Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I

Ang Awtoridad ng Diyos (I) Ikalawang Bahagi

2. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga Salita Para Magtatag ng Kasunduan sa Tao

Genesis 9:11–13 At Aking pagtitibayin ang Aking tipan sa inyo; ni hindi Ko na lilipulin ang lahat ng laman sa pamamagitan ng tubig ng baha; ni hindi na magkakaroon pa ng bahang gigiba sa lupa. At sinabi ng Diyos, “Ito ang tanda ng tipang ginawa Ko sa inyo, at sa bawat kinapal na may buhay na kasama ninyo sa buong panahon: Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.”

Matapos Niyang Gawin ang Lahat ng Bagay, Pinagtibay at Muling Naipakita ang Awtoridad ng Lumikha sa Kasunduan ng Bahaghari

Ang awtoridad ng Lumikha ay palaging naipapakita at ginagamit sa lahat ng nilalang, at hindi lamang Niya pinamumunuan ang kapalaran ng lahat ng bagay, kundi pinamumunuan din ang sangkatauhan, ang espesyal na nilalang na Kanyang nilikha gamit ang Kanyang sariling mga kamay at nagtataglay ng ibang kayarian ng buhay at umiiral sa ibang anyo ng buhay. Matapos gawin ang lahat ng bagay, hindi huminto ang Lumikha sa paghahayag ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan; para sa Kanya, ang awtoridad na ginagamit Niya para hawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa kapalaran ng buong sangkatauhan, ay pormal na nagsimula lamang sa sandaling ang sangkatauhan ay tunay na naisilang mula sa Kanyang kamay. Nilayon Niyang pangasiwaan ang sangkatauhan, at pagharian ang sangkatauhan; nilayon Niyang iligtas ang sangkatauhan at tunay na makamit ang sangkatauhan, na makamit ang isang sangkatauhan na makakapamahala sa lahat ng bagay; nilayon Niyang gawin ang naturang sangkatauhan na mabuhay sa ilalim ng Kanyang awtoridad, at kilalanin at sundin ang Kanyang awtoridad. Kaya, nagsimula ang Diyos na opisyal na ipahayag ang Kanyang awtoridad sa tao gamit ang Kanyang mga salita, at nagsimulang gamitin ang Kanyang awtoridad para magkatotoo ang Kanyang mga salita. Siyempre, naipakita ang awtoridad ng Diyos sa lahat ng lugar sa panahon ng prosesong ito; pumili lamang Ako ng ilang partikular at kilalang halimbawa kung saan ay maaari ninyong maintindihan at makilala ang pagiging bukod-tangi ng Diyos at ang Kanyang natatanging awtoridad.

May pagkakapareho sa pagitan ng talata sa Genesis 9:11–13 at sa mga talata sa itaas patungkol sa tala ng paglikha ng Diyos sa mundo, ngunit may pagkakaiba rin. Ano ang pagkakapareho? Ang pagkakapareho ay nasa paggamit ng Diyos ng mga salita upang gawin kung ano ang nilayon Niya, at ang pagkakaiba ay ang pagkatawan ng mga talatang sinipi rito sa pakikipag-usap ng Diyos sa tao, kung saan ay nagtatag Siya ng kasunduan sa tao at sinabi sa tao kung ano ang nilalaman ng kasunduan. Ang paggamit ng awtoridad ng Diyos na ito ay nakamit sa panahon ng pakikipag-usap Niya sa tao, na ang ibig sabihin ay bago ang paglikha sa sangkatauhan, ang mga salita ng Diyos ay mga tagubilin at mga utos, na ibinigay sa mga nilalang na Kanyang nilayon na likhain. Ngunit ngayon ay mayroon nang makikinig sa mga salita ng Diyos, at kaya ang Kanyang mga salita ay parehong pakikipag-usap sa tao at pangaral at payo na rin sa tao. Higit pa rito, ang mga salita ng Diyos ay mga kautusan na nagtataglay ng Kanyang awtoridad at ipinarating sa lahat ng bagay.

Anong pagkilos ng Diyos ang nakatala sa talatang ito? Itinatala rito ang kasunduan na itinatag ng Diyos sa tao matapos ang paggunaw Niya sa mundo sa pamamagitan ng baha; sinasabi nito sa tao na hindi na muling magdudulot ang Diyos ng pagkagunaw sa mundo na tulad nito, at para sa layuning ito, lumikha ang Diyos ng tanda. Ano ang tandang ito? Sinabi sa Kasulatan na “Ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap, at siyang magiging tanda ng tipan Ko at ng lupa.” Ito ang orihinal na mga salita na binigkas ng Lumikha sa sangkatauhan. Nang sinabi Niya ang mga salitang ito, lumitaw ang isang bahaghari sa harapan ng tao, kung saan ito ay nanatili na hanggang ngayon. Lahat ay nakakita na ng naturang bahaghari, at kapag nakikita mo ito, alam mo ba kung paano ito nagpapakita? Walang kakayahan ang siyensya na patunayan ito, o hanapin ang pinagmulan nito, o tukuyin kung nasaan ito. Iyan ay dahil ang bahaghari ay tanda ng kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng tao; hindi nito kailangan ang siyentipikong basehan, hindi ito ginawa ng tao, ni hindi ito kayang baguhin ng tao. Pagpapatuloy ito ng awtoridad ng Lumikha matapos Niyang bigkasin ang Kanyang mga salita. Ginamit ng Lumikha ang Kanyang sariling partikular na paraan para tumalima sa Kanyang kasunduan sa tao at sa Kanyang pangako, at kaya ang paggamit Niya sa bahaghari bilang isang tanda ng kasunduan na Kanyang naitatag na ay isang kautusan at batas ng kalangitan na magpakailanman ay mananatiling di-nagbabago, kung patungkol man sa Lumikha o sa nilikhang sangkatauhan. Dapat sabihin na ang di-nagbabagong batas na ito ay isa pang tunay na pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha kasunod ng paglikha Niya ng lahat ng bagay, at dapat sabihin na ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay walang-hangganan; ang paggamit Niya ng bahaghari bilang tanda ay pagpapatuloy at karugtong ng awtoridad ng Lumikha. Isa na naman itong pagkilos na isinagawa ng Diyos gamit ang Kanyang mga salita, at tanda ng kasunduang itinatag na ng Diyos sa tao gamit ang mga salita. Sinabi Niya sa tao ang tungkol doon sa Kanyang pinagpasyahang gawin, at kung paano ito matutupad at makakamit. Sa paraang ito ang bagay ay natupad ayon sa mga salita mula sa bibig ng Diyos. Tanging Diyos lamang ang mayroong ganoong kapangyarihan, at ngayon, ilang libong taon matapos Niyang bigkasin ang mga salitang ito, makakatingin pa rin ang tao sa bahaghari na binigkas mula sa bibig ng Diyos. Dahil sa mga salitang yaon na binigkas ng Diyos, nanatiling walang pagbabago at di-nagbabago ang bagay na ito hanggang sa ngayon. Walang sinuman ang makatatanggal sa bahagharing ito, walang makapagbabago ng mga batas nito, at umiiral lamang ito para sa mga salita ng Diyos. Ito mismo ang awtoridad ng Diyos. “Tinutupad ng Diyos ang Kanyang sinasabi, at matutupad ang Kanyang salita, at kung ano man ang Kanyang natutupad ay mananatili magpakailanman.” Malinaw na ipinapahayag ang mga salitang ito rito, at malinaw itong tanda at katangian ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ang gayong tanda o katangian ay hindi taglay o nakikita sa anumang mga nilikha, ni hindi ito nakikita sa anumang di-nilikha. Sa natatanging Diyos lamang ito, at tinutukoy nito ang kaibahan ng pagkakakilanlan at diwa na taglay lamang ng Lumikha mula roon sa taglay ng mga nilikha. Kasabay nito, ito rin ay tanda at katangian na hindi mahihigitan ng anumang nilikha o di-nilikha maliban sa Diyos Mismo.

