Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang Matuwid na Disposisyon ng Diyos (Ikatlong Bahagi)

Limang Uri ng mga Tao

Pansamantala, iiwan Ko muna rito ang ating pagbabahaginan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ang susunod ay Aking uuriin ang mga tagasunod ng Diyos sa ilang kategorya, batay sa kanilang pagkaunawa sa Diyos at kanilang pagkaunawa at karanasan sa Kanyang matuwid na disposisyon, upang malaman ninyo ang yugto kung saan kayo naroroon sa kasalukuyan, gayundin ang inyong kasalukuyang tayog. Pagdating sa kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos at sa kanilang pagkaunawa sa Kanyang matuwid na disposisyon, ang iba’t ibang mga yugto at tayog na kinalalagyan ng mga tao ay mahahati sa limang uri sa pangkalahatan. Ang paksang ito ay pinagtitibay batay sa pagkakakilala sa natatanging Diyos at sa Kanyang matuwid na disposisyon. Samakatuwid, habang binabasa ninyo ang sumusunod na nilalaman, kailangang subukan ninyo nang buong ingat na alamin nang tumpak kung gaano ang pagkaunawa at kaalaman na mayroon kayo tungkol sa pagiging natatangi ng Diyos at Kanyang matuwid na disposisyon, at pagkatapos, gamitin ninyo ang resulta upang hatulan kung saang yugto na kayo tunay na nabibilang, gaano kalaki ang tunay ninyong tayog, at kung anong uri talaga kayo ng tao.

Unang Uri: Ang Yugto ng Sanggol na Nababalot ng Lampin

Ano ang ibig sabihin ng “isang sanggol na nababalot ng lampin”? Ang isang sanggol na nababalot ng lampin ay isang sanggol na kadarating pa lamang sa mundong ito, isang bagong silang. Ito ay kung kailan ang mga tao ay nasa kanilang pinakamurang anyo.

Ang mga tao sa yugtong ito ay wala talagang taglay na kamalayan o kaalaman sa mga bagay tungkol sa paniniwala sa Diyos. Sila ay naguguluhan at walang alam sa lahat ng bagay. Ang mga taong ito ay maaaring matagal nang naniwala sa Diyos o hindi pa naman katagalan, ngunit ang kanilang lito at walang nalalamang kalagayan at ang kanilang tunay na tayog ang naglalagay sa kanila sa yugto ng isang sanggol na nababalot ng lampin. Ang tiyak na kahulugan ng mga kundisyon ng isang sanggol na nababalot ng lampin ay ganito: Gaano man katagal naniwala sa Diyos ang uri ng taong ito, lagi siyang malilito at may magulo at mahinang pag-iisip; hindi niya alam kung bakit siya naniniwala sa Diyos, ni hindi niya alam kung sino ang Diyos o sino ba ang Diyos. Bagaman sumusunod siya sa Diyos, walang tumpak na kahulugan ang Diyos sa kanyang puso, at hindi niya matukoy kung ang sinusunod ba niya ay ang Diyos, mas lalo na kung talagang dapat siyang maniwala sa Diyos at sumunod sa Kanya. Ito ang tunay na kalagayan ng ganitong uri ng tao. Ang pag-iisip ng mga taong ito ay malabo, at sa madaling salita, ang kanilang paniniwala ay puno ng kalituhan. Lagi silang nabubuhay sa isang kalagayang naguguluhan at natutulala; “pagiging magulo ng pag-iisip”, “pagkalito” at “pagiging mahina ng pag-iisip” ang nagbubuod sa kanilang mga kalagayan. Hindi pa nila kailanman nakikita ni nararamdaman ang pag-iral ng Diyos, at samakatuwid, ang pakikipag-usap sa kanila tungkol sa pagkakilala sa Diyos ay parang pagpapabasa sa kanila ng isang aklat na nakasulat sa heroglipiko—hindi nila ito maiintindihan ni tatanggapin man. Para sa kanila, ang pagkakilala sa Diyos ay katulad ng pagkadinig sa isang hindi kapani-paniwalang kuwento. Bagaman ang kanilang mga isipan ay maaaring malabo, matatag talaga ang kanilang paniniwala na ang pagkakilala sa Diyos ay isang lubos na pag-aaksaya ng panahon at lakas. Ito ang unang uri ng tao: isang sanggol na nababalot ng lampin.

Ikalawang Uri: Ang Yugto ng Sanggol na Pinasususo

Kung ihahambing sa isang sanggol na nababalot ng lampin, ang uring ito ng tao ay may nagawa nang ilang progreso. Ang nakalulungkot nga lang ay wala pa rin silang kahit anumang pagkaunawa sa Diyos. Kulang pa rin sila sa malinaw na pagkakaintindi at maliwanag na pagkaunawa sa Diyos, at hindi masyadong malinaw sa kanila kung bakit kailangan nilang maniwala sa Diyos, ngunit sa kanilang mga puso may sarili silang layunin at malinaw na mga ideya. Hindi nila ipinag-aalala kung tama ba na maniwala sila sa Diyos. Ang tunguhin at layunin na kanilang hinahanap sa pamamagitan ng paniniwala sa Diyos ay para matamasa ang Kanyang biyaya, para magkaroon ng kaligayahan at kapayapaan, para mamuhay nang maginhawa, para matamo ang pagkalinga at pag-iingat ng Diyos at mabuhay sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos. Hindi nila inaalala ang antas ng kanilang pagkakilala sa Diyos; wala silang pagnanasa na maghangad ng pagkaunawa sa Diyos, at ni hindi nila inaalala kung ano ang ginagawa ng Diyos o ano ang nais Niyang gawin. Walang taros lang nilang hinahangad na matamasa ang Kanyang biyaya at matamo ang mas marami pa Niyang pagpapala; hinahangad nilang magkamit ng makasandaan sa kasalukuyang kapanahunan, at buhay na walang hanggan sa kapanahunang darating. Ang kanilang mga saloobin, kung gaano nila ginugugol ang sarili, at kanilang debosyon, at maging ang kanilang pagdurusa, lahat ay magkakapareho ng layon: para makamit ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos. Wala silang malasakit para sa ano pa mang bagay. Ang ganitong uri ng tao ay nakatitiyak lamang na maaaring panatilihing ligtas ng Diyos ang mga tao at ipagkaloob sa kanila ang Kanyang biyaya. Maaaring sabihin na hindi sila interesado o hindi masyadong malinaw sa kung bakit nais ng Diyos na iligtas ang tao o sa nais ng Diyos na makuhang resulta sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Hindi sila kailanman nagsikap na malaman ang diwa at matuwid na disposisyon ng Diyos, ni hindi rin nila mapukaw ang interes na gawin ito. Wala rin silang kagustuhang bigyan ng pansin ang mga bagay na ito, ni hindi rin nila ninanais na malaman ang mga ito. Hindi nila nais na magtanong tungkol sa gawain ng Diyos, mga hinihingi ng Diyos sa tao, kalooban ng Diyos, o anumang may kaugnayan sa Diyos; at wala rin silang kagustuhang magtanong tungkol sa mga bagay na ito. Ito ay dahil naniniwala sila na ang mga bagay na ito ay walang kaugnayan sa kanilang pagtamasa ng biyaya ng Diyos, at ang iniisip lamang nila ay ang Diyos na may tuwirang kaugnayan sa kanilang mga pansariling interes, at makapagkakaloob ng biyaya sa tao. Wala silang interes sa kahit ano pa man, kaya’t hindi sila makapasok sa realidad ng katotohanan, kahit gaano pa karaming taon silang naniwala sa Diyos. Kung walang sinumang magdidilig o magpapakain sa kanila nang madalas, mahihirapan silang magpatuloy sa landas ng paniniwala sa Diyos. Kung hindi nila matatamasa ang kanilang naunang kaligayahan at kapayapaan o biyaya ng Diyos, mas malamang na sila ay umurong na. Ito ang pangalawang uri ng tao: ang taong nabubuhay sa yugto ng sanggol na pinasususo.

Pangatlong Uri: Ang Yugto ng Sanggol na Nagsisimula nang Kumain o ang Yugto ng Pagiging Batang Musmos

Ang grupong ito ng mga tao ay nagtataglay ng ilang malinaw na kamalayan. Ang mga taong ito ay may kamalayan na ang pagtamasa sa biyaya ng Diyos ay hindi nangangahulugan na nagtataglay sila mismo ng tunay na karanasan; alam nila na kung hindi sila mapapagod sa paghahanap ng kaligayahan at kapayapaan, ng paghahangad ng biyaya, o kung makapagpapatotoo sila sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kanilang mga karanasan sa pagtamasa sa biyaya ng Diyos o sa pamamagitan ng pagpupuri sa Diyos para sa mga pagpapala na ipinagkaloob Niya sa kanila, ang mga bagay na ito ay hindi nangangahulugan na nagtataglay sila ng buhay, ni nangangahulugan na taglay nila ang realidad ng katotohanan. Simula nang sila ay nagkamalay, itinitigil nila ang pag-asa nang labis na sila ay sasamahan lamang ng biyaya ng Diyos; sa halip, habang tinatamasa nila ang biyaya ng Diyos, kasabay nilang hinahangad na may gawin para sa Diyos; handa silang isagawa ang kanilang tungkulin, na magtiis ng kaunting hirap at kapaguran, na magkaroon ng kaunting pakikipagtulungan sa Diyos. Ngunit, dahil ang pagsusumikap nila sa kanilang paniniwala sa Diyos ay sobrang may halo, dahil ang pansariling mga intensyon at hangarin na kanilang kinikimkim ay sobrang malakas, dahil ang kanilang disposisyon ay sobrang mayabang, napakahirap para sa kanila na tuparin ang hangarin ng Diyos o maging tapat sa Diyos. Samakatuwid, madalas nilang hindi natutupad ang kanilang pansariling mga kagustuhan o tinutupad ang kanilang mga pangako sa Diyos. Madalas nilang masumpungan ang kanilang mga sarili sa mga salungat na kalagayan: Gustong-gusto nilang bigyang kasiyahan ang Diyos sa pinakamataas na antas na maaari, ngunit ginagamit nila ang lahat ng kanilang lakas upang kalabanin Siya, at madalas silang mangako sa Diyos ngunit madali ring sirain ang kanilang mga pangako. Lalong madalas na nakikita nila ang kanilang mga sarili sa iba pang salungat na kalagayan: Taos puso silang naniniwala sa Diyos, ngunit Siya at lahat ng bagay na nagmumula sa Kanya ay ikinakaila nila; balisa silang umaasa na bibigyang-liwanag sila ng Diyos, aakayin sila, tutustusan sila, at tutulungan sila, ngunit ang sarili pa rin nilang pamamaraan ang sinusunod. Nais nilang unawain at kilalanin ang Diyos, ngunit hindi nila nais na lumapit sa Kanya. Sa halip, lagi nilang iniiwasan ang Diyos at sarado ang kanilang puso sa Kanya. Bagaman mayroon silang mababaw na pagkaunawa at karanasan sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, at isang mababaw na konsepto ng Diyos at katotohanan, sa kawalang malay ay hindi pa rin nila mapagtibay o matiyak kung ang Diyos ang katotohanan, ni hindi nila mapagtibay kung ang Diyos ay talagang matuwid. Hindi rin nila matiyak ang pagiging totoo ng diwa at disposisyon ng Diyos, mas lalo na ang Kanyang tunay na pag-iral. Ang kanilang paniniwala sa Diyos ay laging may kaakibat na mga pag-aalinlangan at hindi pagkakaunawa, at mayroon ding mga pantasya at mga kuru-kuro. Habang tinatamasa nila ang biyaya ng Diyos, nag-aatubili rin silang danasin o isagawa ang ilang katotohanan na kanilang itinuturing na maaaring gawin upang pagyamanin ang kanilang paniniwala, upang madagdagan ang kanilang karanasan sa paniniwala sa Diyos, upang patunayan ang kanilang pagkaunawa sa paniniwala sa Diyos, upang bigyang-kasiyahan ang kanilang banidad sa pamamagitan ng paglalakad sa landas ng buhay na sila mismo ang nagtatag at pagsasakatuparan ng isang matuwid na pakikipagsapalaran para sa sangkatauhan. Gayundin, ginagawa rin nila ang mga bagay na ito upang matupad ang kanilang sariling hangarin na magkamit ng mga pagpapala, na bahagi ng isang pagpusta na ginawa nila sa pag-asang makatatanggap pa ng mas maraming pagpapala para sa sangkatauhan, at upang maisakatuparan ang kanilang mapaghangad na mithiin at panghabang-buhay na hangarin na huwag magpahinga hanggang sa makamit nila ang Diyos. Ang mga taong ito ay bihirang makatamo ng kaliwanagan ng Diyos, sapagkat ang kanilang hangarin at ang kanilang intensyon na makatamo ng mga pagpapala ay napakahalaga sa kanila. Wala silang hangarin na isuko ito, at hindi nga nila ito kayang gawin. Natatakot sila na kapag wala ang paghahangad na magkamit ng mga pagpapala, kung wala ang matagal nang itinatanging mithiin na hindi pagpapahinga hangga’t hindi nila nakakamit ang Diyos, mawawala nila ang kanilang motibasyon na maniwala sa Diyos. Samakatuwid, hindi nila nais na harapin ang realidad. Hindi nila nais na harapin ang mga salita ng Diyos o ang gawain ng Diyos. Hindi nila nais na harapin ang diwa o disposisyon ng Diyos, mas lalo na ang banggitin ang paksa ng pagkakilala sa Diyos. Ito ay dahil sa sandaling ang Diyos, Kanyang diwa, at Kanyang matuwid na disposisyon ay palitan ang kanilang mga pantasya, ang kanilang mga pangarap ay maglalahong parang usok, at ang kanilang tinatawag na dalisay na pananampalataya at “mga merito” na naipon sa maraming taon ng maingat na paggawa ay maglalaho at mauuwi sa wala. Gayon din naman, ang kanilang “teritoryo” na kanilang nilupig sa pamamagitan ng kanilang dugo at pawis sa maraming taon ay haharap sa pagbagsak. Magpapahiwatig ang lahat ng ito na ang kanilang maraming taon ng pagsusumikap at pagpupunyagi ay walang saysay, at na kailangan nilang magsimulang muli sa wala. Ito ang pinakamatinding kirot na kanilang papasanin sa kanilang mga puso, at ito ang bunga na pinakaayaw nilang makita, kung kaya lagi silang nakakulong sa ganitong uri ng kalagayang wala nang magawa, tumatangging bumalik muli. Ito ang pangatlong uri ng tao: ang taong nasa yugto ng sanggol na nagsisimula nang kumain.

Ang tatlong uri ng mga tao na inilarawan sa itaas—sa madaling salita, ang mga taong nabubuhay sa tatlong yugtong ito—ay hindi nagtataglay ng anumang tunay na paniniwala sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos o sa Kanyang matuwid na disposisyon, at ni wala silang anumang malinaw at tumpak na pagkilala o pagpapatunay sa mga bagay na ito. Samakatuwid, napakahirap para sa tatlong uri ng mga taong ito na pumasok sa realidad ng katotohanan, at napakahirap din para sa kanila na tanggapin ang awa ng Diyos, kaliwanagan o pagpapalinaw sapagkat ang pamamaraan ng kanilang paniniwala sa Diyos at ang kanilang maling saloobin tungo sa Diyos ay ginagawang imposible para sa Kanya na makapagsagawa sa kanilang mga puso. Ang kanilang mga pag-aalinlangan, mga maling pagkakaintindi at mga pantasya patungkol sa Diyos ay lumalagpas sa kanilang paniniwala at kaalaman tungkol sa Diyos. Ito ang tatlong uri ng mga tao na nasa malaking panganib, at ang mga ito ang tatlong lubhang mapanganib na mga yugto. Kapag pinanatili ng isang tao ang isang saloobin ng pag-aalinlangan sa Diyos, sa diwa ng Diyos, sa pagkakakilanlan ng Diyos, ang usapin tungkol sa kung ang Diyos ang katotohanan at ang pagiging totoo ng Kanyang pag-iral, at kapag ang isang tao ay hindi nakatitiyak sa mga bagay na ito, paano matatanggap ng ninuman ang lahat ng bagay na nagmumula sa Diyos? Paano matatanggap ng ninuman ang katunayan na ang Diyos ang katotohanan, ang daan at ang buhay? Paano matatanggap ng ninuman ang pagkastigo at paghatol ng Diyos? Paano matatanggap ng ninuman ang pagliligtas ng Diyos? Paano makakamtan ng ganitong uri ng tao ang tunay na paggabay at pagtustos ng Diyos? Ang mga nasa tatlong yugtong ito ay kayang labanan ang Diyos, husgahan ang Diyos, lapastanganin ang Diyos o ipagkanulo ang Diyos sa anumang oras. Makakaya nilang talikuran ang tunay na daan at ipagkanulo ang Diyos sa anumang oras. Masasabi ng sinuman na ang mga tao sa tatlong yugtong ito ay nabubuhay sa isang kritikal na panahon, sapagkat hindi sila nakapasok sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos.

