Mga Salita sa Iba Pang Paksa (Sipi 82)
(Pagsagot sa mga tanong mula sa mga kapatid)
(Napipigilan pa rin ako ng aking pagmamahal para sa aking pamilya habang ginagampanan ang aking tungkulin. Madalas akong nangungulila sa kanila, at nakakaapekto ito sa pagganap ko sa aking tungkulin. Bahagyang bumuti ang aking kalagayan nitong huli, ngunit minsan ay nag-aalala pa rin ako na aarestuhin ng malaking pulang dragon ang aking pamilya upang pagbantaan ako, at natatakot ako na hindi ako makakapanindigan kung magkagayon.) Ang mga takot na ito ay walang basehan. Kapag iniisip mo ang mga bagay na ito, kailangan mong hanapin ang katotohanan para sa isang resolusyon. Kailangan mong maunawaan na anumang pangyayari ang hinaharap mo, pinangasiwaan at isinaayos ito ng Diyos. Dapat mong matutunang magpasakop sa Diyos at magawang hanapin ang katotohanan at manindigan kapag nahaharap sa mga sitwasyon. Ito ay isang aral na dapat matutunan ng mga tao. Dapat kang madalas na magbulay-bulay: Paano mo dinaranas ang pagdidilig at pagpapastol ng Diyos sa panahong ito? Ano ang aktuwal mong tayog? Paano mo dapat tuparin ang tungkulin ng isang nilikha? Dapat mong malaman ang mga bagay na ito! Kung naiisip mo ang tungkol sa pagbabanta sa iyo ng malaking pulang dragon, bakit hindi mo isipin kung paano pumasok sa katotohanan? Bakit hindi mo pagbulay-bulayan ang katotohanan? (Kapag naiisip ko nga ang mga ito, ako ay nananalangin sa Diyos at nangangako na kung isang araw ay maharap talaga ako sa mga pangyayaring ito, mananatili akong tapat sa Diyos hanggang kamatayan. Ngunit natatakot talaga ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog.) Pagkatapos ay mananalangin ka, “Diyos ko, nangangamba ako na hindi ko magagawa ito dahil sa maliit kong tayog. Sobra akong natatakot. Pakiusap, huwag Mo pong gawin iyon. Maaari Mo itong gawin kapag mayroon na akong tayog.” Ito ba ay isang mabuting paraan ng pananalangin? (Hindi.) Ganito ka dapat na manalangin: “Diyos ko, maliit ang tayog at pananampalataya ko ngayon, natatakot akong kailangan kong harapin ang isang bagay; ang totoo, hindi talaga ako naniniwala na ang lahat ng usapin at ang lahat ng bagay ay nasa Iyong mga kamay. Hindi ko pa ipinagkatiwala ang sarili ko sa Iyong mga kamay; labis akong mapaghimagsik! Nakahanda akong magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos at pangangasiwa. Anuman ang gawin Mo, nakahanda ang puso ko na magpatotoo para sa Iyo. Nakahanda akong manindigan sa aking patotoo nang hindi Ka ipinapahiya. Pakiusap, gawin Mo ang ayon sa kalooban Mo.” Kailangan mong ipagkatiwala ang iyong mga pangarap at ang gusto mong sabihin sa harap ng Diyos—ganito ka magkakaroon ng tunay na pananampalataya. Kung atubili kang manalangin maging sa ganitong paraan, tiyak na napakaliit ng pananampalataya mo! Kailangan mong madalas na manalangin nang ganito. Kahit na nananalangin ka nang ganito, hindi tiyak na tutugon ang Diyos. Hindi pinagpapasan ng Diyos ang mga tao ng higit pa sa makakaya nila, ngunit kung lilinawin mo ang iyong saloobin at paninindigan, malulugod ang Diyos. Kapag nalulugod ang Diyos, ang puso mo ay hindi na magugulo at mapipigilan ng usaping ito. “Ang mga bagay na gaya ng asawa, mga anak, pamilya, ari-arian—ang lahat ng ito ay nasa mga kamay ng Diyos. Walang kabuluhan ang mga ito. Ang buong sanlibutan ay nasa mga kamay ng Diyos; hindi ba’t ang pamilya ko ay nasa mga kamay Niya rin? Anong silbi ng pag-aalala ko sa kanila? Wala akong kontrol dito, wala akong kakayahan, at hindi ko sila mapoprotektahan. Ang kanilang tadhana at ang lahat ng tungkol sa kanila ay nasa mga kamay ng Diyos!” Kailangang may pananampalataya ka upang lumapit sa harap ng Diyos at manalangin, matatag na naninindigan at nagpapasya na magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Pagkatapos ay magbabago ang kalagayang nasa kalooban mo. Hindi ka na magkakaroon ng anumang