Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 92)

Kayo ay nabubuhay sa pangwakas na kapanahunang ito. Karamihan sa inyo ay mas maginhawa ang buhay-pamilya kaysa dati, at may materyal na kasaganaan ang bawat aspeto ng inyong mga buhay. Ano ang nararamdaman ninyo? Iyon ay bahagyang kasiyahan ng laman lamang, ngunit ano ang pinagkaiba nito sa kagalakan ng puso? Kayong lahat ay may ilang karanasan at may ilan na kayong nauunawaan, ang inyong paghahangad na manampalataya sa Diyos ay mas praktikal kaysa dati, nadarama ninyong lahat na ang paghahangad sa kaligayahan ng laman ay walang kuwenta, at kayong lahat ay handang pagsikapan ang katotohanan—may ganitong karanasan ba kayong lahat? Makapaghahatid ba sa mga tao ng espirituwal na kaginhawahan ang kasiyahan ng kanilang laman sa iba’t ibang uri ng materyal na bagay? Ano ba ang maidudulot sa mga tao ng pagkaramdam na nakaaangat sila sa iba at ng pamumuhay na sagana sa materyal na bagay? Mapasasama at maililigaw lang ng mga ito ang mga tao. Sa ganitong paraan, ang mga tao ay madaling mawawala sa katwiran, hindi nila malalaman kung alin ang mabuti at alin ang masama at mawawalan sila ng katwiran, at unti-unting mawawala ang kanilang pagkatao; sila ay mas lalong maghahangad ng ginhawa, at mas magiging ignorante sa kanilang lugar sa sansinukob. May ilan pa ngang tao na mawawalan ng kakayahang alagaan ang kanilang sarili. Ganap nilang hindi kakayaning mamuhay nang mag-isa, na magtrabaho, at aasa sa kanilang mga magulang. Sila rin ay mas magiging walang kasiyahan at walang hiya. Bilang pagbubuod, mapasasama lamang ng mas maginhawang kapaligiran at ng pamumuhay na sagana sa materyal na bagay ang mga tao, na magbubunsod sa kanila na mahalin ang kawalan ng ginagawa at kamuhian ang pagtatrabaho, na tutulak sa kanila na maging gahaman na walang kasiyahan at na mawalan ng kahihiyan. Walang anumang naidudulot na benepisyo sa mga tao ang mga ito. Pagdating sa laman, habang pinamimihasa mo ito, mas lalo itong nagiging ganid. Nararapat itong makaranas ng kaunting pagdurusa. Ang mga taong dumaranas ng kaunting pagdurusa ay tatahak sa tamang landas at gagawa ng nauukol sa gawain. Kung ang katawan ay hindi nagtitiis ng pagdurusa, kung naghahanap ito ng ginhawa, at lumalaki ito sa ginhawa, walang makakamit ang mga tao at imposible nilang makamtan ang katotohanan. Kapag naharap ang mga tao sa mga kalamidad at mga sakunang gawa ng tao, hindi sila magkakaroon ng katinuan at ng katwiran. Sa paglipas ng panahon, mas lalo lang silang sasama. Marami bang halimbawa nito? Iyong mapapansin na sa mga walang pananampalataya, maraming mang-aawit at artista sa pelikula na handang magtiis ng paghihirap at ialay ang kanilang sarili sa trabaho nila bago sila sumikat. Ngunit nang makamit na nila ang kasikatan at magsimula na silang kumita ng malaking pera, hindi na sila tumatahak sa tamang landas. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga, ang ilan ay nagpapatiwakal, at umiikli ang kanilang buhay. Ano ang sanhi nito? Sobra-sobra ang kanilang materyal na kasiyahan, masyado silang komportable, at hindi nila alam kung paano magkamit ng higit na kasiyahan o kasabikan. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga upang makahanap ng higit na kasabikan at kasiyahan, at paglipas ng panahon, ay nalululong dito. Ang ilan ay namamatay dahil sa sobrang paggamit ng droga, at ang iba na hindi alam kung paano makaalpas dito ay nagpapatiwakal na lang sa bandang huli. Napakaraming halimbawa na ganito. Gaano man kaayos ang iyong pagkain, pananamit, pamumuhay, pagsasaya, o gaano man kaginhawa ang iyong buhay, at gaano kalubos mo mang nakakamit ang iyong mga ninanasa, sa bandang huli, mapupuno ka lang ng kalungkutan, at ang resulta ay pagkawasak. Ito bang kaligayahang hinahangad ng mga walang pananampalataya ay tunay na kaligayahan? Ang totoo, hindi ito kaligayahan. Ito ay imahinasyon ng tao, ito ay isang uri ng kasamaan, ito ay isang landas kung saan sumasama ang mga tao. Ang diumano’y kaligayahang hinahangad ng mga tao ay huwad. Ang totoo, ito ay pagdurusa. Isa itong mithiing hindi dapat hangarin ng mga tao, at hindi rin dito nasusukat ang halaga ng pamumuhay. Ang ilan sa mga pamamaraan at metodong ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay paghangarin silang mapasaya ang laman at magpalayaw sa kahalayan bilang mithiin. Sa ganitong paraan, ginagawang manhid ni Satanas ang mga tao, inaakit nito ang mga tao, at ginagawang tiwali ang mga tao, ipinaparamdam sa kanila na tila ba ito ang kaligayahan at inaakay silang habulin ang layuning iyon. Naniniwala ang mga tao na ang makamtan ang mga bagay na iyon ay ang makamtan ang kaligayahan, kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya para hangarin ang mithiing iyon. Ngunit pagkatapos nilang makamtan ito, hindi kaligayahan ang kanilang nararamdaman kundi kalungkutan at hinagpis. Pinatutunayan nito na hindi iyon ang tamang landas; iyon ay daan patungo sa kamatayan. Bakit hindi tinatahak ng mga taong nananalig sa Diyos ang daang ito tulad ng ginagawa ng mga walang pananampalataya? Ano ang kaligayahang nararamdaman ng mga taong nananalig sa Diyos? Paano ito naiiba sa hinahangad ng mga walang pananampalataya? Matapos magkaroon ng pananampalataya sa Diyos, ang karamihan sa mga tao ay hindi naghahangad ng malaking kayamanan. Hindi nila hinahangad ang kasaganaan sa lupa, tagumpay sa propesyon, o ang maging sikat. Sa halip, tahimik nilang ginagawa ang kanilang tungkulin, namumuhay sila nang simple, at hindi sila nagkakaroon ng sobra-sobrang hinihingi para sa kalidad ng kanilang buhay. May ilang tao pa nga na kontento nang magkaroon ng pagkaing makokonsumo at ng mga damit na maisusuot. Sa isang daigdig na ganito kadilim at kasama, bakit nakakayanan pa rin nilang piliin ang ganitong uri ng landas? Masasabi mo bang ang lahat ng kapatid na nananalig sa Diyos ay walang kakayahang kumita ng malaking pera? Siyempre hindi. Ito ay dahil pagkatapos magkaroon ng mga taong ito ng pananampalataya sa Diyos, masasabing nararamdaman na nila sa kaibuturan ng kanilang puso na ang pagsunod sa Diyos ang pinakarurok ng kaligayahan, at ang kaligayahang ito ay hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay sa mundo. May ilang tao pa nga ang sinubukan ito; dumanas sila ng mga paghihirap sa mundo nang ilang taon, at napagtanto nilang ito ay nakakapagod at napakahirap. Kahit na kumita sila ng kaunting pera at nakaranas sila ng mga kasiyahan ng laman, namuhay sila nang walang dignidad, at ang kanilang buhay ay unti-unting naging walang saysay at masaklap. Kanilang naramdaman na mas mainam pang mamatay na lang kaysa mabuhay nang ganoon. Ang mga taong ito ay nagkaroon na ng malalim na pagkaunawa sa mga bagay na ito. Hindi sila nananalig sa Diyos dahil lamang wala silang ibang mapagpipilian, kundi dahil tunay nilang naramdaman: Ang pagsunod sa Diyos at ang paglalakad sa landas ng paghahangad sa katotohanan, pati na rin ang pag-aalay at pagtutuon ng kanilang buong buhay sa Diyos, ang pinakamalaking ginhawa para sa kanilang puso, at ang pinakamahalagang bagay sa kanilang buong buhay; ang pagtatamo sa Diyos at ang pagkakamit ng katotohanan ang pinakarurok ng kaligayahan, at ito ang bagay na pinakanagbibigay ng kapayapaan, kagalakan, at katatagan sa puso ng mga tao. Kanila nang naramdaman ang kaligayahang ito; ito ay hindi kathang-isip. Masasabing ang ilan sa mga taong hinirang ng Diyos ay nakaranas na ng ilang pagdurusa at pagsubok, ay nauunawaan na ang katotohanan, at malalim na ang pagkaunawa sa maraming bagay. Kanila nang nakumpirma na ang pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan ang tamang landas, na wala nang iba pang landas na maaaring tahakin sa mundo, at tanging ang mga salita ng Diyos ang katotohanan—at napagpasyahan na nila ang landas na ito. Ang ganitong tao ay may tunay na pananampalataya, at ang mga taon ng kanilang pagdurusa ay hindi nauwi sa wala. Malalim man o mababaw lang ang kanilang mga sinasabing testimonyang batay sa kanilang mga karanasan, isang bagay ang malinaw: Kapag sinubukan mo silang pigilan sa kanilang pananampalataya sa Diyos at pinilit mo silang bumalik sa mundo, hinding-hindi sila babalik doon. Kahit pa mayroong nakakaakit na bundok ng ginto ang daigdig, na maaaring makatukso sa kanila sa oras na iyon, pag-iisipan nila itong maigi: “Ang pagkakaroon ng bundok ng ginto o bundok ng pilak ay hindi makakapagdala sa akin ng kasiyahan na katumbas ng pag-aalay ng aking sarili para sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin. Kung magkakaroon ako ng kayamanang ginto at pilak, ako ay magiging masaya sa sandaling iyon, ngunit ako ay makakaranas ng pagdurusa at pasakit sa aking puso, kaya hindi ko maaaring tahakin ang landas na iyon, anuman ang mangyari. Hindi naging madali na mahanap ang Diyos; kung babalik akong muli, saan ako pupunta upang hanapin ang Diyos? Ang pagkakataong sumunod sa Diyos ay napakahirap makamtan! Wala nang masyadong oras, at ang oras mismo ay lumilipas—tunay ngang ito ay isang bihirang pagkakataon!” Kanila nang nakita ang pagpapakita at gawain ng Diyos, at ang pagkapit sa Diyos ay tila pagsunggab sa nakapagliligtas-buhay na dayami. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang nararamdaman ng isang taong nalulunod kapag kumapit siya sa isang salbabida? (Nararamdaman niyang may pag-asa siyang mabuhay, kaya hihigpitan niya ang kapit dito at hindi niya ito pakakawalan kahit kailan.) Iyan mismo ang kanyang nararamdaman. Kapag nakakapit siya sa isang salbabida, ano ang kanyang iniisip? “Hindi ko na kailangang mamatay ngayon, sa wakas ay may pag-asa na akong mabuhay! Kapag papalapit na ang kamatayan, hangga’t may katiting na pag-asa pang mabuhay, hindi ako puwedeng bumitaw kahit pa kailanganin kong gamitin ang buong lakas ko. Gaano man ito kahirap o kahapdi, hindi ko ito puwedeng hayaang makawala. Kahit pa umabot ako sa aking huling hininga, kailangan kong kumapit sa salbabidang iyon.” Kapag nararamdaman ng isang tao na may pag-asa siyang mabuhay, hindi ba’t masaya siya? Ngayon, kapag kayo ay tahimik na nag-iisip, nagmumuni-muni, nananalangin, o nakikibahagi sa espirituwal na debosyon, at inyong napagtatanto kung gaano karami na ang inyong natamo mula sa pagsunod sa Diyos, hindi ba’t umuusbong sa inyong puso ang kaligayahang ito? Sabihin ninyo ang inyong tunay na damdamin. (Kung hindi kami sumusunod kay Cristo, nahulog na sana kami sa kapahamakan, at ang mga kahihinatnan nito ay kahindik-hindik. Ngayon, sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos at paggawa sa aming tungkulin, nauunawaan na namin ang napakaraming katotohanan. Natamo na namin ang tunay na pananampalataya at kaya rin naming matakot sa Diyos sa aming puso; natutunan na naming magpasakop sa Diyos. Marami na kaming natamo, at lubos kaming nagpapasalamat sa patnubay ng Diyos.) Tama iyan. Napakarami na ninyong natamo sa pagsunod sa Diyos at paggawa ng inyong tungkulin. Ito ang inihatid ng Diyos sa tao. Dapat ninyong pasalamatan nang nararapat ang Diyos at purihin Siya.

