Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI

Ang Kabanalan ng Diyos (III) Unang Bahagi

Ang paksang ating ibinahagi noong nakaraan ay ang kabanalan ng Diyos. Aling aspeto ng Diyos Mismo ang nauukol sa kabanalan ng Diyos? Ito ba ay ukol sa diwa ng Diyos? (Oo.) Kaya ano ang pangunahing bahagi ng diwa ng Diyos na ating tinalakay sa ating pagbabahagi? Ito ba’y ang kabanalan ng Diyos? Ang kabanalan ng Diyos ay siyang natatanging diwa ng Diyos. Ano ang naging pangunahing nilalaman na ating ibinahagi noong nakaraan? (Ang pagkilala sa kasamaan ni Satanas, iyon ay, kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan gamit ang kaalaman, siyensiya, tradisyunal na kultura, pamahiin, at mga kalakarang panlipunan.) Ito ang pangunahing paksa na tinalakay natin noong nakaraan. Ginagamit ni Satanas ang kaalaman, siyensiya, pamahiin, tradisyunal na kultura, at mga kalakarang panlipunan upang gawing tiwali ang tao; ito ang mga paraan kung saan ginagawang tiwali ang tao. Ito ang mga paraan—lima sa kabuuan—na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao. Alin sa palagay ninyo rito ang pinakamadalas gamitin ni Satanas upang gawing tiwali ang tao? Alin ang ginagamit upang gawing tiwali nang husto ang tao? (Tradisyunal na kultura. Ito ay dahil ang mga pilosopiya ni Satanas, gaya ng mga doktrina nina Confucius at Mencius, ay malalim na nakatanim sa aming mga isip.) Kaya iniisip ng ilang kapatid na lalaki at babae na “tradisyunal na kultura” ang sagot. Mayroon bang sinoman na may ibang sagot? (Kaalaman. Hindi tayo kailanman mapapahintulutan ng kaalaman na sambahin ang Diyos. Itinatanggi nito ang pag-iral ng Diyos, at itinatanggi ang pamamahala ng Diyos. Iyon ay, sinasabihan tayo ni Satanas na mag-aral mula pagkabata, at tanging sa pag-aaral at pagtatamo ng kaalaman lamang natin matitiyak ang ating kinabukasan at masayang tadhana.) Ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang kontrolin ang iyong kinabukasan at tadhana, pagkatapos ikaw ay gagawing tau-tauhan nito; ganito mo iniisip kung paano ginagawang tiwali nang husto ni Satanas ang tao. Kung gayon, iniisip ng karamihan sa inyo na ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang magawang tiwali ang tao nang husto. Mayroon pa bang iba? Ano naman ang tungkol sa siyensiya o mga kalakarang panlipunan, halimbawa? Mayroon bang sinumang magsasabi na ang mga ito ang sagot? (Oo.) Ngayon, ibabahagi Kong muli ang tungkol sa limang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao at, kapag Ako ay natapos na, tatanungin Ko kayo ng ilang katanungan, upang makita nang eksakto kung alin sa mga bagay na ito ang ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali nang husto ang tao.

Sa limang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang tao, ang una nating nabanggit ay ang kaalaman, kaya unahin natin ang kaalaman bilang paksa ng ating pagbabahagi. Ginagamit ni Satanas ang kaalaman bilang pain. Makinig nang maigi: Ang kaalaman ay isang uri lamang ng pain. Ang mga tao ay inuudyukang mag-aral nang mabuti at pagbutihin ang kanilang mga sarili araw-araw, upang gawing armas ang kaalaman at gawin itong kanilang sandata, at pagkatapos ay gamitin ang kaalaman upang mabuksan ang pintuang-daan sa siyensiya; sa madaling salita, habang lalong mas maraming kaalaman ang iyong matamo, mas lalo kang makauunawa. Sinasabi ni Satanas ang lahat ng ito sa mga tao; sinasabi nito sa mga tao na pagyamanin din ang matatayog na mithiin habang sila ay natututo ng kaalaman, tinuturuan sila na magkaroon ng mga ambisyon at mga mithiin. Lingid sa kaalaman ng mga tao, si Satanas ay nagpapahatid ng maraming mensaheng tulad nito, na nagiging dahilan upang maramdaman ng mga tao nang hindi namamalayan na ang mga bagay na ito ay tama, o kapaki-pakinabang. Walang kaalam-alam, tumatahak ang mga tao sa landas na ito, walang kamalay-malay na inaakay pasulong ng kanilang sariling mga mithiin at mga ambisyon. Sa paisa-isang hakbang, di-sinasadyang natututuhan ng mga tao mula sa kaalamang bigay ni Satanas ang paraan ng pag-iisip ng mga dakila o bantog na mga tao. Natututuhan din nila ang ilang bagay mula sa mga gawa ng mga taong itinuturing na mga bayani. Ano ang itinataguyod ni Satanas para sa tao sa mga gawa ng mga bayaning ito? Ano ang nais nitong ikintal sa tao? Na ang tao ay dapat maging makabayan, magkaroon ng pambansang katapatan, at maging magiting sa espiritu. Ano ang natutuhan ng tao mula sa mga makasaysayang kuwento o mula sa mga talambuhay ng magigiting na tao? Na magkaroon ng damdamin ng pansariling katapatan, maging handang gumawa ng anumang bagay para sa mga kaibigan at kapatid niya. Sa loob ng kaalamang ito ni Satanas, walang kaalam-alam na natututuhan ng tao ang maraming bagay na hindi positibo. Sa gitna ng kawalang-malay ng tao, ang mga binhi na inihanda para sa kanila ni Satanas ay naitatanim sa kanilang mga isip na wala pa sa gulang. Ipinadadama ng mga binhing ito sa kanila na dapat silang maging mga dakilang tao, na dapat maging bantog, na dapat maging mga bayani, na maging makabayan, maging mga tao na nagmamahal sa kanilang mga pamilya, at maging mga tao na gagawin ang anuman para sa isang kaibigan at magkaroon ng isang diwa ng pansariling katapatan. Dahil nasulsulan ni Satanas, sila ay walang kaalam-alam na tinatahak ang daan na inihanda nito para sa kanila. Habang tinatahak nila ang daang ito, napipilitan silang tanggapin ang mga patakaran ng pamumuhay ni Satanas. Ganap na walang malay, bumubuo sila ng sarili nilang