alalahanin, at hindi ka na mag-aalala pa. Hindi ka magiging labis na maingat at punong-puno ng pagkabahala sa lahat ng ginagawa mo. Habang ang lahat ay mabilis na sumusulong, ikaw ay nagpapaiwan, palaging nagnanais na lumayo—hindi ba’t ito ang ginagawa ng isang duwag? Kapag ginagampanan ng mga hinirang ng Diyos ang kanilang tungkulin sa kaharian at ginagampanan ng mga nilikha ang kanilang tungkulin sa harap ng Lumikha, dapat mahinahon silang sumulong nang may takot sa Diyos na puso. Hindi sila dapat na nangangapa, umuurong, o nagiging sobrang maingat. Kung alam mo na ang kalagayang ito ay mali at palagi kang nag-aalala tungkol dito sa halip na hinahanap ang katotohanan upang lutasin ito, kung gayon ikaw ay pinipigilan at iginagapos nito, at hindi mo matutupad ang tungkulin mo. Nais mong gawin ang tungkulin mo bilang isang nilikha nang buong puso mo, nang buong pag-iisip mo, at nang buong lakas mo, ngunit kaya mo ba itong gawin? Hindi mo mararating ang punto ng pagbibigay nang buong puso mo dahil ang puso mo ay wala sa tungkulin mo—sa pinakamainam ay inilaan mo lamang ang 1/10 na bahagi ng puso mo. Paano mo maibibigay ang buong isip at lakas mo kung hindi mo maibibigay ang buong puso mo? Ang puso mo ay wala sa tungkulin mo, at ang mayroon ka lamang ay kaunting kahandaan upang gampanan ito. Matutupad mo ba talaga ang tungkulin mo nang may buong puso at isip mo? Wala kang kapasyahan na isagawa ang katotohanan, kaya ikaw ay tiyak na mapipigilan ng pamilya at ng pagmamahal mo para sa kanila. Ganap kang igagapos ng mga ito; kokontrolin ng mga ito ang pag-iisip mo at ang puso mo, at hindi mo maaabot ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos—ikaw ay magiging handa, ngunit wala kang lakas. Kaya, dapat kang manalangin sa harap ng Diyos, inuunawa ang mga layunin ng Diyos sa isang banda habang inaalam din kung saan ka dapat lumugar bilang isang nilikha; dapat mong taglayin ang paninindigan at ang saloobin na dapat mayroon ka at ilatag ang mga ito sa harap ng Diyos. Ito ang saloobing dapat mayroon ka. Bakit ang ibang tao ay walang mga ganitong alalahanin? Sa palagay mo ba ay walang pamilya o mga paghihirap na ganito ang ibang tao? Sa katunayan, ang lahat ay mayroong partikular na mga makalaman at pampamilyang gusot, ngunit nalulutas ng ibang tao ang mga ito sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at paghahanap sa katotohanan. Pagkaraan ng ilang panahon ng paghahanap, malinaw nilang nauunawaan ang mga pagmamahal na ito ng laman at binibitiwan ang mga ito mula sa kanilang puso; pagkatapos, ang mga bagay na ito ay hindi na paghihirap para sa kanila, at hindi na sila makokontrol o mapipigilan ng mga ito. Hindi nakakaapekto ang mga ito sa pagganap ng kanilang mga tungkulin, at kaya sila ay nagiging malaya. Mayroong linya ng mga salita ng Diyos sa Bibliya na nagsasabi, “Sinuman sa inyo na hindi tumanggi sa lahat niyang tinatangkilik, ay di maaaring maging alagad Ko” (Lucas 14:33). Ano itong pagtanggi sa lahat ng tinatangkilik ng isang tao? Ano ang ibig sabihin ng “lahat”? Mga bagay na gaya ng katayuan, katanyagan at pakinabang, pamilya, mga kaibigan, at ari-arian—ang lahat ng ito ay kasama sa salitang “lahat.” Kaya anong mga bagay ang mayroong importanteng puwang sa puso mo? Para sa iba ito ay ang mga anak, para sa iba ito ay ang mga magulang, para sa iba ito ay ang kayamanan, at para sa iba ito ay ang katayuan, katanyagan at pakinabang. Kung pinahahalagahan mo ang mga bagay na ito, kokontrolin ka ng mga ito. Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga ito at lubos mong binibitiwan ang mga ito, hindi ka makokontrol ng mga ito. Ito ay nakadepende lang sa kung ano ang saloobin mo ukol sa mga ito at sa kung paano mo pinangangasiwaan ang mga bagay na ito.