Kapag ang mga taong may tunay na pananampalataya sa Diyos ay may kinaharap na mga suliranin, sila ay may kakayahan na hanapin ang katotohanan, at matapos magkaroon ng ilang karanasan, sila ay makapagkakamit ng ilang katotohanan. Ang kaligayahang dala ng mga katotohanang ito ay sapat na upang mapalitan ang mga kasiyahang dulot ng mga materyal na bagay at kaginhawahan. Pagdating naman sa mga bagay na iyon, habang dumarami ang inyong nakakamit, kayo ay mas nagiging hindi kontento at mas nahihirapan kayong malaman ang mabuti mula sa masama. Subalit habang mas nauunawaan at nakakamit ng mga tao ang katotohanan, mas nalalaman nila na dapat silang magpasalamat sa Diyos at tumanaw ng utang na loob, mas nauuhaw ang kanilang puso na mahalin ang Diyos, at mas kaya nilang magpasakop sa Diyos at matakot sa Diyos. Ito ang tunay na kaligayahan. Ano ang naihahatid sa mga tao ng paghahangad ng materyal na kasiyahan? Kalungkutan at kasamaan; maaari lamang nitong palaguin ang kanilang paghahangad at pagnanasa ng mga materyal na bagay. Mahirap para sa mga tao na talikuran ang tukso ng katayuan, kasikatan, at pakinabang. Kaya paano makakalaya ang mga taong nananalig sa Diyos mula sa mga kasiyahang materyal na ito? Nakakamit ba ito sa pamamagitan ng pagdarasal araw-araw at pagsasagawa ng pagtitimpi? (Hindi, ito ay sa pamamagitan ng pag-unawa sa mga bagay na ito.) Paano ba maiintindihan ng isang tao ang mga bagay na iyon? (Sa isang banda, ito ay sa pamamagitan ng paglalantad ng mga salita ng Diyos, at sa kabilang banda, sa pamamagitan ng mga pansariling karanasan at pagkakatanto at unti-unting pagkaunawa sa ilang katotohanan, na maiintindihan ng isang tao ang mga bagay na ito.) Naiintindihan mo ang katotohanan kaya mabibitawan mo ang mga bagay na ito, at ipinapakita nito na iyo nang tinanggap ang katotohanan. Sa kaibuturan ng iyong puso, iyo nang tinanggap ang salita ng Diyos—ang Kanyang sinabi sa tao at ang Kanyang hinihingi sa tao—at ito ay naging realidad mo na. Ang realidad na ito ba ay iyong buhay? Ito ay naging buhay mo na. Sa paggawa mo ng iyong tungkulin, natamo mo na ang katotohanan bilang iyong buhay, nang hindi mo napapansin. Posibleng hindi mo pa ito nararamdaman, sa tingin mo ay tila mababa ang iyong tayog, at marami kang hindi nauunawaan—ngunit mayroon kang pusong may takot sa Diyos, at ipinapakita nito na ang buhay ng Diyos ay naging bahagi mo na. Ang pag-unlad sa buhay ay natural; hindi nito kinakailangang makaramdam ka sa isang partikular na paraan. Kahit pa hindi mo ito maipahiwatig sa malinaw na mga salita, ang katotohanan ay ikaw ay lumago at nagbago na. Samakatuwid, habang tinatanggap mo ang buhay katotohanan ng Diyos, ang iyong puso ay walang-kamalayang napalapit na sa Diyos, at sa kasagsagan nito ay sinisiyasat ka ng Diyos at minamasdan ang iyong puso. Ngayon, mag-isip ka nang maigi—hindi ba’t masaya ang prosesong ito? Ito ay labis na nakagagalak! Sobrang suwerte ninyo na mabuhay sa mga huling araw, na magkaroon ng pribilehiyo na tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, sumunod sa Diyos, at gawin ang inyong tungkulin. Ang mga salita ng Diyos ay direktang nakalapat sa inyo, na pinapahintulutan kayong makamit ang katotohanan bilang buhay. Gamit ang buhay ng mga salita ng Diyos bilang realidad, at buhay ng katotohanan bilang realidad, hindi ba’t tunay na napakahalaga ng buhay ng tao? Hindi ba’t ito ay naging marangal nang hindi ninyo namamalayan? Hindi ba’t ang pagiging buhay ay unti-unti nang naging mas marangal? Sa panahong ito lamang nararamdaman ng mga tao na napakarami na nilang natamo sa pananalig sa Diyos. Ang pagkaunawa sa ilang katotohanan ay nakakapaghatid ng ganitong pagbabago sa mga tao; dati, hindi nila ito nauunawaan, ngunit ngayon ay malinaw na nila itong nakikita. Ang katotohanan ng mga salita ng Diyos ay naging buhay na pala nila sa kalooban nila. Ang katotohanan ay nakaugat na sa puso at namumukadkad para bumunga—iyan ang buhay; ito ang bungang nagmula sa pagkaunawa sa katotohanan, at hindi ito mapapalitan ng kahit anuman. Kapag kalaunan ay nakaranas kayo ng ilang pagdidisiplina, pagtutuwid, paghatol, at pagkastigo, at nagawa ninyong tanggapin at magpasakop sa mga ito, hindi ninyo mamamalayang makikilala ninyo ang Diyos matapos ninyong maunawaan ang maraming katotohanan, at ang inyong buhay ay lalong uunlad. Hindi ba’t iyon ay unti-unting paglago? Hindi ba’t inaasam rin ninyo ang araw na iyon? (Oo.) Kung gayon, kinakailangan ninyong pagsikapan ang katotohanan.