Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III

Ang Awtoridad ng Diyos (II) Ikalawang Bahagi

Ang Anim na Sugpungan sa Buhay ng Tao

Sa buhay ng tao, ang bawat isa ay nakararanas ng isang serye ng mahahalagang sugpungan. Ang mga ito ang pinakapangunahin at ang pinakamahalagang mga hakbang na tumutukoy sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Ang mga sumusunod ay isang maikling paglalarawan ng mga sugpungang ito na dapat pagdaanan ng bawat tao sa kanyang buhay.

Ang Unang Sugpungan: Kapanganakan

Kung saan ipinanganak ang isang tao, sa anong pamilya siya ipinanganak, ang kanyang kasarian, hitsura, at oras ng kapanganakan—ang mga ito ay mga detalye ng unang sugpungan sa buhay ng isang tao.

Hindi makapipili ang sinuman hinggil sa ilang detalye ng sugpungang ito; ang lahat ng ito ay matagal nang itinadhana ng Lumikha. Hindi naiimpluwensiyahan ang mga ito ng panlabas na kapaligiran sa anumang paraan, at walang mga bagay na ginawa ng tao ang maaaring makapagpabago sa mga katunayang ito, na itinakda ng Lumikha. Ang pagkapanganak ng isang tao ay nangangahulugang natupad na ng Lumikha ang unang hakbang ng kapalaran na Kanyang isinaayos para sa taong iyon. Dahil matagal na Niyang itinakda ang lahat ng detalyeng ito, walang sinuman ang may kapangyarihan na baguhin ang alinman sa mga ito. Maging ano pa man ang kalalabasan ng kapalaran ng isang tao, itinatadhana ang mga kondisyon ng kapanganakan ng isang tao, at nananatiling ganoon ang mga ito; ang mga ito ay hindi naiimpluwensiyahan sa anumang paraan ng kapalaran sa buhay ng isang tao, at hindi rin naaapektuhan ng mga ito sa anumang paraan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran sa buhay ng isang tao.

1. Isang Bagong Buhay ang Isinisilang mula sa mga Plano ng Lumikha

Alin sa mga detalye ng unang sugpungan—ang lugar na sinilangan, pamilya, kasarian, pisikal na anyo, ang oras ng kapanganakan ng isang tao—ang maaaring piliin ng isang tao? Maliwanag na ang kapanganakan ng isang tao ay kusang nangyayari. Ang isang tao ay ipinapanganak nang hindi niya sinasadya, sa isang partikular na lugar, at sa isang partikular na oras, sa isang partikular na pamilya, na may partikular na pisikal na anyo; hindi sinasadya ng isang tao na maging miyembro ng isang partikular na sambahayan, na isang sanga ng isang partikular na lipi. Ang isang tao ay walang pagpipilian sa unang sugpungang ito ng buhay, ngunit sa halip ay isinisilang sa isang itinalagang kapaligirang ayon sa mga plano ng Lumikha, sa isang partikular na pamilya, na may partikular na kasarian at hitsura, at sa partikular na oras na malapit na nakaugnay sa takbo ng buhay ng isang tao. Ano ang magagawa ng isang tao sa mahalagang sugpungang ito? Sa kabuuan, walang pagpipilian ang isang tao tungkol sa isa man sa mga detalyeng ito hinggil sa kanyang kapanganakan. Kung hindi dahil sa pagtatadhana ng Lumikha at sa Kanyang paggabay, hindi malalaman ng isang buhay na bagong silang sa mundong ito kung saan pupunta, o kung saan siya maninirahan, hindi siya magkakaroon ng mga ugnayan, hindi mapapabilang saanman, at walang magiging tunay na tahanan. Subalit dahil sa maingat na pagsasaayos ng Lumikha, ang bagong buhay na ito ay may lugar na matitirhan, mga magulang, isang lugar na kabibilangan, at mga kamag-anak, kaya ang buhay na iyon ay nagsisimula sa kanyang paglalakbay. Sa buong prosesong ito, natukoy na sa mga plano ng Lumikha ang pagdating ng bagong buhay na ito, at lahat ng aariin nito ay ibibigay sa kanya ng Lumikha. Mula sa isang lumulutang na katawan na walang anumang pag-aari, unti-unti itong nagiging laman at dugo, nakikita at nahahawakang nilalang na tao, isa sa mga nilikha ng Diyos, na nag-iisip, humihinga, at nakadarama ng init at lamig; na maaaring makibahagi sa lahat ng karaniwang gawain ng isang nilikha sa materyal na mundo; at daraan sa lahat ng bagay na dapat maranasan sa buhay ng isang nilikhang tao. Ang nauna nang pagtatakda ng Lumikha sa kapanganakan ng isang tao ay nangangahulugan na Kanyang igagawad sa taong iyon ang lahat ng bagay na kinakailangan para patuloy na mabuhay; at gayundin, ang pagkakapanganak sa isang tao ay nangangahulugan na matatanggap niya mula sa Lumikha ang lahat ng bagay na kailangan para patuloy na mabuhay, at mula sa puntong iyon ay mabubuhay siya sa ibang kaanyuan, na ibinigay ng Lumikha at mapapasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha.

2. Bakit Isinisilang ang Iba’t ibang Tao sa Iba’t ibang Kalagayan

Kadalasan, gustong isipin ng mga tao na kung sila ay muling ipapanganak, ito ay sa isang tanyag na pamilya; na kung sila ay mga babae, magiging kamukha nila si Snow White at mamahalin sila ng lahat, at kung sila ay mga lalaki, sila ay magiging si Prince Charming, na walang anumang kinakailangan, na nakapagpapasunod sa buong mundo. Kadalasan may mga nasa ilalim ng maraming ilusyon tungkol sa kanilang kapanganakan at kadalasan ay hindi nasisiyahan dito, naghihinanakit sa kanilang pamilya, sa kanilang hitsura, sa kanilang kasarian, pati na rin sa oras ng kanilang kapanganakan. Subalit hindi kailanman nauunawaan ng mga tao kung bakit sila ipinanganak sa isang partikular na pamilya o kung bakit ganoon ang hitsura nila. Hindi nila alam na kahit na saan sila ipinanganak o kung ano ang hitsura nila, gaganap sila ng iba’t ibang papel at tutupad ng iba’t ibang misyon sa pamamahala ng Lumikha, at ang layon na ito ay hindi kailanman magbabago. Sa mga mata ng Lumikha, ang lugar na sinilangan, ang kasarian, at ang pisikal na anyo ng isang tao ay pansamantalang lahat. Ang mga ito ay isang serye ng maliliit na tuldok, maliliit na simbolo sa bawat yugto ng Kanyang pamamahala sa buong sangkatauhan. At ang tunay na hantungan at kahihinatnan ng isang tao ay hindi napagpapasyahan ng kanyang kapanganakan sa anumang partikular na yugto, kundi ng misyon na kanyang tinutupad sa kanyang buhay, at ayon sa paghatol sa kanya ng Lumikha kapag kumpleto na ang Kanyang plano ng pamamahala.