Dapat ninyong maunawaan na anumang oras o saanmang yugto ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, palagi Niyang kailangan ng ilang tao upang makatuwang Niya. Na ang mga taong ito ay nakikipagtulungan sa gawain ng Diyos o nakikipagtulungan sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ay pauna na Niyang itinakda. Kaya ang Diyos ba ay mayroong iniatas sa bawat tao na Kanyang pauna nang itinalaga? Ang bawat isa ay mayroong misyon at responsabilidad; ang bawat isa ay mayroong atas. Kapag binigyan ka ng Diyos ng isang atas, ito ay nagiging responsabilidad mo. Kailangan mong akuin ang responsabilidad na ito; ito ay tungkulin mo. Ano ang tungkulin? Ito ay ang misyon na ibinigay ng Diyos sa iyo. Ano ang isang misyon? (Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao. Ang buhay ng isang tao ay dapat na gugulin para sa atas ng Diyos. Ang atas na ito ay ang tanging bagay sa puso niya, at hindi siya dapat mamuhay para sa iba pa.) Ang atas ng Diyos ay ang misyon ng tao; ito ang tamang pagkaunawa. Ang mga taong nananalig sa Diyos ay inilagay sa lupa upang kumpletuhin ang atas ng Diyos. Kung ang tanging hinahangad mo sa buhay na ito ay ang umangat sa lipunan, magkamal ng kayamanan, mamuhay nang matiwasay, matamasa ang pagiging malapit sa pamilya, at magpakasaya sa katanyagan, pakinabang, at katayuan—kung magkakamit ka ng katayuan sa lipunan, magiging tanyag ang iyong pamilya, at lahat sa iyong pamilya ay ligtas at maayos—ngunit binabalewala mo ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mayroon bang anumang halaga sa buhay na ito na ipinamumuhay mo? Paano ka sasagot sa Diyos pagkatapos mong mamatay? Hindi ka makakasagot, at ito ang pinakamalaking paghihimagsik; ito ang pinakamalaking kasalanan! Sino sa inyo ang gumagampan sa inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon nang aksidente lamang? Anuman ang pinagmulan mo upang gampanan ang tungkulin mo, wala sa mga ito ang nagkataon lang. Hindi magagampanan ang tungkuling ito sa pamamagitan lang ng basta-bastang pagpili ng ilang mananampalataya; ito ay isang bagay na pauna nang itinalaga ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan. Ano ang ibig sabihin kapag ang isang bagay ay nauna nang itinalaga? Ano sa partikular? Ang ibig sabihin nito ay sa Kanyang kabuuang plano ng pamamahala, matagal nang naiplano ng Diyos kung ilang ulit kang darating sa mundo, sa aling lipi at sa aling pamilya ka isisilang sa panahon ng mga huling araw, ano ang mga magiging kalagayan ng pamilyang ito, ikaw ba ay magiging lalaki o babae, ano ang iyong magiging mga kalakasan, anong antas ng edukasyon ang maaabot mo, gaano ka magiging mahusay magsalita, ano ang iyong magiging kakayahan at ano ang magiging itsura mo. Pinlano Niya ang edad na darating ka sa sambahayan ng Diyos at magsisimulang gumanap ng iyong tungkulin, at anong tungkulin ang iyong gagampanan at anong oras. Matagal nang paunang itinalaga ng Diyos ang bawat hakbang para sa iyo. Bago ka pa isinilang, at nang namuhay ka sa lupa sa iyong nakaraang ilang buhay, naisaayos na ng Diyos para sa iyo ang tungkuling iyong gagampanan sa panahong ito ng huling yugto ng gawain. Tiyak na hindi ito biro! Na nagagawa mong makinig ng sermon dito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Hindi ito dapat na balewalain! Dagdag pa, ang taas, hitsura, mata, pangangatawan, kalagayan ng kalusugan, at mga karanasan sa buhay mo at kung aling mga tungkulin ang kaya mong gampanan sa partikular na edad, at kung anong uri ng kakayahan at abilidad ang taglay mo—ang mga ito ay itinakda ng Diyos para sa iyo, at tiyak na hindi kasalukuyang isinasaayos ang mga ito. Matagal nang itinakda ng Diyos ang mga ito para sa iyo, ibig sabihin, kung layon Niyang gamitin ka, inihanda Ka na Niya bago ibinigay sa iyo ang atas na ito at ang misyong ito. Kaya katanggap-tanggap ba na takasan mo ito? Katanggap-tanggap ba na hindi maging buo ang puso mo tungkol dito? Parehong hindi katanggap-tanggap ang mga iyon; binibigo mo ang Diyos kung magkagayon! Pinakamasamang uri ng paghihimagsik ang talikuran ng mga tao ang kanilang tungkulin. Ito ay isang kasuklam-suklam na gawa. Nagsikap ang Diyos nang buong ingat at taimtim, pauna na Siyang nagtatakda simula pa noong unang panahon upang makarating ka sa araw na ito at mapagkalooban ng misyong ito. Kung gayon, hindi ba’t ang misyong ito ang responsabilidad mo? Hindi ba’t ito ang nagbibigay ng halaga sa pamumuhay ng buhay mong ito? Kung hindi mo kukumpletuhin ang misyong ibinigay ng Diyos sa iyo, mawawala sa iyo ang halaga at kabuluhan ng pamumuhay; ito ay para kang nabuhay nang walang saysay. Isinaayos ng Diyos ang mga tamang kondisyon, kapaligiran, at karanasan para sa iyo. Ipinagkaloob Niya sa iyo ang kakayahan at abilidad na ito, inihanda ka upang mabuhay hanggang sa kapanahunang ito, at inihanda ka upang magkaroon ng lahat ng kuwalipikasyon na kakailanganin mo upang magampanan ang tungkulin mong ito, isinaayos Niya ang lahat ng ito para sa iyo, subalit hindi mo pa rin masigasig na isinasakatuparan ang tungkuling ito. Hindi mo makayanan ang tukso at pinipili mong tumakas, palaging inaasam na mamuhay nang matiwasay at maghangad ng mga makamundong bagay. Kinukuha mo ang kaloob at abilidad na ibinigay ng Diyos sa iyo at pinaglilingkuran si Satanas gamit ito, namumuhay ka para kay Satanas. Ano ang nararamdaman ng Diyos dahil dito? Yamang ganitong bigo Siya sa mga inaasahan Niya sa iyo, hindi ba’t kasusuklaman ka Niya? Hindi ba’t kapopootan ka Niya? Ibubuhos Niya ang matinding pagkamuhi sa iyo. At maituturing bang naayos na ang usaping ito kung magkagayon? Maaari kayang ito ay kasing simple lang ng iniisip mo? Iniisip mo ba na kung hindi mo makukumpleto ang misyon mo sa buhay na ito, ang lahat ng ito ay mauuwi sa iyong kamatayan? Hindi ito natatapos doon; ang kaluluwa mo ay malalagay sa panganib kung magkagayon. Hindi mo ginampanan ang tungkulin mo, hindi mo tinanggap ang atas ng Diyos sa iyo, at tumakas ka mula sa presensiya ng Diyos. Naging kalunos-lunos na ang mga bagay-bagay. Saan ka maaaring tumakbo? Makakatakas ka ba sa mga kamay ng Diyos? Paano inuuri ng Diyos ang ganitong tao? (Ang mga ito ang mga taong nagkanulo sa Kanya.) Paano inilalarawan ng Diyos ang mga taong nagkanulo sa Kanya? Paano inuuri ng Diyos ang mga taong tumakas mula sa Kanyang hukumang-luklukan? Ang mga ito ang mga taong mapapahamak at malilipol. Wala nang anumang panibagong buhay o muling kapanganakan para sa iyo, at imposibleng pagkalooban ka ng Diyos ng iba pang atas. Wala nang anumang misyon para sa iyo, at wala ka nang pagkakataong tumanggap ng kaligtasan. Ito ay seryosong panganib! Sasabihin ng Diyos: “Ang taong ito ay minsan nang tumakas mula sa Aking paningin, tumakas mula sa Aking hukumang-luklukan at sa Aking presensiya. Hindi niya ginawa ang kanyang misyon o kinumpleto ang kanyang atas. Ang buhay niya ay nagwawakas dito. Tapos na ito; nagwakas na ito.” Ang laking trahedya nito! Upang magampanan ninyo ang inyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos ngayon, malaki man ito o maliit, pisikal man ito o mental, at ito man ay ang pangangasiwa sa mga panlabas na isyu o panloob na gawain, walang sinuman ang aksidenteng gumaganap ng tungkulin niya. Paano mangyayaring ito ay desisyon mo? Ang lahat ng ito ay pinangunahan ng Diyos. Dahil lamang sa pag-aatas ng Diyos sa iyo kaya ka kumikilos nang ganito, na mayroon kang pagpapahalaga sa misyon at responsabilidad, at na nagagampanan mo ang tungkulin mo. Napakarami sa mga walang pananampalataya ang may magagandang hitsura, kaalaman, o talento, ngunit pinapaboran ba sila ng Diyos? Hindi, hindi Niya sila pinapaboran. Hindi sila pinili ng Diyos, at kayo lang ang pinapaboran Niya. Lahat kayo ay binibigyan Niya ng lahat ng uri ng papel, pinagagampan ng lahat ng uri ng tungkulin, at pinaaako ng iba’t ibang responsabilidad sa Kanyang gawain ng pamamahala. Kapag sa wakas ay natapos na at natupad ang gawain ng pamamahala ng Diyos, napakalaking kaluwalhatian at pribilehiyo nito! Kaya, kapag nakararanas ng kaunting hirap ang mga tao habang ginagampanan nila ang tungkulin nila ngayon; kapag kailangan nilang isuko ang ilang bagay, gugulin nang bahagya ang kanilang sarili, at magbayad ng partikular na halaga; kapag nawala ang katayuan nila at ang katanyagan at pakinabang nila sa mundo; at kapag ang mga bagay na ito ay nawalang lahat, tila ang Diyos ang kumuha ng lahat ng ito sa kanila, ngunit may nakamit silang isang bagay na mas katangi-tangi at mas mahalaga. Ano ang nakamit ng mga tao mula sa Diyos? Nakamit nila ang katotohanan at buhay sa pamamagitan ng paggampan sa tungkulin nila. Kapag natupad mo ang tungkulin mo, nakumpleto ang atas ng Diyos, ginugol ang buong buhay mo para sa misyon mo at sa iniatas ng Diyos sa iyo, mayroon kang magandang patotoo, at namumuhay ka nang may halaga—saka pa lamang masasabi na ikaw ay isang totoong tao! At bakit sinasabi Kong ikaw ay isang totoong tao? Dahil pinili ka ng Diyos at pinagampan Niya sa iyo ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang pamamahala. Ito ang pinakamahalaga at ang pinakadakilang kahulugan sa buhay mo.
Hindi humihingi ng labis-labis ang Diyos sa mga tao. Kapag binibigyan ka ng Diyos ng isang atas at ng isang responsabilidad, kung sasabihin mong mayroon kang maliit na pananampalataya at na hanggang dito na lang ang pagsusumikap na kakayanin mo, na ito na ang pinakamalaking maibibigay mo, at na ang mga ito ang mga bagay na kaya mong akuin, kung gayon ay hindi ka pipilitin ng Diyos. Hindi ito gaya ng kung humihingi Siya sa iyo ng isandaang porsiyento at siyamnapu’t limang porsiyento lang ang ibinigay mo ay hindi Siya masisiyahan, hindi Ka niya palalagpasin, at tuloy-tuloy Siyang kikilos at mang-uudyok sa Iyo upang maabot mo ang isandaang porsiyento na hinihingi Niya. Hindi iyan gagawin ng Diyos. Sa halip, unti-unti ka Niyang pasusulungin alinsunod sa iyong tayog, sa iyong lakas, at sa kung ano ang makakaya mo. Patas ang Diyos at makatwiran sa Kanyang gawain. Hindi Niya pinipilit ang mga tao; hinahayaan Niyang maging komportable at panatag ka, hinahayaan Niyang maramdaman mong sa lahat ng bagay na ginagawa Niya para sa iyo kaya ka Niyang maunawaan at magkaroon ng konsiderasyon sa iyo. Dapat malaman ng mga tao ang maingat na pagsisikap ng Diyos gayundin ang Kanyang awa, mapagmahal na kabaitan, at pagpaparaya sa mga tao. Ano ang dapat na gawin ng mga tao kung gayon, at paano sila dapat na makipagtulungan? Ganito sila dapat makipagtulungan: “Dapat akong magsumikap tungo sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos. Nais ng Diyos ang isandaang porsiyento ko; hindi lamang ako magbibigay ng tatlumpung porsiyento kung kaya ko namang magbigay ng animnapung porsiyento. Ibibigay ko ang buong lakas ko. Hindi ako magiging di-mapagkakatiwalaan, hindi ako mandaraya, at hindi ako magkakaroon ng mentalidad na umaasa sa suwerte.” Sapat na iyan. Tumitingin ang Diyos sa puso ng isang tao. Hindi magkakapareho ang mga hinihingi Niya sa lahat ng tao; hindi sa dapat mong pabayaan ang iyong mga anak at pamilya o isuko ang trabaho mo dahil ito ang ginawa ng iba. Hindi iisa ang pamamaraan ng Diyos sa bawat tao, hinihingi Niya sa iyo ang ayon sa iyong tayog at kung ano ang kaya mong makamit. Kaya, kung gayon, hindi mo kailangang makaramdam ng anumang pagkabahala o anumang panggigipit. Basta’t manalangin ka sa harap ng Diyos batay sa kung ano ang kaya mong maisakatuparan. Anuman ang mga paghihirap o mga hadlang na pumipigil sa iyo, huwag mong urungan ang mga ito. Huwag mong hayaang makaapekto sa iyo ang mga ito. Iyon ang tamang paraan. Sa oras na naapektuhan ka ng mga ito, palagi mong iisipin, “Hindi maayos ang naging paggawa ko. Hindi nasisiyahan ang Diyos sa akin, hindi ba? Dapat akong mag-ingat nang husto. Hindi ako maaaring magpakapagod nang husto; kailangan kong maglaan ng panahon upang makapagpahinga.” Ito ay mali; ito ay maling pagkaunawa sa Diyos. Ang bawat paisa-isang hakbang ng ganitong uri ng karanasan ay mas lalong ipinadadama sa mga tao na ang kanilang pananampalataya ay napakaliit na nagagawa pa nga nilang pagdudahan ang Diyos batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon, gaya ng kasabihang, “tinitimbang ang marangal batay sa mga pamantayan ng hindi marangal.” Nananalig sila sa Diyos ngunit takot silang sumandig sa Kanya; nananampalataya sila sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos ngunit takot silang ipagkatiwala ang lahat sa Kanya. Madalas na sinasabi ng mga tao, “May kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay,” at “ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos,” ngunit kapag may nakaharap silang ilang sitwasyon, iniisip nila, “May kataas-taasang kapangyarihan ba talaga ang Diyos dito? Masasandigan ba talaga ang Diyos? Mas makabubuting sumandig ako sa ibang tao, at kung hindi iyon uubra ay mag-iisip ako ng sarili ko.” Pagkatapos ay mapagtatanto nila kung gaano sila ka-immature, katawa-tawa, at kaliit sa tayog. Babalik sila sa dati, nagnanais na sumandig sa Diyos, ngunit makikita nilang wala pa ring landas. Gayunman, sa kaibuturan ay alam nila na ang Diyos ay tapat at Siya ay masasandigan; kaya lang ay napakaliit ng kanilang pananampalataya at sila ay palaging labis na nag-aalinlangan. Paano mo lulutasin ang problemang ito? Dapat kang sumandig sa iyong karanasan at sa paghahangad at pagkaunawa sa katotohanan—saka ka lamang magkakaroon ng tunay na pananampalataya. Habang lalo kang dumaranas at lalo kang sumasandig sa Diyos, mas lalo mong mararamdaman na Siya ay maaasahan. Habang dinaranas mo ang mas maraming usapin, nakikita kung paano ka iniingatan ng Diyos sa lahat ng oras, tinutulungan kang mapagtagumpayan ang mga paghihirap at maiwasan ang panganib, magkakaroon ka ng tunay na pananampalataya at pagsandig sa Diyos nang hindi mo namamalayan. Mararamdaman mong ang Diyos ay mapagkakatiwalaan at maaasahan. Kailangan mo munang magkaroon ng ganitong pananampalataya sa puso mo.
Ang bawat tao ay may kanya-kanyang tadhana, at ang lahat ng ito ay pauna nang itinakda ng Diyos; walang sinumang makakakontrol sa tadhana ng ibang tao. Kailangan mo nang itigil ang pamomroblema sa iyong pamilya at matutunang bitiwan at talikuran ang lahat ng bagay. Paano mo ito gagawin? Ang isang paraan ay manalangin sa Diyos. Dapat ka ring magbulay-bulay kung paanong ang mga kamag-anak mo na hindi nananalig sa Diyos ay naghahangad ng mga makamundong bagay, kayamanan, at mga materyal na kaginhawahan. Nabibilang sila kay Satanas, at sila ay ibang uri ng tao sa iyo. Mamumuhay ka sa pagdurusa kung hindi mo gagampanan ang tungkulin mo at mamumuhay kang gaya nila. Yamang ang pagtingin mo sa mga bagay ay iba kaysa sa kanila, hindi mo sila makakasundo at sa halip ikaw ay mahihirapan. Magkakaroon lamang ng pasakit at walang kasiyahan. Ang pagmamahal ba ay magdadala sa iyo ng kapayapaan at kagalakan? Ang pagsisilbi sa laman ay walang idudulot sa iyo kundi pagdurusa, kawalan ng kabuluhan, at habambuhay na pagsisisi. Ito ay isang bagay na dapat mong lubos na maunawaan. Kaya, ang pangungulila mo sa iyong pamilya ay walang batayan; ito ay pagiging sentimental nang hindi naman kinakailangan! Iba ang nilalakaran mong landas kumpara sa kanila. Ang pananaw mo sa buhay, pananaw sa mundo, landas sa buhay, at mga mithiin sa paghahangad ay pawang iba. Hindi mo kasama ang pamilya mo ngayon, ngunit dahil kayo ay magkadugo, palagi mong nararamdaman na ikaw ay malapit sa kanila at na kayo ay iisang pamilya. Gayunman, kapag ikaw ay aktuwal na namumuhay kasama nila, ilang araw mo pa lang silang pinakikitunguhan ay tutol ka na nang husto. Punong-puno sila ng kasinungalingan; ang sinasabi nila ay pawang kabulaanan, matamis na pananalita, at panlilinlang. Ang paraan ng kanilang pagkilos at pakikitungo sa mundo ay nakabatay lahat sa satanikong pilosopiya at mga kasabihan sa buhay. Ang kanilang mga kaisipan at pananaw ay pawang mali at kakatwa, at ang mga ito ay sadyang mahirap na pakinggan. Pagkatapos ay iisipin mo, “Dati ay nasa isip ko sila parati, at palagi akong natatakot na baka hindi sila nabubuhay nang maayos. Ngunit ang pamumuhay kasama ng mga taong ito ngayon ay tunay na napakahirap!” Ikaw ay masusuklam sa kanila. Hindi mo pa natutuklasan kung anong uri sila ng mga tao, kaya iniisip mo pa rin na ang mga ugnayan ng magkakapamilya ay higit na mahalaga at higit na totoo kaysa anuman. Pinipigilan ka pa rin ng pagmamahal. Subukan mong bitiwan ang mga bagay na iyon na ukol sa pagmamahal sa anumang paraan na kaya mo. Kung hindi mo kaya, unahin mo muna ang tungkulin mo. Ang atas ng Diyos at ang iyong misyon ang pinakamahalaga. Ang pagtupad mo muna sa tungkulin mo ang pinakaprayoridad sa lahat ng bagay, at huwag mo munang alalahanin ngayon ang mga bagay na iyon na ukol sa iyong mga kaanak sa laman. Kapag ang iyong atas at ang iyong tungkulin ay naisakatuparan na, nagiging higit na malinaw ang katotohanan sa iyo, ang ugnayan mo sa Diyos ay nagiging higit na normal, ang puso mong nagpapasakop sa Diyos ay higit pang lumalago, at ang may takot sa Diyos na puso mo ay higit pang lumalaki at nagiging higit pang maliwanag, pagkatapos ang kalagayan sa kalooban mo ay magbabago. Kapag ang kalagayan mo ay nagbago, ang mga pananaw mo sa mundo at mga pagmamahal ay lilipas, hindi mo na hahanapin ang mga bagay na iyon, at hahanapin na lamang ng puso mo kung paano mamahalin ang Diyos, paano Siya palulugurin, paano mamumuhay sa paraang nakalulugod sa Kanya, at paano mamumuhay sa katotohanan. Kapag ito na ang pinagsusumikapan ng puso mo, ang mga bagay na may kaugnayan sa mga pagmamahal ng laman ay unti-unting lilipas, at hindi ka na maigagapos o makokontrol pa ng mga ito.
Sinasabi ng ilang tao: “Hindi ako napipigilan ng pagmamahal ko para sa pamilya ko kapag ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, ngunit sa tuwing wala akong ginagawa, nagsisimula akong mangulila sa kanila.” Ano ang mga bunga ng pangungulila mo sa iyong pamilya? Kung ito ay nagdudulot sa iyo na maging negatibo at maging hindi handang gampanan ang mga tungkulin mo, kung gayon ay dapat mong hanapin ang resolusyon sa katotohanan. Kapag nalutas mo na ang problema, hindi ka na palaging mangungulila sa pamilya mo sa susunod na wala kang ginagawa, at hindi na ito magbubunga pa ng anuman. Kaya, anumang problema ang lumitaw, dapat ay palagi mong hanapin ang katotohanan upang lutasin ang mga ito; ito ang pinakamahalaga. Ang pangungulila mo sa pamilya mo ay hindi ang nakakabahala; ang susi ay kailangan mong isipin ang kung ano ang magiging mga bunga ng palaging pangungulila sa pamilya, at kung paano dapat lutasin ang usaping ito. Dapat kang magnilay-nilay: “Paano nagkaganito ang kalagayan ko? Bakit palagi akong nangungulila sa pamilya ko? Anong mga bahagi ng katotohanan ang hindi malinaw sa akin? Aling mga katotohanan ang dapat kong pasukin?” Magsagawa nang ganito, at mabilis kang makakapasok sa katotohanan. Dapat palagi mong pinagbubulay-bulayan ang katotohanan sa isipan mo; habang mas ginagawa mo ito, mas lalong lilinaw ang pagkaunawa mo sa katotohanan, at higit kang magkakaroon ng mga malinaw na daan sa pagsasagawa sa isip mo. Ito ay hahantong sa tunay na pagkaunawa sa katotohanan, sa halip na pagkakaroon lamang ng kaunting kaalaman tungkol dito. Sa puntong ito, nanaisin mong makakita ng mga taong makakabahaginan mo. Ano ang layunin ng pakikipagbahaginan? Ito ay upang magkamit ng kumpirmasyon, upang maunawaan ang katotohanan nang tumpak at nang walang anumang paglihis. Sa ganitong paraan, hindi ka magkakaroon ng anumang paghihirap, at matatamo ng isip mo ang paglaya, wala nang anumang pumipigil. Hindi ka na palaging mangungulila sa pamilya mo, at makakawala ka na mula sa mga makamundong gusot. Ang kalagayan mo ay magiging higit na normal. Dapat ninyong matutunang lahat na pagnilay-nilayan ang katotohanan. Paano ninyo gagawin ito? Halimbawa, sabihin nating may nagawa kang isang bagay ngayon na sa pakiramdam mo ay hindi tama at tila ito ay sumasalungat sa mga prinsipyo, ngunit hindi mo alam kung nasaan ang problema. Ito ang panahon na dapat kang manalangin sa Diyos at hanapin ang katotohanan, iniisip na, “Anong katotohanan ang nauugnay sa isyung ito? Aling prinsipyo ang nauugnay rito?” Dapat kang makahanap ng isang tao na magbabahagi sa katotohanan, magbalik-tanaw ka, at magnilay-nilay. Kapag sa wakas ay natuklasan mo na kung ano ang pinagmumulan ng problema at nalutas mo ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, magkakaroon ka ng higit na pananampalataya sa Diyos, at mararamdaman mong higit kang umusad sa katotohanan. Magagawa mong maunawaan nang husto ang ilang usapin at maintindihan ang ilang espirituwal na salita; o, magagawa mong maunawaan kung ano ang tunay na ipinahihiwatig at kahulugan ng ilang karaniwang inuulit-ulit na doktrina o sawikain. Ito ay pagkakaroon ng ilang pang-unawa sa katotohanan at pagkaalam sa kung paano ito isagawa. Pagkatapos ay hahayo ka at makikipagbahaginan sa iba, nakikipagbahaginan sa sawikaing ito hanggang sa ito ay malinaw na maunawaan, ginagamit itong isang landas ng pagsasagawa. Hindi ba’t ito ay isang mabuting bagay? Ito ay isa pang daan pasulong. Minsan ay makakakita ka ng isang tao na mayroong isang tiyak na kalagayan, at maaaring magbulay-bulay ka: “Bakit mayroong ganitong uri ng kalagayan ang taong ito? Paano nagkaganito ang kalagayan niya? Bakit wala akong ganitong uri ng kalagayan? Iyong bagay na sinabi niya ay kumakatawan sa isang partikular na kalagayan at mentalidad. Paano umusbong ang mentalidad niyang ito? Saan lumitaw ang problema? Sa anong aspeto ng katotohanan ito nauugnay? Hindi ba’t dapat ko ring hanapin ang katotohanan?” Sa pamamagitan ng pagbabahagi at paghahanap, nakikita mo ang problema at napagtatanto na ang kalagayan niyang iyon ay isang bagay na mayroon ka rin. Ikinumpara mo ang sitwasyon niya sa sitwasyon mo, hindi ba? Hindi ba’t sulit ang pagsusumikap na ito? (Oo.) Pagkatapos matuklasan ang problema, naghahanap ka ng isang tao na mapagbabahaginan. Kapag sa huli ay natagpuan mo na ang sagot at naunawaan kung ano ang problema, nalulutas ang problema. Madaling lutasin ang isang problema kung ito ay natutuklasan mo. Kung hindi mo ito matuklasan, hindi malulutas ang problema kailanman. Minsan, kapag ang isip mo ay natahimik, maaaring ito ang pinakamainam na oras upang magbulay-bulay sa katotohanan at sa mga salita ng Diyos. Huwag na huwag mong sasayangin ang pagkakataong ito na pagyamanin ang mga emosyonal na ugnayan, laging iniisip na muling makasama ang iyong pamilya; iyan ay magulo. Kung lagi kang nag-aalala sa iyong pamilya at susunggaban mo ang anumang pagkakataong mayroon ka upang emosyonal na makipag-ugnayan sa kanila, ang isip mo ay palaging mapupuno ng mga emosyonal na gusot na ito; hindi mo magagawang putulin ang mga ugnayang ito at hindi mo magagawang bumitiw. Dapat kang higit na manalangin, higit na magbasa ng mga salita ng Diyos, at madalas na makipagbahaginan sa iyong mga kapatid. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, kahit paano ay hindi ka mapipigilan ng iyong pamilya, laman, o pagmamahal. Ang mga bagay na ito ay magiging madaling bitiwan; ito ang daan pasulong. Sa katunayan, ganito ang karanasan ng maraming tao. Ang paglutas sa mga emosyonal na isyu ay palaging nangangailangan ng ilang panahon ng pagdanas; sa oras na maunawaan mo ang katotohanan, ang mga isyu ay nagiging madaling lutasin.