Pang-apat na Uri: Ang Yugto ng Pagiging Ganap na Bata, o ang Pagkabata

Pagkatapos maawat sa pagsuso ang isang tao—iyon ay, kapag natamasa na nila ang sapat na dami ng biyaya—nagsisimula na silang magsiyasat kung ano ang ibig sabihin ng maniwala sa Diyos, nagsisimula silang naisin na maunawaan ang iba’t ibang tanong, tulad ng bakit nabubuhay ang tao, paano dapat mamuhay ang tao, at bakit isinasagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa tao. Kapag lumilitaw at umiiral sa kanilang kalooban ang mga hindi malinaw na kaisipan at mga nakalilitong proseso ng pag-iisip, patuloy silang nakatatanggap ng pagdidilig at nagagampanan din nila ang kanilang tungkulin. Sa panahong ito, wala na silang anumang mga pag-aalinlangan tungkol sa pagiging totoo ng pag-iral ng Diyos, at may wasto na silang pagkakaunawa sa kung ano ang kahulugan ng maniwala sa Diyos. Sa ibabaw ng pundasyong ito, unti-unti silang nakatatamo ng kaalaman tungkol sa Diyos, at unti-unti silang nagkakamit ng ilang kasagutan sa kanilang hindi malinaw na kaisipan at nakalilitong mga proseso ng pag-iisip tungkol sa diwa at disposisyon ng Diyos. Tungkol sa kanilang mga pagbabago sa disposisyon at gayon din sa kanilang kaalaman sa Diyos, ang mga tao sa yugtong ito ay nagsisimulang tumuntong sa tamang landas, at pumasok sa isang panahon ng pagbabago. Sa loob ng yugtong ito nagsisimulang magkabuhay ang mga tao. Ang malinaw na mga tanda ng pagkakaroon ng buhay ay ang unti-unting pagkakasagot sa iba’t ibang mga katanungan na may kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos na nasa puso ng mga tao—tulad ng mga hindi pagkakaunawaan, mga pantasya, mga kuru-kuro, at mga malalabong pakahulugan sa Diyos—at hindi lamang nila lubos na pinaniniwalaan at nakikilala ang pagiging totoo ng pag-iral ng Diyos, kundi nagkakaroon din sila ng isang tumpak na pakahulugan sa Diyos at tinataglay ang tamang lugar para sa Diyos sa kanilang mga puso, at ang tunay na pagsunod sa Diyos ay pumapalit sa kanilang malabong pananampalataya. Sa yugtong ito, unti-unting nababatid ng mga tao ang kanilang mga maling pagkakaintindi sa Diyos at ang kanilang mga maling hangarin at mga pamamaraan ng paniniwala. Nagsisimula na silang manabik sa katotohanan, manabik na maranasan ang paghatol, pagtutuwid, at disiplina ng Diyos, manabik sa pagbabago ng kanilang disposisyon. Unti-unti nilang iniiwan ang lahat ng uri ng kuru-kuro at mga pantasya tungkol sa Diyos sa yugtong ito; gayundin, binabago nila at itinatama ang kanilang maling kaalaman tungkol sa Diyos at tinatamo ang ilang tamang pangunahing kaalaman tungkol sa Diyos. Bagaman isang bahagi ng kaalamang taglay ng mga tao sa yugtong ito ang hindi gaanong tiyak o tumpak, kahit papaano ay unti-unti nilang sinisimulang iwan ang kanilang mga kuru-kuro, maling kaalaman, at mga maling pagkaunawa tungkol sa Diyos; hindi na nila pinananatili ang kanilang mga sariling kuru-kuro at mga imahinasyon tungkol sa Diyos. Nagsisimula silang matutuhan kung paano iwanan—iwanan ang mga bagay na makikita sa kanilang mga sariling kuru-kuro, mga bagay mula sa kaalaman, at mga bagay mula kay Satanas; nagsisimula silang maging handang magpasakop sa mga bagay na tama at positibo, maging sa mga bagay na nagmumula sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa katotohanan. Nagsisimula na rin silang subukang danasin ang mga salita ng Diyos, personal na alamin at