Sinasabi na may sanhi ang bawat bunga, at na walang bunga kung walang sanhi. Kung kaya’t talagang nakatali ang kapanganakan ng isang tao kapwa sa kasalukuyang buhay at sa nakaraang buhay niya. Kung winawakasan ng kamatayan ng isang tao ang kanyang kasalukuyang termino ng buhay, kung gayon ang kapanganakan ng isang tao ay ang simula ng isang bagong yugto; kung kinakatawan ng lumang siklo ang dating buhay ng isang tao, kung gayon natural lang na ang bagong siklo ang kanyang kasalukuyang buhay. Dahil nakaugnay ang kapanganakan ng isang tao sa kanyang buhay sa nakaraan at maging sa kasalukuyan, nangangahulugan ito na ang lugar, pamilya, kasarian, hitsura, at ang iba pang mga bagay na nauugnay sa kapanganakan ng isang tao ay marapat na may kaugnayang lahat sa nakaraan at kasalukuyang buhay ng isang tao. Nangangahulugan ito na ang mga bagay na may kinalaman sa kapanganakan ng isang tao ay hindi lamang naiimpluwensiyahan ng dating buhay ng isang tao, kundi pinagpapasyahan ng kapalaran ng isang tao sa kasalukuyang buhay, na dahilan ng iba’t ibang uri ng sari-saring kalagayan kung saan naipapanganak ang mga tao: Ang ilan ay ipinapanganak sa mahihirap na pamilya, ang iba ay sa mayayamang pamilya. Ang ilan ay sa pangkaraniwang angkan, samantalang ang iba ay sa tanyag na lahi. Ang ilan ay ipinapanganak sa timog, ang iba sa hilaga. Ang ilan ay ipinapanganak sa disyerto, ang iba sa mga luntiang lupain. Ang kapanganakan ng ilang tao ay may kasamang mga pagbubunyi, tawanan, at mga pagdiriwang; ang iba ay nagdadala ng mga luha, kalamidad at kapighatian. Ang ilan ay ipinapanganak upang pakaingat-ingatan, ang iba ay upang itapon na tulad ng mga panirang-damo. Ang ilan ay ipinapanganak nang may magagandang katangian, ang iba ay mga baluktot. Ang ilan ay magandang tingnan, ang iba ay pangit. Ang ilan ay ipinapanganak sa hatinggabi, ang iba ay sa ilalim ng tirik na araw sa tanghaling-tapat. … Ang mga kapanganakan ng iba’t ibang uri ng tao ay tinutukoy ng kanilang mga kapalaran na inihanda ng Lumikha para sa kanila; ang kanilang mga kapanganakan ang nagpapasya ng kanilang mga kapalaran sa kasalukuyang buhay nila gayundin sa mga papel na kanilang gagampanan at sa mga misyon na kanilang tutuparin. Ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, itinadhana Niya; walang sinuman ang makakatakas sa kanyang itinadhanang kapalaran, walang makakapagbago sa kanyang kapanganakan, at walang sinuman ang makakapili ng kanyang sariling kapalaran.

Ang Ikalawang Sugpungan: Paglaki

Depende sa uri ng pamilya kung saan sila ipinanganak, lumalaki ang mga tao sa iba’t ibang pantahanang kapaligiran at natututo ng iba’t ibang aral mula sa kanilang mga magulang. Ang mga salik na ito ang nagpapasya sa mga kalagayan kung saan nagkakaedad ang isang tao, at ang paglaki ay kumakatawan sa ikalawang mahalagang sugpungan ng buhay ng isang tao. Siyempre, hindi rin makapipili ang mga tao sa sugpungang ito. Naitakda na rin ito at nauna nang naisaayos.

1. Nagplano ang Lumikha ng mga Itinakdang Kalagayang Kinalalakhan ng Bawat Tao

Hindi napipili ng isang tao ang mga tao, mga pangyayari, o mga bagay na nagpapalakas at umiimpluwensiya sa kanila habang lumalaki sila. Hindi mapipili ng isang tao kung anong kaalaman o kakayahan ang maaari niyang matamo at kung anong mga pag-uugali ang mahuhubog sa kanya. Hindi mapipili ng isang tao kung sino ang magiging mga magulang o mga kaanak niya, kung anong uri ng kapaligiran ang kalalakhan niya; ang mga ugnayan sa ibang mga tao, mga pangyayari, at mga bagay sa kanyang kapaligiran, at kung paano nakakaimpluwensya ang mga ito sa kanyang pag-unlad, ay lampas na lahat sa kaya niyang kontrolin. Kung gayon, sino ang nagpapasya ng mga bagay na ito? Sino ang nagsasaayos ng mga ito? Yamang walang pagpipilian ang mga tao sa bagay na ito, yamang hindi nila maaaring pagpasyahan ang mga bagay na ito para sa kanilang mga sarili, at yamang malinaw na hindi natural na nabubuo ang mga ito, maliwanag na ang paghubog sa lahat ng mga tao, pangyayari, at bagay na ito ay nasa mga kamay ng Lumikha. Siyempre, tulad ng pagsasaayos ng Lumikha sa mga partikular na kalagayan ng kapanganakan ng bawat tao, Kanya ring isinasaayos ang partikular na mga kalagayan na kinalalakhan ng isang tao. Kung ang kapanganakan ng isang tao ay nagdadala ng mga pagbabago sa mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid niya, kung gayon ang paglago at pag-unlad ng naturang tao ay makakaapekto rin sa mga ito. Halimbawa, may ilang tao na ipinapanganak sa mahihirap na pamilya, subalit lumalaki na napapaligiran ng kayamanan; ang iba ay ipinapanganak sa mayayamang pamilya subalit nagiging sanhi ng pagbagsak ng mga kayamanan ng kanilang pamilya, kung kaya lumalaki sila sa mahihirap na kapaligiran. Walang kapanganakan ang napapamahalaan ng isang pirming tuntunin, at walang taong lumalaki sa ilalim ng isang di-maiiwasan at pirming hanay ng mga pangyayari. Ang mga ito ay hindi mga bagay na maaaring isipin o kontrolin ng isang tao; ang mga ito ay mga bunga ng kapalaran ng isang tao, at itinatakda ng kapalaran niya. Siyempre, sa ugat ng mga ito, ang lahat ng ito ay nakabatay sa kapalarang itinakda ng Lumikha sa bawat tao; ang mga ito ay tinutukoy ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng taong ito at sa Kanyang mga plano para rito.

2. Nagdudulot ang Iba’t ibang Kalagayan na Kinalalakhan ng mga Tao ng Iba’t ibang Papel na Ginagampanan

Ang mga kalagayan ng kapanganakan ng isang tao ang nagtatatag sa pangunahing antas ng kapaligiran at mga kalagayan na kinalalakhan niya, at ang mga kalagayang kinalalakhan niya ay bunga rin ng mga kalagayan ng kanyang kapanganakan. Sa panahong ito nagsisimulang matutuhan ng isang tao ang wika, at nagsisimulang makatagpo at matuto ang isip niya ng maraming bagong bagay, sa proseso kung saan siya ay patuloy na lumalago. Ang mga bagay na naririnig ng isang tao sa pamamagitan ng mga tainga niya, nakikita ng mga mata niya, at natututuhan ng kanyang isip ang unti-unting nagpapayaman at nagpapagalaw sa kanyang panloob na mundo. Ang mga tao, pangyayari, at bagay na nagkakaroon siya ng koneksyon; ang sentido kumon, kaalaman, at mga kasanayan na natututuhan niya, at ang mga paraan ng pag-iisip na nakakaimpluwensiya sa kanya, na naituro o naikintal sa kanya, ay gagabay at makakaimpluwensyang lahat sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Ang wikang natutuhan ng isang tao habang lumalaki siya at ang paraan ng pag-iisip niya ay hindi maaaring ihiwalay mula sa kapaligiran kung saan ginugugol ng isang tao ang kanyang kabataan, at ang kapaligirang iyon ay binubuo ng mga magulang, kapatid, at iba pang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa paligid niya. Kung kaya, ang takbo ng pag-unlad ng isang tao ay itinatalaga ng kapaligiran na kinalalakhan niya, at nakasalalay rin sa mga tao, pangyayari, at bagay na nagkakaroon siya ng koneksyon sa kapanahunang ito. Yamang ang mga kondisyon kung saan lumalaki ang isang tao ay matagal nang naitalaga, ang kapaligiran kung saan siya nabubuhay sa panahon ng prosesong ito ay natural na naitalaga na rin. Hindi ito tinutukoy ng mga pinipili at mga kagustuhan ng isang tao, kundi naipapasya ayon sa mga plano ng Lumikha, tinutukoy ng maingat na pagsasaayos at ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran sa buhay ng isang tao. Kaya ang mga taong nakakatagpo ng sinumang tao sa proseso ng kanyang paglaki, at ang mga bagay na nararanasan niya, ay likas na konektadong lahat sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Lumikha. Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang mga ganitong uri ng masalimuot na mga ugnayan, o makontrol o maarok ang mga ito. Maraming iba’t ibang bagay at maraming iba’t ibang tao ang may impluwensya sa kapaligiran na kinalalakihan ng isang tao, at walang sinumang tao ang may kakayahang magsaayos o mangasiwa ng ganoong kalawak na sistema ng mga koneksyon. Walang tao o bagay maliban sa Lumikha ang makakakontrol sa hitsura ng lahat ng tao, sa mga pangyayari at bagay, at hindi rin nila kayang panatilihin ang mga ito o kontrolin ang pagkawala ng mga ito, at ito ay isa lamang malawak na sistema ng mga koneksyon na humuhubog sa pag-unlad ng isang tao ayon sa itinadhana ng Lumikha at nagtatatag ng iba’t ibang kapaligiran na kinalalakihan ng mga tao. Ito ay lumilikha ng iba’t ibang gagampanang papel na kailangan para sa gawain ng pamamahala ng Lumikha, na naglalatag ng matatatag at matitibay na saligan para matagumpay na matupad ang kanilang mga misyon.

Ang Ikatlong Sugpungan: Pagsasarili

Matapos dumaan ang isang tao sa pagiging bata at kabataan at unti-unti at di-maiiwasang marating ang kahustuhan ng pag-iisip, ang susunod na hakbang ay ang ganap na pamamaalam niya sa kanyang kabataan, pagpapaalam niya sa kanyang mga magulang, at pagharap sa kinabukasan bilang isang nagsasariling may sapat na gulang. Sa puntong ito, kailangan niyang harapin ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay na kailangang harapin ng isang taong may sapat na gulang, harapin ang lahat ng bahagi ng kanyang kapalaran na hindi magtatagal ay haharap sa kanya. Ito ang ikatlong sugpungan na kailangang mapagdaanan ng isang tao.

1. Matapos Makapagsarili, Nagsisimulang Maranasan ng Isang Tao ang Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha

Kung ang kapanganakan at paglaki ay ang “panahon ng paghahanda” para sa paglalakbay sa buhay ng isang tao na naglalatag ng panulukang-bato ng kapalaran ng isang tao, kung gayon ang pagsasarili ng isang tao ay ang pambungad na pakikipag-usap sa sarili sa kanyang kapalaran sa buhay. Kung ang kapanganakan at paglaki ng isang tao ay kayamanan na kanilang naimpok para sa kanilang kapalaran sa buhay, kung gayon ang pagsasarili ng isang tao ay kapag sinisimulan na nilang gastusin o dagdagan ang yamang iyon. Kapag ang isang tao ay nililisan ang kanyang mga magulang at nagsasarili, ang panlipunang mga kondisyon na kakaharapin niya, at ang uri ng trabaho o karera na makukuha niya ay kapwa iniaatas ng kapalaran at walang kinalaman sa kanyang mga magulang. May ilang tao na pumipili ng isang magandang kurso sa kolehiyo at pagkatapos ay nakakatagpo ng isang kasiya-siyang trabaho pagkaraang makapagtapos at gumagawa ng matagumpay na unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay. May ilang tao na natututo at nagiging dalubhasa sa maraming iba’t ibang kasanayan ngunit kailanman ay hindi makahanap ng trabaho na angkop sa kanila o hindi kailanman makahanap ng posisyon, lalo na ng isang karera; sa simula ng kanilang paglalakbay sa buhay, natatagpuan nila ang kanilang mga sarili na nahahadlangan sa bawat liko, dinadagsa ng mga ligalig, madilim ang hinaharap at walang katiyakan ang kanilang mga buhay. Ang ilang tao ay masigasig sa kanilang pag-aaral, ngunit halos napapalampas ang lahat ng kanilang mga pagkakataon na makatanggap ng mas mataas na pinag-aralan; tila itinadhanang kailanma’y hindi magtamo ng tagumpay at ang kanilang kauna-unahang hangarin sa paglalakbay sa kanilang buhay ay nililipad ng hangin. Hindi alam kung ang daraanan ay patag o mabato, nararamdaman nila sa kauna-unahang pagkakataon kung gaano kapuno ng mga pagbabago ang tadhana ng tao, kung kaya’t itinuturing ang buhay nang may pag-asa at pangamba. May ilang tao, kahit hindi gaanong nakapag-aral, ay nakapagsusulat ng mga aklat at nakapagtatamo ng kaunting katanyagan; ang ilan, bagaman halos ganap na walang pinag-aralan, ay kumikita ng pera mula sa negosyo at dahil doon ay nasusuportahan ang kanilang mga sarili…. Anumang trabaho ang pinipili ng isang tao, paano man siya naghahanap-buhay: may anumang kontrol ba ang mga tao kung gumagawa man sila ng tamang pagpili o maling pagpili sa mga bagay na ito? Sumasang-ayon ba ang mga bagay na ito sa kanilang mga pagnanais at kapasyahan? Karamihan sa mga tao ay nagnanais ng mga sumusunod: na mabawasan ang kanilang pagtatrabaho at kumita nang mas malaki, na hindi magtrabaho sa ilalim ng araw at ng ulan, manamit nang maganda, magningning at kuminang sa lahat ng dako, pangibabawan ang iba, at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Umaasam ang mga tao na maging perpekto, subalit kapag ginawa na nila ang mga unang hakbang sa paglalakbay sa kanilang mga buhay, unti-unti nilang naiintindihan kung gaano kaimperpekto ang tadhana ng tao, at sa kauna-unahang pagkakataon ay tunay nilang nauunawaan ang katotohanan na, bagaman maaaring makagawa ang isang tao ng mapangahas na mga plano para sa sariling kinabukasan at bagaman ang isang tao’y maaaring magtanim sa isip ng mapangahas na mga pantasya, walang sinuman ang may kakayahan o may kapangyarihan na isakatuparan ang kanyang sariling mga pangarap, at walang sinuman ang nasa posisyon na kontrolin ang kanyang sariling kinabukasan. Palaging magkakaroon ng ilang agwat sa pagitan ng mga pangarap ng isang tao at ng mga realidad na dapat niyang harapin; ang mga bagay ay hindi kailanman ayon sa ninanais ng isang tao, at sa harap ng ganoong mga realidad ay hindi kailanman makakamit ng mga tao ang kasiyahan o katiwasayan. May ilang tao pa nga na gagawin ang anumang maaaring gawin, magpupunyagi nang husto at gagawa ng malalaking sakripisyo para sa kapakanan ng kanilang mga hanapbuhay at hinaharap, sa pagtatangka na baguhin ang kanilang sariling kapalaran. Subalit sa katapusan, kahit na matupad nila ang kanilang mga pangarap at ninanais sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap, hindi nila kailanman mababago ang kanilang mga kapalaran, at gaano man kasidhi nilang subukin, hindi nila kailanman malalampasan ang naitakda na sa kanila ng tadhana. Kahit ano pa ang mga pagkakaiba sa kakayahan, talino, at determinasyon, ang mga tao ay pantay-pantay na lahat sa harap ng tadhana, na hindi tumitingin sa pagkakaiba ng malaki o maliit, ng mataas o mababa, ng pinaparangalan o hinahamak. Ang pinagsisikapang hanapbuhay, ang ginagawa ng isang tao upang kumita, at kung gaano karami ang natitipong kayamanan ng isang tao sa buhay ay hindi napagpapasyahan ng sariling mga magulang, ng sariling mga talento, ng sariling mga pagpupunyagi o sariling mga ambisyon, at sa halip ay itinadhana ng Lumikha.

2. Pag-iwan sa Sariling mga Magulang at Seryosong Pag-uumpisa na Gampanan ang Sariling Papel sa Teatro ng Buhay

Kapag umabot ang isang tao sa hustong edad, naiiwanan na niya ang kanyang mga magulang at nakakapagsarili na, at dito sa puntong ito tunay na nakakapag-umpisang gampanan ng isang tao ang sariling papel, na ang sarili niyang misyon sa buhay ay hindi na malabo at unti-unting nagiging maliwanag. Sa pangalan ay nananatili pa ring may malapit na ugnayan ang isang tao sa sariling mga magulang, subalit dahil ang sariling misyon at ang papel na ginagampanan niya ay walang kinalaman sa sarili niyang ina at ama, nangangahulugan ito na ang malapit na bigkis ay dahan-dahang napapatid habang unti-unting nagsasarili ang isang tao. Mula sa perspektibo ng biyolohiya, hindi pa rin maiiwasan ng mga tao ang umasa sa kanilang mga magulang nang hindi namamalayan, subalit sa patas na pananalita, kapag sila’y malaki na, mayroon na silang mga buhay na ganap na nakahiwalay mula sa kanilang mga magulang, at gagampanan nila ang mga papel na kanilang natanggap nang nagsasarili. Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang tungkulin ng mga magulang sa buhay ng isang bata ay ang bigyan lang sila ng isang pormal na kapaligiran na kalalakihan nila, sapagkat walang makaiimpluwensya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay nauna nang naitadhana, at hindi mababago kahit na ng sariling mga magulang ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, ang bawat isa ay nagsasarili, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kung kaya walang magulang ang makakapagpaiwas sa kapalaran sa buhay ng isang tao o makakaimpluwensya sa papel na gagampanan ng isang tao sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan ay matutupad ng isang tao ang kanyang misyon. Kung kaya’t walang magulang ang makakatulong sa kanyang anak na matupad ang misyon niya sa buhay, at gayundin, walang kaanak ninuman ang makakatulong sa kanya na akuin ang sarili niyang papel sa buhay. Kung paano isinasagawa ng isang tao ang sariling misyon at sa anong uri ng pamumuhay sa kapaligiran niya ginagampanan ang sarili niyang papel ay ganap na itinatadhana ng sariling kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, walang iba pang patas na mga kondisyon ang makakaimpluwensya sa misyon ng isang tao na itinadhana ng Lumikha. Ang lahat ng tao ay nagkakahustong pag-iisip ayon sa kanilang sariling kinalakhang mga kapaligiran; pagkatapos, unti-unti, sa bawat hakbang, tumutungo sila sa kanilang sariling mga landas sa buhay at tinutupad ang mga tadhana na binalak para sa kanila ng Lumikha. Sa likas na paraan at nang hindi sinasadya ay pumapasok sila sa malawak na karagatan ng sangkatauhan at inaako ang sarili nilang mga papel sa buhay, kung saan ay sinisimulan nila ang pagtupad sa kanilang mga katungkulan bilang mga nilalang para sa kapakanan ng pagtatadhana ng Lumikha, para sa kapakanan ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan.

Ang Ikaapat na Sugpungan: Pag-aasawa

Habang tumatanda ang isang tao at nahuhusto ang pag-iisip, lalo siyang lumalayo mula sa sariling mga magulang at sa kapaligiran kung saan siya ipinanganak at pinalaki, at sa halip siya ay nagsisimulang humanap ng direksyon para sa sarili niyang buhay at kamtin ang mga layunin niya sa buhay sa paraan na iba sa sariling mga magulang. Sa panahong ito, hindi na kailangan ng isang tao ang sariling mga magulang, ngunit sa halip ay isang kapareha na makakasama niya sa buhay, isang asawa, isang tao kung kanino nakabigkis ang kanyang sariling kapalaran. Kaya ang unang malaking pangyayari pagkatapos ng pagsasarili ay ang pag-aasawa, ang ikaapat na sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.

1. Walang Indibiduwal na Pagpiling Nakaiimpluwensya sa Pag-aasawa

Ang pag-aasawa ay isang napakahalagang pangyayari sa buhay ninuman; ito ay panahon na nagsisimulang tunay na akuin ng isang tao ang iba’t ibang uri ng mga responsibilidad, unti-unting nagsisimula na ganapin ang iba’t ibang uri ng misyon. Maraming ilusyon ang mga tao tungkol sa pag-aasawa bago nila ito maranasan, at lahat ng ilusyong ito ay talagang magaganda. Inaakala ng mga kababaihan na ang kanilang kabiyak ay magiging si Prince Charming, at inaakala ng mga kalalakihan na sila’y magpapakasal kay Snow White. Ipinapakita ng mga pantasyang ito na ang bawat tao ay may partikular na mga kinakailangan para sa pag-aasawa, mga sarili nilang hinihingi at pamantayan. Bagaman sa masamang kapanahunang ito, palagiang binobomba ang mga tao ng baluktot na mga mensahe tungkol sa pag-aasawa, na lumilikha ng mas marami pang karagdagang kinakailangan at nagbibigay sa mga tao ng lahat ng uri ng pasanin at kakaibang mga saloobin, alam ng sinumang nakaranas na ng pag-aasawa na anuman ang pagkakaunawa ng isang tao rito, anuman ang saloobin niya tungkol dito, ang pag-aasawa ay hindi isang bagay na pinipili ng isang indibidwal.

Maraming tao ang nakakatagpo ng isang tao sa kanyang buhay, subalit walang sinuman ang nakakaalam kung sino ang mapapangasawa niya. Bagaman ang lahat ay may kani-kanilang sariling mga palagay at personal na pananaw tungkol sa paksa ng pag-aasawa, walang sinuman ang maaaring makahula kung sino sa bandang huli ang magiging kanilang tunay na kabiyak, at ang mga ideya ng isang tao ay hindi masyadong mahalaga. Matapos makatagpo ang isang taong gusto mo, maaari kang magpursige sa taong iyon; subalit interesado man o hindi ang taong iyon sa iyo, maaari mo man siyang maging kapareha o hindi—hindi ikaw ang magpapasya. Hindi nangangahulugan na ang iyong sinisinta ang taong makakabahagi mo sa iyong buhay; samantala, may isa na kailanman’y hindi mo inasahan na maaaring dumating nang tahimik sa iyong buhay at maging iyong kapareha, ang pinakamahalagang elemento sa iyong kapalaran, ang iyong kabiyak, kung kanino nakabigkis nang mahigpit ang iyong kapalaran. Kung kaya, bagaman milyun-milyon ang nag-aasawa sa mundo, bawat isa ay iba: Napakaraming mag-aasawa ang hindi nasisiyahan, napakarami ang maligaya; napakarami ang saklaw ang Silangan at Kanluran, napakaraming Hilaga at Timog; napakarami ang perpektong mga tambalan, napakarami ang pantay ang katayuan sa lipunan; napakarami ang maligaya at nagkakasundo, napakarami ang nasasaktan at nagdadalamhati; napakarami ang kinaiinggitan ng iba, napakarami ang hindi naiintindihang mabuti at hindi sinasang-ayunan; napakarami ang puno ng kaligayahan, napakarami ang lumuluha at sanhi ng kawalang-pag-asa…. Sa hindi mabibilang na uri ng pag-aasawa, ibinubunyag ng mga tao ang katapatan at panghabambuhay na pangako sa pag-aasawa, inihahayag nila ang pagmamahal, pagkagiliw, at pagkadi-mapaghihiwalay, o pagbitiw at kawalan ng pag-unawa. Ang ilan ay pinagtataksilan ang kanilang kasal, at nakararamdam maging ng pagkamuhi rito. Nagdadala man ang mismong pag-aasawa ng kaligayahan o sakit, ang misyon ng bawat isa sa pag-aasawa ay itinadhana ng Lumikha at hindi magbabago; ang misyong ito ay dapat tuparin ng bawat isa. Ang indibidwal na kapalaran na nasa likod ng bawat pag-aasawa ay hindi nagbabago at matagal nang itinadhana ng Lumikha.

2. Ang Pag-aasawa ay Isinilang sa mga Kapalaran ng Dalawang Magkapareha

Ang pag-aasawa ay isang mahalagang sugpungan sa buhay ng isang tao. Bunga ito ng kapalaran ng isang tao at isang mahalagang kawing sa kapalaran niya; hindi ito itinatatag sa pagkukusa o mga kagustuhan ng sinumang tao, at hindi naiimpluwensiyahan ng anumang panlabas na mga kadahilanan, ngunit ganap na tinutukoy ng mga kapalaran ng dalawang panig, sa pamamagitan ng mga pagsasaayos at pagtatadhana ng Lumikha sa mga kapalaran ng magkapareha. Tila ba ang layunin ng pag-aasawa ay ang ipagpatuloy ang sangkatauhan, ngunit ang totoo, ang pag-aasawa ay walang iba kundi isang ritwal na pinagdadaanan ng isang tao sa proseso ng pagtupad sa sarili niyang misyon. Ang mga papel na ginagampanan ng mga tao sa pag-aasawa ay hindi lamang sa pag-aaruga sa susunod na henerasyon; inaako nila ang iba’t ibang papel na may kinalaman sa pagpapanatili ng kasal at sa mga misyon na dapat kumpletuhin sa pamamagitan ng mga papel na iyon. Yamang nakakaimpluwensiya ang sariling kapanganakan sa mga pagbabagong pinagdadaanan ng mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid nito, ang pag-aasawa ng isang tao ay hindi rin maiiwasang makaapekto sa mga tao, pangyayari, at bagay, at higit pa riyan, babaguhin silang lahat nito sa iba’t ibang paraan.

Kapag nagsimulang magsarili ang isang tao, sinisimulan niya ang kanyang sariling paglalakbay sa buhay, na umaakay sa kanya sa bawat hakbang patungo sa mga tao, pangyayari, at bagay na kaugnay ng kanyang pag-aasawa. Kasabay nito, ang kaparehang bubuo sa pag-aasawang ito ay papalapit, sa bawat hakbang, tungo sa parehong mga tao, pangyayari at bagay. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, ang dalawang di-magkaanu-ano na nagsasalo sa magkaugnay na kalaparan ay unti-unting pumapasok sa pag-aasawa at himalang nagiging isang pamilya: “dalawang balang na kumakapit sa parehong tali.” Kaya kapag pumasok ang isang tao sa pag-aasawa, ang paglalakbay niya sa buhay ay makakaimpluwensya at makakaantig sa kanyang kabiyak, at makakaimpluwensiya at makakaantig din ang paglalakbay sa buhay ng kapareha niya sa kanyang kapalaran sa buhay. Sa madaling salita, magkakaugnay ang kapalaran ng mga tao, at walang sinuman ang makakatupad ng misyon ng isang tao sa buhay o makakaganap ng kanyang papel nang walang kaugnayan sa iba. Malaki ang epekto ng kapanganakan ng isang tao sa maraming ugnayan; sangkot din sa paglago ang isang masalimuot na tanikala ng mga ugnayan; at gayon din, ang pag-aasawa ay di-mapipigilang umiral at napapanatili sa isang malawak at masalimuot na mga koneksyon ng tao, sinasangkot ang bawat taong nasa mga ugnayang ito at nakakaimpluwensiya sa kapalaran ng bawat isang bahagi nito. Ang pag-aasawa ay hindi bunga ng mga pamilya ng kapwa miyembro, ng mga kalagayan na kinalakhan nila, ng kanilang mga hitsura, ng kanilang mga edad, ng kanilang mga katangian, ng kanilang mga talento, o ng anumang iba pang mga kadahilanan; sa halip, ito ay nagmumula sa isang pinagsasaluhang misyon at isang magkaugnay na kapalaran. Ito ang pinagmumulan ng pag-aasawa, isang bunga ng kapalaran ng tao na isinaayos at inihanda ng Lumikha.

Ang Ikalimang Sugpungan: Supling

Pagkatapos mag-asawa, nagsisimula nang pangalagaan ng isang tao ang susunod na henerasyon. Walang kontrol ang tao sa bilang at uri ng mga anak na mayroon siya; pinagpasyahan din ito ng kapalaran ng isang tao at itinadhana ng Lumikha. Ito ang ikalimang sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao.

Kapag ang isang tao ay ipinanganak upang punan ang papel ng pagiging anak ng isang tao, kung gayon ay nag-aalaga ang isang tao ng susunod na henerasyon upang punan ang papel ng pagiging magulang ng isang tao. Ang paghahaliling ito ng mga papel ang nagpaparanas sa isang tao ng iba’t ibang yugto ng buhay mula sa iba’t ibang perspektibo. Binibigyan din nito ang isang tao ng iba’t ibang mga karanasan sa buhay na nagpapakilala sa kanya ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na palaging isinasagawa sa parehong paraan, at nagpaparanas sa isang tao ng katunayan na walang sinuman ang maaaring makialam o magpalit sa pagtatadhana ng Lumikha.

1. Walang Kontrol ang Isang Tao sa Mangyayari sa Sariling Supling

Ang kapanganakan, paglaki, at pag-aasawa ay naghahatid na lahat ng iba’t ibang uri at antas ng kabiguan. May mga tao na di-nasisiyahan sa kanilang mga pamilya o sa kanilang pisikal na anyo; may mga tao na hindi gusto ang kanilang mga magulang; ang ilan ay nagdaramdam o may mga reklamo sa kapaligiran na kinalakihan nila. At sa lahat ng kabiguang ito, ang pag-aasawa ang pinakahindi kasiya-siya para sa karamihan ng mga tao. Kahit gaano pa di-kasiya-siya para sa isang tao ang kanyang kapanganakan, pag-abot sa hustong pag-iisip, o pag-aasawa, alam ng bawat isang dumaan na sa mga ito na hindi mapipili ng isang tao kung saan at kailan siya ipapanganak, ano ang hitsura niya, sino ang kanyang mga magulang, at sino ang kanyang kabiyak, ngunit tinatanggap lamang niya ang kalooban ng Langit. Subalit kapag dumating na ang panahon upang mag-aruga ang mga tao ng susunod na henerasyon, kanilang ipinapasa ang lahat ng kanilang di-natupad na mga pagnanais sa unang bahagi ng kanilang buhay sa kanilang mga inanak, umaasa na mababawi ng kanilang mga supling ang lahat ng kabiguan na naranasan nila sa unang bahagi ng kanilang mga buhay. Kung kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng uri ng pagpapantasya tungkol sa kanilang mga anak: na ang kanilang mga anak na babae ay magiging nakamamanghang mga dilag, na ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging makisig at maginoo; na ang kanilang mga anak na babae ay magkakaroon ng pinag-aralan at magkakaroon ng mga talento at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging mga napakatalinong mag-aaral at nangungunang atleta; na ang kanilang mga anak na babae ay magiging magiliw, mabait, at matino, at ang kanilang mga anak na lalaki ay magiging matalino, mahusay, at madaling makaramdam. Umaasa sila na mapababae o mapalalaki man ang kanilang anak, igagalang nito ang nakatatanda sa kanila, magiging maalalahanin sa kanilang mga magulang, mamahalin at pupurihin ng lahat…. Sa puntong ito, muling bumubukal ang pag-asa sa buhay, at nag-aalab ang mga bagong simbuyo sa puso ng mga tao. Alam ng mga tao na sila’y walang kapangyarihan at walang-pag-asa sa buhay na ito, na hindi na sila magkakaroon ng ibang pagkakataon o ng ibang pag-asa na mamukod-tangi sa iba, at wala na silang magagawa kundi ang tanggapin ang kanilang mga kapalaran. At kaya ipinapasa nila ang lahat ng kanilang pag-asa, ang kanilang di-natupad na mga ninanais at mithiin, sa susunod na henerasyon, umaasa na makakatulong sa kanila ang kanilang supling na makamit ang kanilang mga pangarap at matupad ang kanilang mga ninanais; na ang kanilang mga anak na babae at mga anak na lalaki ay magdadala ng karangalan sa pangalan ng pamilya, magiging importante, mayaman, o bantog. Sa madaling salita, nais nilang makita na pumapailanlang ang tagumpay ng kanilang mga anak. Ang mga plano at pantasya ng mga tao ay perpekto; hindi ba nila alam na ang bilang ng mga anak na mayroon sila, ang hitsura, mga kakayahan ng kanilang mga anak, at iba pa, ay hindi nila mapagpapasyahan, na ni kapiraso ng mga kapalaran ng kanilang mga anak ay wala sa kanilang mga palad? Ang mga tao ay hindi mga panginoon ng kanilang sariling kapalaran, subalit umaasa sila na mababago nila ang mga kapalaran ng mas nakababatang henerasyon; wala silang kapangyarihan na takasan ang kanilang sariling mga kapalaran, subalit sinusubukan nilang kontrolin ang kapalaran ng kanilang mga anak na babae’t lalaki. Hindi kaya nasosobrahan ang tiwala nila sa kanilang mga sarili? Hindi ba ito kahangalan at kamangmangan ng tao? Ang lahat ay gagawin ng mga tao para sa kapakanan ng kanilang supling, subalit sa bandang huli, hindi maaaring diktahan ng mga plano at mga naisin ng isang tao kung gaano karami at kung anong uri ang mga anak na mayroon sila. May mga tao na walang pera subalit nagkakaanak ng marami; ang ilang tao ay mayaman ngunit wala ni isang anak. Ang ilan ay gusto ng isang anak na babae ngunit pinagkaitan ng ganoong kahilingan; ang ilan ay gusto ng isang anak na lalaki ngunit bigong magkaanak ng lalaki. Para sa ilan, ang mga anak ay isang pagpapala; para sa iba, sila ay isang sumpa. May mga mag-asawa na matatalino, ngunit nagkakaanak ng mga batang mapupurol ang isip; may mga magulang na masisipag at matatapat, ngunit ang mga pinalalaki nilang anak ay mga tamad. Ang ilang magulang ay mababait at matuwid subalit may mga anak na nagiging mapanlinlang at malupit. May mga magulang na matino ang isip at katawan subalit nagkakaanak ng mga may-kapansanan. May mga magulang na pangkaraniwan at di-matagumpay gayunpaman ay may mga anak na nakagagawa ng mga dakilang bagay. May mga magulang na mabababa ang kinalalagyan datapwat may mga anak na umaangat sa kasikatan. …

2. Pagkatapos Palakihin ang Susunod na Henerasyon, Nagtatamo ang mga Tao ng Bagong Pagkaunawa sa Kapalaran

Karamihan sa mga tao na nag-aasawa ay ginagawa ito sa mga edad na tatlumpu, at sa puntong ito ng buhay, walang anumang pagkaunawa ang isang tao sa tadhana ng tao. Subalit kapag nagsimulang magpalaki ng mga anak ang mga tao, at habang lumalaki ang kanilang supling, napagmamasdan nilang inuulit ng bagong henerasyon ang buhay at ang lahat ng karanasan ng nakaraang henerasyon, at dahil nasasalamin nila ang kanilang sariling mga nakaraan sa kanila, natatanto nila na ang daan na tinatahak ng mas batang henerasyon, tulad din ng sa kanila, ay hindi maaaring planuhin at piliin. Nahaharap sa ganitong katotohanan, wala silang pagpipilian kundi ang aminin na ang kapalaran ng bawat tao ay naitadhana; at nang hindi ganap na natatanto ito, unti-unti nilang isinasantabi ang sarili nilang mga pagnanais, at ang mga kinahihiligan ng kanilang mga puso ay iwinawaksi at namamatay…. Sa panahong ito, ang mga tao ay nakalampas na sa karamihan ng mahahalagang pagsubok sa buhay, nakamit na ang isang bagong pagkaunawa sa buhay, at nagkaroon ng bagong saloobin. Gaano karami ang maaaring asahan sa hinaharap ng isang tao sa ganitong edad at ano ang mga posibilidad na dapat nilang asamin? Sinong limampung taong gulang na babae ang nangangarap pa rin kay Prince Charming? Sinong limampung taong gulang na lalaki ang naghahanap pa rin sa kanyang Snow White? Sinong nasa katanghaliang-gulang na babae ang umaasa pa rin na maging isang sisne mula sa pagiging pangit na sisiw ng pato? Ang karamihan ba sa mga nakatatandang lalaki ay mayroong parehong sigla sa karera tulad ng mga kabataang lalaki? Sa kabuuan, lalaki man o babae ang isang tao, ang sinumang nabubuhay sa edad na ito ay malamang na may makatwiran at praktikal na saloobin sa pag-aasawa, pamilya, at mga anak. Ang ganoong tao, kung tutuusin, ay wala nang natitirang pagpipilian at wala nang simbuyo na hamunin ang kapalaran. Kung karanasan ng tao ang pag-uusapan, sa sandaling makarating ang isang tao sa edad na ito, siya ay natural na nagkakaroon ng ganitong saloobin: “Dapat tanggapin ang kapalaran; ang mga anak ng isang tao ay may kani-kaniyang sariling suwerte; ang kapalaran ng tao ay itinadhana ng Langit.” Karamihan sa mga tao na hindi nakakaunawa ng katotohanan, matapos malampasan ang lahat ng malalaking pagbabago, pagkabigo, at paghihirap sa mundong ito, ay ibubuod ang kanilang mga pananaw sa buhay ng tao sa tatlong salita: “Ganyan ang kapalaran!” Bagaman binubuod ng pariralang ito ang pagkatanto sa kapalaran ng tao at ang nabuong konklusyon ng makasanlibutang mga tao, at bagama’t ito ay nagpapahayag ng kawalang-kakayahan ng sangkatauhan at masasabi na tumatagos at tumpak, ito’y napakalayo sa pagkaunawa sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at ito ay talagang hindi pamalit sa kaalaman tungkol sa awtoridad ng Lumikha.

3. Ang Paniniwala sa Kapalaran ay Hindi Pamalit sa Kaalaman Tungkol sa Kataas-taasang Kapangyarihan ng Lumikha

Matapos maging isang tagasunod ng Diyos nang napakaraming taon, mayroon bang makabuluhang pagkakaiba sa kaalaman sa kapalaran sa pagitan ninyo at ng makasanlibutang mga tao? Tunay ba ninyong nauunawaan ang pagtatadhana ng Lumikha, at tunay ba ninyong nalalaman ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha? May ilang tao na may malalim at taos-pusong nadaramang pagkaunawa sa pariralang “ganyan ang kapalaran,” subalit hindi sila nananalig man lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi sila naniniwala na ang kapalaran ng tao ay inihanda at isinaayos ng Diyos, at hindi sila handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga ganoong tao ay para bang natangay ng agos ng dagat, inihampas ng mga alon, lumulutang sa agos, at walang magawa kundi ang maghintay nang walang kibo at isuko ang kanilang mga sarili sa kapalaran. Ngunit hindi nila nakikilala na ang kapalaran ng tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi nila kayang matalos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sarili nilang pagkukusa, at nang sa gayon ay makamit ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos, huminto sa paglaban sa kapalaran, at mabuhay sa ilalim ng pangangalaga, proteksyon, at paggabay ng Diyos. Sa ibang salita, ang pagtanggap sa kapalaran ay hindi katulad ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay hindi nangangahulugang tinatanggap, kinikilala, at nalalaman ng isang tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay pagkilala lamang sa katotohanan nito at sa panlabas na pagpapamalas nito. Iba ito sa pagkakaalam kung paano pinamamahalaan ng Lumikha ang kapalaran ng sangkatauhan, mula sa pagkilala na ang Lumikha ang pinagmumulan ng pamamahala sa lahat ng kapalaran ng lahat ng bagay, at tiyak na malayo sa pagpapasailalim sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha para sa kapalaran ng sangkatauhan. Kung ang isang tao ay naniniwala lamang sa kapalaran—kahit na matindi ang paniniwala niya dito—ngunit hindi nalalaman, nakikilala, nagpapasailalim, at tinatanggap ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng sangkatauhan, kung gayon ang buhay niya ay magiging isang trahedya, isang buhay na isinasabuhay nang walang saysay, isang kahungkagan; siya ay hindi pa rin mapapasailalim sa pangingibabaw ng Lumikha, upang maging isang nilikhang tao sa pinakatotoong kahulugan ng parirala, at tamasahin ang pagsang-ayon ng Lumikha. Ang isang tao na tunay na nakakatalos at nakakaranas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay dapat aktibo, hindi walang-kibo o nasa kawalang-kakayahang kalagayan. Kahit na tinatanggap ng taong ito na ang lahat ng bagay ay itinadhana, siya ay dapat magtaglay ng isang tumpak na kahulugan ng buhay at kapalaran: na ang bawat buhay ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kapag nililingon ng isang tao ang daan na kanyang tinahak, kapag ginugunita niya ang bawat yugto ng kanyang paglalakbay, makikita niya na sa bawat hakbang, nakakapagod man o magaan ang kanyang paglalakbay, ang Diyos ay gumagabay sa landas ng isang tao at pinaplano ito. Ang maingat na mga pagsasaayos ng Diyos, ang Kanyang maingat na pagpaplano, ang umakay sa tao, nang hindi niya nalalaman, tungo sa ngayon. Ang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha at tanggapin ang Kanyang pagliligtas—anong dakilang kayamanan iyon! Kapag negatibo ang saloobin ng isang tao sa kapalaran, pinapatunayan nito na siya ay tumututol sa lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya, na siya ay walang nagpapasakop na saloobin. Kapag ang saloobin ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao ay positibo, kapag nagbalik-tanaw siya sa sarili niyang paglalakbay, kapag tunay niyang nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas marubdob niyang nanaisin na magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, magkakaroon ng mas matibay na determinasyon at pagtitiwala na hayaan ang Diyos na isaayos ang kanyang kapalaran, at huminto sa pagrerebelde laban sa Diyos. Sapagkat nakikita ng isang tao na kapag hindi niya naiintindihan ang kapalaran, kapag hindi niya nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, kapag nangangapa siya nang pasulong nang kusang-loob, pasuray-suray at pagiray-giray sa kalituhan, ang paglalakbay ay napakahirap at masyadong nakakasakit ng damdamin. Kaya kapag nakikilala ng mga tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, pinipili ng matatalino na alamin at tanggapin ito, na magpaalam sa masasakit na araw nang sinubukan nilang magtatag ng isang mabuting buhay sa sarili nilang mga kamay, na tigilan ang pakikipagbuno laban sa kapalaran at ang paghahangad ng kanilang tinatawag na “mga layunin sa buhay” sa sarili nilang kaparaanan. Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya Siya nakikita, kapag hindi niya malinaw na nakikilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang bawat araw ay walang kabuluhan, walang halaga, kahabag-habag. Saanman naroroon ang isang tao, anuman ang trabaho niya, ang paraan ng paghahanap-buhay niya at ang pagsisikap niya sa sariling mga layunin ay nagdadala lamang sa kanya ng walang-katapusang sakit sa damdamin at di-maibsang pagdurusa, hanggang sa hindi na siya makalingon sa nakaraan. Sa pamamagitan lamang ng pagtanggap ng isang tao sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, pagpapasailalim sa Kanyang mga pagsasaayos at paghahanda, at paghahanap sa tunay na buhay ng tao siya unti-unting makakalaya mula sa lahat ng sakit ng damdamin at pagdurusa, at maiibsan ang lahat ng kahungkagan sa buhay.

4. Tanging ang mga Nagpapasakop sa Dakilang Kapangyarihan ng Lumikha ang Maaaring Makatamo ng Tunay na Kalayaan

Dahil hindi nakikilala ng mga tao ang pagsasaayos ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi nilang hinaharap ang kapalaran nang may pagtanggi at mapanghimagsik na saloobin, at palaging nais isantabi ang awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na mababago ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan at mapapalitan ang kanilang kapalaran. Subalit hindi sila kailanman magtatagumpay at nahahadlangan sila sa bawat liko. Ang pakikibakang ito na nagaganap sa kaibuturan ng sariling kaluluwa ay nagdudulot ng matinding sakit na tila tagos hanggang buto habang unti-unti niyang inaaksaya ang kanyang buhay. Ano ang sanhi ng sakit na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa ang tao ay ipinanganak na hindi maswerte? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Pangunahin na ito ay dahil sa mga landas na tinatahak ng mga tao, sa mga paraan na pinili ng mga tao na isabuhay ang kanilang mga buhay. May ilang tao na maaaring hindi nakatanto ng mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman, kapag tunay mong nakikilala na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng pinlano at pinagpasyahan ng Diyos para sa iyo ay isang malaking benepisyo at proteksyon, kung gayon unti-unting mapapawi ang iyong sakit, at ang buo mong pagkatao ay walang tensyon, malaya, may kasarinlan. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang sakit; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kung kaya, kapag hindi talaga makilala ng mga tao ang katotohanan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay na pantao, kung hindi sila tunay na makapagpapasakop sa pangingibabaw ng Lumikha, kung gayon ay magiging mahirap para sa kanila na hindi madala at hindi mapigilan ng ideya na “ang kapalaran ng isang tao ay nasa kanyang sariling mga kamay.” Magiging mahirap para sa kanila na pagpagin ang sakit ng kanilang matinding pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha, at hindi man kailangang sabihin, magiging mahirap din para sa kanila na maging tunay na napalaya at nakalagan, na maging mga taong sumasamba sa Diyos. Ngunit may napakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan: ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layunin sa buhay, at ibuod at suriin ang dating istilo ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga pagsusumikap, mga pagnanais, at mga minimithi; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung tugma ang alinman sa mga ito sa kalooban at mga hinihingi ng Diyos, kung may alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang prinsipyo sa buhay, nagdadala sa isang tao sa isang mas malaking pagkaunawa sa katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mabuhay nang may pagkatao at kawangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na sinusuri ang iba’t ibang layunin sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang di-mabilang na paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa kanila ay hindi akma sa orihinal na layon ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong makilala ito, ang tungkulin mo ay isantabi ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring mga patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para sa iyo; ito ay para subukan lamang na magpasakop sa mga pagsasaayos at paggabay ng Diyos, na mamuhay na hindi gumawa ng pagpili bilang isang indibiduwal, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos. Mukhang madali ito, ngunit isang bagay ito na mahirap gawin. Kayang tiisin ng ilang tao ang sakit nito, ang iba’y hindi. May ilan na handang sumunod, ang iba ay hindi. Ang mga hindi handa ay kulang sa pagnanais at sa kapasyahan na gawin ito; malinaw na batid nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, alam na alam nila na ang Diyos ang Siyang nagpaplano at nagsasaayos ng kapalaran ng tao, gayunman ay patuloy silang sumisipa at nakikibaka at nanatiling hindi umaayon na ilagay ang kanilang mga kapalaran sa palad ng Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dagdag pa rito, naghihinanakit sila sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos. Kung kaya palaging magkakaroon ng ilang tao na nagnanais makita para sa kanilang mga sarili kung ano ang kaya nilang gawin; nais nilang baguhin ang kanilang mga kapalaran sa sarili nilang mga kamay, o makamit ang kaligayahan sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan, upang makita kung malalampasan nila ang hangganan ng awtoridad ng Diyos at pangibabawan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang trahedya sa tao ay hindi ang paghahanap niya ng maligayang buhay, hindi sa hinahangad niya ang katanyagan at tagumpay o mga pakikibaka laban sa kanyang sariling kapalaran sa kalituhan, kundi pagkatapos niyang makita ang pag-iral ng Lumikha, matapos niyang matutuhan ang katotohanan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, hindi pa rin niya maiwasto ang kanyang mga nakagawian, hindi niya maalis ang kanyang mga paa sa pusali, ngunit pinatitigas ang kanyang puso at nagpupumilit sa kanyang mga pagkakamali. Mas nanaisin pa niyang magpatuloy na maglupasay sa putikan, matigas ang ulong nakikipagpaligsahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, nilalabanan ito hanggang sa mapait na katapusan, nang wala ni katiting na pagsisisi. Magpapasya lamang siyang sumuko at bumalik kapag siya’y nakahiga nang wasak at nagdurugo. Ito ang tunay na pighati ng tao. Kaya sinasabi Ko, ang mga pumipili na magpasakop ay matatalino, at ang mga pumipili na makipagbuno at tumakas ay hangal.

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger