, saan makikita ng sangkatauhan ang landas patungo sa kaligtasan? Lahat ng pagtitiwala kay Satanas at sa masasamang espiritu para sa mga tanda at kababalaghan ay hahantong sa pagkasira. Ang lahat ng taong namumuhay sa mga pilosopiya, lohika, at batas ni Satanas ay pinupuntirya para sa pagkawasak. Nalalaman na ba ninyo ito? Hindi sapat na basta lang ninyong nalalaman ito. Iyan ay simpleng puso lamang na nananabik sa pagliligtas ng Diyos. Ngunit kung matatanggap ba ninyo ang katotohanan, at matatanggap ang paghatol at pagkastigo, at maiwawaksi ang inyong tiwaling disposisyon—ito ang mahahalagang tanong. Ang mga nananampalataya sa Diyos ay dapat na umibig sa katotohanan at mga positibong bagay, at dapat din nilang kamuhian ang kasamaan at anumang bagay na galing kay Satanas. Dapat silang tumuon sa pagninilay-nilay at pag-unawa sa sarili, at sa pagkilatis ng mga paglabas ng kanilang sariling tiwaling disposisyon. Dapat nilang malinaw na makita na ang kanilang kalikasang diwa ay nakapanghihilakbot at masama, salungat sa Diyos at kinasusuklaman ng Diyos, at magawa nilang makaramdam ng pagkagalit sa kanilang sarili at pagkasuklam sa kanilang sarili mula sa kanilang puso. Saka lamang sila magkakaroon ng determinasyon at lakas na makalaya at maiwaksi ang pagkagapos at paghadlang ng kalikasan ni Satanas, at maisagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Kung wala ang determinasyong ito, mahihirapan kang isagawa ang katotohanan, kahit na hinihinging gawin mo iyon. Dapat na lubhang magpakahirap ang mga tao sa gitna ng mga kalagayang tulad ng pagkagapos, manipulasyon, labis na pagpapahirap, pananalasa, at pang-aabuso ng kanilang tiwaling disposisyon. Kapag naramdaman na ng isang tao ang kirot nito, saka lamang niya kapopootan si Satanas at magkakaroon siya ng kapasyahan at determinasyong baguhin ang lahat ng ito. Kapag nakapagtiis na siya ng sapat na paghihirap ay saka lamang niya mapalalakas ang kanyang determinasyon at magkakaroon siya ng motibasyon na hangarin ang katotohanan at makawala sa lahat ng ito. Kung nararamdaman mo na ang mga bagay na kay Satanas ay lubhang magaganda, na mabibigyang-kasiyahan ng mga ito ang laman at maisasakatuparan ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, ang kanilang maluluhong pagnanasa, at iba’t ibang kagustuhan, nang hindi nakakaramdam ng anumang kirot o nadarama kung paano brutal na inaatake ni Satanas ang mga tao, handa ka bang kumawala mula sa lahat ng ito? (Hindi.) Sabihin nang alam ng isang taong mapanlinlang na siya ay tuso, na mahilig silang magsinungaling at ayaw nilang sabihin ang katotohanan, at na lagi siyang may ikinukubli kapag nakikipag-ugnayan sa mga tao, ngunit ikinatutuwa niya ito, na iniisip sa kanyang sarili, “Masarap mabuhay nang ganito. Palagi kong nalilinlang ang iba, ngunit hindi nila magagawa iyon sa akin. Halos palagi akong nasisiyahan pagdating sa sarili kong mga interes, kapalaluan, katayuan, at pagkabanidoso. Umaayon ang mga bagay-bagay sa mga plano ko, nang walang hirap, tuluy-tuloy, at walang sinumang nakakahalata.” Handa ba ang ganoong uri ng tao na maging matapat? Hindi. Naniniwala ang taong ito na ang panlilinlang at kabuktutan ay katalinuhan at karunungan, na mga positibong bagay ang mga ito. Pinahahalagahan nila ang mga bagay na ito at hindi sila makatagal nang wala ang mga ito. “Ito ang perpektong paraan ng pagkilos, at ang tanging kapaki-pakinabang na paraan para mabuhay,” iniisip nila. “Ito lamang ang pamumuhay na may halaga, ang tanging pamumuhay para kainggitan at tingalain ako ng iba. Kahangalan at kamangmangan ang hindi ako mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Palagi akong may mapapalagpas na mga pagkakataon—maaapi, mamaliitin, at matatratong isang utusan. Walang halaga ang gayong klaseng pamumuhay. Hinding-hindi ako magiging matapat na tao!” Tatalikuran ba ng ganitong klaseng tao ang kanyang mapanlinlang na disposisyon at magsasagawa na maging matapat? Siguradong hindi. Gaano katagal man silang naniniwala sa Diyos, ilang sermon man ang kanilang narinig, at ilang katotohanan ang naunawaan nila, hinding-hindi tunay na susundin ng gayong mga tao ang Diyos. Hinding-hindi nila masayang susundin ang Diyos, sapagkat iniisip nila na upang magawa iyon, napakarami nilang kakailanganing isuko, talikdan, at kailangan nilang magdusa ng pasakit at mga kawalan. Ito ang hindi talaga nila matanggap. Iniisip nila, “Ang pananalig sa Diyos ay pananalig sa relihiyon. Ang matawag lamang na isang mananalig, may ilang mabuting ugali, at pagkakaroon ng isang bagay na nagbibigay sa kanila ng espirituwal na panustos, iyon lamang. Hindi na kailangang magbayad ng halaga, magdusa, o talikuran ang ano pa man. Hangga’t sa kanyang puso ay nananalig ang isang tao at sinasabing kinikilala niya ang Diyos, ang ganoong klase ng pananampalataya sa Diyos ang magtutulot sa kanya na makaligtas at makapasok sa kaharian ng langit! Napakadakila ng ganoong pananampalataya!” Matatamo ba sa huli ng mga ganoong tao ang katotohanan? (Hindi.) Ano ang dahilan na hindi nila matatamo ang katotohanan? Wala silang pagmamahal para sa mga positibong bagay, hindi nila pinananabikan ang liwanag, at hindi nila minamahal ang daan ng Diyos o ang katotohanan. Gusto nilang sinusunod ang mga makamundong kalakaran, nahuhumaling sila sa katanyagan, pakinabang, at katayuan, gustong-gusto nilang namumukod-tangi sila sa mga tao, sinasamba nila ang katanyagan, pakinabang, at katayuan, dinadakila nila ang mga mahusay at sikat, pero ang totoo, mga demonyo at si Satanas ang dinadakila nila. Sa kanilang puso, hindi ang katotohanan ang hinahangad nila, o ang mga positibong bagay; sa halip, mataas ang pagpapahalaga nila sa kaalaman. Sa puso nila, hindi sila sang-ayon sa mga taong naghahangad ng katotohanan at nagpapatotoo sa Diyos; sa halip, sinasang-ayunan at hinahangaan nila ang mga taong may espesyal na mga talento at kaloob. Sa kanilang pananampalataya sa Diyos, hindi nila tinatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan, sa halip, ang tinatahak nila ay ang landas ng paghahangad sa katanyagan, pakinabang, katayuan, at kapangyarihan; sinisikap nilang maging isang taong labis na tuso, na nagtatagumpay gamit ang mahuhusay na plano, sinisikap nilang pasukin ang mas mataas na antas ng lipunan para maging isang dakila at kilalang tao. Nais nilang mabati nang may paghanga at pagtanggap sa lahat ng okasyon na kanilang pupuntahan; nais nilang maging idolo ng mga tao. Iyan ang klase ng taong nais nilang kahinatnan. Anong uri ng paraan ito? Ito ang gawi ng mga demonyo, ang landas ng masama. Hindi ito ang daang tinatahak ng isang mananampalataya sa Diyos. Ginagamit nila ang mga pilosopiya ni Satanas, ang lohika nito, ginagamit nila ang bawat pakana nito, bawat panlalansi, sa bawat sitwasyon, upang makuha ang tiwala ng mga tao, at himukin ang mga tao na sambahin at sundin sila. Hindi ito ang landas na dapat tahakin ng mga taong nananalig sa Diyos; hindi lamang sa hindi maliligtas ang gayong mga tao, haharapin din nila ang pagpaparusa ng Diyos—wala itong kaduda-duda. Ano ang batayan sa kung ang isang tao ay maliligtas o hindi? Ito ay batay sa kung matatanggap niya ang katotohanan, makapagpapasakop sa gawain ng Diyos, at matatahak ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ay pinagpapasyahan batay sa mga salik na ito. Ano ang landas kung saan matatamo ang kaligtasan ng Diyos sa pananampalataya? Dapat niyang sundin ang Diyos, pakinggan ang Kanyang mga salita, magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos, at mamuhay ayon sa Kanyang mga hinihingi at sa katotohanan. Ito ang tanging landas para matamo ang kaligtasan.
Enero 4, 2018
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.