isakatuparan ang Kanyang mga salita, tanggapin ang Kanyang mga salita bilang mga prinsipyo ng kanilang mga pagkilos at bilang batayan ng pagbabago ng kanilang disposisyon. Sa panahong ito, walang kamalay-malay na tinatanggap ng mga tao ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at walang kamalay-malay na tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Habang tinatanggap nila ang paghatol, pagkastigo, at mga salita ng Diyos, lalo silang nagkakamalay at lalo nilang nararamdaman na ang Diyos na kanilang pinaniniwalaan sa kanilang mga puso ay tunay na umiiral. Sa mga salita ng Diyos, sa kanilang mga karanasan at sa kanilang mga buhay, lalo nilang nararamdaman na ang Diyos ay noon pa man laging pumapatnubay sa kapalaran ng tao, at laging umaakay at tumutustos sa tao. Sa pamamagitan ng kanilang pakikiugnay sa Diyos, unti-unti nilang nakukumpirma ang pag-iral ng Diyos. Samakatuwid, bago nila ito mapagtanto, hindi nila namalayan na pinagtibay na nila at sinimulang buong tatag na maniwala sa gawain ng Diyos at pinagtibay ang mga salita ng Diyos. Sa sandaling pagtibayin ng mga tao ang mga salita at gawain ng Diyos, walang tigil na nilang itatanggi ang kanilang mga sarili, itatanggi ang kanilang mga sariling kuru-kuro, itatanggi ang kanilang sariling kaalaman, itatanggi ang kanilang sariling mga imahinasyon, at gayundin, walang tigil na hahanapin kung ano ang katotohanan at kung ano ang kalooban ng Diyos. Ang pagkakilala ng mga tao sa Diyos ay medyo mababaw sa panahong ito ng pag-unlad—ni hindi nila maipaliwanag nang malinaw ang kaalamang ito gamit ang mga salita, ni magagawang ipahayag ito nang partikular—at mayroon lamang silang pagkaunawang nakabatay sa pandama; ngunit kung itatabi sa tatlong naunang mga yugto, ang hindi pa ganap na buhay ng mga tao sa panahong ito ay nakatanggap na ng pagdidilig at panustos ng mga salita ng Diyos, at kaya nagsimula nang tumubo. Ang mga buhay nila ay katulad ng isang binhi na ibinaon sa lupa; pagkatapos makakuha ng kaunting tubig at mga sustansya, lumusot na ito mula sa ilalim ng lupa; ang pagtubo nito ay kakatawan sa pagsilang ng isang bagong buhay. Ang pagsilang na ito ay nagpapahintulot na masulyapan ng isang tao ang mga palatandaan ng buhay. Kapag may buhay ang tao, lalago sila. Samakatuwid, sa ibabaw ng mga pundasyong ito—unti-unti silang tumutungo sa tamang landas ng paniniwala sa Diyos, iniiwan ang kanilang mga sariling kuru-kuro, nakakamit ang patnubay ng Diyos—ang buhay ng mga tao ay tiyak na lalago nang paunti-unti. Sa anong basehan sinusukat ang paglagong ito? Nasusukat ito ayon sa karanasan ng isang tao sa mga salita ng Diyos at sa kanyang tunay na pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Bagaman napakahirap para sa kanila na gamitin ang kanilang sariling mga salita upang mailarawan nang wasto ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang diwa sa panahong ito ng paglago, ang grupong ito ng mga tao ay hindi na handang maghangad ng kasiyahan sa pamamagitan ng pagtamasa sa biyaya ng Diyos, o maniwala sa Diyos upang maipagpatuloy ang kanilang sariling layunin na makamit ang Kanyang biyaya. Sa halip, handa silang pagsumikapan ang pamumuhay na sumusunod sa salita ng Diyos at magpasailalim sa pagliligtas ng Diyos. Dagdag pa rito, tiwala at handa silang tanggapin ang paghatol at pagtutuwid ng Diyos. Ito ang palatandaan ng isang taong nasa yugto ng paglago.

Bagaman ang mga tao sa yugtong ito ay may kaunting kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, ang kaalamang ito ay napakalabo at hindi malinaw. Bagaman hindi nila maipaliwanag ang mga bagay na ito nang malinaw, pakiramdam nila ay may natamo na silang panloob, dahil nagkaroon na sila ng kaunting kaalaman at pagkaunawa sa matuwid na disposisyon ng Diyos sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol ng Diyos. Gayunman, lahat ito ay medyo mababaw, at nasa panimulang yugto pa lamang ito. Ang grupong ito ng mga tao ay may tiyak na pananaw na kanilang ipinakikitungo sa biyaya ng Diyos, na naipahahayag sa pagbabago ng mga layunin na kanilang sinisikap na matamo at sa paraan kung paano nila sinisikap na matamo ang mga ito. Nakita na nila sa mga salita at gawain ng Diyos, sa lahat ng uri ng Kanyang hinihingi sa tao at sa Kanyang mga pahayag tungkol sa tao, na kung hindi nila patuloy na hahanapin ang katotohanan, kung hindi pa rin nila patuloy na sisikaping pumasok sa realidad, kung hindi pa rin nila patuloy na sisikaping bigyang-lugod at kilalanin ang Diyos habang dinaranas nila ang Kanyang mga salita, mawawala nila ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos. Nakikita nila na kahit gaano nila tamasahin ang biyaya ng Diyos, hindi nila mababago ang kanilang disposisyon, mabibigyang kasiyahan o makikilala ang Diyos, at kung patuloy na mabubuhay ang mga tao sa ilalim ng biyaya ng Diyos, hindi sila magtatamo ng paglago kailanman, magkakamit ng buhay o makatatanggap ng kaligtasan. Bilang pagbubuod, kapag hindi tunay na nararanasan ng isang tao ang mga salita ng Diyos at hindi nakikilala ang Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, walang hanggan siyang mananatili sa yugto ng pagiging isang sanggol, at hindi kailanman makagagawa ng kahit isang hakbang pasulong sa paglago ng kanilang buhay. Kung mananatili ka magpakailanman sa yugto ng isang sanggol, kung hindi ka kailanman papasok sa realidad ng salita ng Diyos, kung hindi mo kailanman isinasabuhay ang salita ng Diyos, kung hindi ka kailanman nagtaglay ng tunay na paniniwala at kaalaman sa Diyos, mayroon pa kayang posibilidad na gawin kang ganap ng Diyos? Kaya, ang sinumang pumasok sa realidad ng salita ng Diyos, ang sinumang magsimulang tumanggap sa salita ng Diyos bilang kanilang buhay, sinumang magsimulang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, sinumang ang tiwaling disposisyon ay nagsimulang magbago, at sinumang may puso na nananabik sa katotohanan, na may pagnanais na makilala ang Diyos at pagnanais na tanggapin ang pagliligtas ng Diyos—ang mga taong ito ang tunay na nagtataglay ng buhay. Ito ang tunay na pang-apat na uri ng tao, ang pagiging ganap na bata, ang tao na nasa yugto ng pagkabata.