mga patakaran ng pamumuhay, ngunit ang mga ito ay walang iba kundi ang mga patakaran ni Satanas na sapilitang itinanim sa kanila. Sa panahon ng proseso ng pagkatuto, ipinatataguyod sa kanila ni Satanas ang kanilang sariling mga layon, na pagpasyahan ang kanilang sariling mga layunin sa buhay, mga patakaran ng pamumuhay, at direksyon sa buhay, habang itinatanim sa isip nila ang mga bagay ni Satanas, na ginagamit ang mga kuwento, mga talambuhay, at lahat ng paraang posible upang akitin ang mga tao, unti-unti, hanggang kagatin nila ang pain. Sa ganitong paraan, habang nasa kalagitnaan ng kanilang pagkatuto, nagkakagusto ang ilan sa panitikan, ang ilan sa ekonomiya, ang ilan sa astronomiya o heograpiya. Saka mayroong ilan na nagugustuhan ang pulitika, may ilan na gusto ang pisika, ilan ay kemika, at ang ilan pang gusto ang teolohiya. Ang lahat ng ito ay bahagi ng mas malaking kabuuhan na siyang kaalaman. Sa inyong mga puso, nalalaman ng bawat isa sa inyo kung tungkol talaga saan ang mga bagay na ito, bawat isa sa inyo ay nagkaroon na ng ugnayan sa mga ito noong nakaraan. Sinuman sa inyo ay maaaring mangusap nang walang katapusan tungkol sa isa o sa iba pa sa mga sangay na ito. Kaya malinaw kung paanong nakapasok nang husto ang kaalamang ito sa isip ng tao, malinaw ang posisyon na sinasakop ng kaalamang ito sa mga isip ng tao at kung gaano kalalim ang epekto nito sa kanila. Kapag nagustuhan ng isang tao ang isang aspeto ng kaalaman, kapag umibig nang husto ang isang tao rito, nakabubuo sila ng mga mithiin nang hindi namamalayan: Ang ilang tao ay nagnanais na maging mga may-akda, ang ilan ay nagnanais maging mga manunulat, ang ilan ay nagnanais na gawing karera ang pulitika, at ang ilan ay nagnanais na makibahagi sa ekonomiya at maging mga negosyante. At mayroon ding isang grupo ng mga tao na nagnanais maging mga bayani, maging dakila o bantog. Kahitpaman anong uri ng tao ang ninanais maging ng sinuman, ang kanilang layunin ay ang kunin ang paraang ito ng pagkatuto ng kaalaman at gamitin ito para sa sarili nilang mga layunin, upang matupad ang kanilang sariling mga hangarin, kanilang sariling mga mithiin. Gaano man ito kagandang pakinggan—nais man nilang makamit ang kanilang mga pangarap, ang huwag aksayahin ang kanilang buhay, o magkaroon ng matagumpay na buhay—itinataguyod nila ang matatayog na mithiin at mga ambisyong ito, ngunit, sa totoo lang, para sa ano ang lahat ng ito? Naisip na ba ninyo ang katanungang ito dati? Bakit ganito kumilos si Satanas? Ano ang layunin ni Satanas sa pagtatanim ng mga bna ito sa tao? agay Ang inyong mga puso ay dapat maging malinaw sa tanong na ito.

Ngayon ay pag-usapan natin kung paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao. Una, kailangan nating magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga bagay na ito: Ano ang nais ibigay ni Satanas sa tao gamit ang kaalaman? Sa anong uri ng daan nito gustong akayin ang tao? (Daan ng paglaban sa Diyos.) Oo, tiyak na iyon nga—upang labanan ang Diyos. Kung gayon ay iyong nakikita na ito ay isang bunga ng pagtatamo ng tao ng kaalaman—sila ay nagsisimulang lumaban sa Diyos. Kaya ano ang masasamang motibo ni Satanas? Hindi ito maliwanag sa iyo, hindi ba? Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga kagustuhan o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matatanto nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayunpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawa’t tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay “katanyagan” at “pakinabang.” Si Satanas ay gumagamit ng isang napakatusong uri ng paraan, isang paraang lubos na kaayon ng mga kuru-kuro ng mga tao, na hindi naman radikal, kung saan ay nagiging sanhi na walang kamalayang tanggapin ng mga tao ang uri ng pamumuhay nito, ang mga patakaran nito upang mabuhay, at magtatatag ng mga layunin sa buhay at kanilang direksyon sa buhay, at sa ganoon nagkakaroon din sila ng mga ambisyon sa buhay nang hindi namamalayan. Gaano man katayog magmistula ang mga mithiing ito sa buhay, ang mga ito ay pawang nauugnay sa “katanyagan” at “pakinabang”. Sinumang dakila o tanyag na tao—lahat ng tao, sa katunayan—anumang bagay na sinusunod nila sa buhay ay nauugnay lamang sa dalawang salitang ito: “katanyagan” at “pakinabang.” Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng katanyagan at pakinabang, maaari na nila kung gayong samantalahin ang mga ito upang tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang masiyahan sa buhay. Iniisip nila na ang katanyagan at pakinabang ay mga uri ng puhunan na maaari nilang gamitin upang magkamit ng isang buhay na mapaghanap-ng-kaluguran at walang-pakundangan sa pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa katanyagan at pakinabang na ito na iniimbot ng sangkatauhan, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, mga isip, at lahat ng mayroon sila, ang kanilang kinabukasan at kanilang mga tadhana, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang wala ni isang sandali ng pag-aatubili, kailanman ay mangmang sa pangangailangan na mabawi ang lahat ng naibigay na nila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling manganlong sila kay Satanas sa ganitong paraan at maging tapat dito? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila rin ay ganap at lubos na nalublob sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili. Kapag ang isang tao ay nasadlak sa katanyagan at pakinabang, hindi na nila hinahanap ang maliwanag, ang matuwid, o ang mga bagay na maganda at mabuti. Ito ay dahil sa ang nakatutuksong kapangyarihan na mayroon ang katanyagan at pakinabang sa mga tao ay napakalaki; at ang mga ito ay nagiging mga bagay para hangarin ng mga tao sa buong buhay nila at maging sa walang hanggan nang walang katapusan. Hindi ba ito totoo? Ilang tao ang magsasabing ang pagkatuto ng kaalaman ay katulad lamang ng pagbabasa ng mga aklat o pagkatuto ng ilang bagay na hindi pa nila alam upang hindi mahuli sa mga panahon o hindi mapag-iwanan ng mundo. Ang kaalaman ay pinag-aaralan lamang upang makapaglagay sila ng pagkain sa hapag, para sa kanilang sariling kinabukasan, o para sa pangunahing mga pangangailangan. Mayroon bang kahit sinong tao ang magtitiis ng isang dekada ng puspusang pag-aaral para lamang sa pangunahing mga pangangailangan, para lamang lutasin ang usapin ng pagkain? Wala, walang mga taong ganito. Kaya bakit nagpapakahirap ang isang tao sa lahat ng mga taon na ito? Ito ay para sa katanyagan at pakinabang. Ang katanyagan at pakinabang ay naghihintay sa hinaharap para sa kanila, tumatawag sa kanila, at naniniwala sila na sa pamamagitan ng kanilang sariling sipag, mga paghihirap at pagpupunyagi saka lamang nila masusundan ang daan na magdadala sa kanila sa katanyagan at pakinabang. Ang nasabing tao ay dapat pagdusahan ang mga paghihirap na ito para sa kanilang sariling hinaharap na landas, para sa kanilang hinaharap na kasiyahan at upang magkamit ng mas magandang buhay. Ano naman kaya ang kaalamang ito—maaari ba ninyong sabihin sa Akin? Hindi ba ito ang mga patakaran ng pamumuhay na ikinintal sa mga tao, mga patakarang itinuturo sa kanila ni Satanas sa kalagitnaan ng kanilang pagkatuto ng kaalaman? Hindi ba ito ang “matatayog na mithiin” ng buhay na ikinintal sa tao ni Satanas? Gaya halimbawa, ang mga ideya ng mga dakilang tao, ang integridad ng mga sikat o matatapang na espiritu ng mga bayani, o ang pagkamaginoo at kabaitan ng mga bida at mga eskrimador sa mga nobela ng sining ng pakikipaglaban—hindi ba ang lahat ng ito ay paraan kung saan ikinikintal ni Satanas ang mga mithiing ito? (Oo, sila nga.) Ang mga ideyang ito ay nakakaimpluwensya sa sali’t salinlahi, at ang mga tao sa bawat salinlahi ay tinuturuang tanggapin ang mga ideyang ito, upang mabuhay para sa mga ideyang ito at hangarin ang mga ito nang walang katapusan. Ito ang daan, ang lagusan, na kung saan ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao. Kaya pagkatapos akayin ni Satanas ang mga tao sa daang ito, posible pa rin kaya sa kanila na sumamba sa Diyos? Ang kaalaman at ang kaisipan na ikinintal sa tao ni Satanas ay nagtataglay ba ng anumang bagay ukol sa pagsamba sa Diyos? Nagtataglay ba ang mga ito ng anumang bagay na nabibilang sa katotohanan? Naglalaman ba ang mga ito ng anumang bagay tungkol sa pagkatakot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? (Hindi, hindi naglalaman ang mga ito.) Tila kayo ay nag-aalinlangan, nguni’t hindi mahalaga. Hangga’t nakikilala mo na ang “katanyagan” at “pakinabang” ay ang dalawang susing salita na ginagamit ni Satanas upang akitin ang mga tao sa landas ng kasamaan, sapat na kung gayon.

Suriin natin sandali ang mga napag-usapan natin hanggang ngayon: Ano ang ginagamit ni Satanas upang mapanatili ang tao sa mahigpit nitong kontrol? (Katanyagan at pakinabang.) Kaya, ginagamit ni Satanas ang katanyagan at pakinabang upang kontrolin ang mga iniisip ng tao, hanggang sa ang naiisip ng mga tao ay pawang katanyagan at pakinabang na lamang. Nagsusumikap sila para sa katanyagan at pakinabang, nagtitiis ng mga paghihirap para sa katanyagan at pakinabang, nagbabata ng kahihiyan para sa katanyagan at pakinabang, isinasakripisyo ang lahat ng mayroon sila para sa katanyagan at pakinabang, at gagawa sila ng anumang paghatol o pagpapasiya para sa katanyagan at pakinabang. Sa ganitong paraan, iginagapos ni Satanas ang tao gamit ang kadenang hindi nakikita, at wala silang lakas ni tapang na iwaksi ang mga ito. Walang kaalam-alam nilang dinadala ang mga kadenang ito at lumalakad nang may matinding kahirapan. Para sa kapakanan ng katanyagan at pakinabang na ito, ang sangkatauhan ay lumalayo sa Diyos at pinagtataksilan Siya at mas lalo silang nagiging masama. Sa ganitong paraan, samakatuwid, nasisira ang sali’t salinlahi sa katanyagan at pakinabang ni Satanas. Kung titingnan ngayon ang mga pagkilos ni Satanas, hindi ba kasuklam-suklam ang masasamang motibo nito? Marahil hindi pa rin ninyo nakikita ngayon nang malinaw ang masasamang motibo ni Satanas sapagka’t iniisip ninyo na hindi maaaring mabuhay kung walang katanyagan at pakinabang. Iniisip ninyo na kapag iniwan ng mga tao ang katanyagan at pakinabang, hindi na nila makikita ang daan sa hinaharap, hindi na makikita ang kanilang mga layunin, na ang kanilang hinaharap ay magiging madilim, malamlam at mapanglaw. Subali’t, dahan-dahan, isang araw ay makikilala ninyong lahat na ang katanyagan at pakinabang ay parang halimaw na mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ang tao. Hanggang sa sumapit ang araw na iyon, lubusan mong lalabanan ang pagkontrol ni Satanas at lubusang lalabanan ang mga kadena na ginagamit ni Satanas upang igapos ka. Kapag dumating ang oras na nanaisin mong iwaksi ang lahat ng bagay na ikinintal sa iyo ni Satanas, ikaw sa gayon ay ganap na hihiwalay kay Satanas at tunay mong kamumuhian ang lahat ng idinulot sa iyo ni Satanas. Sa gayon lamang magkakaroon ng isang totoong pag-ibig at pananabik sa Diyos ang sangkatauhan.

Katatapos pa lamang nating pag-usapan kung paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao, kaya ang susunod nating ibabahagi ay ang tungkol sa kung paano ginagamit ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao. Una, ginagamit ni Satanas ang pangalan ng siyensiya upang bigyang-kasiyahan ang pagkamausisa ng tao, ang pagnanais ng tao na saliksikin ang siyensiya at siyasatin ang mga misteryo. Sa ngalan ng siyensiya, binibigyang-kasiyahan ni Satanas ang materyal na mga pangangailangan ng tao at kahilingan ng tao na tuluy-tuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Kaya, sa ganitong pagdadahilan, ginagamit ni Satanas ang siyensiya upang gawing tiwali ang tao. Ang paraan lamang ba ng pag-iisip ng tao o ang isipan ng tao ang ginagawang tiwali ni Satanas gamit ang siyensya sa ganitong paraan? Sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa ating kapaligiran na ating makikita at ating nakakasalamuha, alin pa sa mga ito ang ginagawang tiwali ni Satanas sa pamamagitan ng siyensiya? (Ang likas na kapaligiran.) Tama. Tila kayo ay lubhang napinsala nito, at labis ding naapektuhan. Maliban sa paggamit ng iba’t ibang natuklasan at mga konklusyon ng siyensiya upang linlangin ang tao, ginagamit din ni Satanas ang siyensiya bilang isang paraan upang isakatuparan ang walang pakundangang pagkawasak at pagsasamantala sa kapaligirang tinitirhan ng tao na ipinagkaloob ng Diyos sa kanya. Ito ay ginagawa nito sa ilalim ng pagdadahilan na kung isasagawa ng tao ang siyentipikong pananaliksik, sa gayon ang kapaligirang tinitirhan ng tao at ang kalidad ng buhay ay bubuti nang bubuti, at idagdag pa na ang layunin ng siyentipikong pag-unlad ay upang tugunan ang patuloy na dumaraming materyal na pangangailangan ng tao at ang kanilang pangangailangang patuloy na iangat ang kalidad ng kanilang buhay. Ito ang pang-teoryang batayan sa pagpapaunlad ni Satanas sa siyensiya. Gayunpaman, ano ang naidulot ng siyensiya sa sangkatauhan? Ano ang bumubuo sa kapaligiran na nakaugnay sa atin? Hindi ba’t ang hangin na nilalanghap ng sangkatauhan ay dumumi na? Ang tubig ba na ating iniinom ay tunay na dalisay pa rin? (Hindi.) Ang pagkain bang ating kinakain ay natural? Ang karamihan nito ay pinalalago gamit ang patabang kemikal at nililinang gamit ang genetikong pagbabago, at mayroon ding mga pagbabagong bunga ng paggamit ng iba’t ibang siyentipikong pamamaraan. Kahit na ang mga gulay at prutas na ating kinakain ay hindi na natural. Hindi na madali ngayon na makatagpo ng isang itlog na natural, at ang lasa ng mga itlog ay hindi na gaya ng dati, dahil naproseso na sa pamamagitan ng tinaguriang siyensiya ni Satanas. Kung titingnan sa pangkalahatan, ang buong atmospera ay nawasak at nadumihan; ang mga kabundukan, mga lawa, mga kagubatan, mga ilog, mga karagatan, at ang lahat ng nasa ibabaw at ilalim ng lupa ay nasira na ng tinaguriang mga tagumpay na siyentipiko. Sa madaling salita, ang buong kapaligirang likas, ang kapaligirang tinitirhan na ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ay winasak at sinira ng tinaguriang siyensiya. Bagaman nakamit ng maraming tao ang inaasahan nila pagdating sa kalidad ng buhay na kanilang hinahanap, binibigyang-kasiyahan kapwa ang kanilang mga hangarin at ang kanilang laman, ang kapaligirang tinitirhan ng tao ay talagang nasira at winasak ng iba’t ibang “mga tagumpay” na dulot ng siyensiya. Ngayon, wala na tayong karapatang huminga ng isang hinga ng malinis na hangin. Hindi ba ito ang pagdadalamhati ng sangkatauhan? Mayroon pa rin bang natitirang kaligayahan na masasabing para sa tao, samantalang kailangan niyang manirahan sa ganitong uri ng espasyo? Ang espasyo at tinitirhang kapaligirang ito kung saan nabubuhay ang tao ay, simula’t sapul, nilikha ng Diyos para sa tao. Ang tubig na iniinom ng mga tao, ang hangin na nilalanghap ng mga tao, ang pagkain na kinakain ng mga tao, mga halaman, mga puno, at ang mga karagatan—ang bawat bahagi ng kapaligirang tinitirhang ito ay pawang ipinagkaloob ng Diyos sa tao; ito ay likas, umaandar ayon sa likas na batas na inilatag ng Diyos. Kung walang siyensiya, magiging maligaya sana ang mga tao at matatamasa ang lahat ng bagay sa pinakamalinis nitong anyo ayon sa paraan ng Diyos at ayon sa kung ano ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanila na matatamasa nila. Ngayon, gayunpaman, ang lahat ng ito ay nasira at winasak ni Satanas; ang pangunahing tinitirhang espasyo ng tao ay wala na sa pinakamalinis nitong anyo. Subalit walang sinuman ang nakapansin kung ano ang naging sanhi ng ganitong uri ng kahihinatnan o kung paano ito nangyari, at mas marami pang tao ang nakakaunawa at lumalapit sa siyensiya sa pamamagitan ng mga ideya na ikinintal sa kanila ni Satanas. Hindi ba ito lubos na kasuklam-suklam at kahabag-habag? Ngayon na nakuha na ni Satanas ang espasyo kung saan ang sangkatauhan ay umiiral at gayundin ang kanilang kapaligirang tinitirhan at ginawa silang tiwali sa ganitong kalagayan, at sa patuloy na pagsulong ng sangkatauhan sa ganitong paraan, mayroon bang anumang pangangailangan para sa Diyos na wasakin ang sangkatauhang ito? Kung magpapatuloy ang sangkatauhan na sumulong sa ganitong paraan, anong direksyon ang tatahakin nito? (Sila’y pupuksain.) Paano sila pupuksain? Bilang karagdagan sa sakim na paghahanap ng tao para sa katanyagan at pakinabang, patuloy nilang isinasagawa ang siyentipikong pagtuklas at malalimang pagsasaliksik, at pagkatapos ay walang-tigil na kumikilos sa paraang nagbibigay-kasiyahan sa kanilang sariling materyal na mga pangangailangan at mga hangarin; ano kung gayon ang mga kahihinatnan para sa tao? Una sa lahat, wala ng anumang balanseng ekolohikal at, kasabay nito, ang mga katawan ng mga tao, ang kanilang mga sangkap na panloob, ay nadungisang lahat at napinsala ng ganitong kapaligiran na wala sa ayos, at ang iba’t ibang nakakahawang sakit at mga salot ay lumaganap sa lahat ng dako ng sanlibutan. Ito ay isang sitwasyon na wala na ngayong kontrol ang tao, hindi ba tama iyon? Ngayong nauunawaan na ninyo ito, kung ang sangkatauhan ay hindi susunod sa Diyos, bagkus palaging sinusunod si Satanas sa ganitong paraan—ginagamit ang kaalaman upang patuloy na payamanin ang kanilang mga sarili, ginagamit ang siyensiya upang walang-tigil na tuklasin ang hinaharap na buhay ng tao, ginagamit ang ganitong uri ng paraan upang patuloy na mabuhay—nakikilala ba ninyo kung paano ito magwawakas para sa sangkatauhan? (Mangangahulugan ito ng pagkalipol.) Oo, ito ay magwawakas sa pagkalipol: Papalapit nang papalapit ang sangkatauhan sa sarili niyang pagkalipol, paisa-isang hakbang! Ang siyensiya sa ngayon ay tila isang uri ng gayuma na inihanda ni Satanas para sa tao, upang kapag sinubukan ninyong unawain ang mga bagay-bagay ay gagawin ninyo ito nang naguguluhan; gaano man ninyo pakatingnan, hindi ninyo makikita nang malinaw ang mga bagay, at gaano mo man pagsikapan, hindi mo mauunawaan ang mga ito. Si Satanas, gayunpaman, ay ginagamit ang pangalan ng siyensiya upang pasabikin ka at pangunahan kang hawak sa ilong, paisa-isang hakbang, tungo sa kailaliman at tungo sa kamatayan. Hindi nga ba ganito? (Oo, ito nga.) Ito ang ikalawang paraan na ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan.

Ang tradisyonal na kultura ang ikatlong paraan na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang tao. Maraming pagkakapareho ang tradisyonal na kultura at pamahiin, iyon nga lang ang tradisyonal na kultura ay may partikular na mga kuwento, mga pahiwatig, at mga pinagmumulan. Bumuo at nag-imbento si Satanas ng maraming kuwentong bayan o mga kuwento sa mga aklat ng kasaysayan, iniiwan sa mga tao ang malalalim na impresyon ng tradisyonal na kultura o mga mapamahiing imahe. Halimbawa, sa Tsina ay may “Ang Walong Imortal na Tumatawid ng Dagat,” “Paglalakbay Tungo sa Kanluran,” ang Emperador ng Jade, “Ang Paglupig ni Nezha sa Haring Dragon,” at “Ang Pagtatalaga ng mga Diyos.” Hindi ba nakaugat na nang husto ang mga ito sa isip ng tao? Kahit na hindi nalalaman ng ilan sa inyo ang lahat ng detalye, alam pa rin ninyo ang mga pangkalahatang kuwento, at ang pangkalahatang nilalaman nito ang namamalagi sa iyong puso at sa iyong isip, upang hindi mo makakalimutan ang mga ito. Ito ang sari-saring ideya o alamat na inihanda ni Satanas para sa tao noon pa man, at naipakalat na sa iba’t ibang panahon. Ang mga ito ay tuwirang pumipinsala at nagpapahina sa mga kaluluwa ng mga tao at ginagayuma nang sunod-sunod ang mga tao. Ibig sabihin noon ay sa sandaling natanggap mo na ang gayong tradisyonal na kultura, mga kwento, o mapamahiing mga bagay, kapag ang mga ito ay naitatag sa iyong isip, at kapag nangunyapit ang mga ito sa iyong puso, kung gayon ay para kang nagayuma—nasasadlak ka at naiimpluwensyahan nitong mga kultural na patibong, ng mga ideya at tradisyonal na mga kuwentong ito. Iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong buhay, ang iyong pananaw sa buhay, at ang iyong paghatol sa mga bagay-bagay. Lalong higit na iniimpluwensyahan ng mga ito ang iyong paghahangad para sa tunay na daan ng buhay: Ito ay talagang isang masamang gayuma. Anuman ang gawin mo, hindi mo maipapagpag ang mga ito; sinisibak mo ang mga ito nguni’t hindi mo kayang maibuwal; hinahampas mo ang mga ito nguni’t hindi mo matatalo. Dagdag pa rito, pagkatapos na ang mga tao ay mapasailalim nang hindi namamalayan sa ganitong uri ng gayuma, sila ay nagsisimulang sumamba kay Satanas nang hindi namamalayan, itinataguyod ang imahe ni Satanas sa kanilang mga puso. Sa madaling salita, itinatatag nila si Satanas bilang kanilang diyus-diyosan, isang bagay para kanilang sambahin at tingalain, humahantong pa hanggang sa pagtuturing dito bilang Diyos. Nang hindi namamalayan, ang mga bagay na ito ay nasa puso ng mga tao, kumokontrol sa kanilang mga salita at mga gawa. Higit pa rito, itinuturing mo noon na huwad ang mga kuwento at mga alamat na ito, at pagkatapos kinikilala mo nang hindi namamalayan ang pag-iral nila, ginagawa silang mga totoong pigura at ginagawa silang mga totoo, umiiral na mga bagay. Sa iyong kawalang-kamalayan, tinatanggap mo nang hindi namamalayan ang mga ideyang ito at ang pag-iral ng mga bagay na ito. Tinatanggap mo rin nang hindi namamalayan ang mga diyablo, si Satanas at mga diyus-diyosan sa iyong sariling tahanan at sa iyong sariling puso—isa nga itong gayuma. Umaalingawngaw ba ang mga salitang ito sa inyo? (Oo.) Mayroon bang sinuman sa inyo ang nakapagsunog na ng insenso at sumamba kay Buddha? (Oo.) Kung gayo’y ano ang layunin ng pagsusunog ng insenso at pagsamba kay Buddha? (Nananalangin para sa kapayapaan.) Kung iisipin ang tungkol dito ngayon, kakatwa ba na manalangin kay Satanas para sa kapayapaan? Si Satanas ba ay nagdadala ng kapayapaan? (Hindi.) Hindi ninyo ba nakikita kung gaano kayo kamangmang noon? Ang ganoong uri ng asal ay kakatwa, mangmang at walang muwang, hindi ba? Ang tanging iniisip ni Satanas ay kung paano ka magagawang tiwali. Imposible kang mabigyan ng kapayapaan ni Satanas, mabibigyan ka lamang nito ng pansamantalang ginhawa. Subali’t upang makamit ang kaunting ginhawang ito, dapat kang manumpa, at kapag sinira mo ang iyong pangako o ang iyong sinumpaan kay Satanas, makikita mo kung gayon kung paano ka nito pahihirapan. Sa pagtutulak nito sa iyo na manumpa, sa katunayan ay gusto nitong kontrolin ka. Nang nanalangin kayo para sa kapayapaan, nakamit ba ninyo ang kapayapaan? (Hindi.) Hindi kayo nagkamit ng kapayapaan, subali’t sa kabaligtaran ang inyong mga pagsisikap ay nagdala ng kasawian at walang-katapusang mga kalamidad—tunay na isang walang-hangganang karagatan ng kapaitan. Ang kapayapaan ay wala sa ilalim ng sakop ni Satanas, at ito ang katotohanan. Ito ang kinahinatnan na naidulot ng piyudal na pamahiin at tradisyonal na kultura sa sangkatauhan.

Ang huling paraan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao ay sa pamamagitan ng kalakarang panlipunan. Kabilang sa “mga kalakarang panlipunan” na ito ang maraming bagay. Sinasabi ng ilang tao na: “Nangangahulugan ba ito ng mga pinakabagong uso, mga pampaganda, mga istilo ng buhok, at masasarap na pagkain?” Ang mga ito ba’y itinuturing na kalakarang panlipunan? Ang mga ito ay isang bahagi ng mga kalakarang panlipunan, subali’t hindi natin pag-uusapan ang mga ito dito. Nais lamang nating pag-usapan ang tungkol sa mga ideyang idinudulot ng mga kalakarang panlipunan sa mga tao, kung paano ang mga ito nagiging sanhi sa paggawi ng mga tao sa mundo, at ang mga layunin sa buhay at pananaw na idinudulot ng mga ito sa mga tao. Ang mga ito ay napakahalaga; makokontrol at maiimpluwensyahan ng mga ito ang kalagayan ng pag-iisip ng isang tao. Ang mga kalakarang ito ay lumilitaw isa-isa, at lahat ng mga ito ay nagdadala ng isang masamang impluwensya na patuloy na nagpapababa sa sangkatauhan, na nagiging sanhi upang mawalan ang mga tao ng konsensya, pagkatao at katinuan, na lalo pang nagpapahina ng kanilang mga moral at kanilang kalidad ng karakter, hanggang sa masasabi nating karamihan ng mga tao ngayon ay walang integridad, walang pagkatao, ni anumang konsensya, at lalo’t higit ng anumang katinuan. Kaya ano ang mga kalakarang ito? Ito ang mga kalakarang hindi mo makikita gamit ang karaniwang mata lamang. Kapag ang isang bagong kalakaran ay lumalaganap sa mundo, marahil maliit na bilang lamang ng mga tao ang nangunguna, gumaganap bilang mga tagapagpauso. Nagsisimula sila sa paggawa ng ilang bagong bagay, pagkatapos ay tinatanggap ang ilang uri ng ideya o ilang uri ng pananaw. Ang karamihan sa mga tao, gayunpaman, sa gitna ng kanilang kawalan ng kamalayan, ay patuloy pa ring mahahawa, magiging bahagi at maaakit ng ganitong uri ng kalakaran, hanggang sa tatanggapin nilang lahat ito nang hindi namamalayan at nang walang kusa at maging lubog dito at kontrolado nito. Isa-isa, ang mga kalakarang iyon ay nagiging sanhi upang ang mga tao, na wala sa matinong pangangatawan at pag-iisip, hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, at hindi nakikilala ang kaibahan sa pagitan ng positibo at negatibong mga bagay, na tanggapin nang maluwag sa kalooban ang mga kalakarang ito pati na rin ang mga pananaw sa buhay at ang mga pagpapahalaga na nanggagaling kay Satanas. Tinatanggap nila kung ano ang sinasabi sa kanila ni Satanas kung paano pakitunguhan ang buhay at ang paraan ng pamumuhay na “ipinagkakaloob” sa kanila ni Satanas, at wala silang taglay na lakas, ni kakayahan, lalo na ang kamalayan, upang lumaban. Kaya ano ba talaga ang mga kalakarang ito? Nakapili Ako ng isang simpleng halimbawa na maaaring maunawaan ninyo nang unti-unti. Halimbawa, pinatatakbo ng mga tao noong una ang kanilang mga negosyo sa paraang hindi nandadaya ninuman; at ibinebenta ang mga bagay sa parehong presyo maging sinuman ang bumibili. Hindi ba nito ipinapakita ang ilang elemento ng konsensya at pagkatao? Kapag nagsasagawa ang mga tao ng kanilang negosyo gaya nito, nang walang masamang hangarin, makikita rito na mayroon pa rin silang kaunting konsensya at kaunting pagkatao sa panahong iyon. Ngunit dahil sa palaki nang palaking pangangailangan ng tao para sa pera, walang kamalay-malay na natutunan ng mga tao na lalo pang ibigin ang salapi, pakinabang at kasiyahan. Sa madaling salita, tiningnan ng mga tao ang salapi bilang mas mahalaga pa kaysa sa dati. Kapag tinatanaw ng mga tao ang salapi bilang mas mahalaga, walang malay nilang napapabayaan ang kanilang reputasyon, kanilang katanyagan, kanilang karangalan, at kanilang katapatan, hindi ba? Kapag ikaw ay nagnenegosyo, nakikita mo ang ibang gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan upang dayain ang mga tao at maging mayaman. Bagaman ang salaping kinita ay nakaw, sila ay payaman nang payaman. Bagama’t kapareho ng negosyo nila ang sa iyo, ngunit ang kanilang buong pamilya ay nasisiyahan sa buhay nang mas higit kaysa sa iyo, at masama ang loob mo, na sinasabi sa sarili mong: “Bakit hindi ko gawin ang gayon? Bakit hindi ako dapat kumita ng kasinglaki ng sa kanila? Dapat akong makaisip ng paraan upang magkaroon ng mas maraming salapi, upang gawing masagana ang aking negosyo.” Sa gayon pag-iisipan mo kung paano kumita ng malaking pera. Ayon sa karaniwang paraan ng pagkita ng salapi—pagbebenta sa kaparehong presyo para sa lahat—anumang perang kinikita mo ay ayon sa mabuting konsensya. Subalit hindi ka agad mapapayaman nito. Gayunpaman, sa ilalim ng udyok na magkaroon ng tubo, ang iyong pag-iisip ay sasailalim sa isang dahan-dahang pagbabago. Sa panahon ng pagbabagong ito, ang mga prinsipyo mo ay nagsisimula ring magbago. Nang unang pagkakataong nandaya ka ng isang tao, mayroon ka pang mga pag-aatubili, na sinasabing, “Ito na ang huling pagkakataon na dadayain ko ang isang tao. Hindi ko na ito uulitin. Hindi ako maaaring mandaya ng mga tao. Ang pandaraya ng mga tao ay may masasamang kahihinatnan. Magdadala ito ng kapahamakan sa akin!” Nang unang nandaya ka ng isang tao, ang iyong puso ay nagkaroon ng ilang pag-aatubili; ito ang gawain ng konsensya ng tao—ang magkaroon ng pag-aatubili at sisihin ka, kaya hindi natural na mandaya ka ng tao. Subalit matapos mong matagumpay na dayain ang isang tao, nakikita mo na ngayon ay mas marami kang pera kaysa dati, at iniisip mo na ang paraang ito ay maaaring maging mas kapaki-pakinabang para sa iyo. Sa kabila ng kaunting kirot sa iyong puso, nais mo pa ring batiin ang sarili mo sa iyong tagumpay, at nasisiyahan ka nang kaunti sa iyong sarili. Sa unang pagkakataon, sinasang-ayunan mo ang iyong sariling pagkilos, sarili mong mapandayang pamamaraan. Pagkatapos, sa sandaling mahawahan ang tao ng ganitong uri ng pandaraya, kagaya lang ito sa isang tao na nasangkot sa pagsusugal at pagkatapos ay naging isang sugarol. Sa iyong kawalang kamalayan, sinasang-ayunan mo ang iyong mapandayang gawain at tinatanggap ito. Sa iyong kawalang kamalayan, iniisip mo na ang pandaraya ay isang lehitimong gawain sa negosyo, at pinakakapaki-pakinabang na paraan para sa kaligtasan ng iyong buhay at kabuhayan; iniisip mo na sa paggawa nito maaari kang yumaman nang mabilis. Sa simula ng prosesong ito, hindi matatanggap ng mga tao ang ganitong uri ng pag-uugali, mababa ang tingin nila sa ganitong pag-uugali. Pagkatapos personal nilang sinusubukan ang ganitong pag-uugali, at sinusubukan ito sa kanilang sariling paraan, at ang kanilang mga puso ay dahan-dahang nagbabago. Ano’ng uri ng pagbabago ito? Ito ay pagsang-ayon at pagtanggap sa kalakarang ito, sa kaisipan na ikinintal sa iyo ng kalakarang panlipunan. Hindi mo namamalayan, nadarama mo na kapag hindi ka nandaya sa negosyo malulugi ka, na kapag hindi ka nandaya mawawalan ka. Hindi mo namamalayan, ang ganitong pandaraya ang nagiging pinaka-kaluluwa mo na, ang pangunahing sandigan mo, at isang uri ng pag-uugali na lubos na kailangan na naging prinsipyo na sa iyong buhay. Matapos tanggapin ng tao ang ganitong pag-uugali at pag-iisip, hindi ba ito nagdala ng pagbabago sa kanyang puso? Ang iyong puso ay nagbago, ang karangalan mo ba ay nagbago na rin? Ang pagkatao mo ba ay nagbago? Ang konsensya mo ba ay nagbago? (Oo.) Oo, ang kabuuan ng taong ito ay sumasailalim sa isang pagbabago ng kalidad, mula sa kanilang puso hanggang sa kanilang mga pag-iisip, hanggang sa puntong sila ay nababago mula sa loob palabas. Ang pagbabagong ito ang lalong mas nagpapalayo sa iyo sa Diyos, at ikaw ay lalong mas nagiging kaayon ni Satanas, lalong mas nagiging kapareho nito.

