Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 87)

Kung sa ngayon ay hindi pa ninyo nahahanap ang damdamin at mga prinsipyo ng pagiging isang banal, pinatutunayan nitong ang inyong buhay pagpasok ay masyadong mababaw, at na hindi pa ninyo nauunawaan ang katotohanan. Sa inyong ordinaryong pag-uugali at pag-asal, at sa kapaligirang inyong pinamumuhayan araw-araw, dapat kayong lumasap at magnilay nang maingat, makipagbahaginan sa isa’t isa, magpalakas ng loob ng isa’t isa, magpaalala sa isa’t isa, tumulong at mangalaga sa isa’t isa, at sumuporta at magtustos sa isa’t isa. May mga prinsipyo dapat sa kung paano mag-ugnayan ang magkakapatid. Huwag kayong laging magtuon sa pagkakamali ng iba, sa halip, dapat ninyong madalas na pagnilayan ang inyong sarili, at pagkatapos ay maagap na aminin sa iba kung anong mga bagay na nagawa ninyo ang nakagambala o nakapinsala sa kanila, at dapat kayong matutong magtapat at magbahagi. Sa ganitong paraan, magagawa ninyong maunawaan ang isa’t isa. Bukod pa riyan, kahit ano pa ang mangyari sa inyo, dapat ninyong tingnan ang mga bagay-bagay batay sa mga salita ng Diyos. Kung mauunawaan ng mga tao ang mga katotohanang prinsipyo at makakahanap sila ng landas sa pagsasagawa, magkakaisa sila sa puso at isip, at magiging normal ang ugnayan sa pagitan ng mga kapatid, at hindi sila magiging kasingwalang-malasakit, kasinglamig, at kasinglupit ng mga walang pananampalataya, at matatanggal ang kanilang mentalidad ng pagdududa at kawalang-tiwala sa isa’t isa. Lalong magiging malapit ang loob ng mga kapatid sa isa’t isa; magagawa nilang suportahan at mahalin ang isa’t isa; magkakaroon ng mabuting hangarin sa kanilang mga puso, at magkakaroon sila ng kakayahang maging mapagparaya at mahabagin sa isat isa, at susuportahan at tutulungan nila ang isa’t isa, sa halip na inilalayo ang loob sa isa’t isa, naiinggit sa isa’t isa, ikinukumpara ang kanilang sarili sa isa’t isa, at palihim na nakikipagkumpitensya at nagiging mapanlaban sa isa’t isa. Paano magagampanang mabuti ng mga tao ang kanilang tungkulin kung para silang mga walang pananampalataya? Hindi lamang nito maaapektuhan ang kanilang buhay pagpasok, mapipinsala at maaapektuhan din nito ang iba. Halimbawa, maaaring magalit ka kapag tiningnan ka nang masama ng mga tao, o kapag may sinabi silang hindi naaayon sa iyong kalooban, at kapag may ginawa ang isang tao na nakahahadlang sa iyo na mamukod-tangi, maaaring maghinanakit ka sa kanya, at hindi ka mapalagay at hindi ka maging masaya, at palagi mong isipin kung paano maibabalik ang reputasyon mo. Partikular na hindi ito mapagtagumpayan ng mga kababaihan at kabataan. Lagi silang nahuhumaling sa maliliit na pagtatalo at di-pagkakaunawaan, may tendensiya silang maging matigas ang ulo, at nabubuhay sila sa isang kalagayan ng pagkanegatibo. Ayaw nilang manalangin sa Diyos o kumain at uminom ng salita ng Diyos, na nakakaapekto naman sa kanilang buhay pagpasok. Kapag namumuhay ang mga tao ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, napakahirap para sa kanila na maging payapa sa harapan ng Diyos, at napakahirap para sa kanila na isagawa ang katotohanan at mamuhay nang ayon sa mga salita ng Diyos. Para makapamuhay sa harapan ng Diyos, dapat muna ninyong matutuhan kung paano pagnilay-nilayan at kilalanin ang inyong sarili, at tunay na manalangin sa Diyos, at pagkatapos ay dapat ninyong matutuhan kung paano makisama sa mga kapatid. Dapat maging mapagparaya kayo sa isa’t isa, maging mapagbigay sa isa’t isa, at magawang makita kung ano ang mga kalakasan at magandang katangian ng iba—dapat matutuhan ninyong tanggapin ang mga opinyon ng iba at ang mga bagay na tama. Huwag ninyong bigyang-layaw ang inyong sarili, huwag kayong magkaroon ng mga ambisyon at ninanasa at huwag ninyong isiping lagi na mas mahusay kayo kaysa sa ibang mga tao, at pagkatapos ay isipin na bigating tao kayo, pinupuwersa ang ibang tao na gawin kung ano ang sinasabi ninyo, na sundin kayo, na tingalain kayo, at dakilain kayo—ito ay lihis. Kapag ang mapagmataas na disposisyon ng isang indibidwal ay hindi nalutas, at nasamahan ito ng mga lumalaking ambisyon at ninanasa, madali itong mauuwi sa kabuktutan. Kaya, iyong mga taong hindi kayang tanggapin ang katotohanan at bigong magnilay sa sarili at makilala ang kanilang sarili ay nasa matinding panganib. Lagi silang nagkikimkim ng mga ambisyon, laging nagnanais maging mga dakilang tao at mga taong higit sa karaniwan—ito ay kabuktutan, ito ay sukdulang pagmamataas. Nawalan na sila ng katwiran, hindi sila normal na tao, baluktot silang tao, at sila ay mga demonyo. Dahil pinangingibabawan ng mga mapagmataas na disposisyon, mababa ang tingin nila sa ibang tao sa kanilang mga puso, itinuturing nila ang mga ito na walang halaga at ignorante. Bigo silang makita ang mga kalakasan ng iba ngunit kaya nilang palakihin nang walang hanggan ang mga pagkukulang ng iba; kinamumuhian nila ang mga ito sa kanilang mga puso, at inihahayag at minamaliit nila ang mga pagkukulang na ito sa lahat ng pagkakataon, sinasaktan at pinasasama nila ang loob ng iba, at kalaunan ay sinasanhi nila na sumunod at makinig sa kanila ang ibang tao, o na matakot at magtago mula sa kanila ang mga ito. Kapag lumilitaw o umiiral ang ganitong ugnayan sa pagitan ng mga tao, ito ba ang gusto ninyong makita? Kaya ba ninyong tanggapin ito? (Hindi.) Halimbawa, ipagpalagay na medyo mas matangkad at may hitsura ka kaysa sa iba, kaya ka hinahangaan ng ilang tao. Bilang resulta, medyo nasisiyahan ka sa sarili mo at hinahamak mo naman iyong mga mas maliit at walang hitsura. Anong uri ng disposisyon ang nahahayag dito? Ang ilang tao ay may mapanglait na tingin sa mga hindi kagandahan ang hitsura, mga mas maliit, at mas hangal at mas mahinang mag-isip, at nagsasabi pa nga sila ng mga nanunuyang salita para kutyain ang mga ito. Tama bang tratuhin nang ganito ang mga tao? Pagpapamalas ba ito ng normal na pagkatao? Tiyak na hindi. Kaya, ano ang pinakatamang paraan ng pagharap sa ganoong sitwasyon? (Ang hindi manlibak ng iba dahil sa kanilang mga pagkukulang, at ang igalang ang iba.) Isa itong prinsipyo. Mukhang may kaunti kayong pagkaunawa rito. Kaya paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao? Hindi mahalaga sa Diyos kung ano ang hitsura ng mga tao, kung sila ba ay matangkad o maliit. Sa halip, tinitingnan Niya kung mabait ba ang kanilang puso, kung mahal ba nila ang katotohanan, at kung nagmamahal at nagpapasakop ba sila sa Kanya. Ito ang pinagbabatayan ng Diyos ng Kanyang pag-uugali sa mga tao. Kung kaya rin itong gawin ng mga tao, magagawa nilang pakitunguhan ang iba nang patas, at nang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Una sa lahat, dapat nating maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at malaman kung paano pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao, kapag nagkagayon ay magkakaroon din tayo ng prinsipyo at landas sa kung paano pakikitunguhan ang mga tao. Sa pangkalahatan, may kaunting banidad ang lahat ng tao. Kapag nakatanggap sila ng ilang salita ng papuri, medyo nasisiyahan sila sa kanilang sarili, umaawit sila at naglalakad nang taas-noo. Isa itong paghahayag ng disposisyon ni Satanas. Kung hinuhusgahan at hinahamak din nila ang iba, anong uri ng disposisyon ito? Isa itong mabagsik, mapagmataas, at masamang disposisyon. Kung hindi makikilala at makikita ng mga tao ang kapangitan ng pamumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, mahirap para sa kanila na iwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito, at hindi nila maisasabuhay ang tunay na wangis ng tao.