Panlimang Uri: Ang Yugto ng Ganap na Buhay, o ang Yugto ng Pagiging Matanda

Matapos maranasan at humakbang-hakbang sa yugto ng pagkabata, isang yugto ng paglago na puno nang paulit-ulit na tagumpay at kabiguan, ang buhay ng mga tao ay naging matatag, hindi na pahinto-hinto ang kanilang pagsulong, at wala nang sinumang nakahahadlang sa kanila. Bagaman ang daan pasulong ay mabato at baku-bako pa rin, hindi na sila mahihina o matatakutin; hindi na sila nangangapa sa hinaharap o nawawala ang kanilang tindig. Ang kanilang mga pundasyon ay nag-ugat na nang malalim sa tunay na karanasan sa salita ng Diyos, at ang kanilang mga puso ay nahila na ng karangalan at kadakilaan ng Diyos. Nananabik silang sundan ang mga yapak ng Diyos, na alamin ang diwa ng Diyos, na alamin ang lahat tungkol sa Diyos.

Ang mga tao sa yugtong ito ay malinaw nang nalalaman kung sino ang kanilang pinaniniwalaan, at malinaw na nilang nalalaman kung bakit dapat silang maniwala sa Diyos at sa kahulugan ng kani-kanilang mga sariling buhay; malinaw nilang nalalaman na lahat ng bagay na inihahayag ng Diyos ay ang katotohanan. Sa maraming taon ng kanilang karanasan, napagtatanto nila na kung wala ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, hindi kailanman magagawa ng sinuman na bigyang-lugod o makilala ang Diyos at hindi kailanman tunay na makahaharap sa Diyos. Sa loob ng puso ng mga taong ito ay may masidhing pagnanais na subukin sila ng Diyos, upang makita nila ang matuwid na disposisyon ng Diyos habang sinusubok sila, at upang magtamo ng isang mas dalisay na pag-ibig, at gayundin, upang lalong tunay na maunawaan at makilala ang Diyos. Ang mga tao sa yugtong ito ay lubos nang nakapagpaalam sa yugto ng pagiging sanggol at sa yugto ng pagtamasa sa biyaya ng Diyos at pagpapakabusog sa tinapay. Hindi na sila naglalagay ng labis-labis na pag-asa na magpaparaya ang Diyos at magpapakita ng awa sa kanila; sa halip, palagay ang loob nila na tumanggap at umasa para sa walang tigil na pagkastigo at paghatol ng Diyos, upang ihiwalay ang kanilang mga sarili mula sa kanilang tiwaling disposisyon at bigyang kasiyahan ang Diyos. Ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos at ang kanilang mga hangarin, o ang panghuling mga tunguhin ng kanilang mga pagsusumikap ay maliwanag lahat sa kanilang mga puso. Samakatuwid, ang mga tao sa yugto ng matanda ay ganap nang nakapagpaalam sa yugto ng malabong pananampalataya, sa yugto kung saan umaasa sila sa biyaya para sa kaligtasan, sa yugto ng wala sa gulang na buhay na hindi makatatagal sa mga pagsubok, sa yugto ng pagiging malabo, sa yugto ng pangangapa, sa yugto ng madalas na kawalan ng landas na lalakaran, sa hindi matatag na panahon ng pagsasalitan sa pagitan ng biglaang init at lamig, at sa yugto kung saan ang isang tao ay sumusunod sa Diyos nang nakatakip ang mga mata. Ang ganitong uri ng tao ang madalas makatanggap ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Diyos, at madalas na tunay na nakikipag-ugnay at nakikipag-usap sa Diyos. Masasabi na ang mga taong nabubuhay sa yugtong ito ay may naunawaan nang bahagi ng kalooban ng Diyos, na nagagawa na nilang mahanap ang mga prinsipyo ng katotohanan sa lahat ng bagay na kanilang ginagawa, at alam nila kung paano tutuparin ang mithiin ng Diyos. Bukod pa rito, natagpuan na rin nila ang landas patungo sa pagkakilala sa Diyos at nagsimula nang magpatotoo sa kanilang kaalaman tungkol sa Diyos. Habang nasa proseso ng unti-unting paglago, nagtatamo sila ng unti-unting pagkaunawa at kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos: sa kalooban ng Diyos sa paglikha sa sangkatauhan, at sa kalooban ng Diyos sa pamamahala ng sangkatauhan. Unti-unti rin silang nagkakamit ng pagkaunawa at kaalaman tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos ayon sa diwa. Walang pantaong kuru-kuro o pantasya ang makapapalit sa kaalamang ito. Bagaman hindi masasabi ninuman na sa panlimang yugto ganap na nagkakagulang ang buhay ng isang tao o na ang taong ito ay matuwid o ganap, ang uri ng taong ito gayunman ay nakahakbang na patungo sa yugto ng pagiging ganap sa buhay at kaya nang humarap sa Diyos, na tumayo nang harapan sa salita ng Diyos at sa Diyos. Sapagkat ang ganitong uri ng tao ay nakaranas na ng maraming salita ng Diyos, nakaranas na ng di-mabilang na mga pagsubok at nakaranas ng di-mabilang na mga halimbawa ng disiplina, paghatol at pagkastigo mula sa Diyos, ang kanilang pagpapasakop sa Diyos ay hindi kanya-kanya, kundi ganap. Ang kanilang kaalaman tungkol sa Diyos ay nagbago na mula sa kawalang-malay tungo sa malinaw at tiyak na kaalaman, mula sa mababaw tungo sa malalim, mula sa malabo at magulo tungo sa mabusisi at kongkreto. Nakausad na sila mula sa mahirap na pagkakapa-kapa at pasibong paghahanap tungo sa walang kahirap-hirap na kaalaman at maagap na pagpapatotoo. Maaaring sabihin na ang mga tao sa yugtong ito ay nagtataglay na ng realidad ng katotohanan ng salita ng Diyos, na nakatuntong na sila sa landas ng pagiging perpekto na katulad ng landas na nilakaran ni Pedro. Ito ang panlimang uri ng tao, ang nabubuhay sa isang kalagayan ng pagiging ganap—ang yugto ng pagiging matanda.

Disyembre 14, 2013

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger