Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 83)
Para sa lahat na ngayon ay ilang taon nang nananampalataya sa Diyos, kahit na nakapaglatag na sila ng pundasyon, mayroong isang totoong problema na kinakailangang malutas. Karamihan ng mga tao ay may kaunting pagkaunawa sa lahat ng aspeto ng katotohanan, at kaya nilang sabihin at ipangaral ang mga tamang salita at doktrina, pero hindi pa nila nararanasan ang kawastuhan ng mga salitang ito sa kanilang tunay na buhay. Hindi pa nila tunay na nararanasan kung ano ang totoong kahulugan at praktikal na bahagi ng mga katotohanang nakapaloob sa mga salitang iyon. Upang makapasok sa katotohanang realidad, kailangan mo ng angkop na kapaligiran, mga tamang tao sa tabi mo, at mga angkop na tao, pangyayari, at bagay na nagbibigay-daan sa iyo na lumago sa buhay. Sa ganitong paraan, ang mga katotohanan at doktrinang ito na iyong nauunawaan ay kapwa mapapatunayan, at magbibigay sa iyo ng karanasan. Kapag ang isang buhay na binhi ay inihulog sa matabang lupa, pero kulang ito sa sinag ng araw at halumigmig ng tubig-ulan, hindi ba’t ang usbong na tumutubo mula rito ay malalanta? (Oo, malalanta ito.) Kung gayon, kapag marami ka nang narinig na sermon, katotohanan, at salita ng Diyos, at natiyak mo nang ang landas na ito ang tamang landas, at ang wastong landas sa buhay, ano ang kailangan mo sa puntong ito? Kailangan mong hilingin sa Diyos na magsaayos ng angkop na kapaligiran para sa iyo na makakapagpabuti at makakatulong sa buhay mo at makakapagpalago sa iyo sa buhay. Ang kapaligirang ito ay maaaring hindi gaanong komportable—ang laman ng isang tao ay kailangang magtiis ng hirap, at kailangan niyang talikuran at bitiwan ang maraming bagay. Ito ay isang bagay na naranasan na ninyong lahat sa ngayon. Halimbawa, sabihin natin na ikaw ay inusig at hindi makauwi, para makita o makaugnayan ang iyong mga anak o asawa, makipagkita sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, o makatanggap ng anumang balita mula sa kanila. Sa kalaliman ng gabi, mapapaisip ka tungkol sa iyong tahanan: “Kumusta na kaya ang aking ama? Matanda na siya, at wala akong paraan para magbigay-galang sa kanya. Ang aking ina ay mahina ang kalusugan, at hindi ko alam kung ano ang kalagayan niya ngayon.” Hindi ba’t lagi mong iisipin ang mga bagay na ito? Kung ang iyong puso ay palaging pinipigilan ng mga ganitong bagay, ano ang mga kahihinatnan na idudulot nito sa pagganap ng iyong tungkulin? Makakabuti sa iyong pag-unlad sa buhay kung hindi ka matutuliro o labis na mag-aalala sa mga makamundo at makalaman na bagay. Ang iyong pag-iisip at pag-aalala ay walang maidudulot na anuman, ang lahat ng bagay na ito ay nasa mga kamay ng Diyos, at hindi mo mababago ang kapalaran ng mga miyembro ng iyong pamilya. Kailangan mong maunawaan na ang iyong pangunahing prayoridad bilang isang mananampalataya ng Diyos ay ang maging mapagsaalang-alang sa Kanyang mga layunin, gawin ang iyong tungkulin, magkamit ng tunay na pananampalataya, pumasok sa realidad ng mga salita ng Diyos, lumago sa buhay, at makamit ang katotohanan. Ito ang pinakamahalaga. Sa panlabas, mukhang aktibong tinatalikuran ng mga tao ang mundo at ang kanilang mga pamilya, ngunit ano nga ba talaga ang nangyayari? (Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at namamatnugot nito.) Pinamatnugutan ito ng Diyos; Siya ang pumipigil sa iyo na makita ang iyong pamilya. Sa mas angkop na pananalita, ipinagkakait sila ng Diyos sa iyo. Hindi ba’t ito ang mga pinakapraktikal na salita? (Tama.) Palaging sinasabi ng mga tao na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos ng mga bagay-bagay, kaya paano Siya nagkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa usaping ito? Inilalabas ka Niya sa iyong tahanan, hindi hinahayaang maging isang pasanin na nagpapabigat sa iyo ang iyong pamilya. Kung gayon, saan ka Niya dinadala? Dinadala ka Niya sa isang kapaligiran kung saan walang mga kaguluhan ng laman, kung saan hindi mo makikita ang iyong mga mahal sa buhay. Kapag nag-aalala ka tungkol sa kanila, at gusto mong gumawa ng isang bagay para sa kanila, hindi mo ito magagawa, at kapag gusto mong magbigay-galang sa nakatatanda, hindi mo ito magagawa. Hindi ka na nila magugulo. Inilayo ka ng Diyos sa kanila, at tinanggalan ka ng mga kumplikasyong ito; kung hindi, magiging masunurin ka pa rin sa kanila, maglilingkod sa kanila at magpapaalipin. Ang paglalayo ba sa iyo ng Diyos sa lahat ng mga panlabas na kumplikasyong ito ay isang mabuti o masamang bagay? (Mabuti.) Ito ay isang mabuting bagay, at hindi ito kailangang pagsisihan. Bilang ito ay isang magandang bagay, anong dapat gawin ng mga tao? Dapat magpasalamat ang mga tao sa Diyos, nang nagsasabing: “Mahal na mahal ako ng Diyos!” Hindi mapagtatagumpayan ng isang tao ang gapos ng pagmamahal nang mag-isa, dahil ang puso ng mga tao ay napipigilang lahat ng pagmamahal. Gusto nilang lahat na makasama ang kanilang pamilya, na magtipon-tipon ang kanilang buong pamilya, na ang lahat ay ligtas, malusog, at masaya, at araw-araw na gumugol nang ganito, na hindi kailanman maghihiwalay. Ngunit mayroong hindi magandang bahagi rito. Ilalaan mo ang buong lakas at pagsisikap ng iyong buhay, ang iyong kabataan, ang iyong pinakadakilang mga taon, at ang lahat ng pinakamagandang bahagi ng iyong buhay sa kanila; ibibigay mo ang iyong buong buhay para sa kapakanan ng iyong laman, pamilya, mga mahal sa buhay, trabaho, katanyagan at pakinabang, at lahat ng uri ng komplikadong relasyon, at ganap mong sisirain ang iyong sarili dahil dito. Kung gayon, paano minamahal ng Diyos ang tao? Sinasabi ng Diyos: “Huwag mong sirain ang iyong sarili sa putikan. Kung parehong hindi makaalis ang iyong mga paa, hindi mo mahihila paahon ang sarili mo gaano mo man pagurin ang sarili mo. Wala kang tayog o tapang, at lalong wala kang pananampalataya. Ako mismo ang maglalabas sa iyo.” Ito ang ginagawa ng Diyos, at hindi Niya ito tinatalakay sa iyo. Bakit hindi hinihingi ng Diyos ang mga opinyon ng mga tao? Sinasabi ng ilan: “Ang Diyos ang Lumikha, ginagawa Niya ang anumang gusto Niya. Ang mga tao ay tulad ng mga langgam at kulisap, wala silang halaga sa mata ng Diyos.” Ganito talaga ang sitwasyon, ngunit ganoon nga ba pinakikitunguhan ng Diyos ang mga tao? Hindi, hindi ganito. Ang Diyos ay nagpapahayag ng napakaraming katotohanan at inihahandog ang mga ito sa tao, na nagbibigay-daan na malinis ang mga tao sa kanilang katiwalian, at magkamit ng bagong buhay mula sa Kanya. Napakadakila ng pagmamahal ng Diyos sa tao. Ito ay mga bagay na nakikitang lahat ng mga tao. May mga layunin para sa iyo ang Diyos, ang hangarin Niya sa pagdala sa iyo rito ay upang matahak mo ang tamang landas sa buhay, upang isabuhay ang isang buhay na makahulugan, isang landas na hindi mo mapipili nang mag-isa. Ang pansariling kagustuhan ng mga tao ay ang gugulin ang kanilang buong buhay nang ligtas at maayos, at kahit na hindi sila yumaman, gusto naman nilang makasama ang kanilang pamilya habang-buhay, at tamasahin ang ganitong uri ng kaligayahang pampamilya. Hindi nila nauunawaan kung paano maging mapagsaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, ni hindi nila nauunawaan kung paano pag-iisipan ang kanilang mga destinasyon sa hinaharap o ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Ngunit hindi lubos na pinapansin ng Diyos ang kawalan nila ng pag-unawa, at hindi Niya kailangang masyadong magsalita sa kanila, dahil hindi nila nauunawaan, masyadong mababa ang kanilang tayog, at ang anumang talakayan ay hahantong lamang sa isang hindi pagkakasundo. Bakit ito aabot sa isang hindi pagkakasundo? Dahil ang dakilang bagay ng plano ng pamamahala ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay hindi isang bagay na mauunawaan ng mga tao sa pamamagitan lamang ng isa o dalawang pangungusap na paliwanag. Bilang iyon ang sitwasyon, ang Diyos ay gumagawa ng mga desisyon at kumikilos nang direkta, hanggang sa dumating ang araw na makaunawa na ang mga tao kalaunan.
Noong kinuha ng Diyos ang ilan sa Kanyang mga hinirang na tao mula sa masamang kapaligiran ng kalupaan ng Tsina, ang Kanyang mabuting kalooban ay narito, na nakikita na ng lahat ngayon. Tungkol sa bagay na ito, dapat madalas na magpakita ng pasasalamat ang mga tao at magpasalamat sa Diyos sa pagpapakita sa kanila ng awa. Ikaw ay lumabas na sa pamilyang kapaligiran na iyon, humiwalay sa lahat ng komplikadong pakikipag-ugnayan ng laman, at pinakawalan ang iyong sarili mula sa lahat ng mga makamundo at makalaman na kaguluhan. Inalis ka ng Diyos mula sa isang komplikadong patibong at dinala sa Kanyang harapan at sa Kanyang sambahayan. Sinasabi ng Diyos: “Mapayapa rito, napakaganda ng lugar na ito, at angkop na angkop ito para sa iyong paglago. Dito makikita ang mga salita at patnubay ng Diyos, at kung saan naghahari ang katotohanan. Ang layunin ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan ay naririto, at ang gawain ng kaligtasan ay nakasentro rito. Kaya, lumago ka rito hanggang masiyahan ang iyong puso.” Dinadala ka ng Diyos sa ganitong uri ng kapaligiran, isang kapaligiran na maaaring hindi naglalaman ng ginhawa ng iyong mga mahal sa buhay, kung saan wala ang iyong mga anak upang alagaan ka kapag ikaw ay nagkasakit, at kung saan walang sinuman na puwede mong pagkatiwalaan. Kapag ikaw ay nag-iisa, at naiisip mo ang pagdurusa at mga paghihirap ng iyong laman at ang lahat ng iyong haharapin sa hinaharap, sa mga oras na iyon, mararamdaman mo na ikaw ay nag-iisa. Bakit mo mararamdaman na ikaw ay nag-iisa? Ang isang obhetibong dahilan ay na masyadong mababa ang tayog ng tao. Ano ang pansariling dahilan? (Hindi lubusang binibitiwan ng mga tao ang kanilang mga makalaman na mahal sa buhay.) Tama iyan, hindi kayang bitiwan ng mga tao ang mga ito. Itinuturing ng mga taong nabubuhay sa laman na kasiyahan ang iba’t ibang relasyon at pagbubuklod ng mga pamilya sa laman. Naniniwala sila na hindi mabubuhay ang mga tao nang wala ang kanilang mga mahal sa buhay. Bakit hindi mo iniisip kung paano ka dumating sa mundo ng tao? Dumating ka nang mag-isa, nang orihinal na walang relasyon sa iba. Dinadala rito ng Diyos ang mga tao nang paisa-isa; nang dumating ka, ang katunayan ay mag-isa ka. Hindi mo naramdaman na nag-iisa ka noong panahong iyon, kaya bakit ngayong dinala ka ng Diyos dito pakiramdam mo nag-iisa ka? Iniisip mong wala kang kapareha na mapapagkatiwalaan mo, mga anak mo man ito, mga magulang mo, o kabiyak mo—ang iyong mister o misis—kaya naman pakiramdam mo nag-iisa ka. Kung gayon, kapag nararamdaman mong nag-iisa ka, bakit hindi mo iniisip ang Diyos? Hindi ba isang katuwang ang Diyos sa tao? (Oo, katuwang Siya.) Kapag nakakaramdam ka ng labis na pagdurusa at kalungkutan, sino ang tunay na dumadamay sa iyo? Sino ang tunay na makakalutas ng iyong mga paghihirap? (Ang Diyos.) Ang Diyos lamang ang tunay na makakalutas ng mga paghihirap ng mga tao. Kung ikaw ay may sakit, at ang iyong mga anak ay nasa iyong tabi, binibigyan ka ng inumin, at nagbabantay sa iyo, lubos kang masisiyahan, ngunit pagdating ng panahon, magsasawa ang iyong mga anak at wala nang sinuman ang magnanais na magbantay sa iyo. Sa mga ganoong pagkakataon mo mararamdamang tunay kang nag-iisa! Kaya ngayon, kapag naiisip mo na wala kang kapareha, totoo ba talaga iyon? Hindi naman, dahil palagi kang sinasamahan ng Diyos! Hindi iniiwan ng Diyos ang tao; Siya iyong tipo na puwede nilang asahan at silungan sa lahat ng oras, at ang kanilang tanging mapagkakatiwalaan. Kaya, anuman ang mga paghihirap at pagdurusang dumarating sa iyo, anuman ang mga daing, o mga negatibong bagay ang kinahaharap mo, kung ikaw ay agad na lalapit sa Diyos at mananalangin, ang Kanyang mga salita ay magbibigay sa iyo ng ginhawa, at lulutasin ang iyong mga paghihirap at ang lahat ng iyong iba’t ibang problema. Sa kapaligirang tulad nito, ang iyong kalungkutan ang magiging pangunahing kondisyon upang maranasan ang mga salita ng Diyos at makamit ang katotohanan. Habang nararanasan mo ito, unti-unti mong maiisip: “Maganda pa rin ang buhay ko pagkatapos kong iwan ang aking mga magulang, may kasiya-siyang buhay pagkatapos iwan ang aking asawa, at isang mapayapa at masayang buhay pagkatapos iwan ang aking mga anak. Hindi na ako hungkag. Hindi na ako muling aasa sa mga tao, sa halip ay aasa ako sa Diyos. Pagkakalooban Niya ako at tutulungan sa lahat ng pagkakataon. Bagama’t hindi ko Siya mahawakan o makita, alam kong nasa tabi ko Siya sa lahat ng oras, at sa lahat ng lugar. Hangga’t nananalangin ako sa Kanya, hangga’t tumatawag ako sa Kanya, aantigin Niya ako, at ipapaunawa sa akin ang Kanyang mga layunin at ipapakita ang tamang landas.” Sa sandaling iyon, talagang magiging Diyos mo Siya, at ang lahat ng problema mo ay malulutas.