Ang pagtatatag ng Diyos sa Kanyang kasunduan sa tao ay isang pagkilos na may malaking kahalagahan, isa na nilayon Niyang gamitin para ipahayag ang isang katunayan sa tao at sabihin sa tao ang Kanyang kalooban. Para sa layuning ito gumamit Siya ng isang natatanging paraan, gamit ang isang espesyal na tanda para magtatag ng kasunduan sa tao, isang tanda na isang pangako ng kasunduan na Kanyang itinatag sa tao. Kung gayon, malaking pangyayari ba ang pagtatatag ng kasunduang ito? Gaano ba ito kalaki? Ito mismo ang napakaespesyal sa kasunduan: Hindi ito isang kasunduang itinatag sa pagitan ng isang tao at ng isa pa, o ng isang grupo at ng isa pa, o ng isang bansa at ng isa pa, kundi isang kasunduang itinatag sa pagitan ng Lumikha at ng buong sangkatauhan, at mananatili itong may bisa hanggang sa araw na bubuwagin ng Lumikha ang lahat ng bagay. Ang Lumikha ang tagapagpatupad ng kasunduang ito, at ang Lumikha din ang tagapagpanatili nito. Sa madaling salita, ang kabuuan ng kasunduan ng bahaghari na itinatag sa sangkatauhan ay natupad at nakamit ayon sa pag-uusap sa pagitan ng Lumikha at sangkatauhan, at nanatili pa ring ganito hanggang ngayon. Ano pa ba ang maaaring gawin ng mga nilalang bukod sa magpasakop, sumunod, maniwala, magpahalaga, sumaksi, at magpuri sa awtoridad ng Lumikha? Sapagkat walang sinuman kundi ang bukod-tanging Diyos lamang ang may kapangyarihang magtatag ng naturang kasunduan. Muli’t muli, ang pagpapakita ng bahaghari ay nagbabalita sa sangkatauhan at tinatawag ang kanyang atensyon sa kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan. Sa patuloy na mga paglitaw ng kasunduan sa pagitan ng Lumikha at ng sangkatauhan, ang ipinakikita sa sangkatauhan ay hindi isang bahaghari o ang mismong kasunduan, kundi ang di-nagbabagong awtoridad ng Lumikha. Ang paulit-ulit na paglitaw ng bahaghari ay nagpapakita ng matitindi at mahihimalang mga gawain ng Lumikha sa mga nakatagong lugar, at, kasabay nito, ay isang mahalagang repleksyon sa awtoridad ng Lumikha na hindi kailanman kukupas, at hindi kailanman magbabago. Hindi ba ito isang pagpapakita ng isa pang aspeto ng natatanging awtoridad ng Lumikha?

3. Ang mga Pagpapala ng Diyos

Genesis 17:4–6 Tungkol sa Akin, narito, ang Aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging ama ng maraming bansa. At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagkat ikaw ay ginawa Kong ama ng maraming bansa. At ikaw ay Aking gagawing totoong palaanakin, at papanggagalingin Ko sa iyo ang mga bansa, at magbubuhat sa iyo ang mga hari.

Genesis 18:18–19 Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kanya ang lahat ng bansa sa lupa. Sapagkat siya’y Aking kinilala, upang siya’y mag-utos sa kanyang mga anak at sa kanyang sambahayan pagkamatay niya, at dapat nilang maingatan ang daan ni Jehova, na gumawa ng makatarungan at kahatulan; upang padatnin ni Jehova kay Abraham ang Kanyang ipinangako tungkol sa kanya.

Genesis 22:16–18 Sa Aking sarili ay sumumpa Ako, sabi ni Jehova, sapagkat ginawa mo ito, at hindi mo itinanggi sa Akin ang iyong anak, ang iyong bugtong na anak: Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin Ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.

Job 42:12 Sa gayo’y pinagpala ni Jehova, ang huling wakas ni Job na higit kaysa sa kanyang pasimula: at siya’y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae.

Ang Natatanging Paraan at mga Katangian ng mga Pagbigkas ng Lumikha ay Simbolo ng Natatanging Pagkakakilanlan at Awtoridad ng Lumikha

Marami ang nag-aasam na hanapin, at matamo, ang mga pagpapala ng Diyos, ngunit hindi lahat ay makakatamo ng mga pagpapalang ito, dahil may sariling mga prinsipyo ang Diyos, at pinagpapala ang tao sa Kanyang sariling paraan. Ang mga pangakong ginagawa ng Diyos sa tao, at ang dami ng biyaya na Kanyang ipinagkaloob sa tao, ay inilalaan batay sa mga kaisipan at pagkilos ng tao. Kaya, ano ang ipinakikita ng mga pagpapala ng Diyos? Ano ang nakikita ng mga tao sa mga ito? Sa puntong ito, isantabi natin ang pagtalakay tungkol sa kung anong uri ng mga tao ang pinagpapala ng Diyos, o sa mga prinsipyo ng pagpapala ng Diyos sa tao. Sa halip, tingnan natin ang pagpapala ng Diyos sa tao na may layunin na malaman ang awtoridad ng Diyos, mula sa pananaw ng pagkilala sa awtoridad ng Diyos.

Ang apat na talata ng kasulatan sa itaas ay mga nagtatalang lahat tungkol sa pagpapala ng Diyos sa tao. Nagbibigay ang mga ito ng detalyadong paglalarawan ng mga tumatanggap ng mga pagpapala ng Diyos, tulad nina Abraham at Job, gayundin ng mga dahilan kung bakit ipinagkaloob ng Diyos ang Kanyang mga pagpapala, at kung ano ang mga nakapaloob sa mga pagpapalang ito. Ang tono at paraan ng mga pagbigkas ng Diyos, at ang pananaw at posisyon kung saan Siya nagsalita, ay nagpapahintulot sa mga tao na pahalagahan na Siya ang nagkakaloob ng mga pagpapala at ang tumatanggap ng gayong mga pagpapala ay malinaw na magkaiba ang pagkakakilanlan, katayuan at diwa. Ang tono at paraan ng mga pagbigkas na ito, at ang posisyon kung saan binigkas ang mga iyon, ay bukod-tangi sa Diyos, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Lumikha. Mayroon Siyang awtoridad at lakas, pati na rin ang karangalan ng Lumikha, at pagiging maharlika na hindi nagpapahintulot ng pagdududa mula sa sinumang tao.

Una, tingnan natin ang Genesis 17:4–6: “Tungkol sa Akin, narito, ang Aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging ama ng maraming bansa. At hindi na tatawagin ang pangalan mong Abram, kundi Abraham ang magiging iyong pangalan; sapagkat ikaw ay ginawa Kong ama ng maraming bansa. At ikaw ay Aking gagawing totoong palaanakin, at papanggagalingin Ko sa iyo ang mga bansa, at magbubuhat sa iyo ang mga hari.” Ang mga salitang ito ay ang kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, gayundin ay ang pagpapala ng Diyos kay Abraham: gagawin ng Diyos si Abraham na ama ng mga bansa, gagawin siyang labis na masagana, at uusbong ang mga bansa mula sa kanya, at magmumula ang mga hari sa kanya. Nakikita mo ba ang awtoridad ng Diyos sa mga salitang ito? At paano mo nakikita ang gayong awtoridad? Aling aspeto ng diwa ng awtoridad ng Diyos ang iyong nakikita? Mula sa masusing pagbabasa sa mga salitang ito, hindi naman mahirap matuklasan na ang awtoridad at pagkakakilanlan ng Diyos ay malinaw na nabubunyag sa mga salitang ginamit sa mga pagbigkas ng Diyos. Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos “ang Aking tipan ay sumasaiyo, at ikaw ang magiging … ikaw ay ginawa Kong … ikaw ay Aking gagawing…,” ang mga parirala na tulad ng “ikaw ang magiging” at “Aking gagawing,” kung saan ang mga salitang ginamit ay nagtataglay ng pagpapatunay ng pagkakakilanlan at awtoridad ng Diyos, na sa isang aspeto, ay pagpapahiwatig ng katapatan ng Lumikha; sa isa pang aspeto, ang mga iyon ay mga espesyal na mga salita na ginamit ng Diyos, na nagtataglay ng pagkakakilanlan ng Lumikha—gayundin bilang bahagi ng nakasanayang talasalitaan. Kung may sinumang nagsasabi na umaasa sila na ang isa pang tao ay magiging labis na masagana, na magmumula ang mga bansa sa kanya, at magmumula ang mga hari sa kanya, samakatuwid iyon ay walang-dudang isang uri ng pagnanais, at hindi isang pangako o isang pagpapala. Kaya, hindi nangangahas ang mga tao na sabihing “gagawin kitang ganito ganyan, ikaw ay magiging ganito at ganyan,” dahil alam nila na hindi sila nagtataglay ng ganyang kapangyarihan; hindi ito nakasalalay sa kanila, at kahit pa sabihin nila ang ganyang mga bagay, walang-kabuluhan ang kanilang mga salita, at walang-saysay, bunsod lamang ng kanilang pagnanasa at ambisyon. May nangangahas bang magsalita sa ganyan kadakilang tono kung sa tingin nila ay hindi nila kayang tuparin ang kanilang mga inaasam? Ang lahat ay nag-aasam ng mabuti para sa kanilang mga inapo, at umaasa na sila ay mangunguna at magtatamasa ng malaking tagumpay. “Anong laking kapalaran ito kung ang isa sa kanila ay magiging emperador! Kung magiging gobernador ang isa, maganda rin iyon—basta maging mahalagang tao lamang sila!” Ang mga ito ang inaasam ng lahat ng tao, ngunit maaari lamang silang magnais ng mga biyaya sa kanilang mga inapo, at hindi nila kayang tuparin o gawing totoo ang anuman sa kanilang mga pangako. Sa kanilang mga puso, malinaw na alam ng lahat na wala silang taglay na kapangyarihan upang makamit ang naturang mga bagay, dahil hindi nila kontrolado ang lahat sa kanila, at kaya paano nila makokontrol ang kapalaran ng iba? Ang dahilan kung bakit masasabi ng Diyos ang mga salitang gaya ng mga ito ay dahil taglay ng Diyos ang naturang awtoridad, at may kakayahan na tuparin at isagawa ang lahat ng ipinangako Niya sa tao, at kaya Niyang gawin na magkatotoo ang mga pagpapalang ipinagkakaloob Niya sa tao. Nilikha ng Diyos ang tao, at napakadali para sa Diyos na gawing labis na masagana ang isang tao; kailangan lamang ng isang salita mula sa Kanya para gawing masagana ang mga inapo ng isang tao. Hindi Niya kailanman kailangang magpawis para sa naturang bagay, o pagurin ang Kanyang isipan, o isuong ang sarili Niya sa kagipitan para sa gayong bagay; ito ang mismong kapangyarihan ng Diyos, ang mismong awtoridad ng Diyos.

Matapos basahin ang “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kanya ang lahat ng bansa sa lupa” sa Genesis 18:18, nararamdaman ba ninyo ang awtoridad ng Diyos? Nadarama ba ninyo ang pagiging pambihira ng Lumikha? Nararamdaman ba ninyo ang pangingibabaw ng Lumikha? Ang mga salita ng Diyos ay tiyak. Sinasabi ng Diyos ang mga naturang salita hindi dahil sa Kanyang tiwala sa tagumpay o para katawanin iyon; sa halip, ang mga iyon ay katibayan ng awtoridad ng mga pagbigkas ng Diyos, at utos na tumutupad sa mga salita ng Diyos. May dalawang pagpapahayag na kailangan ninyong pagtuunan ng pansin dito. Kapag sinasabi ng Diyos na “Si Abraham ay tunay na magiging isang bansang malaki at matibay, at pagpapalain sa kanya ang lahat ng bansa sa lupa,” may anumang elemento ba ng kalabuan sa mga salitang ito? Mayroon bang anumang elemento ng pag-aalala? Mayroon bang anumang elemento ng takot? Dahil sa mga salitang “tunay na” at “magiging” sa mga pagbigkas ng Diyos, ang mga elementong ito, na partikular sa tao at laging nakikita sa kanya, ay hindi kailanman nagkaroon ng kaugnayan sa Lumikha. Walang sinuman na mangangahas na gamitin ang ganitong mga salita kapag nagnanais ng mabuti sa iba, walang sinumang mangangahas na basbasan ang iba pa ng isang dakila at makapangyarihang bansa nang may gayong katiyakan, o mangako na ang lahat ng bansa sa mundo ay pagpapalain sa pamamagitan niya. Kapag mas tiyak ang mga salita ng Diyos, mas may pinatutunayang bagay ang mga iyon—at ano ang bagay na iyon? Pinatutunayan ng mga iyon na ang Diyos ay may gayong awtoridad, na kaya ng Kanyang awtoridad na tuparin ang mga bagay na ito, at hindi maiiwasan ang katuparan ng mga ito. Ang Diyos ay tiyak sa Kanyang puso, nang walang katiting na pag-aalinlangan, sa lahat ng Kanyang pagpapala kay Abraham. Dagdag pa rito, matutupad ang kabuuan nito alinsunod sa Kanyang mga salita, at walang kahit anong puwersa ang maaaring makapagpabago, humadlang, sumira, o gumambala sa katuparan nito. Kahit ano pa man ang nangyari, walang makakapagpawalang-bisa o makakaimpluwensiya sa katuparan at kaganapan ng mga salita ng Diyos. Ito ang mismong kapangyarihan ng mga salitang binigkas mula sa bibig ng Lumikha, at ang awtoridad ng Lumikha na hindi nagpapahintulot sa pagtatanggi ng tao! Matapos basahin ang mga salitang ito, nakakaramdam ka pa rin ba ng padududa? Binigkas ang mga salitang ito mula sa bibig ng Diyos, at may kapangyarihan, pagiging maharlika, at awtoridad sa mga salita ng Diyos. Ang gayong kapangyarihan at awtoridad, at ang di-maiiwasang katuparan ng katotohanan, ay hindi naaabot ng anumang nilikha o di-nilikha, at hindi nalalampasan ng anumang nilikha o di-nilikha. Tanging ang Lumikha lamang ang kayang makipag-usap sa sangkatauhan nang may gayong tono at intonasyon, at napatunayan na ng mga totoong impormasyon na ang Kanyang mga pangako ay hindi mga salitang walang laman, o mga walang kwentang kayabangan, kundi isang pagpapahayag ng natatanging awtoridad na di-nalalampasan ng sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay.

Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga salita na binibigkas ng Diyos at ng mga salita na binibigkas ng tao? Kapag binabasa mo ang mga salitang ito na binigkas ng Diyos, dama mo ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos at ang awtoridad ng Diyos. Ano ang nararamdaman mo kapag naririnig mong sinasabi ng mga tao ang mga gayong salita? Sa tingin mo ba ay lubha silang mapagmataas at mayabang, at ipinagmamalaki ang kanilang mga sarili? Sapagkat wala sila ng kapangyarihang ito, hindi nila taglay ang gayong awtoridad, at kaya lubos na wala silang kakayahan na makamit ang gayong mga bagay. Ang pagiging labis nilang sigurado sa kanilang mga pangako ay nagpapakita lamang ng pagiging di-maingat sa kanilang mga pahayag. Kung may isang nagsasabi ng gayong mga salita, kung gayon ay walang-duda na magmamalaki sila at magkakaroon ng sobrang kumpiyansa sa sarili, at ibubunyag ang kanilang mga sarili bilang isang klasikong halimbawa ng disposisyon ng arkanghel. Ang mga salitang ito ay nagmula sa bibig ng Diyos; nakakadama ka ba rito ng anumang elemento ng pagmamataas? Nararamdaman mo ba na biro lamang ang mga salita ng Diyos? Ang mga salita ng Diyos ay awtoridad, ang mga salita ng Diyos ay totoo, at bago pa binibigkas ng Kanyang bibig ang mga salita, ibig sabihin, kapag nagpapasya Siya na gawin ang isang bagay, ang bagay na iyon ay natupad na. Masasabing ang lahat ng sinabi ng Diyos kay Abraham ay isang kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, at isang pangako na ginawa ng Diyos kay Abraham. Ang pangakong ito ay isang naitatag na katunayan, at gayundin ay isang natupad na katunayan, at ang mga katunayang ito ay unti-unting natupad sa mga iniisip ng Diyos ayon sa plano ng Diyos. Kaya, ang pagsasabi ng Diyos ng mga salitang iyon ay hindi nangangahulugang mayroon Siyang mapagmataas na disposisyon, dahil kayang makamit ng Diyos ang gayong mga bagay. Mayroon Siyang gayong kapangyarihan at awtoridad, at lubos na may kakayahan na maisakatuparan ang mga gawaing ito, at ang kaganapan ng mga iyon ay lubos na nasasakop ng Kanyang kakayahan. Kapag ang mga salitang gaya nito ay binibigkas mula sa bibig ng Diyos, ang mga iyon ay pagbubunyag at pagpapahayag ng totoong disposisyon ng Diyos, isang perpektong pagbubunyag at pagpapamalas ng diwa at awtoridad ng Diyos, at wala nang iba na mas angkop at akma bilang patunay ng pagkakakilanlan ng Lumikha. Ang paraan, tono, at mga salitang ginamit ng gayong mga pagbigkas ay tiyak na mga marka ng pagkakakilanlan ng Lumikha, at perpektong tumutugma sa pagpapahayag ng sariling pagkakakilanlan ng Diyos; at sa mga iyon ay walang pagkukunwari, o karumihan; ang mga iyon ay ang ganap at lubos na perpektong pagpapakita ng diwa at awtoridad ng Lumikha. Hinggil sa mga nilalang, hindi nila taglay ang awtoridad na ito, ni ang diwang ito, lalo nang wala sila ng kapangyarihang ibinibigay ng Diyos. Kung ipinapamalas ng tao ang naturang asal, kung gayon ito ay tiyak na magiging isang masidhing pagtutol ng kanyang tiwaling disposisyon, at nag-uugat ito sa epekto ng paghalo ng pagiging mapagmataas at malupit na ambisyon ng tao, at ng pagkalantad ng masasamang hangarin ng walang-iba kundi ang diyablong si Satanas na gustong manlinlang ng mga tao at akitin sila para itakwil ang Diyos. Ano ang palagay ng Diyos sa ibinubunyag ng gayong pananalita? Sasabihin ng Diyos na nais mong agawin ang Kanyang lugar at nais mo Siyang gayahin at palitan. Kapag ginagaya mo ang tono ng mga pagbigkas ng Diyos, ang intensyon mo ay palitan ang lugar ng Diyos sa puso ng mga tao, para kunin ang sangkatauhang talagang pagmamay-ari ng Diyos. Ito si Satanas, puro at payak; ito ang mga pagkilos ng mga inapo ng arkanghel, hindi matiis ng Kalangitan! Sa inyo, may sinuman bang gumaya na sa Diyos sa isang partikular na paraan sa pamamagitan ng pagbigkas ng ilang salita, nang may intensyon na ilayo o linlangin ang mga tao, at nagpaparamdam sa kanila na parang taglay ng mga salita at pagkilos ng taong ito ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, na para bang ang diwa at pagkakakilanlan ng taong ito ay natatangi, at maging ang tono ng mga salita ng taong ito ay pareho sa Diyos? Nakagawa na ba kayo kailanman ng ganito? Sinubukan na ba ninyong gayahin ang tono ng Diyos sa inyong pananalita, nang may kilos na animo ay kumakatawan sa disposisyon ng Diyos, na sa palagay mo ay may kapangyarihan at awtoridad? Karamihan ba sa inyo ay madalas na kumikilos, o nagpaplanong kumilos, sa gayong paraan? Ngayon, kapag tunay ninyong nakikita, nararamdaman, at nakikilala ang awtoridad ng Lumikha, at magbalik-tanaw kayo sa ginawa ninyo noon, at sa ibinunyag ninyo noon tungkol sa inyong mga sarili, sumasama ba ang inyong pakiramdam? Kinikilala ba ninyo ang inyong pagiging mababa at kahiya-hiya? Yamang nasuri na ang disposisyon at diwa ng gayong mga tao, masasabi bang sila ay isinumpang anak ng impiyerno? Masasabi ba na ang lahat ng gumagawa ng gayong mga bagay ay nagdadala ng kahihiyan sa kanilang mga sarili? Nakikita ba ninyo ang kaseryosohan ng kalikasan nito? Gaano ba kaseryoso ito? Ang intensyon ng mga tao na kumikilos sa ganitong paraan ay upang gayahin ang Diyos. Gusto nilang maging Diyos, at pasambahin ang mga tao sa kanila bilang Diyos. Gusto nilang buwagin ang lugar ng Diyos sa puso ng mga tao, at alisin ang Diyos na gumagawa sa gitna ng tao, at ginagawa nila ito upang makamit ang layuning kontrolin ang mga tao, lamunin ang mga tao, at angkinin sila. Ang lahat ay may ganitong di-namamalayang mga pagnanasa at mga ambisyon, at ang lahat ay namumuhay sa ganitong uri ng tiwali at satanikong diwa at may satanikong kalikasan kaya sila ay salungat sa Diyos, ipinagkakanulo ang Diyos, at nagnanais na maging Diyos. Kasunod ng Aking pagbabahagi sa paksa ng awtoridad ng Diyos, ninanais o hinahangad pa rin ba ninyong magpanggap na Diyos o gayahin Siya? Ninanasa pa rin ba ninyong maging Diyos? Ninanais pa rin ba ninyong maging Diyos? Ang awtoridad ng Diyos ay hindi magagaya ng tao, at ang pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos ay hindi magagaya ng tao. Kahit na kaya mong gayahin ang tono ng Diyos sa pagsasalita, hindi mo magagaya ang diwa ng Diyos. Kahit na kaya mong tumayo sa lugar ng Diyos at gayahin ang Diyos, hindi mo kailanman kayang gawin kung ano ang nilalayon na gawin ng Diyos, at hindi mo kailanman makakayang maghari at mag-utos sa lahat ng bagay. Sa mga mata ng Diyos, ikaw ay magiging munting nilalang magpakailanman, at kahit pa gaano kagaling ang iyong mga kasanayan at abilidad, kahit pa gaano karaming kaloob ang mayroon ka, ang kabuuan mo ay nasa ilalim ng pamamahala ng Lumikha. Bagaman kaya mong magsalita ng ilang mapangahas na salita, hindi ito nagpapakita na mayroon ka ng diwa ng Lumikha, ni hindi ito kumatawan na ikaw ay nagtataglay ng awtoridad ng Lumikha. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay ang diwa ng Diyos Mismo. Hindi natutuhan ang mga ito, o idinagdag sa labas, kundi ang mga ito ay likas na diwa ng Diyos Mismo. At kaya ang relasyon sa pagitan ng Lumikha at ng mga nilalang ay hindi kailanman mababago. Bilang isa sa mga nilalang, kailangang panatilihin ng tao ang kanyang sariling posisyon, at kumilos nang maingat. Matapat na bantayan kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Lumikha. Huwag kumilos nang wala sa lugar, o gawin ang mga bagay-bagay na labas sa saklaw ng iyong kakayahan o na kasuklam-suklam sa Diyos. Huwag subukang maging dakila, o maging superman, o mataas sa lahat, o maghangad na maging Diyos. Ito ang hindi dapat nasain ng tao. Katawa-tawa ang paghahangad na maging dakila o superman. Ang paghahangad na maging Diyos ay lalo pang mas kahiya-hiya; ito ay karima-rimarim, at kasuklam-suklam. Ang kapuri-puri, at ang dapat na panghawakan ng mga nilalang nang higit pa sa anumang mga bagay, ay ang maging tunay na nilalang; ito lamang ang tanging mithiin na dapat hangarin ng lahat ng tao.

Ang Awtoridad ng Lumikha ay Hindi Napipigilan ng Panahon, Espasyo, o Heograpiya, at ang Awtoridad ng Lumikha ay Hindi Nasusukat

Tingnan natin ang Genesis 22:17–18. Ito ay isa pang talata na binigkas ng Diyos na si Jehova, kung saan ay sinabi Niya kay Abraham, “Na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin Ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat; at kakamtin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway; At pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa; sapagkat sinunod mo ang Aking tinig.” Maraming beses na pinagpala ng Diyos na si Jehova si Abraham na dadami ang kanyang mga anak—ngunit hanggang saan ang pagdami nito? Hanggang sa lawak na sinabi sa Kasulatan: “gaya ng mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Ang ibig sabihin nito ay nais ng Diyos na pagkalooban si Abraham ng mga supling na kasingdami ng mga bituin sa langit, at kasingdami ng buhangin sa dalampasigan. Nagsalita ang Diyos gamit ang matalinghagang paglalarawan, at mula sa paglalarawang ito, hindi mahirap makita na hindi lamang ipagkakaloob ng Diyos ang isa, dalawa, o kahit libu-libong mga inapo kay Abraham, kundi hindi mabilang na mga inapo, sapat para maging maraming bansa, dahil ipinangako ng Diyos kay Abraham na magiging ama siya ng maraming bansa. Ngayon, ang tao ba ang nagpasya ng numerong iyon, o ang Diyos ba ang nagpasya nito? Kaya bang kontrolin ng tao kung ilan ang kanyang magiging apo? Nakasalalay ba ito sa kanya? Wala nga sa kamay ng tao kung magkakaroon siya ng ilan o hindi, lalo na ang kasingdami ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat.” Sino ba ang hindi nagnanais na ang kanilang mga inapo ay maging kasingdami ng mga bituin? Sa kasamaang palad, hindi nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraang gusto mo. Kahit gaano pa kadalubhasa o kagaling ang tao, hindi ito nakasalalay sa kanya; walang makakalabas sa itinalaga ng Diyos. Kung hanggang saan ka Niya hinahayaan, hanggang doon ka lamang magkakaroon: Kung kakaunti ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, kung gayon ay hindi ka kailanman magkakaroon ng marami, at kung marami ang ibinibigay sa iyo ng Diyos, walang-saysay na maghinanakit ka sa dami ng mayroon ka. Hindi ba ganito ang sitwasyon? Nakasalalay ang lahat ng ito sa Diyos, hindi sa tao! Pinamumunuan ng Diyos ang tao, at walang sinuman ang hindi!

Nang sinabi ng Diyos “pararamihin Ko ang iyong binhi,” ito ay kasunduang itinatag ng Diyos kay Abraham, at tulad ng kasunduan ng bahaghari, matutupad ito magpasawalang-hanggan, at ito ay isa ring pangako na ginawa ng Diyos kay Abraham. Tanging Diyos lamang ang kwalipikado at may kakayahang isakatuparan ang pangakong ito. Naniniwala man ang tao o hindi, tinatanggap man ito ng tao o hindi, at kung paano man ito tinitingnan o itinuturing ng tao, matutupad ang lahat ng ito nang eksakto, ayon sa mga salitang binigkas ng Diyos. Hindi mababago ang mga salita ng Diyos dahil sa mga pagbabago ng kalooban o mga kuru-kuro ng tao, at hindi ito mababago dahil sa mga pagbabago sa sinumang tao o anumang bagay o pangyayari. Maaaring mawala ang lahat ng bagay, ngunit mananatili ang mga salita ng Diyos magpakailanman. Sa totoo lang, ang araw na mawawala ang lahat ng bagay ay ang mismong araw kung kailan ang mga salita ng Diyos ay lubos na matutupad, dahil Siya ang Lumikha, taglay Niya ang awtoridad ng Lumikha, ang kapangyarihan ng Lumikha, at kontrolado Niya ang lahat ng bagay at lahat ng puwersa ng buhay; kaya Niyang magpalabas ng isang bagay mula sa wala, o magpalaho ng isang bagay, at kontrolado Niya ang pagbabagong-anyo ng lahat ng bagay mula sa pagkabuhay hanggang sa kamatayan; dahil para sa Diyos, wala nang mas sisimple pa kaysa sa pagpaparami ng anak ng isang tao. Mukha itong hindi kapani-paniwala sa tao, parang isang kwentong pambata, ngunit para sa Diyos, ang Kanyang pinagpasyahan at ipinangakong gawin ay hindi isang bagay na hindi kapani-paniwala, ni hindi ito isang kwentong pambata. Sa halip, ito ay isang katotohanang nakita na ng Diyos at tiyak na matutupad. Pinahahalagahan ba ninyo ito? Pinapatunayan ba ng mga tunay na impormasyon na napakarami ang mga inapo ni Abraham? At gaano nga ba karami? Sindami ba ng “mga bituin sa langit, at gaya ng mga buhangin sa baybayin ng dagat” na sinabi ng Diyos? Kumalat ba sila sa lahat ng bansa at rehiyon, sa bawat lugar sa mundo? Sa anong paraang natupad ang katotohanang ito? Natupad ba ito sa pamamagitan ng awtoridad ng mga salita ng Diyos? Sa ilang daan o libong taon matapos mabigkas ang mga salita ng Diyos, patuloy na natutupad ang mga salita ng Diyos, at patuloy na nagiging mga napatunayang bagay; ito ang kapangyarihan ng mga salita ng Diyos, at katibayan ng awtoridad ng Diyos. Nang nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay sa simula, sinabi ng Diyos na “magkaroon ng liwanag,” at nagkaroon ng liwanag. Ito ay mabilis na nangyari, natupad sa napakaikling panahon, at walang pagkaantala sa pagsasagawa at katuparan nito; agaran ang mga bisa ng mga salita ng Diyos. Kapwa pagpapakita ng awtoridad ng Diyos ang mga ito, ngunit nang pinagpala ng Diyos si Abraham, pinahintulutan Niyang makita ng tao ang isa pang aspeto ng diwa ng awtoridad ng Diyos, at gayundin ang awtoridad ng Lumikha na hindi masusukat, at higit pa rito, pinahintulutan Niya ang tao na makita ang mas totoo at mas engrandeng aspeto ng awtoridad ng Lumikha.

Kapag ang mga salita ng Diyos ay binigkas, ang awtoridad ng Diyos ang siyang nagpapatakbo sa gawaing ito, at ang katotohanang ipinangako ng bibig ng Diyos ay unti-unting nagsisimula na maging realidad. Bunga nito, nagsisimulang lumitaw ang pagbabago sa lahat ng bagay, tulad ng kung paano nagiging berde ang damo, namumukadkad ang mga bulaklak, umuusbong ang mga suloy sa mga puno, nagsisimulang mag-awitan ang mga ibon, bumabalik ang mga gansa, at napupuno ng mga tao ang mga parang sa pagdating ng tagsibol…. Sa pagdating ng tagsibol ang lahat ng bagay ay napapanariwa, at ito ang mahimalang gawa ng Lumikha. Kapag tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako, nanunumbalik at nagbabago ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ayon sa mga iniisip ng Diyos—walang hindi kasali. Kapag binibigkas ang isang panata o pangako mula sa bibig ng Diyos, ang lahat ng bagay ay kumikilos para sa katuparan nito, at minamaniobra alang-alang sa katuparan nito; ang lahat ng nilalang ay pinangangasiwaan at isinasaayos sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, gumaganap ng kani-kanilang mga papel, at ginagawa ang kani-kanilang mga tungkulin. Ito ang pagpapamalas ng awtoridad ng Lumikha. Ano ang nakikita mo rito? Paano mo nalalaman ang awtoridad ng Diyos? May hangganan ba ang awtoridad ng Diyos? May limitasyon ba ang oras nito? Masasabi ba kung ano ang taas o haba nito? Masasabi ba kung ano ang sukat o lakas nito? Masusukat ba ito batay sa mga sukat ng tao? Hindi patay-sindi ang awtoridad ng Diyos, hindi ito pabalik-balik, at walang sinuman ang makakasukat kung gaano kadakila ang Kanyang awtoridad. Kahit gaano pa katagal ang panahon na lumilipas, kapag pinagpapala ng Diyos ang isang tao, magpapatuloy ang pagpapalang ito, at ang pagpapatuloy nito ay nagpapatotoo sa di-masusukat na awtoridad ng Diyos, at magpapahintulot sa sangkatauhan na paulit-ulit na mamasdan ang muling pagpapakita ng hindi-namamatay na puwersa ng buhay ng Lumikha. Ang bawat pagpapakita ng Kanyang awtoridad ay ang perpektong paglalahad ng mga salita mula sa Kanyang bibig na ipinapakita sa lahat ng bagay, at sa sangkatauhan. Bukod pa rito, ang lahat ng bagay na tinupad ng Kanyang awtoridad ay walang-kapantay ang kagandahan, at lubusang walang-kapintasan. Masasabing ang Kanyang mga iniisip, ang Kanyang mga salita, ang Kanyang awtoridad, at ang lahat ng gawaing Kanyang tinutupad ay larawang walang-katulad ang kagandahan, at para sa mga nilalang, ang wika ng sangkatauhan ay walang kakayahang sabihin nang malinaw ang kabuluhan at halaga nito. Kapag nangangako ang Diyos sa isang tao, ang lahat ng ito ay kasing pamilyar sa Diyos gaya ng likod ng Kanyang kamay, kung ito man ay kung saan sila nakatira, o kung ano ang kanilang ginagawa, ang kanilang nakaraan o matapos nilang matanggap ang pangako, o kung gaano man katindi ang mga kaguluhan sa paligid ng kanilang tinitirahan. Kahit pa gaano katagal na panahon ang lumipas matapos na mabigkas ang mga salita ng Diyos, para sa Kanya, parang kabibigkas lamang ng mga ito. Ang ibig sabihin nito ay may kapangyarihan ang Diyos, at may gayong awtoridad, na kaya Niyang subaybayan, kontrolin, at tuparin ang bawat pangako na Kanyang ginagawa sa sangkatauhan, at kahit ano pa man ang pangakong iyon, kahit pa gaano katagal bago ganap na matupad ang mga ito, at, higit pa rito, kahit gaano man kalawak ang nasasaklaw ng katuparan niyon—halimbawa, oras, heograpiya, lahi, at iba pa—matutupad at maisasakatuparan ang pangakong ito, at, higit pa rito, hindi mangangailangan na kumilos ni katiting ang Diyos para sa katuparan at kaganapan nito. At ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nito na ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay sapat upang kontrolin ang buong sansinukob, at ang buong sangkatauhan. Ginawa ng Diyos ang liwanag, ngunit hindi ibig sabihin na liwanag lamang ang pinamamahalaan ng Diyos, o na tubig lamang ang Kanyang pinamamahalaan dahil nilikha Niya ang tubig, at walang kaugnayan sa Diyos ang lahat ng iba pa. Hindi ba ito maling pagkaunawa? Kahit na unti-unting nawala na sa alaala ng tao ang pagpapala ng Diyos kay Abraham matapos ang ilang daang taon, para sa Diyos, nanatiling pareho pa rin ang pangakong ito. Tinutupad pa rin ito, at hindi kailanman huminto. Hindi kailanman nalaman o narinig ng tao kung paano ginamit ng Diyos ang Kanyang awtoridad, kung paano pinangasiwaan at isinaayos ang lahat ng bagay, at kung gaano karaming magagandang kwento ang nangyari sa lahat ng bagay ng sangnilikha ng Diyos sa mga panahong ito, ngunit ang bawat nakakamanghang piraso ng pagpapakita ng awtoridad ng Diyos at pagpapahayag ng Kanyang mga gawa ay ipinasa at dinakila sa gitna ng lahat ng bagay, ipinakita at sinabi ng lahat ng bagay ang mahimalang mga gawa ng Lumikha, at ang bawat labis na sinasabing kwento ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa lahat ng bagay ay ipapahayag ng lahat ng bagay magpakailanman. Ang awtoridad na ginagamit ng Diyos para pagharian ang lahat ng bagay, at ang kapangyarihan ng Diyos, ay nagpapakita sa lahat ng bagay na ang Diyos ay nasa lahat ng lugar at nasa sa lahat ng sandali. Kapag nasaksihan mo na nasa lahat ng lugar ang presensya ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, makikita mo na nasa lahat ng lugar ang Diyos at sa lahat ng sandali. Ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay hindi limitado ng panahon, heograpiya, espasyo, o sinumang tao, pangyayari o bagay. Ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay lampas sa imahinasyon ng tao; hindi ito maarok ng tao, hindi kayang ilarawan sa isip ng tao, at hindi kailanman lubusang malalaman ng tao.

May ilang tao na gustong magpalagay at maglarawan sa isipan, ngunit hanggang saan ang kayang maabot ng imahinasyon ng tao? Kaya ba nitong lampasan ang mundo? Kaya ba ng tao na mahinuha at mailarawan sa isip ang pagiging tunay at wasto ng awtoridad ng Diyos? Kaya ba ng paghinuha at imahinasyon ng tao na hayaan siyang magkamit ng kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos? Magagawa ba ng mga iyon na tunay na pahalagahan at magpasakop ang tao sa awtoridad ng Diyos? Pinatutunayan ng mga totoong impormasyon na ang paghinuha at imahinasyon ng tao ay produkto lamang ng talino ng tao, at hindi nagbibigay ng kahit kaunting tulong o pakinabang sa kaalaman ng tao tungkol sa awtoridad ng Diyos. Matapos magbasa ng mga kathambuhay sa agham, kayang mailarawan sa isip ng ilan ang buwan, at kung ano ang itsura ng mga bituin. Ngunit hindi ito nangangahulugang ang tao ay may anumang pagkaunawa tungkol sa awtoridad ng Diyos. Ang imahinasyon ng tao ay ganito lamang: kathang-isip. Tungkol sa mga katotohanan sa mga bagay na ito, ibig sabihin, tungkol sa kanilang pagkakaugnay sa awtoridad ng Diyos, lubos na wala siyang pagkaunawa. Ano naman ngayon kung nakapunta ka na sa buwan? Ipinapakita ba nito na mayroon ka nang iba’t ibang dimensyon ng pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos? Ipinapakita ba nito na kaya mo nang mailarawan sa iyong isip ang lawak ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos? Dahil walang kakayahan ang paghinuha at imahinasyon ng tao na tulutan siyang makilala ang awtoridad ng Diyos, ano ang dapat gawin ng tao? Ang pinakamatalinong opsyon ay ang hindi maghinuha o maglarawan sa isip, na ang ibig sabihin ay hindi dapat umasa ang tao kailanman sa imahinasyon at dumepende sa paghinuha pagdating sa pagkilala sa awtoridad ng Diyos. Ano ba ang nais Kong sabihin sa inyo rito? Ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos, kapangyarihan ng Diyos, sariling pagkakakilanlan ng Diyos, at diwa ng Diyos ay hindi makakamit sa pamamagitan ng pag-asa sa iyong imahinasyon. Dahil hindi ka makakaasa sa imahinasyon para malaman ang awtoridad ng Diyos, kung gayon, sa anong paraan mo makakamit ang tunay na kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos? Ang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom sa mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng pagbabahaginan, at sa pamamagitan ng pagdanas sa mga salita ng Diyos. Samakatuwid, magkakaroon ka ng unti-unting karanasan at pagpapatunay sa awtoridad ng Diyos at magtatamo ka ng paunti-unting pagkaunawa at nadaragdagang kaalaman tungkol dito. Ito lamang ang tanging paraan para makamit ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos; walang mga madaliang paraan. Ang paghingi sa inyo na huwag itong ilarawan sa isip ay hindi katulad ng pagpapaubaya sa inyo na maupong walang ginagawa at maghintay ng pagkawasak, o pagpigil sa inyo sa paggawa ng anumang bagay. Ang hindi paggamit ng utak ninyo para mag-isip at maglarawan sa isip ay nangangahulugang hindi paggamit ng pangangatwiran para maghinuha, hindi paggamit ng kaalaman para magsuri, hindi paggamit sa siyensya bilang basehan, bagkus ay pagpapahalaga, pagpapatunay, at pagkumpirma na ang Diyos na iyong pinaniniwalaan ay may awtoridad, kinukumpirma na hawak Niya ang kataas-taasang kapangyarihan sa iyong kapalaran, at ang Kanyang kapangyarihan ay nagpapatunay sa lahat ng sandali na Siya ang tunay na Diyos Mismo, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, sa pamamagitan ng katotohanan, sa pamamagitan ng lahat ng bagay na hinaharap mo sa buhay. Ito ang tanging paraan para magkamit ang sinuman ng pagkaunawa sa Diyos. May mga nagsasabi na ninanais nila na makahanap ng simpleng paraan para makamit ang layuning ito, ngunit may naiisip ba kayong gayong paraan? Sinasabi Ko sa iyo, hindi na kailangang mag-isip: Wala nang ibang paraan! Ang tanging paraan ay matapat at matiyagang alamin at patunayan kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos sa pamamagitan ng bawat salita na Kanyang ipinahahayag at sa lahat ng Kanyang ginagawa. Ito ang tanging paraan para makilala ang Diyos. Dahil kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at ang lahat ng bagay na tungkol sa Diyos, ay hindi hungkag at walang-kabuluhan, kundi tunay.

Ang Pagiging Totoo ng Kontrol at Pamamahala ng Lumikha sa Lahat ng Bagay at mga Buhay na Nilalang ay Nagsasalita Tungkol sa Tunay na Pag-iral ng Awtoridad ng Lumikha

Gayundin, ang pagpapala ni Jehova kay Job ay nakatala sa Aklat ng Job. Ano ang ipinagkaloob ng Diyos kay Job? “Sa gayo’y pinagpala ni Jehova, ang huling wakas ni Job na higit kaysa sa kanyang pasimula: at siya’y nagkaroon ng labing apat na libong tupa, at anim na libong kamelyo, at isang libong tuwang na baka, at isang libong asnong babae” (Job 42:12). Mula sa pananaw ng tao, ano ang mga bagay na ito na ibinigay kay Job? Mga ari-arian ba iyon ng sangkatauhan? Sa mga ari-ariang ito, naging napakayaman na ba ni Job sa panahong iyon? Kung gayon, paano niya nakuha ang mga naturang ari-arian? Saan nanggaling ang kanyang kayamanan? Kahit hindi sabihin, salamat sa pagpapala ng Diyos at natamo ni Job ang mga iyon. Kung paano tiningnan ni Job ang mga ari-ariang ito, at kung paano niya itinuring ang mga pagpapala ng Diyos, ay hindi isang bagay na ating tatalakayin dito. Pagdating sa mga pagpapala ng Diyos, araw at gabing naghahangad ang lahat ng tao na pagpalain ng Diyos, ngunit walang kontrol ang tao kung gaano karaming ari-arian ang kaya niyang matamo sa buong panahon ng kanyang buhay, o kung makakatanggap ba siya ng pagpapala mula sa Diyos—at ito ay isang hindi mapapasubaliang katunayan! May awtoridad ang Diyos, at may kapangyarihan para magkaloob ng anumang ari-arian sa tao, para tulutan ang taong makakuha ng anumang basbas, ngunit may prinsipyo sa mga pagpapala ng Diyos. Anong uri ng mga tao ang pinagpapala ng Diyos? Siyempre, pinagpapala Niya ang mga taong gusto Niya! Parehong pinagpala ng Diyos sina Abraham at Job, ngunit hindi magkatulad ang mga biyaya na kanilang natanggap. Pinagpala ng Diyos si Abraham ng mga inapo na kasingdami ng buhangin at bituin. Nang pinagpala ng Diyos si Abraham, ginawa Niya ang mga inapo ng isang tao, at isang bansa, na maging makapangyarihan at masagana. Dito, pinagharian ng awtoridad ng Diyos ang sangkatauhan, na huminga ng hininga ng Diyos sa lahat ng bagay at buhay na nilalang. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos, lumaganap ang sangkatauhang ito at umiral sa bilis, at sa loob ng saklaw, na ipinasya ng Diyos. Lalo na, ang posibilidad na pananatili ng bansang ito, antas ng paglaki, at haba ng buhay ay bahagi lahat ng pagsasaayos ng Diyos, at ang prinsipyo ng lahat ng ito ay ganap na nakabase sa pangako ng Diyos kay Abraham. Ibig sabihin, kahit ano pa ang mga pangyayari, ang mga pangako ng Diyos ay magpapatuloy nang walang balakid at mangyayari ito sa ilalim ng pangangalaga ng awtoridad ng Diyos. Sa pangakong ginawa ng Diyos kay Abraham, kahit ano pa ang mga kaguluhan ng mundo, kahit ano pa ang kapanahunan, kahit ano pa ang mga pinagdaanang sakuna ng sangkatauhan, hindi haharapin ng mga inapo ni Abraham ang panganib ng pagkalipol, at hindi mamamatay ang kanilang bansa. Ang pagpapala ng Diyos kay Job, gayunpaman, ay lubos na nagpayaman sa kanya. Ang ibinigay ng Diyos sa kanya ay ang maraming nabubuhay at humihingang mga nilalang, na ang mga detalye—ang kanilang bilang, kanilang bilis ng pagdami, antas ng patuloy na pamumuhay, ang dami ng taba na nasa kanila, at iba pa—ay kontrolado rin ng Diyos. Kahit na ang mga buhay na nilalang na ito ay hindi nakakapagsalita, bahagi rin sila ng pagsasaayos ng Lumikha, at ang prinsipyo ng pagsasaayos ng Diyos sa mga ito ay ayon sa pagpapala na ipinangako ng Diyos kay Job. Sa mga pagpapalang ibinigay ng Diyos kina Abraham at Job, bagama’t magkaiba ang ipinangako, ang awtoridad na ginamit para pagharian ng Lumikha ang lahat ng bagay at buhay na nilalang ay pareho. Ang bawat detalye ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay ipinahayag sa Kanyang magkaibang mga pangako at pagpapala kina Abraham at Job, at minsan pang nagpapakita sa sangkatauhan na ang awtoridad ng Diyos ay malayung-malayo sa imahinasyon ng tao. Minsan pang sinasabi ng mga detalyeng ito sa sangkatauhan na kung gusto niyang malaman ang awtoridad ng Diyos, kung gayon ito ay makakamit lamang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos at sa pamamagitan ng pagdaranas sa gawain ng Diyos.

Tinutulutan ng awtoridad ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay na makita ng tao ang isang katunayan: Hindi lamang kinakatawan ang awtoridad ng Diyos ng mga salitang “At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag,’ at nagkaroon ng liwanag, at, ‘Magkaroon ng kalawakan,’ at nagkaroon ng kalawakan, at, ‘Magkaroon ng lupa,’ at nagkaroon ng lupa,” kundi, higit pa rito, ang Kanyang awtoridad ay kinakatawan din sa paraan kung paano Niya ginawang magpatuloy ang liwanag, pinigilang mawala ang kalawakan, at ginawa na magpakailanmang hiwalay ang lupa mula sa tubig, gayundin sa mga detalye kung paano Niya pinagharian at pinamahalaan ang mga bagay na Kanyang nilalang: liwanag, kalawakan, at lupa. Ano pa ang nakikita ninyo sa pagpapala ng Diyos sa sangkatauhan? Malinaw na, matapos pagpalain ng Diyos sina Abraham at Job, hindi huminto ang mga yapak ng paa ng Diyos, dahil kasisimula pa lamang Niyang iunat ang Kanyang awtoridad, at hinangad Niya na gawing realidad ang bawat isa sa Kanyang mga salita, at gawing totoo ang bawat detalye ng Kanyang binigkas, at kaya, sa mga dumating na taon, ipinagpatuloy Niya ang paggawa sa lahat ng bagay na Kanyang nilayon. Dahil may awtoridad ang Diyos, marahil sa paningin ng tao ay nagsasalita lamang ang Diyos, at nang walang pagsisikap, natutupad ang lahat ng pangyayari at bagay. Ang naturang imahinasyon ay talagang katawa-tawa! Kung kukunin mo lamang ang isang panig ng pananaw sa pagtatatag ng Diyos ng kasunduan sa tao gamit ang mga salita, at ang pagtupad ng Diyos sa lahat ng bagay gamit ang mga salita, at hindi mo nakikita ang sari-saring mga tanda at mga totoong impormasyon na ang awtoridad ng Diyos ay namamahala sa pag-iral ng lahat ng bagay, kung gayon ang iyong pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos ay walang laman at katawa-tawa! Kung iniisip ng tao na ganoon ang Diyos, kung gayon, kailangang sabihin na ang kaalaman ng tao sa Diyos ay umabot na sa hangganan, at wala nang pupuntahan, dahil ang Diyos na iniisip ng tao ay isa lamang makina na nagbababa ng mga utos at hindi ang Diyos na nagtataglay ng awtoridad. Ano ang nakita mo sa pamamagitan ng mga halimbawa nina Abraham at Job? Nakita mo ba ang totoong aspeto ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos? Matapos pagpalain ng Diyos sina Abraham at Job, hindi nanatili ang Diyos kung nasaan Siya, ni hindi Niya inutusan ang Kanyang mga mensahero habang naghihintay na makita kung ano ang kalalabasan. Kabaligtaran nito, sa sandaling binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita, sa ilalim ng gabay ng awtoridad ng Diyos, ang lahat ng bagay ay nagsimulang sumunod sa gawain na nilayong gawin ng Diyos, at nakahanda na roon ang mga tao, bagay, at layon na hinihingi ng Diyos. Ibig sabihin, sa sandaling binigkas ang mga salita mula sa bibig ng Diyos, pinagagana na ang awtoridad ng Diyos sa buong kalupaan, at nagtakda na Siya ng landas para gawin at tuparin ang mga pangako Niya kina Abraham at Job, habang ginagawa rin ang lahat ng naaangkop na mga plano at mga paghahanda para sa lahat ng hinihingi sa bawat hakbang at bawat mahalagang yugto na plano Niyang isakatuparan. Sa panahong ito, hindi lamang minaniobra ng Diyos ang Kanyang mga mensahero, kundi ang lahat din ng mga bagay na nilikha Niya. Ang ibig sabihin nito ay ang sakop kung saan ay nagamit ang awtoridad ng Diyos ay hindi lamang kinabibilangan ng mga mensahero, kundi maging ng lahat ng bagay, na minaniobra para makasunod sa gawain na nilayon Niyang tuparin; ito ang mga partikular na paraan na ginagamit ang awtoridad ng Diyos. Sa inyong mga guniguni, maaaring mayroon ang ilan ng mga sumusunod na pagkaunawa sa awtoridad ng Diyos: may awtoridad ang Diyos, at may kapangyarihan ang Diyos, at kaya kailangan lamang manatili ang Diyos sa pangatlong langit, o sa isang nakapirming lugar, at hindi kailangang gumawa ng anumang partikular na gawain, at ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay nagaganap sa loob ng Kanyang mga iniisip. May mga maaari ring maniwala na, bagama’t pinagpala ng Diyos si Abraham, hindi na kailangang gumawa ng anumang bagay ang Diyos, at sapat na para sa Kanya na bigkasin lamang ang Kanyang mga salita. Ito ba talaga ang tunay na nangyari? Malinaw na hindi! Bagama’t may taglay ang Diyos na awtoridad at kapangyarihan, tunay at totoo ang Kanyang awtoridad, hindi hungkag. Ang pagiging totoo at realidad ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay unti-unting nabubunyag at kinakatawan sa Kanyang paglikha ng lahat ng bagay, at pagkontrol sa lahat ng bagay, at sa proseso kung saan pinangungunahan at pinamamahalaan Niya ang sangkatauhan. Ang bawat paraan, bawat pananaw, at bawat detalye ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sangkatauhan at sa lahat ng bagay, at lahat ng gawain na Kanyang natupad, gayundin ang Kanyang pagkaunawa sa lahat ng bagay—ang lahat ng iyon ay literal na nagpapatunay na ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos ay hindi hungkag na mga salita. Ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ay ipinapakita at ibinubunyag nang palagian at sa lahat ng bagay. Ang mga pagpapamalas at pagbubunyag na ito ay nagsasalita tungkol sa tunay na pag-iral ng awtoridad ng Diyos, dahil ginagamit Niya ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan para ipagpatuloy ang Kanyang gawain, at para utusan ang lahat ng bagay, at para pagharian ang lahat ng bagay sa bawat sandali; ang Kanyang kapangyarihan at awtoridad ay hindi mapapalitan ng mga anghel, o ng mga mensahero ng Diyos. Pinagpasyahan ng Diyos kung anong mga pagpapala ang Kanyang ipagkakaloob kina Abraham at Job—ang Diyos ang dapat na magdesisyon nito. Kahit pa personal na bumisita ang mga mensahero ng Diyos kina Abraham at Job, ang kanilang mga kilos ay naaayon sa mga kautusan ng Diyos, at ang kanilang mga kilos ay nasa ilalim ng awtoridad ng Diyos, at gayundin, ang mga mensahero ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Bagama’t nakita ng tao ang mga mensahero ng Diyos na binisita si Abraham, at hindi nasaksihan ang Diyos na si Jehova na personal na gumawa ng anumang bagay sa mga tala sa Bibliya, sa totoo lang, ang Nag-iisang tunay na gumamit ng kapangyarihan at awtoridad ay ang Diyos Mismo, at hindi nito tinatanggap ang pagdududa ng sinumang tao! Bagama’t nakita mo na ang mga anghel at mga mensahero na nagtataglay ng matinding kapangyarihan, at nakagawa na ng mga himala, o nagawa na nila ang ilang bagay na inutos ng Diyos, ang mga pagkilos nila ay para lamang sa pagtupad ng utos ng Diyos, at ang mga ito ay walang-dudang hindi pagpapakita ng awtoridad ng Diyos—dahil walang tao o bagay ang mayroon, o nagtataglay, ng awtoridad ng Lumikha para lumikha ng lahat ng bagay at pagharian ang lahat ng bagay. Kaya walang tao o bagay ang makakagamit o makakapagpakita ng awtoridad ng Lumikha.

Di-Nagbabago at Di-Nalalabag ang Awtoridad ng Lumikha

Ano ang nakita ninyo sa tatlong bahaging ito ng kasulatan? Nakita na ba ninyo na may prinsipyo sa paggamit ng Kanyang awtoridad ang Diyos? Halimbawa, gumamit ang Diyos ng bahaghari para itatag ang kasunduan sa tao—naglagay Siya ng isang bahaghari sa kaulapan para sabihin sa tao na hindi na Niya kailanman gagamitin ang baha para sirain ang mundo. Ang bahaghari ba na nakikita ng mga tao ngayon ay pareho pa rin sa binigkas mula sa bibig ng Diyos? Nagbago na ba ang kalikasan at kahulugan nito? Walang dudang hindi ito nagbago. Ginamit ng Diyos ang Kanyang awtoridad para isakatuparan ang pagkilos na ito, at ang kasunduan na Kanyang itinatag sa tao ay nagpatuloy hanggang ngayon, at siyempre, ang panahon kung kailan mababago ang kasunduang ito ay nasa Diyos. Matapos sabihin ng Diyos “ang Aking bahaghari ay inilalagay Ko sa alapaap,” laging sumusunod ang Diyos sa kasunduang ito, hanggang sa ngayon. Ano ang nakikita mo rito? Bagama’t nagtataglay ang Diyos ng awtoridad at kapangyarihan, napakahigpit Niya at maprinsipyo sa Kanyang mga pagkilos, at nananatiling totoo sa Kanyang salita. Ang pagiging mahigpit Niya, at ang mga prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos, ay nagpapakita ng pagiging hindi nalalabag ng Lumikha at ng di-nalalampasang awtoridad ng Lumikha. Kahit na nagtataglay Siya ng kataas-taasang awtoridad, at ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng Kanyang kapamahalaan, at kahit na may kapangyarihan Siya na pagharian ang lahat ng bagay, hindi kailanman nasira o nagambala ng Diyos ang Kanyang sariling plano, at sa bawat pagkakataon na Kanyang ginagamit ang Kanyang awtoridad, ito ay mahigpit na naaayon sa Kanyang sariling mga prinsipyo, at lubos na sumusunod sa kung ano ang binigkas mula sa Kanyang bibig, at sumusunod sa mga hakbang at layon ng Kanyang plano. Hindi na kailangan pang sabihin, ang lahat ng bagay na pinaghaharian ng Diyos ay sumusunod din sa mga prinsipyo kung paano ginagamit ang awtoridad ng Diyos, at walang tao o bagay ang hindi kasali sa pagsasaayos ng Kanyang awtoridad, ni hindi nila mababago ang mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Sa mga mata ng Diyos, ang mga pinagpala ay nakakatanggap ng magandang kapalaran na dala ng Kanyang awtoridad, at ang mga isinusumpa ay nakakatanggap ng kanilang kaparusahan dahil sa awtoridad ng Diyos. Sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng awtoridad ng Diyos, walang tao o bagay ang hindi saklaw ng paggamit ng Kanyang awtoridad, ni makapagbabago ng mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Ang awtoridad ng Lumikha ay hindi nababago ng mga pag-iiba sa anumang salik, at gayundin, hindi nababago ng anumang dahilan ang mga prinsipyo kung paano ginagamit ang Kanyang awtoridad. Maaaring sumailalim sa napakalaking pagbabago ang langit at lupa, ngunit ang awtoridad ng Lumikha ay hindi magbabago; mawala man ang lahat ng bagay, ngunit hindi kailanman mawawala ang awtoridad ng Lumikha. Ito ang diwa ng di-nagbabago at di-nalalabag na awtoridad ng Lumikha, at ito mismo ang pagiging napakanatatangi ng Lumikha!

Madalas nang mangyari ngayon ang mga sakuna. Paano natin masasalubong ang Panginoon at paano tayo maililigtas ng Diyos bago ang malalaking sakuna? Magkasama tayong magsiyasat upang mahanap ang landas.

Kontakin Kami Gamit ang Messnger