Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I
Ang Awtoridad ng Diyos (I) Unang Bahagi
Ang huling ilan Kong pagbabahagi ay tungkol sa gawain ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at Diyos Mismo. Pagkatapos marinig ang mga pagbabahaging ito, pakiramdam ba ninyo ay nakatamo kayo ng pagkaunawa at pagkakilala sa disposisyon ng Diyos? Ano ang antas ng pagkaunawa at pagkakilalang natamo ninyo? Masusukat ba ninyo ito? Nagbigay ba sa inyo ang mga pagbabahaging ito ng mas malalim na pagkaunawa sa Diyos? Masasabi kaya na ang pagkaunawang ito ay tunay na pagkakilala sa Diyos? Masasabi kaya na ang pagkakilala at pagkaunawang ito sa Diyos ay pagkakilala sa kabuuang diwa ng Diyos, at sa lahat ng mayroon at kung ano Siya? Hindi, kitang-kita namang hindi! Iyan ay dahil nagbigay lamang ang mga pagbabahaging ito ng pagkaunawa sa bahagi ng disposisyon ng Diyos, at sa kung ano ang mayroon at kung ano Siya—hindi lahat ng ito sa kabuuan nito. Ang mga pagbabahaging ito ay nagpaunawa sa inyo ng bahagi ng gawaing ginawa ng Diyos noon; sa pamamagitan ng mga pagbabahaging ito, nakita ninyo ang disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, pati na rin ang pamamaraan at pag-iisip sa likod ng lahat ng Kanyang nagawa. Ngunit isa lamang itong literal at sinasalitang pagkaunawa sa Diyos, at, sa inyong mga puso, nananatili kayong hindi sigurado kung gaano karami rito ang totoo. Ano ang pangunahing nagpapasya kung mayroon bang anumang katotohanan sa pagkaunawa ng mga tao sa mga gayong bagay? Napagpapasyahan ito sa pamamagitan ng kung gaano karami sa mga salita at disposisyon ng Diyos ang tunay nilang naranasan sa kanilang mga aktwal na karanasan, at kung gaano karami ang kanilang nakita at nalaman sa kanilang mga aktwal na karanasan. Mayroon bang sinuman na nakapagsabi ng ganitong mga salita: “Ang ilang huling pagbabahagi ay nagpaunawa sa atin ng mga bagay na ginawa ng Diyos, ang mga iniisip ng Diyos, at bukod diyan, ang saloobin ng Diyos sa sangkatauhan at ang batayan ng Kanyang mga pagkilos, pati na rin ang mga prinsipyo ng Kanyang mga pagkilos. At kaya naunawaan na natin ang disposisyon ng Diyos, at nakilala na ang kabuuan ng Diyos”? Tama bang sabihin ito? Ito’y malinaw na hindi. Bakit Ko sinasabi na hindi tamang sabihin ito? Ang disposisyon ng Diyos, at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay naipapahayag sa mga bagay na Kanyang nagawa na at sa mga salitang Kanyang nasabi na. Nakikita ng tao kung anong mayroon at kung ano ang Diyos sa pamamagitan ng gawain na Kanyang nagawa na at ng mga salitang Kanyang nasabi na, ngunit ito ay para lamang sabihin na ang gawain at mga salita ay nagbibigay-kakayahan sa tao na maunawaan ang isang bahagi lamang ng disposisyon ng Diyos, at isang bahagi ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kung ninanais ng tao na magtamo pa ng mas malawak at malalim na pagkaunawa sa Diyos, dapat ay mas maranasan pa ng tao ang mga salita at gawain ng Diyos. Bagama’t ang tao ay nagtatamo lamang ng isang bahagyang pagkaunawa sa Diyos kapag nakararanas ng bahagi ng mga salita o gawain ng Diyos, ito bang bahagyang pagkaunawang ito ay kumakatawan sa tunay na disposisyon ng Diyos? Kumakatawan ba ito sa diwa ng Diyos? Sabihin pa, ito ay kumakatawan sa tunay na disposisyon ng Diyos at sa diwa ng Diyos; walang duda riyan. Anumang oras o lugar, o sa kung anumang paraan ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain, o sa kung anumang anyo Siya nagpapakita sa tao, o sa kung anong paraan Niya ipinahahayag ang Kanyang kalooban, ang lahat na Kanyang ibinubunyag at ipinahahayag ay kumakatawan sa Diyos Mismo, sa diwa ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at sa Kanyang totoong pagkakakilanlan; ito ay talagang tunay. Ngunit ngayon, ang mga tao ay may bahagyang pagkaunawa lamang sa Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, at sa pamamagitan ng kung ano ang naririnig nila kapag sila ay nakikinig sa pangangaral, at kaya sa isang tiyak na lawak, ang pagkaunawang ito ay masasabi na panteoryang kaalaman lamang. Dahil sa iyong aktwal na mga kalagayan, mapatutunayan mo lamang ang pagkaunawa o pagkakilala sa Diyos na iyong narinig, nakita, o nalaman at naintindihan na sa iyong puso ngayon kung ang bawat isa sa inyo ay pagdaraanan ito sa mga aktwal na karanasan, at nalalaman ito nang paunti-unti. Kung hindi Ko ibinahagi ang mga salitang ito sa inyo, makakamit ba ninyo ang tunay na pagkakilala sa Diyos sa pamamagitan lamang ng inyong mga karanasan? Ang gawin iyon, sa tingin Ko, ay magiging napakahirap. Iyon ay dahil kinakailangan munang taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos para malaman kung paano dumanas. Gaano man karami sa mga salita ng Diyos ang kinakain ng mga tao, gayon din ang bilang na aktwal nilang mararanasan. Nangunguna ang mga salita ng Diyos sa daan pasulong, at ginagabayan ang tao sa kanyang karanasan. Sa madaling salita, para sa mga mayroong ilang tunay na karanasan, itong ilang huling pagbabahagi ay tutulong na kanilang kamtin ang mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, at mas makatotohanang pagkakilala sa Diyos. Ngunit para sa mga walang anumang tunay na karanasan, o mga kasisimula pa lamang sa kanilang pagdanas, o kasisimula pa lamang na magising sa katotohanan, ito ay isang malaking pagsubok.
Ang pangunahing nilalaman ng ilang huling pagbabahagi ay nauukol sa “disposisyon ng Diyos, gawain ng Diyos, at Diyos Mismo.” Ano ang nakita ninyo sa mga pangunahin at sentral na bahagi ng lahat ng Aking sinabi? Sa pamamagitan ng mga pagbabahaging ito, nagagawa ba ninyong tanggapin na Siya na gumawa ng gawain, Siya na nagbunyag ng mga disposisyong ito, ay ang natatanging Diyos Mismo, na may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Kung ang sagot ninyo ay oo, paano kayo humantong sa ganitong konklusyon? Sa paghantong sa ganitong konklusyon, ilang aspeto ang isinaalang-alang ninyo? May makapagsasabi ba sa Akin? Alam Ko na naapektuhan kayo nang matindi ng mga huling kaunting pagbabahagi, at nabigyan ng bagong simula sa inyong puso para sa inyong pagkakilala sa Diyos, na maganda naman. Ngunit kahit na malaki ang iniunlad ng inyong pagkaunawa sa Diyos kumpara sa dati, ang pakahulugan ninyo sa pagkakakilanlan ng Diyos ay hindi pa umusad nang lampas sa mga pangalan ng Diyos na si Jehova ng Kapanahunan ng Kautusan, ng Panginoong Jesus ng Kapanahunan ng Biyaya, at ng Makapangyarihang Diyos ng Kapanahunan ng Kaharian. Sinasabi nitong kahit na ang mga pagbabahaging ito tungkol sa “disposisyon ng Diyos, gawain ng Diyos, at Diyos Mismo” ay nagbigay sa inyo ng kaunting pagkaunawa tungkol sa mga salitang minsan ay sinabi ng Diyos, at sa gawaing minsan ay ginawa ng Diyos, at sa Kanyang pagiging Diyos at ang mga tinataglay Niya na minsan ay ibinunyag ng Diyos, wala kayong kakayahan para magbigay ng tunay na kahulugan at tumpak na oryentasyon ng salitang “Diyos.” Wala rin kayong tunay at tumpak na oryentasyon at pagkakilala sa katayuan at pagkakakilanlan ng Diyos Mismo, na ang ibig sabihin ay tungkol sa katayuan ng Diyos sa gitna ng lahat ng bagay at sa lahat ng dako ng buong sansinukob. Iyon ay dahil, sa mga nakaraang pagbabahagi tungkol sa Diyos Mismo at sa disposisyon ng Diyos, ang lahat ng nilalaman ay batay sa nakaraang mga pagpapahayag at mga pagbubunyag ng Diyos na nakatala sa Bibliya. Ngunit mahirap para sa tao na tuklasin ang kung anong mayroon at kung ano ang Diyos na ibinubunyag at ipinahahayag ng Diyos sa panahon, o sa labas ng Kanyang pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Kaya, kahit pa naiintindihan ninyo ang Kanyang pagiging Diyos at ang mga tinataglay Niya na ibinunyag sa gawain na ginawa Niya noon, ang inyong pakahulugan sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos ay malayo pa rin mula sa “ang natatanging Diyos, ang Siyang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay,” at ito ay naiiba mula sa “ang Lumikha.” Ganito rin ang naipadama sa lahat ng huling ilang pagbabahagi: Paano malalaman ng tao ang mga iniisip ng Diyos? Kung mayroon talagang makaaalam, tiyak na ang taong iyon ay ang Diyos, dahil ang Diyos Mismo lamang ang nakaaalam ng Kanyang sariling iniisip, at ang Diyos Mismo lamang ang nakaaalam ng batayan at pamamaraan na pinagbabatayan ng lahat ng Kanyang ginagawa. Mukhang makatwiran at lohikal para sa inyo na tanggapin ang pagkakakilanlan ng Diyos sa ganoong paraan, ngunit sino ang makapagsasabi mula sa disposisyon at gawain ng Diyos na ito nga ay talagang gawain ng Diyos Mismo, at hindi gawain ng tao, ang gawain na hindi magagawa ng tao sa ngalan ng Diyos? Sino ang makakakita na ang gawaing ito ay nabibilang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Isa na mayroong diwa at kapangyarihan ng Diyos? Sinasabi nitong, sa pamamagitan ng anong mga katangian o diwa ninyo tinatanggap na Siya ay Diyos Mismo, na may pagkakakilanlan ng Diyos, at Siyang may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Naisip na ba ninyo ang tungkol diyan? Kung hindi pa, ay pinatutunayan nito ang isang katunayan: Ang mga nakaraang ilang pagbabahagi ay nagbigay lamang sa inyo ng kaunting pagkaunawa sa kapiraso ng kasaysayan kung saan ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain, at tungkol sa paraan, pagpapamalas, at mga pagbubunyag ng Diyos sa panahon ng gawaing iyon. Bagama’t ang ganoong pagkaunawa ay nagdudulot sa bawat isa sa inyo na makilala nang walang duda na Siya na nagsakatuparan nitong dalawang yugto ng gawain ay ang Diyos Mismo na inyong pinaniniwalaan at sinusundan, at Siya na nararapat na lagi ninyong sundin, hindi pa rin ninyo kayang kilalanin na Siya ay ang Diyos na umiral na mula pa sa paglikha ng mundo, at iiral magpakailanman, ni hindi ninyo kayang kilalanin na Siya ang nangunguna at may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa buong sangkatauhan. Siguradong kailanman ay hindi ninyo naisip ang tungkol sa problemang ito. Maging ito man ay si Jehova o ang Panginoong Jesus, sa pamamagitan ng aling mga aspeto ng diwa at pagpapamalas ba ninyo nagagawang kilalanin na hindi lamang Siya ang Diyos na dapat ninyong sundin, kundi ang Siya ring nag-uutos sa sangkatauhan at may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, na bukod dito, ay ang natatanging Diyos Mismo na may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa kalangitan at lupa at lahat ng bagay? Sa pamamagitan ng alin bang mga paraan ninyo nakikilala na Siya na inyong pinaniniwalaan at sinusunod ay ang Diyos Mismo na may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay? Sa pamamagitan ng aling pamamaraan ba ninyo pinag-uugnay ang Diyos na inyong pinaniniwalaan sa Diyos na may hawak ng kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Ano ang nagpapahintulot sa iyo na makilala na ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay ang natatanging Diyos Mismo, na Siyang nasa langit at nasa lupa, at nasa lahat ng bagay? Ito ang problemang Aking sasagutin sa susunod na bahagi.
Ang mga problema na kailanman ay hindi ninyo napag-isipan o hindi maiisip ay maaaring yaong pinakamahahalaga sa pagkilala sa Diyos, at kung saan maaaring makita ang mga katotohanang hindi naaarok ng tao. Kapag dumating ang mga problemang ito sa inyo, at kailangan ninyong harapin ang mga ito, at kailangan ninyong pumili, kung hindi ninyo ganap na malutas ang mga ito dahil sa inyong kahangalan at kamangmangan, o dahil ang inyong mga karanasan ay masyadong mababaw at kulang kayo sa tunay na pagkakilala sa Diyos, ang mga iyon ay magiging ang pinakamalaking balakid at pinakamatinding hadlang sa landas ng inyong paniniwala sa Diyos. Kaya nararamdaman Ko na lubos na kinakailangan na magbahagi sa inyo tungkol sa paksang ito. Alam ba ninyo kung ano ang problema ninyo ngayon? Maliwanag ba sa inyo ang mga problemang Aking sinasabi? Ang mga problema bang ito ang inyong kakaharapin? Ang mga iyon ba ang mga problemang hindi ninyo nauunawaan? Ang mga iyon ba ang mga problemang kailanman ay hindi ninyo naisip? Mahalaga ba ang mga problemang ito sa inyo? Problema ba talaga ang mga iyon? Ang bagay na ito ay pinagmumulan ng matinding kalituhan sa inyo, na nagpapakita na wala kayong tunay na pagkaunawa tungkol sa Diyos na inyong pinaniniwalaan, at hindi ninyo Siya sineseryoso. Sabi ng ibang tao, “Alam kong Siya ang Diyos, at kaya ko Siya sinusunod, ay dahil ang Kanyang mga salita ay ang pagpapahayag ng Diyos. Sapat na iyon. Anong katibayan pa ba ang kailangan? Tiyak namang hindi natin kailangang maglabas ng mga pag-aalinlangan tungkol sa Diyos? Tiyak namang hindi natin dapat subukin ang Diyos? Tiyak namang hindi natin kailangang pagdudahan ang diwa ng Diyos at ang pagkakakilanlan ng Diyos Mismo?” Kung ganito man ang paraan ng inyong pag-iisip, hindi Ko inilalabas ang ganyang mga tanong para lituhin kayo tungkol sa Diyos, o udyukin kayong subukin Siya, at lalong hindi upang bigyan kayo ng mga pag-aalinlangan tungkol sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos. Sa halip, ginagawa Ko ito para hikayatin sa loob ninyo ang mas matindi pang pagkaunawa sa diwa ng Diyos, at mas malaking katiyakan at pananalig tungkol sa katayuan ng Diyos, para ang Diyos ay maaaring maging ang Nag-iisa lamang sa puso ng lahat ng mga sumusunod sa Diyos, at upang ang orihinal na katayuan ng Diyos—bilang ang Lumikha, ang Pinuno ng lahat ng bagay, ang natatanging Diyos Mismo—ay maaaring maibalik sa puso ng bawat nilalang. Ito rin ang tema sa Aking pagbabahagi.
Simulan nating basahin ngayon ang sumusunod na mga talata mula sa Bibliya.
1. Gumamit ang Diyos ng mga Salita Para Likhain ang Lahat ng Bagay
Genesis 1:3–5 At sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng liwanag;” at nagkaroon ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag, na ito ay mabuti, at inihiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at tinawag Niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw.
Genesis 1:6–7 At sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig.” At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon.
Genesis 1:9–11 At sinabi ng Diyos, “Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako,” at lumitaw ang tuyong lupain, at nagkagayon. At tinawag ng Diyos ang tuyong lupain na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag Niyang mga Dagat: at nakita ng Diyos na mabuti. At sinabi ng Diyos, “Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kanyang pagkakahoy, na taglay ang kanyang binhi sa ibabaw ng lupa,” at nagkagayon.
Genesis 1:14–15 At sinabi ng Diyos, “Magkaroon ng mga tanglaw sa kalawakan ng langit upang maghiwalay ng araw sa gabi; at maging pinakatanda, at pinakabahagi ng panahon, ng mga araw at ng mga taon: At maging pinakatanglaw sa kalawakan ng langit, upang tumanglaw sa ibabaw ng lupa:” at nagkagayon.
Genesis 1:20–21 At sinabi ng Diyos, “Bukalan nang sagana ang tubig ng mga gumagalaw na nilikha na may buhay, at magsilipad ang mga ibon sa itaas ng lupa sa bukas na kalawakan ng himpapawid.” At nilikha ng Diyos ang malalaking hayop sa dagat, at ang bawat may buhay na nilikha na gumagalaw, na ibinukal na sagana ng tubig, ayon sa kani-kanyang uri at ang lahat na may pakpak na ibon, ayon sa kani-kanyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
Genesis 1:24–25 At sinabi ng Diyos, “Bukalan ang lupa ng mga may buhay na nilikha ayon sa kani-kanyang uri, ng bakahan at ng mga nilikha na umuusad, at ng mga hayop sa lupa, ayon sa kani-kanyang uri:” at nagkagayon. At nilikha ng Diyos ang hayop sa lupa ayon sa kanyang uri, at ang bakahan ayon sa kanyang uri, at ang bawat umuusad sa ibabaw ng lupa ayon sa kani-kanyang uri: at nakita ng Diyos na ito ay mabuti.
Sa Unang Araw, ang Araw at Gabi ng Sangkatauhan ay Isinilang at Itinatag, Salamat sa Awtoridad ng Diyos
Tingnan natin ang unang talata: “At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng liwanag;’ at nagkaroon ng liwanag. At nakita ng Diyos ang liwanag, na ito ay mabuti, at inihiwalay ng Diyos ang liwanag sa kadiliman. At tinawag ng Diyos ang liwanag na Araw, at tinawag Niya ang kadiliman na Gabi. At nagkahapon at nagkaumaga ang unang araw” (Genesis 1:3–5). Inilalarawan ng talatang ito ang unang kilos ng Diyos sa simula ng paglikha, at ang unang araw na pinalipas ng Diyos kung saan ay mayroong gabi at umaga. Ngunit ito ay isang hindi pangkaraniwang araw: Nagsimula ang Diyos na ihanda ang liwanag para sa lahat ng bagay, at, dagdag pa rito, hinati Niya ang liwanag mula sa kadiliman. Sa araw na ito, nagsimulang magsalita ang Diyos, at magkasamang umiral ang Kanyang mga salita at awtoridad. Nagsimulang makita ang Kanyang awtoridad sa lahat ng bagay, at ang kapangyarihan Niya ay kumalat sa lahat ng bagay bilang resulta ng Kanyang mga salita. Simula sa araw na ito, ang lahat ng bagay ay nabuo at naitatag dahil sa mga salita ng Diyos, sa awtoridad ng Diyos, at sa kapangyarihan ng Diyos, at nagsimula silang gumana, salamat sa mga salita ng Diyos, sa awtoridad ng Diyos, at sa kapangyarihan ng Diyos. Nang sinabi ng Diyos ang mga salitang “Magkaroon ng liwanag,” nagkaroon nga ng liwanag. Hindi sumabak ang Diyos sa anumang sapalaran; lumitaw ang liwanag bilang resulta ng Kanyang mga salita. Ito ang liwanag na tinawag ng Diyos na araw, at kung saan nakadepende pa rin ngayon ang tao para sa kanyang pag-iral. Sa pamamagitan ng utos ng Diyos, ang diwa at halaga nito ay hindi kailanman nagbago, at hindi ito kailanman naglaho. Ipinapakita ng pag-iral nito ang awtoridad at kapangyarihan ng Diyos, at ipinoproklama ang pag-iral ng Lumikha. Pinagtitibay nito, nang paulit-ulit, ang pagkakakilanlan at katayuan ng Lumikha. Hindi ito bagay na di-nahahawakan, o ilusyon, kundi isang tunay na liwanag na makikita ng tao. Simula sa mga oras na iyon, dito sa mundong walang-laman na kung saan “ang lupa ay walang anyo at walang laman; at ang kadiliman ay sumasa ibabaw ng kalaliman,” nagawa ang unang materyal na bagay. Ang bagay na ito ay nanggaling mula sa mga salita ng bibig ng Diyos, at lumitaw sa unang gawain ng paglikha ng lahat ng bagay dahil sa awtoridad at mga pagbigkas ng Diyos. Hindi nagtagal, inutusan ng Diyos na maghiwalay ang liwanag at kadiliman…. Nagbago at nakumpleto ang lahat dahil sa mga salita ng Diyos…. Tinawag ng Diyos itong liwanag na “Araw,” at tinawag Niya ang kadiliman na “Gabi.” Noong oras na iyon, ginawa ang unang gabi at ang unang umaga sa mundong nilayong likhain ng Diyos, at sinabi ng Diyos na ito ang unang araw. Ang araw na ito ang unang araw ng paglikha sa lahat ng bagay ng Lumikha, at ang simula ng paglikha ng lahat ng bagay, at ang unang pagkakataon na ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay naipakita sa mundong ito na Kanyang nilikha.
Sa pamamagitan ng mga salitang ito, nagagawa ng tao na mamasdan ang awtoridad ng Diyos at ng mga salita ng Diyos, at gayundin ng kapangyarihan ng Diyos. Dahil Diyos lamang ang may angkin ng naturang kapangyarihan, kaya Diyos lamang ang mayroong naturang awtoridad; dahil angkin ng Diyos ang naturang awtoridad, kaya Diyos lamang ang mayroon ng naturang kapangyarihan. Maaari bang magtaglay ang sinumang tao o bagay ng awtoridad at kapangyarihang tulad nito? Mayroon bang sagot sa inyong mga puso? Bukod sa Diyos, mayroon bang nilikha o di-nilikha na may angkin ng gayong awtoridad? Nakakita na ba kayo ng halimbawa ng gayong bagay sa anumang libro o lathalain? Mayroon bang anumang tala na may isang lumikha ng kalangitan at lupa at ng lahat ng bagay? Wala ito sa anumang ibang libro o talaan; siyempre, ang mga ito ang tanging mga salita tungkol sa kagila-gilalas na paglikha ng Diyos sa mundo na may awtoridad at makapangyarihan, na nakatala sa Bibliya; ang mga salitang ito ay nangungusap para sa natatanging awtoridad at pagkakakilanlan ng Diyos. Maaari bang sabihing ang naturang awtoridad at kapangyarihan ay sumasagisag sa natatanging pagkakakilanlan ng Diyos? Maaari bang sabihin na ang mga iyon ay taglay ng Diyos, at ng Diyos lamang? Walang alinlangang ang Diyos Mismo lamang ang may angkin ng naturang awtoridad at kapangyarihan! Ang awtoridad at kapangyarihang ito ay hindi maaaring angkinin o palitan ng anumang nilikha o di-nilikha! Isa ba ito sa mga katangian ng natatanging Diyos Mismo? Nasaksihan na ba ninyo ito? Ang mga salitang ito ay mabilis at malinaw na nagpapaunawa sa mga tao sa katunayan na ang Diyos ay nagtataglay ng natatanging awtoridad, at natatanging kapangyarihan, at ng pinakamataas na pagkakakilanlan at katayuan. Mula sa pagbabahaginan sa itaas, masasabi ba ninyo na ang Diyos na pinaniniwalaan ninyo ay ang natatanging Diyos Mismo?
Sa Ikalawang Araw, Isinaayos ng Awtoridad ng Diyos ang mga Katubigan, at Ginawa ang Kalawakan, at Lumitaw ang Isang Puwang Para sa Pinakapayak na Pagpapatuloy ng Pamumuhay ng Tao
Basahin natin ang ikalawang talata ng Bibliya: “At sinabi ng Diyos, ‘Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig.’ At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan: at nagkagayon” (Genesis 1:6–7). Anong mga pagbabago ang nangyari matapos sabihin ng Diyos ang “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig, at mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig”? Sa mga Kasulatan sinasabi na: “At ginawa ng Diyos ang kalawakan, at inihiwalay ang tubig na nasa ilalim ng kalawakan, sa tubig na nasa itaas ng kalawakan.” Ano ang resulta matapos itong sabihin at gawin ng Diyos? Ang kasagutan ay nakalagay sa huling bahagi ng talata: “at nagkagayon.”
Ang dalawang maiikling pangungusap na ito ay nagtatala ng isang kagila-gilalas na pangyayari, at naglalarawan ng isang kamangha-manghang tagpo—ang napakalaking gawain kung saan ay pinamahalaan ng Diyos ang mga katubigan, at nilikha ang espasyo kung saan ang tao ay maaaring umiral …
Sa larawang ito, ang mga katubigan at ang kalawakan ay lumilitaw sa harap ng Diyos sa isang iglap, at ang mga ito ay pinaghiwalay ng awtoridad ng mga salita ng Diyos, at pinaghiwalay sa “itaas” at sa “ibaba” sa paraang itinakda ng Diyos. Ibig sabihin, hindi lamang saklaw ng kalawakan na nilikha ng Diyos ang mga katubigan sa ibaba, ngunit hinahawakan din nito ang mga katubigan sa itaas…. Dito, walang magagawa ang tao kundi ang tumitig, matulala, at mamangha sa lakas ng Kanyang awtoridad at sa kaningningan ng tagpo kung saan inilipat at inutusan ng Lumikha ang mga katubigan, at nilikha ang kalawakan. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at ng kapangyarihan ng Diyos, at ng awtoridad ng Diyos, naisakatuparan ng Diyos ang isa pang dakilang gawain. Hindi ba ito ang kapangyarihan ng awtoridad ng Lumikha? Gamitin natin ang mga kasulatan upang ipaliwanag ang mga gawa ng Diyos: Sinambit ng Diyos ang Kanyang mga salita, at dahil sa mga salitang ito ng Diyos ay nagkaroon ng kalawakan sa gitna ng mga katubigan. At kasabay nito, isang napakalaking pagbabago ang nangyari sa kalawakang ito dahil sa mga salitang ito ng Diyos, at hindi ito isang ordinaryong pagbabago, kundi isa itong uri ng paghalili kung saan mula sa wala ay nagkaroon ng isang bagay. Ito ay isinilang mula sa mga iniisip ng Lumikha, at naging isang bagay mula sa wala dahil sa mga salita na sinambit ng Lumikha, at, higit pa roon, mula sa puntong ito, ito ay iiral at di-matitinag para sa kapakanan ng Lumikha, at lilipat, magbabago, at mapapanibago alinsunod sa mga iniisip ng Lumikha. Inilalarawan ng talatang ito ang pangalawang kilos ng Lumikha sa Kanyang paglikha ng buong mundo. Ito ay isa pang pagpapahayag ng awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at isa pang kauna-unahang gawain ng Lumikha. Ang araw na ito ay ang ikalawang araw na pinalipas ng Lumikha simula sa pagtatatag ng mundo, at ito ay isa pang kahanga-hangang araw para sa Kanya: Siya ay naglakad sa gitna ng liwanag, dinala Niya ang kalawakan, inayos at pinamahalaan Niya ang mga katubigan, at ang Kanyang mga gawa, ang Kanyang awtoridad, at ang Kanyang kapangyarihan ay pinagana sa bagong araw …
May kalawakan na ba sa gitna ng mga katubigan bago binigkas ng Diyos ang Kanyang mga salita? Siyempre wala! At paano naman noong matapos sabihin ng Diyos na “Magkaroon ng isang kalawakan sa gitna ng tubig”? Lumitaw ang mga bagay na nilayon ng Diyos; nagkaroon ng kalawakan sa gitna ng mga katubigan, at naghiwalay ang mga katubigan dahil sinabi ng Diyos na “Mahiwalay ang tubig sa kapwa tubig.” Sa paraang ito, kasunod ng mga salita ng Diyos, dalawang bagong bagay, dalawang bagong silang na bagay ang lumitaw sa kalagitnaan ng lahat ng bagay bilang resulta ng awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Ano ang pakiramdam ninyo sa paglitaw ng dalawang bagong bagay na ito? Dama ba ninyo ang kadakilaan ng kapangyarihan ng Lumikha? Ramdam ba ninyo ang natatangi at pambihirang puwersa ng Lumikha? Ang kadakilaan ng naturang puwersa at kapangyarihan ay dahil sa awtoridad ng Diyos, at ang awtoridad na ito ay isang pagkatawan sa Diyos Mismo, at isang natatanging katangian ng Diyos Mismo.
Binigyan ba kayo ng talatang ito ng isa pang malalim na pakiramdam ng pagiging natatangi ng Diyos? Sa totoo lang, hinding-hindi pa ito sapat; ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha ay lampas na lampas pa rito. Ang Kanyang pagiging natatangi ay hindi lamang dahil mayroon Siyang diwa na hindi katulad ng anumang nilikha, kundi ito rin ay dahil ang Kanyang awtoridad at kapangyarihan ay pambihira, walang limitasyon, kataas-taasan sa lahat, at tumatayo sa ibabaw ng lahat, at bukod dito, dahil ang Kanyang awtoridad at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay makakalikha ng buhay, makakagawa ng mga himala, at makakalikha ng lahat ng kagila-gilalas at pambihirang minuto at segundo. Kasabay nito, kaya Niyang pamahalaan ang buhay na Kanyang nililikha, at hinahawakan ang kataas-taasang kapangyarihan sa mga himala at sa bawat minuto at segundo na Kanyang nililikha.
Sa Pangatlong Araw, Nagbigay ng Buhay sa Lupa at sa mga Karagatan ang mga Salita ng Diyos, at Nagdulot ang Awtoridad ng Diyos sa Mundo ng Nag-uumapaw sa Sigla
Susunod, basahin natin ang unang pangungusap sa Genesis 1:9–11: “At sinabi ng Diyos, ‘Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako,’ at lumitaw ang tuyong lupain.” Ano ang mga pagbabagong naganap matapos lamang sabihin ng Diyos ang, “Mapisan ang tubig na nasa silong ng langit sa isang dako, at lumitaw ang tuyong lupain”? At ano ang nasa espasyong ito bukod sa liwanag at sa kalawakan? Sa mga Kasulatan, nasusulat ito: “At tinawag ng Diyos ang tuyong lupain na Lupa, at ang kapisanan ng tubig ay tinawag Niyang mga Dagat: at nakita ng Diyos na mabuti.” Ibig sabihin, nagkaroon na ngayon ng lupa at mga karagatan sa espasyong ito, at napaghiwalay na ang lupa at karagatan. Ang paglitaw ng mga bagong bagay na ito ay sumunod sa utos mula sa bibig ng Diyos, “at nagkagayon.” Inilalarawan ba sa Kasulatan na naging abala ang Diyos habang ginagawa Niya ito? Inilalarawan ba nito na Siya ay pisikal na gumagawa? Kaya, paano ba ito ginawa ng Diyos? Paano ba nagawa ng Diyos na mabuo ang mga bagong bagay na ito? Malinaw na gumamit ang Diyos ng mga salita para makamit ang lahat ng ito, para likhain ang kabuuan nito.
Sa tatlong mga talata sa itaas, natutuhan natin ang mga pangyayari ng tatlong malalaking kaganapan. Nangyari at naisakatuparan ang tatlong malalaking kaganapang ito sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at dahil sa Kanyang mga salita kaya isa-isa at magkakasunod na lumitaw ang mga ito sa harapan ng Diyos. Kaya makikita na ang mga salitang “Nagsasalita ang Diyos, at matutupad ito; iniuutos Niya, at maitatatag ito” ay hindi hungkag na mga salita. Ang diwang ito ng Diyos ay kumpirmado agad sa sandali na ang Kanyang mga iniisip ay nabubuo, at kapag ibinubuka ng Diyos ang Kanyang bibig para magsalita, lubos na nasasalamin ang Kanyang diwa.
Magpatuloy tayo sa huling pangungusap ng talatang ito: “At sinabi ng Diyos, ‘Sibulan ang lupa ng damo, pananim na nagkakabinhi, at punong kahoy na namumunga ayon sa kanyang pagkakahoy, na taglay ang kanyang binhi sa ibabaw ng lupa,’ at nagkagayon.” Habang nagsasalita ang Diyos, ang lahat ng bagay na ito ay nagkaroon ng buhay alinsunod sa mga iniisip ng Diyos, at sa isang iglap, ang iba’t ibang uri ng mga napakakomplikadong maliliit na anyo ng buhay ay walang tigil sa pag-usli ng kanilang mga ulo palabas ng lupa, at bago pa man nila maipagpag ang maliliit na dumi mula sa kanilang mga katawan, sabik na silang kumakaway sa bawat isa para bumati, tumatango at ngumingiti sa mundo. Pinasalamatan nila ang Lumikha sa buhay na Kanyang ibinigay sa kanila, at inihayag sa mundo na bahagi sila ng lahat ng bagay, at ang bawat isa sa kanila ay maglalaan ng kanilang mga buhay sa pagpapakita ng awtoridad ng Lumikha. Habang binibigkas ang mga salita ng Diyos, naging malago at berde ang lupa, tumubo at umusbong mula sa lupa ang lahat ng uri ng mga halaman na maaaring tamasahin ng tao, at ang mga bundok at kapatagan ay nagkaroon ng napakaraming puno at kagubatan…. Itong tigang na mundo, na walang anumang bakas ng kasiglahan, ay mabilis na natakpan ng mga masaganang damo, mga halaman at mga puno at umaapaw sa kaberdehan…. Ang samyo ng damo at ang halimuyak ng lupa ay kumalat sa hangin, at nagsimula ang mga uri ng halaman na huminga kasabay ng sirkulasyon ng hangin, at nagsimula sa proseso ng paglaki. Kasabay nito, salamat sa mga salita ng Diyos at alinsunod sa mga iniisip ng Diyos, ang lahat ng halaman ay nagsimula ng tuluy-tuloy na siklo ng buhay kung saan sila ay lumalago, namumulaklak, namumunga, at dumarami. Nagsimula silang sumunod nang mahigpit sa kani-kanilang mga landas ng buhay at nagsimulang gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin sa gitna ng lahat ng bagay…. Isinilang silang lahat, at nabuhay, dahil sa mga salita ng Lumikha. Tatanggap sila ng walang-humpay na panustos at pagpapakain mula sa Lumikha, at laging makapagpapatuloy na mabuhay nang may katatagan sa bawat sulok ng lupain para maipakita ang awtoridad at kapangyarihan ng Lumikha, at lagi nilang ipapakita ang pwersa ng buhay na ipinagkaloob sa kanila ng Lumikha …
Katangi-tangi ang buhay ng Lumikha, katangi-tangi ang Kanyang mga iniisip, at katangi-tangi ang Kanyang awtoridad, at kaya kapag binigkas ang Kanyang mga salita, ang huling resulta ay “at nagkagayon.” Malinaw na, hindi kailangan ng Diyos na gumawa gamit ang Kanyang mga kamay kapag Siya ay kumikilos; ginagamit Niya lamang ang Kanyang mga iniisip para mag-utos at ang Kanyang mga salita para mag-atas, at sa ganitong paraan, nakakamit ang mga bagay-bagay. Sa araw na ito, tinipon ng Diyos ang mga katubigan sa iisang lugar, at pinalitaw ang tuyong lupa, pagkatapos ay pinausbong ng Diyos ang damo mula sa lupa, at tumubo roon ang mga halaman na nagbibigay ng mga buto, at ang mga puno na namumunga, at pinagsama-sama ng Diyos ang bawat isa sa mga iyon ayon sa uri, at nagsanhi sa bawat isa na magkaroon ng sarili nitong buto. Nangyari ang lahat ng ito ayon sa mga iniisip ng Diyos at sa mga utos ng mga salita ng Diyos, at lumitaw ang bawat isa nang magkakasunod, dito sa bagong mundo.
Nang hindi pa Niya nasisimulan ang Kanyang gawain, mayroon nang larawan ang Diyos sa Kanyang isipan kung ano ang nilalayon Niyang makamit, at nang simulan ng Diyos ang pagsasakatuparan ng mga bagay na ito, na kung kailan din ay ibinuka ng Diyos ang Kanyang bibig para bigkasin ang nilalaman ng larawang ito, nagsimulang mangyari ang mga pagbabago sa lahat ng bagay, salamat sa awtoridad at kapangyarihan ng Diyos. Kung paano man ito ginawa ng Diyos, o ginamit ang Kanyang awtoridad, ang lahat ay isa-isang nakamit nang naaayon sa plano ng Diyos at dahil sa mga salita ng Diyos, at nang paisa-isang hakbang, nangyari ang mga pagbabago sa pagitan ng langit at lupa, salamat sa mga salita at awtoridad ng Diyos. Ipinakita ng lahat ng pagbabago at pangyayaring ito ang awtoridad ng Lumikha, at ang pagiging di-karaniwan at kadakilaan ng kapangyarihan ng buhay ng Lumikha. Ang Kanyang mga iniisip ay hindi mga simpleng ideya, o isang blankong larawan, kundi isang awtoridad na nagtaglay ng kasiglahan at pambihirang lakas, at ang mga iyon ang kapangyarihang nagsasanhi para ang lahat ng bagay ay mabago, sumigla, mapanibago, at mawala. Dahil dito, gumagana ang lahat ng bagay dahil sa Kanyang mga iniisip, at, kasabay nito ay nakakamit dahil sa mga salita mula sa Kanyang bibig …
Bago lumitaw ang lahat ng bagay, matagal nang nabuo sa isipan ng Diyos ang isang kumpletong plano, at matagal nang nagawa ang isang bagong mundo. Bagama’t sa pangatlong araw noon lumitaw ang lahat ng uri ng mga halaman sa lupa, walang dahilan ang Diyos para pigilan ang mga hakbang ng Kanyang paglikha sa mundong ito; sinadya Niyang magpatuloy sa pagbigkas sa Kanyang mga salita, para magpatuloy na maisagawa ang paglikha ng bawat bagong bagay. Magsasalita Siya, ibibigay ang Kanyang mga utos, at gagamitin ang Kanyang awtoridad at ipapakita ang Kanyang kapangyarihan, at inihanda Niya ang lahat ng bagay na Kanyang naiplano na para ihanda ang lahat ng bagay at ang sangkatauhan na nilalayon Niyang likhain …
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.