Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 85)
May mga prinsipyo ba sa inyong pananalangin sa Diyos? Sa anong mga sitwasyon kayo nananalangin sa Diyos? Ano ang mga nilalaman ng inyong mga panalangin? Nananalangin ang karamihan ng tao kapag sila ay nagdurusa: “Diyos ko, nagdurusa ako, nagmamakaawa ako na tulungan Mo ako.” Iyan ang una nilang sinasabi. Mabuti ba na laging sabihing nagdurusa ka tuwing nananalangin ka? (Hindi.) Bakit hindi? At kung hindi nga, bakit ganyan pa rin kayo magdasal? Nagpapakita ito na hindi ninyo alam kung paano manalangin o kung ano ang dapat sabihin at hanapin ng isang tao kapag lumalapit siya sa harapan ng Diyos. Ang alam lang ninyo ay manalangin sa Diyos kapag medyo nagdurusa kayo at kapag nalulungkot kayo, at sinasabi ninyong, “Diyos ko, nagdurusa ako! Sobrang miserable ako, pakiusap, tulungan Mo ako.” Ito ang panalangin ng isang taong kasisimula pa lang manampalataya sa Diyos. Ito ang panalangin ng isang sanggol. Kung ang isang tao ay ilang taon nang nananalig sa Diyos pero ganito pa rin manalangin, ito ay isang seryosong problema. Ipinapakita nito na bata pa rin sila sa kanilang pananampalataya at hindi pa lumalago sa buhay. Ang lahat ng nananalig sa Diyos ngunit hindi alam kung paano maranasan ang Kanyang gawain ay mga taong hindi pa lumalago sa buhay at hindi pa nakakapasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Kung ang isang tao ay talagang nag-iisip, dapat niyang pag-isipan kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, pati na rin kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at kung paano maranasan at isagawa ang mga iyon. Saanman makarating ang mga salita ng Diyos, gayon din dapat ang karanasan ng isang tao; dapat niyang sundan ang mga salita ng Diyos papunta sa lugar na iyon. Kung kaya niyang isagawa at danasin ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan, makakatagpo siya ng maraming problema, at natural na hahanapin niya ang katotohanan mula sa Diyos upang malutas ang mga ito. Kung lagi siyang nananalangin sa Diyos at naghahanap ng katotohanan para malutas ang kanyang mga paghihirap nang ganito, nararanasan niya ang gawain ng Diyos. Sa patuloy na paglutas ng kanyang mga problema, ang kanyang mga paghihirap ay unti-unting mababawasan at dahan-dahan niyang mauunawaan ang katotohanan, at magkakaroon siya ng kaalaman sa gawain ng Diyos. Malalaman niya kung paano makipagtulungan sa Diyos pati na rin kung paano magpasakop sa gawain ng Diyos. Iyon ang ibig sabihin ng pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Hindi alam ng ilang taong nananalig sa Diyos kung paano maranasan ang Kanyang gawain. Lagi silang naguguluhan—binabasa nila ang mga salita ng Diyos pero hindi nila pinag-iisipan ang mga iyon; nakikinig sila sa mga sermon, pero hindi sila nakikipagbahaginan; at kapag may nangyayari sa kanila, hindi nila alam kung paano hanapin ang katotohanan, hindi rin nila alam kung paano arukin ang mga layunin ng Diyos, at hindi nila alam kung ano ang dapat nilang maging saloobin o kung paano sila dapat makipagtulungan. Hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito. Hindi sila eksperto sa mga bagay na ito at wala silang espirituwal na pang-unawa. Kahit anong problema ang dumating sa kanila, hindi sila kailanman nananalangin sa Diyos at hindi nila hinahanap ang katotohanan at sa kaibuturan ng kanilang puso ay hindi sila tunay na umaasa sa Diyos o gumagalang sa Kanya. Sinasabi lang nila, “Diyos ko, nagdurusa ako. Diyos ko, nagdurusa ako.” Paulit-ulit nilang sinasambit ang pariralang ito hanggang sa magsawa na at masuklam ang mga tao tuwing naririnig ito. Karamihan sa inyo ay ganoon manalangin, hindi ba? (Ganoon nga.) Sa mga panalangin ng mga tao, makikita kung gaano kaawa-awa ang kalagayan nila! Hinahanap mo lamang ang Diyos kapag nagdurusa ka. Kapag hindi ka nagdurusa o nahaharap sa mga suliranin, pakiramdam mo ay hindi mo kailangan ang Diyos at ayaw mo ring umasa sa Kanya. Gusto mo lang na sarili mo ang nasusunod. Hindi ba’t ito ang kalagayan mo sa ngayon? (Ito nga.) Kapag ang karamihan ng tao ay nakakaranas ng paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at sila ay pinupungusan ng mga ito, at pagkatapos ay pinagninilayan nila ang kanilang sarili at sinusubukan nilang kilalanin ang kanilang sarili, paano sila nananalangin? Pare-pareho lang ang sinasambit nila, “Diyos ko, nagdurusa ako. Diyos ko, nagdurusa ako.” Hindi ka ba nasusuklam sa mga salitang iyon? (Nasusuklam talaga.) Sa kalooban nila ay lantang-lanta na ang mga tao—kaawa-awa ang kanilang kalagayan! Tuwing nananalangin sila sa Diyos, sinasabi nila ang paulit-ulit lang na payak na parirala, nang walang kahit isang taos-pusong salita. Hindi nila hinahanap ang katotohanan at ayaw nilang malutas ang kanilang mga problema. Anong klaseng panalangin iyan? Ano ang problema kapag ang isang tao ay hindi makapagsabi ng mga taos-pusong salita sa panalangin at hindi niya alam kung ano ang kanyang mga pagkukulang? Kapag lumalapit ka sa harap ng Diyos, hindi mo ba Siya kailangan na bigyan ka ng liwanag tungkol sa anumang bagay? Hindi mo ba kailangan ng pananampalataya, o ng lakas, o ang Diyos bilang iyong masasandigan? Mas hindi mo ba kailangan na bigyan ka ng Diyos ng kaliwanagan at na gabayan ka Niya na tahakin ang iyong landas? Hindi mo ba kailangang maunawaan ang katotohanan para malutas ang mga problemang umiiral sa iyo? Hindi mo ba kailangan ang pagdidisiplina at pagkastigo ng Diyos, o ang Kanyang patnubay? Ang tanging kailangan mo lang ba sa Diyos ay ang paginhawahin Niya ang iyong pagdurusa? Hindi mo ba talaga nararamdaman sa puso mo na napakarami mong pagkukulang? Hindi maliit na problema ang hindi marunong manalangin; ipinapakita nito na hindi mo alam kung paano maranasan ang gawain ng Diyos, ipinapakita nito na hindi mo dinala sa tunay na buhay ang mga salita ng Diyos, at na bihira kang magkaroon ng anumang tunay na pakikipag-ugnayan sa Diyos sa iyong buhay. Sadyang hindi ka pa nakapagtatatag ng uri ng relasyon sa Diyos na dapat umiiral sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga tagasunod o sa pagitan ng mga nilikha at ng kanilang Lumikha. Kapag nahaharap ka sa isang problema, pinangungunahan ka ng mga pansarili mong palagay, kuru-kuro, iniisip, kaalaman, kaloob at talento, at mga tiwaling disposisyon. Wala kang kinalaman sa Diyos, kaya kapag humaharap ka sa Kanya, madalas ay wala kang masabi. Ito ang nakalulungkot na kalagayan ng mga taong nananalig sa Diyos! Lubhang kaawa-awa ang kondisyong ito! Sa kanilang espiritu, tuyot at manhid na ang mga tao. Wala silang nararamdaman pagdating sa mga espirituwal na bagay sa buhay, at wala rin silang anumang pagkaunawa sa mga ito, at kapag humaharap sila sa Diyos, wala silang masabi. Nasaan ka mang uri ng sitwasyon, anumang suliranin ang hinaharap mo, at anumang mga paghihirap ang nararanasan mo, kung wala kang masabi sa harap ng Diyos, hindi ba’t dapat pagdudahan ang pananampalataya mo sa Kanya? Hindi ba’t ito ay pagiging kaawa-awa ng tao?
Bakit kailangang manalangin ang mga tao sa Diyos? Ang pananalangin sa Diyos ang tanging daan ng tao para igalang ang Diyos at umasa sa Kanya. Kung walang pananalangin, ang mga bagay na ito ay hindi na pag-uusapan pa; ang pag-asa sa Diyos at paggalang sa Kanya ay nagagawa sa pamamagitan ng pananalangin. Makakamtan ba ng isang taong nananalig sa Diyos nang hindi nananalangin sa Kanya ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu? Makakamit ba ng taong ito ang gawain at patnubay ng Diyos? Kung hindi mo ipagkakatiwala sa Diyos ang iyong mga paghihirap at kung hindi ka mananalangin sa Kanya at hindi mo hahanapin ang katotohanan, paano Niya lulutasin ang iyong paghihirap? Paano ka Niya gagabayan na sumunod sa Kanya sa landas na hinaharap? Paano ka Niya ililigtas mula sa iyong tiwaling disposisyon? Masasabing ang pananalig sa Diyos nang hindi nananalangin ay hindi tunay na pananalig sa Kanya. Ang isang normal na relasyon sa pagitan ng tao at ng Diyos ay kailangang mabuo sa pamamagitan ng pananalangin, at kailangan itong mapanatili sa pamamagitan ng pananalangin. Ang pananalangin ang tanda ng pananalig ng tao sa Diyos; kung ang isang tao ba ay tunay na nagdarasal, ang tanging pamantayan para masubok kung ang relasyon ng taong iyon sa Diyos ay normal. Hangga’t ang isang tao ay bumibigkas ng mga taos-pusong salita kapag nananalangin, at hangga’t kaya niyang hanapin ang katotohanan kapag nananalangin, maaari niyang makamtan ang gawain ng Banal na Espiritu, at ito ay nagpapakita na normal ang kanyang relasyon sa Diyos. Kung ang isang tao ay bihirang manalangin, kung hindi siya makasambit ng mga taos-pusong salita, kung lagi siyang nag-iingat laban sa Diyos, ipinapakita nito na hindi normal ang kanyang relasyon sa Diyos. At kung ang isang tao ay talagang hindi nananalangin, ipinapakita nito na wala siyang anumang relasyon sa Diyos. Kung ang isang tao ay nananalangin nang mabuti at naaayon sa mga layunin ng Diyos, makakapagpasakop siya sa Diyos at siya ay isang taong minamahal ng Diyos; ang mga taong madalas na nagdarasal nang taos-puso ay mga taong tapat at may payak na pagmamahal sa Diyos. Kaya, ang lahat ng nananalig sa Diyos ngunit hindi nananalangin sa Kanya ay walang normal na relasyon sa Diyos. Lahat sila ay malayo sa Diyos, at sila ay mapaghimagsik at lumalaban sa Kanya. Karamihan sa mga taong hindi nananalangin sa Diyos ay hindi nagmamahal o naghahanap sa katotohanan at iyong mga hindi nagmamahal o naghahanap sa katotohanan ay hindi makakapanalangin nang taimtim. Anupaman ang mga paghihirap na dinaranas nila, hindi sila nananalangin, at kapag nananalangin naman sila, nais lamang nilang samantalahin ang Diyos upang mawala ang kanilang mga paghihirap at pagdurusa. Wala silang pakialam sa mga layunin ng Diyos, at hindi nila hinahanap sa kanilang mga paghihirap ang mga aspekto ng katotohanan na dapat nilang maunawaan at pasukin. Ang mga ganitong tao ay hindi nag-aasam sa katotohanan at wala silang tunay na pananampalataya sa Diyos—sa diwa, sila ay mga hindi mananampalataya. Bilang isang mananampalataya sa Diyos, kailangan mong manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan sa lahat ng bagay. Kahit na hindi mo maramdaman kaagad pagkatapos mong manalangin, na ang iyong puso ay mas nagliwanag na o na nagkaroon ka na ng landas ng pagsasagawa, hintayin mo ang Diyos, at habang naghihintay ka, basahin mo ang mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan. Habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos o nakikinig ka sa mga sermon at pagbabahaginan, pagtuunan mong dalhin sa iyong pagninilay-nilay at paghahanap ang iyong mga problema. Kung praktikal kang makikipagtulungan sa ganitong mga paraan, maaaring sa isang iglap ay magkaroon ka ng malalim na pagkaunawa habang nagninilay-nilay ka sa mga salita ng Diyos o nakikinig sa mga sermon at pagbabahaginan. O maaaring maharap ka sa isang isyu at makapagbigay ito ng inspirasyon sa iyo, at matagpuan mo ang kasagutan sa mismong tanong na hinahangad mong lutasin. Hindi ba’t ito ay patnubay ng Diyos at Kanyang pagsasaayos? Kaya, ang taimtim na pananalangin sa Diyos ay maaaring maging epektibo, ngunit ang epektong ito ay hindi isang bagay na maaari mong makamtan agad-agad pagkatapos mong manalangin. Nangangailangan ito ng panahon, pakikipagtulungan at pagsasagawa. Walang makapagsasabi kung kailan ka liliwanagan at bibigyan ng kasagutan ng Banal na Espiritu. Ito ang proseso ng paghahanap sa katotohanan at pag-unawa rito, at ito ang landas kung saan lumalago sa buhay ang tao. Pagkatapos manalig sa Diyos sa loob ng maraming taon, kailangan ninyo pa ring matutong muli kung paano manalangin. Hindi pa rin kayo marunong manalangin, at sa tuwing may problema kayo, sumisigaw na lang kayo ng mga kasabihan at gumagawa ng mga resolusyon o kaya ay nagrereklamo sa Diyos at nagpapahayag ng inyong mga hinaing, sinasabi ninyo kung gaano kayo nagdurusa, o kung hindi naman ay nangangatwiran kayo at binibigyang-katwiran ninyo ang inyong mga sarili. Ito ang mga bagay na nasa puso ninyo, at hindi na kataka-taka na napakabagal ninyong tumanggap sa katotohanan. Kayo ay nalilihis. Hindi ninyo alam kung paano hangarin ang katotohanan, at mahirap sabihin kung ang ganitong pananalig sa Diyos ay magiging sapat na para makamtan ninyo ang kaligtasan.