Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 95)
Hindi sapat na magsumikap lang kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat mo ring ibigay ang buong puso mo rito. Ang nag-iisang paraan para maibigay mo ang lahat ng iyong makakaya ay ang gawin mo ito nang buong puso. Kung wala ang puso mo rito, hindi mo maibibigay ang lahat ng makakaya mo. Kung ibibigay mo lamang ang buong lakas mo ngunit hindi ang buong puso mo, nagsisikap ka lamang ngunit wala ang iyong puso sa ginagawa mo. Ang paraang ito ng pagganap ng tungkulin ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, dapat lagi mong gawin ang abot ng iyong makakaya para magbigay-lugod sa Diyos nang buong puso, nang buong lakas, at nang buong pag-iisip. Kung ibibigay mo lamang ang kalahati ng iyong lakas at itatago mo ang isa pang kalahati, iisipin mo, “Ayokong mapagod; sino ang tutustos sa akin pagkatapos kong mapagod?” Tama ba ang saloobing ito? (Hindi.) May mawawala ba sa iyo kung gagawin mo ang iyong tungkulin nang may ganitong kaisipan? (Oo.) Anong uri ng kawalan? (Masusuklam sa akin ang Diyos, at unti-unting mawawala sa akin ang gawain ng Banal na Espiritu.) Malaking kawalan ang hindi pagkakaroon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung mananalig ang mga tao sa Diyos sa loob ng ilang taon ngunit wala ang gawain ng Banal na Espiritu, napakalaki ng mawawala sa kanila na wala silang makakamit. Parang walang kabuluhan ang kanilang pananalig. Maraming tao ang hindi naghahangad sa katotohanan, at sila ay matitiwalag pagkatapos ng ilang taon ng pananalig. Samakatuwid, gaano man katindi ang pagod mo tuwing ginagawa mo ang iyong tungkulin, kung hindi mo ibibigay ang buong puso mo rito, hindi mo makakamtan ang katotohanan. Ito ba ay kawalan? Nauunawaan ba ninyong ito ay kawalan? Kung ikaw ay isang taong tunay na nakakaunawa sa katotohanan, makikita mong napakalaki ng kawalang ito. Sa mga taong lima o sampung taon nang nananalig sa Diyos, may mga nakakamit na ng katotohanang realidad, habang ang iba ay nangangaral pa rin ng mga salita at doktrina. Malaki ba ang pagkakaibang ito? (Oo.) Paano ito naaabot ng mga nakakamit na ng katotohanang realidad? Sa pamamagitan ng karanasan at pagsasagawa. Ibinigay ba ito ng Diyos? (Oo.) Ano ang nangyayari sa mga taong hindi pa nakakamit ang katotohanang realidad at nangangaral pa rin ng mga salita at doktrina? Maraming taon silang nananalig sa Diyos ngunit hindi nila nakakamit ang katotohanan dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin gamit lamang ang kanilang lakas at hindi ang kanilang puso. Pagpapala ba o kasawian ang manalig sa Diyos pero hindi makamit ang katotohanan? (Ito ay kasawian.) Bakit ito kasawian? Nauunawaan mo ba ito? Malaki o maliit bang problema ang katunayang hindi mo pa nakakamit ang katotohanan? (Malaking problema.) Ano ang kaugnay ng malaking problemang ito? May kaugnayan ba ito sa kaligtasan? (Oo.) Ano ang ibig sabihin kapag buong araw kang nangangaral ng mga salita at doktrina? Ginagawa nitong alanganin ang pagliligtas at ginagawa itong mahirap makamit. Ang ilang tao ay sampung taon nang nananalig sa Diyos pero nangangaral pa rin ng mga salita at doktrina. Ang iba ay dalawampung taon nang nananalig pero hindi pa rin nakakapasok sa katotohanang realidad at hindi pa rin alam kung ano ang ibig sabihin ng katotohanang realidad. Nasa peligro ba ang mga taong ito? Hindi ba malinaw kung sila ay maliligtas o hindi? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, sa mga taong ganoon karaming taon na ring nananalig, aling uri ng tao ang may mas malaking tsansa at mas malaking pag-asa na maligtas? Ito ba ang mga taong nangangaral ng mga salita at doktrina o ang mga taong mayroong katotohanang realidad? (Ang mga taong mayroong katotohanang realidad.) Napakadali lang nito. Kung gayon, anong uri ng tao ang gusto ninyong maging? (Ang mga taong mayroong katotohanang realidad.) Paano magkakaroon ng katotohanang realidad ang isang tao? (Sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasagawa ayon sa salita ng Diyos.) (Sa pamamagitan ng pagtupad sa tungkulin nang buong puso, lakas, at isipan ayon sa mga hinihingi ng Diyos at paggawa ng lahat ng makakaya para mapalugod ang Diyos.) Tama iyan. Kung gagawin mo ang anumang ipapagawa sa iyo ng Diyos, makakamit mo ang katotohanan. Ano ang kaugnay nito? Kaugnay nito ang kahihinatnan at destinasyon ng isang tao. May mga taong hangal at mayabang, at ni hindi nila alam kung gaano kalaki ang nawala sa kanila, o kung ano ang pinsalang naranasan nila. Nakaupo lang sila, salita nang salita, at nangangaral ng mga salita at doktrina, pero hindi pa rin nila alam na malapit na sila sa kapahamakan! Ano ang katapusan ng mga taong hindi maliligtas? Una sa lahat, ititiwalag sila ng Diyos at, sa hinaharap, ano ang katapusan nila? (Kapahamakan at pagkawasak.) Ito ang kahihinatnan nila, ito ang destinasyon nila. Kung mananalig ang mga tao sa Diyos at ganito ang kanilang katapusan, ito ba ang orihinal nilang layunin sa pananalig sa Kanya? (Hindi.) Walang may gustong mangyari sa kanila ito. Kung ayaw mo ng ganitong katapusan, huwag mong tahakin ang landas na iyon. Dapat mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at saka mo lamang makakamtan ang kaligtasan.
Kung hindi matatanggap ng mga tao ang gawain sa mga huling araw, tuluyan silang matatapos at hindi na sila makakakuha ng isa pang pagkakataon. Hindi ito gaya ng gawain noong Kapanahunan ng Biyaya, na kung hindi ito natanggap ng isang tao, saan mang bansa siya ipinanganak, ay maaari pa rin siyang maghintay ng pagkakataon para matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang katapusan ng gawain ng Diyos sa mga huling araw ay ang katapusan ng Kanyang plano ng pamamahala, at ano ang ibig sabihin ng katapusan? Ang ibig sabihin nito ay itatakda Niya kung ano ang magiging wakas ng bawat tao, at malapit na ang pagwawakas ng lahat ng bagay at ng sangkatauhan. Naabot na ng gawain ng Diyos ang yugtong ito, at kung wala ang pangitaing ito sa puso ng mga tao, kung lagi silang nalilito at ginagawa nila ang kanilang tungkulin nang pabasta-basta, kung hindi nila sineseryoso ang paghahangad sa katotohanan at iniisip nila na, basta nananalig sila, ay maliligtas sila, mawawala sa kanila ang huli nilang pagkakataong maligtas. Isang araw pagdating ng malalaking kalamidad, at kapag ganap nang natapos ang gawain, hindi na gagawin ng Diyos ang gawain ng pagdidilig at pagbibigay ng katotohanan sa mga tao. Ano ang magiging disposisyon ng Diyos kapag hinarap Niya ang sangkatauhan sa panahong iyon, alam mo ba? Magiging matindi ang Kanyang galit at ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ihahayag sa buong sangkatauhan, sa paraang hindi pa kailanman ginawa noon. Ito ang huling malaking sakuna para sa sangkatauhan. Ito na ang panahon kung kailan gumagawa ang Diyos para mailigtas ang mga tao. Siya ay matiyaga, mapagtiis, at naghihintay Siya. Naghihintay para saan? Naghihintay para sa mga itinakda Niyang tao, para sa mga hinirang Niyang tao, para sa mga taong gusto Niyang iligtas na makalapit sa Kanya, matanggap ang Kanyang paghatol at pagkastigo, at matanggap ang Kanyang pagliligtas. Kapag nakompleto na ang mga taong ito, matatapos na ang dakilang gawain ng Diyos, at hindi na itutuloy ng Diyos ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Hindi ito ang panahon ni Noe, o ang panahon ng pagkawasak ng Sodom, o ang panahon ng paglikha sa mundo. Sa halip, ito ang panahon ng pagwawakas ng mundo. May ilang taong nananaginip pa rin, at hindi nila alam kung anong yugto na ang naabot ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Kahit na natanggap na nila ang pagpapakita at gawain ng Diyos, hindi pa rin sila nagmamadali, nalilito pa rin sila at hindi nila ito sineseryoso. Sa oras na matapos ang yugtong ito ng gawain, itatakda na ang kalalabasan ng isang tao, at hindi na ito mababago. Hangal ang tao at iniisip pa rin niya, “Ayos lang, bibigyan naman tayo ng Diyos ng isa pang pagkakataon!” Ibinibigay ang pagkakataon sa panahon ng gawain ng Diyos. Paano pa magkakaroon ng bagong pagkakataon kung tapos na ang panahong ito? Hindi ba’t panaginip lamang iyan?