Sa pagtingin sa mga kalakarang panlipunan na ito, masasabi ba ninyo na mayroon silang malaking impluwensya sa mga tao? Ang mga ito ba’y may matinding nakapipinsalang epekto sa mga tao? (Oo.) Mayroon nga silang napakatinding nakapipinsalang epekto sa mga tao. Aling aspeto ng pagkatao ang ginagawang tiwali ni Satanas na ginagamitan ng mga magkakasunod na kalakarang panlipunan? (Konsensya, katwiran, pagkatao, moralidad at pananaw sa buhay.) Nagiging sanhi ang mga ito ng unti-unting pagkabulok sa mga tao, hindi ba? Ginagamit ni Satanas ang mga kalakarang panlipunan na ito upang dahan-dahang akitin ang mga tao sa pugad ng mga diablo, sa gayon ang mga taong naipit sa mga kalakarang panlipunan ay walang kamalayang nanghihikayat sa pagnanasa para sa salapi at materyal, at sa kasamaan at karahasan. Sa sandaling ang mga bagay na ito ay makapasok sa puso ng tao, nagiging ano kung gayon ang tao? Ang tao ay nagiging ang diablong si Satanas! Bakit? Ito ay dahil sa anong sikolohikal na pagkahilig sa puso ng tao? Ano ang itinataguyod ng tao? Nagsisimulang magustuhan ng tao ang kasamaan at karahasan, na hindi nagpapakita ng anumang pagmamahal sa kagandahan at kabutihan, lalo na sa kapayapaan. Hindi nakahandang isakabuhayan ng tao ang simpleng buhay ng normal na pagkatao, sa halip nais na tamasahin ang mataas na katayuan at malaking kayamanan, ang magpakasaya sa mga pagnanasa ng laman, na hindi nag-aatubiling bigyang-kasiyahan ang sarili nilang laman, nang walang mga paghihigpit, walang mga gapos na pipigil sa kanila; sa madaling salita, ginagawa ang anumang naisin nila. Kaya kapag ang tao ay nalubog sa ganitong mga uri ng mga kalakaran, makatutulong ba ang kaalaman na natutuhan mo upang palayain mo ang iyong sarili? Makatutulong ba sa iyo ang iyong pagkaunawa sa mga tradisyunal na kultura at mga pamahiin upang makatakas sa kakila-kilabot na kalagayang ito? Makatutulong ba sa kanila ang tradisyunal na moralidad at tradisyunal na seremonya na nauunawaan ng tao na magsanay ng pagpipigil? Kunin nating halimbawa ang Tatlong Klasikong Karakter. Matutulungan ba nito ang mga tao na hilahing palabas ang kanilang mga paa mula sa putikan ng mga kalakarang ito? (Hindi, hindi maaari.) Sa ganitong paraan, ang tao ay nagiging higit na mas masama, mayabang, mapagmataas, makasarili, at malisyoso. Wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga tao, wala nang anumang pagmamahal sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya, wala nang anumang pagkakaunawaan sa mga magkakamag-anak at magkakaibigan; ang mga ugnayang pantao ay puno ng karahasan. Nais gamitin ng bawat isang tao ang mararahas na pamamaraan upang mabuhay sa gitna ng kanilang kapwa tao; sinasamsam nila ang sarili nilang kabuhayan gamit ang karahasan; nakakamit nila ang kanilang mga posisyon at ang kanilang mga kita gamit ang karahasan, at ginagawa nila ang anumang naisin nila gamit ang mararahas at masasamang paraan. Hindi ba nakakatakot ang ganitong sangkatauhan? (Oo.) Pagkarinig sa lahat ng bagay na ito na kasasabi Ko lamang, hindi ba ninyo naisip na nakakatakot na mamuhay sa kapaligirang ito, sa mundong ito, at sa gitna ng mga ganitong uri ng mga tao, kung saan ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan? (Oo.) Kaya naramdaman na ba ninyo kailanman na kahabag-habag ang inyong mga sarili? Nararamdaman na dapat ninyo ito ngayon nang bahagya, hindi ba? (Oo.) Kung didinggin ang inyong tono, tila iniisip ninyo na “ginagamit ni Satanas ang napakaraming iba’t ibang paraan upang gawing tiwali ang tao. Sinusunggaban nito ang bawat pagkakataon at nasa lahat ng dako na ating binabalingan. Makaliligtas pa ba ang tao?” Makaliligtas pa ba ang tao? Maililigtas ba ng tao ang kanilang sarili? (Hindi.) Maililigtas ba ni Emperador Jade ang tao? Maililigtas ba ni Confucious ang tao? Maililigtas ba ni Guanyin Bodhisattva ang tao? (Hindi.) Kaya sino ang makakapagligtas sa tao? (Ang Diyos.) Ang ilang tao, gayunpaman, ay itataas sa kanilang puso ang mga tanong na gaya ng: “Pinipinsala tayo ni Satanas nang napakarahas, sa paraang napakabangis, na wala na tayong pag-asang mabuhay, ni anumang pagtitiwalang maaari tayong mabuhay. Tayong lahat ay nabubuhay sa gitna ng katiwalian at lumalaban ang bawat isang tao sa Diyos, at ang ating mga puso ay nanlamig nang husto ngayon. Kaya habang tayo ay ginagawang tiwali ni Satanas, nasaan ang Diyos? Ano ang ginagawa ng Diyos? Anuman ang ginagawa ng Diyos para sa atin hindi natin nararamdaman ito!” Hindi maiiwasang manlumo ng ilang tao, at panghinaan ng loob, tama ba? Sa inyo, ang pakiramdam na ito ay napakatindi sapagkat ang lahat ng Aking sinasabi ay upang unti-unting ipaunawa sa mga tao, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay walang pag-asa, upang lalo pang mas maramdaman na sila ay tinalikdan ng Diyos. Subalit huwag mag-alala. Ang paksa ng ating pagbabahagi para sa araw na ito, “ang kasamaan ni Satanas,” ay hindi siyang ating totoong tema. Upang pag-usapan ang tungkol sa diwa ng kabanalan ng Diyos, dapat muna nating pag-usapan kung paano ginagawang tiwali ni Satanas ang tao at ang kasamaan ni Satanas upang mas maging malinaw sa mga tao kung anong uri ng kondisyon ang kinaroroonan ng tao ngayon. Ang isang layunin ng pag-uusap tungkol dito ay upang ipaalam sa mga tao ang kasamaan ni Satanas, habang ang isa pa ay upang ipaunawa nang husto sa mga tao kung ano ang tunay na kabanalan.

Hindi ba’t mas detalyado Akong nagsalita tungkol sa mga bagay na ito na katatalakay pa lamang natin kaysa noong nakaraan? (Oo.) Kaya ang pagkaunawa ba ninyo ngayon ay medyo mas malalim na? (Oo.) Alam Ko na maraming tao ngayon ang umaasang sasabihin Ko kung ano ba talaga ang kabanalan ng Diyos, subalit habang nagsasalita Ako tungkol sa kabanalan ng Diyos tatalakayin Ko muna ang tungkol sa mga gawain na ginagampanan ng Diyos. Lahat kayo ay dapat makinig nang mabuti. Pagkatapos ay tatanungin Ko kayo kung ano ba talaga ang kabanalan ng Diyos. Hindi Ko sasabihin sa inyo nang tuwiran, sa halip hahayaan Ko kayong subukan na alamin ito; bibigyan Ko kayo ng pagkakataong alamin ito. Ano ang palagay ninyo sa paraang ito? (Ito’y mabuti.) Kaya makinig nang maigi habang nagpapatuloy Ako.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger